Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
050916

Minulat tayong may sukli ng kasaysayan,
Saksi sa matinding gisahan ng rekado sa Tahanan.
Pangako'y iniukit ng mga Anak na payak
Nagbabasagan ng plato, nagtitilamsikang tubig,
Pagbili ng lakas ng loob
at talas ng dila sa Pulitikang Tindahan;
Luha't dangal, pawang huling hain
Ng Ama't Ina ng Lipunan.

Nakakangalay makisabay sa uso
Kung nawalay pati ang yupi-yuping puso.
Hindi tayo nagpaampon sa Lipunang mapanukso,
Yakap ang Langit, uhaw lamang sa pagbabago!

Sumisigaw ang damdaming nilusaw ang galit,
Ang pait ng kahapong sinabuyan ng panlalait.
Minsan, sobra ang demokrasya kaya't may kapalit.
Kaya't minsa'y susulong bagkus panay ang subalit.

Hindi natin kayang palayasin ang Ama't Ina,
Kung ngayon pa lang, may mga multong rebelde na.
Hindi natin kayang itaboy ang kamay ng Hari ng mga Isla,
Pagkat tayo'y ibinigkis, iba't iba man ang pananampalataya.
At higit pa sa pulso ng Bayan ang nagluklok sa kanila.
Mainam na ngang masaktan sa una,
Kung saan dunong at talino'y maituon sa pagpapakumbaba.
Masakit sa loob kapag tinatama ka,
At bawat palo't kusang pagdidisiplina.

Kung hindi susundin silang Ama't Ina,
Kung hindi magpapasakop sa babaguhing sistema,
Kung hindi huhubarin ang estadong may ibang klima,
Hinding-hindi bubuhos ang pagpapala.

Umaasa tayo pagkat di natin kayang mag-isa,
Sandigan nati'y hindi na Pulitikang Balisa,
Sana'y pag-iisip ay mabago ng Amang may grasya,
At tayo'y maging bahagi ng paghilom ng bansa.
cleann98 Mar 2019
Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.

Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.

Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.

Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...

Totoo nga, pabara-bara lang.

Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.

O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.

Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.

Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.

Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.

Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.

Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.

Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.

Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?

Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.

Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.

Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.

Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan  na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.

Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.

Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.

Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Sa pag-aaral natin ng panitikan ay mababatid natin ang mga Pilipinong pumanday ng ating matatayog at mararangal na simulain na naging puhunan sa pagbuo ng isang lipunan.
      Sa pamamagitan ng iba't ibang uri ng panitikan, mapalalawak at magagawang mahusay ng isang **** ang pagtuturo ng aaignaturang Filipino.
      Maaaring maiakma ang iba't ibang istratehiya upang mahikayat nang lubos ang interested ng mga mag-aaral at hawing kawili-wili ang oras nila lalo na sa pagbabasa sa pamamagitan ng paggamit ng tula, kwento, sanaysay, talambuhay, awit, bugtong, salawikain, sawikain, balagtasan at iba pa.
      Mahalagang maituturing ang panitikan sa edukasyon sa maraming paraan tulad ng mga teleseryeng napapanood sa telebisyon na kadalasang pinanonood ng mga kabataan na siyang kapupulutan ng maraming aral at magandang halimbawa sa buhay ng tao.
      Ang panitikan ay laging kasama sa kurikulum ng bawat paaralan bagamat ang bawat rehiyon ay mayaman sa tradisyon at kultura. Ang mga pasalindilang panitikan ay napapangkat sa mga sumusunod na uri ayon sa anyo ng pagkakatulad ng mga ito: kuwentong bayan, kasabihan, bugtong, salawikain, sawikain, sabi-sabi, palaisipan at balagtasan. Naglalarawan ito sa kanilang katutubong katalinuhan, kaalaman, karanasan, pananampalataya at iba pa.
      Patuloy ang pamumunga ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng mga makabagong manunulat na may paninindigan at pagpapahalaga sa ugat, kasaysayan, kultura at lipunan. Mayabong itong nabubuhay sa patabang kaalaman at kamalayan, patubig ng limbagan at midya at paaraw sa modernisasyon at globalisasyon.
      Ito ang isa sa likas na tumutulong sa tagumpay ng isang banda at bawat bansa sa buong mundo. Kayamanang hindi mawawala.
Pilipinas, Pilipinas kong Mahal
ni Norfhel V. Ramirez

Pilipinas, Pilipinas kong mahal...
Baki hindi kana umuusad bayan kong mahal...
Kahirapan ang daing ng karamihan...
Bayan ko kaya ay makaahon pa...

Bayang walang pagmamahal sa sariling pinaggalingan...
puro daing ang binibitiwan...
Walang ginagawa kundi paunlarin ang mga sarili kapakanan...
pero paano ang ating bayan...

Politikang sing sangsang pa ng malansang isda
Korupsiyon ang gawi ng iba...
Oh Para magpabango laman tuwing araw nang election
Tanging pakitang gilas, mga buwaya ng lipunan

Bayan koy inaankin na nang mga dayuhan...
Animoy alipin sa sarili nating bayan...
Mga banyaga lumulustay ng ating likas yaman...
para lang yumaman ang iilan...

Bakit nagkagayon aking tanong sa sarili
Rizal, nasaan na ang pinaglaban?
Animoy nalimot na ng karamihan...
Animoy binura nabura naba sa kasaysayan...

Mga sakripisyo nang ating mga bayani
Nag buwis ng buhay para sa ating bayan...
Nasayang lang ba ang buhay nilang naging tapat sa ating bayan...

Sana ating pagnilay nilayan...
Pilipinas, Pilipinas kong mahal
Ngayoy nasaan na...
Naghihingalo sa kamay ng bayan...

Bayang nakalimot na...
Bayang nagsilisan na...
Bayang sarili lang ang inuna...
Bayang tinalikdan na ang perlas ng sinilangan silangan...
(CC BY-NC-ND 4.0)
anj Aug 2017
Pag-asa, tayo daw ang pag-asa
Kabataan ang pag-asa ng bayan sabi nila
Pag-asa, pag-asa sa pagbabago
Pero nasaan ang pag-asa,
Kung mismo tayo'y nababalisa
Nababalisa sa paikot-ikot na problema.
Droga,patayan,droga,patayan droga
Paikot-ikot nalang nakakapagod na.
Laman ng balita'y paulit-ulit nalang
At ang mga buhay, mga inosenteng buhay
Ay nasasayang, paulit-ulit nalang.
Pag-asa, nasaan na ang pag-asa
Kung mismo ang ugali natin ay nagbago na.
Ang respeto sa lahat ay nababalewala,
Ang pagpapahalaga sa damdamin ng iba' nawawala na.
Pag-asa, nasaan ang pag-asa kung
Ang ating lipunan ay nagdudusa na?
Nasaan ang pangako ng pagbabago,
Eto ba ay nawala, naglaho o napako?
Mistulang lasing ang mga tao
Nagbubulagbulagan sa sinasabing pagbabago.
Pero nasaan ang pagbabago kung mismo tayo'y di natututo?
Na parang alak ang ating lipunan,
Sa una'y walang epekto, walang pakiramdam
Pero habang tumatagal ika'y mababaliw,
Matutuwa, malulungkot, samu't-saring emosyon.
Pero habang tumatagal ikaw ay mapapaisip
Kung para saan nga ba ito.
Itong paglaklak ng napapakong pangako.
Nasaan na angand nasabing pag-asa at pangako,
Kung tayo ay uhaw sa alak na walang pagbabago?
First of all this poem is related to my country, the Philippines. Just a way of voicing out my opinion. Somehow, us teenagers need to take a stand and be heard.
raquezha May 2018
In tagalog…
Nagmahal ka na ng ilang katawan?


Sa lipunang ating ginagalawan 
naranasan mo na bang matitigan 
na para kang hinuhubaran? 
Naranasan mo na bang maging barya? 
Na gagamitin kang panukli 
sa mga kasalanan nila. 
Masarap pa bang mabuhay sa labas, 
kung ang tingin sayo ay 
labasan ng sarap ng loob. 


Nagmahal ka na ba ng ilang katawan?
na ang tingin mo lang sa kanya 
ay panandaliang pulutan.
 na kapag nabulatlat mo na't lahat 
 ay pssst waiter isa pa ngang ganyan, 
 ung malaman para
 kumukulo kong kalamnan. 
 ung makinis, 
 masarap titigan, 
 ung masarap hawakan,
nagsuot lang ng maikli 
ay pinasok mo na agad 
sa makitid **** utak, 
napakabilis ng kamay mo, 
sing bilis ng kabayo. 


Nagmahal ka na bang ilang katawan? 
dahil lang sa ika'y tigang 
dahil lang sa hindi mo mapigilang maglibang. 
Naputokan ka na ba? 
ng mga sumasabog na alispusta? 
dahil lang sa nagsuot ka ng maganda, 
pokpok ka na? 
Lumaki ako na ang tingin sa ari ng babae 
ay parang laro sa perya, 
iyong may itatapon kang matalim 
para ang lobo'y pasabogin
kung ilan ang naputok **** lobo 
ay yun din ang estado mo, 
syempre mas marami 
mas malaki ang premyo. 


Tinuruan ako ng lipunan 
na tratohin silang parang salamin, 
alagaan at mahalin, 
pero pag sawa ka na't nauumay ay babasagin,
na kapag ginawa mo ito 
ay isa ka ng ganap na lalake. 
Na para mapitas mo ang mansanas ni eba 
ay dapat magbalat kayo ka. 
ahas ika nga, 
magbabalat ang katawan 
para sa iba naman. 
para makarami naman. 
Na kapag napaikot mo na't 
sumangayon na sayo 
ay dahan dahan **** ipasok 
ang pagkalalake mo.
Ito ay para humingi ng tawag I 
sa mga babaeng nagawan ko ng masama. 
Sa lipunang ating kinatatayoan, 
sa lipunang ating unti unting binubuo 
para sa darating pang henerasyon 
Magmamahal ka pa ba ilang katawan?
Hanggang ngayon 
maski ang ating lipunan 
ay hindi alam depinisyonwas one 
ng pagiging lalake. 
Pero siguro panahon na 
para tanongin natin ang ating sarili
Kung tama pa ba ang ginagawa natin? 
ito ba ang gusto nating gayahin ng mga susunod sa atin?
JOJO C PINCA Nov 2017
“It's being here now that's important. There's no past and there's no future. Time is a very misleading thing. All there is ever, is the now. We can gain experience from the past, but we can't relive it; and we can hope for the future, but we don't know if there is one.”

― George Harrison

Ang kamusmusan daw ang pundasyon kung gusto mo’ng magkaroon ng matibay na kinabukasan. Dahil ang isipan daw ng isang paslit ay tulad sa Tabula Rasa (blank slate) na magandang sulatan ‘pagkat tiyak ang kalinisan. Nasa labi ng isang musmos ang katotohanan at nakikita nang kanyang mga mata ang malinaw na mga kaganapan at naririnig n’ya ang bawat katagang binibigkas dalisay man ito o masama nang walang halong alinlangan.

Subalit may mga paslit na hindi na makikita ang kanilang kinabukasan dahil maagang nawawala ang kanilang buhay. May mga paslit na sa muarang edad ay marami ng lamat ‘pagkat dangal nila’y hinapak ng mga hinayupak. Mga inosenteng paslit na dahil sa maling pagkonsenti nang mga hangal na magulang ay naging mga pasaway at salot sa lipunan. Naging sinungaling ang kanilang mga murang labi kaya’t natutong magtahi ng mga k’wentong mali. Naging mapurol at mabalasik na tulad sa isang asong ulol.

Nagsisiksikan sila sa mga madidilim na eskinita habang sumisinghot ng solvent at lumalaklak ng syrup. Nagumon sa bisyo at kalaswahan, binaon sila ng sistema. Naging mga dilingkwenti at walang kwenta. Nasayang na buhay, nasayang na panahon. Ang iba ay bigla na lang tumutumba kapag tinamaan ng bala o di kaya ay nahagip ng saksak sa tagiliran. Mga makabagong desaparecidos na bigla na lang naglalaho sa dilim ng gabi.

Hindi ko na mabilang ang mga eksena sa telibisyon na tulad nito: binatilyo nawawala, dinukot daw nang mga di-kilalang lalake makalipas ang ilang araw natagpuan na patay. Binaril, tinadtad ng saksak. Riot sa kanto mga kabataan nagsagupaan. Nagpaluan, nagsaksakan at may nagpaputok pa ng baril – patay bumulagta na lang bigla. Sabi ni Rizal ang kabataan ang pag-asa ng bayan; hindi mali ka Pepe, ang kabataan ay hindi pagasa ng bayan kundi sila na ang panlaban sa mga sagupaan. May mga pick-up girls na nahuli sa kalye, ilan taon daw ito? Disisyete anyos lang, putang-ina naman hija kabata-bata mo pa bakit naging pakantot kana? Grabe! May gatas ka pa sa labi puro kantutan na ang alam mo bwesit kang bata ka.

Mga kabataan na pag-asa sana ng inang bayan bakit kayo nagkaganyan? Hindi n’yo ba naiisip ang iyong magiging kinabukasan? Bakit kayo nagpapatangay sa mga tuksuhan at mga walang kwentang huntahan? Meron pa kayong mapupuntahan, ang kabiguan ay hindi isang hangganan. Umahon kayo sa pagkakalugmok habang meron pang paraan. H’wag n’yo sanang sayangin ang inyong buhay.
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
Nakasisilaw* sa Kapitolyo
Sa sentro ng siyudad
Tatak ng probinsyang pabo.

Sari't sari ang trayanggulong baligtad
Nasa ere silang kumukumpas
At tila ba may spotlight sa norte paroon
"City of the Living God,"
Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.

Minsan ding naging "City in the Forest,"
Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines"
Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin
Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.

Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO
Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin
Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat
Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.

Bulag sila't barado ang isip
Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente
Walang kamalay-malay ang iilan
Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.

Hahalayin ang tigang na lupa
Bubungkalin raw ang kinabukasan
Bagkus ang pawis ay sa atin
Tayo'y alila ng karatig-bansa
Dayuhan sa sariling bayan.

Titirik sila sa espasyo
Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla
Inosente nga sa Salvage Zone
Paano pa kaya pag naimplementa na?

Likido ang bawat anino sa semento
Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon
Hindi makapuswit ang mga sasakyan
Maging ang simpleng harurot
Ng munting bisekleta ni Juan.

Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis
Taas-noong suot ang uniporme
At iilang traffic enforcer
Na wala sa linyang puti.

Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada
Kung hindi man,
Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena
Kukuha ng larawan, akala mo eksperto
Hindi naman pala
Ayos, selfie pala ang gusto
Dekorasyon ang mga artistang Netibo.

Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato
Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo
Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo
Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.

Highlight nga ang Street Dancing
Aba't ang layo ng kanilang lakarin
At sa bawat kanto'y sasabay
Sa saliw ng Remix na musikang inihain.

Nalugmok ang puso ko
Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot
Ito'y nagsisilbing maskara na lamang
Nakasanayan, naging tradisyon
Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.

Nakaririmarim ang iilang nasa trono
Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro
Bulong ng Supplier doble pala ang presyo
Aba't sige nga, saan nila ibubulsa?
Kung ang kanila'y umaapaw pa.

Bagamat ang lahat ay nasa bilog
Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon
Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal
Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.

Sa probinsyang kinalalagyan
Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan
Bawat isa'y responsable't may pananagutan
Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.

Walang masama sa pagiging alarma
Maging aktibo ka, kabataan
Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan
Abutin mo yaong pangarap at manindigan
Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y
Gawin ang tanging tama
Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.

(6/29/14 @xirlleelang)
Tatlong bituing* patungo sa *Norte
Sa Silangan at Kanluran
Ang dugong hindi bughaw
Kalayaa'y sagisag.

Nagdadalamhati ang Perlas
Pagkat ito'y tanyag
Sa sari't saring anumalya
Pawang sa pulitika't
Maging sa simpleng eskinita.

Tuwid na daan ang sabi ng Hari
Itong kaibigan ko nga
Pumaskil pa sa Facebook
"Tuwid na daan patungo sa kamalian."

Maulop ang daan patungo sa katuwiran
May limitasyon sa bawat miyembro ng lipunan
Kasapi rin tayo sa eskandalong may hithit
Uhaw nga sa salapi, sirang plaka naman.

Kinalakhan ko ang dungis ng bayan
Nasanay na lang bagkus tuloy lang ang pangarap
Sabi nila'y tatsulok ang patakaran
Ang mayayama'y tataas
Mahihirap ay *
lulusong sa putikan

Mayroong tama sa bawat nasaksihan
Ngunit hindi ko maitatangging
Ako'y kasapi ng masalimuot na kasaysayan
Ngunit kung tanging mali
Ang pupukaw sa paningin
Aba't wala akong mararating.

Mahirap na nga
Makitid pa ang isip
Mayaman na nga
Hindi pa nasusuka sa kurapsyon.

Batu-bato raw sa langit
Bagkus ang tamaa'y sa lupa rin ang bagsak
Tayo na't sumulong
Pagkat ang giyera'y walang urungan.

Walang nararapat na panigan
Pagkat ang tama'y
Hindi na dapat pinag-iisipan
Kung ang prinsipyo nati'y
Lalang para sa kaluwalhatian
Nasisiguro ko, ito'y may magandang patutunguhan.
Wala akong maisip. Wala lang. Sulong Pilipinas
solEmn oaSis Jun 2017
Tatlong Bituin at Isang Araw
Isang Bandila, Apat na Kulay
Dilaw Pula't Bughaw, Puting Dalisay
muling nagugunita sa aking balintataw!
Nasaan ka na nga ba?
tanong namin minsan ni kuya
habang sa amin si Bunso
iniaabot ang papel na piraso.
Nakatupi iyon at aking binuklat
nang masilayan ko...katotohana'y sumiwalat.
Damdamin ko'y halos gustong sumambulat
sumandaling napapikit, sa aking pagmulat
agad ko siyang hinagka't niyakap
tumulo ang luha, sarili'y hinagilap
hanggang matanto sa aking hinagap
Bunso kong Anak... Ina'y INAAPUHAP
Ang kanyang mga mata'y nangungusap
huwag malungkot! ibig kong ipakiusap
unti-unti ring matutupad mga pangarap
waring singsing...hinugis ng alapaap

Kahit walang ulan, posibleng magkabahag-hari
Hangga't may pag-asa, lumbay mapapawi
balang-araw mommy ninyo siguradong babawi
makakapiling din na parang buhawi
kasi di tayo gaya dati
dapat Apat tulad nitong  Talumpati
Kaso ang nailapat ay Labis
pagkat panulat ko di Lapis
Limang salita sa Bawat Taludturan
sa mga saknong sana'y matutunan

Kulang man kayo sa Pagmamahal
tayo'y Family Three na Literal
ako man ay naging Hangal
Mga Anak Kayo'y Aking Dangal
MAHAL KO KAYO! inyong tandaan
pagkat ako'y Haligi ng Tahanan
magmula pa sa inyong kamusmosan
hanggang Mahalin ang INANG BAYAN !!!

Philippines Independence Day June 12, 1898 - 2017
Ang Pamilya ang matibay na Pundasyon ng Lipunan.
Lipunan na may Pagkakaisa upang bumuo ng Malayang Gobyerno
Gobyernong magpa-HANGGANG NGAYON hangad at Ipinagbubunyi ang Araw ng Kasarinlan!
Na siya rin namang Araw ng Kalayaan!
" i Love You Daddy " that was what is written on a piece of paper my daughter Mimi gave to me!!!
and i am so touch!

Some people believe that the families generally like a beautiful box full of things they want: love, joy, companionship and other beautiful things;
But other times the word " family "
-can compare more likely into an empty box!!!
we must first put something inside it before we could get anything unto it.
Being a single Parent i realized that if we want love and joy...
we must raise affection, service and encouragement within to fulfill whatever emptiness ! and the release of more than we put in the box can make it  vacant!
Jose Remillan Dec 2013
Kahanay niya ang tambak
Ng basura ng lansangan
At sanlaksang mga matang
Naguudyok upang ihanay

Niya ang kanyang sarili sa
Naaagnas na pag-asa ng lipunan.
Siya ay puta. Sa dambana ng
Mga banal, kasabay niyang

Umuusal ng dasal ang mga
Paham ng pamantasa't
Pamantayan ng pagiging tao.
Siya ay tao sa paningin ng mga

Hayop. Siya ay hayop sa paningin
Ng mga tao. Siya ay puta. Ano mang
Anyo't samyo ang paulit-ulit niyang
Ipalit at ipilit sa nakapinid na

Pangunawa't awa ng mga nagsasabing
Sila ay hindi mga puta, ang katotohanan
Nga ay katotohanan. Siya ay sumasaatin.
Nasa simbahan. Nasa Pamahalaan.

Nasa paaralan. Nasa pamilihan.
Nasa ng laman. Siya nga ay sumasaatin,
Sumasalamin sa kalipunan ng mga
Kabulukan ng ating lipunan.

Mga puta.
"All that is solid melts into air; all that is holy is profaned..."---KARL MARX

University of the Philippines--Diliman
Quezon City, Philippines

December 10, 2013
Eugene Aug 2016
Nagpakapagod ka dahil gusto **** kumita.
Nagpaka-alipin ka upang makaahon ka.
Nagtiis ka sa ibang bansa para sa iyong pamilya.
Nilisan ang bayan dahil trabaho'y pinagkaitan ka.

Ano ngayon kung wala kang pinag-aralan?
Masusukat ba ang tagumpay sa antas ng edukasyon?
Kailangan bang magkatulad ang bawat propesyon,
O tanggapin ang isang marami na ang kontribusyon?

Dumarami na ang populasyon ng ating bansa.
Kakaunti naman ang ating kuwalipikadong manggagawa.
Marami ang tambay sa bahay at walang ginagawa.
Nakapagtapos nga, hindi naman matanggap sa ibang kompanya.

Kaya, ang iba'y nanatili sa bukirin at doo'y nagsasaka.
Hindi matanggap na walang trabahong karapat-dapat sa kanila.
Kahit dalawang taong kursong bokasyonal ang natapos nila,
Naghihintay pa rin sa wala hanggang sa pag-asa'y maglaho na.

Anong uri ba ng trabaho ang katanggap-tanggap sa lipunan?
Ang nakakaangat lang ba ang p'wedeng bigyan ng posisyon?
Paano naman ang walang pinag-aralan, pero pasado sa kuwalipikasyon?
Papansinin ba sila ng gobyerno at bibigyan ng solusyon?

Sa bagong gobyerno, pagbibigay ng trabaho'y bigyan sana ng pansin,
Sa mga manggagawang hanggang ngayo'y walang trabaho pa rin,
Maging ang mga nakapagtapos at magtatapos pa mandin,
Huwag nating hintaying lahat sila ay lumayas sa lupang sinilangan natin.
Ysabelle Aug 2015
Minsan gusto **** makalaya;
Malaya sa mapanghusgang lipunan,
Malaya sa mundong masyadong
Magulo at maingay para sa isip ****
Litong-lito kung ano ba talaga ang dapat.
Ano ba ang mali? Ano ba ang tama?

Minsan gusto **** mag-isa;
Malayo sa ideolohiyang malabo,
Malayo sa punyetang gulo ng
Lugar na masalimuot.
Doon sa eskinitang masikip na halos
Nagtipon ang dumi at kalawang
Na hindi na pinapansin.

Kasi madumi. Kasi makalawang. Kasi walang silbi. Kasi hinusgahan.

Gusto **** makaalis.
Gusto **** pumiglas
Sa mga kadenang ginagapos
Ang nagdurugo at sugatan ****
Katawan na ang tanging nais lang ay makalaya.

Gusto **** tumakbo.
Gusto **** tumakas,
Kahit sinasabi nila na hindi iyon ang sagot; at hindi iyon ang dapat.
Bakit? Bakit kailangang laging sundin?
Bakit kailangang laging paalipin?

Ang sikip sa dibdib lalo na't
Alam **** wala kang kayang gawin.
Lalo na't alam **** palaman ka lang
Sa sistemang paikot-ikot ng walang tigil.
Hilong-hilo ka na sa mga kagaguhang
Nais nilang iguhit sa iyong kapalaran.
Hindi mo na masikmura ang pait at
Walang saysay na pagiintay sa pinangako nilang katahimikan; kapayapaan ng iyong isipan.

Itinatanong mo, bakit di ko harapin?
Bakit laging pagtakas ang gusto kong suungin?
Hindi ko din alam gaya nang hindi mo pagintindi sa akin.
Pagod na pagod na akong mag-isip.
Alam ko naman, palagi akong mali. Palagi akong masama. Palagi akong walang silbi.

Kasi nahusgahan.. Dahil sa isang mali.
Dahil sa isang baluktot na desisyon,
Hindi mo na naalalang, tao rin ako.
May puso. May pakiramdam. Nasasaktan.

Gusto kong lumayo. Gusto kong umalis. Gusto kong lumaya. Patuloy na lumaya.
Sobrang pasakit dahil alam ko na sobra akong pabigat.

Sana bumalik nalang ako sa pagiging tuldok.
Para kahit anong pangungusap na masakit ang maririnig ko, matatapos ito. At hindi na kailanman babalik. Tuldok. Babalik ako sa pagiging tuldok dahil magulo.
It's still more surreal when you write in your first language haha the feelings is there
Miru Mcfritz Jan 2019
isang mukhang naka kubli
itinatago ang totoong imahe
isang pagkukunwari kailanman
hindi maitatago ang katotohanan
sa maskara kasinungalingan


minsan masaya
minsan may pagsisisihan ka
minsan masasaktan
pero sa bandang huli
may matututunan ka

ito yung buhay na naranasan
ko sa likod ng maskara
na itinago ko sa paraan hindi ako
tinakasan ang buhay
na totoong nararanasan ko

gumawa ng sariling mundo
na hinango sa imahinasyon
paano pa ba makakatakas
sa aking buhay na binilanggo
ng pag papanggap na hindi ako

minahal nila na akala ay ako to
hinangaan nila akala totoo
marami naniwala na ang nasa
harap nila ay nabuhay
bilang malinis na tao

napag tanto ko na parehas
lamang ang tao napaniwala ko
at ako mismo ay nalinlang
lang din sa kainggitan ko
galing sa taong perpekto
na kinuhanan ko ng pagkatao.

na kahit ako mismo
ay nangarap na sana maging ganon man lang din ako
kahangaan ng iba at tanggapin bilang patas na tao sa mundo

minahal mo lang ba ako dahil
sa itsura ko?
nagustuhan dahil sinabi kong
mayaman at may kotse ako?
tinanggap kasi akala mo
nakahanap ka ng prince charming mo?

pasensya na nagising na rin
naman na ko sa katotohanan
kahit ako mismo ay napagod na
sa pagkukunwaring hindi
naman talaga ako.

kasi nangarap din ako na
tanggapin ako ng buo
di dahilsa istura nakaharap sayo
dahil gusto ko din ng may
taong mamahalin ako
kung sino at ano ba ako

ayoko na. pagod na ako.
dahil inaasahan ko rin naman
na kapag nalaman mo ang totoo
ay iiwan mo lang din naman ako

wala kahit sino mismo
ang makakaunawa sa taong
gumamit at napilitan
itago ang buhay sa isang maskara

dahil sa bandang huli
ako mismo parin naman
ang masasaktan dahil
umasa ako na matatanggap ang isang tulad ko sa lipunan
Jandel Uy Mar 2017
Ikaw na babaeng sumasayaw sa dilim,
   Ikaw na nakakapit sa patalim:

Di ba nasusugat ang porselanang palad
    Na kasing lambot ng puwit ng sanggol?

Sa matalim na kutsilyong kinakapitan
      Ano mang oras hahatulan ng lipunan?

At sa higpit ng piring mo sa mata,
     Pasasaan pa't mabubulag ka na

Ikaw na babaeng gumigiling-giling,
   Iba't ibang laway ang pinanghihilamos gabi-gabi

Ang sugatan **** puso'y walang gamot
    Ngunit ang kandungan mo'y sagot

Sa mga problema ng mga lalakeng–
      Naghahanap ng panandaliang saya.

Ikaw ba, babaeng hubad,
   Naranasan mo na ba ang lumigaya?

Kumusta na ba ang anak mo sa una **** nobyo?
     Balita ko'y di ka na niya kilala.

Hindi ba't may tatlo ka pa sa probinsiya
   Na pinagkakasiya ang padala **** barya?

Naalala mo ba ang bilin sa 'yo
     Ni Karla na siyang una **** bugaw?

"Huwag **** bigyan ng puwang sa utak mo
      Ang sasabihin ng Inay mo.

Sasampalin ka niya, di ng palad niya,
     Kun'di sakit na dama ng isang Ina.

At iyon ang pinakamasakit
    Sa lahat ng puwedeng sumakit."

Ilang ulit mo na bang tinanong ang sarili
   Kung saan ka nagkamali?

Kung ilang liko ang ginawa
     Para mapunta sa hawlang 'sing dilim ng kuweba

Na pinamamahayan ng mga paniking
     Takot sa liwanag na magpapakita ng mga galos

Na bunga ng mga gabing kinukurot ang sarili,
     Tinatanong, hinihiling na sana'y bangungot lamang

Ang buhay nila sa dilim,
    Pasasaan pa't nasanay na rin.

Ikaw na isang mabahong lihim
   Ng mga mister na may misis na bungangera

Ha'mo na't sa iyo naman sila panatag
     Sa mga suso **** malusog, pinili nilang humimbing.

Ikaw na pantasiya ng karamihan,
   Ano ba ang pakiramdam ng pinagsasalsalan

Ng mga nagbibinatang hindi pa tuli,
      Ng mga lalakeng di kaya ang presiyo mo,

O ng matandang libog na libog sa mabango **** kepyas
      Ngunit nanghihiram ng lakas at tigas sa ******?

Saan ka na ba nakapuwesto ngayon?
    Sa Malate, Morayta, Quiapo, o Aurora?

Ilan na ba ang napuntahan mo?
  Ilan pa ba ang bibiyayaan mo ng iyong alindog?

Sa Makati Ave, Pasay, o sa Parañaque?
      Ha'mo na't langit pa rin naman ang dala mo

Kahit na alam ninyo ng Diyos
    Na nakaukit na ang pangalan mo sa impyerno.

Ikaw na babaeng walang pangalan,
   Ano ba ang itatawag ko sa 'yo?

Ilan na ba ang nahiram mo sa tabloid
  O sa mga artistang iniidolo mo?

Kathryn, Julia, Nadine, Meg, Yen, Anne
    Yna, Katya, Ara, Cristine, Kristine, Maui

Daria, Pepsi, RC, Susan, Gloria, Lorna, Aida, Fe
    Vilma, Sharon, Nora, Maricel, Dina

Ikaw na babaeng 'sing nipis ng balat ng sibuyas ang saplot
   Di ka ba nilalamig sa pag-iisa mo?

Ikaw na babaeng marumi,
  Sadsad na sa lupa ang lipad, saan ka pupunta?

Wala ka nang kawala sa dilim,
     Pasasaan pa't malalagutan ka rin ng hininga
        at  magpapasalamat sa biyaya.

Ikaw na babaeng bukod tangi,
   Ginawa **** lahat pero hindi naging patas ang mundo.

Lunukin mo na lang ang mga hibla ng pagsisisi
    Ipagdadasal kong huwag nang magdilim sa hawla mo.
George Andres Jun 2016
Hindi matigas lahat ng bato
Hindi lalago ang halamang nakatago
Pero kung bubunutin din naman
Anong silbi ng pagkakakilanlan?

Itaas ang kamay kung ginawa mo ito:
Ituro sa kapatid na bakla ang tito mo,
Kung gayon, ito ay duwag at gago,
Tingnan bilang presong kulong sa kandado

At kung sapatos ni kuya, suot ng ate mo,
Walang alam ni isa, pero sa ina sinabi mo
Nasaksihan ang paglisan ng nagturong pumorma
Narinig ang galit ng ama, sigaw ay "imoral ka!"

Putang ina, lahat iyon ay narinig mo
Hindi na kaya ng sentido mo
Mali ito, mali ito ang pilit ng lipunan sayo
Iwaksi mo, iwaksi mo, at tatanggapin ka nito

Sa oras na lumabas ka, wala ka nang pangalan
At araw-araw sa buhay mo, tila umuulan
Ng husga, ng ismid, ng dura sa sahig
Tawag sainyo ng kasintahan ay bawal na pag-ibig


Tomboy, bakla, bayot, tibo
Araw na binigyan ka ng ngalan tila naglaho
Binato ng panghahamak na gusto mo nang lumisan
Kaysa tanggapin ang galit na pinagmulan ay di alam

'Mahalin mo ang 'yong kapwa'
Banggit at turo ng May Likha
Pero bakit may galit ata
Nagpahayag nito't nagsalita?

Hindi ba itinuturing na kapwa sila?
Na kasama **** lumaki, magdalaga?
Kalaro ng chinese garter baga,
Kahit alam **** lalaki naman talaga siya

Ang saya na dulot niya di mo naalala
Nang minsan sa kanto'y sutsutan siya
Sapatos lang daw at k'onting barya
Tiningnan ka niya, ikaw ay tumawa

Saan ba ang lugar sa mundo para sa kanya?
Mahirap bang sabihin, katagang, 'tanggap kita?'
Tingin mo ba'y karamdaman kanyang nadarama?
Oh bakit nakangiti ka? Nahawa ka ba?

Kaya ba't ka umiiwas nang nalaman mo na?
Bilang kaibigan, oo nabigla ka nga
Pero 'wag mo naman sanang isiping
Naisip niya minsang ika'y makasiping

Alisin na natin ang malawakang pag-iisip
Na pandirihan ang kakaiba, pero subukan **** sumilip,
Lalawak ang saradong takip
Sana isang araw ang hangin, magbago ang ihip

Maging magkasama, pantay-pantay sa ibabaw ng isang ulap
Nawa'y mga anak nati'y maranasan, ekwalidad sa hinaharap
Matapos na ang inis at galit
Pagmamahal ang pumalit
62816
Pluma Mar 2015
Kaya Mo Ba Akong Panagutan?



Nilason mo ako ng iyong mapanlinlang na balat-kayo.
Pinaniwala sa mga mapanuksong katagang pagbabago.
Hinayaan ko ang labi **** puno ng kasinungalingan,
Na dungisan ang aking minamahal na bayan.


Naging biktima ako sa kulungan **** puno ng promiso,
Isang harding pinamamahayan ng mga bulaklak galing sa impyerno.
Ako’y bingi’t takip-mata sa reyalidad ng iyong tunay na pagkatao.
Mistulang manikang salat sa kasarinlan; kumukubli, nagtatago.


Ginawa mo akong biktima ng iyong kasakiman!
Mga anak ko’y ginamit mo para sa iyong makasariling kaligayahan.

Isa kang malaking hipokrito sa sarili **** lipunan!
Labis na Kinasusuklaman, Higit na Kinamumuhian.
What if our country (Inang Bayan) could actually talk?
(1:30 AM/ Brownout)

Ang alab Mo’y minsang inalay sa’kin
Syang naging mitsa ng pagkandirit ng himagsikan.

Ako’y nakakapaso
Magbibigay-liwanag sa madilim na kinagisnan,
Sa apat na sulok ng silid-aralan,
Sa lipunang may mabigat na ginagampanan
Tangan ang alab na umalarma sa pagkatao.

Nilisan ko ang liwanag
Kung saan akala ko’y dapat na maging kasanayan.
Ako’y Iyong tinubos
Sa mapanghusgang lipunan
May tatak sa noo, syang bukambibig ng madla
Salamat, nang ako’y maging pag-aari Mo
Nang ako’y pagharian Mo.

Gamitin Mo ako,
Pagkat ang liwanag, ang katuturan
Kailanma’y hindi mapupunan ng anumang salita
Nang sinuman..
Kung ang alab ay hindi Ikaw ang sentro
At kung ang lakas ay hindi mula Sayo.

Sukat ang buhay ko
Bawat luha ko, akala ko’y walang silbi’t walang kwenta
Ngunit iniipon Mo pala ang bawat butil nito
Minsan pala’y nakapapaso rin ito
Isalin **** muli, buohin Mo’t ihulma ang pagkatao.

Sayang..
Kung ang ilaw ay nakakahon
Kung ang sisidlan ko’y hindi ko lilisanin
Kung ang sarili’y hindi kikitilin
Nang magkaroon ng pangalawang buhay.

May ilang gagambala
Mga insektong hindi alam kung saan nagmula
Mamumuhunan sila’t magiging igno sa liwanag
At kung di lalakas ang alab,
Ako pala’y matutupok.

At sa hanging iihip,
Kung wala ang mainit na mga kamay
Na siyang yayakap at hahagkan sa akin
Ako’y maagang mahihimlay,
Mawawalang saysay ang pagkatubos sa akin.

Ngunit ang alab na ito’y
Kitilin man: kusa man at sa walang dahilan
Maari pang mabuhay, sa ikalawang pagkakataon
Sisindihang muli,
Luluha sa hapdi’t kirot ng kahapon
Ngunit ang bukas ay may kasiguraduhan
Na ang tatahakin ay hindi na tulad nang ngayon.

Binibilang na ang oras
Bawat minuto’t segundo
Maaring mapagal at maagang tamlayin,
Kung saan saksi ang kadiliman sa liwanag na taglay.

Ngunit bago maupos,
Ako’y may aabutin
Bawat sulok ay dadampian ng buhay
At magmamarka sa bawat haligi
Na kahit sa dilim, mayroong palang pag-asa.

(5/13/14 @xirlleelang)
090316

Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?

Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.

Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.

Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?

Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.

May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.

Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.

Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.

(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
Bryant Arinos Aug 2018
Ako si Juan

Para kanino ba ang pangalang yan?
Para sa taong may pinag-aralan?
Para sa taong may pinaghirapan?
O para rin sa mga taong nahihirapan?

Mga tanong yan na umiikot sa mundong kinabibilangan ko.
Hindi ko piniling maging ganito pero ito na ata ang isinulat sa tadhana ko.
Ang maging di kanais-kais sa paningin
At mas lalong di maging kapansin-pansin.

Ako Si Juan

Pilipino rin ako pero bakit tingin niyo sa akin walang kwentang tao?
Pilipino rin ako at hindi ko ninais na maging ganito ang buhay ko.
Oo pilipino rin ako pero bakit parang ayaw niyo akong tanggapin bilang tao sa lipunang ito?

Dahil ba marumi ang damit ko?
Dahil ba nangangamoy araw ako?
Dahil ba wala akong napagaralan?
O dahil di na ako katangap-tangap?

Ako si Juan

Pakiusap wag niyo akong husgahan dahil sa ako'y mahirap
Di ko pinili ang takbo ng buhay na mayroon ako.
Di ko piniling maging pulubing palaboy-laboy
At higit sa lahat

Di ko piniling mawala ang lahat.

Ang pera, ang pagkain, ang tirahan, ang pamilya, ang inumin ang kaibigan.

At hindi ko pinili ang maging mahiral.

Pasensya ate, kuya, kung lagi ko kayong kinukulit para sa kaunting pansin.
Pasensya na ate at kuya kung kinakalabit ko ang mga damit ninyong mamahalin.
Pasensya na ate at kuya kung sa bawat pagdaan ninyo'y nababahuan kayo sa akin.

Pero maliban sa pera, palimos naman po ng panalangin.

Panalangin na sana'y hindi ako sumuko sa ibinigay saking pagsubok
Panalangin laban sa lahat ng bagay na nagdala sakin sa pagkalugmok
Panalangin na hindi ako paano sa daan kapag ako ay natutulog
At panalangin na sa paggising ko'y may lakas pa rin akong bumangon.

Pasensya kung gagamitin ko pa ang pangalang Juan na simbolo ng pagiging likas na Pilipinong may pinagaralan

Pero sana maisip niyo na di ko kailangan ng mga bagay na sa aki'y magpapayaman

Ang kailangan ko ay ang intindihin niyo ang aking kalagayan

Kung makikita niyo man akong naglalakad o nakaupo sa lansangan

Maaari bang sumigaw kayo o tawagin niyo ako sa pangalang Juan?

Dahil minsan rin sa buhay ko ay katulad niyo rin ako

Napaglaruan lang ng tadhana at nawala lahat ng meron ako.

Pulubi ako, mabaho, konti ang nalalaman, walang panligo, pangkain, perang pambili ng gamot pangotra sa sakit na dala ng paligid.

Pero ito ang tandaan ninyo,

Huling mensahe ni lumang Juan para sa mga makabagong Juan

Ako si Juan

Pagnakita ninyo ako wag niyo akong pandirian
Subukan niyong kilalanin ako maliban sa aking pangalan

Wag niyo akong husgahan na ipambibili ng droga ang naipon kong barya

Wag niyo akong husgahan na nagtatrabaho ako sa isang sindikatong galawan.

At sana'y ako'y inyong alalahanin at wag niyo sana akong kalimutan

Na minsan sa buhay ko na nakapagpakilala ako na "Ako Si Juan ang dating Pilipino na ngayo'y tinatakwil na ng lipunan."
Jose Remillan Jun 2015
Nasumpungan kitang nakabilad
Sa liwanag ng araw, isang imaheng
Nakalantad, huwad na anyo ng
Ritwal ng pagpupugay. Sa iyong

Anino'y nakasilong ang mga lantay
Na tayutay ng hungkag na lipunan.
Nariyan ang puta, pulubi, butas na lata,
Gago't ganid na pulitiko, librong limot,

Bendor ng droga, banal na aso...
Lahat sila ay mga ”sila" na minsan ****
Pinagtangkaang silaba't silain sa sulo ng
Mapagpalayang kamalayan.

Kamatayan.

Nasumpungan kitang nakabilad sa
Nakakabagabag na liwanag. Isang buhay
Na moog ng kalayaa't kasarinlan,
Kanlungan ng mga supremo ng rebolusyon

Ng paglikha't pagsilang sa kakanyahang
Iginapos sa lumang mundong lalang ng
Iyong panahon. Kami na mga gamo-gamo
Ng lumang simoy ay patuloy na isisiwalat

Yaong hindi masumpungan sa lambong
Ng liwanag na pinaningas ng iyong dugo.

Nawa'y matagpuan ka nila.
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Yesterday is gone. Tomorrow has not yet come. We have only today. Let us begin.”
― Mother Teresa

May mga panahon sa buhay ko na nasayang, may mga darating pa siguro pero baka hindi ko na maabutan, tanging ang ngayon ang tangan ko sa aking palad. Sisiguraduhin ko na hindi ito masasayang. Gagamitin ko at pagyayamanin ang ngayon ko sapagkat ito lang ang oras na hawak ko. Magsusulat ako ng mga salitang matulain kahit hindi nila ito tanggapin. Kahit ako lang ang tunay na aangkin sa aking simulain. Kahit malalim ang dagat na aking lulusungin kapos man ang bait ito’y aking gagamitin at titimbulanin.

Walang yumayaman sa pagsusulat ng tula at ang buhay ng isang makata sa panukat ng lipunan ay laging salat. Pero wala na akong magagawa napasubo na ako, matagal ko na itong nilimot at tinalikuran subalit para itong isang sumpang anino na laging nakasunod ayaw akong tantanan. Mabuti pa ang nag-uulat sa radyo at telebisyon dahil may nakikinig pero sa sumusulat ng tula bihira lang ang lumilingap. Putang-Ina bakit ba kasi ito pa ang nakahiligan ko?

Siguro dahil dito ako sumasaya, kasi nagagawa kong bigyang tinig ang tahimik kong isipan. Bakit kasi hindi na lang ako naging payak sa lahat ng bagay lalo na sa gawaing pag-iisip? Bakit kasi masyado akong mapagmasid, mausisa at malikhain sa pagsasalarawan ng mga bagay-bagay? Bakit ayaw magpahinga ng aking diwa?

Hindi naman ako magaling sa tugmaan at sa pagkatha ng mga kinakailangang sukat kaya kinalimutan ko na ito. Pero may ulol na bumulong sa akin “ok lang yan may free verse naman e kung hindi mo kaya ipahayag sa tugmaan gamitin mo ang malayang taludturan”. Kaya ito nanaginip na naman ako ng gising at tinatawag ang sarili ko na isang “makabagong makata”. Putang Ina makatang walang pera at laging nangungutang. Buti man lang sana kung makukuha ko kahit ang kalahati ng tagumpay nina Walt Whitman, Amado V. Hernandez, Jose Corazon De Jesus at Francisco Balagtas o kahit na si Emilio Mar Antonio na lang – e tiyak na hindi naman.    

Kanina pa tumatakatak ang tiklado ng aking computer, ayaw ko nang magsulat pero may demonyo na tumutulak sa akin para gawin ito. Ayaw akong patahimikan ng putang-ina. Kaya’t heto ako at nagpupursige parin. Ang makabagong makata ay hindi na muling tatalikod sa tawag ng tulaan. Kahit walang pera magpapatuloy ako kasi dito ako masaya, masaya pero malungkot din. Ewan, madalas hindi ko maintindihan. Hindi ko na muling sasayangin ang natitirang oras ko.
JOJO C PINCA Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
cj Feb 2020
ang sining na mapagbunyag
sa katotohanan ng lipunan,
sa mga kirot ng damdamin,
sa bawat sugat at dalamhati

ay sining na makakapagpapalaya
sining na makakapagmulat
at sining na makakabuhay!
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Katryna Mar 2018
Walang salitang “sayang”

Hindi tayo sayang,
Dahil may mga panahon na tayo lang ang nakakaintindi sa isat-isa.
Hindi alintana ang alingawngaw na dala ng lipunan,
Mga bibig na hindi magkamayan sa pagtutol.

Hindi sayang ang mga panahong sabay nating tinahak ang mundo
imbes pakanan ang ikot ay mas pinili natin ang pakaliwa.

Hindi natin nasayang ang mga oras ng katahimikan,
dahil sabay natin itong sinalin sa musika at sabay nating sinayaw ang tugtog ng ating mga puso.

Sabay nating niyakap ang kahinaan ng bawat isa,
nagsilbi tayong lakas na kayang pumawi ng panghihinang hatid ng mga mapangahas na hamon.

Walang lakad na nasayang,
dahil sabay nating hinakbang ang ating mga paa patungo sa di malamang dito, doon, d’yan at kung saan man.

Walang takot na naramdaman dahil sabay nating sinilip ang kung anong merong hatid ang kabilang daigdig.

Walang sayang,
Kahit sabay nating kinumpas ang ating mga kamay upang magpaalam.

Walang sayang.

Dahil sa mga oras na iyon alam natin,
ang kabilang mundo ay pansamantala lamang.

Alam natin na ang mundo ay iikot muli sa atin,
at sa pangalawang pagkakataon.

Magtatagpo tayong muli,

Hanggang sa susunod nating pagkikita.

Paalam. ­­­­
2 months from now, your getting married. With this, Our time will no longer be timeless. - Kimi No Nawa
Marge Redelicia Dec 2014
Dugong kumukulo
Luhang tumutulo
Katawang nabalot sa pagod
Isipang nasakop ng lito
Pero
Ang ating mga puso ay patuloy
Na lumulusong
Sumusulong
Sa gitna ng nagbabagang apoy.

Pinapatatag ng pag-ibig
Pinapatakbo ng dangal.

Wagas at lubusan
Ang ating alay
Para sa ating tungkulin at pangalan
Para sa layuning pagbabago sa lipunan
Para sa masa
Para sa isa’t-isa.

Maraming salamat,
Sanghaya.
042522

Sasapit na naman ang pinakahihintay na araw,
At hindi ito mananatiling sagrado magpakailanman.
Lahat ay mabibigyan ng patas na paghuhusga
At mismong lipunan ang syang magpapasya.

Naririnig ko na ang sigawan sa bawat dako ng gintong kompas
Kung saan ang kanilang hiyawa'y pagkakawatak-watak.
Iba't ibang ideolohiya sa demokratikong bansa
Kailan nga ba matatamasa ang tunay na pagkakaisa?

Sa bawat kulay na sinasabi nilang ito raw ang bukas
Ay ito rin ang gumuguhit sa kasaysayang tayo na't makibaka.
Kaya nga nating kulayan ang ating pagdikta
Ngunit sa ganitong paraan nga lang ba tayo kakalma?

Sa tuwing may mauupo sa trono na kataas-taasan,
Paano nga ba ang ating pagtindig
Para sa sinasabing mahal na bayan?

Pilipinas nga ba ang ating pinipili?
O kung saan lamang tayo kampante
Habang nananatiling namamaypay
At abala sa kabi-kabilang pag-uusig.

Iniisip nating tayo'y tunay ngang nasa laylayan na,
Ngunit ito nga ba ang kapeng gumigising
Sa dugo nating makabayan?
At sapat ba ang ating paghiyaw
Na walang hinihinging basbas mula sa Itaas?
Mga bibig natin, paminsan nga'y
Puno lamang ng mga palatastas.

Sapat ba na tayo-tayo na lamang
Ang naghihilaan pababa't paitaas?
Pagkat mismong pananampalataya'y
Nadudungisan ng walang katapusang pagkawatak-watak.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan --
Ikaw ang bansang hinirang ng Pagkataas-taasan.
Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas --
Sana'y mapaninidigan kita't
Hanggang sa huli'y maipaglaban
Pagkat maging aking hininga'y
Pansamantalata't pahiram lamang.

At hindi ito lotto o binggo,
Hindi tayo nagtataya nang kung sinu-sino.
Ngunit kung sinuman
Ang maging huling sigaw ng bawat Pilipino
Sana tayo pa ri'y magkaisa
Para sa dangal na nais nating isulong.

Ating pagkatandaan na kahit noon pa ma'y
May iisang hindi tayo tinalikuran,
Iisang Pangalan na may hawak ng bawat kapalaran
Higit pa sa bawat kulay na ating tinatayaan --
At Hesus ang Kanyang Ngalan!
Bangon Pilipinas!
G A Lopez Mar 2020
Nakakatakot na ang mamuhay sa mundo ngayon.
Ang nasa isipan ay baka kinabukasan,
Hindi na makakabangon, walang kasiguraduhan.
Laganap na ang mga nakakamatay na sakit,
Mga sakit na walang lunas
At kaunti lang ang nakakaligtas.

Mayroon pa ring sakit sa lipunan
Na hanggang ngayo'y hindi pa rin naaagapan.
Ang hindi pagkakapantay-pantay, Kahirapan at kamang mangan.
Dulot nito'y pagbagsak ng ating Inang Bayan.


Lahat ay isinisisi sa gobyerno
Kanilang buhay na sila mismo ang nagplano.
Bakit ka gagawa ng isang bagay na sa huli ay iyong pagsisisihan?
Hindi dahilan ang kahirapan
Upang gumawa ng kasamaan.


Dahil sa salot na sakit,
Maraming nagtatanong kung "bakit"
Panay ang pag-aalala
Hindi na mapakali sa kanilang mga lungga.
Utos ng pamahalaan ay binabalewala.


Tahimik ang kalsada
Walang sasakyang pumaparada
Ang mga pamilihan ipinasara.
Ang mga tao'y nagsisiwelga
Dahil daw ito'y pang aabuso at hindi pagpapahalaga.


Halos wala nang makitang tao sa mga bahay-sambahan
Ani nila'y ayaw mahawaan.
Naniniwala pa rin ako sa kasabihang,
Kung ayaw, may dahilan
Kung gusto'y, maraming pwedeng paraan.


Tanong kaibigan,
Bakit mo iiwan ang pagsamba?
Bakit ka mangangamba?
Ang Panginoong Diyos ang pinakamakapangyarihan
Siya ang sagot sa lahat ng ating kabalisahan.
Ang buong tiwala'y ibigay sa Panginoong Diyos na siya dapat nating pagkatiwalaan.
dannyjoe May 2019
Kayod para sa kakarampot na barya.
Sirbisyong kalabaw ngunit binipisyo ko’y wala.
Ang hanap buhay ko’y ikinabubuhay ko pa kaya,
O para sa mga taong minamaledukado ang tulad kong dukha.

Katamaran ay katumbas ng kahirapan bintang ng konyong bulaan.
Hindi tamad ang tulad kong madalas niloloko at napagkakaitan.
Ang kawalan ko ng oportunidad ang syang tunay na dahilan.
Maledukadong tulad ko’y walang luwalhati sa lipunan.

Pagmasdan ang bayan tila nagpapasakop-sakupan.
Sa lawak ng dagat tila walang mapangisdaan,
Sa lawak ng lupa tila walang matirhan.
Ang tulad kong maledukado’y saan ma’y tila walang karapatan.

Ang kahirapan nawa’y sa tulad ko ay wag isisi.
Ang buhay sa aking paghahanap buhay ay nais din mapanatili.
Sa kasaganahan ay nais ko din makibahagi,
Ngunit ako’y maledukado at sa lipunan ako’y basurang masasabi.
Abby Elbambo Jul 2016
Ang unang pahina:

Para sa kauna-unahang nilalang na mabubuo sa aking sinapupunan
Sinasabi ko na sayo ngayon pa lang na ika’y aking papangalanang “tao”
Dahil alam kong dadating ang panahon na iyong susubukang alamin ang kahulugan ng itinatawag sa iyo
At nais ko na sa iyong paghahanap ay iyong maungkat ang balde-baldeng mga salitang nakalimutan na ng ating lipunan
Sabay nating tutuklasin kung sino ka nga ba sa isang mundong mapangdikta
Na sa bawat pagsabi ng “Magpakalalaki ka nga!”
Alam mo na upang maging isa ay kailangan **** maging tao muna
At sa unang araw na ika’y magpapaiyak ng sinuman sa ngalan ng “pagiging lalaki”,
Ay sisimulan ko ang pag-uukit ng mga linya sa iyong mga palad
Upang sa tuwing padadapuin ang kamay sa sinuman sa ngalan ng karahasan ay una kang masasaktan

Anak,
Gusto kong malaman mo na kahit di ko pa alam kung ano ang iyong paboritong kulay
Alam ko na ang nasa kaibuturan mo
Dahil tulad ko, ika’y isa rin lamang nilalang

Pupunuin ko ang kwarto mo ng libu-libong salamin
Dahil alam kong darating ang panahon na bubulungan ka ng kung anu-anong mga korporasyon na nagsasabing ika’y kulang pa
Kinukutsya ang bawat aspeto ng katawan **** di sakto sa kanilang imahe sayo
At nais ko na sa iyong pagising at pag-uwi ay di matatakasan ang tignan ang sarili sa salamin
Umaasang maaalala ang ipinangalan sa iyo ng nanay **** nakatayo rito ngayon

Tao,
Isang araw ay itatapon kita sa mundo
Hindi iiwan pero hahayaang mamili para sa sarili
Tandaan ang pangalan mo at unawain na hindi lahat ng likha ng tao ay tama

Balikan mo ako sa iyong unang galos.
This is a piece I wrote for my Theology class that tackled the distorted view of men in alcohol advertisments. It's also in Filipino--which is my native language.
Jose Remillan Sep 2013
Bi-yu-ti-ti-e-ar-ef-el-way, Butterfly.

Dites sa jundo kong superhate ng mga relihiyoso
dahil nakarehistro daw sa jimpiyerno,
akis na-sight and realized
ang bundara ng pagiging paru-paro.

Lahat ites natanto ng lola mo
nang akis ma-inlab kay Superman
at siyempre kay *****-man.
Mga moralista kuno, silencio muna.

Ang mga verbals ng lola mo
na nagpapajalakpak sa inyo
ay laging jinjatulan
ng unfair nating lipunan.

Ang majujulay kong pekpak
na rumarampa para sa mga jutoko
ay ang aliw na nagpapabongga
sa mga chapters n'yong aura.

Bi-yu-ti-ti-e-ar-ef-el-way, Butterfly...
An experimental poetry on Filipino gay language, this poem was first published in the literary folio of University of Makati in 2005. Note the swift and dynamic shift of gay lingo words compared to the present so-called "vocabularies of gay people," throwing back eight years ago. This poem won the hearts of young gays in our University, enough to elect me to the governing presidium of the student government for two consecutive terms. More power to gay communities!

Makati City, Philippines
2005
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
M G Hsieh Jun 2016
wala naman makapagsasabi, kung kelan matutupad ang tunay na pangarap
    nalalaman mo pa ba kung ano ang binubulong ng puso?
    hinde pa ba ito natatabunan
    ng alaala ng kahapong pinagmulan?

    nais kong umangat mula sa putik na aking minana:
    ambisyon ang umuudyok
    pagkatotoohanin ng kasiyahan, ang bawat layaw ng laman
    na tulak ng mundo
    pabilis nang pabilis ang ikot
    habulin man
    unahan man
    kelangan pagbayarin

    bawat hubog sa atin ng tinaguriang
    collective consciousness
    nang kung sino man matalinong tumawag dyan,
    dyan! mapangahas na pangngalang marangal!

    sino ba ako pag humiwalay ako sa collective consciousness na yan?
    anong napala ko dyan, itinulak ako
    (di kayat, nagpatuak ako?)
    patungo sa isang kanto nyan
    dahil kelangan kong sundin
    ang moralidad
    ang paniniwalang
    gawa-gawa rin lang
    ng aking kapwa

    hinde ko tinatakbuhan
    ang aking
    social responsibility
    na syang dinikta na lipunan
    na dapat akong kumayod at tuparin
    ang oblgasyon ko sa kanya

    no.

    ang tinutukoy ko
    ay ang binubulong
    ng bawat saloobin

    natabunan na ito
    ng sigaw ng damdamin

    sinong makakapagsabi
    kung kelan matutupad ang pangarap?

    ito ba'y aking hahabulin
    pipilitin
    paglalabanan
    sa hilaw na panahon?
    (tulad ng sigaw ng damdamin
    na tumilapon sa akin?)

    ang bulong ng saloobin
    hinuhukay ko pa
    ito'y nasa ilang
    lantang lanta na ako
    binging bingi
    ngunit naririnig ko pa
    sinasakop nya ako
    umaasang bubuhayin ko muli.
Jenny Guevarra Mar 2018
apat na sundalo
sandata’y tambol at gitara
kakampi ang musika
sabay-sabay na nilalabanan
ang lason ng lipunan
sabay-sabay na dinadaig
ang kataksilan ng pag-ibig
sabay-sabay na pinatatahimik
ang sigaw ng mga multong
galing sa gubat ng poot at galit


/ J G /
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
L S O Oct 2017
Ang salita ng hari ay apoy
na nagpapainit sa pugon
ng kawalang-katarungan,
nagpapakulo sa bituka
ng balikong lipunan

kung saan ang kampeon
ng disiplina
ay nagiging kampon
ng pagmamalabis,
at ang pagtakbo ng hustisya
ay nauungusan na
ng pagtakbo ng mga nasisiil.

At sa gitna ng kaguluhan,
sa gitna ng katahimikan
ng karamihan,
mas lumalakas ang loob
ng masasamang-loob,
at lalong lumalago
ang masasamang damo.

Sindilim na ng gabi
ang tanghaling tapat,
sa panganib na ngayo'y
wala nang pinipiling oras

at ang buhay na iyong
pinagkaingat-ingatan,
baka bukas sa kalsada'y
isang mantsang pula na lamang.

— The End —