Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Wretched Aug 2015
Ito ako,
Duwag akong tao.
Madali akong matakot sa mga bagay na hindi nakikita pero nararamdaman mo
Tulad ng mga multo.
Mga kaluluwa ng mga sumakabilang buhay
Na nagpapagala gala sa aking isipan.
O kahit ang biglaang pagpatay ng mga ilaw.
Pakiramdam ko ang mundo ay hindi ko na kontrolado.
Na sa onting patikim lang ng dilim,
Katinuan ko ay guguho.
Tapos ayun na.
Dahan dahan ng bubuhos ang iyak galing saking mga mata.
Aaminin kong para akong tanga,
Kasi nga naman,
Simpleng mga bagay pero grabe kung gaano ko kayang aksayahin ang mga luha ko sa kanila.
Parang bata. Duwag. Mahina.
Marami pa akong mga kinakatakutan
Pero lahat ay napawi ng sa buhay ko'y dumating ka.
Binuhay mo ko, oo ikaw.
Ikaw ang nagsilbing unang hinga sa pag ahon ko sa malalim na dagat.
Ikaw ang matagal ko ng hinihiling sa bawat bituin
Ang panalanging ngayon ay akin ng katapat
Na akala **** ating pagtatagpo, tadhana ang nagsulat
Nagliwanag ang gabi nang makilala kita.
Ikaw ang naging rason ng aking pag-gising sa umaga.
Nagmistulan kang isang sundalo.
Nakabantay sa aking mahimbing na pagtulog.
Ipinagtatanggol ako sa mundong puno ng kamalasan at disgrasya.
Ang tapang **** tao.
Ikaw, hindi ako.
Kinayang **** harapin ang mga bagay na kinaduduwagan ko.
Natakot akong magmahal muli pero isipan koy iyong nabago.
Kaso sa sobrang kasiyahan na idinulot ng pagdating mo,
Bumalik ang mga takot ko.
Naduwag ako.
Marami akong mga kinakatakutan
At ika'y napasama na dito.
Natakot ako na baka pag gising mo isang araw
Magbago ang isip mo at
Malimutan **** mahal mo ko.
Kayanin **** talikuran ako.
Dumating ang isang masalimuot na gabi
Bangungot ang kinlabasan ng buong pangayayari
Nagdilim ang aking paligid.
Umalis ka na lang ng walang pasabi
At tumalikod ka nga.
Ikaw ang unang bumitaw.
Ikaw, hindi ako.
Ni walang pagpapaalam na nangyari
Ni hindi mo na ko sinubukang sulyapin muli.
Sabi na nga ba. Ang tanga ko talaga.
Natagpuan ko na naman ang aking sariling Nagaaksaya
Ng balde baldeng luha.
Parang bata. Takot duwag mahina.
Inakala mo siguro lagi na lang akong magiging
Isang prinsesa na kinakailangan lagi ng iyong pagsasagip
Pero mahal, Kailangan **** maintindihan.
Ngayon ko lang aaminin sa sarili ko na
unang beses kong naging matapang
Ng  aking Isinugal sayo itong marupok na puso.
Gumuho ang aking mundo.
Pinatay mo ko.
Ilang araw kong pinaglamayan ang ang aking sarili
Umaasang babalik ka at muli akong lulunurin sa init ng iyong mga bisig
Pinatay mo ko pero sa utak ko bakit parang napatay din kita?
Nagsitaasan ang aking mga balahibo
Kasi nga natatakot ako sa bagay na hindi ko nakikita pero nararamdaman mo.
At nararamdaman pa rin kita.
Pinipilit kitang buhayin
Ikaw na bangkay na sa akin.
Pinipilit kong abangan ang pagmulat ng iyong mga mata.
Ako'y patuloy na naghihintay.
Na malay mo sa araw na ito.
Sa iyong pag-gising, maisipan **** mahalin muli ako.
Mga alaala mo'y nagpapagala-gala sa aking kwarto na
Pumalit sa mga multong inaabangan ang pagtulog ko.
Pinatay mo ko pero
bumangon at babangon ako.
Naisip ko,
Ikaw ang naging duwag sa ating dalawa.
Ikaw, hindi ako.
Umalis ka dahil yun na lamang ang naisip **** solusyon.
Dahil iyon ang pinakamadaling paraan
Para problema mo'y iyong matakasan.
Ikaw ang natakot.
Ikaw ang mahina.
Ikaw,Hindi ako.
Dahil hindi mo kinayang magtagal sa ating laban.
hindi ako prinsesang laging kailangan ng pagsagip.
Mahal, Ako ang giyerang iyong tinalikuran.
At Kung nais **** bumalik
Ipangako **** ako'y hindi mo na muling lilisanin.
Bumalik ka ng walang bakas ng kaduwagan,
na ika'y sasabak muli sa ating digmaan.
Kahit ba iyong buhay ang nakasalalay.
Bumalik kang walang takot.
Hali ka, aking sundalo.
Bumalik ka kung kaya mo ng suungin ang giyerang nagngangalang ako.
This was the piece that I performed for Paint Your Poetry Slam at Satinka Naturals.
Palubog na ang araw, mangungusap na naman ang gabi
Hahanapin ang unan at ang ngiti'y isasantabi
Ang bulaklak ay malalanta, ang saya'y magiging pighati
Paano mararating ang panibago kung palaging nakatali sa "dati"

Dati na ang buhay ay walang kabuluhan
Napakaraming nagawang kasalanan na hindi namalayan at nalalaman
Kasalanan na dulot ay kasamaan, kayabangan, kasinungalingan at pagsuway sa magulang na hindi magawang pagsisihan

Palaging kinukutya at sinasabing walang panibago, kung ano ka, sino ka, magsisiwala't ng buo **** pagkatao
Itinanim na ng mundo ang kasinungalingang ito, na hindi ma mababago pa ang "ikaw" na iyong binuo

Sinundan ka ng anino ng nakaraan
Pilit pinapa-alala ang sugat na dati pang iniiyakan
Tila patuloy pa ring nakagapos sa kadiliman
Paulit-ulit na lang na sugatan at luhaan

Hanggang sa nakakulong na sa rehas ng pag-iisa
Iniwan, sinaktan, hinahanap ang tunay na pag-ibig at pag-asa
'Saan ko matatagpuan? Kailan magtatapos ang sigwa?
Madilim...pero magwawakas na

Dahil nang nakilala kita ng lubusan, ang aking dati mga kasalanan ay buong puso kong pinagsisihan
Ang puso at kalooban ay gumaan kung saan ang dating ako na makasalanan ay hindi na babalik kailanman
Ang dating buhay na puno ng kasalanan ay napalitan ng kalinisan, kapayapaan at kaligtasan

Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa bawat problema na aking naranasan hinding-hindi mo ako iniwan
Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa aking buhay ay nawalan ng gana, ganang mabuhay pa ngunit nandiyan ka na nagsabi sa'kin na "Bumangon ka sa iyong pagkadapa."

Ikaw ang nagbigay sa'kin ng napakalaking PAG-ASA
Pag-asa na mas malaki pa kesa sa mga naranasan kong pagsubok at problema
Ikaw ang gabay sa oras ng problema na kasing laki ng barko, ngunit nandiyan ang solusyon mo sagot sa problema na kasing laki ng karagatan na natatanggap ko

Ginabayan mo ako at binago ang taong katulad ko na dati hindi nakikinig sa mga salita mo at ayaw basahin ang mga sulat mo
Ngunit noong binago mo ako, ako ay patuloy na nagpagamit sa'yo
Binuksan mo ang aking isip at puso at isinabuhay ang mga kabutihan na ibinibigay mo sa isang katulad ko
Patuloy na maging instrumento, sa pagbabahagi ng mga salita mo

Kaya kapatid kung ramdam mo na buhat mo ang mundo at dala-dala ang bigat na meron dito
Pangako, kaya niyang buhatin yan para sa'yo

Magtiwala ka sa kanya
Siya ang mag silbing lakas at pag-asa
Siya ang magiging dahilan sa iyong muling pagbangon pag-ahon sa nadamo **** pagkadapa
At tila akala mo imposible ka nang mabuo pa

'Wag kang matakot dahil heto Siya
Handa siyang pulutin ang bawat piraso ng puso **** basag at handang buohin ang puso **** wasak mula sa pagkabagsak

Kung nararamdaman mo na nasasaktan ka sa dinadanas mo dito sa mundo
'Wag kang mangamba dahil yang puso **** puno ng sakit, pasakit at hinanakit ay handa niyang hilumin at akuin para sa'yo

Dahil mas masakit pa ang naramdaman niya kesa sa dinanas mo
Mas masakit pa nang suotin niya ang koronang tinik na walang halong pag-sisisi,
Na buhatin ang krus ng kalbaryo sa ilalim ng tindi ng init at pagpako sa krus, para sa'yo lahat ginawa niya maging pag-ako ng kasalanan na ginagawa mo

Lahat ginawa niya tiniis lahat ng sakit ng walang hinihinging kapalit
Kaya kapatid, lahat ng problema at pagsubok na mayroon dito sa mundo asahan mo di siya mawawala sa tabi mo

Kaya kung hindi ka man tinanggap ng mundo dahil sa iyong nakaraan,
May AMA ka na naghihintay sa'yo at hindi ka babalewalain lang

Kaya AMA sa pag gabay mo sa isang katulad ko
Natagpuan ko ang pagmamahal na walang dulo
Maraming salamat Sa'yo.
110916

Yugyugan, walang hele
Galit at poot, walang tuldok.
Bayan, Bayani at Rebolusyon
Dugo, Latay at Krus.

Pintasan sa saradong Libingan ng mga Bayani
Pasismo'y binabali
Demokrasya'y katunggali.
Hampasan ng Hustisya,
Latay ng Pagtutuligsa.
Kalampag ng mesang panay barya
Sigaw ng paghain ng kamatayan.

Bukas ang Pintuang tila batong hinati
Uhaw, sawing-palad,
May luwad na dalamhati.
Di makilala, suyod nang kaladkaran,
Saboy ng pighati.
Walang bahid, walang bisa --
Hindi maramot ang May Grasya.

Negosyo sa pulitika
Kalakal ng mga salita.
Palimos nang makaraos
Lusong, tapon, salo at ahon --
Yan ang pagtatapos --
Isa, dalawa, tatlo
Tatlumpu't tatlong taon.

Inihanay ba Siya sa mga Bayani? Hindi.
Nalimot ba ang Kasaysayan?
Hindi.
Ang natatanging Kasaysayan,
Tanging Kristo ang tutuldok
Tanging Kristo ang saysay
Walang iba, tapos na.
Isang tula para sa pusong
Walang ginawa kung hindi lumaban
Ni hindi alam kung anong pupuntahan –
Naliligaw, nagwawari
Nagdedepende sa mga salitang “hindi maaari”

Hindi maaaring sumuko
Hindi maaaring malumpo
Hindi maaaring tumakbo palayo
Sa mundong umuubos sayo

Natatakot sumugal muli
Natatakot mahulog sa patibong ng pag-ibig
Dahil minsan nang nasaktan
Minsan nang inabuso

Pumapalagay na lamang sa mga panandaliang aliw
Nagpapanggap na siya’y mabubuo ulit
Kahit saglit..
Kahit saglit..

Isa lang ang gusto kong sabihin sa’yo –
sa pusong hindi alam kung saan patungo
Huwag **** parusahan ang sarili mo
Dahil balang araw ikaw ang aani nito

Hinuhubog ka ng panahon
Sa pagdating ng tadhanang
Nakalaan sa iyong pag-ahon

Huwag kang matakot sumugal
Dahil doon mo malalaman kung
Ano ang para sa iyo, mahal.
#tagalog #filipino
kingjay Jan 2019
Ang matamis na lunggati
Debosyon sa dapithapon
Ang pagkurap ng liwanag na  kuyad-kuyad ay
sinapupo ang emosyon

Sa paglakad ng relo -
bilog na mayroong guhit ng oras
Gabing panaginip ay umimbulog
Sa malamayang tanawin
Naka sambalilo nang nanood

Nang natawid ang gabi't araw
Nasilayan ang bagong buhay
Regalo ng Panginoon
Sa bintana hinintay
ang muling pag-ahon ng ilaw

Sa pagtutungka na parang lango
Wari'y gumapang sa kalawakan
Pagawpaw ng pangarap
Di maabot kahit sa panaginip man lang
Nakasalubong si Dessa ngunit kagyat nang lumisan

Ang kanyang mabuhaghag na buhok
humahaba nang malubay, medyo pakulot
Naniniwala kahit sa kalagimlagim na sandali
Na ang mga nakaraan ay maalala muli
Bawat hakbang ko papalayo,
parang pasan ko ang mundo,
ang bigat ng aking mga paa,
at hirap na hirap sa paghinga.
Tsaka sumabay ang buhos ng ulan,
na parang walang katapusan,
sa mga luhang pilit binabalikan
ang mga alaalang iniyakan.
Pero kailangan ipagpatuloy
at sumabay sa daloy
ng panahon para maka ahon
sa lumulubog na kahapon.
At sa muling pagsikat ng araw,
handa na ring bumitaw
sa mga alaalang pinapasan
na akala koy walang hanggan
pero yun pala may katapusan.
Paulo May 2018
Marahil ikaw ang mabisang gamot
Na laging naka ngiti at ang noo'y naka kunot
Sana'y lagi kang ganyan at hindi malungkot
At sa dibdib ay wag magtanim ng anumang poot

Pagkat bakas sa iyong mata ang kalungkutan
Na tila dulot ng nakaraang paglisan
Ako'y nagagalak dahil sa iyong katapangan
Na para bang kaya **** harapin ang kinabukasan

"Galingan mo pang lalo" yan aking sambit
Dahil alam kong pangarap mo'y malapit mo ng makamit
Pag aaral ng ukol sa ngipin ay hindi madali
Pero pag-papangiti mo sa ibang tao'y talagang wagi

Para sa ilang araw na walang tulog
Para sa isip **** determinado't may pagsisikap
Kapit lang.
Dahil balang araw ikaw'y makaka ahon
Sa lula ng pasan **** panahon

Nais kong malaman mo'y ako'y galak
Sa ugali **** taglay at sa mga tawa **** walang humpay
Asahan **** sa iyong paglalakbay na lagi akong naka gabay
At unang ngingiti sa iyong tagumpay

At para sa puso **** marupok na minsan ng nauntog
Nawa'y mahanap na nya ang sariling tuldok
Dahil ang nais ko lang naman ipabatid
Ay kung gaano kasarap mahalin at magmahal ng solid
jia Jul 2018
takbo mo'y karipas
sa bawat ahon na humahampas.
pinipilit tumakas
sa mga buhanging nakakalas.

ngiti mo'y di mapawi,
tingin ko'y di mawari.
sinasabi mo'y sari-sari,
buhok ko'y lagi **** hinahawi.

buntong hininga ang tanging ipinalit.
wala ka manlang bang kamalit-malit?
kama'y mo ay sa aki'y ikinawit,
sa akin ay ngumiti ka saglit.

pilit tinutugunan,
salita mo'y ako ay naambunan.
tayo'y nagtatawagan,
diri sa isang munting dalampasigan.

ikaw lamang ay maging masaya.
o aking sintang giliw, ako'y kuntento na.
makita kang nakangiti't tawa,
sa aki'y iyo'y sapat na.
kiko Aug 2016
Inaantay ko ang takipsilim
kung kailan nagtatagpo ang araw at ang karagatan
at unti-unting lumalabas ang buwan at mga bituin

inaantay ko ang dilim
kung kailan mararamdaman ko
ang marahang paghalik ng balat mo sa balat ko
kung kailan inuungkat ng mga daliri mo
ang lahat ng sikreto ng katawan ko

Dito
sa maliit na papag,
sa ilalim ng mga dahon,
at mga tagpi-tagping kahoy,
sa tabi ng dalampasigan
isinayaw mo ko
isinasayaw mo ako
at sana isayaw mo ako

Ituro mo muli sa akin
ang bawat hakbang dito sa indayog
na walang musika kundi
ang dwelo ng ating mga dila,
ang mabibilis na paghinga,
at mga impit na sigaw.

wag **** tapusin
dalhin mo ako sa isang paglalakbay
kung saan mas kailangan ko ang mga kamay at mga mata mo
kaysa sa aking mga paa

at pag narating na natin ang rurok ng kaligayahan
mahal,
halikan mo ang aking mga balikat
iparamdam mo sakin ang init na hindi naibibigay ng mga tela
ibulong mo sakin ang mga bituin at buwan
at ipikit natin ang ating mga mata sa muling pag-ahon ng araw.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Eugene Jul 2018
Palagi na lang ganito ang ikot  ng buhay ko;
maniniwala sa kasinungalingang sinasabi ng puso,
pinipilit magpakatatag kahit walang kasiguraduhang ang katotohanan ay sadyang totoo,
lumalaban sa sakit na kailanman ay hindi na malulunasan,
pilit pinapasaya ang puso sa kalungkutang matagal nang naipunla,
at nagbabakasakaling ang katiting na pag-asa ay magkatotoo pa.

Saksi ang buwan sa bawat pag-iyak ko.
Saksi ang araw sa bawat pag-ahon ko.
Saksi ang hangin sa bawat buntong-hininga ko.
at saksi ang Panginoon sa bawat pighati, kirot, dalamhati, pangungulilang napakabigat sa puso ko.

Nananalanging sa bawat paggising ko ay bagong simula,
Sa bawat paghinga ko ay panibagong buhay pa,
Sa bawat pagpikit at paghinga ko ay nakaapak pa rin ang mga paa ko sa lupa,
na sana... maliban sa Panginoong nakikinig palagi sa akin ay may isang taong handang samahan ako sa hirap o ginhawa.
JOJO C PINCA Nov 2017
"Life is either a daring adventure or nothing at all"
- Helen Keller


May mga taong tinutugis na parang mga hayop, may mga hayop na nagpapanggap na tao. Mga halimaw na nagaanyong pangkaraniwan. Ang mundo ay isang malaking gubat na punong-puno ng mga ganid sa laman, uhaw sa kapangyarihan at mga alipin na lumuluhod sa kinang ng salapi. Ang lupa ay hindi inilaan para sa mga mababait na tao, ito ay para sa mga ulol, imbi at mga tarantado. Ang mga baliw, sadista at mga putang-ina ang itinakdang maghari. Sa bawat yugto ng kasaysayan ay laging may pag-aaklas, ito na ang panahon nang pag-aalsa. Buksan ang isipan at gisingin ang natutulog na damdamin. Wakasan ang pang-aapi at pabagsakin ang nang-aapi. Sabi nga ni **** Abay "magkakaroon ng rebolusyon". Ngayon ang panahon nang pagbabangon, simulan natin sa ating sarili. Tularan natin ang mga bayani nang ang bayang nakalubog ay maka-ahon. Simulan natin sa tula upang gisingin si Juan sa malalim n'yang pagkakahimbing.
isang hawak na di ginusto
nagsimula sa panghihipo
pag iisip mo'y kasing dumi
ng burak sa estero
nalilito natutuliro
magsasalita ba ako?
kapangyarihan mo'y inabuso
ginamit para bumango ang pangalan mo
para maitago mo ang halimaw na nagbigay ng lamat sa buhay ko.

Isang gabi! isang gabi lang!
nadurog ang pagkatao ko.
kinulong mo sa madilim na nakaraan tulad ng pagkulong mo  sa akin
sa madilim at maliit na kwartong iyon
mabilis ang pintig
naririnig bawat kabog ng dibdib
paralisa ang katawan
di makasigaw
tulong! tulong! mga salitang tila naipit
sa aking lalamunan.

halik na di ko ginusto
yakap na di ko hiniling sayo
mga hawak sa aking katawan
nandidiri ako sayo
seksuwal na panghahalay
di ko nararapat pagdaanan

lamat na di malilimutan
lamat na mananatiling parte ng nakaraan
di mo na ko maapektuhan
ang lamat na bigay mo
ang aapakan ko
ang magiging boses ko

para maparating ang mensaheng ito

walang sinuman ang dapat makaranas nito!
walang sinuman ang dapat mabuhay ng may takot mangyari ulit sa kanila ito.
walang babae ang mahahalay base sa kanilang pananamit, kilos o pananalita.

ang lamat na bigay mo,
andito man ito
pero di na ito hadlang
sa muling pag ahon ko.
Jose Remillan Oct 2013
Hinila ka ng hilahil
patungo sa di mawaring
liwanag, banaag na bumubulag,

unti-unting pumupunit sa iyong
balintataw at pananaw sa
kahulugan ng pagpapatianod

sa agos ng panahon. Pag-ahon
ito kung ituring ng sinumang
wala sa iyong perspektibo. Ngunit

ang iyong pag-iral ay hindi iniadya
ng panahon. Likas itong likha ng
buhay, kinatha ng kahulugan,

kataga, at pag-asa.
University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
October 18, 2013
Pipin Oct 2017
Ngayon...
Habang magkahawak ang kamay na tatalon
Tayo'y magpapaalam sa panahon
Kasabay ng mga alon
Ay itataya ang pagkakataon
Para sa pag-asang sa muli nating pag-ahon
Ay maglalaho na ang ilusyon

Imahinasyon.
Huling Gabi
George Andres Jul 2016
Madilim na sulok kung san nagdurugo ang mga palad
Na alala ko pa no'y si Inang ingat na ingat
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Na di ko na maalala itsura kung anong ipis

Ngunit sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong

Taga UP ako, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Taas ng pinag-aralan ko, kung sa ibang bansa, sahod lang ng bayaran?
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
7816
Mga punong nagtataasan, mga katawang nangingitim.
Hibla dati sa kahoy ngayo'y sa bato nagbibitin.
Ang tangkad mo ay laging masarap gawing lilim.
Mula noon hanggang ngayo'y di ako makapagpasalin,
Ng mga kasalanan, kahit na iyon ang iyong kinain.
Matagal na ang huling pagsala ko sa kanyang bituin.
Baka't hindi ko na ito kailangang damdamin.
Dahil tila nagkukulang na ang iyong hangin.

Mga dahon **** lapad at kumikinang.
Nanalamin sa lahat ng aninong dumadaan.
Nagpapabahay parin sa iba't-ibang nilalang.
May mararahas. tahimik, at mapaggalang.
Parang ang nagbabagong kulay ng mga bunga **** nakahalang.
May gamot at may lason, pero mayroong pagkaing pang-ahon.
Mayroong pabaon ngunit parang ikaw na ang unti-unting lumalamon.

Umuusbong na mga panahon.
Nakita na ang bukas ay ang kahapon.
Kitang-kita ang daloy ng alon.
Nadating ika'y mahinahon.
Ngayo'y ika'y tagahamon.
Nag-iipon ng lakas at laman.
Habang nagtatapon na ng basura't mangmang.
This poem is written/typed in my native language of Tagalog which is a dialect of Filipino. But it is already the new generation of the language not the old original traditional language. Here is the translation: http://hellopoetry.com/poem/1558592/the-forest-ang-gubat/
06022021

Hayaan **** ilahad ng mga pahina ang misteryo ng nakalipas,
Ang mahikang bumabalot sa guhit ng mga palad
Na hinulma sa salamin ng liwanag,
Ang dugo ng kasaysayang naging pantatak ng kahapon, bukas at ngayon.

Ang pagsirit ng kandila sa lumalalim na gabi
Ay gaya ng pakikipagbuno ng kalangitan sa lumalagablab na araw.
Hindi man lamang napagod ang lumikha ng bahaghari,
Pagkat buhat sa simula hanggang dulo'y kaya nya itong pagmasdan --
Kaya nya itong sabayan hanggang sa pagtiklop ng mga ulap.

At gaya ng mga ibong malaya na walang humpay ang pagkampay patungo sa lilim,
Ay gayundin ang mga imahe ng putik na ginawaran ng damdamin.
Ang kanilang pakikipagsapalaran sa modernong makinarya ng paglusong at pag-ahon,
Na may dalisay na pagdinig sa lilim ng kapatawaran at kaligtasan.

Walang sinuman ang kayang kumitil sa mga paupos na kandila --
Silang ang pagluhod ay simbolo ng kalakasan at pagtitiwala.
Silang may dunong at sa bukal ng buhay ay may hiram na sandali.
Maliban na lang kung sya'y magpaubaya para lumisan nang walang paalam.
Ngunit kumatok man sila,
Ang huling habilin at pagsilip sa bintana sa hapag
Ay walang katiyakan pawang sa oras at magiging tahanan.

Di hamak na may kaalaman ang sining na paghinga ang naging buhay,
Kaysa sa mga yumuyukod na mga punong
Mayroong nalalagasan na mga pakpak sa bawat dapithapon.
Di gaya ng dagat na lumulunod sa sarili
Na hayag sa kalangitan ang pagkunot at paghinahon.

Ang pawis sa mga pisngi'y gaya ng mga butil ng perlas
Na higit pa sa mga ginto't dyamanteng ibinigkis para ikalakal.
Walang humpay ang pagkapa madatnan lamang ang liwanag
Sa iskinatang walang inihain kundi pait at karamdaman.

At katulad ng pagpapagal nito sa apoy upang mailimbag ang sarili'y
Kusang babalik ang mga ito sa hiningan ng sandali.
Kung saan wala nang ni isang mananatiling "misteryo,"
Kung saan lahad at hubad na ang lahat ng pagpapanggap.

At kung saan ang huling pahina ay pupunitin,
Ang himagsikan ay makikitil hindi nang panandalian lamang.
Magiging malaya ang pagpapaubaya ng mga kamay sa hangin,
Malaya ang mga pusong walang ibang nais kundi magpuri.
solEmn oaSis Apr 2022
ang hangin ay merong hatid na amoy
at pawang init naman ang nasa apoy
sa tubig, mayroong ahon pag nalulunod
sa lupa, may bangon yaong mga na-talisod

Bilangin Nawa Tagong Bituin ,,,,
upang hiling wagas makapiling !!!
buhangin din tila pumag-ibig ,,,
lutang ngunit saganang alamin !!!

Tulak ng bibig kabig ng dibdib
kung ayaw daw maraming dahilan
Puspos o kapos, bawas o Tigib
kapag gusto raw, merong Paraan

para umigi kapupuntahan,,,
lingonin lagi pinanggalingan
sampuan man 'tong pagpapantigan,
Takaw-dinggin sa naninindigan !!!
magnilay - nilay
Matias Feb 2018
Lahat tayo ay pantay-pantay sa isang kamay
ngunit sa mundong ginagalawan
tayo ay nag-aaway away para sa isang tagumpay
kahit ang ibang tulad mo ay matapakan
wala ka ng pakialam
makamit lang ang inaasam-asam,
pagtakbo ng matulin
pagsisid ng malalim
paglipad ng mataas
mas mataas pa sa lipad ng mga ungas
nag-uunahan sa isang pwesto
isang pwesto na walang trono,
na kung saan ang mga tao ay wala ng modo,
lahat ng nasa baba ay inaapakan parang tuyong dahon
tuyong dahon na handang ibaon sa lupa,
handang sigaan hanggang maging abo na lang,
kamusta ka? isang malaking tanong
masaya ka pa ba sa karangyaan na mayroon ka ngayon?
nakalimutan mo na atang maging tao?
maging tao o kahit man lang magpakatao?
o tumuring ng isang tao.
sa iyong pagtakbo ika'y madadapa
sa iyong pagsisid ika'y malulunod,
at sa iyong paglipad ika'y babagsak
kung gaano ka katulin mas masakit ang pagkadapa,
kung gaano ka kalalim mas mahirap maka-ahon pa
at kung gaano ka kataas mas masakit ang pagkabagsak
lahat ng bagay ay may kabaligtaran
baligtarin mo na ang mga bagay na dapat baligtarin
dahil mas mahirap ang iyong sasapitin
kapag di mo naagapan ang iyong tatahakin.
bato-bato sa langit ang matamaan ay pangit
Oh Pinakamakapangyarihang Dios Ama
Tagapaglikha ng tao, langit at lupa
Panginoon ng Silangan, Kanluran, Timog at Hilaga

Kailan Mo po diringgin
Ang sampung taon ko nang panalangin?
Pag-ahon sa karimlan ay akin nga bang sasapitin?

Kayraming tao sa mundo ang sadya **** pinagpala
Hinandugan ng kapangyarihan at limpak na pera
Subalit kanilang ginamit sa mali at masama!

Ako na itong alam Mo kung saan gagamitin
Negosyong pangtustos sa pagkaparing nais tahakin
Puhunang tutulong sa mga taong may mabuting adhikain

Bakit ipagkakait sa nais pagsilbihan Ka?
Sa may hangaring tumulong sa kapwa at sa bansa?
Dakilang Tagumpay sa Philippine Lotto sa akin po ay itadhana!

-06/27/2015
(Dumarao)
*My Prayer Poems for Ultimate Victory Collection
My Poem No. 370
Ilang beses man sinubok ng panahon,
Ilang beses man lunurin ng alon,
Pero di kailan man mauubos ang pagkakataon
upang magpatuloy at maka ahon.

Sa bawat paglubog ng araw
ay may kadilimang umiibabaw
pero ito'y hindi panahon para magluksa
kundi ito'y para panahon para makapagpahinga.
Pagkatapos nito'y isang panibagong umaga,
ito'y pagsisimula ng panibagong kabanata.
Sabi nga nila,
sundin mo kung anong nilalaman ng puso.
Sa bagong simula nato
Di na muna ako makikinig sa kanilang payo.
Ayaw ko munang sundin
itong malakas na pintig ng aking damdamin.
Gusto ko munang i-alay tong puso ko sa Kanya,
Siya na may-ari nitong lahat, ating Manlilikha.
Ipapaubaya ko muna sa Kanya itong lahat
Kahit saan man ako dalhin,
pero sa aking tingin
ay
sa iyo pa rin ako makakarating.
Don't follow your heart, just surrender your heart to God and let him guide you.
Michael Joseph Nov 2018
Ito ang huling hapon ng mga alaala,
kupas na larawang sinikap maipinta
mga araw at gabing lipas na ng panahon
sa pag-indayog ng abo, at pagkaway ng damo
paalam sa mga nakaraang siphayo
paglubog ng araw, at ang buwan ng pag-ahon
sa hapon, at sa paglamon ng dilim sa liwanag
ang pagwaksi sa sariling naging duwag

Tapusin na ang dalita sa iyong gunita
Mga araw na unos ng paghihikahos
pagkapaos sa bigong pagsusumamo
sapagkat ito ang oras ng pag-agos
pagdaloy ng tubig, pagpawi sa kapos
sa agos, sa pagpaparaya, sa mga alaala

Bagamat tayo ay binuo ng mga pagsubok
at may mga lamat ng pagkapusok
alalahanin, tayo ay mga piraso
ng isang buong sining ng Maylikha
pagsamasamahin, tayo ay buo
magkakahiwalay man ay nabubuklod
hangaring mabuti ang maglingkod.

Simula
Michael Joseph Aguilar Tapit
Angel Mar 2018
Kung pwede ko lang maibalik ang panahon
Sana ang buhay ko'y hindi naging patapon
Kung pwede ko lang maibalik ang panahon
Sana ang aking buhay ay na ahon  
Ngunit hindi na mababalik ang kahapon

Kung pwede lang sana
Hindi na sana nagkamali pa
Kund pwede lang sana
Hindi na sana naubos ang luha
Ngunit wala nang pag asa

Nabanggit ang mga salita
Na nakapagbago sa atin dalawa
Nabanggit ang mga salita
Na nakapagbago sa ating saya
Saya na hindi na makikita sa ating mga mukha

Bakit pa nag mahal
Kung masasaktan din naman
Bakit pa nag mahal
Kung aalis din naman
Sana hindi mo na lang ako minahal

Sana ay hindi na nangako
Kung mapapako din naman
Sana ay hindi na nangako
Kung mag lalaho din naman
Mayari Aug 2020
Dumating na naman ang mga alon
Dala ang ala-ala ng kahapon
Sa pag-ahon, mangangako
Hindi na ulit magpapalunod

Ngunit tinatawag ng tubig
Hindi mapigilan ang pagbalik
Sisisirin ang pinaka malalim
Pangalan mo’y muling hahanapin
Gusto ko nang makaahon.
Taltoy Feb 2018
Gago, di ko na alam,
Ako'y sadyang nawindang,
Di ko kayang bitiwan,
Ako'y nalulungkot ng tuluyan.

Di ko talaga alam bakit?
Bakit? Bakit? Bakit nga ba?
Bakit nga ba di ako maalis sa aking isipan aking sinta?
Bakit nga ba tila luluha ako nung nakita kita.

Alam kong utak ko'y kumitid,
Iniwan ang katalinuhan pati prinsipyo,
Alam ko sa sarili kong ito'y aking mali,
Subalit di ko kayang bitiwan, sadyang mahapdi.

Sa kauna-unahang pagkakataon,
Ako'y parang di maka-ahon,
Sa lalim ng kalungkutan,
Sa lalim ng aking isipan.

Di ko na alam anong susunod,
Ano pa nga ba ang susunod na kaganapan,
Ng kwentong malato pa sa katapusan,
Ano ba ang susunod na tunggalian?
Ang kitid na ng utak ko. Diyos ko, saklolo. Ano na bang nangyayari sa aking mundo?
Triste Jun 2019
Mga hampas ng alon
Sa naglalarong mga pagkakataon
Iniunat ang kamay ng panahon
Ako ay lulusong
Dala ang mga alaala ****
Naibulsa ko hanggang dapit hapon
Naisama sa mga baryang wala ng halaga sa ngayon
Hindi na mabibili ang kahapon
At walang biyahe pabalik sa nakaraan
Haplos ng tubig sa mga ligaw na paa
Hindi batid ng dagat ang bigat ng kahapon
Mga binitawang salita
Ay tuluyan ko ng itatapon
At sa aking pag ahon
Hindi na muling lilingon
020321

Naubos na ang aking pangambang
Ikinahon ko noon na may maliit na bintana,
Kumikinang ang lahat sa muli kong pag-ahon
Na para bang ako’y iba na.

Iba na sa kanilang paningin
Na tila ba, kaya ko ring hatiin ang karagatan
Hindi gamit ang sarili kong lakas
Ngunit habang ako’y nakapikit
Na inaalala ang pag-asang
Dumudungaw sa aking mga bintana
Ng aking nakaraan.
maXiminima Feb 2020
Mga salitang di kayang bitawan,
Sa mga labi ito'y mahirap mailarawan,
Kabog ng dibdib ang nangingibaw,
Sa sarili na puno ng alinlangan.

Sa bawat saknong ng tula,
Damdamin ay nailathala,
Mga salitang hirap bigkasin,
Sa taludtod ng tula nalang maihain.

Sa pagsapit ng dapit-hapon,
Kung di kayang maka-ahon,
Kahit sa hangin nalang maibulong,
Ang mga salita ng damdaming nakakulong.
Ako po’y katulad niyo na nangaral din lamang
At layong ituwid ang ilang mga hakbang
Ngunit panganib ang siyang umabang

Itinuring na sigalot ng iba
Naging masakit sa kanilang mga mata
Kaya aking mga hakbangin ay sinawata

Inihulog sa dagat na malalim
Kung saan pag-ahon ay marilim
Tuluyang bumulusok pailalim

Maaaring ako’y hindi na makaahon
Tuluyang igugupo upang maturan din ng leksiyon
‘Di narin mahahampas pa ng mga alon

Subalit habang nariyan po kayo
Ako’y nananalig at hihingi ng saklolo
Nawa’y mapakinggan at matulungan po ako!

-10/24/2012
(Dumarao)
*My Twilight Poems Collection
My Poem No. 191
Mary Coleen Jun 2018
Gusto kong manahimik,
Sa salita o sa kaluluwa.
Gusto kong ibaon,
Katawang di uma ahon.
Gusto kong tumigil,
Pahilumin ang sugat.
Gusto kong manahimik,
Huling hinga't pipikit.
Kurtlopez Mar 2021
Sa pag lakad sa panibagong hamon
Ang dalawang paa'y humahakbang sa pag-Ahon
Mahirap man kahit matarik
Madapa man ay muling titindig
Kumapit lang at nang maging matibay
Diyos ang ating pag-asa ang dakilang saklay
Madalas man madapa ay merong gumagabay
Sa likod ng pag hihirap ay may pag asang naghihintay
⛰️ Mt.Manabu 760 MASL
📍 Via Rosary trail
📍 Sto.Tomas Batangas

— The End —