Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Ken Alorro Sep 2015
Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang mga luhang nanlalamig
Luhang ikaw mismo ang nagdulot
Mga luhang ni minsa'y di inakalang manggagaling
sa pagmumukhang ito

Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang sakit na ikaw mismo ang nagdulot
Mahal, 'wag nang itanggi
Ikaw ang nagdulot nito.

Sa anim na bote ng alak, tinapos ko ang bawat sandaling kapiling ka
Sa mga sinehan na pinuntahan, sa mga kamang inilapag ang mga katawan, sa mga piling lugar o sa kahit saang sulok na ninais.

Sa anim na bote ng alak, tinapos kita.

Ang unang bote ng alak ay para sa iyong panlalamig
Totoo, nanlamig ka
Mas malamig pa sa boteng hawak-hawak
Sa bawat gabing kapiling ka, ang mga bisig mo lamang ang nagsisilbing unan
Oo mahal, nasa bisig mo ako, pero ang lamig na.

Ang pangalawang bote ng alak ay para sa'yong di pagpaparamdam
Nagdaan ang mga araw na nasanay akong wala ka
Nasanay akong mag isa sa bawat gabing ako'y may pangangailangan
Nasanay akong bigyan ng init ang sarili gamit ang mga kamay
Sinanay ko ang sarili
Pero higit sa lahat, sinanay mo ako

Ang pangatlong bote ng alak ay para sa iyong pagsisinungaling
Alam kong nagsinungaling ka na wala kang iba
Pag uwi mo sa akin, iba ang amoy, iba ang itsura
Kasi naman diba? Iba na ang nag-alaga
"I love you" sabi mo, pero sinungaling ka
Sinungaling

Ang pang-apat na bote ng alak ay para sa hindi mo pag-uwi sa akin
Mahal, ako ang iyong tahanan
Pero pinili mo ang lansangan

Ang pang-lima na bote ng alak ay para sa hindi mo pag alala
Pinili **** limutin ang ating mga sarili
Pinili **** maging bulag upang di ako makitang nasasaktan
Puta ka? Sana naging bulag ka na lang talaga

Ang pang-anim at panghuling bote ng alak ay para sa hindi mo pag-laban
Ipinaglaban kita
Ipinaglaban kita sa mga taong pilit tayong paghiwalayin
Ipinaglaban kita sa mga kaibigan ko
Ipinaglaban kita sa buong mundo
Pero please naman, ipaglaban mo rin ang sarili mo
Gawin mo para sa'yo


Sa anim na bote ng alak
Tinapos ko ang lahat at naitanong ang sarili
Sino nga ba ang nagpapasya kung minahal kita o hindi?
Ikaw ba? Sila?
Hindi ikaw! Hindi sila! Kundi ako!
Hindi sila ang magpapasya kung inibig kitang tunay
Dahil sa huli
Ako ang nagmahal, hindi sila
Ako ang nasaktan, hindi sila

Sa anim na bote ng alak
Tatapusin na kita at patuloy pa kitang tatapusin hanggang sa hindi maghilom ang sugat sa puso na pinili **** iwaksi.
Stephanie Aug 2018
Para sa Pusong Iniwan
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Umuulan na naman pala
Basa na naman ang kalsada
Malamig na naman ang dampi ng hanging nagmumula sa bukas na bintana
Gabi na rin pala, nalipasan na nang gutom,
Nakapatay ang ilaw sa kwarto, pero maya’t mayang binibisita ng liwanag ng kidlat
ang malungkot na gabi
Ang hirap pala ngumiti kung may luhang dumadampi sa mga pisngi
Nakakatawa kasi eh. Buti pa ang kidlat bumibisita
Buti pa ang kidlat, may hatid na liwanag, tapos yayakapin ka ng kakaibang lamig ng haplos ng hanging dala nito
Mabuti pa ang ulan, bumubuhos na parang malayang-malaya
Bumubuhos kasama ng mga luha
Bumubuhos kasama ng mga sakit na iniwan
Bumubuhos kasabay ng pagluha ng pusong iniwan.

Umaga na naman pala
Buti nalang nagising ng maaga
Haharap sa mesa, at kagaya ng nakasanayan, magtitimpla ng mainit na kape
Tatangkaing gisingin ang diwa, susubukang palitan ng init ang hatid na lamig ng gabi
Iba talaga ‘pag hinahatid ka ng sariling paghikbi sa kapayapaan ng mundo ng mga panaginip
Doon kung saan walang sakit, yung bang walang imposible
Heto na naman, panibagong araw
Araw-araw kong nasisilayan ang sigla ng sikat ng araw pero bakit dama pa rin yung dilim kinagabihan
Hindi pa rin matanaw ang liwanag
Tinangay mo kasi
Sinama mo sa pag-alis
Bakit naman kasi ang bilis? Hindi man lang ako nakapagpaalam

Tanghali na pala
Oras na ng kain.
At tulad ng dati, inaaya pa rin nila ko kumain
At tulad ng dati, tumatanggi pa rin
Kasi alam ko pupuntahan mo ko tapos sabay tayong kakain
Dun sa dati, sa paborito natin
Tanghalian na pala
Pero imbis na sa pagkain ay sa telepono ako nakatingin
Hindi man aminin pero sa loob loob ko’y naghihintay pa rin
Para sa iyong “kumain ka na ba?” o “Puntahan kita, kain tayo”
Hingang malalim, yung may kasamang matinding damdamin

Ilang tanghalian pa at malilimutan rin kita

Malilimutan ko rin yung ningning sa’yong mga mata kapag kausap kita
Yung mga biro **** corny pero tatawanan ko pa rin kasi habang binabanggit mo yun, natutuwa  ako
Natutuwa ako na kasama kita
Natutuwa ako na kausap kita
Natutuwa ako kasi akin ka
Natutuwa ako kasi ang cute mo, para kang batang masayahin
Natutuwa ako kasi magkasama tayo
Natutuwa ako kasi solo natin ang bawat sandali
Natutuwa ako kasi ikaw yan at mahal kita

Yun. Tumpak! Mahal pa rin kita.


Matagal na rin pala.
At hindi na tulad ng dati
Memoryado ko na lahat ng pasikot-sikot ng pagkatao mo
Ginawa kasi kitang mundo ko
Mahirap.
Masakit.
At para lang malaman mo, hindi kita kinabisado na tila mga salita sa paborito nating kanta para lang limutin
Mahirap.
Masakit.
Hindi naman kasi kita ginawang mundo para lang lisanin
Pero hindi naman talaga kita nilisan, mahal.
Ikaw yung nang-iwan
Ikaw yung sumuko
Ikaw yung bumitaw
At matagal na rin pala
Nung sinabi mo sakin na “Malaya ka na” alalang-ala ko pa. Yun yung panahon kung kalian ayaw kong lumaya. Ayaw kong lumaya sa pag-ibig mo. Gusto ko masintensyahan ng habang-buhay na pagkakulong dyan sa puso mo, sa buhay mo.

Pinilit ko kumapit pero kinalagan mo ako, pangako, pinilit ko pero pinalaya mo ako

Matagal na rin pala
Mahirap pa rin.
Masakit pa rin.
Ako nalang ang hinihintay. Siguro’y panahon na.
Para sarili ko naman yung palayain ko
Hindi naman siguro kailangang pilitin
Hindi naman kasi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging parte na rin ng pagkatao ko
Pero para sa ikalalaya ng pusong iniwan
Para sa ikagagaling ng pusong lubos na nasaktan
Sisimulan ko na…..                makalimot.

Pero teka…


Umuulan na naman pala.
Wag naman sana pero ayan na, papatak na naman pala


Maaalala na naman kita.
I just have every pain and smiles enough to write this piece, not necessarily the experiences. Perhaps, with all my heart
Stephanie Apr 2019
isinulat ni: Stephanie Dela Cruz

\

isang daang tula.
sabi ko noon ay bibigyan kita ng isang daang tula
mga tulang magiging gabay mo kung sakaling mawala ka man sa akin, o kung ilayo ka man ng ating mga tadhana, o kung paalisin mo na ko sayong tabi,
ngunit pangako, hinding hindi magiging dahilan ang kusa kong pag alis, pangako yan.
itong mga tulang ito ang magiging gabay mo kung sakaling maisip **** ako ang kailangan mo at ako ang gusto **** makasama hanggang dulo
itong mga tulang ito ang magiging resibo mo, magiging ebidensya ito ng kung paano kita minahal ng pagmamahal na hindi mo kailanman naibigay sa akin

isang daang tula.
alam mo bang tula ang una kong minahal kaysa sa iyo
ibinuhos ko lahat ng mga inspirasyon, pag-ibig, luha at pati tulog ko'y isinantabi ko na para sa kanila
dahil ako rin ang mga tulang ito,
alam mo namang isa kong babasaging salamin na paulit ulit na binabasag ng mga taong gustong maglabas ng sama ng loob, ng matinding emosyon, isang salaming kakamustahin kapag gusto nilang ipaalala sa sarili nila na maganda sila at mahalaga at kamahal-mahal at importante...
ako nga ang mga tulang ito, at paulit ulit kong pinaghirapang buuin muli ang aking sarili, ang bawat dinurog na piraso ko'y sinusubukang buuin muli gamit ang hinabing mga tula
itinago ko sa bawat maririkit na salita ang mga lamat na hindi na maaalis pero pipilitin ko...
at sa huli naisip kong hindi ko lang pala gustong sumulat at bumigkas ng tula..
gusto ko rin maging tula ng iba, na mamahalin ako katulad ng pagmamahal na ibinuhos ko sa mga ito

at ayun nga... dumating ka.

ngunit tanong ko pa rin sa aking sarili itong palaisipan...  "naging tula mo ba ko talaga?"


hindi.

dahil hindi ka naman talaga interesado sa mga tula.


alam ko naman kung anong nais mo talaga..

ang gusto mo'y musika.


maganda, masarap sa pandinig, masasabayan mo sa pagsayaw... maipagmamalaki.


hindi naman ako musika... isa lamang akong tula.



isang daang tula.
alam mo bang kung nakakapagsalita lamang ang aking mga sinulat ay sigurado akong magtatampo sila
dahil naisulat na ang tulang bukod tangi sa lahat, tulang pinaka mamahal ko higit sa lahat
ito ay ang bawat tulang isinulat ko para sa iyo..
isa... dalawa... tatlo.. hindi ko na mabilang kung gaano karaming tula na ba ang naisulat ko para sayo
ngunit mas marami ata yung mga tulang isinulat ko nang dahil sayo
at wag kang mabibigla kung sasabihin kong hindi lahat ng iyon ay puro kilig, puro saya, puro tamis ng sandaling kasama kita
dahil sa bawat pagkakataong hindi mo namamalayang sinasaktan mo ako ay sumusulat ako ng tula
may mga pagkakataong ikaw ang dahilan ng mga luhang siyang naging tinta nitong aking pluma na pinangsulat ko ng tula

wag kang mag-aalala, hindi nasasapawan ng kahit anong sakit at pait ang pagmamahal ko sa iyo. :)


isang daang tula.
teka, kailan ba tayo nagsimula?
napakabilis ng panahon, lumilipas na kasing bilis ng pagningning ng mga bituin sa gabi
hindi pa tayo tapos mangarap ngunit tumitigil na... natapos na ang pagkinang.
inaawat na tayo ng kalawakan... o teka... mali pala... dahil ikaw ang umawat sa kalawakan
pinatay mo ang sindi ng pinakamakinang na bituing pinangakuan ko ng wagas na pagmamahal sa'yo habambuhay
wala nang natira.. pati ang mga bulalakaw na nagdadala ng milyong paghiling kong makasama ka hanggang dulo ay wala na, lumisan na
at hindi ko naman inasahan na sasama ka sa kanila
hinihintay kong hawakan **** muli ang aking kamay nang mas mahigpit sa paghawak ko ng kamay mo katulad ng una't pangalawang beses nating pagkikita pero
binitawan mo ako mahal



isang daang tula...












teka muna mahal, hindi ko pa naisusulat ang pang isang daan
bakit ka'y bilis mo namang umalis... hindi mo man lang hinintay na matapos ko ang mga tulang ito na nagpapatunay na minsan may tayo


pero pangako...


tatapusin ko itong isang daang tula at hindi ito magtatapos sa pang isang daan dahil susulat pa ko ng mas marami, susulat ako nang mas marami pa hanggang sa hindi na ikaw ang tinutukoy ng mga salita sa aking tula, hanggang sa hindi na ikaw ang buhay nitong aking pagtula...
ipapaalala ko sa aking sarili na ako ang mga tulang ito at hindi ako magtatapos sa panahong pinili **** umalis kesa basahin ako, pinili **** iwanan ang tunay na nagmamahal sayo, sabi mo iingatan mo ang puso ko ngunit hindi mo ba alam? ikaw ang muling sumira nito kaya't heto... may dahilan nanaman para sumulat ako ng tulang magbubuo ng mga piraso ng aking sarili na dinurog mo... pinili **** saktan ako, pinili **** lumayo para sa sarili mo, pinili **** maghanap ng mas maganda at mas higit sa akin, ang dami dami **** pinili mahal ngunit bakit hindi ako ang isa sa mga pinili mo? ah. alam ko na. dahil nga pala may mas higit pa sa pagpipilian kaya bakit nga ba ako ang pipiliin mo diba?


pero pinapangako ko... isa lamang akong tulang hindi mo pinag-aksayahan ng oras para basahin ngunit balang araw ay magkakaroon din ako ng sukat at tugma, ang mga salita sa aking malayang pagsulat ay tatawaging liriko at kapag ganap na akong maging musika... pangako.... huling pangako ko na ito para sayo kaya't makinig kang mabuti...




mapasabay ka man sa  saliw ng aking musika, kailanma'y hindi na ko ang kanta, liriko, musika, at tulang isinulat para sa iyo.
I miss you so bad but not enough to want you back.
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Maemae Tominio Sep 2016
SYA
Sa dami ng tao  na nabubuhay sa mundo,
Hindi lang isa o dalawa ang nakakaranas nito,
Mga tanong na animo'y basag na salamin na di na mabuo,
Walang ibang kayang sumagot kundi mismong puso mo.

Sinu ba naka imbento ng pagmamahal?
Bakit pag nasaktan, paglimot ay kaytagal,
Mga nakaraa'y gusto **** balikan,
Ngunit tadhana sayo'y gusto ng kalimutan.

Biktima ka na ba ng maling pagmamahal?
Yung tipong mahal mo sya, mahal ka nya ngunit bawal,
Mainit sa mata ng iba at hindi kaaya aya,
Ngunit para sa inyong dalawa'y pag sasama nyo'y anong kasing saya.

Agwat ba ng edad ay hindi alintana?
Sa paningin ba ng iba'y hindi maganda?
Mamahalin mo pa ba ang isang tulad nya?
Kahit ba ang edad mo'y doble sakanya?

Paanu ba masusukat ang pagmamahal sayo?
Sa tagal ba ng kanyang paghalik o pagsusundo sayo?
Sa rami ng okasyong nabibigay nyang regalo,
Dun mo ba makikita kung mahal kang totoo?

Paanu kung isang araw puso mo'y tumibok,
Sa taong di pa nakikita o nahahawakan kahit hibla ng buhok,
Mamahalin mo pa ba sya kahit sobrang lungkot,
Hindi nya magawang yakapin kapag ika'y nagmumukmok.

Mahirap talaga kapag ang mahal mo'y nasa malayo,
Lalo na kung umaasa kalang sa wifi ng kapitbahay nyo,
Na kapag mahina ang net , babagal din sayo,
Ngunit tinitiis ang lahat para sa mahal mo.

Paanu kung nalaman mo ang nakaraan nya?
Pagmamahal mo ba'y magbabago at mawawala,
Mga supling na nag aalaga sakanya,
Nagpasaya't nag aruga noong wala ka pa.

Iisipin mo pa ba ang nakaraan,?
Kung sa puso mo'y masaya ka sa kasalukuyan,
Mahirap man tanggapin sa unang nalaman,
Ngunit tinanggap mo parin sya sa kabila ng kanyang pinagdaanan.

Hindi pa ba napapagod ang iyong puso?
Sa nalaman mo'y bat hindi ka sumuko?
Ganito ba talaga kapag mahal **** totoo?
Tatanggapin lahat kahit komplikado.

Sa muli **** pagtanggap, may biglang nagparamdam,
Babaeng nakasama nya at gusto syang balikan,
Ikaw ba'y magpaparaya na at sya'y iwanan,
Na kahit labag sa loob mo'y iyong bibitawan.

Ngunit sa pag bitaw mo'y syang pag kapit sayo,
Mga paliwanag nya na nagpapatatag sa puso mo,
Pipiliin mo ba ang kasiyahan ng iba o kasiyahan nyo?
At tanggapin sya ulit at bumuo ng panibago.

Tadhana na ba talaga ang gumagawa para ika'y ilayo,
Nakaraan nya'y nagbalik na at may isa pang panibago,
Biyaya sa sinapupunan nya'y dugo't laman mo,
wala na bang magandang mangyayari sa relasyong to?

Mapapabuntong hininga ka nalang sa mga pangyayari,
Kailangan na ba tong itigil at hindi na maaari,
Kayrami ng rason para sa sarili mo naman ika'y makabawi,
Sa lahat ng luhang pumatak at pighati.

Panu kung ang mahal mo'y taglay lahat yan?
Dobleng edad, may mga anak, at meron pa sa tyan?
Tanga ka kapag hindi mo pa binitawan,
Nagmahal ka ng totoo kapag sya'y iyong pinag laban.

Ngunit hindi na susukat sa pananatili mo kung gaano sya kamahal,
Minsan gagawin **** bumitaw para sa katahimikan ,
Katahimikan ng puso nyo at ng nasasakupan,
Kailangan sumugal kahit na nasasaktan.

Alam **** darating ang panahon na maghihiwalay tayo,
Pero sana bumalik ka kapag puso mo'y tinitibok pariny ay ako,
Masakit man isipin na mag hihiwalay tayo,
Pero sana isipin mo na minahal kita ng totoo.

Yang katagang yan ang gusto kong sabihin sayo,
Ngunit takot ang dila ko na ipahayag ang mga ito,
Takot ako na masaktan ka sa paglayo ko
At takot ako na baka di matanggap ng puso ko.

Alam kong marami pang pag subok ang darating,
Alam kong panghihinaan ako ng loob kapag itoy dumating,
Sana gabayan mo ako sa anumang pag dedesisyon
Huwag kang titigil para bigyan ako ng leksyon.

Umiyak man tayo ng ilang beses,
nasaktan man tayo nag paulit ulit,
Marinig ko lang malalambing **** boses,
Sakit ng nadaramay ,saya ang pumalit.

Lagi **** tatandaan na mahal kita,
Mahal kita at tanggap ko kung anu ka,
Hindi importante kung ano ang nakaraang iyong nagawa,
Ang mahalaga ay ngayong masaya tayo sa isat isa.

Hindi ko man maramdaman ang init ng yakap mo,
Hindi ko man maramdaman ang dampi ng mga labi mo,
Maramdaman ko lang na nandyan ka lagi sa tabi ko,
Hindi ako mag sasawang unawain ka at magpaka totoo.

Balang araw magsasama tayo at sana ikaw na,
Kung hindi man ikaw, ang mahalaga tayoy naging masaya,
Hindi man matagal ngunit magsisilbi itong alaala,
Na dadalhin natin sa ating pagtanda.

#love
#sacrifice
w Dec 2016
26
Ilang oras na akong nagsusulat
Ilang tinta at papel na ang nasayang
Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko malabas ang nais iparating ng puso
Wala akong magawa kung hindi titigan ang mga nasayang papel na nasa gilid ng aking mga kamay
Ilang ulit na akong nagpalit nang kulay ng tinta ng bolpen, nagbabakasaling kung kulay pula ang gamiting pangsulat, mawawala ang lungkot na nadarama na may mahal kang iba
Baka kung kulay dilaw ang bolpeng gagamitin mawawala ang sakit na nagpapaala-ala na hindi ako ang dahilan ng mga ngiti sa iyong labi
Baka kung kulay berde ang bolpeng gagamitin maglalaho ang mga luhang hindi maubos-ubos tuwing nakikita kitang kapiling siya
Ano pa ba ang dapat gawin?
Ilang papel pa ba ang masasayang para sayo?
Ilang kulay pa ba ng bolpen ang kailangan masayang para malaman ang nais sabihin
Hindi ko alam kung ano at paano
Ano ba ang dapat gawin para mawala ka sa isipan?
Paano ba kita bibitawan kung alam kong sa pagtawid sa kulay pula ramdam kong ako lang nakakapit?
Paano ko hihigpitan ang paghawak sa daming tumatawid sa dilaw na dahilan para bitawan ka kung alam kong malayo ka na para abutin pa
Paano kita hahanapin sa huling kulay berde kung alam kong wala na, tapos na
Wala ng dahilan para magpatuloy
Dahil alam kong hindi tamang ipagpatuloy itong bugso ng damdaming na kahit saang anggulo, hindi tama, hindi nararapat
Kaya hayaan mo kong sayangin ang mga papel, bahala na kung magalit ang kalikasan
Hayaan mo akong maubos ang lahat ng kulay ng ballpen dahil dito ko nalamang masasabi ang mga salitang dapat iparinig sayo
Wala na akong magagawa kung hindi hayaan ang panahon
Hayaan ang sariling humilom
Hindi ko alam kung gaano katagal
Pero hayaan mo, makakapagsulat ulit din ako gamit ang isang papel at kulay itim na bolpen balang araw para sa tunay na nakalaan nito
Pero sa ngayon hayaan mo lang muna akong titigan ka sa malayo habang nakatuon ang iyong mata sakanya
Hayaan mo lang muna akong iyakan ka habang hindi mo mapigilan ang ngiti sa iyong labi kasama siya
Hayaan mo lang akong masanay sa sakit, baka sakaling magsawa ako at hayaan ang sariling sumaya ulit...kapiling ang iba
Mayroong yakap na mahigpit;
mayroong yakap na magaan.
May mabigat, may parang nasa ere't
may parang walang laman.

May luhang dugo't pawis,
may luhang sampal sa nakaraan
at luhang mitsa ng pagbangon.

May ngiting tinuwid,
may ngiting dyamante sa langit
pero tinampo't itinapon ng pagkakataon.
Oo, kayhirap amuhin;
parang berdeng buhangin.

May mga katauhang iniibig,
kahit di ka perpekto't kulang din sa pag-ibig.
Piniling umibig, hindi pinihit --
Hindi pinilit na umibig.

Bagkus, Siyang katapatan ng Langit,
Siyang patas, Siya nga namang tapat.
Kaya naman katapata'y naging patas;
ni walang ganti, ni walang pag-imbot.

Dalisay ang pag-ibig,
luha'y salok sa gabi't
Siyang Perlas na pabaon sa umaga.
Pag nasaktan ka, normal yan.
Pag hindi ka nasasaktan, doon ka na magduda.
bartleby Aug 2016
Patawad,
Sa lahat ng mga bagay na nawala
Sa mga oras na nasayang
Sa mga tawanan at kwentuhang hindi na mauulit
Sa mga luhang hindi alam kung kailan titigil
Sa mga pagkakataong pinalipas

Totoo nga
Hindi sapat ang pagmamahal
Kailangang paghirapan at pagtrabahuan
Pero paano mo nga ba masasabi na mahal mo talaga ang isang tao?
Kung puro sakit na lang ang nararanasan

Hindi sapat ang pagmamahal
Sa dinami-dami ng dahilan para umalis ka sa isang relasyon, bakit ka nga ba nananatili?
Dahil sa pagmamahal na pinanghahawakan mo?
Pero paano kung yung ka-isa isang dahilan kung bakit ka nananatili ay nararamdaman mo nang unti-unting nawawala?
'Wag mo nang pahirapan ang sarili mo at ang minamahal mo o nagmamahal sa'yo
'Wag **** hintayin dumating sa punto na wala nang matira sa inyo pareho
Hindi tama ang "ibigay mo ang lahat"
Tandaan mo na bago ka magmahal ng ibang tao, kailangang buo ang sarili mo

Sa isang relasyon, dalawang tao ang dapat na nagtutulungan
Hindi isa lang
Hindi isa lang ang masaya
Hindi isa lang ang umiintindi
Hindi sapat na "gagawin ko 'to para mapasaya siya"

Siguro nga, mahirap talagang magmahal
Pero ganun naman talaga diba?
Pag para sa taong mahal mo, lahat kakayanin mo
Pero sapat nga ba yun?
Hindi.
Dahil paano ka magmamahal kung ikaw mismo ubos na?
Paano ka magbibigay kung ikaw mismo wala na?

Hindi ka nagmamahal para buuin ang isang taong wasak
Hindi ka nagmamahal para baguhin ang isang tao
Hindi ka nagmamahal para may maipagyabang ka sa mga kaibigan mo
Hindi ka nagmamahal para waldasin ang pera ng magulang mo

Nagmamahal ka para sa ikabubuti ng pagkatao mo at ng minamahal mo
Nagmamahal ka para malaman mo kung bakit ka talaga nandito sa mundong 'to
Nagmamahal ka para maging masaya, hindi para maging miserable
Dahil kung gusto mo lang din naman maging problemado, maraming problema ang Pilipinas na pwede **** atupagin

Kung nagmamahal ka na lang para masaktan at makasakit, hindi na yan pagmamahal
Ang pagmamahal ay hindi katumbas ng pagpapakatanga
Oo, may mga bagay na magagawa mo lang dahil sa pag-ibig
Pero kung magpapaka-tanga ka na rin lang, hindi mo ba mas gugustuhin na matuto at malaman ang mga mas importanteng bagay sa mundo?

Totoo nga, there's more to life than love
Hindi mo kailangan madaliin ang pag-ibig dahil marami pang pwedeng mangyari sa buhay mo
Marami ka pang makikilala
'Wag **** paikutin ang mundo mo sa isang tao na walang kasiguraduhan na magtatagal sa buhay mo

Bakit hindi mo muna buuin ang sarili mo hanggang sa dumating ang taong magmamahal sa'yo na kapantay ng pagmamahal na kaya **** ibigay?
m X c May 2019
gabing hindi mapakali,
gustong humagolgol, ngunit walang luhang pumapatak,
sikip ng dibdib ay hindi maintindihan,
ilang kilometro na ang takbo ng isip,
ngunit ikaw lamang ang iniisip,
Papalayain na ba ang sarili?
o hahayaan nalang na magkusang mawala,
dahil nagmimistulang bangkay na at hindi na maramdaman ang muling umibig.
ang makita kang masaya na, ay akin ding kasiyahan,
mga katanungan ko'y hangang tanong nalang.
sinusubukang ngumiti tumawa ngunit, aking lamang pinaglalaruan ang aking sarili, dahil sa halip tuwa at saya ang aking maramdaman ay parang normal lang.
PAPALAYAIN NA AKING SARILI,
sa nakaraan nating ako lang ang nakakalam, na parang ako lang ang nakakaalala.
ito na nakakaramdam na pala ako ulit.
SAKIT pala ang aking nararamdaman, na ako'y napag iwanan na, na ako nalang ang nabubuhay sating nakaraan. TAKOT, na ako'y tuluyan mo na palang nakalimutan, TUWA na ikaw ay masayang masaya na, ngunit sana ang mga tanong gustong itanong saiyo, matuldukan na, pangamba ko lang ay hindi nanaman ito sagutin. pangamba ko din ay baka hindi mo na ako ituring na kahit parang kapatid lang, yon ay aking tanging hiling.
ngayon ay siguro panahon na para,
Palayain na aking SARILI,
ngayon luha na ngay bumuhos sa umagang gansa ng sikat ng araw,
at ngayon sa huling pagkakataon ipapadama sayo,
K. ikaw lang, mahal kita, minahal kita, at kung baliktarin man ang mundo at kung saan pwede na ang TAYO, K. mamahalain parin kita.
mahirap man sakin ngunit siguro ngay ito rin ang iyong inaantay ang,
Palayain na aking SARILI.
there's always someone who will never be YOURS, iloveyou more than anyone knows.
thanks, and i will always be your MACy.
Mimi V Mar 2016
AKO’Y**  ISANG  KAIBIGAN
Kumakatok sa iyong puso
Pinto nito’y iyong buksan
At ako’y hayaang makapasok


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Tapat at Mapagkakatiwalaan
Masasandalan sa ano mang oras
Karamay sa bawat pagsubok


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Lumalapit sa isang katulad mo
Nagsasabing “wag kang matakot”
Ako’y laging nakabantay sayo


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Di nanghuhusga, Di Namimili,
Di nang-iiwan, Di nakakalimut,
Pagkat ika’y mahalaga sa akin


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
handang ibigay ang lahat
Pati buhay ko’y ibibigay
Makasama ka lamang sa walang hanggan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Higit pa kanino man
Halika’t ako’y kilalanin
Tiyak di mo pagsisisihan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Nagmamahal ng tapat,
Pagmamahal na mas malalim pa sa Dagat, mas mataas pa sa kalangitan
Mas malawak pa sa mundong iyong kinagigisnan


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Luhang pumapatak aking pupunasan
lahat ng iyong hinanakit aking gagamutin
heto ang aking mga bisig at ikay yayakapin,
yayakapin ng kay higpit.


AKO’Y  ISANG  KAIBIGAN
Nagsasabing, Taha na…  
Ako’y narito lamang
Hinding Hindi ka iiwanan
#JesusIsMyBestfriend #YouAreLoved&Secured; #HEWontLetYouDown :D
Gwen Pimentel May 2015
Putang inang pakshet gago putangina mo tarantado x2
Kinakanta ko 'to tuwing nagagawa ng isip kong paglaruan ang mga alaala kong ang nilalaman ay ikaw
Ikaw lang naman talaga eh, dati, ngayon, at bukas, ikaw pa rin
Ikaw pa rin ang sinisigaw ng pipi kong puso
Ikaw ang tanging Nakikita ng aking mga matang bulag
Ikaw ang tinig na naririnig ng bingi kong tainga
Ikaw ang nakapapasok sa maliliit na eskinitang daan papunta sa aking puso
Ikaw lamang ang may kakayahang baguhin ang daloy ng ilog ng aking dugo upang masundan ka

Ikaw
Ikaw pa rin ang pipiliin
Kahit ilang beses mo akong saktan
Kahit ilang beses mo akong saksakin gamit ang bubog ng aking nabasag na puso
Kahit na mawalan ng boses kasisigaw ng iyong pangalan
Kahit ilang babae pa ang pinagkukwento mo sakin at ang pakiramdam ng bawat kuwento ay tila baril na tumatagos sa aking puso
Dahil pagkatapos mo akong saktan nagpapakatatag lang naman ako upang masaktan mo muli

Ikaw
Na minsan kong tinawag na mahal, babe, pangga, bebe luvs,
Ay matatawag ko na ngayon na
Tanga, ulol, manhid, pangit, hampas lupa, haliparot, lintek, demonyo, leche, gago, tarantado,kulelat, hayop, sira ulo, walang hiya, bakulaw
Iilan lang to sa mga katagang binigay ko sayo
Sa pag-asang malilimutan ng puso ko kung gaano kita minahal
Pero wala
Nag-aalumpihit na ang sikmura kong pinipilit ilabas ang lahat ng mga parte **** linunok ko hanggang sa wala nang maiwang bakas na minahal nga kita
Nag-aalinlangan ang isip ko, kung itatapon ko na ba ang ating mga alaala o itatago lamang upang mabalik-balikan kapag nalulumbay

Siguro ikaw si Kuya Kim, diba ang buhay ay weather weather lang?
Kasi nagdala ka ng bagyo sa aking mga mata na naging landslide pababa ng aking pisngi
Nagdala ka ng lindol na ang epicenter ay sa puso ko at nabulabog ang buong mundo ko, at ang puso’y nawasak
Nagdala ka ng buhawi ng hangin na paikot-ikot lang at kahit sinisira mo ang lahat, nahihigop mo pa rin ako
Nagdala ka ng tsunami sa aking isipan at binura mo ang lahat kaya’t ikaw nalang ang laging isip

Ikaw
Sa kabila ng lahat ng kasawiang dinala mo sakin
Oo
Ako na yung tangang nagmahal pa rin sayo
Ako na ang nagpakamartir na harapin ang matitindi **** hangin
Ako na ang sumalo sa lahat ng bubog ng iyong puso, sa lahat ng luhang iyong iniyak
Ako na ang trainer wheels sa iyong bike, sabi mo di mo na ko kailangan pero gusto kong naroon pa rin ako upang masigurong hindi ka masasaktan
Ako na ang bandaid sa bawat sugat na iniiwan ng mga babaeng minahal mo, mga halik sa sugat pinapatigil ang dugo
Ako na ang unan **** sa gabi mo lang nakikita, sinasandalan tuwing pagod, may problema, mahihigpit na yakap tuwing luha’y di tumitigil
Ako na yung stik-o sa pakete mo ng sigarilyo, inosente’t di ka sasaktan, pero iba pa rin ang pinili mo
Ako na ang babaeng umaasa sayo na parang naghihintay ng ulan sa tagtuyot
Bakit ba hindi nalang ako

Ito ang tanong ko sayo, ako nga ba ang talagang tanga rito? Di ba ikaw rin?
Bago ka maghabol nanaman ng isa pang babae, kuya tingin tingin naman diyan sa paligid
Baka nasa harap mo lang, ang babaeng matagal nang hinahanap
ikaw filipino tagalog hugot nanaman potek saklap sakit pagibig love
Jose Remillan May 2016
44
Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng ating mga ninuno.
Mga alingawngaw na daing,
Mga daing ng gatilyo,

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Biktima ng huling uwak ng
Takipsilim, unang kalapati ng

Bukangliwayway.

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Moog sa pedestal ng idelohiya't
Pananampalataya ng digmaan.

Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng mga Pangako.
aL Jan 2019
Pagpuna ng makatarungang nilalang sa kabila ng lahat ng mga kahabagan ng buhay. Maaaring tanging yaman na maituturing ng iyong tainga na nabibingi na sa karahasan at ingay ng iyong paligid na nilalakaran.

Naging libangan na ng iyong mga paa na tumayo sa maling lugar. Masasanay narin ang iyong katawan na maging haligi na lamang ay iyong mga paa. Sa mapangaping buhay na wala nang kasiguraduhan.

Nakaakbay ang kaybigan **** kalungkutan, mula sa paggising hanggang sa pagidlip ng mga mata **** pilit na tinatago ang hapis ng mga luhang maari mo sanang ilabas, ibahagi at iluha sa aking harapan.

Ako naman ay naghihintay, iyo ako ay tunay na mangiibig, sa iyong pagsibol, sa iyong pamumulaklak at sa iyong pagkalanta, sa kahit anong oras na iyong mapagpasyahan. Ano man ang mangyari ako ay maaari **** sandalan.

Ang pagmamahal ay tulad ng isang anino, maaari **** palaging madadala, ngunit kung ang iyong desisyon ay magkulong sa dilim, ako ay wala nang magagawa. Tanging mananatili siguro ay pagtingin kong nakatatak sa kanyang isipan.
waiting like a fool.
Isang gabi, sa paghiga
Tumabi kay inang nahihimbing
Di niya batid ang luhang
Sa mga mata ko'y naglalambitin

Di ko alam kung paano
Maitatago ang sakit
Di ko alam kung ano
Ngunit parang sa puso'y gumuguhit

Kinupkop ang sarili sa aking pagtabi
Labi'y halukipkip tinakpab ang bibig
Pilit pinatatahan ang aking sarili
Ngunit luhay umaagos na para ngang tubig

Ang hikbi kong ako lang ang nakakarinig
Ang wasak kong puso, ikaw ang may hatid
Ang huwad na pag-ibig sa akin inilaan
Sino pa ang susunod mo na sasaktan?

Maawa ka, sinta, maawa ka sa kanya
Huwag mo siyang wasakin na katulad ko
Maawa ka, mahal ko, wag mo na siyang saktan
Dahil ang puso niya'y madudurog mo lang

Ina, patawad, hindi ko masabi
Ang pait at hapdi nitong puso kong sawi
Dahil sa estrangherong nagpanggap na anghel
Matapos ko'y iba naman ang pusong kaniyang hinahati...
ZT Jun 2015
Puso may nasugatan, maghihilom din ito
Sugat na dala ng pait ng paghihiwalay, ibaon mo na sa limot
Ba't di nalang isipin mga maliligayang alaalang iniwan
Ng taong minsan **** minahal

Mahirap mang bumangon, kakayanin pa rin
Dahil sa bawat unos na pinagdaanan
Kalinawan ng damdamin ang nakaabang
Na siyang magbibigay lakas sa iyong muling pagbangon

Mabigat man ang mga paa, kaya pa ring igalaw
Kung may determinasyon, kaya mo rin umusad
Ito'y mahirap pero 'di imposible
Magpursige ka lang, makakaraos ka rin

Kapag ikaw ay nakabangon na,
Umusad mula sa kinatatayuan,
Pagkatapos ng mga luhang lumunod sa'yong mga mata
Bagong mundo ang iyong matatanaw.

Mas maliwanag, mas kaakit-akit, maganda
At mas nararapat sa iyo.
Nasaktan ka man, 'di titigil ang mundo upang ika'y hintayin
Kaya tahan na, dahil ang buhay ay patuloy pa rin.
kung nasaktan ka, umiyak ka... pero wag **** hayaan na hilahinka nito pababa.. Bumangon ka at matuto kang mag-move on.. dahil hindi ka hihintayin ng mundo..
Jun Lit Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
Glen Castillo Jul 2018
Balang araw,
Biglang babagal ang paglakad ng oras
Bahagyang hihinto ang ilog sa kanyang pag lagaslas
Aawit ang mga langay-langayan
At luluha ang kalangitan

Luhang hatid ng matinding galak
Sa wakas ay wala ng iiyak
Dahil natapos na ang panaginip
Salamat at hindi ka nainip

Maraming istorya ang nais kong sabihin
Inipon kong lahat para sa'yong pagdating
Kulang ang magdamag kung aking isasalaysay
Kung paano kita hinintay

Sa sandaling tayo'y magtagpo
Doon lamang magiging perpekto ang mundo
Dahil sa kabila ng mga gasgas nating puso
Ay may paraisong tayo lang ang makakabuo

Sana nga bukas kapiling ko na ikaw
Sana nga bukas na ang ating ''Balang araw''.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Kapag puso ang naghintay,lahat ng sandali ay may saysay.
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Isang libong tansan dating takip sa bote ng alak
Isang drum ng luhang walang galak
Maubos man ito't tuloyang matuyo
Ikaw rin naman ay nasa malayo

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Kape sa umaga, iyak sa gabi
Ako ba ito? Hindi ko mawari
Sa kama ko'ng dati kitang katabi
Tutupiin ko na, at itatabi

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Wala na akong maidudugtong,
"Paalam Shin Hye" sinigaw ko'ng pabulong
Eugene Mar 2016
Ilang taon kang nagtiis,
Sa kaniyang pagmamalupit.
Ilang taon kang nagtimpi,
Hikbi'y wala nang silbi.

Sinaktan, binubugbog, inupakan.
Sinuntok, binulabog, niyurakan.
Pinagsisipa, pinukpok, pinagsamantalahan.
Nasaan ang pagmamahal na kailangan?


Masisisi mo ba kung luha'y ayaw pumatak?
Sa mga matang kinalimutan ang kinabukasan,
Sa mga matang inararo ang katahimikan,
Ng pamilyang ayaw kang pangalanan.


Nasaan ang luhang gustong lumabas?
Nasaan ang luhang gustong makatakas?
Nasaan ang luhang pilit na kumakalas?
Nasaan ang luha sa pag-ibig na nagwakas?
miss xEx Nov 2018
Hihintayin ba kitang bumalik?
O hahayaan ka na lang sa isipang ika'y nakasiksik?
Namimiss ang matatamis **** salitang
Kay sarap balik-balikan.

Minsa'y nagdududa kung ika'y totoo,
Ngunit ang puso ko'y laging sinasambit ang pangalan mo.
Puro s'ya lang 'to,
Pero paano naman ako?
Hihintayin ko na lang bang mag-break kayo?
Dahil ako lang naman ang third wheel sa inyo.

Pakiramdaman ko'y parang hangin,
Hangin na hahanap-hanapin lang kung kakailanganin.
Na para bang isang luhang hindi mapigilan sa pagbagsak..
Sayo, nahulog na ako sa'yo.

Ano pang magagawa ko?
Ayun, nagpanggap lang naman ako
Na parang walang pake sayo.

Tumatakbo, hinahabol, tumatakbo, nakakapagod.
Kasi para akong aso na sunod nang sunod sa amo.
Para akong kabute na sumusulpot-sulpot sa tabi mo.

Ayoko namang maging ahas o linta
Na grabe kung makapulupot,
Grabe makasulot.
Na sa mismong kaibigan ko pa magagawa.

Hindi ko alam kung babalik ka pa..
Pero, ito ang mensahe ko sayo
Sa oras na mag-krus ang landas natin
Gusto kong malaman mo
Na lahat nang nangyari pagitan satin
Ay mananatiling nakatatak sa aking isipan na imahinasyon ko lamang ang lahat.

-miss xEKIS
Naghihintay pa rin ako. Nasaan ka na ba kasi?! Siguro kinalimutan mo na ako at meron nang iba.
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
KRRW Aug 2017
Aanhin pa ang tula
kung tuyo na ang tinta?
Sa hangin pakakawalan,
palalayain sa Hangganan
Handog ng ulirat
na wala mang tinig, sumisigaw
Nakabalot sa liwanag
ng itim na araw
Isinilid sa baul
na pinalubog sa dagat
Balang-araw, lulutang
dala ang luhang may alat.
Para saan ba ang tula
kung walang nakaririnig?
Marahil... para sa mga dahong
sumasayaw sa tubig
Mga bangkang naghihintay
ng kahit kaunting ihip
Mga kamay na kumakawala
mula sa gumagapos na lubid.
Aanhin pa ang tulang
nakakulong na sa bibig?
Aanhin pa ang tulang
iwinagli na ng isip?
Paalam sa mga tulang
tinangay na sa himpapawid
Paalam, mga saranggolang
inari na ng langit.
Written
21 August 2017


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
k e i Jul 2020
“minahal mo ba talaga ako?”

pakawala ko sa buntong-hiningang tanong. higit isang taon ding namalagi sa isipan ko.

“minahal mo man lang ba ako?”

pag-ulet kong tanong nang manatili siyang tahimik. iniangat ko ang mga mata ko para tignan siya. isang taon na mula ng huli naming pagkikita. iba na ang gupit ng buhok niya ngayon. mas nagmukha siyang seryoso dahil don.

ilang minuto pa ang lumipas bago siya sumagot. nanatili ang tingin niya sa labas.

“minahal kita. higit pa sa alam mo. marahil, higit pa sa naparamdam ko.”

“pero bakit ganon? ikaw yung huli kong inisip na manghuhusga, pero sayo pala mismo manggagaling.”

“ikaw yung higit na pinagkakatiwalaan ko sa lahat, pero ikaw rin yung bumali” matipid siyang ngumiti. ramdam ko yung pait. walang emosyon sa kaniyang mga mata.

napailing ako. eto nanaman. mga salitang pinakawalan namin nungg gabing natapos kami-ang kaibahan lang, sa personal ngayon at hindi sa tinig lang.

“mali ka. hindi mo ko minahal. hindi ako, kundi yung bersyon ko sa isip mo. hindi ako, kundi yung ako na nabuo mo sa imahinasyon mo.”

“minahal kita. sobra-sobra. kaya lang, nagbago ka. nung una, paunti-unti, hanggang sa pakiramdam ko, ibang tao na yung nasa harap ko. siguro dahil, nalingat ako, dahil di ko binuhos lahat ng atensyon ko.” saglit niya kong binigyan ng tingin na parang nahihirapan.

“dahil di naman siya nawala talaga diba? sabi mo noon, may mga pagkakataong magkasama tayo pero siya yung iniisip mo.”

hindi siya makasagot, pero bakas sa mata niya na tama ako. nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. matagal na yon. ayos na rin ako. sadyang iba pa rin pala kapag harap-harapang sabihin sa’yo.

“pero hindi naman ganun ang pagmamahal. hindi naman porket nagbago, dapat nang sukuan. kase lahat naman nagbabago. kahit ikaw, narasan ko ang ilang beses **** pagbabago. pero kahit ganun, pinili ko pa ring manatili. para sa’yo. para sa’tin”

“patawad. alam kong ako yung naging dahilan kung bakit umalis ka noon, alam kong napagod ka. pero hindi ko inakalang ganun-ganun mo lang ipagpapalit. na ganun ka kabilis magkakaroon ng bago.”

“hindi kita pinagpalit! hindi ko tinapon yung isang taon!”

mabilis kong kinalma ang sarili ko. ganitong ganito rin yung mga sinabi niya noon. ganun pa rin pala ang tingin niya. na binasura ko lang lahat. na parang mas mabigat pa yung naramdaman niya sa isang beses na pinili ko ang sarili ko kaysa sa kung paano niya pinaramdam na kahit ako yung naroon para sa kanya, kahit kailan di magiging sapat.

“bago ako umalis, sinabi ko sayo kung bakit. umasa akong ipapaintindi mo kung bakit nagbago yung pakikitungo mo, umasa ‘kong mapapansin **** nasasaktan na ako. umasa akong pipigilan mo ko, na sasabihin **** 𝘢𝘺𝘶𝘴𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯 ‘𝘵𝘰. pero niisang salita, wala akong narinig. malamang iisipin ko, wala lang lahat nang ‘yon. kase hinihintay mo lang naman talaga kong umalis diba? ayos lang sayo kung manatili ako o hindi. ako kase yung nasa tabi mo. sanay ka na kamong iniiwan. sinubukan ko naman eh. sinubukan kong maging iba sa kanya base sa mga kwento mo tungkol sa kanya. kahit ang hirap. pero kahit ano namang gawin ko, ganun pa rin iniisip mo. na mawawala ako. kaya wala na rin akong ibang magawa kundi lumisan. kase sa pananatili ko, naubos ako. naubos na ata lahat ng isasakit bago pa man ako magpaalam. kahit nung nasa tabi mo pa ko, wala na akong maramdaman. kaya hindi mo ako masisisi kung mabilis. gusto ko lang namang mawala yung pagkamanhid. kasi kung may nakuha akong explanasyon o kahit isang salita galing sayo, alam **** hindi na ko tumuloy sa kabilang dako ng pinto, na mas pipiliin kita ulet-handa akong isantabing muli yung sakit.”

may ilang luhang nagpumilit na tumakas sa gilid ng mga mata ko. agad ko ring pinunasan ang mga ito. bigla nanaman bumalik ang mga ala-ala na akala mo hindi taon ang lumipas, parang kahapon lang. kasabay nito ang panandaling panunumbalik ng sakit.

“naniwala ako sayo nung sinabi **** ako lang. na walang iba. pero ang sakit nung ilang linggo lang pagtapos natin, may iba na agad sa tabi mo. may iba ka na agad kasama’t kayakap. may iba nang nagpapangiti sayo.”

kita ko ang pagkuyom niya sa kaliwa niyang kamay gaya ng ginagawa niya dati sa tuwing may bumabagabag sa kanya.

“tapos na tayo nun. gaano katagal ba dapat akong magluksa? kahit naman nung nasayo pa ako, mabilis mo ring binawi yung sayang pinaramdam mo nung una. na una pa lang, kahit ako na yung naroon, kasama mo pa rin siya sa isip mo. minahal mo lang ako kase ako yung nasa tabi mo. kaya wag mo akong sisihin kung ginusto kong sumaya ulet.”

“sana binungad mo na agad yun nung humingi ulet ako ng isa pang pagkakataon. hahayaan naman kita. kung nalaman ko lang ‘yon, hindi na kita ginulo pa. pinatay ko na dapat lahat ng naipong pag-asa sa utak ko, na pwede pa.”

“ang malas ko lang talaga, pagdating sayo, kaya kong itigil lahat. nung ginusto **** bumalik ako, umaahon na ko paunti-unti eh. kahit paano, nakakahinga na ko ulet. lahat sila sinabing wag na kitang pansinin, na sarili ko naman muna sa pagkakataong ‘to. akala ko mali lang sila ng paghusga, kase hindi ka nila kilala katulad ng pagkakakilala ko sayo. wala eh, nagparamdam ka lang, naapektuhan nanaman ako. pagdating sayo, ang tanga-tanga ko. ganun na lang kita kamahal. hindi lang isang beses; umulet pa ko. ayun lang naman kase yung kailangan ko, yung marinig na gusto mo pa, na gusto **** ayusin.”

“inaayos naman na natin nu’n diba? nagiging masaya na tayo ulet. nakikita ko kung pa’no mo sinusubukang bumawi. kaso wala, nung malaman **** sinubukan kong kumilala ng iba hindi mo matanggap. traydor ako, sabi mo. at sa pagkakatong yun, ikaw naman yung nang-iwan. akala ko wala na akong mararamdaman. na ayos lang, nangyare na ‘to, naulet lang, nalampasan ko na ‘to. pero hindi, mas masakit pa pala. tangina sobrang sakit. kase ayun na yung hinihingi ko, tapos binawi nanaman kung kelan hinding-hindi ko inaasahan. tangina.”

“siguro nga kaya hindi naging maayos ‘to kase hindi ko inayos yung nakaraan. hinayaan kong sundan ako ng multo niya, hinayaan kong saniban ng nakaraan yung kung anong meron tayo. na hanggang ngayon hindi pa rin ako tuluyang makalaya.” mahinang sabi niya. ramdam ko yung pagsisisi sa boses niya.

“sana naiayos mo na yun ngayon. sana mas maayos ka na ngayon. sana mapatahimik mo na yung mga memoryang patuloy na humahabol sa’yo. sana naghihilom ka na. sana, hindi na maranasan ng mahal mo ngayon yung naranasan ko.”  

sa loob ng isang taon, natutunan kong tanggapin lahat-mula sa mga memorya hanggang sa pa’no kami nawakasan, kung pa’nong di naman siya talaga naging akin lang. hindi naging madali pero kinailangan. sa huli, wala naman talaga akong magagawa. nangyari na yung mga pangyayari. nagkapalitan na ng mga masasakit na salita. naubos na namin ang isa’t-isa.

“nung tuluyan nang nawala yung tayo, wala akong naging iba at wala nang susunod pa. mas gugustuhin ko na lang na mag-isa. kase yung sakit na dala-dala ko bago pa man kita nakilala, hindi ko namalayang naipasa sayo. sobra sobra na yung pinsalang nadulot ko. tama na. ayos na yung ako na lang yung nagdurusa.”

“-alam kong kahit ga’no ko pa gustuhing ibalik yung oras para itama lahat ng nagawa kong mali, hindi na pwede. said na. siguro hanggang doon lang talaga tayo. sa ganito siguro talaga tayo maiuuwi. tama na.” pagpapatuloy niya.

sa puntong ‘to, naiyak na rin siya. kumuha siya ng panyo at pinunas sa kanyang mukha.

“baka nga. baka hindi talaga pwede.” bulong ko.

tinignan ko ulet siya, sa kahuli-huling beses. ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan, nakatingin pareho sa kawalan. siya ang naunang tumayo sa kinauupuan.

“alam kong hindi mabubura ng ilan mang ‘patawad’ kung ganito kita sobrang nasaktan. pero gusto ko lang ulit humingi ng patawad.”

pinanood ko ang palayo niyang pigura hanggang isa na lang siyang maliit na tuldok at tuluyang nawala. pinakiramdaman ko ang sarili ko. humingang malalim.

isang taon na yung lumipas. halos ganito rin yung nangyari noong gabing iyon. ang pagkakaiba lang, noon, mas pinapangunahan kami ng emosyon. isang taon na pero ngayon ko pa lang talaga patuloy na maibabaon. kinailangan kong marinig ulet. ngayon, totoo ngang tapos na. wala na. natuldukan na.
Eunoia Aug 2017
Hindi, Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa harap ng madla
Hindi ko alam kung bakit ako gumawa ng tula  
Pero sige magsisinungaling  pa ako, magsinungaling pa ako hangga't mapaniwala ko ang lahat maski ang sarili ko
Magsisinungaling pa ako hangga't maputol na ang dila ko sa kasalanang ginagawa nito

Itatangi ko sa lahat na sumali ako dito upang mailabas lahat ng hinanakit ko
Itatangi ko sa lahat na napudpud ang lapis ko habang binubuo ang tulang ito
Itatangi ko sa lahat na ilang papel ang nasayang ko sapagkat nabasa lamang ito ng luhang dahilan ng pagngiti mo
At magsisinungaling at magsisinungaling pa ako hangga't makita na ng lahat ang salitang 'SISI' sa ginagawa kong pagsisinungaling

Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil minahal kita sinasabi ko lamang nagsisisi akong naniwala ako sa malakas na ulan
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil nakilala kita sinasabi ko lamang nagsisisi ako dahil nagpatangay ako sa malakas na hanging habagat
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako sa paglapit mo sinasabi ko lamang nagsisisi akong lumingon ako sa bintana
Ngunit mahal kahit kailan hindi ko itatanging nagsisisi akong Umasa ako sa akala ko'y Ulang magtatagal ayun pala'y dumaan lamang

Masakit sa pakiramdam maalala ang paghila mo sa aking kamay sabay sabing "halika at magtampisaw tayo" Habang bumubuhos ang malakas na ulan suot pa natin ang uniporme nating dalawa
Naririnig ko ang halakhak mo Habang masayang tumatalon dinadama ang mumunting butil ng ulan

Samantalang ako'y nakatingin sa kamay nating magkahugpo at sa hindi inaasahang pagkakataon nabanggit sa harapan mo ang katagang nakakubli sa aking puso
"Mahal Kita" ngunit ngiti lamang ang sinukli mo
"Mahal Kita" ngunit yakap lamang ang ginanti mo
"Mahal kita" ngunit ang sinabi mo lamang ay "halika umuwi na tayo"

Lumipas ang mga araw at narinig ko nanaman ang halakhak mo
Nilusong ko ang malakas na ulan upang mahawakan mo ulit ang kamay ko
Habang masaya kang lumulundag sinasalo ang butil ng ulan na siyang pumapatak sa mukha mo
Ngunit mahal nadurog ako ng makita kita sa ulan,

Nadurog ako sapagkat kamay ng iba ang hawak mo ngunit hindi katulad ng saatin nakatitig ka sa mata niya habang dinadama ang ulan
"Mahal kita" nginitian mo siya
"Mahal kita" inakap mo siya
"Mahal kita" ngunit sinabi **** "Mahal din kita"

Tumigil ang ulan ngunit hindi ang pagdurugo ko
Nilisan ko ang lugar kung saan nabasa ako
Umuwi ako sa bahay inaapoy ng lagnat at tinanong ni Nanay "bakit hindi nasuspinde?"

Tinitigan ko siya ng diretso sa mata sabay sabing
"Daang ulan lang naman daw po"
Oo tama!, daan lamang malakas ngunit hindi magtatagal
malakas ngunit nakakapinsala
Daan lamang pala

Sana hindi na lang ako nagpahila
Sana hindi na lang ako umasa
At sana pala'y nagdala ako ng payong nang sa gayon ay hindi na ako namomroblema kung paano maiiwasan ang patak nitong malakas na ulan
My first ever piece of Filipino Spoken Word Poetry
Mira Alunsina Jan 2018
Tahimik at tila nawalan na ng ganang huminga ang mundo
Nakasarado ang mga labing to pero alam kong punong puno
ng mga sigaw
ng mga hagulgol
ng mga mura
na pinipilit na hindi makawala
Dahil alam ko na kahit ang boses ay maubos
hanggang sa tuluyan nang mapaos
Hindi mo pa rin pakikinggan
Dinadaan nalang ang mga sakit na naipon
sa pagsulat sa basang pahinang pinipilit mang pagtagpiin
ay tuluyan nang napupunit
Gawa ng mga luhang kumakawala sa mga matang bulag
Marahang pinapahid dahil sa namamagang pisngi
Katulad ng pag-iibigan natin
Sa pahinang ito
Tuluyan nang nawasak at paunti unti nang naglalaho
Nabura na ang tinta at naging malabo na
ang mga salitang Mahal na mahal kita
Ipipikit nalang ang mga mata para tumigil na
Kasabay ang paghaplos sa nanlalamig na espasyo
Sa bandang kaliwa ng ating kama
Dito dating nakahimlay ang isang nilalang na nagbigay halaga sa kalawakan
Ang nagparamdam ng tunay na kahulugan ng buhay at pagmamahal
Pinapaniwalang ang pag-iibigan ay tunay at magtatagal
Pero mahal
Bakit ang mga halik ay napalitan ng mga mura
Ang mga yakap ay napalitan ng mga sampal
At ang mga matamis na ngiti ay napalitan na ng matalim na mata
Nasaan na ang pinangakong walang hanggan?
Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan
Alam ko kung paano mawasak ang mundo ng isang iniwan
Pero alam mo ba kung ano yung pinakamasakit?
Magkatabi tayo at magkadikit ang mga balikat
Walang matitirang espasyo sa gitna dahil sa liit ng higaan
Pero hindi ko maramdaman na nariyan ka
Mali..
Alam kong andiyan ka pero alam ko rin na ang pagmamahal mo ay naglaho na
Sabi nila masakit makita ang mahal **** may kasamang iba
o hanggang kaibigan lang ang tingin niya
o wala na siyang ibang nabanggit kundi ang isang taong ayaw sa kanya
Putang ina
Hindi nila alam na mas masakit ang nararamdaman ng isang tangang katulad ko
Na pinipilit pinapaniwala ang sariling mahal mo pa ako
Mas masakit yun
Mahal hindi mo ba nakikita ang mga mapuputlang labi na minsan mo nang nahagkan?
Hindi mo ba naririnig ang mga hikbi na pinipilit kong itago pero hinihila pa rin palabas ng pighati?
Hindi mo ba nararamdaman kung gaano kita kamahal, kung gaano ako kahangal?
Gusto ko lang naman pakinggan mo ako
Gusto kong malaman mo na ayoko na
Na kahit ayoko na ay ayoko pa
Ayoko pang bumitaw
Dahil natatakot akong maligaw
Sa paniniwalang ang iyong palad ang gabay sa mundo kong minsan nang naging bughaw
Ayoko pang mawalay sayo
Ayoko pang ako’y iwan mo
Tawagin mo na akong tanga, gaga, boba
Pero Mahal kita
Pero Ayoko na
Ayoko na sana
Sana pigilan mo ako sa pagtangka kong pagbitaw
Pigilan mo sa pagsulat muli sa mga basang pahina dahil huli na to
Halikan ang mga nakasaradong labi nang mapalitan ang mga mura ng mahal
Mahal kita
Oo na hanggang sa huli
Kahit matagal nang sinasabi ng mga mata, labi at puso ko
At nakasulat sa huling basang pahina na ito
Na Ayoko pa, mahal ayoko na.
jerely Jan 2016
Guni-guning nababalot ng hiwaga
sa aking utak ito'y pumipigil, gumugulo,
di maipaliwanag ang mga
nakaukit na ala-alang
Nang minsa'y ikaw ay inibig sa tuwing natatanaw ang langit na kay
tamis pa sa mga chokolateng
paborito ****
kainin tuwing ika'y nalulungkot.
Sa mga araw na nagdaan.
Sa maghapong nakaabang pa
sa pag-iintayan sa jeep
Oo parati namang naghihintay
ang puso ko sa'yo.
Di ba?

Sa traffic na nanamanhid na ang paa sa kakaabang kung kailan o saan ito patutungo
Kung may patutunguhan
pa ba na maging tayo?
O Isa na lamang ba itong
guni-guni sa aking isip.
Alam kong paasa ako. Oo paasa ako.
Asang-asa ako sa'yo na parang tanga.
Oo inaamin ko Tanga ako!
tanga ako!
tanga na kung tanga.
Pasan ko na naman lahat.
Di ba?

Nagdurugong,
Tagos. Tagos na tagos pa sa aking pusong biniyak ng mga samu't saring bakit na lang hindi naging tayo?
O mas madali pa bang patayin na lang
ang mga pusong minsa'y nasugatan na
sa hindi makatulog na gabi.
Sa mga namamagang mata sa kaiiyak
Sa kakaisip kung mahal mo ako o
kung minahal mo ba talaga ako?
O may iba na bang
nagmamay-ari ng iyong puso?

Guni-guni, ako'y litong-lito
dahil parati ****
ginugulo ang araw-araw ko
Halos mabaliw na nga ako
sa kakaisip sa'yo eh
Hindi nga ba't heto ako,
baliw na baliw sa'yo.
Di ba?
Na baka sakaling mag milagro
ang kapalaran
Na baka balang araw
baka balang araw ay
kaya mo rin akong mahalin
gaya ng pagmamahal ko
sa'yo higit pa sa buhay ko.
Higit pa sa mga luhang ibinigay ko
Higit pa sa mga salitang binitawan ko ngayon.

Oo guni-guni
parati ka namang nandyan di ba?
bumabalik. Lahat na lang. Paulit-ulit.


Oo guni-guni ang hirap hirap **** matanggal
Sawang-sawa na ako sa'yo.
Pero ang tanong.
Hindi ka ba napapagod?
sana'y tirhan mo rin ako kahit konti.
Ayoko na,
tama na.
this is actually a spoken-word poem
I was inspired by this Spoken-word artist name: Juan Miguel Severo!!!
hanep lang ang mga works niya!!! tagos sa puso! chos! :)

(p.s. if i have my spare time i'll try to translate this in English but for me its so good in tagalog/tula)

jerelii
12.21.15
Copyright
Pusang Tahimik Feb 2019
Nakahigang pilit na nagmamasid
Sa madilim na apat na sulok ng silid
Ang sakit ay hindi pa rin lingid
Kahit na tiyak ang luhang nangingilid

Binabalot ng malamig na kalungkutan
Ang puso'ng di alam kung nahihirapan
Humahanap ng kumot sa isipan
Mainit na yakap sana'y masumpungan

Heto na nga at nalulunod na ako
At hininga'y kinakapos sa isipan ko
Pakiusap sana'y panaginip na lang ito
Sapagkat sa paglangoy pagod na ako

Isipan ay lubos akong pinahihirapan
Tila laging mayroong digmaan
Sa silid ng nakabibinging katahimikan
Ang isip ay matinding naglalaban

Sumapit na ang umaga
Ako'y wagi sa pakikibaka
Sa kalabang sariling likha
Ng isipang puno ng katha
JGA
110316 #Libis

Sa ruta kong di malaman
Kung pakaliwa ba o pakanan
Doon ka naman naglaho, sinta
At tanong ng puso'y nasaan ka na?

Sa ulap na walang dalang ulan
Di mawari kung maghihintay ba
Sabihin mo, hanggang kailan?
Sa hangin na hindi umiihip
Tila sa ikot ng mundo'y naiinip
Nasaan ka na?

Sa araw na walang ilaw at sinag
Tagos sa puso't damdamin ang pagkabanaag
Kakagat ang dilim
Pero bubuksan mo ang liwanag
Ito ang ating takipsilim
Bangon, itapon ang kumot na buhat sa dilim

Sasabay ako sa agos mo
Kung yan naman ang nais mo
Sasabay ako sa pag-ibig mo
Mamahalin kita hanggang sa dulo ng mundo

Sasabay ako sa ihip mo
Bawat letra'y siyang mensahe mo
Sasabay ako sa pag-ibig mo
Mamahalin kita magunaw man ang mundo

Hanap-hanap kita
Sa eskinitang may mga tagong kwento
Sa mga tagpong hindi nagtatagpo
Sa mga lirikong walang tono
Sa mga pagkakataong di nagkakataon
Sa mga luhang tiyak ang emosyon
Sa mga ngiting nakabibitin
Sa mga kulay na pinipintang may buhay
Narito ka pala, narito ka pala.
Bawat hakbang ko papalayo,
parang pasan ko ang mundo,
ang bigat ng aking mga paa,
at hirap na hirap sa paghinga.
Tsaka sumabay ang buhos ng ulan,
na parang walang katapusan,
sa mga luhang pilit binabalikan
ang mga alaalang iniyakan.
Pero kailangan ipagpatuloy
at sumabay sa daloy
ng panahon para maka ahon
sa lumulubog na kahapon.
At sa muling pagsikat ng araw,
handa na ring bumitaw
sa mga alaalang pinapasan
na akala koy walang hanggan
pero yun pala may katapusan.
Kasabay ng aking pagpikit
Ang pagsilip ko sa panaginip sa aking isipan.
Namumukod tangi ang Iyong kagandahan
At Ikaw ang nag-iisang kumikinang sa aking paningin.

Napapasilip ako
Sa likod ng lahat ng napakagandang palamuti,
Pagkat nariyan pala ang tunay na may-akda ng lahat.
Pagkat sa kabila ng naghihiyawang palakpakan,
Sa kabila ng mga ngiting bumabandera sa aking harapan --
Ang dahilan ng aking kalakasan.

Pagdilat ko'y tila bukang-liwayway na,
Hindi kumupas ang Iyong kagandahan.
Muli kong kinapa ang aking bulsa,
At muling naghagilap ng anumang umiingay sa aking kalupi.
Dahan-dahan kong pinakiramdaman
Ang magaspang na katauhang gawa sa pilak.
At buhat sa pagkakamulat,
Ay dahan-dahan akong pumikit
Na tila ba sumasabay sa unang pagpatak ng ulan.

Nangungusap sa aking konsensya
Ang tinig **** matagal ko nang hanap-hanap.
At sa naudlot na istorya sa entablado'y
Nagpatuloy ang aking paghahanap.
Hinahanap ko kung saan nagmumula
Ang tinig **** humihele sa akin
At nagbibigay galak sa puso kong
Uhaw sa malasakit at pag-ibig na tunay.

Nasaksihan ko ang paglisan ng bawat katauhang
Kailan lamang ay nasa akin ang pagtingin,
Ngunit ang lahat pala sa kanila'y
Syang palamuti at hindi tunay na kabahagi
Ng aking istorya.

Patuloy silang nalusaw
Gaya ng krayolang nilalaro ko sa apoy
Noong ako'y paslit pa lamang.
Na ang akala kong bubuhay sa pinipinta kong larawan
Ay hindi pala sapat sa magandang imaheng
Aking nasasaklawan sa aking imahinasyon.

Kusa silang naglaho na tila ako'y tinakbuhan lamang
At marahan akong napaluhod buhat sa aking kinatatayuan.
Gusto kong magsalita, gusto kong may masambit..
Gusto ko silang pigilan sa paglisan
Pagkat hindi ko ninais na mapag-isa
At patuloy na mangulila sa pagmamahal.

Kung pwede lang na sa gitna ng katahimikang ito'y
Kaya kong marinig ang sarili kong boses.
Kung pwede lang sa gitna ng aking paghihintay at pagsusumamo'y
Wag muna silang kumilos at aking mahanap
Ang tinig na akala kong susundo sa akin
Buhat sa paglimot ko sa aking sarili..

Namukod-tangi ang boses na aking hinahanap,
Naririnig ko na ang Kanyang mga yapak
Na tila ba patungo at palapit na sa akin.
Ngunit hindi ako makagalaw buhat sa pagkakayuko.
Ni hindi ko na masilayan pa kung sino ba ang paparating.
At dahan-dahan pa rin ang pagpadyak
Ng Kanyang sandalyas patungo sa akin.

At habang Siya'y lumalakad,
Ay dahan-dahan ding nagbago ang senaryo
Na aking kinalalagyan.
Narinig ko ang napakalakas na pagpaubaya ng alon,
Ang tunog ng kampanang magaan sa aking pakiramdam,
At ang mga humiheleng tila mga anghel
Na naging mitsa ng pagtatayo ng aking balahibo.

"Nasaan na nga ba ako?" Tanong ko sa aking sarili.
At muli kong narinig ang mga nagpupuring anghel
Na tila ba walang katapusan ang kanilang galak
At ako'y nadadala kung saan.

Hindi ko pa rin mabuksan ang aking mga mata
At wala akong masilayan maliban sa dilim
Na pilit kong nilalabanan at alisan.
Hinahanap ko pa rin ang tinig Nya
At nais kong tanggapin ang bawat salita mula sa Kanyang bibig.

Maya-maya pa'y narinig ko
Ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking, "Anak."
Habang ang aking kamay ay hawak-hawak pa rin
Ang pilak na muli ko sanang itatapon sa balon..

"Anak, halika na.. sabi ng doktor, may donor ka na raw.."
Sambit ng aking ina habang ako'y akap-akap
Sa kanyang mga maiinit na mga bisig.
Kusang tumulo ang aking mga luha
At sya nama'y humagulgol sa saya.

Walang salita ang sinambit naming dalawa,
Ngunit ang kanyang yakap ay humigpit.
At naramdaman ko ang kanyang mga luhang
Dumadampi sa aking balikat at sa aking damit.

At sa mga oras na iyo'y
Ang kanyang yakap ay higit pa sa lahat ng yakap sa mundo
Ang luha nya'y tila ba binabalot ng isang hiwagang
Nagpapakalma sa aking paghihirap.
Ang gaan ng aking pakiramdam,
Ang saya ng aking kalooban.

At doon ko natagpuan ang aking hinahanap,
At sa aking muling pagmulat
Kung saan may liwanag nang maaaninag,
Alam ko kung kanino na ako muling lalapit pa..
Alam ko, hindi ko man nasilayan ang lahat
Ngunit ang pakiramdam na iyo'y
Habambuhay kong nanaisin
At pasasalamatan.
Ang luhang pilit na kinukubli, bumuhos, parang talon
Sa mga pisngi kinikimkim, hanggang sa pusong humihinahon
Mga kamay halukipkip, ang bibig ay takip-takip
Sariling Hikbi, ayaw marinig ang nais, habang buhay na maidlip

Ngiti nga'y naglaho, maskara'y nawala
Masasayang halakhak, bulaklak na nalanta
Pusong pinilit mabuo, maging bato
Nadurong sa isang pagkakataon... Sa ala-ala mo

Ang malayang paglalakbay ay sinubok kong mag-isa
Inilayo ang puso ko, sa iyo ng aking mga paa...
Pinilit na wag lingunin ang nakaraan
Mga mata ay tinakpan, sarili'y piniringan

Tainga'y pinilit takpan, madiin, madiin
Na kahit bulong ng puso, di ko na kaya dinggin
Ngunit ang damdamin, sumisigaw, humihiyaw
Maliwanag, malinaw, malakas na bulong ay ikaw

Ngayon gabi, sa pagtulog, halika sa panaginip ko
Sa panagip baka doon, tayo magkatotoo
Halika, mahal, halik sa tabi
Tulungan mo akong palayain ko ako...
J Guillermo Apr 2016
Sana makapaghabi ka ng magarang tula
gamit ang tira-tirang retaso ng puso ko
Maiibsan ang kirot sa pagkakaalam
na muling mapakikinabangan
damdaming nagmistulang basahan

Heto pa ang mga luma kong luha
Tambak, nagkalat, 'di na alam saan nagmula
Kiluhin mo na't gawing sining
Nang may malugaran,
sariwang luhang nagbabadya pang dumating
Ayoko nang maging Pambansang Alipin ng Feelings, please lang.
inggo Jun 2015
Nakaupo sa isang tabi
Habang ang hangin ay umiihip
Lumalalim na ang gabi
Ikaw pa rin ang iniisip

Dumating ang kinaumagahan
Usok ng kape ang pinagmamasdan
Luhang hindi mo inaasahan
Umaasang may taong pupunas nyan

Sa hapon ika'y magsasaya
Kasama ang mga kaibigan o kabarkada
Ngunit darating ang oras na uwian na
Di na namalayan na ika'y nag iisa
Robert Biene Mar 2018
Sinulat ko ito para sa babaeng inspirasyon ko
Sinulat ko to para sa babaeng gusto ko
Sinulat ko to kahit di mo gusto
Sinulat ko to sa damdaming nanawagan para sayo
Sinulat ko to kahit kupas na ang gamit na mga litanya
Sinulat ko ito sana'y dinggin at pakinggan
Sinulat ko to para sa babaeng mahal at mamahalin ko
Sinulat ko to para sayo, aking sinta.

Babaeng sinta nakita ko sa'yong matang nakasandal sa pighati hatid ay lumbay at kalungkutan
Damdamin mo'y gusot nilukot pinaikot-ikot, kirot ang naidulot
Di ka ba napapagod
Sa iyong matang luhang di mapigilan pumatak ,umaagos hanggang sa mapagod at makatulog ngunit minsan nauudlot dahil sa sakit na naidulot
Bibig at boses na ginapos ng nakaraan sa matatamis mabobolang salita lumipad sa kawalan humantong na bitiwan ka nya
Ngayon ay hikbing paudlot udlot, pwede mo na ba ihinto?
Para sa taong handa kang hintayin at mahalin ng walang halong kasinungalin at tunay.

Handa ang panyo para punasahan ang iyong luha
Handa ang tenga para dinggin ang iyong walang katapusan na drama
Handa ang mga kamay ipagluto ka punan ang iyong katakawan
Handa ang boses para ikaw kantahan kahit sa lumang paraan na tawag ay harana
Handang handa kang paglingkuran kahit labhan ang damit ng iyong mga kuya
Handa kang samahan sa iyong kasiyahan lalo na sa panahon ng iyong kalungkutan
Handang gawin ang lahat ng makakaya para ikaw mapasaya lamang
Handa iaalay ang sarili sa Diyos at hubugin ang sarili para maging karapat dapat sayo at sa pag ibig **** alay

Handa ako ipakilala ka sa aking pamilya
Handa kang hintayin kahit gano man katagal
Handa ako na patunayan ang bawat pangako na nakasulat dahil dapat ang isang lalaki ay may isang salita
Handang handa ako mahalin at ipaglaban ka sinta.

Kapal man ng mukha ang sayo'y iharap
Wag mo sana tingan sa itsura sana makita mo ang puso kong malinis ang intensyon totoong tunay
Pakiusap muling buksan ang iyong sugatan hilom na puso;
Para sa lalake di uso ang laro

Sa bawat bigkas na taludtod
Pangako sayo di mapupudpod
Puso **** naupod napagod
Di na mauulit ang pagkakataon na iyon
Sayo'y di kahit kelan mapapagod
Intidihin ka sa bawat pagkakataon
Respeto at pangunawa ang aahon
Para sa panahon sa muling pagkakataon
Andito lang ako andito ako naghihintay at maghihintay sayo
Marge Redelicia Dec 2014
Dugong kumukulo
Luhang tumutulo
Katawang nabalot sa pagod
Isipang nasakop ng lito
Pero
Ang ating mga puso ay patuloy
Na lumulusong
Sumusulong
Sa gitna ng nagbabagang apoy.

Pinapatatag ng pag-ibig
Pinapatakbo ng dangal.

Wagas at lubusan
Ang ating alay
Para sa ating tungkulin at pangalan
Para sa layuning pagbabago sa lipunan
Para sa masa
Para sa isa’t-isa.

Maraming salamat,
Sanghaya.
Gusto ko simulan ang tulang ito sa tanong na "kamusta kana?"
Kamusta na ang taong minahal ko ng sobra pa sa sobra
Naging malungkot kaba nung ako'y nawala?
O naging masaya dahil wala na ako sa tabi mo sinta

Nagbabaliktanaw ako sa mga ala-ala noon na ating binuo
Naging masaya naman tayo
Kaya di ko alam anong dahilan mo para mag bago
Para masaktan mo ako ng ganito
Para iparamdam mo sa'kin na hindi ako kawalan mo
Para ipamukha mo sa'kin na wala na talagang TAYO
At ngayon napaisip ako kaya ka pala nagbago kasi may bago na palang nagpapatibok ng puso mo

Di ko mapigilan hindi magalit
Di ko mapigilan na hidi masaktan
Di ko mapigilan na lumuha hanggat gabi patungong umaga
Di ko mapigilan na tanggapin na ako nalang yung naiwang tanga
Tanga na umaasa na magkabalikan pa tayong dalawa
Umaasa at nagmamakaawa "Pakiusap mahal, usap tayo. Ayusin natin to"
Pero sarili ko lang pala ang niloloko ko
Kasi nakikita na kitang palayo at hindi na maaabot
Nakikita na kitang naglalakad kasama siya habang puso ko'y kumikirot

Kaya sa huling pagkakataon
Binalikan ko ang dati nating tagpuan
Nagbabasakali na ikaw ay madatnan
Pero namulat ako sa realidad na may mga bagay palang di na pwede maging katotohanan
Kaya heto nagbaliktanaw nalang ako sa mga magandang ala-ala na akin paring hinahawakan
Kasabay ng pag-agos ng alon ay ang pag-agos ng luhang nagasasabing kailangan ko na 'tong bitawan

Kaya ngayon tatahak nalang ako ng ibang landas
Maglalakad ako, pilitin na ang mga nangyari sa'ting dalawa ay maya-maya ay kukupas
Maglalakad ako, habang wala ka na sa tabi ko, yung taong minahal ko ng wagas
Maglalakad ako, maglalakad ako
Pero  lilingon parin ako at makikita ko ang iyong mga bakas
Bakas na patunay na ikaw ay naging totoo
At hindi panaginip na nilikha ng imahinasyon ko
Na merong ikaw na pansamantalang minahal ako
Merong ikaw na minsan ay ginawa kong mundo
Merong ikaw na tinanggap ng buong-buo at
Merong ako na sinubukang lumaban pero sa huli meron paring ikaw na bumitaw nalang ng bigla-biglaan

Hanggang ngayon naglalakad parin ako dala-dala ang katangang "Pinagtagpo pero di tinadhana"
Yan nga siguro kasi ang kwento nating dalawa
Ang mga landas natin na wari'y nagkita,
Ngunit hindi inalaan para magkasama.
Maglalakad ako, hanggang sa malimutan na kita mahal ko
Desirinne Feb 2017
Sa bawat pagpatak ng ulan
May mga taong wasak at luhaan
Mga luhang umaagos kasabay ng patak ng ulan
Mga kirot na nais takpan

Ako'y parang ulan
Umiiyak kapag nabibigatan
Napupuno kapag nahihiapan
Sa likod ng bawat kaligayahan
May mga damdaming napaglalaruan
At mga taong iniiwang sugatan

Tama na ang isang iyak
Sapat na ang mga patak
Dahil magiging maayos rin ang lahat
Mahahanap mo rin ang taong tapat
Na magmamahal sayo ng sapat

Sa pag agos ng ulan sana agusin na lahat
Ng sakit at kirot  dahil yun ang nararapat
Ako'y nagbago at natuto dahil sayo
Nagbago dahil sa sakit na naranasaan sayo

Pagtapos ng iyak ng lagit
Alam kong may sisinag na araw
Ngi-ngiti ulit sa langit
Kasabay ng ulap ng bughaw
2/28/17

— The End —