Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Anak:
"Ika'y Tulang muli't muli'y binabasa ng madla,
Na 'di makalilimutan; na binabaon sa alaala
Tulang puno ng damdamin na ni nais ipabatid
At ang saknong ng pag-ibig Mo'y,
Siyang tutugma sa puso kong minsa'y naging sugatan."

Ama:
"Minsang ibinigay ko sa iyo ang pagkakataong
Unawain ang kahulugan ng kamusmusan.
Sa lupaing ugat ng iyong kaluluwa't
Siyang kanlungan ng mga pangako Ko't
Mga pangarap na laan sayo.
Bumangon ka, Anak
Ako ang Siyang sasagwan
Ako ang aabot sayo."

Anak:
"Sabay nating kinatha ang tula ng aking buhay;
Mga saknong at tugma na sarikulay,
Mga katagang baun-baon ko
Sa malayu-layong paglalakbay."

Ama:
"Pagal ka ma'y,
Nanahan pa rin sa puso ng bawat isa,
Di mo man tiyak ang katiyakan, natitiyak Ko
Na ang pag-ibig Ko'y, kailanma'y di ka iiwan.
Anak, hanggang sa huling tapon ng lupa
At huling tapon ng luha,
Hanggang sa huling liwanag
Ng itutulos **** kandila,
Hanggang sa huling pagpagpag mo
Ng sar't saring pangungulila,
Patuloy Kitang mamahalin,
Anuman ang mangyari."

Anak:
*
"Singbigat ng katotohanan
At ng pangarap na mala-kalawakan,
Ito ang huling handog ng makata **** anak:
Ang mabatid kong Ikaw ang buhay na eternal
At ako'y isang kathang Ikaw ang tinitingala --
Ikaw ang dinadakila.
Ama, ako'y malaya
Ikaw ang buhay, Ikaw ang agos
Ikaw ang tagumpay;
Gisingin Mo ang diwa
Ang bugso at alab ng damdaming hilaw
Ikaw ang masundan
Nang maihain nang patas
Ang pag-ibig **** umaapaw."

#041215 ‪
Convo namin ni Lord
astrid Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
AUGUST Nov 2018
NOBYEMBRE 20, 2018
hugis pusong inukit sa munting puno
nagbunga ng matamis itong pagsuyo
sa lilim ng mga sanga, saksi sa’ting pangako
na tayo lang dalawa ang magkasundo

ito ang ating tagpuan, na tayo lang ang may alam
kaya nakalagay ang pangalan,pagkat dito ay atin lang
ang payapang tahanan, ng ating pinagsamahan
sa dahong kanlungan, na puspos ng pagmamahalan

ang dibdib kong umaawit, habang pumipintig
halina’t maging mainit ang dating lamig
oh kay sarap palang kumapit, sa gitna ng ating bisig,
(sa ilalim ng) hugis pusong inukit, simbolo ng dakilang pagibig

may hangin na dumadampi wari’y halik sa’yong pisngi
sa punong mumunti, rosas kang kasing pula ng ‘yong labi
at meron pa bang tatatamis sa iyong mga ngiti
kung tunay ngang ang ‘yong ganda’y nakakabighani

sa punong may lilim, kasama kita aking sinta
wala na kung hinihiling, kaylangan ko’y andito na
sana dito nalang tayong dalawa’y mamalagi
sayo ilalaan ang bawat sandali, at pangakong mananatili
you can also follow me on facebook with the page name August' poems
Jose Remillan Sep 2013
Minsang ibinigay sa atin ang pagkakataong
Unawain ang kahulugan ng kamusmusan.
Sa lupaing ugat ng ating kakuluwa at
Kanlungan ng mga pangako at pangarap
Sabay nating kinatha ang tula ng ating buhay;
Mga saknong at tugma na sarikulay, mga katagang
Baon natin sa malayu-layong paglalakbay.

Pagal nga tayong nanahan sa puso ng bawat isa,
Di man tiyak ang katiyakan, natitiyak natin
Na ang pag-ibig, kailanman di tayo iiwan.

Mahal ko, hanggang sa huling tapon ng lupa
At huling tapon ng luha, hanggang sa huling
Liwanag ng itutulos **** kandila, hanggang
Sa huling pagpagpag mo ng pangungulila,
Patuloy kitang mamahalin, anuman ang mangyari,
Anuman ang mangyari.

Singbigat ng katotohanan at pangarap na kalawakan,
Ito ang huling handog ng makata **** kababata:
Ang mabatid kong ikaw ay mabuhay na eternal at
Malaya.
"Kakawat" is a Bicol word for "playmate." This poem tackles the images of childhood love, dreams, and promises.

July  18, 2013
Bacoor City, Philippines
Matagal - tagal na rin noong ako'y iyong iniwan
Ngunit hanggang ngayon ay umaasa pa ring mababalikan
Sino nga ba ang unang nakalimot?
Pagmamahalan ba nati'y napalitan na ng poot?

Tahanan kong nagsilbing kanlungan
Pagkahapo sayo'y naging pahingahan
Maraming salamat sa taong nagdaan
Lalaya ng muli sa gapos ng nakaraan
"I know now how heartbreaking it is. And I end up making a poem for him."
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Crissel Famorcan Dec 2017
Tournament.
Diyan unang nagtagpo ang ating mga landas,
Ilang taon pabalik noon, at medyo matagal na rin ang lumipas
Oo, aaminin ko agad kitang natipuhan
At nabighani ako sa taglay **** kagandahan
Kaya nga pinangarap kong ika'y maging akin
At umasa akong pareho tayo ng damdamin
Pero Mali pala ako ng akala
Mali ako ng hinala
Pagkat minsan,isang araw
Sa condo ng iyong kaibigan ako'y pinadalaw
At nagulat ako sa aking nadatnan
"Set-up" pala yun! Ba't di ko naramdaman?
Simula nun di na kita kinausap
Kaya nga tila natupad Ang munti Kong pangarap
Nang minsan mo akong yayaing magtanghalian
Na siyang naging simula ng ating pag-iibigan.
Pag-iibigang Perpekto at makulay,
Hinahanap ng marami—isang pag-ibig na tunay
Pero sa isang pagkakamali ay biglang nawala
Sa mundong ito'y naglaho na tila isang bula
Oo! Kasalanan ko ang lahat !
Dahil sa iyo mahal ay hindi ako naging tapat
Patawad.
Yan Ang tangi Kong nasambit noon sayo
At salamat sa Diyos dahil tinanggap mo pa ako
Kaya't pinilit Kong maayos Ang nasira nating relasyon
Dahil Ang lokohin ka ay di ko naman intensiyon
Mahal kita! Dalhin man ako sa ibang daymensiyon
Pero di ko inaasahan— bigla kang nagbago,
Mas naging mahigpit Ang iyong pakikitungo
Umabot tayo sa puntong tila ako'y nasasakal
—puso mo'y nagdududa sa aking pagmamahal
Pakiramdam ko,  ako'y nakakadena
Pagkat Bawal Ang lahat, para akong nasa selda
Isang preso ng pag - ibig, kamay mo Ang nagsilbing rehas
Lumipas Ang isang taon— ganoon pa rin Ang dinaranas
Ako'y nag -isip-isip at ninais magpahinga
Kaya't ako'y umalis sa kanlungan mo sinta!
Hinanap Ang sarili sa kalayaan Kong natamo
Ngunit kinalaunan, akin ding napagtanto
Hindi ko kayang mabuhay kung wala ka
Malungkot ang buhay at ayokong mag-isa
Lumipas Ang araw,babalikan ka na sana
Ngunit sadyang mapaglaro Ang tadhana
Pagkat sa aking muling pagbabalik, meron ka nang iba!
Nanlumo ako at mundo'y bumagsak
Puso ko'y nadurog at nahulog sa lusak!
Sa mata Kong may hinagpis, luha ay dumanak—
Mahal! Paano na Ang bawat nating balak?
Itatapon mo lang ba iyong sa gitna ng kawalan?
At hahayaan mo akong mawala sa dagat ng kalungkutan?
Alam Kong kasalanan ko na naman ito!
Pero di ba't kagagawan mo rin 'to?
Mahal bakit ako lang Ang nagdurusa?
Bakit tila ika'y walang pakialam at hanggang ngayon ay nagsasaya?
Ganito mo lang ba tatapusin Ang ating kuwento?
O baka isa lang itong bangungot sa pagtulog ko?
Mahal pakiusap, gisingin mo ako!
Sige! Magbibilang ako!
Isa,Dalawa,Tatlo!
Teka— kulang pa yata Ang  numero,
Magbibilang ako ulit para sa iyo
Isa,Dalawa,Tatlo!
Bakit wala ka pa rin?
At sa piling niya'y nariyan ka pa din?
Mahal Hindi na ba talaga natin 'to aayusin?
Itatapon nalang Ang lahat ng pinagsamahan natin?
Pero sige! Dahil mahal kita,
Pagbibigyan ko ang nais mo sinta!
Alam Kong sa puso mo'y may iba nang nagpapasaya
At may iba nang nagpapangiti sa maganda **** mata
Kaya sige! Hahayaan kita sa kanya
Alam kong sa kanya ka sasaya
Sa kanya ka liligaya.
Pero—mahal, iyo sanang tandaan
Oras na ika'y masaktan,
Nandito lang ako para sa iyo,
Kahit na Hindi ako yung pinili ng puso mo,
Ang bisig ko'y naghihintay na maging kanlungan mo.
022924

Magsisimula akong muli —
Dalhin mo ang aking pangamba’t
Waksian maging mga pag-aalinlangan.

Sa’yo ko ihahain ang lahat-lahat
Kaya hindi na ako magdududa pa
Kung sakaling mag-iba ang aking landas.

Patas ang Iyong paghusga
Kung sakaling ako ang nasa kadiliman.
At Ikaw rin mismo, ang magsisilbing Ilaw.

Ikaw ang aking Daan —
Ako’y akayin Mo hanggang dulo
At ‘wag na ‘wag na bibitawan.

Aking buhay, Iyong pagharian
At wala na akong ibang nanaisin pa
Kundi Ikaw ang aking Kanlungan.
JOJO C PINCA Dec 2017
Ang pagibig sa karunungan ay walang katapat na halaga. Ang pilosopiya at salapi ay langis at tubig kailanman hindi ito maaaring magsanib. Si Socrates na ama ng pilosopiya ay hindi yumaman ni guminhawa ang kanyang buhay. Ang karunungan ay bahagi ng kaluluwa at ang kaluluwa kahit kelan ay hindi nangailangan ng salapi at materyal na mga bagay. Walang pera sa pilosopiya sapagkat wala rin pilosopiya sa pera.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang pundasyon ng mga sibilisasyon. Ang kultura at ebolusyon ng lahat ng buhay at mga pangyayari at kasaysayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng pilosopiya. Ang karunungan ay parang gulong na laging sumusulong. Ang lahat ng sangay ng kaalaman ay nakasalalay sa pilosopiya, pilosopiya ang nagbibigay buhay at nagpapagalaw sa mundo. Ito ang bumabago sa takbo ng panahon at isipan ng bawat henerasyon.

“Philosophy bakes no bread” ang medisina, batas, arkitektura, literatura at lahat ng katha ng isip ay nakasalig sa pilosopiya. Walang kaayusan kung walang pilosopiya. Ito ang mapa ng mundo at kompas ng kasaysayan. Pati ang mga buktot na panukala at mga hangarin ay may bahid ng binaluktot na pilosopiya na binalangkas ng mga taong hangal. Ang pilosopiya ang lumilikha ng yaman at kahirapan depende kung paano ito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang kanlungan at kapahingahan; ito ang nagbibigay ng kalayaan. Tanggulan ito ng mga mahihina at walang kayang lumaban. Sulo na nagbibigay liwanag at pumupunit sa dilim ng gabi.
Jose Remillan Jun 2015
Nasumpungan kitang nakabilad
Sa liwanag ng araw, isang imaheng
Nakalantad, huwad na anyo ng
Ritwal ng pagpupugay. Sa iyong

Anino'y nakasilong ang mga lantay
Na tayutay ng hungkag na lipunan.
Nariyan ang puta, pulubi, butas na lata,
Gago't ganid na pulitiko, librong limot,

Bendor ng droga, banal na aso...
Lahat sila ay mga ”sila" na minsan ****
Pinagtangkaang silaba't silain sa sulo ng
Mapagpalayang kamalayan.

Kamatayan.

Nasumpungan kitang nakabilad sa
Nakakabagabag na liwanag. Isang buhay
Na moog ng kalayaa't kasarinlan,
Kanlungan ng mga supremo ng rebolusyon

Ng paglikha't pagsilang sa kakanyahang
Iginapos sa lumang mundong lalang ng
Iyong panahon. Kami na mga gamo-gamo
Ng lumang simoy ay patuloy na isisiwalat

Yaong hindi masumpungan sa lambong
Ng liwanag na pinaningas ng iyong dugo.

Nawa'y matagpuan ka nila.
Jose Remillan Sep 2013
Hayun ang duyan ng paulit-ulit na ikot ng mga salot
Pumapaimbulog sa tatsulok na moog;
Hinubog ng gilingang kasaysayan
Bayan ng kabalintunaan.

Matagal nang yumao ang ating mga anak
Nariyan parin ang mga tabak at alingawngaw ng Balintawak;
Kanlungan ng mga supremong baguntao
Sumisigaw ng pagbabago habang iwinawasiwas
Ang watawat ng mga ismo —komunismo, sosyalismo
Sa rebolusyon ng mga sikmura at makina.

Hayun ang duyan ng nagpapatuloy na kasaysayan
Patuloy na kumakanlong sa nakaraan;
Sa mga dayuhang minsang yumurak at nagwasak
Sa kultura at kakayahan.

Kalimutan natin ang pangakong paraiso
Ang tinatangkilik ng bawat tao,
Ang kasakiman ng lumang simoy
Halika, umahon tayo sa kumunoy

Mga minamahal ito ang kapiraso kong entablado:
Walang ibang daan kundi tayo
This poem was first published in the literary folio of the University of Makati, the BAHANDI, 2005
Eugene Nov 2015
Nilikha man akong walang mga mata,
Mayroon naman akong maibubuga.
Nariyan ang aking dalawang tainga,
Nakikinig sa bawat matatabil niyong dila.
May dila rin akong nakakapagsalita,
At bukambibig sa isipan ang inyong pag-aalipusta.

Ano ngayon kung wala akong mata?
Ano ngayon kung hindi ko kayo nakikita?
Ano ngayon kung paningin ko ay nawala?
Nabawasan ba ang pagmamahal ko sa Diyos na Dakila?
Naging suwail ba akong anak katulad ng iba?
O nagrebelde dahil sa wala akong kwenta?

Nawalan man ako ng ilaw sa aking katawan,
Madilim man ang landas na aking dinaraanan,
Masaya naman ako sa loob ng aming tahanan.
Sina Ama at Ina'y lagi akong ginagabayan.
Inaruga, minahal, at hindi pinabayaan.
Laging pinapaalalang, ako'y biyaya sa kanilang kanlungan.
solEmn oaSis Nov 2015
Sa tahanang walang hagdan
sa loob ang papag ay upuan
tahasang lantad at kinalulugdan
yaring higaan na minsa'y hapag-sulatan,,,,,

sa aking paggising
tila ba ako nalasing
nang mabasa ko sa napkin
katanungan mo sa akin

halika dito sa aking upuan
at sa iyong kapaguran
sasamahan kita sayong kanlungan
habang dito ka sa aking kandungan

bagamat di kalawakan
itong aking tasalitaan
napalalim mo naman itong aking kaibuturan
bilang kaibigan sa mas mabuting pagkakakilanlan

sa iyong pagkakaupo
ako nga ay napatango
replika ng iyong damdamin
nababanaag at sumasalamin

nagkaroon man ng eksistentesya
mga rima ko sayong independensya
at kung ano man ang naging esensiya
nawa'y wag ibasura,nalamang intelehensiya

nang sa iyo ay aking ipaarok
yaong nais **** matumbok
sagot  sa  "gaano nga ba kadalas ang minsan?
BIHIRA ang siya kong naging katugunan !
a homograph whether not good but not too bad to appreciate is worth the wait somehow!, if you only try to understand it deeply and literally.
Avisala! Halina sa TED ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kahawig nito ang Lireo sa Encantadia
Elemento ay hangin, sagisag ay bughaw
Lireo na kanlungan nina Danaya, Amihan, Pirena at Alena
TED na kanlungan nina Dela Cruz, Arriola, Penson at Araneta

Avisala! Halina sa Crim ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Katulad nito ang Hathoria sa Encantadia
Elemento ay apoy, sagisag ay pula
Hathoria na naghari dahil sa lakas at dami
Crim na naghari din kung pag-uusapan ay dami

Avisala! Halina sa Agri ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kapareho nito ang Sapiro sa Encantadia
Elemento ay lupa, sagisag ay dilaw
Sapiro na sagana sa yaman ng lupa
Agri na nakatutok sa pagpapayaman ng lupa

Avisala! Halina sa Vet.Med ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kamukha nito ang Adamya sa Encantadia
Elemento ay tubig, sagisag ay berde
Adamya na kapiranggot na alaga ng brilyante ng tubig
Vet.Med. na kakaunti na alagang hayop ang hilig

Avisala! Halina sa Computer ng CapSU-Dumarao o Encapsudia
Kawangis nito ang Etheria sa Encantadia
Elemento ay kuryente, sagisag ay lila
Etheria na nasa gitna at naglaho na
Computer na nasa gitna rin at wala na.

-05/19/2017
* a tribute to CapSU-Dumarao and Encantadia,
written this day of final airing of Encantadia 2016
My Poem No. 555
astrid Feb 2018
ang huling pagkikita ay hindi mo man lang napansin.
minsan kang nasilayan sa ilalim ng mga bituin.
ilang buwan naghangad na ika'y makapiling;
kailan ka kaya mapapasaakin?

ang nais ko lang naman ay magkakilanlan -
magkita, magka-usap, maging magkaibigan.
limutin mo na ang iyong nakaraan,
gawing ako ang iyong kanlungan.

sa bawat gabi na ika'y pinapakinggan,
pagsidhi ng damdamin ay 'di maungusan;
sakit at pagod ay maiibsan
kung hanggang sa pagtulog ay ikaw ang pinagmamasdan.

pagmamasdan ang mga matang hapo,
ang mga gitarang sira ang capo,
ang amoy ng kape mula sa hininga mo,
pati ang paghilik **** nasa tono.

ang iyong damit na babad sa pawis,
at ang iyong sapatos na kumikinang sa kinis;
kung sa umaga'y bubungad ang ngiti **** kay tamis
ay hindi ko kailanman gugustuhing umalis.

at sa lahat-lahat ng kaya kong ilista,
habang ang lapis sa papel ay nabubura na;
sisimulan ko sa pangalan **** may pitong letra
hanggang sa kung paano ka tumatawa.

isusunod ko ang mga singsing sa iyong daliri,
habang ang buhok mo'y hindi na mahawi.
sa bawat galaw **** aking tinatangi,
at ang ala-ala mo'y patuloy na mananatili

pagkarupok ng puso ay lalong sumisidhi.
kapag ika'y nakikita, kulang nalang ay tumili,
maraming nagtataka kung bakit ikaw ang napili,
ngunit mahal, alam kong hindi ako nagkamali.

ang pagmamahal kong lubus-lubusan,
tila apoy na sinilaban;
sa'yo inialay ang bawat laban,
ngunit umuuwi akong laging luhaan.

kung gaano ko man gawing mahaba ang tulang ito,
mayroong ibang nagsusulat para sa'yo.
kahit ipilit ko pang gandahan ito -
hindi ko matutumbasan ang gawa ng nanalo.

at kahit magbilang pa ako ng bawat patak ng ulan,
na maaari namang bilangin nalang kung ilang beses akong luhaan;
dahil sa katotohanang hindi ako ang lulan
ng puso **** kay sarap sanang gawing tahanan.

oo, alam ko. hindi ako nagkamali.
dahil patuloy akong magmamahal kahit sa iba pa ako maitali;
patuloy kitang sisintahin sa bawat gabi
na ika'y natatanaw mula sa aking mga hikbi.

aking sinta, ikaw ang aking mundo,
mabura man ng hangin itong monologo,
mabaliktad man ito ay hindi magbabago,
at kung mangyari'y sana'y ako na ang iyo.
Wretched Aug 2015
Kung distansya ang kailangan upang mapaglapit muli ang ating mga loob,
Hayaan mo kong lisanin tong mundo para lang mapagsama muli ang pagsusuyong napagiwanan ng tadhana.
Sa aking pagbabalik,
'Wag mo sanang malimutan na ako pa rin ang iyong kailangan
At ikaw lang ang aking kanlungan.
Patungo sa kaunlarang
Aking inaasam,
Hanggang lahat ay di pa huli,
Hindi ako magpapahanap
Ngunit
Ako sana'y iyong matagpuan muli.

(g.d.)
(c.p.)
Andrianne Oct 2017
Magandang gabi kamahalan
Dito sa aking kinatatayuan
sa baba ng labindalawang palapag ng hagdanan,
Ikaw ang pinaka paborito kong pagmasdan,
Saan man ang iyong pinagmulan,
ikaw man ay lulan ng barkong hindi pangkaraniwan,
hindi ko ikakaila na ikaw ang pinakamakinang sa lahat ng bituin sa kalangitan.

Ikaw ang eba at ako ang adan ng makabagong kapaligiran
Hayaan **** tuksuhin tayo ng berdeng kalikasan,
Akitin ng mga huni ng ibon tungo sa sarili nating kaharian.
Handa akong panagutan ang ating pag iibigan,
hahamakin ang lahat maibigay lang ang iyong inaasam
gagawin kong mundo ang dapat tao lang,
baliin natin ang daan
lumiko man tayo pakanan
marating lang ang kabundukan
patungo sa ating tutuluyan,
Ikaw ang magsisilbing kanlungan,
sa nakaraang minsang pinagdalamhatian.
Ikaw ang magsisilbing lagusan,
sa mga pintuang tinalikuran at pinaglaruan.
Ikaw ang magsisilbing unan sa gabi ng kabilugan ng buwan.
gagawin kong bintana ang iyong mga mata,
tatahakin ang dilim, hinagpis, pagkapiit,
itatakas kita..
itatakas kita sa mundong hindi lang ikaw ang bida,
sasagipin kita sa paglubog ng barkong papaalis na,
hahanapin kita,
sisirin ko man ang kumunoy,
languyin man ang lalim ng panaghoy..
hahanapin kita,...
hanggang sa tayong dalawa nalang ang matira,
sa mundong hindi ako mabubuhay kasama ka.
Collaboration with Mr. Kienno Rulloda
cherry blossom Sep 2017
at muli kitang nasilayan,
tumingin ng walang pakundangan
walang makitang pagsisisi sa mga sulyap ng nakaraan
pumikit at nagkunwaring hindi ako muling nawalan

at hindi, hindi ako nawalan ng kamay na makakapitan
hindi isang kanlungan na una **** inalok noon sa ulan
naaalala pa noong handang handa kitang awitan
nawiwili ka sa himig ng aking kalungkutan

isang awit na sa akin ang una **** kinuha kasabay ng iyong pag-alis
isang kulay sa espektrong makitid
kasabay ng pagdiin sa mga naghihilom na sugat
at ang pag-apak sa araw na pasikat sa guhit-tagpuan

sa lahat ng iyong tinangay sa paglisan
maraming bubog ang iyong nakaligtaan
mga patalim na ilang taon nang iniiwasan
binigyan ng rason para limutin ang pag-asang kinapitan
Para sa tilamsik na akala ko ay dagat
09/16/17
Krad Le Strange Aug 2017
Darating ba ang panahon
kung kailan hindi mo na ako itutulak palayo
na yayakapin mo ako ng mahigpit
at hindi na pakakawalan
sa mga bisig **** naging kanlungan
sa tuwing hindi ko na kaya ang bigat
na pinapataw ng mundo

Darating ba ang panahon
kung kailan hindi na ako mangungulila sa iyo,
na ikaw na ang nasa kinalalagyan ko
at ako naman ang hahanapin mo,
na ikaw naman ang siyang tatawid
ng distansyang namamagitan sa atin

Darating ba ang panahon
kung kailan ako na ang paksa
ng mga berso **** likha
na ako naman ang pag-aalayan mo ng katha

Darating ba ang panahon
kung kailan makukulayan na
ang mga pangakong salitang iginuhit
at inukit subalit parang naiiwanan lang ako
na paulit-ulit na umasa at magbuntong-hininga

Narito ako't nagtatanong
Darating ba ang panahon nating dalawa?
Narito ako't hihiling
na sana bukas tayo ay pwede na
baka nga bukas pwede na.
#tagalog #maybetomorrow
Agust D Jul 2021
kumusta, kaibigan?
halika't pakinggan
ang istoryang dapat **** malaman
sana ako'y iyong paniwalaan
dahil hindi ito kathang isip lamang

hindi ko alam kung kailan 'to nag-umpisa
ano, bakit, o paanong nangyari, limot ko na
bigla nalang nakaramdam ng lungkot at pagkabalisa
patagong pagtangis sa gabi'y aking iniinda

habang ako'y nakatulala sa tala
tinatanong ang mga bakit kay Bathala
may mga boses na nang-aabala
hindi makita-kita, sino kaya sila?

pagkagising sa umaga'y nariyan na naman sila
kasabay ng aking almusal ay ang prisensiya nila
ngunit meron akong naisip na ideya
sa wakas ay matatahimik na siya

sa paglubog ng araw sa kanyang kanlungan
kasunod nito ang paglaya ko sa bilangguan
ingay na naririnig, nawala na rin nang tuluyan
ngunit kasabay nito ang aking paglisan

kaibigan, sana'y iyong maunawaan
sa pagtatapos ng aking istorya
ako'y tunay na naging maligaya
ang aking buhay gumaan't guminhawa
kasabay nito ang pagtahimik nila

sa pagkupas ng aking larawan
kasabay ng pagpatak ng ulan
aagos ang lagaslas ng dalampasigan
at ako'y tutungo sa paraisong kalangitan

kaibigan, ako'y hindi lumisan sa mundo dahil ginusto ko
kundi para ito sa ikakatahimik ko
Mga Tulang sinulat sa Dilim
cherry blossom Feb 2018
ano ang pinakamaling ipilit sa kalawakan?
ang naisin ang paglaho
ang pagkasabik sa destinasyon
ang madaling paglisan
mga maling kamay na kanlungan
ilang beses na tayo nagbabakasakali
sa 'di mabilang na pagpapasubali
sa mga bahay na akala natin ay tahanan
sa mga taong ilang beses napaghandaan
sa mga baka sakaling hindi tayo iiwan
o ang tiwalang hindi tayo lilisan
mga ilang beses pa dapat umulit ang palabas?

may magbibigay ba ng kasiguraduhan?

dahil isa lang ang sigurado ngayon
ang walang pag-aalinglangang pagod
ang pagsuko
ang sunod-sunod na pagkalunod
ang ilang beses na pag-iyak sa walang katuturan
mga walang katuturan, dapat

pinilit nating manatili
bigyang sagot ang mga tanong sa nasirang haligi
tignan mo ang mga bituin
isa tayo sa kanila
o ang mga bulalakaw,
mga bato na pinagliyab ng damdamin
tignan natin ang ganda
mamaya na natin alamin ang kasinungalingan nila
mamaya na natin pag-isipan
na ang mga liwanag na ito'y nakaraan na
pagmasdan natin ang ganda
mamaya na natin pag-usapan
ang pagkawala matapos ang pagbagsak
'wag na nating itatak
sa mga munting isipan
ang nagbabadyang katapusan
dahil alam na natin ang kahihinatnan
sa maling paglusob sa gyera ng kalawakan
at ang pagsalungat sa mga propesiya na minarkahan

hintayin na lang natin ang katapusan.
ibato na lang natin sa kalawakan ang hinaing sa mundo
02/20/18
Paolo Guotana Jan 2016
.. Na sa tuwing tinitignan ko ang mga bituin ay naalala ko ang kislap sa iyong mga mata na minsa'y nag bigay liwang sa buhay ko.

Na sa tuwing umiihip ang hangin at nilalamig ang aking katawan ay nangungulila ako sa mga yakap mo na sa sarap at higpit ay minsa'y bumuo sa pagkatao ko.

Sa perpektong hugis ng buwan na nagpapaalala sakin sa perpektong hugis ng mga labi mo na minsa'y naging kanlungan ng sa akin.

Mga bagay, na dahil sa brown out ay muli kong naalala..
- BROWNOUT, guotana
Herena Rosas Aug 2021
Huminga

Huminga

Huminga

Marinong napadpad sa kawalan
Na ang layag sana'y tungo sa kalayaan
Ngunit napagod
Kaya inanod

Sumikad ng mabilis at baka ika'y masilo
Huwag kang papahuli dahil ika'y solo
Sa gitna ng kawalan ika'y sumulong
Sapagkat marino,walang tutulong

Sarili ay paalpasin sa pagtangis
Kumawala sa nangangambang wangis
Iwaksi ang lumbay
Sa indayog ay sumabay

Marino,huwag kalimutang ika'y buhay
Hagupit lamang ito ng pagsasanay
Maglayag at umalis sa kulungan
Pumaroon kang muli sa KANYANG kanlungan

Huminga ka at Magpahinga
Pumaroon kang muli sa KANYANG kanlungan
Jun Lit Apr 2019
Pook na may kalayuan
Di madali kung puntahan
Kubli’t payapang kanlungan,
Malayo sa kaguluhan.

Minsan kita’y papasyalan
Pag isip may katanungan
Doon ko matatagpuan
Puso mo ang kasagutan.
Translation:
There is a Hidden Place

There is a place quite far away
Not easy to reach, I should say
Hidden refuge, peaceful to stay
'Far from the madding crowds' they say

I'd visit you when stakes are high
When my mind's bugged with endless 'Why?'
There I would find, and can't deny
Your heart is where the answers lie.
Lilisanin ko ang sarili
Madatnan lamang ang espasyo
Kung saan tayo’y magtatagpo’t magtatapat —
Magtatapat ng ating mga pangakong
Kailanma’y hindi nanaising mapako.

Ang bawat hakbang
Ay magsisilbing aking pagpupunla
Hindi lamang ng aking wagas na pag-ibig
At dalisay na pananampalatang
Kakayanin natin ang mga susunod pang dekada,
Mga dekadang sabay na mamumuti
Ang ating mga buhok
At sabay na malalagas
Patungo kung saan man tayo nagmula.

Wala akong ibang nais na masilayan
Kundi ang mga mata **** sining sa aking paningin.
Ang ngiti **** sana’y manatiling
Matatamis na alaalang
Ikaw at ikaw pa rin ang aking pipiliin.

At sa mga oras na ang mga pahina na ng kalendaryo
Ang kusang magpatangay sa hangi’y
Nanaisin ko pa ring manatili
Sa mga akap **** pinili kong maging kanlungan
At ang magiging sigaw ng aking puso’t damdami’y
Papuri sa Unang Umibig sa atin
Bago pa man mag-krus ang ating mga landas.
G Dec 2020
Sa hindi inaasahang panahon,
Landas natin ay ipinagtagpo
Dating mo'y hindi mawari kung suplado ba o masyadong seryoso
Ngunit kahit ganoo'y ako'y nagpatuloy.

Sa hindi inaakalang pagkakataon,
Mga kwentong noo'y nagmumula sa pagtatype ng mga daliring mahilig sumulat
Ngayo'y nagsisimula na sa mga pagtawag at pagbigkas ng mga bibig na makata.

Sa hindi maintindihang sitwasyon,
Matagal-tagal na hindi napapaisip at napapasulat
Ngunit dahil sayo'y biglang nanumbalik
At heto ngayon, nagsisilbi kang inspirasyon.

Sa daldal **** taglay,
Makulit at maalagang pagkatao
Na nagsilbing kanlungan sa oras nang pagiging mapag-isa,
Salamat sa pagiging kung paano ka nagpakilala.

Dahil sa oras na magtugma ang mga nararamdaman,
Kahit hindi inaasahan,
Kahit hindi akalain,
Kahit hindi maintindihan,
Sayo, ako ay sigurado.
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang kandungan mo ang kanlungan ko,
Ito ang huling hantungan ng aking mga kalungkutan.
May kakaibang kapayapaan ang sumasaakin
Sa tuwing ikaw ay aking inaangkin.
Ikaw ang simboryo ng aking santuaryo,
Hindi ko kailangan ang rosaryo sapagkat ikaw
Lang ang nag-iisa kong misteryo dito sa aking Beaterio.
Kurtlopez Oct 2020
Gusto kong kumawala,
Umalis at magpunta sa lugar,
Kung saan walang sakit,
Lungkot na madarama walang pait, Pagkabigong matatamasa,
Nais kong humimbing sa kanlungan ng AMA,
Damhin ang himig na magpapakalma
Sa mga damdaming nilulunod ng sakit na nadarama,
Yhinyhin Tan Aug 2022
Ah ngayon mas nauunawaan ko na kapag sinasabi nila na, "Sana umalis ka na lang ng dahan-dahan, hindi ang mabilis hindi rin iyong biglaan."

Dahan-dahan na para bang ipaparamdam mo muna sa kaniya na nanlalamig ka na.

Unti-unti na kulang na lang sabihin mo sa kaniya na wala ka ng gana.

Sa malumanay at hindi sa dahas **** papataying ang pag-ibig niya para sayo hanggang sa kaniyang mapagtanto, "Ayoko na, pagod na ako!"

Iyon na rin ang pagkakataon mo para lumayo at lumisan sa kaniyang kanlungan.

O 'di ba nagtagumpay ka sa pag-alis mo ng dahan-dahan.

Sa isip mo, hindi na siya gaano naman masasaktan.

Dahil unti-unti **** inubos ang pag-ibig niya na sa'yo'y inilaan.

Kaya naman sana mas maging  masaya ka na
dahil ngayon pinalaya ka na niya ng tuluyan.

Salita | Ate Yhin
08162022924am
yndnmncnll Aug 2023
Mananatili akong sa’yo hanggang dulo
Kung hindi man maging tayo,
Hanggang sa huli
Kahit ang Panginoon, ang mga tala at buwan sa kalangitan ang saksi;

At hindi ko kailanman maikubli
Kung ano ang nararamdaman ko para sa’yo.

Mananatili akong sa’yo, sa mga oras na kailangan mo ako
Sa mga araw na wala kang masasandalan
Ako ang kanlungan mo
Ang iyong maaasahan

Mananatili sa iyong tabi
Kahit sa mga gabing hindi ka mapakali,
Sa’yo lang ako naging sigurado
Sa’yo lang ako naging kuntento,

Mananatiling sa’yo
Sa’yo hanggang dulo;

Pero hindi payapa ang aking mundo kung wala ka
Mahal, ikaw ang aking pahinga, ang aking payapa,
Sa mga panahong ako ay pagod at gustong mapag-isa
Sa iyong piling, ikaw ang aking tahanan

Ikaw ang aking magpakailanman
Ang aking tahanan
Ang aking masasandalan
Ikaw at ako’y nasa kanluran

Ang iyong mga kamay ang aking gustong hawakan
Ang iyong tinig ang aking gustong marinig
Ikaw ang aking kasiyahan sa mga araw na ako ay nalulumbay;
At ikaw lamang ang aking mamahalin habangbuhay.

Hindi kita papalitan
Hindi kita bibitiwan,
Hindi kita susukuan
Mananatili akong sa’yo,

Hindi kita iiwan
Dahil ikaw ang aking ligaya,
Ikaw lamang ang nag-iisa
Mananatili akong sa’yo.

Huwag kang mag-alala
Hindi ako mawawala;
Sasamahan kita kahit saan man tayo mapunta
Basta’t ikaw ang aking kasama.

Ikaw ang natatangi
Ang kailanman na hindi ko kayang itanggi,
Ikaw at ako’y isinulat sa mga bituin sa kalangitan
At dahil sa ating wagas na pagmamahalan;

Hindi kita ikakahiya
Ipagsisigawan sa buong mundo
Kung gaano kita kamahal sinta
At dahil ang puso ko’y sa’yo.
naught Dec 1
ikaw ang kanlungan sa maulan na mundo;


ang hinahanap-hanap ko bawat segundo

— The End —