Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
2.1k · Aug 2020
Henyo
reyftamayo Aug 2020
At sumibol ang mga mapagbunying isipan
sa makapal na balat ng lupa.
ang pinagtatakhan ko lang ay bakit
tila tinatangay tayo ng malakas na
daluyong ng karunungan patungo sa dagat
ng kalituhan?
ito ba'y matatawag na kamangmangan
sa sarili o sakit na nagdudulot ng
panghihinang tumayo sa paa,
na taas ang noo, at may pagkukusa?
ano nga kaya ang nagtatago sa likod
nitong makulay na isipan?

nanatili ang karamihan na pikit-mata
sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa
habang ang iilan ay abala sa
paghubog ng mga bagong panaginip
na syang lililok o lilipol sa
buong sanlibutan.
hindi man sinasadya, o inaasahan,
nagsilbing mantsa sa puso't puson
ang mga panaginip na ito.
kahit na sa mga pagkakataong
sarado tayo.
walang malay nating sinasagap
ang mga pakalat-kalat na talino
na para bang pagkain kung ito'y
manukso sa nagugutom na kalamnan.
kahit pa ito'y ikamatay,
mapagbigyan lamang
ang uhaw na nararamdaman.
hanggang sa tuluyan na itong
umalipin sa sinumang magtangka
na kumawala.

o sumpa ng galit na apoy
ng nagbabagang impyerno?
tayo lang ang inaasahang sumaksi,
maging alin mang panig
ay tama o mali.
malaya tayong mag-isip
at mawalan ng saysay na parang
alikabok sa higanteng pusod
ng mabangis na lipunan.
o kaya naman, palihim na sumibol
sa gitna ng disyerto
kahit na nag-iisa.
1.7k · Aug 2020
Dapithapon Sa Mata ng Isipan
reyftamayo Aug 2020
Pabulusok na ang ginintuang hari
sa dulong kanluran.
rumuronda na ang mga paniki,
nakadapo na ang mga ibon.
tumitili ang mga kuliglig
kasabay ng walang patid na
sagutan ng mga palaka.
ang mga butiki naman ay
humahalik na sa lupa.
malamig na hangin
ang madaramang sumisipol sa pandinig
at pumupukol ng mumunting alikabok
upang ipaalam
ang malambing nitong dampi.
maya-maya lang ay sisibol na
ang nagkikintabang kurap
ng mga mumunting kulisap
sa kalangitan
upang ito'y ilawan hanggang umaga.
1.2k · Jul 2020
Sabado Night
reyftamayo Jul 2020
Nagsasayaw
Ang ilaw sa tabi ko
Sa gilid sa harap paikot
Naghalo sa kisameng kasama
Ang antok-hilo kong ulirat
Bingi na ako sa tunog
Ng patagilid-pakalat na musika
Habang pinapaypayan ako
Ng higanteng bentilador
Naisip ko
Mas mainam siguro
Nasa bahay lang ako
1.1k · Jul 2020
Beloved Guitar
reyftamayo Jul 2020
Everytime I hear the melodies
I feel like hearing my infantile
cries in harmony,
piercing my eardrums with a
filigree-tipped spear up to
the base of my floating brain.
It brings back that long ago
when I first started my perpetual
wedlock with it.
filled with dormant dossier
of nostalgia and tenacious enigma,
that has changed my life into oblivion.
all is gone but the echo of
ripples tingling in my mind.
like the swinging of strings,
I want to hold it again,
but this time, forever close to me.
This enchanted piece of wood,
formed in amorously curvaceous proportion,
was made as if to constantly
remind me of the beautiful
creature called woman.
ever changing, ever frustrating,
yet always generous to give
fair chances to those who persist to
seek the price of its elusive charm.
It never failed to make my
veins and arteries vibrate in ecstacy,
drawning my reason to delirium
only to be awakened
by the drops of my saliva.
858 · Aug 2020
Yugto
reyftamayo Aug 2020
ang dami **** gusto
lahat na lang pinapangarap.
sana nga ay sapat ang panahon
o 'di kaya'y sobra-sobra pa.
mataas abutin pinipilit pa rin
kung mababa naman, walang kagana-gana.
nasa'n kaya 'yong tamang-tama?
hindi na makuntento kahit kailan
laging nag-aasam ng bago
lalo na 'yong naiiba
para bang moda na papalit-palit.
hanggang saan kaya
ang lakas na makakaya?
upang itong mundo'y hubugin
sa gusto at ayaw ng iyong sarili?
masaklap kung minsan ang buhay na ito
kaya kailangan ang tibay ng loob.
umasa sa liwanag na dala ng pag-asa,
konting tiis lang,
umaga na naman.
845 · Aug 2020
Chronos
reyftamayo Aug 2020
Everlasting
sentinel of forever
keeper of time
lie with me
in the forest sometime
let the droplets
of memory
**** the nerves
of my consciousness
along with the many
summer songs and
midnight rains therein
everlasting
lover of infinity
timeless and prime
sigh with me
in a melodic mime
dampen my senses
denude my mind
free me from
the utopian paradise
of realistic sham
everlasting
master of moments
endless and divine
eternal
immortal
celestial
793 · Jul 2020
Baha
reyftamayo Jul 2020
naglalaro ang maliliit na alon
sa batuhan
kasabay ay paulit-ulit na pagtalbog
sa kalagitnaan
tinatangay ng mapagbirong hangin
hanggang sa ulap
lumilikha ng kislap at palakpak
naroon lang
ang unos
ang kinatatakutang delubyo
sigwa
pinagsamang ingay at katahimikan
magkatipan
bawat isa ay nagkakaisa
paikot
pabulusok
ang mababangis na luha
kanyang dinadala
kasunod ay payapang umaga
771 · Aug 2020
yOSI, aLAALA, aT iBA pA
reyftamayo Aug 2020
nandirito na naman ako,
nag-iisa.
madalas, tuwing tanghali,
ay nalulugmok sa isang paboritong
sulok kaharap ang mga bulaklak
at insekto habang kinukumutan
ng pinaghalu-halong amoy ng mga
naglipanang mukha sa aking harapan.
dito ko madalas hintayin ang mabagal
na oras dahil katatapos lang ng klase
at ayaw ko pang umuwi.
nagpapahinga,
nag-iisip ng kahit na anong maisip,
nakatanga,
nagmamatyag sa kahit na ano o sinong malapatan
ng paningin.
walang pakialam sa nagmamadaling
mundo ng mga gising.
nandito ako't abala
sa isang munting sandali
ng kapayapaan para hanapin
muli ang sarili ko.
teka... hindi pala ako
nag-iisa rito.
kasama ko itong sigarilyo.
619 · Aug 2020
Pulubi
reyftamayo Aug 2020
lamyos ng dampi ng ginaw
sa tuyong balat
ng nilikhang kanina pa ay
naghihingalong kumakampay
sa gilid ng dagat
sa gitna ng disyerto
sa loob nitong lunsod
na kayraming pangako
bigo
nilalasap ang pabagu-bagong
init-lamig ng malungkot
na ihip ng hangin-usok
may ibinubulong na mensahe
nagmula pa sa kung saang daigdig
pumapaimbulog sa kalawakan
parang naglalaro
tumatawag
nakikipag-away
nanunukso
naghahagilap ng kaunting pansin
na wari ba ay kasing kulay
ng bahaghari
kahit na walang inilimos na tubig-ulan
kahit na sadyang kaydilim
ng sanlibutan
583 · Jul 2020
Ligalig
reyftamayo Jul 2020
sisinghap-singhap ang dekada
ng mga makabagong bayani
inaalat na tulad
ng mga butil-kaliskis na balakubak
kasingpait ng mga nakakubling libag
sa talampakan nitong maglulupa
wala na ang simoy
ng amihan sa kanayunan
pinalitan ng umaangil
na ulap ng nagbabagang pulbura
parito, paroon
palitan ng mga tinggang
hugis karayom
walang patawad na babaon sa kalamnan
ngunit ang mga bayani
ay hindi malilimutan
malibing man
maagnas at maisama
sa lupa nitong ipinaglaban
569 · Aug 2020
Paglalakbay
reyftamayo Aug 2020
hinto!
galaw ka ng galaw
hinto!
sumakay ka na lang
wag ka nang malikot
lilibot pa tayo
hanggang doon sa laot
hinto!
hindi mo mapipigil ito
kahit sabihin mo pang
hinto!
reyftamayo Aug 2020
umiikot ka na naman
sa tabi ng parisukat
na tatlong taon mo ng ginagawa
araw-araw.
binabaybay ang makipot
na diwa sa malawak na kamalayan
hanggang tuluyan itong sumabog
at magkahiwa-hiwalay
upang muling mabuo.
maliit ang kurot
ng ibinatong kulangot,
sa halip na ito'y humarang
bumara lang at nakapuwing
sayang ay muntik pang matapakan
dulot ng taglay nitong kalakihan
sa kailaliman na abot pusod
pero balon ang katumbas.
kaya sige pa at ituloy
ang animo'y walang humpay
na paghahanap sa hindi mawala-wala.
nasa likod lang ng buwan.
kasing daling tingnan ng araw.
lalo na kung gabi't mapanglaw ka,
walang kasama.
462 · Aug 2020
Angil
reyftamayo Aug 2020
agos ng galit
bulusok ng dugo
hininga ay damdamin
karugtong ng puso
sumasabog
kaakbay ng ngitngit
na kumakawala
lumalantad kahit pigilin
hindi kayang limutin
dahil taglay nito ay
walang kaparis na
kati para isambulat
habol ang hininga
nakangiwi
nakatanga
nakanganga
389 · Jul 2020
Alas Sais
reyftamayo Jul 2020
pitik bulag na katahimikan
sa gitna ng kaguluhan.
maupo na muna.
magpahinga.
itikom ang nangangalay na paa
malapit na.
maglakad at ubusin
ang oras na mabagal pa rin,
hindi pwedeng matulog
walang magagawa kundi maghintay.
358 · Jul 2020
Green...
reyftamayo Jul 2020
ang kulay ng mga halaman
sa hardin ng paraiso
na kung saan ay nagkikiskisan
ang mga hubad na katawan ng tao
ito rin ang kulay ng mundong
nabuo sa malikot na isip ko
dahil pakiramdamdam ko
ay nag-iinit ako
sa tuwing madarama ang alindog mo.
ewan ko ba
siguro tama ka
berde ako.
332 · Aug 2020
Lagok
reyftamayo Aug 2020
isa pa, itagay mo pa
tatlong ikot na lang ubos na.
hindi malamig,
ubod ng lamig.
iisa lang pala ang tama.
ibigay ang pulutan
doon sa malakas kumain.
pagkatapos nito, isusuka rin.
330 · Aug 2020
Larawan...I
reyftamayo Aug 2020
ang nakasimangot na ngiti
ni Lisa ay ikinulong sa kahon
ng lumang gunita
masaya o lungkot
siya lamang ang may alam ng sagot
kapiling ng mga libong bituin
noong gabing 'yon
nagniningning.
bumubulong.
287 · Aug 2020
Pasakalye
reyftamayo Aug 2020
pula, dilaw, luntian at bughaw
mga matang bulag
sa isang dipang pangarap ninoman
tuluy-tuloy walang hinto
na hindi kumikilos habang gumagalaw.
hagurin dahan-dahan
ang makinis na pader gamit
ang pinabilis na kagaspangan
ng lipaking mga kamay.
ihakbang ang maruruming paa
sa lansangan sama-sama.
ipalo ang maso, pahintuin ang makina
isabay pa ang sigaw ng protesta
dahil tatagpasin
nilang magkaibigan ang mga masasama.
dudurugin, duduraan.
278 · Aug 2020
Larawan...II
reyftamayo Aug 2020
kasama ni Lisa si Jojo
sa loob din ng kahon
kapiling ang libong mukha roon
magkaakbay at yakap ang isa't-isa
walang problema
kundi ang mga panahon na iniwan nila
pero wala ng pag-asa
dahil tila unti-unti nang nasusunog
itong larawan nila
kasama ang bulok na bahay at alabok
kasama itong mga uling at usok
ngunit parang walang problema
nakangiti pa rin sila.
275 · Aug 2020
Talaan
reyftamayo Aug 2020
paano ko nga ba kinolekta
ang mga ala-ala?
sa piraso ng bato?
sa piraso ng kahoy o halaman?
siguro sa simoy ng hangin
at lasa ng pagkain?
hindi naman kaya
sa kalampag ng mga musika?
wala nga sigurong batayan
wala ring katapusan ang pagkolekta
ng mga ala-ala
nakagawian ko na itong gawin
noon pa
kaya kahit na ubos na
ang mga bato kahoy at halaman
kahit na said na ang bakas
sa simoy ng hangin
at lahat ng pagkain
manahimik man ang indayog ng musika
hangga't hindi pa nauubos
ang mga naipong lakas
na magdadala ng mga lipas na gunita
ng galit at takot
ng lungkot at tuwa
makababalik pa rin ako
saan man magpunta
272 · Aug 2020
Ilang Sandaling Paalam
reyftamayo Aug 2020
sa likod ng mga ngiti
nakakubli ang lungkot
butil ng mga ala-ala
mga limot na kabanata
kaybilis
kaybagal
paglisan nitong mahal.
243 · Aug 2020
Bangungot
reyftamayo Aug 2020
pa'no ako gagalaw
ni hindi halos makahinga?
Buong katawan ko'y balisa't
naninigas na.
kaninong anino
itong humahabol?
pakay sa akin
hindi malaman.
paulit-ulit iisang tagpo
walang pagkasawa.
kailan kaya hihinto,
didilat pa ba?
238 · Aug 2020
Tuldok
reyftamayo Aug 2020
isang tuldok sa ilalim ng bundok
ng mga gawaing nakakabagot
mga linyang subok sa diretsong tatsulok
matatag
mataas
maliksing umiinog
sa harap ng mga taong
nagtataka sa tuldok
205 · Aug 2020
Lapis
reyftamayo Aug 2020
gumigiling ang mga ngipin
sa katawan ng kahoy
upang ito ay patalasin
umiikot pailalim
hanggang sa sagarin
ang itim na buto
hihinto lang kapag upod na ito.
128 · Jul 2020
Para Kay Levi
reyftamayo Jul 2020
mula pa noon ganyan ka na
katatag humarap sa mga
tipak nitong naglalakihang bato
na pilit ipinupukol sa iyo
itinatago niyang kulay mo
ang kasaysayan ng mundo
bahagi mo ako at ako ay sa iyo
kahit na bakal pa ang iyong puso
pilit na hahanap ng butas
ang dumadaloy kong dugo
upang tayo ay pag-isahin
hanggang lumambot ang iyong damdamin

— The End —