Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.

— The End —