Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Tama na. ilang beses ko pa bang uulitin sa sarili ko ang tama na. Tama na sa pag-asa na maaaring mahalin rin niya ako. Tama na na lagging ako lang ang nagmamalasakit pero sa huli’y masasaktan ka lang. Tama na na lagi akong nagbibigay at siya’y kuha nang kuha lang. Tama na na lagi akong talunan sa bawat paglundag. Tama na na lagi akong umiibig at sa dulo’y sasabihing “kaibigan lang kita”.
Tama na siguro na marami nang beses na lagi akong nagpakatanga para sa’yo. Tama na siguro na lagi na lang akong umaasa na darating ka sa pintuan at sasabihing iba na ang iyong nararamdaman. Tama na rin siguro ang lagi kong pag-aalala kung “nasaan ka na?”, “kumain ka ba?”, “may payong ka bang dala bilang pananggalang sa malakas na ulan?”. Tama na siguro na lagi akong naging yaya, ina o alalay mo sa bawat bagay. Tama na siguro yung ginawa kong paninilbihan sa among ‘di naman ako sinuklian ng kahit ano. Tama na siguro na tigilan ko na itong ambisyon na ipinaiiral ko, ilusyon na maaaring maging tayo.
Naaalala ko, oo naaaalala ko ang mga bagay na pinagsaluhan natin. Naaalala ko noong una kitang nakilala, naaalala ko kung papaanong wala kang takot na sumama sa akin upang tuklasin ang isang lugar na ‘di ka pa pamilyar at ‘di mo pa alam. Naaalala ko ang pagtataya mo at tiwala na totoo ang mga pinagsasabi ko at dadalhin kita sa tamang lugar na ipinangako ko. Naaalala ko kung papaanong naloko ako sa kakatawa sa mga corny **** jokes. Naaalala ko yung panonood natin ng pelikula nang sabay at tititigan mo ako at tititigan din kita nang palihim. Oo naaalala ko pa ‘yun, at oo tinititigan kita kasi nabihag ako ng mga mata **** mapungaw, tila humihingi ng atensyon at pagmamahal. At oo, naaalala ko pa yung araw na tinext mo ako at agaran kang pumunta kung nasaan ako kahit malakas ang buhos ng ulan at dumating kang basang-basa. Naalala ko kung paano ako tuluyang nahulog sa’yo sa ginawa **** sakripisyo na maaari ka namang pumunta sa iba, ngunit pinili mo akong makasama.
Pero kung akala kong masaya at wala nang makakapigil sa ating dalawa, nagising ako mula sa isang realidad. Nagising akong ‘di pala totoo ang mga nakita ko. Nagising ako na wala ka sa piling ko. Nagising ako na ang lahat ng iyon pala ay isang malaking ilusyon. Nagising ako, masakit ang damdamin at namamaga ang mga mata mula sa paghimbing dahil sa kaiiyak. Nagising akong ‘di pala totoo ang panaginip na pinaniwalaan kong totoo. Nagising ako na ‘di mo pala mahal ako. Nagising ako sa tinig ng boses **** nagsasabing “mahal kita, pero kaibigan lang”.
Kaya ganun, wala akong magawa kun’di ang magmukmok sa sulok ng kuwartong dating puno ng saya at tawanan nating dalawa. Nanatili ako sa lugar kung saan tayo nanood at nagtabing dal’wa. Nanatili ako sa lugar kung saan mo ako pinuntahan kahit napakalakas ng ulan. Nanatili ako at nag-isip bakit kaya at bakit ikaw pa. nananatili at mananatili ako rito hangga’t ‘di pa rin malinaw sa akin ang lahat.
Bakit ba ng hilig kong magmahal? Bakit ba mahilig akong tumaya o sumugal? Bakit ba lagi ko na lang napagkakamalian ang galaw ng iba bilang isang mas malalim pa? Bakit ako nabibihag sa mga salita at gawa na ilusyon lamang pala? O baka naman sadya lang akong tanga. Baka sadya talagang kaibigan lang ang ipinakikita mo noong una, pero mali ang pagkakaintindi ko dahil ‘di ko pa nararanasan ang umibig nang mas higit pa.
Pasensya na sa mali kong pagbasa. Pasensya na at nagawa kitang mahalin bilang kaibigan. Pasensya dahil inakala kong mamahalin mo rin ako tulad ng pagmamahal ko sa’yo. Pasensya na sa aking damdaming tila mahilig lang talagang magmahal nang lubusan. Patawad na ‘di nabasa ang nais mo. Patawad na ‘di ko pa rin matanggap na hanggang magkaibigan lang tayo. Patawad marahil dahil ang sinasabi ng puso ko’y hanggang “magKA-ibigan” lang tayo.
MM Oct 2018
Ang nanatili ay kalungkutan
Ang nanatili ay ang pait
Ang duda, ang sakit
Ang kutya, ang kirot

Wala nang mas sasakit pa
Sa pakiramdam ng pagkakulang
Sa pagiging hindi sapat
Sa lahat

Ang nanatili ay ang takot
Sa bukas na may muling pang-uusig
Sa mga pagkakamali
At muli, sa kakulangan

Ang nanatili ay wala
Dahil ang pinili ay hindi nanatili
Tapos na ang giyera
Tapos na ang labanan at hindi matigil na sakitan
Tapos na ang nakakatakot na digmaan sa labas ng mga tahanan
Tapos na.

Pipiliin ko nang maging masaya
Hahanap ako ng madadaluyan kung saan mabibigyan
Ako ng kalakasan
Maghahanap ako ng kapayapaan

Kapayapaan na yayakap saakin
Sa mga takot na dinanas ko
Sa mga bangungot na nagkakaron parin ako tuwing gabi
Sa mga multo na paulit-ulit na dumadalaw saakin

Kapayapaan na pupunas
Sa mga luha na di na natutuyo
Sa mga pawis na matagal nang gustong mawala
Sa mga dugo't na minsan nang nanggaling sa sarili ko

Magkakaron ako ng kapayapaan

Ngunit bakit hanggang ngayon
Na tapos na ang giyera
Ay hindi ko parin mahanap ang kalayaan na iyon?

Bakit patuloy na kumukurot ang ala-ala
Na minsan nang nagdaan at sumabit at nanatili
Hanggang sa mawala?

Bakit kahit na pilit kong kinakalimutan
Ay bumabalik parin ang sakit
Na dinanas ko habang nasa piling mo?

Ngunit ang dating nakaraan
Ay tila gumugulo ulit saakin paulit-ulit
Bumabalik at tila nagiging kasalukuyan

Bumabalik yung nakaraan na
Nagmahalan tayo at piniling di maniwala sa katapusan
Naging matigas ang ulo't sumunod
Sa mga pusong pagal

Nasaksihan ng araw at buwan na
Ang pagiging seryoso ng bawat puso't isip
Natagpuan ang kasiguraduhan sa mundong walang katiyakan

Ngunit sa isang pikit ko
Ay nagulat ako nang magkaron ng "Siya"

Simulan natin sa "Siya"

Simula nung araw na iyon
Ang salitang "siya" ay naging panakot saakin
At tila naging digmaan sa isipan ko
Tila naging parusa sa puso ko

Ang dating "tayo"
Ay unti-unting naglaho
At nagbago
At naging "kayo"

Doon nagsimula ang digmaan
Nasakop mo ang puso kong ngayon lamang umibig
At binomba ito

Pinosas mo ito at ikinulong
Ibinilanggo sa lugar na hindi ko rin alam
Binugbog at pinarusahan para sa kasalanang hindi naman ginawa

Nagmamakaawang pakawalan

Sumulat ito ng kanta
Umawit gamit ang natitirang pintig
Sumulat gamit ang natitirang dugo

Isinigaw niya ang awitin niya ng paulit-ulit
Ngunit walang nakakarinig sakanya

Naghihingalo para sa natitirang lakas
Umawit ulit siya muli

Hanggang sa marinig siya ng Maykapal

Ang alibughang puso ay natagpuan na sa wakas

Ngayon ay dumating na ang kasalukuyan
Kasalukuyan kung saan ang dating nasasaktan ay gumagaling na

Kasalukuyan kung saan tapos na ang giyera
Possible na ang kapayapaan

Hawak ko ang sedula ng pananakop mo sa puso ko
Handa na akong kumalimot
Handa na akong tumalikod
Sa nakaraan na hindi na kasalukuyan

Magtatapos ako sa "Ikaw"

Mag-isa ka na
This piece is meant to be spoken
Mahal, tanda mo pa ba yung araw ng ating pagkikita?
Kung saan lahat ay ating ginawa upang kilalanin ang isa't isa.
Mahal, tanda mo pa ba kung paano mo ako kantahan sa mga gabing tumatawag ka?
Kung saan bawat salita natin ay nakakapagpakilig sa buong sistema.
Mahal, tanda mo pa ba ang mga araw na tayo ay magkasama?
Kung saan ang presensya ng bawat isa ang sa atin nakapagpapasaya.
Mahal, tanda mo pa ba ang mga araw na punong-puno tayo ng problema?
Kung saan pilit natin itong kinakaya kahit ang bigat bigat na.

Kay sarap isipin, kay sarap balikan.
Ngunit paano ko ito babalikan kung ako'y iniwan mo ng nag-iisa at luhaan.

Naniwala ako sayo.
Nagtiwala ako sa mga pangako mo.
Hindi ako tumigil kahit nasasaktan na ako.
Nanatili ako kahit alam kong lokohan nalang ito.
Ginawa ko lahat para sa relasyon na ating binuo
Pero mahal, bakit ka sumuko?

Nasan ka na? Nasan na ang mga binibitawan na mga pangako?
Yung pangakong ako lang ang nasa puso mo.
Yung pangakong ikaw lang at ako.
Yung pangakong hindi ka maglokoko.
Yung pangakong kakayanin natin ito.
Yung pangakong tayo lang dalawa hanggang dulo.
Wala na. Naglaho ng parang bula.
Wala na. Dahil may iba ka ng sinisinta.

Sabi mo mahal na mahal mo ako.
Ngunit anong nangyari at nagkaganito?
Akoy iyong ginago at paulit-ulit na niloko.
Ika'y biglang nagbago at unti-unting naglaho.
Bakit mo hinayaang magkaganito?

Pero mahal, alam mo ba?
Mahal na mahal parin kita kahit mukha na akong tanga.
Mahal na mahal parin kita kahit may iba ka na.
Mahal na mahal parin kita kahit alam kong wala ng pag-asa.
Mahal na mahal parin kita kahit tinalikuran mo ako at pinili mo siya.
Pero mahal, pasensya kana dahil ito ay sobra na.
Pagod na pagod na ako kaya pinapalaya na kita.

Ito na ang panahon para piliin ko ang sarili ko.
Ako na nagpakatanga sayo.
Ako na kinalimutan ang sarili ko.
Sarili ko na napabayaan ko dahil sa labis na pagmamahal sayo.

Sana sa araw na ika'y pinalaya.
Hinahangad ko na seryosohin ka niya.
Sana pasayahin mo siya sa araw na kayo'y magkasama.
Sana mahalin mo siya gaya ng pagmamahal ko sayo
Pagmamahal na hindi mo naibigay sa isang tulad ko.

Kaya naman mahal hanggang dito nalang tayo.
Kahit mahirap kakayanin ko.
Kahit masakit titiisin ko.
Paalam mahal, dahil ito na ang huling araw ng pagpapakatanga ko sayo.
Eugene Oct 2018
"Ilabas ninyo ang kuya namin!" sigaw ni Mon.

"KUYA! Kami to mga kapatid mo!" sigaw naman ni Jef.

Halos magambala na ang mga kapitbahay sa kalye Casa dahil sa ingay ng pagsisigaw ng magkakapatid. Mahigit sampung taon na rin nilang hinahanap ang kanilang nakatatandang kapatid. At may nakapagsabi sa kanilang nasa kalye Casa lamang ito at kasama ang tunay nitong mga kapatid.

"Anong problema ninyo ha? Nakakaistorbo na kayo sa kabilang at sa kalye rito. Sino ba hinahanap niyo ha?" lumabas ang isang matangkad na lalaki at nagsalita sa kanila.

"Alam naming nandito ang kuya Regie naman. Ilabas niyo siya!" sigaw ni Mon.

"Walang Regie dito. At sino kayo? Ni hindi ko nga kayo kilala e," sagot ni ng lalaki.

"Kilala ka namin at ikaw ang nakatatandang kapatid namin. Magkakapatid tayo sa ama. Ikaw si kuya Ryan," wika ulit ni Mon.

"Ah ganun ba? Bakit hindi ko yata alam? Sino bang tatay ang tinutukoy mo?" takang-taka ang mukha ni Ryan nang sabihin nito na magkapatid daw sila sa ama.

"Hindi ikaw ang sadya namin dito. Ilabas mo ang kuya namin!" wika ni Jef. Agad siyang nakipagpatintero upang makapasok sa loob ng bahay. Pero napigilan ito ni Ryan.

"At anong karapatan mo, ninyo na pumasok sa bahay ko? Kayo ba ang may-ari?" mataas na ang boses ni Ryan nang mga sandaling iyon pero nanatili pa rin siyang mahinahon dahil ayaw niyang gumulo pa. "Ang mabuti pa ay umuwi na lang kayo. Walang Regie dito. Nagkamali kayo ng pinuntahan."

"Hindi kami aalis dito. Alam naming nasa loob ang kuya namin. Ilabas niyo siya?" nagpupumilit pa rin si Mon at bigla na lamang niyang iwinaksi ang kamay ni Ryan na nakaharang sa pintuan ng kaniyang bahay. Hindi naman hinayaan ni Ryan na makapasok ito at doon ay ibinuhos na ang kaniyang galit.

"SUBUKAN NINYONG MAGPUMILIT PA NA MAKAPASOK! Ipapa-barangay ko na kayong lahat!" halos kita na ang mga ugat sa leeg ni Ryan sa pagsigaw nito sa kanila. Pero hindi pa rin natinag ang magkakapatid.

"Wala kaming pakialam kung iyan ang gusto mo!" bulyaw naman ni Mon.

Magsisimula na sana ang matinding kaguluhan sa pagitan ni Ryan at ng magkakapatid nang isang boses ang kanilang narinig.

"Sino ba ang hinahanap ninyo ha?" wika nito at mula sa likuran ni Ryan ay nakita nito ang kaniyang kapatid na inaalayan ng isa pa niyang kapatid. Mangiyak-ngiyak naman ang magkakapatid na Mon at Jeff nang makita ang pakay nila.

"Kuya! Kuya Regie!" magkasabay na tawag nila sa pangalan nito.

"Sinong maysabi sa inyo na lapitan ang kuya Ron ko ha?" sigaw naman ng isang binata na nakaalalay kay Ron.

"Hayaan mo muna sila Anghel," saway nito sa kapatid na patuloy pa rin sa pag-aalay kay Ron.

"Kuya, ako ito, si Mon at kasama ko si toto Jef. Kuya, miss ka na namin. Uwi na tayo, please!" nang mga oras na iyon ay nanatiling walang emosyon si Ron sa mga salitang kaniyang naririnig.

"Hindi ako si Regie at lalong hindi ako ang kuya ninyo. Wala akong kapatid na Jeff at Mon. Anghel lang at kuya Ryan ang mayroon ako. Kaya, pakiusap umalis na kayo rito!" wika ni Ron.

"Kuya, bakit? Ano ba ang nangyari? Anong ginawa niyo sa kuya namin ha?" nagtatakang tanong ni Mon nang mapansin sa iisang direksyon lang ito nakatingin.

"Bulag ang kuya Ron namin. Naaksidente siya. Kaya kung maaari ay lisanin niyo na ang bahay namin dahil hindi ito makabubuti sa kaniyang pagpapagaling. Pakiusap," sagot ni Anghel.

"Kuya. Alam naming ikaw iyan. Ikaw si kuya Regie namin. Ikaw ang tumulong sa amin nang mga oras na kailangan ka namin at nandito na kami upang kami na ang mag-alaga sa iyo. Please bumalik ka na sa amin. Nakikiusap kami kuya Regie. Kuya Ryan, payagan niyo na po kaming iuwi kuya namin," parang gripong sunod sunod sa pag-agos ang mga luha ni Mon.

"Walang isasama! Hindi niyo siya kuya. Kuya namin siya! Umalis na kayo rito!" bulyaw ni Anghel. Naitulak ni Anghel si Mon at muntik na itong matumba. Nang makabawi ay sinuntok niya si Anghel sa mukha at nakipagsuntukan na rin ito kay Mon. Pilit namang nakikinig at nakikiramdam si Ron sa mga pangyayari.

"ITIGIL NINYO 'YAN!" sigaw nang sigaw si Ron pero tila walang nakakarinig. Panay naman ang awat ni Jef at Ryan kina Mon at Anghel. Hindi na nakatiis si Ron at muli itong sumigaw.

"TITIGIL KAYO O AKO ANG AALIS!" lahat ay napalingon kay Ron at maagap na bumalik si Anghel sa tabi ng kaniyang kuya upang pigilan ito.

"Sorry, kuya," pagpaumanhin ni Anghel.

"Kayong dalawa, Jeff at Mon, pakiusap. Ayaw ko ng gulo. Umuwi na kayo dahil walang Regie sa pamamahay na ito. Hindi ko kayo kilala at lalong wala akong matandaang tinulungan ko kayo bago pa ako maaksidente. Kaya, umuwi na kayo!"

Hindi naman nakapagsalit sina Jef at Mon. Mabibigat ang mga paang nilisan nila ang bahay na iyon na patuloy pa rin sa pag-iyak dahil nabigo silang iuwi ang kanilang kuya Regie.

Habang papalayo naman ang magkapatid ay doon na bumigay si Ron at hindi na napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang totoo ay kilala niya sila ngunit ayaw na niyang matali pang muli sa nakaraan. Masaya na siyang malaman na ang kaniyang mga step brothers ay nasa mabuti nang kalagayan. Kahit sa kaloob-looban ng kaniyang puso ay sabik din itong mayakap sila pero naipangako niya sa kaniyang sarili na kalimutan na niya ang kaniyang pinagmulan at ang mga taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Nais niyang ituon na lamang sa kaniyang tunay na mga kapatid ang pagmamahal na hindi niya naiparamdam sa mga ito buhat nang sila ay nawalay sa isa't isa.
Ang ating tadhana'y sadyang pinagtagpo
Di ko nga malama't ako'y nalilito
Maging hanggang ngayong naging ikaw't ako
Nanatili pa ring tuliro isip ko.

Dati ay pangarap lamang kita mahal
Ngunit 'wag isiping ako'y isang hangal
Libre pong mangarap ng sariling dangal
Lalo pa't ikaw ang ibig kong matambal.

Kay sarap gunitain una nating usap
Di ko man lang pansin bilis niyong oras;
Sa muni-muni ko ikaw ay kaharap
Ibig ko'y magtagal mapahanggang bukas.

Sa bawat minuto't nagdaang segundo
Aking sinusubok perpil mo mahal ko;
Sa tuwing makita iyong litrato mo,
Di ko maiwasang kiligin ng husto.

Nang dahil sa Facebook, nakilala kita
Nang dahil sa Facebook, naging tayong dal'wa;
Ang ibig ko sana'y makatagpo ka na
Nang ikaw'y mayakap at makakasama.
Karapatang Ari 2016 ni Donward Cañete Gomez Bughaw 07/09/16 11:25 PM
With co-author Joyca Valenzona
jia Jul 2019
kung walang tatayo para sa bayan, sino?
ikaw na takot at naniniwala sa kuro-kuro?
ikaw na sanay na sa sistemang pabago-bago?
kung hindi tayo lalaban, sino?

sino bang dapat lumaban at makiaklas?
sino bang nandyan hanggang bukas?
sino bang nais humamon upang maging patas?
sino ba dapat ang kailangang tinitingala at tinitingnan sa itaas?

hindi ba't ikaw ang dapat gumawa ng paraan?
hindi ba't ikaw na mamamayan?
hindi ba't ikaw na Pilipino sa dugo at laman?
hindi ba't ikaw na anak ng bayan?

sa bawat siglong dadaan ay nanatili ang rebolusyon,
ang tanging kailangan ay pagmamahal sa nasyon.
mga aksyon natin dapat iayon,
kaya lumaban ka para sa sarili, sa bayan at sa susunod na henerasyon.
para sa bayan.
Ito ng kulay ng iyong puso

Ang kulay ng lipstik

Na binili ng iyong ina nung ikaw ay tinedyer

Ang kulya ng bulaklak na binigay sa iyo sa araw ng mga puso
ng iyong manunuyo

Hindi babanggitin ang rosas na niregalo sa yo
ng kaibigan **** babae sa kampus nang ikaw ay nasa
kaibuturan ng iyung kabataan,

Ang kulay ng mga di mabilang na mandirigma sa kabukiran

Na sumisigaw ng kapayapaan.




Ang kulay ng butil sa unang dapyo ng sikat ng araw

Sa panahon ng anihan.

Ang kulay ng asukal na muscovado mula sa pawis ng mga manggagawa sa azucarera

Ito ang paborito **** kulay noon.


Sa gitna ng lakbayin na masukal

Ginusto **** maging mapusyaw

Ngunit ang iyong pag-aalab ay puno ng kulay na ito

Sa iyong mga kapatiran sa masa


Pagsigaw ng hustiyang pang-ekonomiya



Ipagbunyi ang kulay ng iyong puso!



Ang sing-init na kulay na nararamdaman mo hanggang ngayon
Kahit na pumupusyaw ang iyong kabataan,

Nanatili itong kulay ng iyong pag-aalab.
Eugene Aug 2016
Nagpakapagod ka dahil gusto **** kumita.
Nagpaka-alipin ka upang makaahon ka.
Nagtiis ka sa ibang bansa para sa iyong pamilya.
Nilisan ang bayan dahil trabaho'y pinagkaitan ka.

Ano ngayon kung wala kang pinag-aralan?
Masusukat ba ang tagumpay sa antas ng edukasyon?
Kailangan bang magkatulad ang bawat propesyon,
O tanggapin ang isang marami na ang kontribusyon?

Dumarami na ang populasyon ng ating bansa.
Kakaunti naman ang ating kuwalipikadong manggagawa.
Marami ang tambay sa bahay at walang ginagawa.
Nakapagtapos nga, hindi naman matanggap sa ibang kompanya.

Kaya, ang iba'y nanatili sa bukirin at doo'y nagsasaka.
Hindi matanggap na walang trabahong karapat-dapat sa kanila.
Kahit dalawang taong kursong bokasyonal ang natapos nila,
Naghihintay pa rin sa wala hanggang sa pag-asa'y maglaho na.

Anong uri ba ng trabaho ang katanggap-tanggap sa lipunan?
Ang nakakaangat lang ba ang p'wedeng bigyan ng posisyon?
Paano naman ang walang pinag-aralan, pero pasado sa kuwalipikasyon?
Papansinin ba sila ng gobyerno at bibigyan ng solusyon?

Sa bagong gobyerno, pagbibigay ng trabaho'y bigyan sana ng pansin,
Sa mga manggagawang hanggang ngayo'y walang trabaho pa rin,
Maging ang mga nakapagtapos at magtatapos pa mandin,
Huwag nating hintaying lahat sila ay lumayas sa lupang sinilangan natin.
Dark Mar 2019
Mahal, tanda mo pa ba yung pangako ko,
Yung pangako ko na mananatili ako sa tabi mo,
Mahal, sinabi ko sayo na aalis lang ako pag sinabi mo,
Kaya kong manatili sa piling mo kahit na nasasaktan na ako.

Kahit na alam kong pampalipas oras mo lang ako nanatili parin ako,
Tanga na kung tanga pakielam ko,
Eh mahal kita,
Kahit na alam kong wala na akong pag- asa,
Kahit na alam ko na may mahal ka ng iba
Nandito pa rin ako sa tabi mo at may ngiti sa labi ko,

Hindi ko malaman kung saan ako nagkulang,
O sadyang di mo lang makita yung halaga ko,
Masakit man isipin na gwapo siya,
May makinis na mukha
Nakakahiya nga pag pinagtabi kami,
Isang tingin sakanya tao talaga,
Ako? Abnormal tingan walang wala kumpara sa kanya.

At ito pa ang mas masakit pag lagi mo siyang kwento,
Para kayong bumubuo ng mundo,
Kung saan lahat ay perpekto,
Ikaw at siya hindi nga maipagkakaila na perpekto nga,

Alam mo ba na ang saya ko noong hawak ko ang iyong kamay,
Para ako ay nasa ulap dahil sa lambot ng iyong kamay,
Ang bilis ng tibok ng puso ko para na nga akong mamatay,
Nakakahiya pa nga eh pasmado yung kamay ko,
Mas lalo akong natuwa nung di mo inagaw ang mga kamay mo na kayakap sakin,

Pero sabi nga nila lahat ng saya ay pandalian at kalakip nito ay sakit,
Simula noong nadaan natin siya,
Ang mga kamay natin na magkayakap,
Ay unti-unting nag hihiwalay ang pagkakayakap,
Feeling ko nga rebound mo ako,
Alam ko na walang tayo,
Pero base sa mga pinapakita mo ay meron talagang ikaw at ako,

Nag hahawak kamay,
Nag yayakapan,
Nag aaylabyuhan,
Kulang na nga lang maghalikan eh,
Pero lahat yun diko alam kung pangkaibigan lang o ibang level na,
Akala ko nga may pag asa ako eh,
May pag asang magkaroon ng titulong ikaw at ako,
Mga akala na magiging masaya tayo,
Ayan nanaman ako sa mga akala ko,
Puro akala akala akala pero sa huli di nmn nag katotoo,

Mahal kita,mahal kita,mahal kita yan ang paulit ulit kong gustong sabihin sayo,
Syempre sasagutin mo rin ako na mahal kita,
Ang saya saya pag lagi mo sinasabi na mahal mo rin ako,
Pero napapaisip ako kung galing ba sa puso mo ang mga salitang binitawan mo,
O napipilitan ka lang sabihin yon,

Dahil advance ako mag-isip uunahan na kita,
Mahal pasensya ka na ha,
Kung hindi ko na matutupad yung mga pangako ko,
Pangako na malapit na mapako,
Hindi ko sinabi na diko matutupad,
Pero parang papunta na,

Sana wag mo kong hayaan umalis,
Baka makita mo na lang ako nasa piling na ng iba,
Pero sabagay pano mo nga pala ako makikita kung ang mga mata mo'y laging nakatuon sa kanya,
John AD Nov 2017
Nandito nanaman ako sa isang silid,
malungkot , nagiisip kung anong mangyayari sa paligid
Bukas ba ay payapa muli ang isip o bibilis nanaman ang tibok ng dibdib
Sa bawat nangyayaring karanasan sa buhay ko
may mga bagay akong naiisip na lumalait sa sarili kong pagkatao,
sa pagkatao kong , pagiging mahina , na puro salita walang gawa,
sa pagkatao kong kulang sa tiyaga umaasa sa kasiyahan na napupunta sa wala...At

Paglipas nang taon sa kolehiyo , nanatili parin akong talo
sa pag angat , pinili ang kurso na hindi naman kasing bigat ng abogado,
Oo inaamin ko naiwan ako sa larangan ng akademika ,
alam ko naman na ginawa ko tong landas na to para sumaya pero,

Dati yon iba na ang nasa isip ko ngayon,
sana pala pinagbutihan ko nung mga araw na nakakahabol pa ko
Pero ngayon ,ito natupad nga ang mga pangarap ko sa sarili ko ,
Pero di ko naman naisip ang kapalaran na darating sa kinabukasan ko

Ano nga ba ang magiging kinabukasan ko ?
Kung sariling kaligayan nalang palagi nag nasa isip ko
Palagi nalang bang ganto ang buhay ko o isang araw ,
babagsak ang katawan ko katulad ng pagbagsak ng utak ko
Tuwing naiisip ang mga malalagim na nakaraan sa buhay ko

Mula sa palangiting tao na nakikita nyo ,
Maganda lang tignan parang takip ng libro,
Pero ang totoo ay iba ang nilalaman nito,
Magulo ang takbo ng buhay ko ,
Pero salamat narin may mga tao na nagbibigay ng halaga at pagmamahal
Upang magpursigi pa akong mabuhay dito sa mundo...


Salamat Ina,Itay,Lolo,Lola, Kaibigan,Katunggali
Salamat sa walang hupay na pag intindi sakin sa lahat ng galit , panunukso
Pagmamahal , pakikisama at sa mga bagay na nakalagay dito sa memorya ko,
Isa kayong tagapagligtas dahil kung wala kayo
Wala rin saysay ang pagkatao ko...
Sa pagdating **** napabalita
Unang sulyap palang namangha na

Gayak na sinauna
Sa paningin mahalina
Musikang kaytanda na
Sa pandinig mahiwaga

Mahalaga ang gabi
Simula ng pagsaksi
Kwento kong inabangan
Hatid niyang kasaysayan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon may saysay
Nasa pagtitipon
Mga kaklase noon

Kapitbahay inuman
Masaya ang kwentuhan
Subalit ako’y saglit
Umuwi sa malapit

Iyon ay dahil batid ko
Simula na ng kwento
Ng kanyang unang yugto
Gabing Trenta ng Mayo

Mula nang araw na ‘yon
Pagsubaybay tradisyon
Naging makabuluhan
Likhang pampanitikan

Subalit ‘di naglaon
Nawalan telebisyon
‘Di hadlang gayunpaman
Sa radyo’y pinakinggan

Mula pagkabinukot
Hanggang aliping tulot
Babaylang naging ****
Mandirigmang pinuno

Nilupig at nanlupig
Inusig at nang-usig
Natulig at nanulig
Inibig at umibig

Nagtago at naglakbay
Namatay at nabuhay
Tinanggap at nagpanggap
Naghirap at nilingap

Sakay ng karakoa
Tinungo ibang banwa
Naghanda sa pagbalik
Upang ganti’y ihalik

Sa mabagsik na raha
Na pumatay sa ama
Sa pinunong baluktot
At sa harang nanalot

Mangubat at Angaway
Mga rahang kaaway
Lamitan na ninanay
Nais siyang maging bangkay

Sa kahuli-hulihan
Lahat sila’y talunan
Sa babae ng tagna
Walang iba – Amaya

Salamat, umalagad
Maging hanggang sa sulad
Salamat, kapanalig
Laban sa manlulupig

Salamat, Uray Hilway
Mga tinuran gabay
Salamat kay Bagani
Pag-ibig nanatili

Salamat sa Banal na Laon
Diyos ng mga ninuno noon
Kina Amaya’y panginoon
Tagapagpala ng kanilang nayon

Ang dulo ng epikong kapapanaw
Akala’y ‘di na matatanaw
Salamat sa unang Christmas bonus
May TV na bago taon ay matapos

Mahalaga rin ang gabi
Katapusan ng pagsaksi
Huling yugtong tinunghayan
Ang kamatayan ni Lamitan

Sa aking talambuhay
Gabing iyon rin ay may saysay
Nasa huling burol at lamayan
Bago at matapos subaybayan

Iyon ay kakaibang alaala ko
Sa katapusan ng kwento
Ng kanyang huling yugto
Biyernes – Trese ng Enero

Nagbrown-out pa nga
Habang oras ng balita
Buti nalang at umilaw
Sa tuwa ako’y napahiyaw

Sa pagtunog ng huling musika
At paggalaw ng katapusang eksena
Bukas TV at radyo
Sa makasaysayang mga tagpo

Ngayong gabi ng paglikha
Ng tulang handog sa programa
Unang gabing kapani-panibago
Dahil wala na sa ere ang paborito ko

Subalit ang Alaala ni Amaya
Mga gayak, musika, tauhan at kultura
Mga aral, tinuran, inspirasyon at ideya
Mananatiling buhay sa aking diwa!

-01/16-17/2012
(Dumarao)
*missing my favorite program
My Poem No. 93
k e i Jul 2020
“minahal mo ba talaga ako?”

pakawala ko sa buntong-hiningang tanong. higit isang taon ding namalagi sa isipan ko.

“minahal mo man lang ba ako?”

pag-ulet kong tanong nang manatili siyang tahimik. iniangat ko ang mga mata ko para tignan siya. isang taon na mula ng huli naming pagkikita. iba na ang gupit ng buhok niya ngayon. mas nagmukha siyang seryoso dahil don.

ilang minuto pa ang lumipas bago siya sumagot. nanatili ang tingin niya sa labas.

“minahal kita. higit pa sa alam mo. marahil, higit pa sa naparamdam ko.”

“pero bakit ganon? ikaw yung huli kong inisip na manghuhusga, pero sayo pala mismo manggagaling.”

“ikaw yung higit na pinagkakatiwalaan ko sa lahat, pero ikaw rin yung bumali” matipid siyang ngumiti. ramdam ko yung pait. walang emosyon sa kaniyang mga mata.

napailing ako. eto nanaman. mga salitang pinakawalan namin nungg gabing natapos kami-ang kaibahan lang, sa personal ngayon at hindi sa tinig lang.

“mali ka. hindi mo ko minahal. hindi ako, kundi yung bersyon ko sa isip mo. hindi ako, kundi yung ako na nabuo mo sa imahinasyon mo.”

“minahal kita. sobra-sobra. kaya lang, nagbago ka. nung una, paunti-unti, hanggang sa pakiramdam ko, ibang tao na yung nasa harap ko. siguro dahil, nalingat ako, dahil di ko binuhos lahat ng atensyon ko.” saglit niya kong binigyan ng tingin na parang nahihirapan.

“dahil di naman siya nawala talaga diba? sabi mo noon, may mga pagkakataong magkasama tayo pero siya yung iniisip mo.”

hindi siya makasagot, pero bakas sa mata niya na tama ako. nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. matagal na yon. ayos na rin ako. sadyang iba pa rin pala kapag harap-harapang sabihin sa’yo.

“pero hindi naman ganun ang pagmamahal. hindi naman porket nagbago, dapat nang sukuan. kase lahat naman nagbabago. kahit ikaw, narasan ko ang ilang beses **** pagbabago. pero kahit ganun, pinili ko pa ring manatili. para sa’yo. para sa’tin”

“patawad. alam kong ako yung naging dahilan kung bakit umalis ka noon, alam kong napagod ka. pero hindi ko inakalang ganun-ganun mo lang ipagpapalit. na ganun ka kabilis magkakaroon ng bago.”

“hindi kita pinagpalit! hindi ko tinapon yung isang taon!”

mabilis kong kinalma ang sarili ko. ganitong ganito rin yung mga sinabi niya noon. ganun pa rin pala ang tingin niya. na binasura ko lang lahat. na parang mas mabigat pa yung naramdaman niya sa isang beses na pinili ko ang sarili ko kaysa sa kung paano niya pinaramdam na kahit ako yung naroon para sa kanya, kahit kailan di magiging sapat.

“bago ako umalis, sinabi ko sayo kung bakit. umasa akong ipapaintindi mo kung bakit nagbago yung pakikitungo mo, umasa ‘kong mapapansin **** nasasaktan na ako. umasa akong pipigilan mo ko, na sasabihin **** 𝘢𝘺𝘶𝘴𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘵𝘪𝘯 ‘𝘵𝘰. pero niisang salita, wala akong narinig. malamang iisipin ko, wala lang lahat nang ‘yon. kase hinihintay mo lang naman talaga kong umalis diba? ayos lang sayo kung manatili ako o hindi. ako kase yung nasa tabi mo. sanay ka na kamong iniiwan. sinubukan ko naman eh. sinubukan kong maging iba sa kanya base sa mga kwento mo tungkol sa kanya. kahit ang hirap. pero kahit ano namang gawin ko, ganun pa rin iniisip mo. na mawawala ako. kaya wala na rin akong ibang magawa kundi lumisan. kase sa pananatili ko, naubos ako. naubos na ata lahat ng isasakit bago pa man ako magpaalam. kahit nung nasa tabi mo pa ko, wala na akong maramdaman. kaya hindi mo ako masisisi kung mabilis. gusto ko lang namang mawala yung pagkamanhid. kasi kung may nakuha akong explanasyon o kahit isang salita galing sayo, alam **** hindi na ko tumuloy sa kabilang dako ng pinto, na mas pipiliin kita ulet-handa akong isantabing muli yung sakit.”

may ilang luhang nagpumilit na tumakas sa gilid ng mga mata ko. agad ko ring pinunasan ang mga ito. bigla nanaman bumalik ang mga ala-ala na akala mo hindi taon ang lumipas, parang kahapon lang. kasabay nito ang panandaling panunumbalik ng sakit.

“naniwala ako sayo nung sinabi **** ako lang. na walang iba. pero ang sakit nung ilang linggo lang pagtapos natin, may iba na agad sa tabi mo. may iba ka na agad kasama’t kayakap. may iba nang nagpapangiti sayo.”

kita ko ang pagkuyom niya sa kaliwa niyang kamay gaya ng ginagawa niya dati sa tuwing may bumabagabag sa kanya.

“tapos na tayo nun. gaano katagal ba dapat akong magluksa? kahit naman nung nasayo pa ako, mabilis mo ring binawi yung sayang pinaramdam mo nung una. na una pa lang, kahit ako na yung naroon, kasama mo pa rin siya sa isip mo. minahal mo lang ako kase ako yung nasa tabi mo. kaya wag mo akong sisihin kung ginusto kong sumaya ulet.”

“sana binungad mo na agad yun nung humingi ulet ako ng isa pang pagkakataon. hahayaan naman kita. kung nalaman ko lang ‘yon, hindi na kita ginulo pa. pinatay ko na dapat lahat ng naipong pag-asa sa utak ko, na pwede pa.”

“ang malas ko lang talaga, pagdating sayo, kaya kong itigil lahat. nung ginusto **** bumalik ako, umaahon na ko paunti-unti eh. kahit paano, nakakahinga na ko ulet. lahat sila sinabing wag na kitang pansinin, na sarili ko naman muna sa pagkakataong ‘to. akala ko mali lang sila ng paghusga, kase hindi ka nila kilala katulad ng pagkakakilala ko sayo. wala eh, nagparamdam ka lang, naapektuhan nanaman ako. pagdating sayo, ang tanga-tanga ko. ganun na lang kita kamahal. hindi lang isang beses; umulet pa ko. ayun lang naman kase yung kailangan ko, yung marinig na gusto mo pa, na gusto **** ayusin.”

“inaayos naman na natin nu’n diba? nagiging masaya na tayo ulet. nakikita ko kung pa’no mo sinusubukang bumawi. kaso wala, nung malaman **** sinubukan kong kumilala ng iba hindi mo matanggap. traydor ako, sabi mo. at sa pagkakatong yun, ikaw naman yung nang-iwan. akala ko wala na akong mararamdaman. na ayos lang, nangyare na ‘to, naulet lang, nalampasan ko na ‘to. pero hindi, mas masakit pa pala. tangina sobrang sakit. kase ayun na yung hinihingi ko, tapos binawi nanaman kung kelan hinding-hindi ko inaasahan. tangina.”

“siguro nga kaya hindi naging maayos ‘to kase hindi ko inayos yung nakaraan. hinayaan kong sundan ako ng multo niya, hinayaan kong saniban ng nakaraan yung kung anong meron tayo. na hanggang ngayon hindi pa rin ako tuluyang makalaya.” mahinang sabi niya. ramdam ko yung pagsisisi sa boses niya.

“sana naiayos mo na yun ngayon. sana mas maayos ka na ngayon. sana mapatahimik mo na yung mga memoryang patuloy na humahabol sa’yo. sana naghihilom ka na. sana, hindi na maranasan ng mahal mo ngayon yung naranasan ko.”  

sa loob ng isang taon, natutunan kong tanggapin lahat-mula sa mga memorya hanggang sa pa’no kami nawakasan, kung pa’nong di naman siya talaga naging akin lang. hindi naging madali pero kinailangan. sa huli, wala naman talaga akong magagawa. nangyari na yung mga pangyayari. nagkapalitan na ng mga masasakit na salita. naubos na namin ang isa’t-isa.

“nung tuluyan nang nawala yung tayo, wala akong naging iba at wala nang susunod pa. mas gugustuhin ko na lang na mag-isa. kase yung sakit na dala-dala ko bago pa man kita nakilala, hindi ko namalayang naipasa sayo. sobra sobra na yung pinsalang nadulot ko. tama na. ayos na yung ako na lang yung nagdurusa.”

“-alam kong kahit ga’no ko pa gustuhing ibalik yung oras para itama lahat ng nagawa kong mali, hindi na pwede. said na. siguro hanggang doon lang talaga tayo. sa ganito siguro talaga tayo maiuuwi. tama na.” pagpapatuloy niya.

sa puntong ‘to, naiyak na rin siya. kumuha siya ng panyo at pinunas sa kanyang mukha.

“baka nga. baka hindi talaga pwede.” bulong ko.

tinignan ko ulet siya, sa kahuli-huling beses. ilang minuto kaming nabalot ng katahimikan, nakatingin pareho sa kawalan. siya ang naunang tumayo sa kinauupuan.

“alam kong hindi mabubura ng ilan mang ‘patawad’ kung ganito kita sobrang nasaktan. pero gusto ko lang ulit humingi ng patawad.”

pinanood ko ang palayo niyang pigura hanggang isa na lang siyang maliit na tuldok at tuluyang nawala. pinakiramdaman ko ang sarili ko. humingang malalim.

isang taon na yung lumipas. halos ganito rin yung nangyari noong gabing iyon. ang pagkakaiba lang, noon, mas pinapangunahan kami ng emosyon. isang taon na pero ngayon ko pa lang talaga patuloy na maibabaon. kinailangan kong marinig ulet. ngayon, totoo ngang tapos na. wala na. natuldukan na.
Umiiyak ang dilag nang walang patid
Kasama ang dugo at basahan sa sahig
Nais kong mabatid
Ano ang nagdulot sa nadaramang sakit?
Binunyag ng kanyang mga mata
Walang puknat na pagsisisi ni isa
Hindi na alam kung ligaya ba o pighati
Dahil ngayon alam niyang tapos na ang lahat
Pakiwari niya
Natutulog na ang mga alon
Noon siya ay nilulunod 
Naghuhumiyaw na damdamin puno ng hinagpis
Gusto niyang isigaw sa hangin
Ngayon kailangan na niyang linisin
Niyurak na pagkatao dahandahan bubuuin
Pinira-piraso
Ngumiti siya na para bang payaso
Isinilid niya sa sako
Kahit gusto man niyang maglaho
Ang amoy nitong mabaho
Nanatili pa rin sa damit niya
Parang bang tumitiling aso
Sinuyod ang masukal na gubat
Tinunton ang malalim na balon
Puno na ng lumot 
Doon niya inihulog
Ngayon basahan ng mga kumot
At ang bangkay ng ama
Kasama ng kaluluwa niyang
Hinalay nang walang awa




-Tula VI, Margaret Austin Go
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
Tocz Laurenio Feb 2020
dilaw na dyaket ang suot mo noon
habang ako ay nananahimik
hindi makaimik
at pinagmamasdan ang bawat sinag ng dapithapon
na sinasala ng kinulayang bintana
kung saan ay sa aking mga mata na ngayon lamang nakakita ng ganda ay biglang napatunganga

dilaw na dyaket ang suot mo noon
at ang unang naitala
sa listahan ng mga napuna ng aking mga mata at biglang napatunganga na nga

nang dahil sa bawat tupi ng manggas
at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket **** naisipang ipakita sa silid ng mga kaluluwa

mga kaluluwang akala ko ay mabibigyan kong buong pansin ngunit heto, napatitig na rin

ako'y napatitig na rin

napatitig sa dilaw na dyaket mo
at hindi ko mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket **** nakabalabal sa iyong kay liit na katawan ay humihila pababa sa iyong mga balikat
nakakibit
hindi man lang kayang mapaakyat ang iyong pagpapakalálo
napapaliit
ang tikas ng iyong pagkatao

hindi ko rin mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket mo ay para bang napabalabal na rin sa akin
at mula noon, ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng aking puso ay handa nang aminin na ikaw ay naging isang

anghel

ang dilaw na dyaket mo ay naging iyong halo
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa nito ay naging mga pakpak mo at ikaw ay naging isang

anghel

ika'y naging
anghel sa aking isipan
marikit na imahe sa aking kaloob-looban
munting sigaw sa buong kalawakan
o, munting anghel ko, nais ko na sanang isigaw:
nakikita mo ba?
nakikita mo ba kung paano kita nakikita?
nakikita mo ba kung paano kita sinasamba?
nakikita mo ba kung paano kita sinisinta?

oo, sinisinta, dahil
munting anghel ko, o, mahal kita
mahal kita, o, munting anghel ko

mahal kita
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng iyong pagkatao
mahal kita
at ayaw kong manatili ka lamang sa isipan ko
mahal kita
at nais kong ako ang magpabalabal sa iyong puso
at nais kong ako ay maging iyo

at nais kong mahalin mo rin ako

ngunit, o, munting anghel ko, natakot ako
natakot ako na
kung ilalahad ko ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay huhusgahan mo ako
kung hayaan kong buksan mo ang aking mga pinto
ay matatakot ka nang makita mo ang nilalaman nito
kung ipakita ko sa iyo ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay magugulat ka at lilisanin mo ako

kaya heto, ang munting anghel ko ay nanatili sa isipan lamang
ang marikit na imahe ko ay nanirahan sa kaloob-looban lamang

ang munting sigaw ko ay naging bulong lamang
isang bulong na nagsasabing:
o, munting anghel ko, mahal kita,
o, munting anghel ko, pangarap kita,
ngunit, o, munting anghel ko, natatakot akong sa piling mo'y ako'y madulas
at tuluyang mawala ka.

maroon na dyaket ang suot mo kanina
noong ako ay naarawan ng sikat ng umaga
at ng tawa ng ilang mga kahalubilo't kasama
at naroon sa gitna ng aking sariling mga tawa ay nakita kita
ngunit may kasamang iba

at siya'y ika'y inakbayan
at ika'y siya'y nginitian
at ako'y napaisip nang biglaan
kayo ba?
kayo ba?
kayo ba?

napakwento ang kaibigan ko:
alam mo ba,
ganun na nga
sila na
magdadalawang-linggo na.

hindi naman sa nasaktan ako
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa napatigil bigla ang tibok ng puso ko
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa nadurog ako nang mapansin ko na ang sukat ng maroon na dyaket mo ay mas sakto sa iyo at hindi niya nahihila pababa ang iyong buong pagkatao at siguro ito ay dahil siya ang kasama mo at hindi ako kaya para bang siya na ang nakabalabal sa iyong puso at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng kaniyang puso ay napaibig na sa iyo—

pero parang ganoon na nga.

ganoon na nga
dahil kayo na nga

kayo na
kayo na
kayo na.

ganoon na nga
dahil siya ang kasama mo

hindi ako
hindi ako
hindi ako.

siguro kung hindi ako natakot

siguro kung hindi ako natakot na ilahad ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay hindi ka na mananatili lamang sa isipan ko

siguro kung hindi ako natakot na hayaang buksan mo ang aking mga pinto
ay mapapabalabal ko na ang iyong puso

siguro kung hindi ako natakot na ipakita ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay ako na'y magiging iyo

siguro kung hindi ako natakot na madulas sa piling mo
ay mamahalin mo na rin ako

ngunit ayan na nga, o, munting anghel ko, natakot ako
at ayan na nga, o, munting anghel ko,
lahat ng ito ay hindi ko na nasabi sa iyo
at ayan na nga, o, munting anghel ko,

baka tuluyan nang mawala ang dilaw na dyaket mo sa buhay ko

maroon na dyaket na ang suot mo
ngunit ang dilaw na dyaket mo pa rin ang nakatatak sa isipan ko
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket mo ay nakabalabal pa rin sa aking puso

aking puso na nadurog, at patuloy na nadudurog hanggang ngayon
nang dahil sa dilaw na dyaket na suot mo noon

dahil sa dilaw na dyaket na suot na ng iba ngayon
Filipino translation: "Yellow Jacket". A Filipino spoken word poem.
Jeremiah Ramos May 2016
Meron akong labing-isang daliri
Ilang beses kong binilang noong bata pa ako,
sinigurado kung labing-isa nga ba talaga
at nagtataka,
nagtatanong kung bakit may sobra pang isa.

Meron akong labing-isang daliri
May kanya-kanya silang mga kwento.

Labing-isa,
Hindi ko alam kung biyaya ba 'to o sumpa
Hindi ko alam kung bakit ako naiiba
Hindi ko alam kung paano ko ba 'to itatago sa mga tao

Sabi nila, suwerte daw 'to, magiging mapalad daw ang buhay pag-ibig ko, yayaman daw ako.
Sabi nila, okay lang daw maging iba

Sampu,
Nakilala ko ang pagaalinlangan at inggit,
Umupo sila sa magkabilang balikat ko,
Hindi na sila umalis simula noon,
Hindi ko sila pinaalis.

Halos buong buhay ko, nanatili ako sa katahimikan,
Hindi ako magsasalita hangga't walang kakausap sa akin,
Hindi ko itataas ang kamay ko sa klase kahit alam ko ang sagot.
Maghihintay ako na tawagin ang pangalan ko,
na may pumansin sa akin,
Maghihintay na may pupuno ng katahimikan ko.

Kung sisiyasatin mo ang utak ko,
Mabibingi ka sa dami ng boses na hindi ko napalaya.
Nakakulong, sa kani-kanilang mga selda,
Kanilang susi ay nawala na,
Umaasa na sila'y mahanap at magamit para masabi ang mga dapat nasabi

Siyam,
Tsaka ko lang nalaman ang halaga ng mga salita,
Kung gaano sila katalim,
Kung gaano sila katamis,
Kung gaano sila kapait.
Kung gaano sila nakakapagpabago ng isang tao.

Walo,
Wala pa ring tumatawag ng pangalan ko.
Wala pang pumupuno ng katahimikan.

Pito,
Hindi ko na alam kung may tatawag pa ba,
Kung may makakapuno pa ba,
kung ilang salita pa ang makukulong hangga't sa buong katawan ko'y maging selda ng sigaw, pait, inggit, pagmamahal, rason, at galit.

Anim,
Sinubukan kong unang mag salita,
Magkwento tungkol sa buhay ko, sa nararamdaman ko.
Pero parang walang nakarinig.
Hindi ko alam kung mahina ba boses ko
o hindi lang nila ako napansin,
o kung pinili ba nilang hindi ako pansinin
o kaya wala lang talaga silang ****.

Simula noon, nakinig na lang ako.
Kaya ikaw, oo ikaw na may storya
Ikwento mo yung mga naaalala **** nangyari sa'yo noong bata ka pa
Yung mga bangungot mo,
yung pinakanakakahiyang, pinakamasaya at pinakamalungkot na mga sandali ng buhay mo,
yung una **** naramdaman ang kiliti sa puso mo noong naintindihan mo kung ano ang pag-ibig,
Ituring mo akong talaarawan mo,
Pakawalan mo yung mga salitang tinago mo nang nagalit ka.
Iiyak mo sa akin lahat ng luha na hindi mo nailuha nang iniwan ka.
Itatago ko 'to sa pagsara mo, at papakinggan kita muli sa pagbukas.
Papakinggan kita.
Papakinggan kita.
Sana pakinggan mo din ako

Lima,
Nananahimik at nakikinig pa din ako.

Apat,
Mananahimik na lang ako.

Tatlo,
Sa katahimikan ko,
Nakalimutan ko na kung paano magkwento,
Nakalimutan ko na kung paano umiyak

Nakalimutan ko na din yata kung paano magsalita.

Dalawa,
...

Isa,
Natuto ako sumulat ng tula,
Nakahanap ng makukwentuhan,
Naramdaman ang saya nang makatapos ng isang piyesang may parte ng mga salitang nakulong at nakalaya muli.
Nagkaroon ako ng matatakbuhan sa katahimikan.

Nagbabakasakali na maalala ko ulit kung paano umiyak,
kung paano magkwento muli, na may makikinig na sana sa akin.
Nagbabakasakaling maalala ko ulit kung paano magsalita.

Meron akong labing-isang daliri,
Hindi ko pa rin alam kung biyaya pa rin ba 'to o sumpa.
031717

Kanina, binibigyan kita
Kaso ayaw mo kunin
"Ang mahal naman," bulong mo
"Manghihingi na lang ako mamaya"
Nagtataka Ako sayo
Kasi mahilig ka sa mamaya
Pero alam ko, dyan sa "mamaya" mo
Kakailangan mo rin ako.

Umalis ka na
At nanatili Akong nakatiwangwang
Ahy oo nga pala,
Dinaanan Ako ng kaibigan mo
"Ang mahal, pero kailangan ko eh" sambit niya
At inakap niya Ako
At nagbigay siya.

Nahuli ka sa klase
Kasi sumama ka sa iba
Nakalimutan mo ba? Exam ngayon diba?

Magkatabi kayo ng kaibigan mo,
At nakita Mo Ako kasama siya
"Uyy, pahingi," bulong mo sabay turo sa  Akin
"O, sa susunod bawal na manghingi ah"
Wika niyang hindi nagdaramot.

Tinitigan mo Ako
Doon mo pinakilala ang yong sarili
Narinig mo ang mga tanong
At sa Akin mo ibinahagi ang lahat
Sana ganito na lang tayo palagi.

"Hindi ko to alam," nabasa Ko sa isip mo
Napuno ka ng kaba kasi baka bumagsak ka
Pero di ka nag-atubileng isuko sa Akin ang lahat.

Bago pa man malaman ng iba'y
Ako na ang unang nakaalam
Ng mga sagot mo sa kanilang
Nagpuno ng tanong sayong isipan.

Kinabukasan ang araw ng muli nating pagkikita
Alam kong kabado ka
Pero naghanda ka pa rin.
Dahan-dahan **** inihatid ang iyong sarili
Sa harapan kung saan naging saksi ang lahat
Hindi mo pa ako magawang tingnan
Pumikit ka at nanalangin
At sayong pagdilat
Sayong pagtitig, ramdam ko ang iyong galak
"Yes!" sigaw mo at doon ang unang yakap.
"Sana magkapapel na rin ako sa buhay mo. Sana wag ka nang humingi pa sa iba." - God
Crescent Feb 2020
Habang ako'y lumalaki isang aral ang tumatak sa akin
"Give your 101% sa lahat ng 'yong gagawin"
Kaya sa bawat aktibidad ay binuhos ko ang lahat ng aking makakaya,
Pati na rin sa pag-ibig ako'y nagmahal ng sobrang sobra.

"Too much of something is bad"
Yun nga ang sabi nila,
Pero bat 'di 'to nanatili sa utak ko? Ganon ba 'ko nabulag sa pag-ngiti mo?
Ano ba hinahabol ko dito,Kilig o saya?
Bakit ang tanga tanga ko?

Nung naghiwalay tayo'y pinangako ko sayo  hihintayin ko ang araw na pwede kitang makasama,
Pero bakit kita pinaasa?
Naghanap ako ng iba at binalewala ang pangakong ginawa.
At sa huli ako pa ang umiiyak, ako pa
umaasa.

Kung minahal nga kita ng sobra, ba't ko ginawa yun sayo?
Sabi ako ng sabi sa iba " pre minahal ko siya ng sobra", pero totoo ba?
Puro kasinungalingan lang ata laman ng lintik na bibig na to.
May kahulugan ba ang "I love you" na sinasabi ko sa iyo?

Bakit ang tanga tanga ko?
Bakit ba ako gan'to?

Pasensya na lang...Yun lang ang kaya kong sabihin na hindi kita niloloko.
Malinaw na malinaw ang aking mga kamalian.
Mas mabuti nga na di ako ang yong nakatuluyan.
Sana makahanap ka ng iba na magiging totoo sayo...
This poem is how I feel about myself when it comes to love...
Verse 1:
Wala sa yong mga mata
Ang kinang, kislap, na dati kong nasisilayan.
Bakit? Yan ang sinasabi ng
mga tala, buwan, maging kalangitan
na tuwing gabi’y ito ang nakikita
sa piling mo’t tabi. Ako’y nasasabik
sa yakap at halik.  

Bridge 1:
Aking inaasahan
na sanay di sabihing mawawaglit
ang oras, natirang sandali.

Chorus:
Sa pagpanaw mo nagkakadahilan
kung bakit ako’y nanatili’t,
naniniwala sa walang hanggan.

Verse 2:
Kahit may ibang magparamdam
Sayo ako, pangako yun magpakailan man.
Bakit? Dinig ko sa paligid ko
Sayo lang nabuo wasak kong mundo
Nang nag-iisa’y ikaw lang kasama.
Sa yakap at halik, sayo ko nabatid
na mahal kita.  

Bridge 2:
Aking inaalala
Sa panahong ika’y nabubuhay pa
ang oras, natirang sandali.

Chorus:
Sa pagpanaw mo nagkakadahilan
kung bakit ako’y nanatili’t,
naniniwala sa walang hanggan.

Sa walang hanggan
Naniniwala sa walang hanggan

Ang oras, at natirang sandali.
Naniniwala
PairedCastle Sep 2016
Wala ba talaga ako halaga sa iyo?
Kahit isang litrato ay wala sa iyong telepono?
Ganun mo ba ako hindi ka-gusto?
Ni hindi mo man lang ako kayang tignan na parang mahal mo?

Hindi kita matanong kung ano ang talagang iyong gusto
Natatakot sa maaaring isagot mo
Tinanong mo ako kung naiinip na ako
Gusto kong sumagot ng “Oo”

Ano ba ang gusto **** maging sagot ko?
Gusto mo bang ako na mismo ang kusang lumayo sa iyo?
Ano kaya ang iyong tugon kung sabihin kong may manliligaw na ako?
Ipaglaban mo kaya ako at ituring sa wakas na sa iyo?

Ayaw ko hanapin pa ang lugar ko sa puso mo?
Ano ba talaga ako sa pagkatao mo?
Nais mo ba akong manatili sa tabi mo?
Manatili hangga’t makahanap ka ng kapalit ko

Sana ay hindi ka na lang umamin
Sana ay nanatili na lang ng katulad ng nagsisimula pa ang sa atin
Nagpapakiramdaman, nagkakamabutihan
Walang aminan, nagtataguan

Ngayon ako ay nahihiya
Bakit ganun ang inasal ko sa aking pagsinta
Naging hindi totoong ako
Ninais na maging lahat na iyong gusto

Paano nga ba tayo magtatapos?
Tayo pa ba ay may simula sa pagtatapos?
Ako lamang ba ang sumisinta ng labis?
Ako lamang ba ang nag-iisip ng ganitong labis?

Sabi ng utak ko ay huwag na umasa
Huwag nang maghangad, tama na sa parusa
Kung gumagana man ang puso
Ang sabi nito ay sundin ang bugso

Maari naman natin ayusin
Sabihin mo lang sa akin ang iyong naisin
Ano ba ang gagawin upang maitama ang mali?
Ano ba ang gagawin upang maging pag-aari mo muli?

Ganito talaga ang aking pag-ibig
Laging sawi, laging nagsusumamo
Pag-ibig na hindi lagi masuklian
Hindi mahalaga sa kahit na sino man
August 14, 2016
21:00
Faye Feb 2020
Andito na naman ako
Magsusulat na naman para matandaan
Mga pangako na minsan mo binitawan
Nagtatampo at nasasaktan
Nasaan ka? Bakit hindi kita maramdaman?

Natatandaan mo pa ba yung pangako mo?
Pangako mo na mananatili ka sa tabi ko?
Sinabi ko sayo na aalis na ako
Na ayoko na at sumuko na tayo
Pero nanatili parin sa piling ng pareho.

Mahal, alam natin saan tayo lulugar pareho
Kung hanggang saan lang ang meron "tayo"
Pero ang pangako mo na hindi mo ako pababayaan nasaan?
Naglaho na ba at tuluyang nakalimutan?
Nakalimutan o hindi mo mapanindigan?

Hindi mapakali't nanghihinayang
Mga binitawang salita at nararamdaman
Pilit binubura lahat ng ugnayan
Ugnayan na nabuo sa pag-iibigan
Hanggang umabot sa desisyon na wakasan.

Mga pangako natin sa isa't isa
Napako at nawala na
Tila ba kay bilis lang uli mapag-isa
Yung sakit na hindi ko maramdaman noon
Ay unti unti ng yumayakap sa akin ngayon.

Mahal, salamat sa masasayang araw natin
Mga araw na nabuo ng masarap na salita sa atin
Larawan mo na hindi makakalimutan
Haplos at yakap mo na hindi mapantayan
At sa mga pangako na iyong binitawan.

Salamat sa masasayang kwento
Na itatago ko hanggang dulo
Salamat dahil naging parte ka ng buhay ko
Masayang alaala ng babaunin ko
Ito na ang dulo na kayang tanggapin ng puso ko.
Eugene Jul 2018
"Tell me, have you ever known one man that never made mistakes in his entire life? Tell me?" hindi ko maiwasang hindi itanong sa kaniya ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng aking puso.

Nanatili lang siyang tahimik. Wala akong makitang kahit na katiting na emosyon mula sa kaniyang mga mata. Nagawa pa nga niyang balewalain ang tanong ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang niya ako tingnan.

"I need you to see the worst part of me and this is what I am aiming to you right now. Hindi mo ba nakikita kung gaano ako ngayon nasasaktan sa harapan mo, Rheka?"

Hindi ko gustong ilabas ang saloobin ko sa kaniya pagkat sobra akong nasasaktan sa bawat mga salitang binibitiwan ko.

"Hindi pa ba sapat ang mga nagawa kong 'perfect' things sa iyo?" muli akong nagpakawala ng tanong sa kaniya. At sa wakas ay kusang nagkaroon ng sariling isip ang kaniyang dila.

"You have everything a woman will die for, Forester. Those perfect things you showed to me; travel around the world, walking on one of the most beautiful beaches in the Pacific, eating at the most expensive restaurants, and spending time alone were not enough. We were married for 10 long years, but you have never fulfilled my lifelong wish and that's to conceive a child, Forester."

Natulala ako at naurong ang aking dila sa mga salitang lumabas sa bibig niya. Ang buong akala ko ay masayang-masaya na siya dahil lahat ng pangangailangan niya ay naibibigay ko maging ang mga luho niya ay napupunan ko.

"It is not enough to spend one day, once a week, once a month, twice or three times a year spending your time with me. They are all not enough. Hindi sa akin umiikot ang buhay mo kundi sa trabaho mo! Sampung taon, Forester! At sa sampung taong iyon ay puro ka na lamang trabaho, business appointment, at kontrata sa bawat kliyenteng naipapasa mo. Nasaan ako roon sa mga prayoridad mo?" pinilit kong huwag kumurap sa kaniyang susunod na sasabihin.

"I am ending this relationship. I'm leaving..." tinalikuran na niya ako. Napako ako sa kinatatayuan ko pero maagap kong nahawakan ang kaniyang kaliwang braso pero iwinakli niya lamang ito at nagmamadaling lumabas.

Nang unti-unti nang lumalabo ang aking paningin ay doon na bumuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

Ilang beses kong ipinaintindi sa kaniya mula nang maging kami at nang maging mag-asawa na siya ang prayoridad ko. Sa kaniya at para sa bubuuin naming anak ang lahat ng ginagawa ko. Hindi siya nakapaghintay.

Oo, aaminin kong may mali ako dahil kulang ang oras na inilalaan ko sa kaniya at ang kagustuhan niyang magkaroon kami ng anak ay hindi lingid sa kaalaman ko. Gustong-gusto kong sabihin iyon lahat sa kaniya, ngunit ayaw niya akong pakinggan. Sa tuwing nagkakaroon ako ng oras ay sinisigurado kong naroon ako sa tabi niya.

I have always updated her on my whereabouts and what I am doing because I don't want her to realize that she's not my priority. I even cancelled my appointment and rush into her to save her from danger.

Sinubukan kong tawagan siya nang makailang ulit hanggang sa umabot ito sa sampung missed calls pero pinapatayan niya lamang ako. I even texted her just to explain it to her, but I never recieve a response.

What else can I do? Do I have to end this?



After almost a week calling and texting her, I decided to go to her family house. Gabi na nang makarating ako sa kanila. Alam kong naroon lang siya. Pababa pa lang ako ng kotse nang makita kong lumabas siya at hila-hila ang malaking maleta.

"Please, Rheka. Let me explain. Mali ang iniisip **** hindi kita prayoridad... na wala ka sa prayoridad ko."

Iwinawakli niya ang mga kamay ko. Naipasok na niya sa likuran ng kotse ang bagahe niya pero hindi niya pa rin ako kinakausap.

Panay ang wakli niya sa mga kamay ko. Kitang-kita ko kung paano siya mairita.

"LEAVE ME ALONE! From now on, I want you to stay away from my life! Stay away!"

Kahit naiipit na ang mga kamay ko ng pintuan ng sasakyan ay umasa pa rin akong makikinig siya akin pero wala. Wala na akong nagawa kundi ang hayaan siya. Pinaharurot na niya ang sasakyan at ako naman ay naiwang nakatulala.

What else can I do? I was aiming at her heart to forgive me, but its like I'm shooting with a broken arrow.

I went back to my car. Tuliro at basta-basta na lamang pinaharurot ito nang mabilis. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tumigil sa isang mahabang tulay. Lumabas ako at nagkaroon ng sariling pag-iisip ang aking mga paang umakyat sa tulay na iyon.

With arms wide open while tears running down my face, I jump off the bridge.

Nang unti-unting pumailalim ang katawan ko ay naaaninag ko ang isang puting liwanag na may nakakasisilaw na mga pakpak. Nang imulat ko ang aking mga mata ay naramdaman ko ang pagaspas ng dalawang pakpak sa aking likuran at ako ay inangat mula sa kailaliman ng karagatan.

--Wakas---
kingjay Dec 2018
Ang haplos ay malamig
di man naninigas
nanatili walang kibo
Sa paghagok ay naninibago
-walang malay parang nag-iidlip

Isigaw ang pangalan ng mga santo, patron at lalo na  ng Diyos
-magbigay pugay
Ang pulso muna ay hanapin mula ulo hanggang binti

Ginto at pilak, walang katumbas
Ang hinirang na anak Niya'y di kinalimutan
Parirala ng buhay ay papintig-pintig
sa ibang dimensyon na ng daigdig

Tuldukan ang kasulatan sa Libro ng mga Buhay
Sapagkat buhat-buhat ang maputlang kamay
Sa kuko matatanto habang nakaratay
Nagiginawan pati ang laman na nasa hukay

Libu-libong ektarya ang pagpapasyalan
Maraming kakaibiganin maging sinuman
Nakikipagkapalagayan ng loob ang lahat-nagpapatawad
Pagbubuklodin ng pagsinta

Nililok ang estatwa sa dibdib ay namalagi
Paalalang ipirmi, di iwaksi
Samut-saring emosyon ng dilim ang ginamit sa pag-ukit
lovestargirl May 2015
TAGUAN:
Sa ilalim ng nakakapasong init ng araw,
Tumatakbo tayong magkahawak ang kamay,
Nagbibilang hanggang isang daan,
papalayo sa tayang kalaro.

Sabi niya’y tagu-taguan,
at tayo nama’y nagbilang.
Ng isa, ng dalawa, hanggang tatlo.
At hangggang doo’y nanatili sa likod ng puno.

Ngumiti ka, at ako din. Tumawa ka, at ako din.
Saka napuno ng tawanan ang buong mundo ko.
Napuno ng ikaw at ako ang buong maghapon.
Hanggang sa bumaba na ang araw.

Rinig ko na ang tawag ni inay,
At naramdaman ang pagbitaw sa kapit ko.
Hindi mo man pansin ito,
pero para itong isang malagim na pagtatagpo.

Ngayo’y paalam muna,
Hanggang sa muling pagtatago, at pagtatagpo
Ng ating sabik na mga puso sa larong tayo’y tinago.
Sa mundong ating binuo, na tayong bumubuo.
Marinela Abarca Jun 2015
Nagdasal at humingi ng isang tao
Na magtutulak sa akin para bitiwan na ang panulat na ito
Isang tonelada at mahigit na ang mga salitang pasan ngunit hindi pa rin ako nabibigatan.

Mali ang akala.
Hindi pa pala.
Lalo lang umitim ang tinta.
Dumiin sa papel ang pluma.

Nanatili pa ding naka-dantay
ang mga salita sa namimitig kong kamay.
Hinihintay nalang mamanhid
para hindi manatiling nakasilid
ang mga naipon na tula't sanaysay na wala nang saysay.

Hindi na ko humihiling
ng isang dahilan na dadating
na aalayan nitong mga salitang
naririnig at binabasa lamang.

Mga letra na binibigyang kulay,
nagkakaiba lamang sa kung sino ang bumubuhay.
Nakakapagod mag pinta
kung ang bawat makakakita ng obra,
babaguhin ang imahe sa kung ano ang nasa harapan nila hindi man lang isipin na magkakaiba tayo ng mata.
Inilarawan **** berde, gagawin nilang kahel.
Tinta mo na asul, hahawakan at magiging pula.

Siguro nga itong mga kamay na biyaya,
hindi na para sa papel at tinta.
Kasabay ng maraming paalam
ang huling isinulat na liham.
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
JK Cabresos Feb 2016
Isang minuto,
kahit isang minuto lang,
para matitigan ko pa ang kislap
ng iyong mga mata,
isang minuto
para marinig ko pa ang boses
mula sa mapang-akit **** mga labi,
isang minuto,
isang minuto lang
para maramdaman ko pa
ang pintig ng iyong pusong
sumisigaw ng mahal mo ako.

Oo, mahal kita,
susulitin ko ang bawat minutong
hawak-hawak ko
ang iyong mga kamay,
sa mga panahong
nanatili ka pa ring matatag
sa di natin napagkakasunduang
mga bagay-bagay,
mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin
hanggang sa maubos man ang tinig
o ang ating himig,
basta pangako,
kailanma'y di maglalaho
itong aking pag-ibig.

Isang minuto,
isang minuto lang bago ako umuwi,
isang minuto para masabi sa'yo
ang bawat katagang nakaukit
sa pinakakasulok ng aking puso,
mga katagang nais maipabatid
itong nagsisidhing damdamin,
mga emosyong mahirap ipaliwanag,
at bawat bugso ng gunitang
nasa bahaging ang meron lang
ay ikaw at ako,
tayo,
at wala ng iba,
di natin kailangan ng kanilang opinyon,
para lumigaya.

Mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin sinta,
dito sa mundong walang kasiguraduhan,
nakakasiguro kang minamahal kita,
di kita bibitawan,
di kita pababayaan,
sasamahan kita
maging sa gitna man ng ulan,
isang minuto lang,
oo, isang minuto pa,
at pagkatapos nito'y mas mahal na kita.
Copyright © 2016
kingjay Jan 2019
Na minsan ang mga puso'y nagpalikawlikaw
Ginugunita ang dating panahon
Ang dapyo sa pisngi ng
makapanlulumay niyang tinig

Paano makukuha kung hindi ibibigay
At ibibigay kung hindi naman hinihingi
Kahit di man hingin basta tuwiran lang maipatalastas
ang nadarama na umilandang na lingid sa kanyang mga mata

Nakatungo ang ulo
Hanap-hanap ang tumilapong pag-irog
na nangabusog sa pagtingin-tingin
Mabilis kapag sa biro akayin
at sa pag-uusap na naglulubid ng buhangin

Napigta ng panghihinayang
Tila sa salmuwera'y babad
Nanatili sa pangangalaga ng kaalatan
naka-imbak para sa kanya
subalit wala ng kabuluhan

Taganas tulad ng kalikasan
Ang yumi'y pasukdol nang sumikat
Walang anuman ang bumahid
Sa kutis niyang malinaw
nababanaag ang luntiang ugat
081721

Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.

Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.

Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.

Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.

Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.

"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
kingjay May 2019
Sa lugar na malawak
mga paa ay di magawang makatongtong at nanatili lumulutang
Pangyayari na di kailanman magaganap

Kathang isip ay isalin
sa gawa at nang maging
ang kaganapan sa imahinasyon matutupad
Magpursigi sa gusto
Imahinasyon ay totoo

Sa pamamagitan ng patpat ay gumuhit sa lupa ng larawan
kung ano ang nakikita sa harapan
ay sandalan ng likuran

Lalangin ang layunin
na sa buhay ay may kahalagahan
sa bisyo't sugal kung nahahalina
Dumikit sa dating landas at kasaysayan

Pagmamahal na maging mito
Isang buang, tumatahol na aso
Di na isasalin pa
sa wika na nasnaw ng dila
Maaalala muli ang pagmamahal na di nagmamaliw
ESP Feb 2017
sa unang sulyap, nabago mo lahat
sa unang isang oras, isang iglap
ako ay iyong iyo na

sa sandaling nakita ang sinag sa iyong mga ngiti
nagbubunyi ang mga matang naaakit
sa mga sulyap nating nagsasalit
di ko inasahang mananatili

patawarin; di ko na mai-alis
ang titig ko’y wari’y di mo na nais
di na matiis ikaw sulyapan pa
sana’y di na ito matapos pa

ang sandaling nakita ang sinag sa iyong mga ngiti
nagbunyi ang mga matang naakit
sa mga sulyap nating nagsalit
di ko inasahang nanatili.
Isang kanta.
Eugene Oct 2018
Abalang-abala ka sa pakikipag-usap sa iyong kustomer at hindi mo na namalayang tumatakbo ang oras. Ang nasa isip mo lamang nang mga oras na iyon ay matapos mo ang iyong trabaho nang walang palya at walang ano mang iisipin pa. Nang iyong tanggalin ang headset ay doon mo lamang napansing ikaw na lamang pala ang nag-iisang ahente sa ikatlong palapag ng opisinang iyong pinapasukan sa isang call center.

Tanging ang liwanag na lamang sa iyong station ang tanglaw nang mga oras na iyon. Kaya naman ay sinipat mo ang orasan sa iyong wrist watch at napagtantong isang oras na lamang at sarado na rin ang buong building at kailangan mo ng umuwi.

Inayos mo na ang iyong mga gamit at siniguradong na-i-document mo nang maayos ang mga calls recordings mo. Nag-inat-inat ka pa muna bago mo pinatay ang monitor at CPU ng iyong kompyuter. Hinintay mo munang naka-shut down na ito bago ka tumayo. Nang tuluyan na nga itong namatay ay agad **** binitbit ang iyong back pack. Nang tatalikod ka na ay isang malamig na simoy ng hangin ang nanuot sa iyong balat.

Sa iyong pagkakaalam ay sarado naman ang mga bintana sa opisinang iyon at sigurado kang pinapatay na rin ang aircon kapag isang tao o walang tao nang naiiwan roon. Ngunit, kakaibang lamig ang iyong naramdaman. Hindi lang iyon dahil isa, dalawa, at talong beses kang nakarinig na may nagtitipa sa keyboard.

Halos lumabas na ang iyong mata sa takot pero nanatili ka pa ring matapang. Huminga ka muna nang malalim at agad nilingon ang kanina pang nagtitipang bagay sa iyong likuran. At doon ay lalo kang nanginig nang makita ng iyong dalawang mata ang biglang pagliwanag ng monitor at sunod-sunod na pagtitipa ng wala namang kamay na mga letra sa keyboard.

Nang mag-flash sa screen ang mga letra ay doon ka na nagtatakbo palabas dahil nakasulat doon ang mga katagang TYPING KEYBOARD  na may kasamang pigura ng duguang bungo.
reyftamayo Aug 2020
At sumibol ang mga mapagbunying isipan
sa makapal na balat ng lupa.
ang pinagtatakhan ko lang ay bakit
tila tinatangay tayo ng malakas na
daluyong ng karunungan patungo sa dagat
ng kalituhan?
ito ba'y matatawag na kamangmangan
sa sarili o sakit na nagdudulot ng
panghihinang tumayo sa paa,
na taas ang noo, at may pagkukusa?
ano nga kaya ang nagtatago sa likod
nitong makulay na isipan?

nanatili ang karamihan na pikit-mata
sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa
habang ang iilan ay abala sa
paghubog ng mga bagong panaginip
na syang lililok o lilipol sa
buong sanlibutan.
hindi man sinasadya, o inaasahan,
nagsilbing mantsa sa puso't puson
ang mga panaginip na ito.
kahit na sa mga pagkakataong
sarado tayo.
walang malay nating sinasagap
ang mga pakalat-kalat na talino
na para bang pagkain kung ito'y
manukso sa nagugutom na kalamnan.
kahit pa ito'y ikamatay,
mapagbigyan lamang
ang uhaw na nararamdaman.
hanggang sa tuluyan na itong
umalipin sa sinumang magtangka
na kumawala.

o sumpa ng galit na apoy
ng nagbabagang impyerno?
tayo lang ang inaasahang sumaksi,
maging alin mang panig
ay tama o mali.
malaya tayong mag-isip
at mawalan ng saysay na parang
alikabok sa higanteng pusod
ng mabangis na lipunan.
o kaya naman, palihim na sumibol
sa gitna ng disyerto
kahit na nag-iisa.
Louise Aug 17
Ang wikang nanlaban,
ay ang wikang nanatili.
Ang wikang di nag-atubili,
ay ang wikang nagwagi.
Ang wika ng mga matatapang,
ay ang wikang di maaagawan.
Ang wikang awitin ng araw
at ang wikang tula ng buwan.
Ang wikang harana ng habagat
at ang wikang isinulat ng dagat.
Ang wikang ibinaybay ng alon
at ang wikang di aanurin ng baybay.
Ang wikang sinambit ng mga ninuno
na kailanman ay di mamamatay.
Ang wikang ginamit ng mga bayani
na habambuhay nang mamamalagi.
Ang wikang matapang,
ang wika ko magpasawalang-hanggan.
Isang oda sa Tagalog, ang wikang matapang at ang wika ng mga matatapang. Para sa buwan ng wika.

— The End —