Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Sadyang ikaw nga'y isang bituin
Na sa langit ay nagbibigay ningning..
Umaasa ako na ika'y maabot at maging akin.
Umaasa na ako'y iyo din mahalin..
Sadyang ikaw nga'y isang bituin
Na sa gabi'y nagbibigay buhay..
Ako'y umaasa na ika'y makamtan.
Nang sa gayon ang aking buhay ay gawin **** makulay..
Pero sana naman pag ika'y napasaakin
Wag ka ng kumawala at ako'y iyong lilisanin.
Na pagnatapos ang gabi't sumapit ang umaga
Ika'y mawawala at mawawalay sa akin..
Gwyn Biliran Nov 2016
Samahan mo akong kumawala, iwanan natin ang mundong ito sinta.
Ikaw ang nais makasama sa pag-iisa, ikaw ang aking pahinga.
Maglakbay tayo patungo sa kawalan, ang ingay at gulo ng mundo'y ating takasan.
Hanggang kailan ito magtatagal?
Walang kasiguraduhan, pero pinapangako kong hindi kita bibitawan.

Tara roon sa dalampasigan kung saan mistulang ang mundo'y tayo lang ang nilalaman.
Hayaan **** ang iyong mga kamay ay aking hawakan habang tayo'y nagsasayaw sa ilalim ng buwan.
Ipikit ang iyong mga mata at damhin ang pag-ibig ko, sinta.
Ituloy natin ang pagsasayaw na walang ibang musika kundi ang aking pagkanta.
Mga noo'y magkadikit habang ang mga mata'y nakapikit.
Higpitan ang iyong kapit, huwag kang matakot lumapit.

Sa maiksing panahong tayo'y nagkakilala, ako'y iyong tunay na pinasaya.
Ikaw sa akin ay tunay na mahalaga. Hindi kayang ipaliwanag ang nadarama.
Huwag kang mangamba, sa puso ko ay mananatili ka.
Halika sa mga bisig ko, mahal.
Panahon natin ay di na magtatagal.
Ang pagtatapos ay nalalapit, yakapin mo ako nang mahigpit.
Nalalabing oras ating sulitin, pangakong ito'y ating uulitin.

Huwag ka nang malungkot, huwag nang sumimangot.
Huwag nang pumiglas sa aking yakap, damhin ang ihip ng hanging kay sarap.
Kasabay nang pagtatapos ng gabi ay ang pagtatapos ng ating nakaw na sandali.

Dahil tayo ay alon at dalampasigan, tinakdang magtagpo kahit panandalian.
Tayo ay alon at dalampasigan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan, ang lugar na aking pahingahan, aking takbuhan, aking pansamantalang tahanan.
Ako ang alon at ikaw ang aking dalampasigan; ako sa'yo ay lumalapit, pilit kumakapit, ngunit kailangan kong lumisan.
Ako ang alon, ikaw ang aking dalampasigan; malayo man ako saglit, ako'y babalik at aasang tadhana'y pagtatagpuin tayo ulit.
Lev Rosario Sep 2021
At kumawala ako sa panahon
Ako
Hawak ang camera
Pagkatapos kunan ng letrato
Ang pamilya
Sa lumang bahay
Na unti unting ginigiba
Nang mga elemento

Sino ba ako?
Sino itong mga kasama ko?

Nasa dulong kanan
Ang aking tinatawag na Ina
Naka puting T shirt
At itim na pantalon
Malaki Ang ngiti
Pero tila may tinatago
Sa likod ng mga mata

Nasa dulong kaliwa
Ang aking tinatawag na Tito
Bitbit ang kanyang Dachshund
Ang anak ay
Hindi imbitado sa handa
Yumaman sa pagtatrabaho
Sa Estados Unidos

Sa Gitna
Ang aking tinatawag na Lola
Hindi na ngumiti
Ubos na ang mga araw
Kung saan siya'y napapangiti
May sugat na hindi na gumagaling
Dahil sa Diabetes

Nakapaligid Ang iba
Mga pinsan, Tito at Tita
Makukulay ang suot
Maiingay at matatakaw
Bata at matanda

Lahat ng ito
Kasama ako
Nanggaling sa iisang matris
Mula bata hanggang pagtanda
Nakipagsalamuha, naglaruan, naglakihan, nagmahalan, nag awayan...
Ito kami
Ito ako

Ano ang ibig sabihin nitong lahat?

Nakatitig ako sa letrato
Habang natunaw ang madla
Maya't maya ay uuwi na
Sa kani-kanilang tahanan
Iisa ang pinanggalingan
Saan ang patutunguhan?

Sino ba ako?
Sino itong mga nasa letrato?

Ako ay may ina
Ang aking ina ay may ina rin
At ang ina ay may ina rin
At ang ina ng ina ay may ina rin
At ang ina ng ina...

Katabi ng aking Tito
Ang panganay na pinsan
Muntik nang mamatay sa dengue
Noong kabataan
Naghahanap na ng trabaho
Naghahanap na rin ng girlfriend

Bawat isa ay may pangarap
May iba't ibang Diyos
May iba't ibang lengguwahe

Ako
Ang tagakuha ng letrato
Sino ba ako?
Miyembro ng isang pamilya
Estudyante, kapatid, anak, pinsan, pamangkin, kaklase, kalahi
Tagasulat ng tula na ito
Tagakuwento ng mga nakalimutan at  makakalimutan
Tagapagmahal ng mga taong pwedeng mahalin
JOJO C PINCA Nov 2017
“Whatever satisfies the soul is truth”
- Walt Whitman

Sadyang mapaghimagsik ang iyong panulat ‘pagkat nilabag nito ang lahat ng tugma at sukat. Isa kang tunay na rebolusyunaryo sa larangan ng panitikan ng tulaan. Sinalungat mo ang tradisyunal na konsepto ng panulaan. Binigyang laya mo ang galaw ng damdamin upang ganap na kumawala ang tinig ng kaluluwa at sinabi mo na ito nga ang wagas na kahulugan ng tunay na tula. Na ang tunay na tula ay hindi dapat limitahan ng sukat, tugma at ritmo sapagkat ito ang sigaw ng kaluluwa’t damdamin.

Bagama’t hinamak ka nila at inusig noong ikaw ay nabubuhay pa subalit napatunayan mo naman sa lahat na tama ang doktrina mo’t pananaw. Ngayon ikaw ang tinitingala at binabathala ng lahat ng mga makata, ikaw ang itinanghal na ama ng Malayang Taludturan.

Salamat sa Leaves of Grass at Song of Myself kung saan ipinagdiwang mo ang pag-ibig mo sa buhay, kalikasan, kaibigan, pamilya at sa lahat ng mga bagay. Sabi nila bastos daw ang mga tema at paksang iyong tinalakay palibhasa’y nagpakatotoo ka sa iyong sarili at pagsasalarawan ng buhay.

Salamat mahal na **** sa iyong ginintuang pamana sa amin, salamat sa Malayang Taludturan, salamat sa pag-ibig mo sa panuluan. Ikaw na nga talaga ang humalili kina Dante, Homer at Ovido. Mananatili kang buhay sa aming ala-ala mahal na pantas.
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
renea lee Oct 2015
.,.
Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Eba
Nang kainin ni Adan
ang tanda ng kasalanan?

Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Adan
Nang una niyang nasilayan
ang ganda ni Eba
Na hinugot mula sa kanyang tadyang?

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung paanong sa pag-ikot ng mundo
Ni minsan hindi nagtagpo ang araw at buwan?

Hindi baga nakapagtataka
Na sa dinami-dami ng tao sa mundo
Na sa paglipas ng dapit-hapon
At pagsikat ng araw

Natagpuan kita-

Sa isang araw na hindi inaasahan
Nakita
Nakilala
Nakasama

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung papaanong ang bawat kaluluwa
Ay nagkakadaupang-palad
Ay nakakahanap
Ng mga kaluluwang mapagkakanlungan
Sa pag-ikot ng mundo
Sa paglipas ng panahon

Tulad ng atin-

Hindi ikaw yung ordinaryong babae
Sapagkat ang pagsabi sa babae ng ordinaryo
Ay parang pagmura sa isang santo

Sa iyong mga mata nakasillid
Ang isa pang babaeng
Nais kumawala
sa mundong kanyang kinagagalawan

Kimberly-

Pangalan mo’y hindi sayo lamang kumakanlong
Marami kang katulad
Pero ang pinagkaiba
Ikaw ay ikaw-
Sa kung paanong ang pangalan mo
Ay bumalot sa iyong katauhan
Sa kabutihan maging sa kasamaan

Isang babaeng naghahanap ng kasagutan
Sa mundo ng mga tanong
Na tila ba ang mga sagot ay hindi maapuhap
Na tila ba lahat ng ito’y
Nagtatago sa mata ng bawat isa
Na ang pagtitig sa mga ito’y hindi sapat upang matanto
Ang katotohanan na bumabalot sa atin

Sa iyong katauhan ay may nakabalot na sikreto
Isang misteryo na hindi ko kailan man malalaman
Ngunit kahit gaano man kadilim o kaliwanag
Hindi nito madadaig ang misteryo
Sa kung papaanong tayo’y nagkakilala
Sa isang panahon na pangkaraniwan lamang

Dalawang dekada-
Ang buhay mo sa mundo
Sa dalawampung taong paglipas
Maraming taong dumating
At marami ring umaalis
Binalot ng lungkot
Yinakap din ng saya
Ang iyong pagdating
Sa mundo ng kabagabagan

Pasalamat na lamang
Na sa paglipas ng lahat ng ito
Kaluluwa mo’y dagling naapuhap
Na parang liwananag sa kandilang papaupos

Maligayang Kaarawan, Mahal kong Kaibigan

R. L. Alcantara
*Enero 28, 2015
i made this free-verse poem for my friend’s birthday last january. intentionally, it's been 9 months now and i'm still not giving it to her. and as i think of it, i probably won't.
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The essence of reality is contradiction”
- Hegel

Ang tao ay likas na malaya, nabubuhay na malaya at dapat na maging malaya. Walang karapatan ang sinoman na mang-alipin. Hindi tayo pag-aari ninoman at walang taong ‘pweding umangkin sa kapwa n’ya. Ito ang batas ng kalikasan at ng uniberso. Walang panginoon at busabos, walang dapat na nag-uutos, at wala dapat mga alilang tagasunod. Sana ang buhay ay puro na lang Rosas at walang posas.

Subalit nagdilim ang kasaysayan nang maghari ang kasakiman na pinukaw ng matinding paghahangad ng iilan sa kayamanan. Kailangan na makakuha ng maraming kalakal nang lumawak ang merkado. Pero teka sino ang gagawa nito? Edi kunin ang mga mahihina at gawin silang mga alipin, pilitin na magtrabaho sa ilalim nang hagupit ng latigo. Hawakan sa leeg o di kaya naman ay kitilin, sa ganitong paraan sila dapat na pasunurin.

Tanang pagmamalabis ay may wakas. Hindi lang si Spartacus ang nag-alsa kundi pati ang mga itim na alipin. Sumiklab ang himagsikan sa paghahangad ng mga alipin na kumawala sa kanikanilang mga tanikala.

Dumating ang panahon ng Piyudalismo, nagbagong anyo lang ang halimaw at muli n’yang inalipin ang mga kapos-palad at mahihirap. Nangibabaw ang Aristokrasya na parang maitim na ulap na lumalambong sa himpapawid kaya hindi makita ang sinag ng araw. Salamat na lang at bumagsak ang Bastille at nagtagumpay ang rebolusyong Pranses.

Mula sa mga guho ng lipunang piyudal ay lumitaw ang mga bagong panginoon, ang mga Burgis. Sila ang mapagsamanta at naghaharing-uri sa ating panahon. Mga kapitalista, elitista at mga burgesya komprador.

At tayo na nasa baba, tayo na ang puhunan para mabuhay ay dugo’t pawis, tayo na mga proletaryo ang s’yang makabagong alipin. Mga alipin ng burgesya na ating pinapanginoon, tayo na lumilikha ng yaman ng bansa ang s’yang laging pinagsasamantalahan at binubusabos. Tinatakot na gugutomin kapagka hindi nagpa-ubaya at sumunod sa utos.

Habang tumatagal ay tumitindi ang mga salungatan at kontradiksyon sa pagitan ng mayaman at ng mahirap. Bulkan ito na sasabog sa bandang huli.

Ang batas ng kasaysayan ang nagsabi na ang lahat ng uri ng pang-aapi ay magwawakas. Nag-alsa ang mga alipin, naghimagsik ang mga pesante hindi magtatagal gustuhin man natin o hindi titindig ang mga proletaryo at sama-sama nilang ibabagsak ang kapitalismo na itinataguyod ng mga burgesya komprador.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
kahel Dec 2016
Nandito tayo sa unang parte na di ko alam kung paano naiwasto
Hinihintay ang inaasam na pagbalik mo
Tulad ng aso na nag-aabang sa paguwi ng kanyang amo
Ikaw ang kalakasan at siya ding kahinaan ko
Daig ko pa ang isang tanga sa pagiging uto-uto

Nandito tayo sa iisang bangka ng ating paglalakbay
Ako yung nagsasagwan ngunit ikaw yung unang nangalay
Kaya pala nanlalamig na parang isang bangkay
Ang mundong nilisan ay hindi na maipapantay
Bulaklak na sabay itinanim ay simula ng mamatay

Nandito na ako at hawak ang libro, ililipat na sa huling pahina
Ang mga sigaw na naging mga bulong na sa hina
Hirap na tiniis at pighating matagal ng gustong kumawala
Nagwawala, nawawala, na parang ibong na sa hawla
Dalawang pusong pagod, na kailangan ng mag-pahinga at huminga
zee Aug 2019
dito lang tayo sa gitna
kung saan lahat ng bagay
ay walang kasiguraduhan;
magulo at kumplikado dahil
walang nais na kumawala;
natatakot na may mawala
at 'di rin magtagal
hindi rin makaangal dahil
may posibilidad na mangyari
ngunit hahayaan na lang ba natin
na ang takot ang maghari sa'tin?
subalit tila wala na ata akong magagawa
ikaw na ang nagpasya.
ito na lang ang natatanging paraan—
pipigilan ang nararamdaman,
magkukunwaring walang alam,
magbubulag-bulagan sa katotohanan
upang manatili ang pinagsamahang iningatan.
ang nais lang nama'y ika'y nandito—
nasa sa'king tabi at kapiling ko.
kaya't sana'y walang magbabago
dahil nandito lang naman
ako para sa'yo,
kaibigan ko.
elea Feb 2016
"Bago yan ah"* aniya ng makita ang converse kong pula.

Wala eh, wala nako maisip para makuha ang antensyon mo, mapansin mo.
Naubos nga lahat ng ipon ko para sa sapatos na to.
Balita ko kasi mahilig ka daw sa kulay pula at nangongolekta ka daw ng mga branded na sapatos.

Ako yung tipong hindi maganda namay porselanang kutis gaya ng iba.
Hindi katangkaran, pero pwede nadin para sa isang kolehiyala.
Walang bag na ang tatak ay Guess,
At magagandang damit na galing sa Mall.

Simple lang ako, laging may hawak na libro.
Nalilimutan mag suklay dahil baka maiwan ng jeep papuntang terminal ng LRT.
Hindi naliligo sa pabango na padala galing abrod.
At higit sa lahat, hindi nag susuot ng ibang sapatos bukod sa pinag lumaan kong rubber shoes.

"Converse yan diba?" Dagdag niya ng hindi ako sumagot sa pag pansin niya.

Ang totoo ay hindi ko alam ang sasabihin.
Hindi ko alam pano ibubuka ang mga bibig at sasagot ng "Oo, buti naman napansin mo".
Wala ako lakas ng loob.

Tanging pag tango nalang ng ulo ang  kilos na kayang gawin ng katawan ko.

Kumaripas ako ng pag lakad papunta sa silya sa dulo ng masikip na klasrum.

Nag simula ang klase.
Hindi ako maka pokus sa sinasabi ng Prof patungkol sa "Theory of relativity" ni Einstein.

Tumititig sa wall clock sa taas ng pisara na kinatatayuan ni Ma'am Montemayor.

Sa wakas biglang tumunog ang bell na nag sasabing tapos na ang klase.

Palabas na ako nang muli mo kong tawagin.

"Hi, pwede ba ako sumabay sayo mag lakad papunta sa Math class?alam mo naman ayaw ni Sir. Henry ng late" pabiro **** sinabi.

Wala nakong nasabi kundi ang mga katagang "Okay lang naman".

Tinatago ang ngiti na gusto ng mag kumawala, habang nag iisip at nag papasalamat sa Converse kong Pula.
#tagalog #sneakerhead #alayanNgpagtingin
-pbwf-
Sa pagpikit ng mata, pilit kong kinukubli.
Baka ang luha ay mapigilan, tulad ng iyak, naging hikbi
Pilit na ikinulong ang mga tubig ng pait
Pilit na nilululon ang sakit, ang hapdi

Gumuguhit ang sakit sa puso kong nagmamahal
Hinihiwa ito, tila di na tatagal...
Nanataling pikit at luha ay pinipigilan...
Tulad mo sa pusong ayaw kang pakawalan.

Hindi na ba talaga ako mahal?
Kung hindi na'y, huwag na akong gawing hangal...
Hindi na ba talaga ako iniibig?
Kung ganun, pakawalan na sa iyong bisig.

Hindi ko alam ang mahikang dulot mo.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang mahal ko.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang sinisinta.
At ang mahalin ka, sadyang kay sakit pala.

Pagmulat ng mata, alam ko, ito'y bubuhos
Mga luhang kubli, sa pisngi, aagos
Ang hikbi ay magiging hagulgol
Mga sasabihin ko'y nakabubulol

Patuloy ko na nga kayang ikukubli ang sakit?
Patuloy na nga lamang ba ako na pipikit?
O hahayaan na lamang kumawala ang tubig?
Baka sa pagbuhos, mahugasan ang pusong umiibig...
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
Chanty P Mar 2019
Meron kang siya, meron pang isa
Paano pa magkakasiya?
Sa kwento ng buhay mo
May linya ba ako?

Nung mabasa ko ang isinulat mo
Akala ang tinutukoy ay ako,
Nawala ako sa isang sandali
Isang sandaling nagbakasakali

Hinigop ako ng mga salita
Damdaming buhay lang sa mga letra
Nagsusumigaw at nais kumawala
Ngunit sa takot kumakalma

Mga imaheng sa isip ko'y rumagasa
Habang binabasa ang iyong tula
Mga pagkakataong tumutugma
Lumitaw sa aking alaala

May kwento ang isinulat para sa nagsulat
Meron din ang nagbasa sa nagpabasa
Mga kwento na maaring makasugat
Kung ang mga bida ay magkaiba

Meron kang siya, meron pang isa
Maari pa kayang sumama
Sa kwento ng buhay mo
Sana may kabanata - ang ikaw at ako
072821

Hayaan **** magsimula ako
Kung saan ang mga salita'y wala pang ugat
Kung ang lahat ng salitang ibinibigkas,
Ipinipintig ng puso't damdamin
Ay nagmumula Sa'yo.

Gusto kong sabihin Sa'yo nang harapan
Lahat ng nararamdaman
Gusto kong sambitin
Yung bawat tugma ng salita
Na pilit na kumakapit, kumakalas, gustong kumawala
Sa katauhan kong hindi alam
Kung saan nga ba papunta.

Hindi ko masilayan kung saan nga ba ang mga bituin
Ngunit siguro ako na ang Norte'y mararating din.

Sa paglalakad ko,
Patuloy na nangungusap ang Iyong mga matang
Hindi ko pa nasisilayan.
Ang mga mata **** luha'y ibinubuhos ng kalangitan
At sa bawat pagpatak nito'y
Pilit kong iniaabot ang bawat butil
At sinasabi ko sa sariling,
"Balang araw, wala ng luhang matitira pa."

Maging sa pagkilos ng mga bituin
At pag-ihip ng hangin,
Ay masasabi kong panandalian lamang ang mga ito.

Wala Akong gusto at iba pang hangarin
Kundi paliwanagin ang mga nakikita ng iyong mga mata.
Gusto Kong patuloy kang tuamakbo,
Patuloy kang mangarap
Kahit na pakirtamdam mo'y ikay nag-iisa.

Ngunit sa paniniwala **** iyon
Ay dahan-dahan Kitang aakayin at tutulungan --
Tutulangan papunta.. Patungo tayo
Sa pangarap Kong laan sa'yo.

At kung Ako..
Kung Ako man ang pinipili mo,
Hayaan **** ika'y bihisan ko --
Bihisan nang walang pag-aalinlangan.
Yung pag-aalinlangan mo sa sarili **** hindi mo kaya,
Yung pag-aalinlangan **** wala nang pag-asa,
Na 'yung sinimulan mo noo'y tapos na.

Pagkat sa bawat pahina,
sa bawat letrang inihahagis sa Akin patungo sa'yo
Na para bang ito'y pulang laso
Na patuloy Kong ikinakabit sa puso mo --
Sa puso **** patuloy na lumalayo..
Patuloy na nanganagmba
Sa kinabukasang hindi mo naman makita.

At sa kurtina ng Liwanag
Kung saan masisilayan ang tronong kumikintab
Ginto at pilak at kung anu-ano pang makikinang ay balewala
Pagkat sa presensya Mo'y tanging lahat
Ay masasabi kong may lunas na.
Ang liwanag ng Iyong pagtitiwala sa akin
Ay nasilayan ko na.

Salamat, salamat Ama.
Salamat Panginoong Hesus
Dahil sa krus tayo'y nagtagpo.
Patungo ako, tumatakbo sa kung saan man --
Sa kung saan mang lupalop na hindi ko maintindihan
Na lahat ng bagay sa mundo'y patuloy na dumadampi sa akin
Patuloy na pinipilit na sila yung makita 'ko.
Na sila 'yung magliwanag sa mga paningin ko.
Ngunit sa pagku-krus ng ating landas,
Ay masasabi kong,
"Masaya ako, guminhawa ang buhay ko,"
Yung pangarap Mo, sana ay pangarap ko na rin..
Yung kagustuhan Mo, sana magustuhan ko rin..
Sa na'y maisunod ko ang mga yapak ko..
Patungo Sa'yo.
Nagsimula akong mag-record ng spoken word poetry after devotion.
Lahat impromptu; lahat random at kung ano lang ang masambit ko. Yun na yun. Salamat, Panginoon!
Walang bahid
Ng dugo
Ang kagustuhang
Kumawala sa hawla.

Nais kong magwala
Buhat sa isang lipunang tulala
mawala
habang nakatingala
malayo ang tingin
maging mapagmasid
at hindi manhid
pipi o bingi
hindi tulad nila
paralisado ang pandama
daig pa ang makina
naka-program
naging utusan
walang alam
walang pakialam
tinatapakan na
hindi pa rin makaramdam.

(11/29/13 @xirlleelang)
JOJO C PINCA Nov 2017
"Gather ye rosebuds while ye may,
    Old Time is still a-flying;
    And this same flower that smiles today
    To-morrow will be dying. "

Robert Herrick


Ang buhay ng tao ay sadyang maiksi at walang tibay, katulad lang ito sa kastilyong buhangin na agad gumuguho sa hampas ng alon at ihip ng hangin. Kaya marapat lang na ito ay ating samantalahin habang may panahon pa, hindi dapat na masayang ang bawat sandali ‘pagkat hindi na ito muling magbabalik pa.

Bakit ka nagsusumiksik sa isang tabi at nagmumukmok? Walang saysay ang maging malungkot sapagkat sandali lang itong ating buhay. Tumindig ka at gawin mo kung ano ang nararapat, piliin mo ang maging maligaya at kapakipakinabang. Tuklasin mo ang pilosopiya at kahulugan ng iyong sariling buhay nang hindi umaasa sa iba.

Kumawala ka sa tanikala ng mga maling akala at walang kwentang panukala, ang mga patakaran ay mga paraan upang ang tao ay alipinin kaya hindi ito dapat na tanggapin. Maging hari ka at panginoon ng sarili **** buhay sa ganitong paraan ka lang magiging totoong hayahay.

Huwag **** lingunin ng paulit-ulit ang kahapon dahil kahit anong gawin mo hindi na ito muling magbabalik pa, walang time machine na maghahatid saiyo pabalik sa nakaraan.

Huwag mo rin masyadong tanawin ang malayong hinaharap pagkat baka nga hindi mo na makita ang bukas na iyong pinapangarap.

Ang “ngayon” ang tanging panahon na iyong hawak at wala ka nang ibang mapanghahawakan pa. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon na parang ito na ang huling araw mo.

Huwag kang makinig sa mga sinasabi ng iba sa halip ang puso mo ang iyong sundin at umasa ka na hindi ka nito kailanman ililigaw, gamitin mo ito na ilaw **** gabay.

At huwag **** sayangin ang nalalabi **** panahon, umahon ka mula sa iyong pagkakabaon at magsimula ka.

Katulad sa mabango at magandang bulaklak na iyong nakikita ang buhay **** tunay ngang maikli ay malalanta at mawawalan rin ng sigla kaya’t bago ka pumanaw gawin **** makasaysayan ang iyong bawat ngayon.
reyftamayo Aug 2020
At sumibol ang mga mapagbunying isipan
sa makapal na balat ng lupa.
ang pinagtatakhan ko lang ay bakit
tila tinatangay tayo ng malakas na
daluyong ng karunungan patungo sa dagat
ng kalituhan?
ito ba'y matatawag na kamangmangan
sa sarili o sakit na nagdudulot ng
panghihinang tumayo sa paa,
na taas ang noo, at may pagkukusa?
ano nga kaya ang nagtatago sa likod
nitong makulay na isipan?

nanatili ang karamihan na pikit-mata
sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa
habang ang iilan ay abala sa
paghubog ng mga bagong panaginip
na syang lililok o lilipol sa
buong sanlibutan.
hindi man sinasadya, o inaasahan,
nagsilbing mantsa sa puso't puson
ang mga panaginip na ito.
kahit na sa mga pagkakataong
sarado tayo.
walang malay nating sinasagap
ang mga pakalat-kalat na talino
na para bang pagkain kung ito'y
manukso sa nagugutom na kalamnan.
kahit pa ito'y ikamatay,
mapagbigyan lamang
ang uhaw na nararamdaman.
hanggang sa tuluyan na itong
umalipin sa sinumang magtangka
na kumawala.

o sumpa ng galit na apoy
ng nagbabagang impyerno?
tayo lang ang inaasahang sumaksi,
maging alin mang panig
ay tama o mali.
malaya tayong mag-isip
at mawalan ng saysay na parang
alikabok sa higanteng pusod
ng mabangis na lipunan.
o kaya naman, palihim na sumibol
sa gitna ng disyerto
kahit na nag-iisa.
Isabelle Apr 2016
Tinanong kita
Kung ako'y mahal pa
Ika'y nanahimik
Ako'y di umimik
Hindi na kailangan magsalita
Sagot mo'y alam na

Kasabay ng iyong pagkawala
Mga luha ay kumawala
Wala na bang magagawa?
Tayo ba ay talagang tapos na?
Ay, wala na palang "tayo". Hugot. Sinusubukan kong tumula gamit ang sariling wika.
NR Pim Jul 2016
tangan ang papel
nagsusumigaw ang pluma
sumisilab na damdamin
nais kumawala

magdamag na nilimi
ideyang ibinubulong
hinabi ng karunungan
sagisag ng regalo ng Maykapal
Tula, tagalaog word for "Poem"
Sarrah Vilar Oct 2017
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Sa mga araw na itinigil natin 'yung oras para ipaalala sa isa't isa
Na dito—sa sandaling 'to tayo masaya
Dito nagmistulang alapaap 'yung mga nararamdaman natin
Sobrang taas nating lumipad
Hindi natin napaghandaan 'yung ating paglagapak
Sa mga araw na malulugmok tayo
Sa sakit
Sa poot
At ako
Sa pag-asang maibabalik pa 'yung mga araw na lilipad tayong muli
Ngunit
Hindi
Tandang-tanda ko 'yung araw na ipinilit kong pabilisin 'yung oras
Hanggang sa marating ko 'yung araw na matatanggap kong hindi ka na babalik
Ngunit
Hindi
Hindi ko pa ata kaya
Hindi ko pa ata kayang dumilat isang araw nang hindi ka kasama
Kaya kahit 'yung sakit papatulan ko na
Naririnig ko pa rin naman 'yung pagtibok ng puso mo
Ngunit papahina na nang papahina
Dahil palayo ka na nang palayo
Gusto ko naman marinig ngayon 'yung tunog ng pagbabalik mo
Para lang maipaliwanag mo sa 'kin kung kailan unang nalagas 'yung mga pakpak natin
O kung aling hangin 'yung nagtulak sa'yo pababa
Dahil hindi ko maintindihan
Hindi ko maintindihan na kahit ilang beses ko nang itiniwarik 'yung mundo nating dalawa
Hindi ko pa rin mahanap 'yung dahilan kung bakit tayo biglang kumawala sa isa't isa
Hindi ko rin naman masabing iniwan mo ako sa ere
Dahil wala na naman ako sa itaas
Na'ndito na ako sa ilalim ng mga alaala nating hinayaan na lang natin sa isang tabi
Nang hindi sinusubukan na dagdagang muli
Na'ndito ako nagpapadagan sa mundo
Habang patuloy lang nang patuloy sa pag-ikot 'to
Na'ndito ako sumasabay sa agos ng sarili kong luha
Na'ndito ako hinihila 'yung sarili ko pababa
Pahingi naman ako ng isa pang pakiramdam
Hindi 'yung puro na lang lungkot
Puro na lang pait
Pahingi ako ng galit
Sige, kahit inis o kahit yamot
Na kung bakit ako lang 'yung naiwang nagmumukmok
Higit sa lahat
Pahingi pa rin ako ng pag-asa
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
demn Oct 2020
Katawang sa gapos ay nais kumawala,
Sa kasing talas ng patalim na mga salita,
Mga matang nagmumugto sa hapdi na nadarama,
Iyak na hindi maisigaw sapagkat takot ang nauuna.

Nais sumigaw, nais lumaban,
Nais ilahad ang sakit na nararamdaman,
Ngunit sariling laman at dugo ang kalaban,
Kaya bang mag wagi kung ganito ang kinalalagyan?

Gustong sumigaw, gustong kumawala,
Gustong umiyak, gustong magpakaawa,
Gustong sumabog,  gustong magmura,
Gustong ilahad ang sakit na nadarama.

Balang araw sana'y makalaya,
Araw ng paglisan aking nais matamasa.
Hindi natin minsan napapansin, kung tayo na nga ba ang may probelma?
Isa akong hamak na kabataan na pinagkaitan ng mapaglarong mundong ito. Sa isang madilim na bodega ako matagal nang nananatili. Mabaho at walang pagkain, araw-araw ay tinitiis namin ang kalam ng aming sikmura.
      Mahigpit na ipinag-uutos sa amin na pulutin ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa loob ng tambakan na ito. Sinusunod namin ito ng maayoa ngunit tila ang pangakong binitiwan ng taong dumampot sa amin sa kalsada, na kami ay pag-aaralin, ay naglaho nang parang bula.
      Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong naging karamay kundi ang malaking salamin na nakabitin sa dingding ng malawak na silid na ito. Na at patuloy na nagsasabi sa akin ng pag-asa. Pag-asa na siyang matagal ko nang gustong makamtan.

      Sa tuwing titingin ako sa silid na aking kinalalagyan, halos mamatay na ako sa kawalang kalayaan na ito. Minsan pinipilit kong kumawala sa silid na ito kasama ng ibang kabataang inalipin na ng takot. Ngunit suntok at hagupit ng tubo ang aming natatamo sa tuwing nanaisin naming tumakas sa silid na ito. Hindi ko talaga lubos na maisip ang mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Kung ito ba ay totoo o isang panaginip lamang.
      Tumingin ako sa salamin at isa lang ang sinasabi ng aking wangis, hanggang kailan ko pagmamasdan ang mukhag nahihirapan at punung-puno ng kalungkutan? Mabuti pa ang salamin na ito. Sa or as na siaikat ang araw, lagi niyang ipinadarama ang panibagong pag-asa.
031224

Gusto ko nang magwala,
Gusto ko nang kumawala —
Hahanap ng pluma
At kakatha ng isang tula.

Isa na namang piyesa
Susulpot na parang bula,
Mawawala nang kusa
Lilisanin ang mga tugma.

Alay ko ang aking awit
Minsang mga bala’y mapanakit.
Isisigaw na may dawit
Ang sukli’y kaakit-akit.

Ilang libong mga salita,
Papalibutan ng mga katha.
Isang araw ng pagkukusa —
Isang obra ang maipipinta.
Aly Sep 2016
Bangkay na hindi maibaon,
'di pagtakhang walang pagkausad ngayon;
Kung ang sarili'y hindi maiahon--
sa lungkot na dala ng kahapon.

Pait sa likod ng bawat ngiti,
'di pagtakhang lungkot pa ri'y 'di maikubli.
Pagsisisi'y inabot na ng pagkamuhi
sa sarili'y pinagkait ang kaligayang pinili.

Dumadaloy sa kaibuturan ang bawat sakit
'di pagtakhang sarili'y nilalatayan ng paulit-ulit.
Iginumon sa pagkapighati't pait
ng kahapong ibinabalik ng pilit.

Kumawala't sumubok hulihin
ang kaligayahang ipinatangay sa hangin.
Sho Victoria Apr 2018
Di ako umiiyak sa away o sigawan.
Umiiyak ako sa labis na katahimikan.
Sa mga panahong kailangan ko ng kasama
Sa mga panahong pati sarili'y ayaw ko na.

Mga kumukuliglig na huni at bulong.
Mga inipit na hikbi at paghingi ng tulong.
Lahat ‘yan ay naninirahan sa isipan.
Lahat ‘yan ay mahirap takbuhan, mahirap takasan.

Bumibilis na tibok ng puso,
Malalamig na pawis na sa leeg ay namumuo
Mga hiningang hinahabol ang takbo,
Magang mga matang nagmamakaawang ang luha'y huminto.

At unti-unti
Hihimasin ang isip
Mula labas palalim sa loob
Unti-unti
Pipigain ang puso
Makirot sa una ngunit nakakamanhid rin pala kapag nasanay na.

Hahalungkatin ang nakaraan,
Nang dumilim ang kasalukuyan.
Babasagin ang kasalukuyan,
Nang mabaling ang tingin sa iba maliban sa harapan.

"Huwag kang mag-isip."
Ang abiso nila.
Ngunit diba nila naisip
Na tila ka na ring sinabihan na:

"Huwag kang huminga kung ayaw mo na."

"Huwag kang tumingin kung nahihirapan ka."

"Huwag kang makaramdam kung nasasaktan ka."

Huwag ka nalang mabuhay kung di mo na kaya."

Oo, ayaw ko na.
Lahat kinatatamaran pati paghinga.
Bawat gabing inilaan sa iyak.
Tila ang isip, pinipilit na mabiyak.

Oo, nahihirapan na.
Di maiwasang tumingin sa mga mata
Ng iba't ibang taong may iba't ibang kwento.
Ng iba't ibang ngiti sa kabila ng malungkot na  mga anino.

Oo, nasasaktan na.
Mula sakit, gusto ko nang kumawala
Mula sa kadenang mas malambot pa sa bakal
Ngunit kung hawakan ka tila ka sinasakal.

Oo, di ko na kaya.
Sana nga tumigil na.
Na bawat umaga nagdarasal akong gabi na
At sa bawat gabi, nananalangin akong matapos na.

Ang sinimulang buhay na inilaan sa iyak.
Inilaan sa pag-iisip na sa bawat takbo tila ka winawasak.
Bukas sa lahat ng bagay mabuti man o masama.
Bukas rin sa posibilidad na ipagpatuloy pa o tapusin na.

Ito.

Ganito.

Ganito kahirap, ganito kasakit.

Ganito kasimple ang isang atake.
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
Herena Rosas Aug 2021
Huminga

Huminga

Huminga

Marinong napadpad sa kawalan
Na ang layag sana'y tungo sa kalayaan
Ngunit napagod
Kaya inanod

Sumikad ng mabilis at baka ika'y masilo
Huwag kang papahuli dahil ika'y solo
Sa gitna ng kawalan ika'y sumulong
Sapagkat marino,walang tutulong

Sarili ay paalpasin sa pagtangis
Kumawala sa nangangambang wangis
Iwaksi ang lumbay
Sa indayog ay sumabay

Marino,huwag kalimutang ika'y buhay
Hagupit lamang ito ng pagsasanay
Maglayag at umalis sa kulungan
Pumaroon kang muli sa KANYANG kanlungan

Huminga ka at Magpahinga
Pumaroon kang muli sa KANYANG kanlungan
Crissel Famorcan Oct 2017
Madilim ang paligid at umiiyak ang langit
Ibinuhos ko sa tahimik na paghikbi
ang lahat ng kinikimkim na galit
Sa lahat ng humusga at sa aki'y lumait
At sa mga lalong nagpabigat ng bitbit kong pasakit,
Hinayaan kong bumaha ng luha sa munti kong silid
Habang minamasdan ang mga larawan ng nakaraan
Doon sa isang gilid,
Hinayaan kong kumawala
Ang nagpupumiglas na mga luha
Na itinago ko ng panahong napakahaba
Sa loob ng kulungang ako mismo ang gumawa
Kulungang ako mismo ang lumikha.
Tapos na ang panahon ng pagpapanggap
Panahon na upang harapin ko ang reyalidad.


Patila na ang ulan at paubos na ang luha
At sisiguraduhin kong sa pagpatak ng mga huling butil nito lupa,
Ay uusbong ang bagong simula
Uusbong ang bagong "ako"
Sa aking pagtahan ay kasabay ang pagbabago
Sa pagtila ng ulan,muling sisilay ang magandang araw
Na magbibigay ng kulay sa mundo kong kay panglaw
Sa aking pagtahan haharapin ko ang aking kinatatakutan
Sa aking pagtahan haharap akong mas palaban
Sa aking pagtahan muli akong ngingiti
Sa aking pagtahan,kakalagin ko ang tali,
Taling pumipigil sa aking aking paglago
Sa aking pagtahan ay uusbong ang isang bagong "ako"
Sa aking pagtahan,hindi na ako muli pang magpapatalo
Tandaan mo yan: Itaga mo pa sa bato!
Edelyn Galvez Oct 2016
Sa mata’y mababasa ang ‘di nakikita
Sa dila’y nakabitin ang mga salita

Salitang ‘di gumagalaw ngunit gustong kumawala
Salitang madaming sinasabi ngunit walang magawa

Naintindihan, naiintindihan at maiintindihan pa kaya?
Kung pagbabasa sa pagitan ng mga linya’y di magawa?

— The End —