Bakit tinuring na pananampalataya ang pagpagal sa luhuran? Hinaing na tumagos sa kaluluwa't banal hayo't di na natanggal--mantsang nakabaon 'gang hukay.
Dinalangin ang sarap at ginhawa sa kahoy na nakahubad sa kapwa kahoy Tiningala nga't sinamba Binalahura nama't minura.
Anu't ano pa'y pumaslang at nanggahasa Nagnakaw at nagpakasasa sa salapi at tawag ng laman Nang mahulog sa bangin ay biglang tinawagan ang minura't binalahura.
Iligtas mo ako. Lumuhod ka, sabi Niya. Nakikipagusap ba ako sa patal at mangmang? Heto nga't sugat na'ng mga kamay sa kapitan lumuhod pa ang sigaw ng Dinakilang Hangal?
Lumuhod ka! Ilang ulit pang sinugo ng tinig na hindi tanto ang poot sa anak na ang sungay tumubo hanggang likod.
Dumating na nga at ako ang nagwagi Sa larong alam kong ako ang masasawi Kaya nama'y tuluyang ikukulong at itatali At tuluyang ako ang sa inyo'y maghahari
Wala nang dapat pang pag-usapan Ako ang wagi sa tunggalian Itatago ko na kayo sa kailaliman Sa madilim at malungkot na kadiliman
Yayakapin ang ginaw sa taglamig At papatayin ang apoy ng tubig Wala nang lambing mula sa bibig At papatayin ko na ang pag-ibig