Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
SYL Oct 2021
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Habang ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
SYL Aug 2021
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
SYL Aug 2021
Nangungusap ang mga mata
Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita
Walang kuwit, walang tuldok
Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo,
Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.

Nababalot tayo ng hiwaga
At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong
Sinulsi ng kirot ng kahapon.
Lumipas na --
Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga
Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.

Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba
Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon.
Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit?
Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure.
Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam
Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?

Umiiwas tayo sa hanging mapanakit
Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na.
Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula
Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.

Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y
Pipiliin nating tumayo pa rin
Bitbit ang ating mga bandila
At kahit pa sa ating pananahimik
Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin
At mas magliliwanag pa ang mga ito.

Ang mga makakapal na ulap
Ay makakaya na nating hawiin
At magsisilbi itong palatandaan
Na tayo'y  hindi magpapalupig
Sa dikta ng tadhana at panahon.
Pipiliin pa rin nating maging tama
At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan
Ay magsisilbing pabaon natin
Sa kinabukasang henerasyon.

Kaya ko, kaya mo --
Kakayanin natin,
Kaya natin, kasama ang Panginoon!
SYL Aug 2021
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang dulot ng aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon --
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
SYL Jun 2021
Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam,
At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi.
Unti-unti na rin silang naglabasan
Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan
Ang mga bihag sa kahon ng posporo.

Narinig ko ang malulutong na mga papel
Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain.
Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y
Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.

Narinig ko rin ang mga latang may mukha
Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma.
Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba
Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.

Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin
Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo.
Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal
O huhubarin na rin nang paisa-isa
Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.
Xian Obrero Jul 2020
Hanggang kailan ako magiging ganito?
gabi-gabi na lang tawag ko ang pangalan mo
Kung pwede ka lang maibalik nitong mga luha ko
Noon pa siguro’y nagawa ko na at ikaw ay nasa piling ko na’t ako ngayo’y yakap mo.

Gabi-gabi na lang, nasa isip kita
gabi-gabi ring dasal na panaginip kita
dinig mo ba ang mga iyak ko at aking mga sana?
“Isang beses man lang sana tayo ay nagkasama”.

Ano kayang pakiramdam mahawakan ang kamay mo?
Sa tuwa kaya ay mapatalon ako?
Mga pisngi ko ba’y mamumula o manginginig ang katawan ko?
Naranasan ko man lang sanang sa tabi mo’y minsang maupo.

Sa takdang panahon kaya’y makita rin kita?
Ang oras ba natin ay sa wakas magtagpo na?
Isang beses man lang sana masabi kong mahal kita
Isang beses man lang sana...
Isang beses man lang sana ....
Xian Obrero Jun 2020
Mahal, kumusta ka?
Ako ay masaya sapagkat panaginip kita.
Mahal, masaya ka rin ba ?
Ano bang nadarama mo? Sana’y nalalaman ko.

Mahal, nandito lang ako..
Sana andito ka rin, nandito sa tabi ko.
Ngunit alam ko na kahit ako pa’y manalangin
hinding-hindi ka na posible pang mapasaakin.

Mahal, bakit ka lumisan ?
kaunti na lamang ay akin nang maaabutan.
Kaunti na lang mayayakap na kita
ngunit pagdating ko nakaalis ka na. Tuluyan nang nawala.

Nawala ka, dumating ako.
Tumakbo ako palapit, tumakbo kang palayo.
Bakit ba hindi man lang tayo nagtagpo?
Bakit ba umakyat ka na noong bumaba ako?

Ngunit ganoon pa man ay panaginip kita.
Kung pwede lang manatili ay ginawa ko na.
Kung pwede lang matulog nang mahimbing, gagawin kong talaga...
Ayoko nang magising, panaginip kita.
Xian Obrero Jun 2020
Sa pagkagat ng takipsilim isa lang ang natatangi kong hiling,
nawa'y sa agad na paghiga ay siyang agad ring mahimbing.
'pagkat ako'y sabik na ng labis na muli kang makapiling—
hintayin mo aking sinta, sa tagpuan natin ako'y darating.

Sa napakalaking puno tayong dalawa'y nagtagpo
Tila nag-uusap ang ating isip at puso kahit hindi kumikibo,
hindi ako makapagsalita sa kadahilanang dinadaga ang aking puso..
Sa pagsalubong mo sa akin, niyakap kita at hinalikan sa iyong noo.

Mga luha mo'y nagsitulo mula sa'yong napakagandang mga mata,
wala akong ibang nagawa kundi titigan ang iyong napakaamong mukha..
Sadya namang hindi natin masukat ang kaligayahang nadarama,
Hiniling ko na sana ang oras na iyon ay hindi na matapos pa.

Muli sana akong lalapit para muli kang yakapin,
ngunit sa aking pagkahimbing kinailangan ko nang gumising.
Huwag mag-alala, aking sinta 'pagkat muli akong darating...
sa aking susunod na mga panaginip ang oras ay atin nang susulitin.
Xian Obrero Mar 2020
Nakaupo't-nag-iisa, kagaya kahapon sa bintana siya'y nakadungaw
Mula sa kanyang silid, mga mata niya'y malayo ang tinatanaw
Ang palagi niyang inaabangan ay ang napakagandang paglubog ng araw
Sa paglubog nito'y siya ring pagsalubong niya sa gabing walang kasing ginaw.


Sa paglipas ng panahon ay nasanay na nga siyang palaging ganoon
Ang paglubog ng araw ay inaabangan niya pa rin maging hanggang ngayon
Hindi siya nagsasawa at napapagod sa paghihintay buong maghapon
Wari'y kakayanin niya ring mahintay ang pagtuyo ng mga dahon.



Ang wika niya, "Sa tuwing lulubog ang araw ay naaalala ko siya"
Naaalala niya raw ang kanyang sinta at ang taglay nitong yumi at ganda
Kasing liwanag rin daw ng araw ang pagkislap ng kanyang mga mata
Ngunit isang hapon raw ay bigla na lang itong kinuha sa kanya.



Sa labis niyang pagmamahal sa sinisinta niyan iyon
Nabatid kong marahil sa lungkot ay hindi siya makaahon
Kaya pala ganoon na lang ang kanyang paghihintay sa buong maghapon
Sa paglubog na araw pala na nagpapaalala sa kanyang sinta kahit papaano siya'y nakakaahon.
Xian Obrero Mar 2020
Ano nga ba ang “IKAW” sa ako?
Ikaw ba ‘yung taong pag-aalayan ko?
—pag-aalayan ko ng saya, tuwa, oras,
puso at buhay ko?
O ikaw ba ‘yung taong magpapaluha,
maninira o guguho sa aking mundo?

Sino nga ba ang “IKAW” sa akin?
siguro ikaw na ‘yung matagal ko nang-
pinapanalangin,
siguro ikaw na ‘yung may mukha at
may mga matang mahinhin,
ikaw na siguro ang nakatakda kong
mahalin.

Teka lang, eh, “AKO”?
Ano nga ba ang “AKO” para sa’yo?
Siguro naman mayroong “AKO” diyan -
sa puso mo?
Siguro naman may “AKO” na siya ring
ipinagpanalangin mo?
Siguro naman may “AKO” rin diyan
sa buhay mo ?

May “IKAW” at “AKO”, ibig sabihin
– mayroong “TAYO”.
Ang mahalaga may “TAYO” kahit hindi ito klaro. Hindi man itinadhana, minsan pa ring
namuhay sa iisang mundo.
Hindi man pinagtagpo, magkarugtong
pa rin naman ang mga puso.
Next page