Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
Marge Redelicia Jun 2015
balikan natin ang panahon noong tayo'y mga bata pa.
naalala mo pa ba
noong tayo'y nagtagpo sa gitna ng mapunong gubat,
sa may malinaw at malinis na sapa?
ang mga kamay natin ay hasang-hasa sa paglikha,
pagtupi ng mga obra:
mga bangkang gawa sa papel, na
ating pinapanood ang pag-anod sa tubig
na banayad na dumadaloy;
nagpapadala lang sa agos.
at hindi,
hindi ito isang paligsahan o karera.
ang tanging pakay ay
malibang at magsaya.
kung lumubog o masira man ang ating mga bangka,
ayos lang,
gumawa na lang ng iba.

pero ngayon,
tayo ay lumaki at tumanda.
pati lunan natin ay nag-iba.
sa ating pagtingala,
hindi na yung mapunong gubat ang ating nakikita,
kundi ang bughaw na langit
na walang anuman ang makakadaig
sa lawak at laya.
at siyempre,
ang ating malinaw na sapa
ay humantong na sa
karagatan.
di matalos ang hangganan,
di matalos ang lalim.
maraming tinatagong lihim.
nalusaw na sa tubig ang mga bangkang gawa sa papel.
at dito sa dagat,  
nararapat lang na maglayag sa mga galyon kasi
araw-araw may digmaan sa laot.
kalaban natin
ang mabagsik na hangin,
mga higanteng alon,
mga piratang nananamantala,
pati na rin ang uhaw, gutom, at pagod.
pero bago pa man magsimula ang digmaan,
tayo na ang panalo.
walang sinabi ang lupit ng dagat sa bagsik ng ating puso.

sa ating paglingon
mapapagtanto na
hindi masukat ang layo
ng narating na pala
at mararating pa natin.
matagal nang wala ang gubat at sapa,
napalitan na rin ang mga mumunting bangka.
ngunit ako,
ay nandito pa
at patuloy na mananatili
kahit na
magkaiba at magkalayo
ang sinasakyan **** barko sa sinasakyan ko.
'di bale
iisa lang naman ang Kapitan,
iisa lamang ang kayamanan na hinahanap,
iisa lamang ang lupain na tinutungo.

hindi talaga
matiwasay at madali ang paglalayag
dito sa malawak na dagat na ating tinatahak. kaya
kung dumanas man ng sindak at lungkot,
huwag maniwala sa lawak at lalim
na natatanaw sa mga alon; kasi
kahit saan man mapadpad,
kahit saan man ihatid ng tadhaha,
nandito lang ako.
happy happy birthday UP, Rizal, and of course, Sofia!
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Leilaaa Aug 2015
balikan natin ang panahon noong tayo'y mga bata pa.
naalala mo pa ba
noong tayo'y nagtagpo sa gitna ng mapunong gubat,
sa may malinaw at malinis na sapa?
ang mga kamay natin ay hasang-hasa sa paglikha,
pagtupi ng mga obra:
mga bangkang gawa sa papel, na
ating pinapanood ang pag-anod sa tubig
na banayad na dumadaloy;
nagpapadala lang sa agos.
at hindi,
hindi ito isang paligsahan o karera.
ang tanging pakay ay
malibang at magsaya.
kung lumubog o masira man ang ating mga bangka,
ayos lang,
gumawa na lang ng iba.

pero ngayon,
tayo ay lumaki at tumanda.
pati lunan natin ay nag-iba.
sa ating pagtingala,
hindi na yung mapunong gubat ang ating nakikita,
kundi ang bughaw na langit
na walang anuman ang makakadaig
sa lawak at laya.
at siyempre,
ang ating malinaw na sapa
ay humantong na sa
karagatan.
di matalos ang hangganan,
di matalos ang lalim.
maraming tinatagong lihim.
nalusaw na sa tubig ang mga bangkang gawa sa papel.
at dito sa dagat,  
nararapat lang na maglayag sa mga galyon kasi
araw-araw may digmaan sa laot.
kalaban natin
ang mabagsik na hangin,
mga higanteng alon,
mga piratang nananamantala,
pati na rin ang uhaw, gutom, at pagod.
pero bago pa man magsimula ang digmaan,
tayo na ang panalo.
walang sinabi ang lupit ng dagat sa bagsik ng ating puso.

sa ating paglingon
mapapagtanto na
hindi masukat ang layo
ng narating na pala
at mararating pa natin.
matagal nang wala ang gubat at sapa,
napalitan na rin ang mga mumunting bangka.
ngunit ako,
ay nandito pa
at patuloy na mananatili
kahit na
magkaiba at magkalayo
ang sinasakyan **** barko sa sinasakyan ko.
'di bale
iisa lang naman ang Kapitan,
iisa lamang ang kayamanan na hinahanap,
iisa lamang ang lupain na tinutungo.

hindi talaga
matiwasay at madali ang paglalayag
dito sa malawak na dagat na ating tinatahak. kaya
kung dumanas man ng sindak at lungkot,
huwag maniwala sa lawak at lalim
na natatanaw sa mga alon; kasi
kahit saan man mapadpad,
kahit saan man ihatid ng tadhaha,
**nandito lang ako.
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Susugod na sa bilang ng tatlo
Isa… Dalawa… Tatlo…
Sugod

Ang giyera ay nagsimula
Ilabas na ang mga baril at sandata
Ilabas na ang mga kanyon at bomba
Ang mga tauhan at ang mga preda

Magsisimula na ang giyera

GIYERA
Na tungkol sa pagbabalik wikang filipino
Na minsan nang ipinagmalaki ng ating bansa
At ngayon ay ikinahihiya at itinatago na lamang
Na minsan nang ipinagmaybang at itinangkilik
At ngayon ay naiwan lang at tinangay na
Ninakaw ng mga dayuhan

Nang ito ay mawala ay bigla mo na lamang pinalitan
Humanap ng iba sa paligid
At sa katiyakan ay nakahanap ka nga

Nahanap mo ang ingles
Kaya’t ikaw ay humanap ng sabon na magpapaputi
Kinuskos ng kinuskos ng matagal ngunit di gumana
Kumuha ng puting pampintura
Kinulayan ang sarili
Hindi lang ang kulay ng buhok ang nagiging artipisyal
Pati na rin ang kulay ng sariling balat

Ngunit sa isang iglap ay ikaw ay nagsawa na
Sa mumunting kulay na lagi nang nakikita
Naisipan **** maglibot pa
At lumibot ka pa

Nahanap mo ang koreano na nagsasabi ng
“Hart Hart Saranghaeyo oppa”
Kaya’t ikaw ay kumuha ng papel
At nag-aral ng wikang banyaga
Ngayon ay napakanta ka na rin ng kantahin
Na kahit ikaw ay hindi makaintidi
Pero kinakanta mo dahil nakakatuwa
Hindi ba?

Hindi nagtagal ay nagsawa ka
Sa mga kantahang hindi mo rin maintindihan
Kaya’t naglakbay ka pa
Naglakbay ka hanggang sa wala
Naglakbay ka hanggang sa ang araw ay dumilim at unti-unting pinalitan ng tala

Napagod ka

Napagod ka sa kahahanap ng bagay na hindi naman mapapasaiyo
Nakahanap ka nga pero hindi naman ito sa dugo mo ay itinatanggap
Nabigyan ka ng sagot na ang hinahanap mo ay
Nasa’yo na mismo
Hindi mo na kailangan humanap ng iba pa
Dahil ang wikang hinahanap mo ay nakabihag lamang

Ibinihag ito ng mga espanyol sa dulo ng puso mo
Para mapigilan ang pagbabago
Pagbabago na makakasira ng kaisipang kolonyal na nagsasabing
Ako ang piliin mo dahil dayuhan ako
Itinatatak sa isip mo

Laging magiging sosyal ang banyaga
Laging magiging bulok ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang banyaga
Laging magiging bulok ang sariling wika

Nagtataka na ako sa iyo
Ang sarili **** wika ay nakabaon lamang sa puso **** nakakandado
Nasayo naman ang susi pero pilit **** isinasarado

Ano

nga ba ang pumipigil sa’yo

Handa na ako
Sa aking pagsuko

Pagsuko
Hindi dahil natalo ako
Pero dahil idinedeklara ko na ang aking pagkapanalo
Isusuko ko na ang mga sandata
Isusuko ko na ang giyera

Inaanyayaan kita
Sabay sabay tayo
Magkahawak ang kamay at hindi kakailanganing bumitaw at maghiwalay
Sama-samang baguhin ang mundo gamit ang sariling wika

Buksan ang nakakandadong puso
At doon ay makikita mo ang sedula

Hawak ko na ang sedula

Hawak ko na ang sedula
Ng pagkabilanggo ng wikang filipino
Handa na akong palayain ito at gamitin para sa pagbabago
Ang dating linya ay magbabago

Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika
Laging magiging sosyal ang sariling wika

Susuko na sa bilang ng tatlo
Isa. Dalawa. Tatlo.
Suko

Tapos na ang giyera
George Andres Jul 2016
Sawa na ako sa ideya ng Pag-ibig
Sawa ka na rin ba?
Sa pagbulong, paghikbi at pag-asa?
Dahil minsan mayroon akong nakilala
Isang bulaklak ng sampaguita
Bagamat di pa tuluyang bumubuka
Dinudumog na ng labis na pagsinta
At minsang umibig rin siya
At hinayaang pitasin ng isang binata
Ipinagkaloob ang taglay na kamurahan at bango
Isiniwalat lahat ng pinakatatago

Araw ni Valentino nang muli siyang nakita
Nangungulubot na ang kanyang mumunting petalya
Muli kong napansin na ang pagsinta
Katulad rin pala niya
May panahon ng pag usbong
May panahon ng pagkamatay

Hinubog na ideya sa ating isipan
Na ang pagmamahal ay walang katapusan
Iyan ang dahilan kung bakit sawa na ako
Sa ideya ng pag-ibig
71216
deadwood Oct 2017
Hindi minsang naisip ng aking munting ulo na ika'y darating sa aking buhay.

Araw-araw nakikita kita mula sa pagpasok mo sa paaralan, pag-akyat ng hagdan, at paglagay ng bag sa ilalim ng upuan.

Araw-araw ako'y napapaisip, kung ano ba't lagi kang tahimik, laging malamig ang hangin, at laging tulala ka sa papel mo na walang laman kahit sulat man o doodle.

Ano ba?

Kung sa tingin mo ay nagkakagusto ako saiyo ay hindi ka nagkakamali ngunit hindi ka rin tama.

Binibini, ako'y nangangamba kung ano man ang nasa isip mo.

Sa unang tingin pa lang ay makikitang hindi ka pangkaraniwang estudyante.

Ikaw yung tipong hindi magsasalita kahit na nahihirapan, yung tipong hahayaang magpasakal sa taong kaniyang iniibig, yung tipong kagaya ko.

Araw-araw tinatanong ko ang Panginoon at sarili kung ano ba't nakita kita at nakilala?

Hindi ako nagkamali, katulad na katulad mo nga ako.

Katulad mo akong ayaw bumitaw sa patalim ng pag-ibig kahit na paulit-ulit na itong isinaksak sa aking puso.

Katulad mo akong gagawin ang lahat maibalik lang ang nakaraan kahit na matagal na niya akong itinakwil at iniwan.

Katulad mo akong malungkot na nagmamahal araw-araw.

Kaya, binibini, sana'y makaabot sana saiyo ang mumunting mensaheng ito mula sa wasak kong puso:

Mahalin mo man siya o oo, mamahalin pa rin kita araw-araw.
Marthin May 2019
Oh magandang binibini, ako’y lubos na nagagalak dahil sa ating mga mumunting palitan ng mga mensahe. Kahit na ito’y di masyadong impormatibo, ako’y lubos na nasisiyahan sa ating mga pinag-uusapan.

Oh binibini, ang bawat ngiti na iyong pinapakita ang siyang nagbibigay sigla sa matamlay kong araw. Ang iyong mga tawa ang siyang nagsisilbing musika sa aking mga tenga, na walang kapantay sa tinig at ganda.

Kahit na sa kakaunting panahon na tayo’y nagkilala, para na kitang kaibigan na kay tagal nang kilala. Ang bawat palitan ng mga letra’t salita ay may kasamang pagmamahal at tuwa. Kaya ang mga salitang ito’y kusang lumalabas sa aking dila.

Oh binibini, nawa’y mapansin mo ang mga problema na dulot mo, sa pagka’t gabi-gabi nalang ako’y di makatulog pag na-aalala ang mga ngiti **** sintamis ng preskong bino at ng mga titig **** kasing init ng siling labuyo.

Nawa’y sa pag idlip mo’y mapaghinipan mo ako, ng ako rin ay makadayo sa mundong tayo lang dalawa ang nandoon. Kung saan malayo tayo sa mga mata ng di nakakaintindi, at sa mga salita ng di nakaka-alam.

Oh binibini, lagi mo sanang tandaan, na kahit saankaman ay laging nasa sayo ang puso ko. Na kahit bagyo ma’y dumaan at mga lindol ay maranasan, na ang pagtingin ko ay laging sayo lamang.
A deep tagalog poem
Eunoia Aug 2017
Hindi, Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa harap ng madla
Hindi ko alam kung bakit ako gumawa ng tula  
Pero sige magsisinungaling  pa ako, magsinungaling pa ako hangga't mapaniwala ko ang lahat maski ang sarili ko
Magsisinungaling pa ako hangga't maputol na ang dila ko sa kasalanang ginagawa nito

Itatangi ko sa lahat na sumali ako dito upang mailabas lahat ng hinanakit ko
Itatangi ko sa lahat na napudpud ang lapis ko habang binubuo ang tulang ito
Itatangi ko sa lahat na ilang papel ang nasayang ko sapagkat nabasa lamang ito ng luhang dahilan ng pagngiti mo
At magsisinungaling at magsisinungaling pa ako hangga't makita na ng lahat ang salitang 'SISI' sa ginagawa kong pagsisinungaling

Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil minahal kita sinasabi ko lamang nagsisisi akong naniwala ako sa malakas na ulan
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil nakilala kita sinasabi ko lamang nagsisisi ako dahil nagpatangay ako sa malakas na hanging habagat
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako sa paglapit mo sinasabi ko lamang nagsisisi akong lumingon ako sa bintana
Ngunit mahal kahit kailan hindi ko itatanging nagsisisi akong Umasa ako sa akala ko'y Ulang magtatagal ayun pala'y dumaan lamang

Masakit sa pakiramdam maalala ang paghila mo sa aking kamay sabay sabing "halika at magtampisaw tayo" Habang bumubuhos ang malakas na ulan suot pa natin ang uniporme nating dalawa
Naririnig ko ang halakhak mo Habang masayang tumatalon dinadama ang mumunting butil ng ulan

Samantalang ako'y nakatingin sa kamay nating magkahugpo at sa hindi inaasahang pagkakataon nabanggit sa harapan mo ang katagang nakakubli sa aking puso
"Mahal Kita" ngunit ngiti lamang ang sinukli mo
"Mahal Kita" ngunit yakap lamang ang ginanti mo
"Mahal kita" ngunit ang sinabi mo lamang ay "halika umuwi na tayo"

Lumipas ang mga araw at narinig ko nanaman ang halakhak mo
Nilusong ko ang malakas na ulan upang mahawakan mo ulit ang kamay ko
Habang masaya kang lumulundag sinasalo ang butil ng ulan na siyang pumapatak sa mukha mo
Ngunit mahal nadurog ako ng makita kita sa ulan,

Nadurog ako sapagkat kamay ng iba ang hawak mo ngunit hindi katulad ng saatin nakatitig ka sa mata niya habang dinadama ang ulan
"Mahal kita" nginitian mo siya
"Mahal kita" inakap mo siya
"Mahal kita" ngunit sinabi **** "Mahal din kita"

Tumigil ang ulan ngunit hindi ang pagdurugo ko
Nilisan ko ang lugar kung saan nabasa ako
Umuwi ako sa bahay inaapoy ng lagnat at tinanong ni Nanay "bakit hindi nasuspinde?"

Tinitigan ko siya ng diretso sa mata sabay sabing
"Daang ulan lang naman daw po"
Oo tama!, daan lamang malakas ngunit hindi magtatagal
malakas ngunit nakakapinsala
Daan lamang pala

Sana hindi na lang ako nagpahila
Sana hindi na lang ako umasa
At sana pala'y nagdala ako ng payong nang sa gayon ay hindi na ako namomroblema kung paano maiiwasan ang patak nitong malakas na ulan
My first ever piece of Filipino Spoken Word Poetry
Huwag ka nang magalala
Susubukan kong
Itali sa iyong pulso
Yaring munting tala
'Wari isang lobo
Upang ikaw ay tumahan na
Gaano ba kasakit ang iwanan?
Paano ba tatakpan ang mga lamat
ng puso **** nabasag?
Hayaan **** ihele ka
ng mga mumunting kuliglig sa parang
Sa pagtulog mo
Hangad ko rin
Mabura ang sakit
na iyong dinaranas



-Tula V, Margaret Austin Go
Crissel Famorcan Dec 2017
Tagu - taguan, maliwanag ang buwan
Pagbilang Kong Tatlo, wala na akong nararamdaman!
Isa—
ito na Ang huling patak ng aking mga luha
At pangako di na ako muli pang magpapakita
Pagkat mahal, ika'y akin nang pinapalaya
Alam ko naman kasing napaglaruan lang tayo ng tadhana,
Minsan kasi, naglaro si kupido ng kanyang pana
At sumakto Ang araw na yun sa una nating pagkikita
Tinamaan ako,tinamaan ka rin yata?—
Mahal Ang alam ko lang kasi noon, mahal natin Ang isa't isa
At makulay Ang mundo!
Mundong binuo nating dalawa.
Bihira man Ang relasyong katulad ng sa atin,
Pero gagawin ko ang lahat wag ka lang mawala sa akin
Marami mang problema Ang ating pinagdaanan,
At sa kuwento natin marami man tayong nakalaban—
Parang senaryo sa pelikula,
maraming naki-eksena
Pero love story natin 'to at tayo Ang mga bida
Kaya't sa bandang huli,kamay mo pa rin Ang aking hawak
Masaya pa tayo't sabay na humahalakhak
Hanggang sa...
Dalawa—
Dumating siya sa buhay mo
At sa isang iglap,naitsapuwera ako!
Nalunod man ang puso sa selos
Ngunit pilit ko iyong iginapos
Pagkat relasyon nati'y gusto Ko pang maayos
At wag 'tong maputol, wag 'tong matapos.
Pero nakakapagod maghabol sa taong mabilis tumakbo,
Nagmimistula lang akong isang mumunting aso
Naghihintay kung kailan mapapansin
Naghihitay kung Kailan mamahalin
Kaya napilitan akong isuko ka,
Napilitan akong bitiwan ka
Kase una sa lahat—alam Kong sa kanya ka sasaya
Siya na Ang makakapagbigay sa iyo ng ligaya
Ng kilig,Ng mga ngiti at tawa—
Mga Bagay na bihira ko nang mamasdan
At Alam Kong sa kanya mo nalang mararamdaman
Kaya Tatlo—
Paalam.
Salitang di ko sana gustong bitiwan
Pero sadyang kinakailangan
Hindi ko man gusto na ika'y iwanan
Ngunit marahil,ito na Ang ating hangganan.
Pagod na ako mahal sana'y maintindihan
Dahil kung ipipilit ko pa'y pareho lang tayong masasaktan
Mahal kita tandaan mo yan.
Kaya Dito ko na tatapusin Ang ating kuwento,aking sinta
Ang libro ng pag-ibig nati'y akin nang isasara
Masakit man Ang ating naging pagtatapos
Siguradong sa puso ng magbabasa,ito ay tatagos
Tapos na akong magbilang ng numero
At gaya ng ipinangako ko—
Pagsapit ko ng Tatlo,
Ibibigay na kita sa kanya ng buo
Paalam.
Jor Jul 2015
I.
Heto na naman ang panahon na naman ng tag-ulan.
Ating ala-ala ay dahan-dahang nagsisibalikan,
Sa aking mumunting isipan.
Mga ala-alang na hindi na dapat pang binabalikan.

II.
Naalala ko pa noon ang ating unang ulan,
Sa kung paano mo ako hagkan,
Sapagkat pareho tayong nangingig ang katawan.
Niyakap kita ng mahigpit at halos ayaw na kitang pakawalan.

III.
Pareho tayong tahimik ng mga gabing 'yun,
Hindi tayo nag-uusap nasa iba ang atensyon.
Bigla kang bumalikwas at sa akin ika'y napatingin.
Ako'y panandaliang nagulat at ako'y umiba ng tingin.

IV.
Napukaw ang atensyon mo ng iyon ay aking gawin,
Ika'y nagtanong: “Mahal, anong ba’t 'di ka makatingin?”
Nagulat ako sa tanong mo, 'di ko alam ang sasabihin.
Sagot ko'y: kaswal na “Wala” at ika'y niyakap ng mariin.

V.
Bigla akong nagising sa katotohanan,
Kaya’t akin ng tinigilan ang pag-iisip ng kalungkutan.
Kung itatanong n'yong nasaan na s'ya.
Nandun s'ya sa langit kapiling ang Diyos Ama.

VI.
Oh, ulan! Kasalanan mo talaga 'to!
Kaya ngayon sila'y muling tumatangis mula sa mata ko.
Hayaan n'yo na ako,
Ganito na talaga siguro ang epekto ng mga ulan sa buhay ko.
Inspired lang.
psyche May 2016
Gusto ko sanang hilingin sa mga bituin na ibalik ka sa akin
isigaw sa buong kalangitan kung gaano ako nasasaktan
Habang ibinubulong ng mga butil ng luhang pumapatak mula sa mga mata ko
ang pait ng katotothanang patuloy pa rin akong umaasang
tulad ko’y umaasa ka pa rin
umaasang maibabalik pa natin ang dati.

Gusto ko sanang maniwala sa mga mumunting tinig
Ng mga kulisap, sinasabing “ayos lang yan, magiging ok din ang lahat.”
Na sa bawat lipad ng mga alitaptap
Dala ay liwanag na magbubukas sa kinabukasang
Tayo pa rin hanggang sa hinaharap.

Gusto ko sanang umasa
At huwag mapagod sa mga panalanging
Bukas pag gising ko’y ikaw na ang nasa tabi
Na ang mga walang kasing tamis **** ngiti ang sasalubong
Sa akin mula sa akala kong walang katapusang bangungot
Ng sakit at pighati.

Gusto ko sana
Gusto ko
Gustong gustong gusto ko
Na sanang mawala lahat ng sakit
Lahat ng poot
Lahat ng pag aalinlangan
Lahat lahat
Pati na ang mga alalang
Pilit nagsususmiksik
Sa kaibuturan ko
Mga alaalang naging mitya ng kahapon
At naging hudyat ng ngayon
Ang bagong ikaw at ako
Na minsang naging tayo.
Mga alalang naging dahilan…

Gusto ko
Gustong gustong gusto ko ng
Kalimutan siya.

Sorry.
Pero hindi ko pa rin pala kaya.
Danica Oct 2019
Isang halimbawa ng magandang asal
Mumunting dasal kanyang inuusal
Pambihirang talino,  dedikasyon at dangal
Siya nga ay isang **** na dapat Ikarangal

Salitang ABAKADA ano nga ba ang halaga?
Isang tanong sa sarili gaano siya kahalaga
Sa aking agam agam,  tunay siyang pamilya
Mula sa isip,  sa puso at sakanyang mga gawa

Hapo man sa maghapon, puyat sa magdamag
Laban sa tanghali upang isip ay malinangan
Kanyang ituturo talagang kaabang abang
Ito’y magagamit bilang pananggalang

Bilang anak at estudyante ako ay humahanga
Isa kang modelo, isang tunay na dakila
Ikaw ang dahilan kaya nasulat itong tula
Ito’y hindi maglalaho ng tulad ng mga bula

Sa iyong mga mata,  may kislap ng Pag-asa
Ikaw ang nagbibigay buhay sa aming mga balsa
Umalis man o mawala kasama ka sa gunita
Mabuhay ka!  Mabuhay ka! Mahal ka naming talaga
Tula para sa mga ****,  pagbibigay karangalan sa kanilang ambag sa ating lipunan, kung wala ang mga ito mararating ba ng bawat kabataan kung nasaan sila ngayon?  Tayo'y sumaludo sa ating mga ****.
reyftamayo Aug 2020
Pabulusok na ang ginintuang hari
sa dulong kanluran.
rumuronda na ang mga paniki,
nakadapo na ang mga ibon.
tumitili ang mga kuliglig
kasabay ng walang patid na
sagutan ng mga palaka.
ang mga butiki naman ay
humahalik na sa lupa.
malamig na hangin
ang madaramang sumisipol sa pandinig
at pumupukol ng mumunting alikabok
upang ipaalam
ang malambing nitong dampi.
maya-maya lang ay sisibol na
ang nagkikintabang kurap
ng mga mumunting kulisap
sa kalangitan
upang ito'y ilawan hanggang umaga.
M e l l o Jul 2019
Sa totoo lang
ako'y nabigla
hindi ko inaasahan
ang biglaang
pag galaw mo
na halos
pakiramdam ko
sasabog ang puso
sa sobrang bilis
ng pag pintig nito
na tila ba'y para akong
mawawalan ng malay
sapagkat hindi ko alam
kung ano ang gagawin
sa biglaang pagyakap
para akong idinuduyan
at pinapanalangin na
sana'y tumagal at
wala nang katapusan
ang pagkakataong ito'y
kay tagal kong inaasam
pero bakit kahit anong
hiling ko na tumigil
ang mundo pansamantala'y
tila ba mas bumilis pa
ang bawat patak
ng segundo sa relo
nababaliw na ata ako
sana naman naramdaman mo
ang nanginginig kong mga
kamay habang dahan dahan
kang kumakalas ang
puso ko'y unti unti
din napipigtas
at sa iyong paghakbang
paalis at pagtalikod mo
na sadyang ka'y bilis
wala din akong nagawa
kundi ang hayaan kang
umalis at sa aking paghakbang
paalis sa lugar na kung saan
naging saksi ng iyong pagyakap
at nakarinig ng mumunting
dalangin ko sa maikling oras
inaasahan ko na ako'y
iyong tatawagin uli
hanggang sa pagtulog
mamayang gabi
sana ay kahit sa panaginip
pinapanalangin ko
na mayakap kang
muli
Poem of the day.
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
kingjay Jan 2019
Paghinga'y humihina at
ang pagngiti ay may kasama ng luha
Ang pagsinta'y kinaiinggitan ng langit
bagaman hindi mapalad

Pagdurugo'y ayaw na tumigil
Ang kapanglawan sa loob ay naghari
Nanirahan sa anino ng bukid - sa dilim
Nag-alala sa di humuhugpong tulay

Sinlamig ng nyebe sa taglamig
Sa kaginawan nagiging yelo ang tubig
At ang temperatura'y bumababa pa sa sero
Gaya ng pagpanaog ng bahaghari sa magkabilang dulo

Tulad ng malinaw na batis
at ng talon na masiyahin
nag-uugnay sa damdamin - pag-ibig na hindi kailanman naangkin at
naalagaan para bumalong

Nang ito'y hindi na maitiklop
upang maisilid sa mumunting lalagyan,
humihibik sa tuwing gabi
Ang inuusal ay mahal na lakambini
limang sintido'y binihag
Sa pagkagat ng dilim
Ibinulong ko sa iyo ang nililihim
Patagong ipinaaalam sayo
Dahil gustuhin ko man isigaw kahit malayo
Hindi ako pwedeng magpadalos dalos
Dahil kagay nga ng sinabi ni Rommel Pamaos
Ang pusong ito na akin
Mahirap na kung ito lamang ay iyong pisil pislin
Lalo na't di mo naman bibilhin
At wala kang balak mahalin
Kaya hanggang dito na lamang
Ang puso kong nagaabang
Naibunyag ko na naman na sayo
Mula man sa malayo
Ang mga sikretong itinatago
Ng aking mumunting puso
Post-Valentine's poetry? I miss posting stuff here... ;-; I was running low on inspiration mehe... but anyway... MALIGAYANG ARAW NG MGA PUSO! :) ♡
solEmn oaSis Nov 2015
sa dami ng puting buhangin,,may ugong ang paligid
sapantaha koy taimtim na nagmamasid
sapagkat pikit-mata akong napatitig ng isang iglap
dahil sa aking hinagap tanging puwing ang nasagap

o luntiang hugis-bakit ang kaanyuan
meron akong mumunting katanungan
hiraya manawari,, maibsan itong alinlangan
kapara ng hardinero sa kanyang halamanan

hanggang kailan pa kaya ang pagkapa ko sa dilim?
at sa aking pagdilat,,di na ba matatakam sa pagtikim?
sa samyo ng mahiwagang halaman,, sa tubig ay tigib
sa nakaambang mga tinik,,pahiwatig ay kutob sa king dibdib

Tanong Ko Lang?,,,,,,,

KANINONG ANINO NGA BA
ANG TILA NANGANGAMBA,
SA SILWETA O SA TALABABA?
DI KASI HALATA,SINTOMAS NG AMIBA!
---the talent i've been hiding?Well...
well,,,it comes from-by being well
or specially if am a little bit unwell
Dan Mills i'm glad you appeared to my home,tonight,to your poem i will dwell!
Terry S Cabrera Jun 2020
Binubuhay ng pag-iisa ang iba't ibang pakiramdam.
Nalalaman mo na may mga bagay na 'di mo kayang gawin nang ikaw lang.
Nailalabas ang kalungkutang ikaw lang ang nakakaalam.
Nailuluha ang pighati na sa sarili mo lamang ipinapakita.
Lumalakas ang pag-iyak na mumunting hikbi lang sa tuwing may kasama.

Nauunawan mo na minsan kailangan mo lang din mapag-isa.
Nagagawa **** maging matapang -
Na kahit hindi mo kaya ay iyong sinusubukan.
Nagagawa **** pasayahin ang iyong sarili.
Hindi mo na kailangan pang magpanggap na hindi ka sawi.
Dumadagsa ang mga kaisipan na sa pag-iisa mo lamang namamalayan.

Ngunit sa lahat ng iyan,
Napagtatanto mo na ang pinakamasakit na pag-iisa ay iyong may kasama ka.
Wala naman kasing pagkakaiba 'yong pag-iisa na ikaw lang
Sa pakikisama mo sa karamihan
O sa tuwing napaliligiran ka ng tinatawag **** kaibigan.
Pareho lang ang ibinibigay nilang pakiramdam.
Pareho lang ang inuukit sa iyong isipan
Na mag-isa ka -
Kahit ikaw lang o kahit na mayroong kasama.

© Tres
Jun Lit Oct 2018
Sangkatauhan:
Matagal
na
tayong
magkakasama
Ngayon
lang
pinansin,­
binigyang-halaga.
- Kalikasan
Title translated: "Miniature Life Lamentations" - Humanity: We've been together for so long, yet you noticed me only now. - Nature
Louise Nov 2023
Ang masalimuot na pag-aalboroto.
Hindi na sana muli.
Ang nakakapuwing na mumunting bato.
Maging ang huli na sana ang pinakahuli.
Aasahan pa ba natin?
Ang nakakabulag, nakakaiyak na abo.
Hihintayin pa bang dumating?
Hindi na sana muli.
Ang natuyong lahar ang aking kapatawaran.
Ang iyong kapaligiran ang sa iyo naman.
Tuwing Nobyembre at Enero
Ipagdarasal ko ang hindi na muling pagputok, pagsabog
at pagbulusok ng Pinatubo.
Hindi na sana muli.
Maging ang huli na sana ang pinakahuli.
Isang panalangin. Metung a pangadi.
patricia Apr 2020
ipinikit mo ang iyong mga mata.

sa ikatlong gabing katutulugan mo nang basa ang iyong unan,
nagsamo ka ng mumunting hiling,

sa lihim **** paghikbi,
dinama mo muli, kung paano ang maging kulang
at mawala sa sarili **** mga pagkakamali.

ang mayakap ang sarili sa gabi,
ay ganti sa katawang hapo mula sa buong araw na pagpapanggap,
na mas ibig mo ang umaga dahil sa ligaya nitong dala.

ang isayaw ang anino sa himig ng pag-iisa,
ay paglaya ng isipan mula sa buhay **** mga bangungot

sa ikatlong gabing kinatulugan mo nang basa ang iyong unan,
nagsamo ka ng mumunting hiling,

mahanap mo nawa ang galak sa paggising.
Claudee Mar 2017
Paano ba simulan ang isang tula?
O dapat ba ito'y hayaang ilapat ng tadhana.
Tulad ng isang gabing mahiwagang
May simula kahit di sinimulan, magkakawakas nang di winawakasan.

Kung saan sana'y di na nagtitigan kasing lalim ng kalawakan
Di na nagtawanan sa gitna ng Univ. Ave.
Mumunting pigurang di umiilag sa sasakyan
Ngunit patuloy ang pagbangga sa isa't isa.

Kung saan sana'y di na hinawakan itong kamay
Kung sa pagbitaw, mas matinding kapasuan.
At sa mata ng buwan, sa baba ng tulay sa Philcoa
Di na sana hinagkan na parang tayo'y sa isa't isa.

Paano nga ba sinisimulan ang isang tula?
Bakit ito'y mahirap kumpara sa pagwawakas?
Maaaring madaliin pag nais na
O basta na lang iwan sa kalagitnaan.

Pero ang mga tula, ay mga marka.
Itatago ko't babalik-balikan
Parang noong gabing tayo'y naglalakad
At andiyan ka pa.
02/08/17
jia Feb 2021
ang mabagal na takbo ng ambon
'tila ba ay may ibang pahiwatig
katawan ay unti-unting inahon
sapagkat sayong mata ay naantig.

sa bilis ng bugso ng bagyo
na nagpaikot sa aking tingin,
kusang pumunta patungo sayo
at sa balikat mo ako ay 'yong diniin.

mumunting butil ng luha ang umagos
habang yakap ang tanging inalay.
naisin mang sumigaw ngunit paos
tanging sa hawak mo lamang ako hihimlay

kaya't sa huling patak ng rumaragasang ulan,
hinanap kita pero huli na ang lahat.
para kang tubig ambon na sa akin lamang dumaan,
matamis sa una ngunit sa huli'y umalat.
Louise Jun 2024
Alam kong umpisa na ng tag-init dyan.
O baka lingid sa kaalaman ko'y
sa susunod na linggo pa o kalaunan.
Ngunit kung paano ang tag-init dyan
o gaano kainit ay hindi ko alam.
Paano ang tag-init dyan sa inyo?
Gaano ka-init ang mainit dyan sa bahay mo?
Sana'y naaarawan ka ng sapat at tama,
sana'y palaging malusog ka at masaya.

Alam mo bang tag-ulan na rito ng Hunyo?
O maaaring para sayo ay patak pa lang,
o marahil mga mumunting tulo.
Ngunit kung gaano kaginaw
o paano ang tag-ulan ay hindi mo alam.
Gaano kaginaw, gaya ba ng taas ng baha?
Paano ang patak ng ulan, tulad ba ng luha?
Sana'y bagyuhin at tangayin ang mga mali,
sana'y mawala na ang alaalang gipit.

Alam kong tag-init na pag Hunyo sa inyo.
Ngunit alam mo ba talaga kung gaano ka-init
kung ikaw sana'y narito sa silid ko?
Alam mo ba ang tunay na tag-init,
gayong di mo pa nararanasan sa bisig ko?
Hindi mo malalaman kung gaano kainit ang mainit
hangga't ika'y wala sa tabi ko.
Ang tunay na tag-init ay nasa aking piling.

Alam mo nang tag-ulan na rito ng Hunyo.
Ngunit kung malalaman mo nga kung gaano kaginaw,
tulad siguro ng paghagkan sa bloke ng yelo.
Alam mo ba ang tunay na tag-ulan,
tila mga patak ng luha kung mawawala ako.
Malalaman mo kung gaano kaginaw ang maginaw
kung mawawala ako sa buhay mo.
Ang tunay na tag-ulan ay ang aking kawalan.
The differences of human emotions in the budding of a brand new but delicate love, with the metaphor of the month of June. As with the differences in the seasons in the west where it's the onset of summer now, and in the east where the rainy season have started, this poem explores how in the beginning of a new romance, sometimes emotions of two people can get hot or cold or too slow or too fast, just like the abrupt or mellow changing of the weather and seasons. Just like human emotions.
Chloe works Oct 2017
Patawarin mo sana kung akin pa ring pinagpipilitan,
Nagbabakasakaling maibalik pa ang tamis ng ating pagmamahalan,
Hindi naman siguro masamang mangarap,
Kahit na sintaas pa ito ng mga ulap.

Pilit inuunawa, may pagkukulang ba o sadyang nagsawa ka na lang talaga.
May mali bang nagawa o may nakahanap ka na ng mas maganda.
Mga katanungang gumugulo sa aking isipan.
Ninanais na sana ito na'y matuldukan.

Hinayaan ang sariling magpakatanga,
Umasa na ang nakaraa'y maibabalik pa,
Mga alaalang ubod ng saya,
Tila ba hindi na masusundan pa.

Mga pangakong pilit na pinanghahawakan,
Kahit na nagkabuhul-buhol na ang hawakan,
Mistulang kamay mo na unti-unting bumibitaw,
Pumipiglas kahit na pilit hinahawakan.

Matatapos din ang lahat, kailangan lang ng pagtyatyaga.
Maglalaho ang pag-asang magkakabalikan pa.
Pagmamahalang paglilipasan din ng panahon,
Mga mumunting alaala'y tinangay na ng alon.
CPAZY Apr 2021
Sinabi ko na sa lahat ng dilim ako ang magsisilbi sa’yong buwan
Buwan na magbibigay ng liwanag sa malulungkot **** gabi
Gabi kung saan ikaw ay pagmamasdan kahit ano’ng mangyari
Mangyaring hindi ako mawawala dahil mananatili sa’yong tabi.

Ngunit kahit ako ang buwan mas pinili mo ang araw
Araw na gusto mo dahil sa liwanag niyang hindi ko kayang ibigay
Ibigay ang kakayahan niyang takpan lahat ng itim sa kapaligiran
Kapaligirang nagbibigay buhay sa mata **** mapupungay.

Alam ko na sa bawat pagpikit na gawin ng iyong mga mata
Mga mata na habang nakatingala sa aking mumunting liwanag
Liwanag na saksi sa paggalaw ng iyong labi kasunod ang mga salita
Salita na dumurog sa akin tulad ng mga bituin.
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Ezekiel Navea Oct 2019
Matatawag bang kausap?
Taong nasa iyong harap
Kapag isip ay sa ulap
Kahit na ano pang sikap
Bagamat sadyang mahirap
Kung salita'y hinahanap

Bibig man ay bumubuka
Pero agad nawawala
Sa mga tingin ng mata
Na nais lang na makita
Sasabihin na'y nakuha
Dahil sa kariktang dala

Pagka't hindi naman sanay
Sa pagbibigay ng kulay
Ng aking mumunting buhay
Ngunit laging nasisilay
Ang ngiting nananalaytay
Sa maliliit na bagay
kahel Sep 2021
sumusulat sa’yo simula nang ‘yong pagdating

sumusulat sa’yo hanggang sa ‘yong paglisan

sumusulat sa’yo sa pagitan ng lupa’t kalangitan

sumusulat sa’yo  kakabit na ng ‘yong pag-ibig; ang tinta sa aking mumunting libro ng mga pangako.

‘balik ka na’—sigaw ng bawat letra.
hanggang mapaos
hanggang malaos
hanggang maubos
susulatan ka, oh aking minahal nang lubos~
Claudee Jul 2017
anong kahon itong sinusubukang pasukin?
mistulahang tahanan sa mas mumunting kahong
kumpol ng mga padala mula ibang planeta
dikit-dikit at kakambal sa isa't isa
may kahit isa kayang doon ako'y magkasya?

— The End —