Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Susulat ako ng isang libong tula
Kung ito ang magpapahilom sa pusong pagal
Sa pag-ibig

Isusulat ko ang tula sa dalampasigan
ng alaala
Na kasing haba ng aplaya
Hanggang sa maghilom ang pusong sugatan
Dulot ng iyong paglisan

Huhugot ako ng maraming tayutay at saknong
Na may lantay at tugma

Sakaling anurin ito at mabasa mo
Sa dalampasigan ng aking puso.

Ikaw ang hugot
Ikaw ang sagot

Susulat ako ng isang libong tula
Dito kung saan taya unang nagsimula.
w Nov 2016
21
Duwag ka pero salamat
Salamat dahil hindi mo ako hinayaang mahulog sa isang panandaliang saya
Hindi mo ko hinayaang mahulog sa isang panaginip lang
Sa mga matatamis na salita na hanggang salita lamang
Sa mga makahulugang tingin na hanggang tingin lang
Sa mga masasayang kwentuhan na hanggang ala-ala na lang
Mga salita, tingin at kwentuhan na hindi kayang ipadama ng mga yakap at haplos
Dahil duwag ka
Dahil andyan ka at andito ako
Pinagdugtong lang ng isang pisong tumatawid sa libo-libong distansyang mahirap sundan
Dahil hindi natin kayang tawirin dahil duwag ka...at duwag ako
Oo, duwag din ako
Duwag ako katulad mo
Nakakahilo ang pagitan nating di natin kayang bitawan ng pangakong baka balang-araw ay magdikit din ang daliri at mabatid kung may kuryente bang dadantay sa umaasam na puso...dahil duwag ka at duwag ako
Duwag tayong dalawang pumaroon sa espayong walang kasiguraduhan
Pero napakatapang nating hinarap ang katotohanang nakakabit sa dalawa nating mga paa
Na andyan ka at nandito ako
Malayong-malayo
Itong paang nagpipigil sa ating lumutang sa ligayang hatid ng mapangahas na damdamin;
Hatid ng masarap na pantasyang hawak ko ang mga pisngi mo o na malaya kong natititigan ang mga mata mo
Lagi tayong nakamulat at hindi kayang pumikit ng matagalan
Dahil duwag ka at duwag ako
At ito ay isang pekeng pangarap
Nikole L Jun 2019
Isang libong luha
Hindi na matapos-tapos
Ngiti sa mga labi'y inanod

Luha na dumidilig sa unan
Tuwing gabi'y bumubuhos,
Na parang walang tigil na ulan

Ngingiti pag-sapit ng umaga
Walang bahid ng lungkot,
Suot ay panibagong maskara

Kunwari'y hindi nasasaktan,
Sa mga bibig na mapanlait
Tinakasan na ng imik

Isang libong luha
Patuloy sa pag-agos
Hindi na yata matatapos

Isang libong beses luluha
Dalawang libong beses papahiran ang luha
Tatlong libong beses hahanap ng dahilan para sumaya
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Sy Lilang Nov 2014
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Kelly Bitangcol Nov 2016
Noong Nobyembre 8 2016, magandang araw ang aking naranasan. Lahat ng tao ay naging mabait sa akin, masaya ang mga pangyayari at nakangiti ako buong araw. Nang sumapit ang hapon at ako ay pauwi na galing sa eskwelahan, mayroong ibinalita sa akin ang aking ina. At dahil sa balita na iyon, nasira ang aking mabuting araw, at napalitan ng pagiging miserable. Isang pangyayari na tumatak sa isip ng madaming Pilipino,  isang pangyayari na naghimok sa akin upang magsalita at lumaban. Noong Nobyembre 8 2016, pinayagang ilibing ang dating presidente at diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.


          Bayani ba si Marcos? Siya ay naging presidente ng Pilipinas sa loob ng dalawampu’t isang taon. Alam nating lahat ang kanyang mga nagawa, dahil sa kanya mayroong NLEX, at iba pang mga imprastraktura at gusali. One is to one ang peso at dolyar noong kanyang panahon. Madami siyang nagawa para sa ating bansa. At sabi nga ng maraming Pilipino, ginawa niyang mayaman ang Pilipinas. Pero ano nga ba ang katotohanan? Noong ako ay bata, nasa isip ko rin na si Marcos ay naging magaling na Presidente at pinaganda niya ang Pilipinas. Pero nang ako ay tumanda, nalaman ko ang mga katotohanan na ayaw tanggapin ng karamihan. Bago pa maging presidente si Marcos, mayroon ng malaking oportunidad na magkaroon ang Pilipinas ng economic bloom, at yuon ay dahil sa administrasyon ng mga dating Presidenteng si Magsaysay at Macapagal. Kung mayroong dapat ikredito kay Marcos yuon ay ang pagpapayag niya ng paghiram ng malaki at ang ginawa niyang malalaking utang sa mga dayuhan na dapat kanyang gamitin para sa industrialization at pagpapaunlad. Ngunit sinayang ng rehimeng Marcos ang lahat ng perang ito sa pamamagitan cronyism at katiwalian. Ang hindi alam ng nakakaramihan ay isa siyang kurakot na lider, at ang kanyang mga utang ay babayaran natin magpahanggang sa taong 2025. Oo, madami siyang naipatayong mga imprastraktura at may mga nagawa siya sa bansa, pero hindi ba galing sa mga Pilipino ang pera na iyon? Nasa kapangyarihan siya sa loob ng dalawampu’t isang taon, malamang sa malamang ay madami siyang magagawa. At hindi ba responsibilidad iyon ng isang presidente? Na paglingkuran ang bansa? Bakit kailangang isumbat iyon? Ang daming bagay na hindi alam ng mga Pilipino at lubos na nakalulungkot ito, ang mas nakakalungkot pa ay ang mga nakalimot sa Martial Law. Pinili ng mga tao na kalimutan ang mga totoong bayani, na nagbuwis ng buhay nila para sa bansa na ito. Nakalimutan nila ang mga libo libong tao na namatay at nasaktan. Nakalimutan nila ang dami ng dugo, at sakit na dinanas ng Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang demokrasyang binura ng administrasyong Marcos ay pilit na kinalimutan ng mga mamamayan ngayon dahil sa kadahilanan na ginawa naman nitong maganda ang bansa. Ang kalayaan na ipinaglaban ng mga Pilipino noon, ang kalayaan na dahilan upang makapagsulat ako ngayon, ay hinding hindi ko makakalimutan. Mga perang ninakaw,  mga Pilipinong lumaban pero namatay at nasaktan, mga karapatan na nayurakan, gaanon nalang ba kadaling kalimutan? P167.636 bilyon na ninakaw, 3,264 na namatay, 34,000 na tinorture at 70,000 na nakulong. Hindi bayani si Marcos, at kahit kailan hindi siya magiging bayani.


       Ang pangyayaring ito ay isang malaking bahagi sa ating kasaysayan at bansa. Sinasabi nila na tayo ay mag move on at magpatawad, pero paano natin ito mabibigay kung wala namang nanghihingi nito? At wala sa kanila ang desisyon kung kailan tayo magbibigay ng tawad. Habang ang mga Pilipino ay pinatay ay ninakawan, ang pamilya niya ang nagsasaya dahil sa kanilang yaman at dahil sa pagiging bayani ni Marcos. Sa pangyayari na ito, parang nabura ang ating kasaysayan. Para nating kinalimutan lahat ng nangyari. “Buti pa si Marcos may bangkay.”, sabi ng isang pamilya na hindi pa nahahanap ang bangkay ng isang Martial Law victim. Paano tayo magmomove on sa isang pangyayari na hindi pa naman nagkakaroon ng maayos na wakas? Ito ay parang paglagay ng asin sa sugat na hindi pa naghihilom. Ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan, sa katunayan, ay sobrang nakakatakot. Nakikita ko na simula ito ng panibagong panahon na walang demokrasya at pagapak sa mga karapatan. Baka masyado tayong takot sa kasaysayan, pero hindi tayo takot na maulit ito. Pero hindi ako titigil, hindi dapat tayo tumigil, upang ipaglaban ang tama. Tayo ay magsalita, at lumaban para sa ating bansa. Huwag tayong susuko para makamit ang tunay na hustisya.  Hahayaan ba natin na maulit ang madilim na nakaraan? Hindi na muli.

*(k.b)
Chi Oct 2017
Mahal,

Naalala mo pa ba yung mga panahon na puro ngiti at saya?

Mga araw na puno ng kwentuhan, asaran at tawanan

Na hindi ko malaman

Kung saan nanggaling ang mga iyan

Naalala mo pa ba kung paano ko lagyan ng ngiti ang iyong mga labi

At tila nilagyan ng bituin ang iyong mga mata?

Naalala mo pa ba kung paano mo sinabi sa akin na gusto mo ako?

Tila hindi ka pa nga sigurado sa nadarama mo

Naalala mo pa ba nung tinanong mo ako kung pwede bang manligaw?

Tila nanlumo ka pa nga sa sagot ko.

At hindi nagtagal, ay unti unti mo din binitawan ang salitang “Mahal kita. Mahal na mahal kita”

Dahil ako? Naalala ko pa


Naalala ko pa kung paano tayo nagkakilala

Kung paano sinabi sa akin ng kaibigan mo, na gusto mo ako

Kung paano mismo nanggaling sa bibig mo, na gusto mo nga ako

Kung paano ko binigkas ang salitang “Mahal din kita”

Kung paano mo unti unting binabawi ang salitang “Mahal kita”

Dahil sabi mo,

Sabi mo pagod ka na, ayaw mo na, sawa ka na

Kung paano ako nagpakatanga, habang tinutulak ka sa babaeng gusto mo

Habang sinasabing “Kung saan ka masaya, duon ako

Kahit masakit, kakayanin ko”

At naalala ko pa, kung paano mo sinabing “Patawad, mahal pa din kita.”

Tinanggap kita.

Tinanggap ko lahat ng eksplenasyon at rason mo.

Lahat lahat, kahit ilang beses kong narinig na ang tanga ko

Dahil tinanggap kita, pero masisisi ba nila ako?

Masisisi ba nila ako kung mahal pa din kita?

Masisisi ba nila ako kung patuloy pa din akong umaasa na babalik yung tayo?

Hindi naman diba?

Kasi unang una sa lahat, hindi sila yung nagmahal

Hindi sila yung sinaktan at iniwan


Ilang gabi akong umiyak

Ilang gabi kong iniyakan ang paulit ulit na dahilan

Ilang beses akong nagpakatanga sa paulit ulit na rason

Ilang beses akong tinanong kung kaya ko pa ba?

Kung masaya pa ba ako?

Kung pagod na ba ako?

Hanggang saan yung kaya ko?

At duon ko natagpuan

Duon ko natagpuan ang sarili ko

Namamahinga sa pagitan ng “Mahal kita” at “Pagod na ako”


Pero mahal, masisisi mo ba ako kapag sinabi kong pagod na ako?

Masisisi mo ba ako kung sinabi ko sayong gusto kong magpahinga habang minamahal mo?

Kung ang gusto ko lang ay ipadama mo ulit sa akin ang nadarama mo?

Kung ang gusto ko lang kalimutan ang sakit na dinulot mo?

Kung pagod na ako kakaisip sa salitang “kayo”?

Kung pagod na ako kakaiyak dahil parang siya pa din ang gusto mo?

Kung lagi kong naiisip na baka kaya mo ako binalikan, dahil hindi ka niya gusto?

Mahal, wag **** iisipin na ayoko na sayo

Wag **** iisipin na kaya ko gustong magpahinga dahil pagod na ako

Dahil tulad ng sabi mo, kung pagod na ako, magpahinga ako

Kasi mahal, gusto kong magpahinga

Para muling madama ang init ng pagibig

Na tila ba sa akin ay iyong ipinagkait Muling masulyapan ang mga matang

Tila ba hinahanap ako sa libo libong tao


Mahal, patawad.

Mahal kita, pero pagod na ako

Pero hindi ibigsabihin nito ay palayain mo ako

Ibig kong sabihin, ipaglaban mo naman ako.

Ipaglaban mo naman ako, dahil pagod na ako.
JK Cabresos Jul 2016
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,
at ipahayag ang nilalaman
ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan
na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng ibang tao,
dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon
para umibig nang wagas
o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang pagiging pribado ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga litratong ‘yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
nang mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong **** sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka,
kung anong mayro’n at wala sa’yo,
dahil mahal kita.
Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.
Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  
sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ito isang antigong alahas  
na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa
o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.
Mahal kita.
Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,
kukunin ko ang mga agiw sa ‘yong mga lumang gunita,
pilit kong wasakin ang mga pader
na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,
sapat na sa akin ang pag-intindi mo
sa mga kamaliang pilit **** binabayo,
mga pagkukulang na pilit **** pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita,
sa aking nakaraan,
sa aking ngayon
at sa aking bukas,
ilalahad ang pag-aasam na makatakas
sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura,
hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko, d’yan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko,
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.  
Mahal na mahal.
Copyright © 2016
Jeremiah Ramos Feb 2016
Tayo ay magkasalungat
Magkaiba, hindi tugma
At kahit baliktarin mo ang mundo
Tayo ay dalawang taong
Hindi maipagsasama,
Hindi maipapares, hindi din maitutugma
Pero mahal pa rin kita

Ikaw,
Ikaw, na nagmamahal ng iba
Ikaw, na mayroon mga mata
Na para bang sila ang dahilan kung bakit may mga tala
Ikaw, na mayroong bibig
Para ngumiti o sumimangot
Sa tamis at pait ng buhay
Ikaw, na mayroong kamay
Para mahawakan ang kamay ng taong mahal mo
Ikaw, na mayroong puso,
Na naghahanap ng kasabay sa pagtibok nito

Ako,
Ako, na nagmamahal sa'yo
Ako, na mayroon ding mga mata
Na nakakakita sa'yo kahit ang kwarto ay punong-puno ng libu-libong tao
Ako, na mayroon ding bibig
Para ngumiti, tumawa, humalakhak
Kahit wala ka sa tabi ko
Ako, na mayroon ding mga kamay
Na dapat hawak ang iyo
Ako, na mayroon ding puso
Na hindi pala tutugma ng tibok ng iyo
Kasi pabilis ito ng pabilis habang ikaw ay papalapit ng papalapit
Pero pakinggan mo sana sa ingay ng 'di tugmang tibok ng puso natin
May nagsasabing
Mahal kita, gusto kita, ako na lang, sana tayo
Pero nandiyan pala siya.

Siya, na minamahal mo
Siya, na parang buwan kasama ang mga tala
Siya, na laging hawak ang kamay mo
Siya, ang dahilan kung bakit hindi ko kayang sabihin lahat ng 'to sa harap mo.

Tayo,
Tayo ay parang tubig at langis,
Liwanag at dilim, langit at lupa
Mapait at matamis, madumi at malinis
Maingay at tahimik, itim at puti
Tayo ang perpektong kahulugan ng salitang 'salungat'

Sana,
Sana magising ako sa katotohanan na mali ang konsepto ng pag-ibig na nalaman ko
Na ang pag-ibig pala hindi lagi inaantay,
At hindi din lagi naghahanap ng kapalit
Sana nagkakilala tayong may lihim na nararamdaman sa isa't-isa
Sana kayanin **** magmahal ng higit pa sa kaibigan
Sana hindi na lang kayo nagkakilala
Sana ikaw ang pangalan na nawawalan ng saysay pag paulit ulit ko itong sinasabi
Sana hindi na lang ako lagi kumakapit sa sana.

Pangako,
Pinangako ko sa sarili ko
Na pagkatapos ng tulang 'to
Titigil na akong isipin ka
Titigil na akong alalahanin ang ngiti mo, ang paggalaw ng iyong bibig tuwing sasabihin mo ang pangalan ko
Titigilan na kita sulatan ng tula
Titigil na akong mahalin ka
At ang huling sana na aasahan kong matupad
Na sana tandaan mo,
Minahal kita, Ginusto kita,
Kahit siya na lang
At sana masaya ka.
Para kay A.
Pia Montalban Aug 2015
Nakatawid na ang gabi sa umaga,
Umuusad ang magdamag ng digma.
Tahimik ang silahis na nakikiramdam
Sa paghulagpos ng salimbayan
Ng mga kulay na nagluwal ng dilim.
Hudyat ang kindat ng kislap ng talim,
Pagtitilad-tilarin sa pakikipagtalad
Naglalagablab naming mga balak.
Talampaka'y mangangahas sumampa,
Sa binakuran **** pagsasamantala.
Kabisado ng mga bisig kahit pa nakapikit,
Imbay ng sandata naming karit.
Matipid sa kilos, mabilis ang hagip
Dinambong sa aming libong ektaryang langit,
Babawiin, handa sa anumang kapalit,
Karapatan, aming muli’t muling igigiit.
Para sa’yo ito, Mahal ko.

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Nagising ka sa karagatan ng luha na nanggaling mismo sa iyong mga mata
Mga luha na tila itinakda para sa iyong pagdurusa
Kasama ang mga salitang “Kaya ko pa ba?”

“Kaya ko pa ba?”
Ang mga salitang itinatanong mo sa sarili mo noong ikaw ay umiiyak dahil sa ilang beses ka na niyang nabigo sa mga pangakong napako.
Sa iyong pagbangon ay iniisip mo siya.
Hanggang sa iyong pagtulog ay baon mo siya hanggang sa panaginip
At pinangalanan mo siyang “Pag-ibig”

Pag-ibig na itinuring **** totoo
Na pumuno ng kanyang pangalan sa likod ng iyong kuwaderno
Umaasang nakalimbag ang pangalan niyong dalawa sa palad ng isa’t isa

Pag-ibig na akala mo ay kukumpleto sa’yo
Ngunit siyang naging daan ng pagkawask mo

Pag-ibig na sumira sa paniniwala mo
Ang naging sanhi ng pagsabi mo ng mga salitang “Walang forever.”
At pinaniniwalaang ang pagmahal ay tila isang laro na maaaring may manalo ngunit laging may talo

Ngunit ito nga ba ang tunay na pag-ibig? Kung hindi, ano nga ba ito? Ano nga ba ang hugis ng pag-ibig?

Ang PAG-IBIG ay isang TATSULOK

Magsisimulang tumaas at umakyat sa tuwa
Ngunit pagkatapos ng ilang pagsubok
Ay magsisimula muli sa ibaba

Katulad na lamang ng isang pagbati na laging magtatapos sa paalam
Na tila kayo’y nagtagpo sa tuktok pagkat sa dulo kayo’y tinakda upang mawalay sa piling ng isa’t isa
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan ay narating niyo parin ang dulo.

Ang pag-ibig ay hindi tatsulok.

Ang PAG-IBIG ay isang PARISUKAT

Naroon ang pagmamahal sa bawat dalisdis
Ngunit sa bawat dulo ay magtatapos at maghahanap muli
At sa dami na ng pag-ibig na lumipas ay maaari mo nang iangkat ang pangalan nila sa isang malaking kahon na hugis parisukat

Ang pag-ibig ay hindi parisukat

Ang PAG-IBIG ay isang BILOG

Patuloy na umiikot sa sariling aksis at tila walang katapusan
Ngunit pag tinignan **** mabuti sa gitna ay ang landuyan nito ang sarili mo.
Na nagsasabing
“Mahal kita dahil maganda ka…”
Paano kapag tumanda ka na’t kumulubot ang iyong muka’t nawala ang kagandahan?
“Mahal kita dahil mabait ka..”
Paano kapag ang bait ay tila nawala sa mga pagsubok na inaasahang dumaan
Laging magkakaroon ng dahilan
Laging magkakaroon ng kondisyon

Ang pag-ibig ay hindi bilog

Ang PAG-IBIG ay isang PUSO

Patuloy na tumitibok para sa binabaybay niyang pagmamahal
Nagsasabi ng mga salitang matatamis at mabubulaklak
Pag-ibig na nakilala mo sa mundo at akala mo ay bibigyan ka na ng lahat ng iyong ninanais

Pero nagkamali ka. Ang puso ay napuno ng kiro’t biglang tumigil sa pagtibok. At tulad ng minsan nang umiinit na kape ay nanlamig. Ang iniwan nito ay mga sugat na hindi mo kayang pagalingin ng mag-isa. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon. Hindi ganito ang pag-ibig!

Ang PAG-IBIG ay isang KRUS

Ang Krus kung saan naganap ang pag-ibig. Pag-ibig kung saan ang pangako’y hindi napako pero ipinako. Pag-ibig na nagpakita ng sakripisyo upang maligtas ka lang sa kamatayan. Sabay ng aking pagkapako ay ang kapatawaran mo. Na kahit na ikaw dapat ang nasa posisyon ko ay ipinagdamot ko ang krus upang hindi ka na magdusa pa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Ako ang una **** mangingibig na kahit na habang nililikha ko ang mga tala’t bitwin ay nasa isip kita.

Pag-ibig na lumikha sa’yo
Na kahit na itabi kita sa mga bulalakaw o alingawngaw ng mga nag-iingayan na kuliglig o sa bawat kariktan na madadaanan ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng kariktan

Pag-ibig na talagang totoo
Na kahit na hindi ang pangalan ko ang pumuno sa likod ng iyong kwaderno ay minahal kita
At tuwing gumuguho ka na’y pinilit kong iangat ka sa iyong pagkabagsak

Pag-ibig na kukumpleto sa’yo
Tinanggal ko nga ang kasalanan mo, paano pa kaya ang mga puwang natititra sa loob ng iyong puso?

Ito ang hugis ng pag-ibig

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Ginisng kita sa katotohanan na ang mundo ay magsasabi sa’yo ng napakaraming salita
Pero mahal, ang salita ako ang pinakatotoo
Dahil kahit na ilang beses mo akong biguin, ang pangako ko ay kailanma’y hindi mapapako dahil ipinako na ito para sa’yo dalawang libong taon na ang nakalipas.
Ilang beses nang natanggihan ang pagkatok ko sa puso mo
Pero hindi parin ako sumuko, inaraw-araw ko ang pagkatok dito
Umaasang maiisipan **** bumalik sa ating tagpuan
Kaya kumakatok ako muli, Ang tanging katanungan ko lamang ngayon ay; Mahal, handa ka bang tanggapin ako?

Iyong iyo, Ang manlilikha mo
This piece is meant to be spoken.
JK Cabresos Jun 2015
Oo.
Totoo.
Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na aakyat pa sa Bundok Apo
para isigaw ang pangalan ko
at ipahayag ang damdamin mo,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang
nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng mga tao,
dahil hindi natin kailangan
ng kanilang opinyon
para umibig hanggang
sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan
ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date
na ating mapuntahan ay kailangang
pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libu-libong pictures ang ipopost mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang privacy ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga larawang yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang mainsecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
ng mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong pake sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung ano ka,
kung anong meron at wala ka,
dahil mahal kita,
mahal na mahal,
hindi mo kailangang mainsecure.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin
ang pag-intindi mo sa mga kamaliang
pilit **** binabayo,
mga pagkukulang
na pilit **** pinupunan,
at mga araw na luha
ang nalalasap
ngunit patuloy ka pa ring
nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan,
kahit pa hintotoro na lang
ang iyong nahahawakan
pero pilit mo pa rin akong inaangat.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko,
dyan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.
Mahal na mahal.
- JK Cabresos / Lhordyx

Copyright © 2015
Daniella Torino Jun 2017
Natatandaan ko pa
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating  o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.


Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.



Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.


Tapos heto,
hahanapin pa rin
ang kahulugan ng kahulugan,
ang salita ng salita
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang pag-ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
miski tumakbo pa-timog o hilaga
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,  
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.  
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang inakalang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang inakalang paghahanap ay kasunod ang kawalan.
Ngunit,
ako’y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
tumalon man sa iba’t-ibang pagkakataon,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba,
kahit daan ma’y baluktutin o gawing makitid,
walang pag-aalinlangan akong magpapatuloy
sapagkat bawat daan ko’y pabalik lamang sa’yo.  
Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at bubulong ng,
“ikaw ang dulo, gitna at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang kahapong ilang milyong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.

Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil,
hindi na ako naiinip sa bagal o bilis
ng paggalaw ng kamay sa aking relo
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
Kay tagal kong hinintay
ang pagkakataong mabuo ang aking ‘pagiging’
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.


Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
*sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang pag-ibig mo.
Isang libong tansan dating takip sa bote ng alak
Isang drum ng luhang walang galak
Maubos man ito't tuloyang matuyo
Ikaw rin naman ay nasa malayo

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Kape sa umaga, iyak sa gabi
Ako ba ito? Hindi ko mawari
Sa kama ko'ng dati kitang katabi
Tutupiin ko na, at itatabi

Tama na 'to, tama na po
Tanginang pag-ibig kelan ba susuko?
Tama na 'to, tama na po
Paalam na, mahal ko'ng sumuko

Wala na akong maidudugtong,
"Paalam Shin Hye" sinigaw ko'ng pabulong
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Rey Tidalgo Jul 2016
Hindi ko mapigil / aywan ko kung bakit
Na bumaling sa’yo / nang paulit-ulit
Ilang beses ko mang / ipikit nang pilit
Didilat ang mata’t / magkukusang-titig
Sa bawat pagtitig / ay nanahimik
Ang lihim ng isang / sumaging pag-ibig
Sa bawat pagbaling / ay may pagnanais
Na masilid ikaw / sa diwa ko’t isip
Sa libong pagbaling / at libong pagpihit
Ang katumbas nito’y / pagsintang malinis
Nang dahil sa iyong / gandang nilalangit
Ang pihikang puso’y / nahaling nang labis
At ang larawan **** / sa aki’y umakit
Namugad sa puso’t / naging panaginip
Dahilan sa isang / ninakaw na titig
Mga puso nati’y / dagling napaibig
Marge Redelicia Mar 2015
isang musmos na lahi
isang munting nasyon
parang itinanim na buto
itinakdang
sumibol at lumago
sa paglaon ng panahon

nag-aabang, naghihintay
puno nang sabik
pero kay tagal dumating
tayo ay nainip
tadhana nating tagumpay
kailan kaya makakamit
kasi

apat na raang taon
hanggang ngayon
lulong pa rin sa putik
nangangapa, nadadapa sa dilim
mga butong nanginginig sa lamig

mga isla
pitong libong isang daan at pito
ito
ang ating lupang sinilagan,
tahanan ng ating lahi
pero nga bahay ba ito o burol?

mga pangarap na
masilayan ang mga sinag ng araw at
mahagkan ang malayang langit
mananatili lang bang panaginip dito
sa bayang natutulog
o kaya namang natutulog lang kunwari

tanggapin mo na lang na
humikbi, humagulgol,
ibuhos mo man ang iyong luha
walang darating
kumayod ka man at magdamag magsikap
diligan mo man ang lupa ng pawis
wala
pa ring mangyayari

kasi
dugo
dugo lamang na dumaloy
mula sa mga palad ni Hesukristo
kung ang Kanyang pag-ibig ay
babaha sa lupa
ng parang delubyo
ito ang nag-iisang paraan
ang nag-iisang sagot:

dugo
dugo lamang na ibinuhos
ang tanging
makakatubos
makakaahon
makakaligtas
sa atin
Performed this as spoken word in Creative Faith's Doxa.
Claudee Feb 2017
Dalawang kahoy na upuan
At tatlong libong katanungan
'Yan ang ating distansya.

Mahihinang muni-muni
Sa lagas nang espasyo
Kasabay ng maingay kong pagkabasag.

Masidhing pagpindot ng telepono
Dahan-dahang pagtakbo ng luha
Ang bumuo lamang sa ating usapan.

Wala na kong masasabi
Wala kang balak sabihin
Wala nga talaga tayong sinasabi!

Sa patuloy na ingay ng kalsada
Umalis akong walang balak bumitaw
Nagpaiwan ka bagaman matagal nang lumisan.
09/22/16
09/30/16
Sy Lilang Jun 2017
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
Jor Jan 2015
Ilang taon ko inipon ang lakas ng loob
Para sabihin sa’yo lahat ng nakakulob—
Sa puso kong patay na patay sa’yo.
At ang masakit dun parang wala lang sa’yo.

Masakit ang mga sugat na dulot mo,
Tila libong pana ang tumusok sa puso ko.
Wala ba talaga akong puwang sa buhay mo,
At ganun mo nalang itinaboy ang pag-ibig ko?

Ang hirap tanggapin na may mahal ka na,
At ang sakit isipin ako’y itsapwera na.
Isang tyansa lang ang hinihingi ko,
Bakit pati ‘yon ay ipinagkait mo?

Sabagay, bakit kasi ang kupad-kupad ko?
Kung noon pa sana ako nagsabi,
Eh ‘di sana ngayong gabi ikaw ang katabi.
Ang tanga ko rin naman kasi, sana noon pa ako nag-sabi.
kingjay Dec 2018
Ang haplos ay malamig
di man naninigas
nanatili walang kibo
Sa paghagok ay naninibago
-walang malay parang nag-iidlip

Isigaw ang pangalan ng mga santo, patron at lalo na  ng Diyos
-magbigay pugay
Ang pulso muna ay hanapin mula ulo hanggang binti

Ginto at pilak, walang katumbas
Ang hinirang na anak Niya'y di kinalimutan
Parirala ng buhay ay papintig-pintig
sa ibang dimensyon na ng daigdig

Tuldukan ang kasulatan sa Libro ng mga Buhay
Sapagkat buhat-buhat ang maputlang kamay
Sa kuko matatanto habang nakaratay
Nagiginawan pati ang laman na nasa hukay

Libu-libong ektarya ang pagpapasyalan
Maraming kakaibiganin maging sinuman
Nakikipagkapalagayan ng loob ang lahat-nagpapatawad
Pagbubuklodin ng pagsinta

Nililok ang estatwa sa dibdib ay namalagi
Paalalang ipirmi, di iwaksi
Samut-saring emosyon ng dilim ang ginamit sa pag-ukit
Abby Elbambo Jul 2016
Ang unang pahina:

Para sa kauna-unahang nilalang na mabubuo sa aking sinapupunan
Sinasabi ko na sayo ngayon pa lang na ika’y aking papangalanang “tao”
Dahil alam kong dadating ang panahon na iyong susubukang alamin ang kahulugan ng itinatawag sa iyo
At nais ko na sa iyong paghahanap ay iyong maungkat ang balde-baldeng mga salitang nakalimutan na ng ating lipunan
Sabay nating tutuklasin kung sino ka nga ba sa isang mundong mapangdikta
Na sa bawat pagsabi ng “Magpakalalaki ka nga!”
Alam mo na upang maging isa ay kailangan **** maging tao muna
At sa unang araw na ika’y magpapaiyak ng sinuman sa ngalan ng “pagiging lalaki”,
Ay sisimulan ko ang pag-uukit ng mga linya sa iyong mga palad
Upang sa tuwing padadapuin ang kamay sa sinuman sa ngalan ng karahasan ay una kang masasaktan

Anak,
Gusto kong malaman mo na kahit di ko pa alam kung ano ang iyong paboritong kulay
Alam ko na ang nasa kaibuturan mo
Dahil tulad ko, ika’y isa rin lamang nilalang

Pupunuin ko ang kwarto mo ng libu-libong salamin
Dahil alam kong darating ang panahon na bubulungan ka ng kung anu-anong mga korporasyon na nagsasabing ika’y kulang pa
Kinukutsya ang bawat aspeto ng katawan **** di sakto sa kanilang imahe sayo
At nais ko na sa iyong pagising at pag-uwi ay di matatakasan ang tignan ang sarili sa salamin
Umaasang maaalala ang ipinangalan sa iyo ng nanay **** nakatayo rito ngayon

Tao,
Isang araw ay itatapon kita sa mundo
Hindi iiwan pero hahayaang mamili para sa sarili
Tandaan ang pangalan mo at unawain na hindi lahat ng likha ng tao ay tama

Balikan mo ako sa iyong unang galos.
This is a piece I wrote for my Theology class that tackled the distorted view of men in alcohol advertisments. It's also in Filipino--which is my native language.
Jun Lit Sep 2017
Daan-daan, libu-libo
Daang-libo, daang-libo
Umaasang may milagro
Limandaang-libong piso

Kayamanang kinurakot
Ng pamilyang naging salot
Sa bayan kong binaluktot
Isasabog, baryang simot?

Marami ngang naniwala
Iba nama’y sakali, baka
Kapag pera ang nagwika
Sumusunod tanang dukha

Kapag baya’y maralita,
Karamiha’y mangmang pawa
Konting kiliti at banta
Utu-uto bumabaha

Dumaraming maralita
Kailangan ng kalinga
Karunungan ay biyaya
Ibahagi, ‘wag magsawa.

Kawawa ang sambayanan
Kung palaging iisahan
Ang 4Ps, pera ng bayan
Hindi ng angkang kawatan

Panloloko ay tigilan
Pandarambong ay tutulan
Diktadura ay labanan
Kabataan, mata’y buksan

Bagong bayani kaylangan
Karununga’y kalayaan.
Malalawak ang larangan
Sambayana’y paglingkuran
Nakakatawa dahil hanggang ngayon di ko parin alam kung bakit ganito. Kung bakit nasasaktan parin ako tuwing nakikita ka kasama niya. Sumasakit ang puso ko na para bang tinutusok nang isang libong karayom kung nakikita kong natutulala ka sa kaniya. Kumukulo sa inggit ang kung ano man sa kalooblooban ko dahil alam kong di ako. Di ako ang gusto mo. Di ako ang taong pinagbubuhusan mo nang pagmamahal. Di ako ang taong pinaghahangaan mo. Di ako.

Matagal ko na tong alam. At dapat matagal ko na ring natanggap. Pero bakit masakit parin? May gusto pa ba ako sayo? Sana naman hindi. Dahil kahit anong sakit ang nararanasan ko, di ko parin pipigilan ang pag iibigan nang dalawa kong munting kaibigan. Hindi man pansin sa iba na ako'y ganito, okay lang. Okay lang basta't kayo ay masaya. Okay lang. Kaya pa.
(y.v)
Nyl Oct 2017
Tulala sapagkat walang ginagawa,
sa maghapong oras ay nagdaraan
Tulala sapagkat napapagal,
buong araw sa trabaho ay inilalaan
Tulala sapagkat sawi,
puso ay humahangos at puno ng pighati
Tulala sapagkat nabigla,
may gantimpala, sa mukha nakapinta ang ngiti

Ito nalang marahil ang tanging pahinga ng isip,
panahon na walang alintana
Masasabi mo nalang ang “bahala na” na nagmula pala sa pariralang “Kay Bathala na”
Ang pagtingin sa kawalan ay para ring
mahimbing na tulog sa gabi-
Gabing mga suliranin na ninanais mo nalang kitilin
at itago ang labi
At kahalintulad din nito ang bagong umaga na ang hudyat ay ang sikat ng araw-
Araw **** pagpapaalala sa iyong sarili na matapos ang unos, bahaghari ay lilitaw

Libu-libong berso at pangungusap na ang nagawa
para gunitain ang pag-ibig
Ngunit bakit bihira ang para sa isip na hindi ito naiisip,
isip na puno ng ibang ligalig
Ang literatura ba sa kanila ay sadyang mailap? Hindi inilaan sa kundiman
Kung hindi man, ay para saan?

Iwaglit na ang mga sapantaha,
sapagkat ang tulang ito ay nagawa na
Tula para sa mga tulala, tula para sa akin, sa iyo, at sa kanila
At hayaan **** ang isip ng isang tulala ay maglayag
Bagamat tahimik, tiyak na marami itong ipahahayag
Eugene Feb 2016
Dumaan man ang napahabang panahon,
Lumipas man ang ilang libong taon,
Itago man sa kailaliman ng kahapon,
Uusli at sisibol ang mga tula ngayon.


Ilang beses mo mang pigilan,
Talunin sa iba't-ibang paraan,
Mapa-asaynment o impromptu 'yan,
Nagagawa ang tula ng may kahusayan.


Sinong mag-aakalang ito'y nakatago?
Sinong mag-aakalang ito'y para sayo?
Sinong mag-aakalang ito'y hindi bato?
Sinong mag-aakalang ito'y nasa puso?


Isang libangan kung ito'y tuklasin.
Isang adhikain kung ito'y susulatin.
Isang liwanag kung ito'y susuriin.
At isang kayamanang kailanma'y hindi maangkin.
Kay sarap titigan ng langit,
Habang unti-unting bumababa ang araw,
Siya namang paglabas ng buwan,
Kasama ang mga libo-libong bituin,

Tuwing dumarating ang takipsilim,
Ika'y aking naaalala,
Ang mga matang kumikislap sa dilim,
At ang iyong ngiting nakakahumaling,

Ang takipsilim daw ang pagtatapos,
Ng bawat araw na ating nalalasap,
Sa t'wing tumutunog na ang batingaw,
Isang araw nanaman ang pumanaw.

Sa tuwing lumulubog ang araw,
Ikaw ang aking natatanaw,
Bawat araw ay ikaw,
Ang aking iniisip.
Jose Remillan Sep 2013
Makailang ulit kong
Tinahak ang lansangang ito
Patungo sa layo at lapit
Ng ating pag-ibig.

Sa himig at pintig,
Puso't isip nati'y
Kapwa nananalig. Dinadaig
Ang siklo ng pagpaparoo't parito

Ng mga gulong na
Libong ulit man akong
Tangayin palayo at palapit sa'yo,
Ang lansangang ito ay
Mananatiling lantay na lansangan

Sapagkat ikaw ang daan.
For Jinky Tubalinal.

SLEX is an acronym for South Luzon Express Way, a superhighway
that connects the imperial Manila to the southern provinces of Luzon.

Quezon City, Philippines
April 2013
Bawat isa sa aking mga minamahal ay nagsilbing simbolo
Mga mata nilang palaging nakatingin
Sa kaluluwa kong nakaukit sa isang bituwin
Naninirahan sa malayong kalawakan, na hindi-hindi kayang abutin.
Paisa-isa silang lumalapit sa napakainit na mundong aking ginagalawan
Sumasayaw, nang-aakit.
Kumakanta, sumasabit
Sa mga libo-libong batong umiikot sa aking kalawakan.
May isang minahal ko dahil sa dula
May isa namang minahal ko dahil sa libro.
Isa namang minahal ko…dahil ipinakita niya ang totoo.
Katarungan nasa'n? Inapakan, dinuraan
Ng mga taong niluklok para paglingkuran
'Tong bayan nating lubog, at dugoan
Magkano? Sanlibong baryang dinumihan

Libong buhay ang tinapos, musmos, at mga naghihikahos
Mga nanay na nawalan ng anak, mga batang di pa tapos
Droga? Talaga ba? Ang sabi mo ay kayang-kaya?
Tatay Digs, pano na? Bat biglang 'di pala kaya?

Sanlibong tanong sa bawat buhay na binawi
Diyos-diyosang maitim ang budhi
Bata, matanda, babae, estudyante
Nanlaban daw, kaya niyaring nakatali

Bayan kong minamahal, dito na lamang ba?
Naka duct tape ang mukha ni inang hustisya
May dyaryo, at may nakapaskil na larawang
'WALANG HUSTISYA, WAG TULARAN'
JOJO C PINCA Nov 2017
kumikinang ang mamahaling parol na nakadambana sa bintana ng mansion na nasa loob ng isang malaking subdivision. nagniningning ang patay sindi nitong kulay na umaaliw sa balana. salamat sa malaking pakinabang na kanyang kinita nang walang anomang pakundangan sa dugo at pawis ng mga abang manggagawa.
nasa kanyang sala naman ang mataas na Christmas Tree habang sa paanan nito nakahandusay ang kahon-kahon na magagarbong mga regalo. malayong-malayo ito sa barung-barung ng mga nagtitiis sa siphayo ng dusa at karalitaan.
ang mahabang lamesa na nasa kanyang komedor ay talagang pinagpala sapagkat nakapatong dito ang hiniwang hamon, keso de bola, spaghetti, carbonara, lasagna, ubas at ang lahat ng masasarap na pangarap ng isang batang kalye na kumakalam ang sikmura habang tinitiis ang ginaw ng Disyembre.
matapos ang kanyang masaganang Noche Buena ay mauupo sya sa kanyang malambot na sofa na di halos mabilang ang libong halaga. dun n'ya iinumin nang buong pagmamalaki ang mamahaling brandy o di kaya naman ay whiskey.
katabi ang kanyang pamilya sabay-sabay silang manonood ng misa habang nakatuon sa higanteng flat screen na telebisyon. ang homily ng ingleserong pari ay patungkol sa pag-ibig sa kapwa at pagbibigayan.
Maggie Aug 2017
Isang buntong hininga
Kapalit ng libo-libong alaala
Na dala ng mga kanta
Na dati'y inalay niya sayo, sinta
"Traded music for hearts"
Mister J Sep 2017
Ilang linggong puro nakaw ang sulyap sa'yo
Ilang araw na walang hinangad kundi pansinin mo
Ilang beses nang nilalapitan at pilit na nagsusumamo
Ilang beses pa bang magpapapansin para sa atensyon mo?

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula
Hindi ko rin alam kung lahat ba ng ito ay tama
Ang tanging pinanghahawakan ay ang lakas ng loob
Ang aking hiling ay tanging maging sa'yo

Sa bawat araw na hinirang ng Maykapal
Sa bawat pintig ng puso, ngalan mo ang sinisigaw
Sa impyernong ito na ating ginagalawan
Ikaw ang tanging langit sa aking buhay na kawalan

Ako'y sa'yo, nais kong malaman mo
Ako'y sa'yo, sana'y pagbigyan ako
Ako'y sa'yo, hayaan **** ibigin kita
Ako'y sa'yo, sa lungkot at sa ligaya

Tanging sa'yo, lumipas man ang mahabang panahon
Tanging sa'yo, sa bawat pagdapa at sa bawat pagbangon
Tanging sa'yo, magunaw man ngayon ang mundo
Tanging sa'yo, at sa'yo lamang ang puso ko

Ikaw ang ilaw sa madilim kong landas
Ang parolang gabay sa bagyong malakas
Ikaw ang laman ng damdaming puno ng lakas
Ikaw din ang kahinaan, ang pag-ibig na wagas

Tandaan mo na kahit saan man mapunta
Kahit saan mapadpad at ako man ay maligaw
Sa libong tula at liham na aking isusulat
Tanging ngalan mo ang laman, tanging ikaw

Ang gusto lang makamit ay ang 'oo' **** matamis
At mamahalin kita sa habang buhay ng labis-labis
Hindi man perpekto, magkaron man ng mga mintis
Basta't ikaw ang kasama, lahat ng problema'y matitiis

Ako'y sayo, aking uulit-ulitin
Ako'y sa'yo, ika'y kukulit-kulitin
Ako'y sa'yo sa hirap at ginhawa
Ako'y sa'yo, dahil mahal kita
Second Tagalog poem. Feels a bit rushed though.
Ang matinis na tinig ng isang libong nagkakalampagang bakal na maninipis ang tumili mula sa gilid ng 'yong ulunan,
Umaga na naman.
Mauuna ang pagbangon mo mula sa kama kaisa sa pagmulat ng iyong mga mata't pag-gising ng iyong diwang pagal sa 'di maalalang panaginip.
Ang hangin ay umihip--
Mula sa bintanang kumakaway gamit ang mga kurtinang bughaw sa paglisan ng gabi sa pagkamusta ng masalimuot na umaga.

Pumipihit na naman ang oras.

Pinanonood mo ang pagputok ng bawat bulang nabubuo mula sa pag-ugong ng kaldero buhat ng initsigan,
Bagay na 'yong kinaiinggitan.
Ang natatanging paraan para mapainit mo iyong umaga ay ang paglaklak ng kapeng 'sing pait ng pagiisa.
Tapos maliligo ka,
Pipihitin mo ang gripo para bumungad sa'yo ang nagyeyelong tubig na kumikitil sa 'yong kakayanan makaramdam.

Sana kumukulo rin yung tubig.

Pinanonood mo ang pagdating at paglaho ng mga pangitain ng isang 'di makatarungang siyudad ng maralita't dukha.
Paano pa nila nagagawang ngumiti?
Ika'y naririndi sa malalim na pag-ungol ng mga sasakyang minamaneho ng mga diwang humihiyaw sa pagkakakulong,
Sa pagkaubos ng oras.
Sinusulit mo ang ilang saglit na ang tanging suliraning iyong sinusumpa ay ang pagkahuli sa klase't mga responsibilidad.

Pagkakataon na naman ng buwan.

Huminga ka ng malalim bago mo nilapat ang 'yong palad na 'sing gaspang ng gasgas na pinto ng iyong bahay,
At dahan-dahan mo itong tinulak.
Nilanghap mo ang kulob na amoy ng hanging 'di magimbala sa segundong umapak ka sa loob ng yung 'di maturing na tahanan,
Isinara mo ang pintuan.
Kasabay nito ang pagsara mo ng iyong sarili sa buong mundong tanging inaalala lamang ang kanilang mga sarili.

Bumuhos ang iyong mga luha.

Ang iyong katawan ay nanginginig, ang isip ay nangingimbal at ika'y nangingimi sa kawalan ng katotohanan--
Ng 'yong pagkatao.
Maririnig **** umuugong ang iyong bulsa't napagtantong may nangangailangang marinig ang iyong boses,
Tumatawag si Mikoy.
Sa pag-sambit niya ng iyong pangalan ay napawi ang bumubagyong luha't naglaho ang unos ng 'di maintindihang lungkot.

Sa pagkakataong iyon, saka mo lang sinabing nakauwi ka na.
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
zoe May 2017
sa takipsilim na
tawag nating
alas cinco ng gabi

na makikilala ng araw
ang lupa,
nabibighani sa kanyang sikat at ganda
lalamunin hanggat sa
dumilim

masasaksihan natin
ang tunay na kulay,
tunay na simoy,
tunay na buhay,
ng lungkot.

hindi niya maisasagot
ang limangput libong
hukbong-sandatahan
ng dakilang, gutom,
mabagsik
na mga isip.

yakap ng mahigpit
at mahabang braso
ng lungkot;

mapaparalitiko
habang buhay,
sa takipsilim
G A Lopez Dec 2019
Ang sabi ng mga madla
Madaya ang tadhana
Iibig ka na sa maling tao pa.
Ngunit tadhana nga ba ang madaya
O tayong mga tao lang talaga?

Kay damot ng tadhana
Ang taong gusto mo'y hindi makuha
Bakit iyong iba wala namang ginagawa
Samantalang ako'y halos umiyak na ng isang baldeng luha
Hindi ka pa rin makuha

Hanggang ngayo'y hinahangaan ka pa rin sa malayo
Malabo mang mapansin mo
Hindi mo man pansin ang presensya ko
Narito lamang ako,
Ipagdarasal ang kapakanan mo.

Sana'y madali lang ipagsigawan
Ang aking nararamdaman
Ngunit alam kong tututol ang mundo
Ilalayo ka sa akin ng mga tao
Masasaktan lamang tayong pareho.

Ang daya daya ni tadhana
Ako ang unang nakahanap sa'yo
Ngunit mas pinili **** mapunta sa malayo
Nagkamali ako
Lahat ng aking mga paratang ay hindi totoo

Ikaw ang madaya
Inibig kita ngunit sinira mo ako
Nilisan mo ako at sumama ka sa malayo
Iniwan mo ang kalahati ng puso ko
Ang iba'y na sa iyo.

Kaya madaya ka!
Narito ako't balisa
Habang ika'y nagpapakasaya
Sa yakap ng iba.
Madaya ka!

Libo libong alaala
Ang naging sandigan ko
Upang ika'y bumalik at magmakaawa
Magmakaawa na bigyan pa kita
Bigyan ng pagkakataon na muli pang magsasama

Naghintay ako ng iyong pagparito
Ngunit malamig na hangin lamang
Ang sumalubong sa akin.
Hindi ka na maaaring bumalik pa!
Bakit pa ako umaasa?

Madaya ka!
Stephanie Apr 2019
apat na letra lang yan pero bakit parang ang daming kahulugan..
napakaraming nais iparating ngunit pilit na ikinubli sa apat na letra
kumakawala, pumipiglas ang mga patalim nitong may taglay na lason na maaaring magdikta ng libong sakit

at pasensya ka na, hindi ata nakarating ng maayos sa aking pang-unawa ang nais **** sabihin

"bakit ka ganyan, mahal?"
"ewan"
"may problema ba tayo?"
"ewan"
"mahal mo pa ba ko?"
"ewan"

pero mas masakit palang marinig na ewan din ang sagot mo sa tanong na bakit.

bakit mo ko patuloy na sinasaktan?


sige, wag mo nang sagutin.




nagsasawa na ko sa mga ewan mo



ngunit, putangina, hindi sa iyo.



nagsasawa na ko sa sakit na ibinibigay mo, hindi naman ito ang ipinangako mo pero ewan...

siguro nga'y mahal na mahal lang kita kaya't sa lahat ng ewan na binanggit mo isa lang ang alam kong sigurado...


hindi ko alam kung paanong magsisimula muli, ewan.. bahala na'ng pusong sawi sa pagbuo ng mga piraso nitong dinurog ng lapastangang pag-ibig na alam mo.
para sa mga nagmahal ngunit hindi minahal ng tama.
Christian Living Dec 2019
Libong tinig pero sayo lang ang nais madinig.
Init ng iyong balat ang gustong kasama sa tag-lamig.
Mali nga ba na hinayaan ko pa, pagkat ngayon di na alam kung pano kakabig.
Mga desisyong hindi pinag-isipan at basta nalang lumabas sa bibig.
Dahilan para pumalo ang mga luha sa sahig.
Adiksyon na ngang maituturing, pagkat ikaw at ikaw lang ang aking hilig.
Pero paano nga ba, ux2 q lang aMan umibig.
Kung sana nga ito’y galit at hindi nalang sakit.
Edi sana’y akin nalang tinanggap at hindi inisip na isa itong pasakit.
Gamu-gamo ako kung ituring ng ilan sa kadahilanang sa apoy mo ako nahilig lumapit.
Pagkat saki’y ikaw ang kantang gusto kong maawit.
Ang pelikulang nais kong panoorin ng paulit-ulit.
Obra na labis kong hinahangaan at gustong malapitan.
Palabas sa telebisyon na lagi kong inaantabayanan.
Pahina sa isang libro na lagi kong binabasa para ganap na maintindihan.
At isang lugar sa mundo, na aking binabalikbalikan.
Nagugulumihanan.
Aking hakbang ay nais ko ding malaman.
Pangyayari sa paligid ay hindi ko rin maintindihan.
Ang hirap.
Na sa tuwing gusto kita makita, saka naman kita hindi mahanap.
Walang Karapatan.
Yan ang tinanim mo sa aking isipan.
Dahil paano nga naman kita ipaglalaban, kung alam ko naman na isa lang akong dayuhan sa kwento niyo ni Adan?
This is a work of fiction//

— The End —