Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
cosmos Jan 2016
Natakot ako noong araw
Na nagising ako
At naramdaman ko ang kabog ng puso ko
Parang iba na ata
Ang sinasabi nito

Hulyo noong nangyari ito
Ngunit Oktubre na nang aminin sa sarili
Ang matagal nang ikinubling damdamin
Dahil nakakatakot

Nakakatakot ang mahulog
Para sa isang taong hindi naka-abang
Upang ika'y saluhin

Nakakatakot malunod
Sa lalim ng iyong mga mata
Na baka hindi na makabalik pa
At maiwang nag-iisa

Nakakatakot sabihin
Ang damdaming itinanggi
Dahil baka di pakinggan
At tuluyan nang iwasan

Natakot ako pero sumugal ako
‘Di na ata kakayanin pang itago ito

Ngunit matapos ang lahat
Tama nga ako

Tama nga ang paulit-ulit na sinabi sa sarili
Hindi na dapat
Bakit nahulog pa
Bakit nalunod pa
Bakit sinabi pa
Sana tinago ko nalang

Mas nakakatakot pala
Nang tuluyang mawala ka
030317

Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.

Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.

Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.

Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.

Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.

Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.

Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.

Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.

Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?

Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."

Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.

Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."
Wretched Jul 2015
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa *Amen
ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.
jay Feb 2017
ang kwento nating dalawa
ay parang sigarilyo:
sa bawat ihip ng hangin na dumadaan,
konti-konting nawawala.
at sa bawat hithit mo,
nakikita kong nagiging abo and sigarilyo
at pagkatapos **** ubusin ito,
kukuha ka ulit ng bago.
kung sakaling magbago man ang isip mo,
hindi ka kukuha ng isa pa,
pero wala.
wala kang pakialam kung ika’y
magka-kanser dahil ang mga yosi mo
ay nagpapakalma sa iyo.
sana nalang naging yosi ako
para magkaroon ako ng halaga sa iyo
at kasama mo ako
sa tuwing may pinag-dadaanan ka
ngunit sa katotohanan,
ako ay tanga
na pinapanood kang malunod
sa iyong mga sigarilyo,
at sina-sarili ko
ang lahat ng gusto kong sabihin sa iyo.

ang kwento nating dalawa
ay parang sigarilyo:
alam kong hindi mabuti sa kalusugan ko
ngunit gusto ko pa rin.
at sa bawat hithit ko
dahan-dahan akong nawawala sa sarili ko
at sa mga mata ****
bumubulong sa akin na
“hinding-hindi magiging tayo.”

(jml)
Gwen Pimentel Jul 2014
Pinapanood malunod ang mundo
Mula sa aking bintana'y natatanto
Bayan ko'y dahan dahang inaanod
Inaanod na rin ata ang puso ko

Walang daang madadaanan
Walang makatutulong sa nasasaktan
Dahil ang tutulong dapat, ay nasaktan na rin

Sinagasaan ng bagyo ang ating bansa
Binanyagang may pinaka-masayang mga tao
Bakit kaya tayo pa ang napili ng Panginoon?

Siguro dahil alam Niya na makakabangon tayo
Siguro dahil matibay ang ating pananampalataya
Siguro dahil may leksyon tayong dapat matutunan

Kahit ano pa man ang dahilan, salamat Panginoon na muli Ninyo kaming ibinangon
Song turned poem (or is it poem turned song..) during the supertyphoon Yolanda. #throwback


Creds to Marco for the first stanza
Palutang-lutang sa gitna ng dagat
Gawa ng luha kong
sinubukang saluhin sa tasa
ngunit hindi nagkasya
Sinong sasagip
sa pusong takot malunod?
Hahayaan na lamang bang magpaanod
sa tulirong mga alon
Wari'y sila ring nalilito
Saan nga ba patutungo?
Ngunit ang damdamin,
Sa iyo pa rin gustong dumaong
Umaasang sa dalampasigan,
Sa mga bisig mo, ako sisilong



Parola, Margaret Austin Go
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
kahel Oct 2016
CPR
Nangako ako sayo na poprotektahan kita kahit anong mangyari
Nagsinungaling ako
Dahil noong araw na pinulikat ka habang nasa gitna ng dagat
Na sobrang lalim na hindi mo na makita ang ilalim
Hindi kita nasagip

Nangako ako sayo na iingatan kita ng di nagdadalawang-isip
Nagsinungaling ako
Habang naghihingalo ka at humihingi ng saklolo
Wala akong nagawa kundi tignan ang paghampas ng mga alon
Pinapamukha na bakit ba kasi hindi ako marunong lumangoy

Nangako ako sayo na hindi kita papabayaan mag-isa
Nagsinungaling ako
Hinayaan kita malunod at hatakin pababa ng iba't ibang lamang dagat
Hinayaan maubos ang hangin hanggang sa huling hininga
Pinanood lumubog ang mga matang kasing ganda ng mga perlas

Pasensya ka na at nagsinungaling ako
Dahil akala ko matatakasan ko ang sariling anino
Pasensya ka na at hindi kita nailigtas
Hinayaan ko na may ibang sumagip sayo dahil kung ako 'yon
Baka pareho lang tayong lumubog at malagay ka lalo sa panganib

Pasensya ka na at lumutang ang mga pangako
Na sabay lalanguyin ang lawak ng buhay
Sisisirin ang lalim ng ating mga pangarap
Sasalubungin ang mga problemang dadaong
Iiwasan ang mga dikya na dulot ng nakaraan

Kaya patawad dahil ngayon lang napupuno ang pagkukulang
Wag ka mag-alala,matututunan ko din tumalon ng walang alinlangan
Susubukan maabot ang dagat na tinatahak mo kahit gaano pa ito kaalat
Pero sa ngayon, pasensya muna unang nagpakilala ang takot kaysa sa lakas ng loob
Pasensya dahil tinangay tayo ng alon palayo sa isa't isa
solEmn oaSis Apr 2017
hindi siya isang pintor
at ni hindi rin isang iskultor
ngunit nais na niyang maipinta
sa tulong ng mahiwagang tinta
yaong sa kanya'y humihimok
:mga kulay at puno sa diwa niya'y nakalilok!
Maging ang napakatayog na bundok
aakyatin niya hanggang mayapakan iyong rurok
at muli doon sa ibabaw
kanya pa ring isisigaw
ang mga pasaring ng kanyang abot-tanaw
bukam-bibig niyang imemensahe ang lihim sa liham nitong Tanglaw at Panglaw!
Bagamat minsan na niyang pinailanlang
yaring tagumpay na sa kabiguan ay sumalansang
at kung ating susuriin,di lahat ng kabalisaan ay gaya ng tubig sa pampang
sapagkat mayroong kapayapaan sa gitna ng kagulohang humahadlang.

Sa tuwinang pagmamasdan niya
ang walang pakpak na mga anghel sa lupa,
sa mga sandaling ramdam niya
ang mapanganib na mga lobong nag-aanyong tupa.
Iisa lamang ang katanongan na sa kanya'y sumasagupa
"ano nga ba ang kasagotan sa mata-pobre upang ito ay magpatirapa?"
nang sa gayo'y matutong manikluhod sa Dakilang Lumikha
Maiwaksi ang pang-aalipusta sa mga dusta
Huwag nang malunod pa sa yaman sa halip tumulong sa aba at dukha
sabi nga niya... ITAGA MO SA BATO AT SA TUBIG AY ILISTA
"hindi lang bilog ang kaya kong paikotin"
Ayon pa sa kanya--aking uulitin
"magagawa kong iluklok
ang magnasang maging nasa tuktok
basta't may kalakip na pag-ibig sa nasasakopang sulok"

hindi siya isang pintor
at ni hindi rin isang iskultor
ngunit nais na niyang maipinta
sa tulong ng mahiwagang tinta
yaong sa kanya'y humihimok
:mga kulay at puno sa diwa niya'y nakalilok!
learn to move
move to learn

*April 9 Araw ng Kagitingan sa Pinas
kate Apr 2022
habang naglalakad ako sa lupain ng mga sirang pangarap, mayroon akong pangitain sa napakaraming bagay. ang mga paghihinagpis tila baga'y tumutulong upang madagdagan ang aking pasan sa mundo. aking napagtanto na ang kaligayahan ay isang kalinlangan lamang. sa aking pagkalumbay at pakiramdam ng disorientasyon, buong buhay ko'y nabuhay sa takot. ang mundo'y pinamumunuan ng mga batas ng poot na matatagpuan sa iba't ibang dako. kaya naman ay ang mga nakararanas ng dalisay na kaligayahan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari.

sa bawat araw ng aking paghihirap, umaasang makakaahon sa ilang butil ng kasaklaman ngunit sa kaibuturan ko, wala akong ibang makikita kungdi ang kasuklaman ng buhay. patuloy akong naglalakad sa mga anino upang maghanap ng liwanag ngunit aking napagtanto'y malinaw kong nakikita na wala nang ibang paraan upang makalabas pa sa suliraning ito.

sa aking buong pagkabuhay, dala-dala ko ang mga basag na pag-asa't mga tipak na salamin. ang tanging sinag ng araw ang natitirang kislap ng aking mga masidhing lunggati sa rurok ng tagumpay. kung iyong titignan ang marikit na lilim ng gintong apoy na nagngangalit sa kanluran, ito ay ang aking mga minimithi na nakalilim sa puwang ng kalangitang asul. nais kong lumipad nang malaya tulad ng isang ibon sa kalawakan. sa mga kislap ng mga tala'y nakatingin, hinihiling na sana ang panagimpan ko'y dinggin. lahat ng iya'y hindi makakamtan sapagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible. pinapanood malunod ang aking sariling mundo mula sa aking bintana'y natatanto, mga pangarap ko'y dahan-dahang inaanod.
sa araw-araw na aking paglalakbay sa mga repleksyon ng kadiliman, isa lang ang aking katanungan, isang ilusyon lamang ba ang kapayapaang aking matagal nang inaasam?
may mga pangarap talaga tayong mahirap makamit at ito'y hanggang ilusyon na lamang.
Marg Balvaloza May 2018
sa kalaliman ng iyong pagtingin,
hindi maarok,
damdamin ko'y muntik nang malunod
aking nakita, ang ‘yong pagkatao
sa'yong mga mata,
mga matang kay ganda,
mga matang nababalot ng kahiwagaan at pagsinta.

sa kalaliman na iyong pagtingin,
aking narinig, yaong mga salita,
mga salita na bago pa man sambitin ng ‘yong mga labi
ay narinig na ng aking puso,
na tila nagbigay kabuluhan sa damdamin
at nagdulot ng kapayapaan sa aking pusong balisa;
mga matang kay ganda
na tila nangungusap,
wala, ni ano, kahit anong salita—–
binasag ng ‘yong katahimikan, kaguluhan sa’king isipan.

sa kalaliman na iyong pagtingin,
mundo ay tumigil,
nabihag ang damdamin,
aking nadama, dalisay na pagkatao,
sa'yong mga mata,
mga matang kay ganda
mga matang nagrerepresenta, sa makulay na buhay,
mistulang mga krayola
na nagbibigay kulay
sa malamlam at matamlay /// kong pamumuhay.

© LMLB
"He looks at me and his brown eyes tell his soul."
P.S. "Balintataw" is the tagalog word for "Pupil."

05.02.18
jerely Sep 2015
Gumawa ka ng makasaysayan sa iyong buhay
na ito'y hinding hindi mo makakalimutan
Sa tuwing babalikan mo ito ay maging
parte ng iyong buhay.
Mga ala-alang dinggin, hiling na
sa tuwing maririnig mo ang mga salita at emosyong nakabalot sa iba't ibang
panig ng daigdig.
Maglakad ka, maglagkbay hanggang sa dalhin ka ng iyong mga paa
Sa bawat litrato o lugar na iyong mapupuntahan.
Maglista ka! Ipunin ang lahat ng masasayang bagay, tao, lugar, pagkain at kung anu-ano
Mga karanasang nais **** gawin
habang bata pa!
gawin mo ang nais ipahiwatig ng damdamin, puso at buong pagkatao
Hanggang sa ito'y masaktan, masugatan, malunod sa nag-uumapaw na kasayahan.
Walang humpay na inaasam,
kamitin ang nais marating.
Hanggang nasa iyong mga palad na ito.
At habang nariyan pa, huwag na huwag **** kalimutang ipalaganap ang mga mensaheng dapat pakawalan.
Huwag igapos dahil ito'y
wawasak din sa iyong
panahon.
Got inspired to write this one tonight.
But I'll try to translate this in English
on my free time & I haven't decided yet for the title of this poem.

P.S.
just a draft. I'm gonna add some more
of this since it was a quick poem that I've done.

Jerelii
Sept 26, 2015
Copyright
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.
Random Guy Oct 2019
"hello, kamusta?"
kataga na kay tagal kong hinintay
kung hula mo'y ilang buwan
sablay
dahil taon ang hinintay ko
upang makita sa loob ng kompyuter ko
ang mga katagang "hello, kamusta?"
at kung sa mas eksaktong sukat
ay walong taon
halos ka-edad ng batang marunong ng sumagot sa magulang
may sariling aksyon at pagiisip
at kung iisipin
hindi sana tayo ganito
kung sumagot tayo sa magulang natin dati
o kung may karapatan na tayo dati
kung mas inuna natin ang aksyon na gusto
kaysa sa aksyon na mas nararapat
sabagay
hindi rin naman dapat sila sisihin
dahil bata pa tayo noon
mas bata tayo noon ng pitong taon
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
ay natigilan ako
kaya ka ba nagpaparamdam
ay dahil kaya mo ng tumayo
salungat sa gusto ng iba
patungo sa mas gugustuhin mo
o isa ulit itong pagsawsaw
ng iyong paa sa rumaragasang damdamin ko
kagaya ng ginawa mo
pitong taon nang nakalipas
nilubog ng kaunti ang iyong damdamin
para lamang malaman
na hindi lahat ng gusto mo ay pwede mo nang kunin
at agad agad **** hinugot ang iyong pagtingin
na para bang hindi din ako sumawsaw
nagpaanod
nalunod
sa sakit ng rumaragasang tadhana
na noo'y inakalang
kayang suungin
para lamang malaman ko na hindi ka pa pala handa
ngayon
sa 'yong "hello, kamusta?"
isa ba itong tanda
na handa ka na
na kaya mo na
panindigan
ipaglaban
magpaanod
malunod
sumuong
ano
mas masakit di 'ba
na malamang mayroon na akong iba
"hello, kamusta?"
K Nov 2018
pag apak ko pa lang sa pampang,
lunod na ka agad.
tubig na pumapasok sa baga,
hinahayaan lang.

pero bakit ganoon?
pilit ka paring sinisisid,
kahit ang tubig hanggang talampakan,
kahit abot kamay lang ang buhangin.

hindi ako aahon, hindi ako hihinga,
mas gugustuhin kong malunod,
kesa umahon sa mundong wala ka.
sisisirin hanggang may perlas na makuha.
dahil mas lunod pa ako sa hangin na binibigay ng mundo kesa sa tubig alat na inaasam asam ko.
meliza Jun 2018
tila mapurol na ang gamit na patalim
na sa bawat pagbakas ay lalong dumidiin
baka sa susunod, sasapat na ang lalim
para makalimutan ang bagay na madilim

may dala-dalang bagahe na balak lunurin
sa iilang bote ng matapang na inumin
umaasang tulad nito sana ay ako rin
(maging matapang, o malunod din?)

magpaplano sa isip ng sariling libing
idadaan na lang sa yosi at paglalasing
hanggang atay at baga ko'y maging itim
para terno sa damit ng mga dadating

isa pang sigarilyo ang ilalagay sa bibig
pilit lalanghapin ang nikotina sa dibdib
hanggang di na matukoy ang dahilan ng sakit
hanggang makalimutan ang lahat ng pait.
i havent written for a while. it seems like i've completely lost the ability to write.
kate Feb 9
ala-singko ng umaga. nakakabingi ang katahimikan ng pagsikat ng araw. walang tigil ang pagtakbo ng oras at tulad ng araw, nagsimula nanaman ang pangkaraniwang siklo ng buhay. patungo sa sintang paaralan na ang bawat yapak ay parang timbang ng daigdig na nakalubog sa aking mga balikat. hindi kayang buhatin kahit pa ng buong mundo sapagkat ako'y nag-iisa sa paglalakbay patungong españa.

sa bawat sulok ng maynila at mga kwento sa mga kalsadang ito, may mga paalala ng mga biyaheng hindi pa nararating at mga pangarap na patuloy hinahanap. sa kanto ng españa't lacson, sa kabila ng paghahanap at pag-asa, hindi natagpuan ang isa't isa. sa magkabilang sulok ng noval at dapitan, ang iyong mga imahe ay tila mga alaala na nakaukit sa pinakaloob ng aking isipan, kumakatok nang palaging handang buksan ang pintuan. bawat hakbang ko ay may kabigha-bighani **** presensya, subalit ang hinahanap kong pagtatagpo ay patuloy na umiwas sa akin, nag-iwan ng hinagpis at naglakbay nang walang direksyon.

"manong para po" ang aking bulong sa jeepney drayber na parang tinik na dumadaloy sa aking lalamunan, humihila at humihila sa mga alaala na tila mga bagyong dumaraan sa aking isipan. bawat sinag ng araw, bawat hagupit ng hampas ng hangin, ay parang himagsik ng damdamin na hindi ko maitago.

sa bawat kanto paikot ng españa, naroon ang mga multo ng ating nakaraan. mga anino ng mga alaala na hindi ko matakasan at sa bawat pagtatanong mo kung may pag-asa pa ba, ang bawat sagot ko ay tila mga punyal na tumatagos sa aking kalooban, nagsasabing wala nang dahilan para muling mangarap.ayaw ko nang lumakad sa landas ng nakaraan, na puno ng  mga bakas na minsan tayo'y nagtahup na patuloy na bumabalik at sumisira sa isipan.

at sa wakas, narito na ako sa dulo ng aking paglalakbay, ngunit ang landas na tinahak ay tila isang malawak na dagat, hindi alintana kung gaano karaming bagyo at baha ang dinaanan. at kung tatanungin mo ako kung pu-puwede pa ba, ang hihilingin ko sa iyo ay mga barya papalayo sa'yo. ayaw ko nang malunod sa unang daan na puno ng kahapon at mga alaalang tila multong ayaw umahon.

at sa bawat paghakbang ko patungo sa hinaharap, ang iyong alaala ay parang banta na nagbubulag-bulagan sa akin tuwing naglalakbay ako. nakakapangilabot. mahal pa rin kita. mahal pa rin pala kita.

hindi na kasingpait ng dati.
pero mahal, masakit pa.
i just love the streets of manila and the feeling of grief and longness without wanting the person back (hindi ako broken HAHAHAHA)
Penne Oct 2022
Kung di kaya tayo nagkita,
Paano ko mahahanap ang lihim na palasyo ng saya?

Ang alam ko lang musika noon ay namamatay na sigaw galing sa milyong-milyong bangin

Kuntento na sana ako malunod doon
Paulit-ulit...

Hanggang narinig ko ang boses mo na hinalik nang payapa ng isang mitikal na kagubatan sa gitna ng gabi

Hinaluan pa ng bagyo ng  rebelyon at init na tamang-tama sa akin

Nakaka-excite ka...

Hinahanap ang iyong tunog sa kahit anong anyo
Sa kahit saang lugar

Naaaliw sa iyong misteryo
Bakit kasi rin ang angas mo noong sa munting sandalian na nag-usap tayo?

Planado ko na ipantay ang ihip ng hangin sa direksiyon mo
Ang tanglaw ng tadhana  
Naaabot ko na

I-ikaw din pala?
Gusto mo ipantay ang direksiyon
Hindi pala ako nag-iisa...

Hindi na tayo mag-isa.

Nabunyag ko pa na may tamis na tago sa iyong pigura
Di na kita mabura
Paano ka burahin...
Paano ka ba buburahin?!

Hanggang naintindihan ko na  wala nang magpapantay

Hinawakan ka na
Paulit-ulit
Inuulit sa kamay
Sa labi
Sa isip  

Napabangungot noong isang gabi na maghiwalay
Luha naman ang nahalay
Wala man "silang" gusto sa ideya natin
Mahihimatay na lang sa tamlay
Ng mga nagtatalampasang emosyon nila na walang malay
Hahawakan ka hanggang di hulihin
Hahalikan ka kahit babagyuhin
Walang kahulugan ang pagpigil ng damdamin

Unang-una ko itong pag-iibigan
Akala ko hindi ko maiiwasan ang kasaysayan ng dugo ko na puro sa maling tao napunta ang pagmamahalan
Akala ko wala nang mag-aalaga sa sirang tao na katulad ko
Napaka-haba ng iyong pasensya
Kasi ako wala na talagang pasensya sa sarili ko
Ang presko nang may nagtatanggap sa aking konsensiya
Na walang kapalit na hinihintay
Na walang sampal na hinihintay

Dami dami mo nang ginagawa pero
Wala ka talagang kailangan gawin
Para pasayahin ako
Mamasdan ka lang
Kasi hindi kita papakawalan

Pumantay ang linya
Pumantay ang oras
Pumantay ang agos
Pumantay ang dagat

Sa iyo na ako lulunod  magpakailanman

Sa bilang ng isa,

Dalawa,

Tatlo.
Taltoy Aug 2021
Sa dilim at tahimik ng silid,
Tunog ng malamig na ihip ng hanging dumadampi,
Sa mga pader na nakapaligid,
Isip koy nakahimlay, nakakubli.

Ipinipikit ang mga mata,
Sinusubukang sumisid sa dagat ng antok at pahinga,
Subalit hindi malunod itong kaluluwa,
Ayaw lumubog,  umaangat nang kusa.

Kay raming palaisipan,
Kay raming katanungan,
Kasagutan, hindi kailangan,
Panahon ang may alam.
Eloisa Oct 2019
Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan
Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan
Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig
Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig
Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon
Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan
Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos
Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim
Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos
Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok
Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay
Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay
Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit
Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan
Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan
Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos
Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos
Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso
Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo
~ I hope to translate this piece to English.
G A Lopez Oct 2019
Mahirap maglakbay
Sa mundo ng sanlibutan
'Di maiiwasang mahirapan
Ihanda pa rin ang sandata
Ika'y lumaban.

Tutuksuin ka ng sanlibutan
Ngunit hindi iyan ang dahilan
Upang pagsamba'y iwanan
Manalig ka
At ng 'di na muling maagaw pa.
Sa Kaniya mo idulog iyong mga panalangin
Ika'y tiyak na didinggin
Hinagpis mo'y papawiin
'Wag kakalimutang siya'y pasalamatan
Kung ang saya'y muli **** nakamtan

Marami mang tiisin
Hindi ka niya bibiguin
Bagkus ika'y iibigin
Magtiwala ka sa Kaniya
Mahal ka ng Ama

Kapatid, asahan **** pangako Niya'y kakamtin
'Wag kakalimutan ang tungkulin
Mahirap malunod sa baybayin
Ngunit ika'y makakaahon din
Sa tulong ng may likha sa atin.
zee Oct 2019
Ninais man na ipaglaban ang ating pagmamahalan
Kumapit sa pangakong ating binitawan
Na kailanman ay hindi mag-iiwanan
Hindi na magagawa dahil ikaw na mismo ang umayaw;
Iyong nasilayan ang dulo na aking sinikap na ‘di mo matanaw
Ginawa ko naman ang lahat ngunit hindi pa rin sapat.
Umibig naman ng tapat ngunit mas piniling bigyang lamat
Ang pagsasamang maayos ngunit ito’y tuluyan **** tinapos
Tayo’y hindi na nakasabay sa agos at hinayaan na lang malunod

Ngayon, aking ibubuod at ilalahad sa ilang taludtod:
Ang nobela ng ikaw at ako--
Nangako ang bawat isa sa isa’t isa na tayong dalawa hanggang dulo
Ngunit lahat ng mga plano’y naglaho dahil heto na tayo sa huling pahina ng ating kwento
Gamaliel Jan 2021
I
Patuloy kong napapatunayan na mahal ko siya habang patuloy siyang nahuhulog sa kanya.

III
Maari nga. Hindi rin naman ito ang panahon para gisingin ang pag-ibig na maaring mamagitan sa aming dalawa. Nakuha ko na lang na maging masaya para sa kanya. Bagaman napakalungkot pag kausap ko siya. Lahat nag iba na. Di na rin ako nagtaka. Ganun naman talaga. Tanggap ko na. Kahit simula pa lang, inaantay ko na siya. Aaaaaaaaa.

V
Hindi para sakin. At hindi ko naman talaga pipilitin. Bagaman pusong mandaraya ay nabibitin. Lahat ng nararamdaman, lalabanan at kakagatin. Hahayaang malunod ang mga alaala at hindi na iisiping sagipin. Bibitaw at sa malayo na lang tatanawin. Sa dulo ng kahapon ko na lang siya aangkinin. Wala lang siguro akong kain.
II
Baka hindi mo na dapat pang patunayan sa kaniya yan. Baka hindi siya ang para sayo.

IV
Naiintindihan kita. Walang masama sa nararamdaman o intensyon mo. Nais mo lamang ang magmahal nang totoo. Pero kapag talaga hindi para sayo, hindi para sayo.
aya Jan 2020
kung ganito nga talaga
kasaya ang malunod
.
wag niyo na akong sagipin pa
ANG SAYA MAG KA HAPPY CRUSH HAHAHAHA TANGINA :((
pauline Jul 2019
Simula pa lang alam kong ako ay talo
Tumuloy pa din dahil sa tigas ng ulo
Sinunod ang puso at nagpadala sa agos
Hinayaang  malunod sa tamis ng sandali

Isang araw nagising ako sa aking mga luha
Naalalang kahapon pala natapos ang lahat
Mga paa natin ay humakbang sa magka-ibang direksyon
Lumingon at tinanaw ang anino **** lumalakad palayo

Ang dulo ng iyong daan ay sa kanya patungo
Sa simula pa lang ay sya na ang iyong dulo
Ang tayo ay sandaling hintuan lamang
Kung saan nagpalitan ng masasayang tawanan

Ang katotohanang hindi natin tinakasan,
Walang dapat palayain dahil kahit kailan hindi ka naging akin
At ngayon ito na ang ating realidad
Hanggang dito na lang at hindi na pwedeng dugtungan.
Louise Dec 12
(𝘢𝘧𝘵𝘦𝘳 𝘈𝘣𝘯𝘦𝘳 𝘋𝘰𝘳𝘮𝘪𝘦𝘯𝘥𝘰)

Kung sasabihin kong nahulog ang loob ko sa iyo, baka mas lumayo ka pa mula sa kinatatayuan ko. Patawad, pero nahulog ang loob ko sa iyo.

Kung aanurin man ako nang maraming-maraming beses, at kung totoo ngang may pwersa ang dagat Pasipiko, tatangayin ka na nito bukas palapit sa akin.

Mahal kita pero ilang kanta na ba ang napakinggan **** nagsabi noon, kaya ganito na lang: Kanina, naalala kita, kaya dinagdagan ko ng keso ang aking tsokolate.

Babalik ako ng Siargao na banayad ang dagat, walang alon. Inisip ko na baka ninakaw mo rin ang kuryente ng anod at sinilid sa maleta mo noong lumisan ka ng Enero.

Kung maglalakad akong duguan ang paa at pasa-pasa ang kamay patungo sa iyo, gagabayan ako ng alon ng iyong puso at dagitab ng iyong mga mata. Hayaan mo akong malunod kapag sa wakas ay nagtagpo muli tayo.
after Abner Dormiendo's "Sa Antipolo Maraming Nakatayông Resort"
tosh Apr 2020
Gusto kong malunod sa mga halik mo
ngunit ang alak ang sumalo
sa labi ko.

— The End —