Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Sy Lilang Oct 5
Umaga —
Oras na naman para bumangon
Para buhatin ang sarili
At akayin ito
Patungo sa walang kasiguraduhan.

Sa mga tala kagabi,
Aking pinagnilay-nilayan
Ang mga katagang pa-na-hon
Na sa mga oras na ito’y sisibol muli
Ang pag-asa buhat sa delubyo ng kahapon.

Tinitiis ko ang sinag ng tirik ng araw
Para bang hindi nya naisip
Na nasasaktan ako —
Na sa tuwing bubuksan ko ang aking bintana’y
Nariyan sya at tatambad sa akin..
Para bang walang nagbago,
Para bang hindi nya ako dinaya kahapon
O sa ibang araw pang lumipas.

Gusot ang damit ko,
Ni hindi ko man lamang nagawang plantsahin ang damit ko
Na para bang sinisigaw ko sa mundo na,
“Tama na! Pagod na pagod na ako!”
Pero nakatikom pa rin ang aking bibig
At pilit akong lumuluhod sa aking mga luhang,
“Wag muna, wag muna ngayon.”

Minsan na rin akong nakalasap ng tagumpay
Yung tipong minsang bumago sa kung sino ako ngayon,
Ito yung minsang alam ko namang may kapalit —
Yung panghabambuhay na..

Naniniwala pa rin akong pantay ang pagtingin ng Langit
Sa katulad ko at sa katulad nila
Kung ang ulan nga‘y
Sabay na babagsak sa dukha’t gintong kutsara,
Gayundin ang pag-asa.

Hindi ako mapapagod,
Hindi ako titigil na bumangon sa umaga
Hindi pa rin ako titigil sa pasasalamat —
At pagbubuksan ko pa rin ang Umaga.
Sy Lilang Sep 8
"Nandito ako"
"Hindi kita iiwan"
"Susuportahan kita"
"Nagtitiwala ako sayo"
"Kayang-kaya mo yan!"
"Laban lang!"

Paulit-ulit kong sinasambit sa'king sarili nang pabulong,
Tila nagdarasal ngunit ang totoo'y
Hindi ko na rin alam kung hanggang saan pa ba ang dulo.
-------------

Wala na naman akong laban sa ihip ng hangin,
Sa ihip ng panahon.
Wala na naman akong laban
At ang buo kong pagkatao'y
Kusang dudungaw sa aming bintana,
Hahagilapin ang araw,
Nasaan nga ba ang Silangan?

Gagayak ako nang walang patumpik-tumpik,
At sasabay ang agos ng tubig sa bawat butil ng aking luha,
Para bang humihinto na naman ang oras.
Walang kasiguraduhan na naman ang araw na ito.

Araw-araw ay nag-aayos ako ng uniporme ko,
At ayun, magbibilad sa initan gamit ang aking lumang motorsiklo.
Kukunin ang selpon sa aking bulsa, magpapa-load
At maghihintay ng sandamakmak na mga utos.

Minsan, napapagod ako
O sabihin na lamang nating madalas,
Na sa bawat pintuang kinakatok ko'y
Daig pa ako ng nangaroling
Sa bilang na mga baryang iaabot sa'kin ng tadhana.

Minsan iniisip kong
"Ganito na nga lang ba?
Paano ang bukas?
O may bukas pa nga ba?"

Minsan naman, nakaririnig ako ng masasakit na salita
Pero minsan parang mga bala na lamang itong
Hindi tumatagos sa aking ulirat,
"Manhid na nga ba ako?
Sabihin mo, Tadhana."

--------

Pinagmamasdan ko na naman ang mga kamay ng orasan
Kanina pa o hindi ko na malaman
Kung kelan yung huling "kanina,"
Naghihintay ako ng saklolo,
Kasabay ng huling kumpas ng mga kamay
Ng naiiwan kong kaibigang de-baterya..
"Dito na lang ba magtatapos ang lahat?"

Nagbibilang na lamang ako ng oras,
Ng hininga
At baka hindi na nila ako maabutan,
At doon ko huling nasilayan ang mga aninong iyon,
Wala na akong maintindihan..
Wala na akong marinig pa..
*Ito na marahil ang huli.
Hindi pa huli ang lahat,
Kaya mo pa --
Kaya pa natin.
Ituloy ang laban; ituloy mo lang.
Pangako, magtatagumpay tayo..
Kapit pa, kaibigan!
Sy Lilang Sep 8
Faith isn't about competition,
We don't run this race to compare one's self to one another,
We don't run and bump each other.
We're not to offend those who fall and backslide,
We don't condemn people as the Spirit brings conviction.

But instead, we give a hand to the lost,
We should be building up each other
Instead of tearing each other down.

We run from the very beginning
'Coz we know what kind of battle we're facing,
And it's a battle against ourselves --
A battle with our own flesh
That will also soon die
And shall return into dust.

We live by grace
And we don't need to pretend we've never lied,
For in this world, everything is permissible
But not everything is beneficial.
So we choose our battle wisely,
We aim the target of not falling away
And remaining in what we've started --
Remaining in faith.

We fall and we rise;
But we are forgiven,
We are in Christ.
So we should no longer live in sin,
For sin has no hold in us
When Jesus becomes enough for us.

And like Jesus whose eyes are fixed to the Father,
We challenge ourselves each day,
To live a life with purpose,
With meaning and with hope --
That one day, we'll also rise
As what we always proclaim by faith;
We'll also rise as Jesus did!
Glory and honor and power to the One who we're exalting!
Sy Lilang Aug 29
Ama
08292020

Nagbibilang na lamang ako ng oras
Upang ang bukas ay tuluyan nang kumalas
At kusang sumabay sa palakpakan
Sa entabladong nakatikom sa aking damdamin.

Ilang taon nang nakikibaka ang Iyong mga kamay
Sa modernong pagkatha at paglikom ng mga salapi.
At sa aming hapag-kaina’y ilang ulit na akong tinutukso
Ng mga matatamis na panimula sa telebisyon —
Na baka sakaling matikman ko rin
Ang hain nila sa sarili nilang hapag-kainan.

Minsan akong nangulila
Buhat sa kawalan nang may mga katanungang,
“Sino nga ba ang tama?”
Na sa paulit-ulit na pagtatapon ko ng mga ito’y
Ang mga ito rin ang sumasampal sa aking pagkatao.

Ngunit ang totoo’y:
Nilimot ko na ang mga katanungang iyon
Hindi ako sumabay sa agos ng galit
Na bumabawi sa aking paghinga
Na tila ba ako’y pagod na
At gusto ko na lamang manahimik mag-isa.

Nais kong sambiting
Hindi ako nagalit nang minsan mo kaming pinagtaksilan,
Inisip ko na lamang na iba ang latag ng kapalaran —
Iba ang laro sa loretang ito
At hindi ito madali —
Pero ito’y panandalian.

Siguro nga —
Iniisip **** saan nanggaling ang mga ito
Ang mga salitang tila ba hindi ko man lamang pinag-isipan
At tuluyan kong binitawan
Gaya ng pagbitaw mo para sa amin.

Pero gaya ng sambit ko —
Hindi ako galit,
Hubad ang aking emosyon
At umaapaw pa rin ang aking pagpapasalamat
Na sa mga oras na ito’y —
Hindi mo kami iniwan.

Higit pa sa pagpapabatid ko ng pasasalamat sa ito’y,
Nais kong ihagis ang aking mga kamay sa langit
Na tila ba higit pa sa nagagalak ang pakiramdam
Ang aking puso’y tiyak na ang grasyang alay ng Langit
Ang gumawad sa akin ng kalayaan.

Malaya akong piliin ang saya kesa sa galit,
Na parang paghihimay ng mga butil ng buhangin,
Parang imposible, di ba?
Pero naging posible
At wala na akong maihain pa
Kundi ang umaapaw kong pusong
Ginawang Malaya ng Maykapal.

Lubos ang aking pagsamba,
Salamat Ama.
Salamat sa dalawa kong ama at Ama.
Sy Lilang May 24
05242020

Ikaw --
Ang tula sa'king gabi,
Ang tulang 'di isantatabi.
Sy Lilang May 2
05212020

Ito ang gabing
Ako mismo ang sisira sa pangako ko —
Sa pangako kong ililibing ko ang sandaling
Mistulang nabihag ang buo kong pagkatao
Natapos ang mga petsang hindi ko na mabilang pa.

Panaginip —
Ika-11 ng gabi, naggising akong muli
Nasilayan kita
Nasilayan ko syang humahakbang papalapit sayo
Natakot ako, siguro nga
Wala naman kasing nagbago.

Natatakot pa rin akong hindi tayo magtagpo
Sa aking paghihintay sayo.
Ni hindi ko maitali ang sarili sa pagsambit ko ng “oo.”
Siguro nga, nag-aabang pa rin ako gaya ng dati —
Siguro nga isa na lamang akong
Gamu-gamong alaala ng kahapon
Na sa paupos na kandila’y
Tuluyan na ring maglalaho.
Sy Lilang May 2
05022020

Nagbibilang ako ng mga pahinang
Ni minsa’y hindi ko binura
Ni minsan, hindi ko binasura.
Hinuhulma ko pa rin ang aking mga kamay sa buwan
Na sa tuwing pinagmamasdan ko siya’y
Sumasagi sa’king isip ang unang tulang
Binigkas ko sayo nang biglaan.

At habang pinagmamasdan ko ang aking mga palad,
Ay kumukunot maging ang aking mga kilay
Kasabay ng kumot sa gabi sa bawat paghikbi.
Hinulma pa rin ba ang mga palad para sa isa’t isa?
O ang minsang nagpahinga’y
Bawal na rin bang bumalik para magsimulang muli?

Nauutal ako —
Sa tuwing sinisigaw ko saking isip ang pangalan mo
Ang bawat letrang dahan-dahan kong sinusulat
Sa aking alaala, saksi ang pintig ng pusong may pangamba.

Nasisilaw ako —
Na sa bawat pagpikit ko’y
Tila suntok ka sa buwan kung makakamtan muli.
Nasisilaw ako —
Sa tuwing hinihiling kong pagbuksan
Ang puso **** kinakatok at niluluhod sa panalangin.
Next page