Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Paulo May 2018
Naalala mo pa ba ung mga araw na una tayong nagkita?
Mga oras na ako ay galak at tuwang tuwa,
Pagkat ika'y nakilala't natagpuan sa oras na aking inaasahan
Mga panahong tayo pa ay nagkakahiyaan

Andyan yung unang punas sa mukha **** pawisan
Unang usap, unang ngiti at biglang nagkatitigan
Unang pagbabago ng aking nararamdaman
Unang paghatid at sambit ng "ingat ka dyan"

Lumipas ang mga araw ugali mo'y aking nakita
Lakwatsa doon, inom dito yaan ang aking nahinuha
Ngunit ikaw ay aking naintindihan,
Ang aking nasa isip ay malamang dulot ng  nakaraang hindi malimutan

Kaya naman gumawa ako ng paraan upang ika'y mapasaya
Sa kalagitnaan ng gabi ako'y nag atubiling ika'y puntahan
Kabog ng dibdib, lakas ng hangin at ulan ay di inalintana
Makita ko lang ung mga ngiti **** mahiwaga

Salamat sa mga oras na dumaan at ika'y nakilala
Batid kong madaming nagmamahal sayo,
Kaya naman aking pagtingin ay lumayo
At aking naintindihan na mas mabuti maging magkaibigan na lang tayo

Gusto ko lang lagi **** tatandaan,
Na wala man ako sa tabi mo lagi naman akong nasa likod mo,
Handang tumulong sa abot ng aking makakaya
Lalo na sa pamilya, kaibigan, eskwelehan ay may problema

Sana ngayon nasa mabuti kang lagay, Inday
Sana'y mga pangarap mo'y iyong makamtan
Sana'y wag ka na ulit lumuha sa daan
Sana'y pintuan ng iyong puso ay muling mabuksan
Sana'y mahanap na nya ang tamang Adan

Sana'y mahalin mo pang lalo ang 'yong mga magulang
Sana'y maging maayos na kayo at wala ng magkulang
Sana sa iyong pagbabalik ay masaya ka sa bagong aral na iyong napulot
Sana wag kang magbabago't wag makakalimot

Di nako aasang liliit ulit ang espasyo
Magbubukas ulit ang entablado
At makaka tapak sa inyong teritoryo
Kaya't ang aking tanging magagawa ko na lang ay isama ka sa mga dasal ko.
AIA Feb 2016
Palalayain na kita Mahal.
Malaya ka na mula sa hawlang magkasabay nating binuo noong mga panahong ako pa ang kasama mo.
Palalayain na kita, mula sa mga ala-alang matagal ding nanahan sa aking isipan.
Nakulong.
Nakulong ako sa mga pangako **** akong lang. Ako lang ang mahal mo at wala ng iba.
Kinulong.
Kinulong ko ang sarili ko sa iyo. Sinarado ang pintuan ng puso upang walang makapasok na iba sapagkat ang tanging kagustuhan ko lamang ay tayong dalawa.
Ngunit tila ang pintuan ng iyong puso ay naiwang nakabukas dahilan kung bakit may nakapasok na iba.
Lumaban,
Lumaban ka ngunit sa huli ay sumuko ka rin.
Nilabanan ko ang lahat ng sakit para sa iyo sa kagustuhang maibalik ang dati sa atin resulta ng pagkakakulong mo sa puso kong punong puno ng sakit at pait.
Pinapalaya na kita dahil sa bawat araw na wala ka sa aking tabi kahit sa aking ang iyong pag uwi ay ramdam kong ayaw mo na. Hindi ka na masaya. Matagal rin akong nanahimik kahit masakit.
Pero, huli na ito.
Tama na.
Nasasaktan ka na.
Pero mas nasasaktan mo na ako.
Hindi ko na kaya.
Sobra na.
Sobra na ang sakit ng ginawa **** pag papalaya sa mga pangako **** parang ibon mo lang ay kung paliparin.
Ayoko na. Masakit na.
Kaya Mahal, palalayain na kita. Hindi dahil hindi kita mahal, kundi  kailangan kong mahalin ang sarili ko dahil ubos na ubos na ako.
Mahal na mahal kita, pero tama na. Ang sakit sakit na.
Malaya ka na.
First time ko gumawa ng tagalaog na tula. Kaya libre lait. hahaha!
Tama na. ilang beses ko pa bang uulitin sa sarili ko ang tama na. Tama na sa pag-asa na maaaring mahalin rin niya ako. Tama na na lagging ako lang ang nagmamalasakit pero sa huli’y masasaktan ka lang. Tama na na lagi akong nagbibigay at siya’y kuha nang kuha lang. Tama na na lagi akong talunan sa bawat paglundag. Tama na na lagi akong umiibig at sa dulo’y sasabihing “kaibigan lang kita”.
Tama na siguro na marami nang beses na lagi akong nagpakatanga para sa’yo. Tama na siguro na lagi na lang akong umaasa na darating ka sa pintuan at sasabihing iba na ang iyong nararamdaman. Tama na rin siguro ang lagi kong pag-aalala kung “nasaan ka na?”, “kumain ka ba?”, “may payong ka bang dala bilang pananggalang sa malakas na ulan?”. Tama na siguro na lagi akong naging yaya, ina o alalay mo sa bawat bagay. Tama na siguro yung ginawa kong paninilbihan sa among ‘di naman ako sinuklian ng kahit ano. Tama na siguro na tigilan ko na itong ambisyon na ipinaiiral ko, ilusyon na maaaring maging tayo.
Naaalala ko, oo naaaalala ko ang mga bagay na pinagsaluhan natin. Naaalala ko noong una kitang nakilala, naaalala ko kung papaanong wala kang takot na sumama sa akin upang tuklasin ang isang lugar na ‘di ka pa pamilyar at ‘di mo pa alam. Naaalala ko ang pagtataya mo at tiwala na totoo ang mga pinagsasabi ko at dadalhin kita sa tamang lugar na ipinangako ko. Naaalala ko kung papaanong naloko ako sa kakatawa sa mga corny **** jokes. Naaalala ko yung panonood natin ng pelikula nang sabay at tititigan mo ako at tititigan din kita nang palihim. Oo naaalala ko pa ‘yun, at oo tinititigan kita kasi nabihag ako ng mga mata **** mapungaw, tila humihingi ng atensyon at pagmamahal. At oo, naaalala ko pa yung araw na tinext mo ako at agaran kang pumunta kung nasaan ako kahit malakas ang buhos ng ulan at dumating kang basang-basa. Naalala ko kung paano ako tuluyang nahulog sa’yo sa ginawa **** sakripisyo na maaari ka namang pumunta sa iba, ngunit pinili mo akong makasama.
Pero kung akala kong masaya at wala nang makakapigil sa ating dalawa, nagising ako mula sa isang realidad. Nagising akong ‘di pala totoo ang mga nakita ko. Nagising ako na wala ka sa piling ko. Nagising ako na ang lahat ng iyon pala ay isang malaking ilusyon. Nagising ako, masakit ang damdamin at namamaga ang mga mata mula sa paghimbing dahil sa kaiiyak. Nagising akong ‘di pala totoo ang panaginip na pinaniwalaan kong totoo. Nagising ako na ‘di mo pala mahal ako. Nagising ako sa tinig ng boses **** nagsasabing “mahal kita, pero kaibigan lang”.
Kaya ganun, wala akong magawa kun’di ang magmukmok sa sulok ng kuwartong dating puno ng saya at tawanan nating dalawa. Nanatili ako sa lugar kung saan tayo nanood at nagtabing dal’wa. Nanatili ako sa lugar kung saan mo ako pinuntahan kahit napakalakas ng ulan. Nanatili ako at nag-isip bakit kaya at bakit ikaw pa. nananatili at mananatili ako rito hangga’t ‘di pa rin malinaw sa akin ang lahat.
Bakit ba ng hilig kong magmahal? Bakit ba mahilig akong tumaya o sumugal? Bakit ba lagi ko na lang napagkakamalian ang galaw ng iba bilang isang mas malalim pa? Bakit ako nabibihag sa mga salita at gawa na ilusyon lamang pala? O baka naman sadya lang akong tanga. Baka sadya talagang kaibigan lang ang ipinakikita mo noong una, pero mali ang pagkakaintindi ko dahil ‘di ko pa nararanasan ang umibig nang mas higit pa.
Pasensya na sa mali kong pagbasa. Pasensya na at nagawa kitang mahalin bilang kaibigan. Pasensya dahil inakala kong mamahalin mo rin ako tulad ng pagmamahal ko sa’yo. Pasensya na sa aking damdaming tila mahilig lang talagang magmahal nang lubusan. Patawad na ‘di nabasa ang nais mo. Patawad na ‘di ko pa rin matanggap na hanggang magkaibigan lang tayo. Patawad marahil dahil ang sinasabi ng puso ko’y hanggang “magKA-ibigan” lang tayo.
011717

(Para sa lahat ng mga tumatakbo, mga napilayan at napaltusan. Para sa mga gusto nang huminto pero may humihila sayo pabalik na hindi mabuo-buo ang loob **** lumisan kasi pagod ka na rin sa katatakbo. Oo, ayos lang maging totoo't amining pagod ka na. Natakot kang humarap sa mundo pagkat napuno ka ng sari't saring mga isyu sa buhay mo, kaya akala mo walang saysay ang bawat salaysay. Akala mo, wala nang nais makinig sa bawat kwento **** tila paulit-ulit na lang. Akala mo, tuldok na at wala nang kasunod pa. Wala kang matakbuhan at lagi ka na lang tumatakas. Oo, nasanay ka na at akala mo ayos lang at tama yun. Nagtatago ka sa dilim at ayaw **** lumantad, natakot kang makita yung totoong ikaw kasi ayaw **** mahusgahan o makaani ng masasakit na salita. Natakot kang magtiwala ulit pero pag lumantad ka, doon ka lang pala makalalaya. Saksi ang lahat ng nilikha sayong pag-amin na hindi mo kayang mag-isa, na ayaw mo nang mamuhay nang may paglihim. Na gusto mo nang magbago at patuloy na lumaban -- lumaban nang patas at ayaw mo nang talikuran ang nakaraan. Na gusto mo nang harapin ang mga hindi matapus-tapos na mga isyu sa buhay mo -- mga isyung tila mga sundalong kalansay buhat sa nakaraang kailangan mo nang sugpuin. Oo, kaya mo. Oo, kaya Niya sa buhay mo. Buhay ka pa, humihinga ka pa. Kaya mo yan!)

Ayokong palipasin ang sandali nang pagpikit -- habang nakasandal ka sa kalangitan. Habang iniisip **** hindi mo Ako kayang abutin. Iniisip mo sigurong kinaligtaan Kita, na hindi na Kita tinitingnan pagkat mas pinili **** magtago sa dilim. Akala mo siguro'y hindi ko alam kung nasaan ka -- kung saan at paano mo isinantabi ang sarili mo kaya't hindi Ko maibuhos ang pagpapala Ko sayo. Oo, kasi umiiwas ka, umiilag ka at nilalayuan mo Ako.

Hindi Ako nakikipaglaro ng Tagu-taguan sayo kung saan ay ihahatak mo ang iyong sarili palayo sa Akin at itatatak sa puso't isipang hindi ka na pupuwedeng lumantad hangga't wala pa ang liwanag. Naghihintay lang Ako, naghihintay Ako kung saan mo Ako pinasandal at sa bawat melodiya't pag-indak ng mga ulap na wari mo'y nagtatago rin Ako, noon pa ma'y inilantad Ko na ang Aking sarili sayo. Hinihintay Kitang magpasakop sa Ilaw Ko, nang magkusa kang magpataya sa Akin gamit ang Aking mga yakap.

Pagkat hindi mo na kailangan pang magtago -- hindi mo na kailangang maghintay nang napakatagal para lamang masabi **** nahilom ka na. Ang paglantad mo ay siyang pagsuko mo at bagamat ito'y pagsuko, makinig ka: naging matapang ka na. Hindi mo na kailangang yumukong tangan-tangan ang hiya pagkat sa iyong pagpapakumbaba'y itataas Kita gamit ang aking Ngalan at titingala ka na. Matititigan Mo na rin Ako, makikilala mo na rin Ako.

Iba't iba man ang anyo Ko'y Ako pa rin ito. May ipinapaabot lamang Ako sayo nang mas maging malapit tayo sa isa't isa. Igagawad Ko sayo ang aking lakas kasabay nang pagbitaw Ko ng mga Salita. At kahit gabi na'y mag-iilaw at mag-aapoy ka pa rin pagkat ikaw na ang magiging taya. Ikaw na ang maghahanap sa mga nawawala't magbubukas ng pintuan para sa mga nagtatago't nagpabaon na sa dilim.

Wag **** tulugan ang dilim pagkat parating na ang Umaga kung kailan at kung saa'y mas magiging lantad na ang lahat. Babangon Ako hindi bilang Buwan na may pakislap na liwanag ngunit bilang Haring Araw at susugpuin ang dilim. Wala nang makapagtatago pa pagkat magiging hayag na ang lahat.

Kaya Anak, wag kang matakot at ngayon pa lang ay ihayag mo ang iyong sarili sa Aking liwanag -- sa Aking liwanag na papandong sayo at uutos sa dilim nang tuluyan mo nang masilayan ang iyong sarili -- ang iyong sariling may pagpupunyagi. Maghanda ka, malapit na ang pagdating Ko. Maghanda ka, magkakasama na rin Tayo.
Eugene Oct 2018
"Ilabas ninyo ang kuya namin!" sigaw ni Mon.

"KUYA! Kami to mga kapatid mo!" sigaw naman ni Jef.

Halos magambala na ang mga kapitbahay sa kalye Casa dahil sa ingay ng pagsisigaw ng magkakapatid. Mahigit sampung taon na rin nilang hinahanap ang kanilang nakatatandang kapatid. At may nakapagsabi sa kanilang nasa kalye Casa lamang ito at kasama ang tunay nitong mga kapatid.

"Anong problema ninyo ha? Nakakaistorbo na kayo sa kabilang at sa kalye rito. Sino ba hinahanap niyo ha?" lumabas ang isang matangkad na lalaki at nagsalita sa kanila.

"Alam naming nandito ang kuya Regie naman. Ilabas niyo siya!" sigaw ni Mon.

"Walang Regie dito. At sino kayo? Ni hindi ko nga kayo kilala e," sagot ni ng lalaki.

"Kilala ka namin at ikaw ang nakatatandang kapatid namin. Magkakapatid tayo sa ama. Ikaw si kuya Ryan," wika ulit ni Mon.

"Ah ganun ba? Bakit hindi ko yata alam? Sino bang tatay ang tinutukoy mo?" takang-taka ang mukha ni Ryan nang sabihin nito na magkapatid daw sila sa ama.

"Hindi ikaw ang sadya namin dito. Ilabas mo ang kuya namin!" wika ni Jef. Agad siyang nakipagpatintero upang makapasok sa loob ng bahay. Pero napigilan ito ni Ryan.

"At anong karapatan mo, ninyo na pumasok sa bahay ko? Kayo ba ang may-ari?" mataas na ang boses ni Ryan nang mga sandaling iyon pero nanatili pa rin siyang mahinahon dahil ayaw niyang gumulo pa. "Ang mabuti pa ay umuwi na lang kayo. Walang Regie dito. Nagkamali kayo ng pinuntahan."

"Hindi kami aalis dito. Alam naming nasa loob ang kuya namin. Ilabas niyo siya?" nagpupumilit pa rin si Mon at bigla na lamang niyang iwinaksi ang kamay ni Ryan na nakaharang sa pintuan ng kaniyang bahay. Hindi naman hinayaan ni Ryan na makapasok ito at doon ay ibinuhos na ang kaniyang galit.

"SUBUKAN NINYONG MAGPUMILIT PA NA MAKAPASOK! Ipapa-barangay ko na kayong lahat!" halos kita na ang mga ugat sa leeg ni Ryan sa pagsigaw nito sa kanila. Pero hindi pa rin natinag ang magkakapatid.

"Wala kaming pakialam kung iyan ang gusto mo!" bulyaw naman ni Mon.

Magsisimula na sana ang matinding kaguluhan sa pagitan ni Ryan at ng magkakapatid nang isang boses ang kanilang narinig.

"Sino ba ang hinahanap ninyo ha?" wika nito at mula sa likuran ni Ryan ay nakita nito ang kaniyang kapatid na inaalayan ng isa pa niyang kapatid. Mangiyak-ngiyak naman ang magkakapatid na Mon at Jeff nang makita ang pakay nila.

"Kuya! Kuya Regie!" magkasabay na tawag nila sa pangalan nito.

"Sinong maysabi sa inyo na lapitan ang kuya Ron ko ha?" sigaw naman ng isang binata na nakaalalay kay Ron.

"Hayaan mo muna sila Anghel," saway nito sa kapatid na patuloy pa rin sa pag-aalay kay Ron.

"Kuya, ako ito, si Mon at kasama ko si toto Jef. Kuya, miss ka na namin. Uwi na tayo, please!" nang mga oras na iyon ay nanatiling walang emosyon si Ron sa mga salitang kaniyang naririnig.

"Hindi ako si Regie at lalong hindi ako ang kuya ninyo. Wala akong kapatid na Jeff at Mon. Anghel lang at kuya Ryan ang mayroon ako. Kaya, pakiusap umalis na kayo rito!" wika ni Ron.

"Kuya, bakit? Ano ba ang nangyari? Anong ginawa niyo sa kuya namin ha?" nagtatakang tanong ni Mon nang mapansin sa iisang direksyon lang ito nakatingin.

"Bulag ang kuya Ron namin. Naaksidente siya. Kaya kung maaari ay lisanin niyo na ang bahay namin dahil hindi ito makabubuti sa kaniyang pagpapagaling. Pakiusap," sagot ni Anghel.

"Kuya. Alam naming ikaw iyan. Ikaw si kuya Regie namin. Ikaw ang tumulong sa amin nang mga oras na kailangan ka namin at nandito na kami upang kami na ang mag-alaga sa iyo. Please bumalik ka na sa amin. Nakikiusap kami kuya Regie. Kuya Ryan, payagan niyo na po kaming iuwi kuya namin," parang gripong sunod sunod sa pag-agos ang mga luha ni Mon.

"Walang isasama! Hindi niyo siya kuya. Kuya namin siya! Umalis na kayo rito!" bulyaw ni Anghel. Naitulak ni Anghel si Mon at muntik na itong matumba. Nang makabawi ay sinuntok niya si Anghel sa mukha at nakipagsuntukan na rin ito kay Mon. Pilit namang nakikinig at nakikiramdam si Ron sa mga pangyayari.

"ITIGIL NINYO 'YAN!" sigaw nang sigaw si Ron pero tila walang nakakarinig. Panay naman ang awat ni Jef at Ryan kina Mon at Anghel. Hindi na nakatiis si Ron at muli itong sumigaw.

"TITIGIL KAYO O AKO ANG AALIS!" lahat ay napalingon kay Ron at maagap na bumalik si Anghel sa tabi ng kaniyang kuya upang pigilan ito.

"Sorry, kuya," pagpaumanhin ni Anghel.

"Kayong dalawa, Jeff at Mon, pakiusap. Ayaw ko ng gulo. Umuwi na kayo dahil walang Regie sa pamamahay na ito. Hindi ko kayo kilala at lalong wala akong matandaang tinulungan ko kayo bago pa ako maaksidente. Kaya, umuwi na kayo!"

Hindi naman nakapagsalit sina Jef at Mon. Mabibigat ang mga paang nilisan nila ang bahay na iyon na patuloy pa rin sa pag-iyak dahil nabigo silang iuwi ang kanilang kuya Regie.

Habang papalayo naman ang magkapatid ay doon na bumigay si Ron at hindi na napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang totoo ay kilala niya sila ngunit ayaw na niyang matali pang muli sa nakaraan. Masaya na siyang malaman na ang kaniyang mga step brothers ay nasa mabuti nang kalagayan. Kahit sa kaloob-looban ng kaniyang puso ay sabik din itong mayakap sila pero naipangako niya sa kaniyang sarili na kalimutan na niya ang kaniyang pinagmulan at ang mga taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Nais niyang ituon na lamang sa kaniyang tunay na mga kapatid ang pagmamahal na hindi niya naiparamdam sa mga ito buhat nang sila ay nawalay sa isa't isa.
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
George Andres Sep 2018
sumulat ako ng elehiya

ginamit ko lahat ng palasak na salita
ninais ko ang naunsiyaming kapayapaan: yaong hindi bayolente't nababahiran ng dugo't karahasan
mayroon pa naman sigurong mas malinis na paraan, 'yun, 'y-'yun bang legal at dinaraan sa reporma
'yaong tulad ng kay rizal! tama! yaong may diplomasya

tumigil ako pansamantala upang bumuklat ng pahina
napakarami nang rebolusyong hindi tulad ng inihahatag nila, katulad ng, ah! katulad ng EDSA!

nauhaw ako at tumigil pansamantala habang sa lamig ng aking kwarto'y rinig malakas na buhos ng galit ng araw
mabuti't nang buksan ko ang mga kurtina, payapang nagwawalis sa bakuran ang kapitbahay
may nagpapaligo ng aso't magagarang sasakyan
ipinagpasalamat ko ang bubong sa king ulunan. ah, payapa.

hindi rinig sa balita ang pandarahas ng militar sa kanayunan
ngunit batid ng karamihan, at ang solusyon ika nila ay armadong pakikibaka
nanlamig ako at namutla,

binaybay ko ang mga taong nakalipas bago ko marinig ang pangangalampag sa aming pintuan
pilit kaming inaakusahan, walang dokumento o anumang ebidensya

at dumaan ang mga imahe ng militar sa kanayunan:
ang daan-daang pamamaslang habang walang kalaban-laban

sa huli, wala akong armas na nilundayan

sa aking mga huling sandali, para sa sarili ko lamang,
sumulat ako ng elehiya
Jeremiah Ramos Apr 2016
Bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Pakinggan mo ang mga bulong sa isip ko tuwing nakikita ka
Sana hindi ito maging isang alaalang makakalimutan
Mga salitang papasok at lalabas din naman
At sana dalhin mo 'to sa pag-gising at pag-tulog mo
At alalahanin na para sa'yo to.

Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Makinig ka sa'kin.
Hindi. Kita. Minahal.
Hindi. Kita. Minahal

Ilang beses ko man ulit-ulitin sa sarili ko
Na minsan nawawalan na ng saysay ang salitang mahal
ang salitang ikaw, ang pangalan mo sa isip ko
Pero hindi pa din nawawalan nang saysay ang mga alaalang naiwan mga alaalang nakalimutan, at 'di ko alam kung tama bang binabalikbalikan ko
Ang gabing napagtanto ko na nahuhulog na pala ako sa'yo

Hindi na kita mahal
Na kahit lahat na siguro ng tulang sinulat ko ay para sa'yo
kahit lahat na siguro ng metaporang alam ko ay na inahalintulad ko sa'yo
Isa kang bulalakaw, isa kang bituin, ikaw ang buwan
Ikaw ang bumubuo sa ganda ng gabi,
Ikaw ang araw, ikaw ang mga ulap, ikaw ang langit,
Ikaw ang buong kalawakan na hindi ko kailanman pagsasawaan
Ikaw ang karagatan, mahiwaga at kapanga-pangambang sisirin,
Ikaw ang apoy, na nagpapaliwanag at nagpapainit ng gabing malamig
Ikaw ang librong 'di ko kinakailangan ng pahinga
Para intindihin ang bawat salitang nakalimbag sa bawat pahina
Ikaw ang sining ko
Ikaw ang tulang ito.
Para sa'yo at tungkol sa'yo.

Hindi kita minahal,
Kahit na lagi kong inaabangan ang mga storyang kwinekwento mo
Na para bang hinahatak mo ako pabalik kung kailan nangyari ang mga 'to
at sinamahan ako para panuorin natin
Kung sino ba ang nandito at nandoon
Kung nasaan ang mga silya, lamesa, pintuan, at bintana
Ang mga pangalan ng mga minahal mo at nagmahal sa'yo na dapat mo na sigurong kalimutan
Kung saan kayo nagkakilala,
Kung anong naramdaman mo nung nahuli mo siyang nakatingin din sa'yo at nagkasalubong ang inyong mga mata
At sa lahat ng storya mo,
Napagtanto ko na ayoko maging parte ng mga storya **** nakalipas. Na sana ako ang storyang hindi mo kailanman iisipin na bibigyan ng wakas.
At ikwento mo din sana ang gabing ito
Ikwento mo ang bawat paghinga ko sa bawat puwang ng mga salita
Ang pagbuka ng bibig ko para sambitin ng tama ang bawat pantig, ang pag nginig ng mga kamay at tuhod ko,
At kung maririnig mo man, ang bilis ng tibok ng puso ko ngayon.
Ikwento mo.
Ibulong mo sa pinakamalapit **** kaibigan, para manatiling sikreto.
Ang tinatagong nararamdaman na 'di mo na siguro kailangan malaman.

Tama lang siguro na magkaibigan tayo,
Kasi
Hindi na kita mahal.
Hindi kita minahal.
Pinilit ko lang ang sarili kong mahulog sa'yo
Pinilit lang kitang mahalin
Para makalimot, para iwanan ang dating naramdaman.

Gustohin ko man ulit-ulitin sabihin sa'yo,
Magsasawa ka sa bawat pantig, sa bawat letra.
Kaya ibubulong ko na lang sa sarili ko, para manatiling sikreto
Ang dating nararamdaman na hindi mo na kailanman malalaman.

Kaya bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Sa huling pagkakataon pakinggan mo ang katotohanan
Isantabi mo ang mga bulong sa isip ko na napakinggan mo.
At sana tandaan mo na
Dati, at dati lang
Minahal kita.
Para kay __.
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Hindi naman ganid ang administrasyon
Nagkataon lamang na may mga punto
Na walang humpay na nag-iiwan
Ng tandang pananong.

May mga eksenang hindi literal
Pero kapag bayan ang bumasa’y
Ni isang letra’y hindi man lamang nasimulan.

Hindi masisisi ang mga modernong bayani
Kung patuloy pa rin sila sa pakikibaka
Kahit nakamit na kamo ang kasarinlan;
Ang hustisya raw ay napagtagumpayan na
Bagkus, nilalatigo ng kapwa nasa ekonomiya.

Marahil hindi pa lubusang nararadyo
Hindi magkanda-ugaga
ang leksyon sa Senado
Eh kung uso pa ba ang tele-radyo,
Kaya bang tapakan ng saksi
ang demokrasyang makasarili?

Doon nag-rally ang iilang katauhan
Wala naman silang napala
Pagkat binagsakan ng pintuan
Ni hindi nakakilos kahit sila’y nasa kilusan
Saklob ng gobyerno’y
sila’y bisi sa nasasakupan.

Hindi mabilang ang dugong dumanak
Ang boses na sumigaw
Ang tonong paulit-ulit pero hindi naririnig
O baka naman ang may pandinig
Ay mas nais magwaglit.

May mga platapormang tila langit
Bagkus dilim naman ang hain
Sa maliwanag dapat na paligid.

Ibabato nila ang kinamkam sa madla
Pero dahil ang binato’y mukhang tinapay,
Walang pakuwari ang iba
Manhid nga ba ang tao
O talagang kurot-sabay-pikit lang?

Heto na naman tayo sa estante ng kaguluhan
Sana nga matapos na ang pahinang ito
Pero nasa simula pa lamang
Pagkat ang propesiya’y
Nararapat na mamalakad
Ihahain ng Higit na Hari
Nang maitaas Kanyang Ngalan.

Kung may mga bumabatikos
Sa gobyernong kinagisnan
Marami pa rin ang tatayo
Pagkat kaytayog ng kanilang dangal.

Hindi naman dapat
Tumingin lamang sa kawalan
Pagkat may pag-asa pa
Itong *ginintuan nating bayan.
Nahanap ko na!
Nahanap ko na ang pagibig!
Ako'y sabik na sabik nung una.
Ako'y parang nakahanap ng ginto sa kalsada.

Gumawa ng mga pangako.
Para sa atin ay hindi susuko!
Nagplano para sa kinabukasan.
Lahat ng pinto sa puso'y binuksan!

Lumipas ang bawat oras, araw, at taon.
Tinanong ang sarili kung bakit naging ganon.
Mga pangako'y nasira,
Kinabukasan ay naging basura.

Nagiba ang ihip ng hangin.
Mistula ang taginit ay naging taglamig.
Liyab ng puso'y nawala.
Ako'y giniginaw na.

Mga pintuan ay sarado
Mga ilaw ay patay.
Nagdilim ang paningin.
At ako'y nahulog sa bangin.

Huling sabi sa sarili.
Ang puso ko'y sira na.
Ako'y nagsisi.
Ito pala ang pagibig.
Likha ni: Paul Joshua B. Santiago
Pabalik-balik ka
Hahakbang nang pakaliwa ,
Hahakbang nang pakanan.

Yapus-yapos ako ng aking kinahihimlayan
Balakid nati'y salaming
Bahagdan lamang ang kinalalagyan.

Puti ang daan patungo sa iyong tuntungan
Sumusulyap ka nga't
Mensahe'y kusang tanong
Tinipon at binahagi sa pagkatao.

Malabo ang salamin sa harap
Dito sa amin at sa kalye sa looban
Kung saan dinudumog ito
Ng mga kliyenteng
Buht sa iba't ibang pintuan.

Takipsilim na
Tangan-tangan ko ang susi palabas
Nang tumambad ka't
Ilang metro lamang ang distansya.

Nagtagpo ang pawang paningin
Bagkus kailangan na ring pigilan ng sandali
Nauna ka
Pagbaba ko'y hindi na muling nasilayan
Anumang aninag ng iyong *lihim na pagkatao.


Mayroong kumaway sa akin
Isang pamilyar na tauhan sa sarili kong kwento
Dati ko palang **** sa asignaturang Ekonomiks.

Tinugon ko ang pagtawag niya sa akin
Aba't ang oras ang huminto
Ninakaw ng kanyang katabi
Ang pagtingin buhat sa tumanggap ng pagtugon.

Naroon ka, hawak ang manibela
Ako'y nauupos na kandila
Ako'y hinahanging saranggola
Isang bulang hinihele ng musikang walang liriko.

Hindi ako naging epektibo sa kausap
Doon ang pasimula ng kwento
Hihintayin ko ang muling pagsirit
ng nanlilisik na araw
At ang lahat ay kapwa
Pausbong na ala ala na lamang.
Para sayo na sumisilip sa office ng firm namin.
Eugene Dec 2015
Hating-gabi na mahal, ikaw ay nasaan?
Naghihintay ako sa ating tarangkahan.
Taimtim na nanalangin sa iyong kaligtasan,
Gustong kitang masilayan kahit kabilugan ng buwan.


Madaling araw na mahal, wala ka pa rin.
Rinig na rinig ko na ang ungol sa labasan.
Nagbabakasakaling aking masaksihan,
Ang iyong pagdating mula sa gitna ng kagubatan.

Hating-gabi na mahal, ako'y takot na takot na.
Mababangis na hayop ay nagsimula ng naglipana.
Ang ingay ng uwak ay kaliwa't kanang namumutiktik,
Dinaig pa ang ingay sa piging ng isang bayan.


Hating-gabi na mahal, nagmamakaawa akong umuwi ka na.
Ako'y nag-iisa, walang kasama, at takot na takot pa.
Nararamdaman kong may mga matang nakatingin, uhaw na uhaw sila.
Sa bawat paghinga ko'y alam kong buhay ko ang kukunin nila.


Hating-gabi na mahal, nabuwal na ang pintuan.
Isang nilalang na may mahahabang kuko't matutulis na ngipin,
Ang nakapasok na't naglalaway, gusto na akong lapain,
Ngunit ako'y naging tulisan at hinarap ang kalaban.


Hating-gabi na mahal, tulungan mo akong puksain.
Ang halimaw sa bahay na handa akong patayin.
Naging matapang ako kahit walang alam sa pakikipaglaban.
Nakipagbuno, nakipagtagisan, at nakipagsaksakan.

Hating-gabi na mahal, ako'y kanyang nahuli.
Kinagat sa braso at kinalmot sa mukha ng walang pasabi.
Sa malalaking kuko niya'y lakas ko'y napawi.
Tumilamsik ang dugo, katawa'y nanghina, at ako'y nagapi.


Hating-gabi na mahal, ako'y parang kinakatay na.
Sa matutulis niyang ngipin, katawan ko'y pira-piraso na.
Hanggang sa tumitibok kong puso'y binunot niya,
At tuluyan na akong napapikit at nawalan ng hininga.

Hating-gabi na mahal, nakauwi ka na ba?
G A Lopez Jul 2020
Halika't dumako tayo —
Uunahan na kita — hindi ito isang paraiso
Ito ay lugar kung saan maraming hindi natupad na pangako
Lugar kung saan maraming iniwan, sinaktan at pinangakuan —

Ngunit sa huli, hindi rin pala kayang panagutan.
Natanaw ko mula sa labas ang malakas na pagbuhos ng ulan
Narito ako sa loob ng isang silid na hindi ko maipaliwanag kung papaanong ako'y napunta dito
Napatingin ako sa paligid at mga taong narito

Lahat sila'y nakaitim katulad ng suot kong bestida
Marami sa kanila'y nakatingin mula sa bintana
Nakatayo lamang ako sa gitna
May isang babaeng nasa harap ng pintuan na animo'y may sasalubunging bisita.

Lumapit ako ng kaunti at tama nga!
Abot tenga ang kaniyang ngiti habang sinasalubong ang taong hinihintay niya
Kitang kita sa mga mata ng dalawang taong ito na mahal nila ang isa't isa
Siguro'y naghintay ng kay tagal na panahon ang dalaga upang masilayan muli ang mahal niya — tuluyan na silang
umalis bitbit ang kanilang ala-ala.

Napansin ko kanina ang pag-iba ng kaniyang suot na damit
Na dati ay kulay itim ngayo'y kulay puti.
Mabuti pa sila'y parehong nakapaghintay
Iyong ibang naririto ay magpahanggang ngayon ay wala pa ring mahintay—

May naghahanda na para sa panibago, may sumuko na at nawalan ng pag-asa,  may tanggap na at handa ng magparaya, at syempre mayroon pa ring mga taong umaasa at naniniwala.


Kanina'y nagtataka ako kung bakit ako nandito,
hindi ko alam na kabilang pala ako sa mga taong pinangakuan ngunit hindi kayang panagutan
Kabilang pala ako sa mga taong umaasa at naniniwala
kahit napakaimposible at sobrang labo na

Lumapit sa akin ang isang lalake na tantya ko'y kaedad ko lamang
Isa rin pala siya sa mga taong "tanggap na at handa ng magparaya"
Tinanong niya kung pwede daw ba siyang makipagkaibigan
Mabilis lamang niyang nakuha ang aking atensyon at mula no'n —

sinabi ko sa aking sarili, handa na akong maniwala at magmahal muli

Ngayong kami'y handa na upang magpalaam sa aming mga nakasama
Malapit na kami mula sa pintuan habang magkahawak kamay at nakangiti sa isa't isa
Sabay ang paghakbang ng aming mga paa
Sabay din naming naririnig ang malakas na pagtibok ng aming puso dulot ng kaba

Sa malayo, natanaw ko ang isang lalakeng may hawak na bulaklak at panyo
Biglang tumigil ng saglit ang pagtibok ng aking puso,
at tumigil ang paggalaw ng aking relo.
Napahigpit ang hawak niya sa akin habang ako'y naguguluhan sa aking damdamin.

Narito ngayon sa harap ko
— ang lalakeng hinintay ko ng taon
Iniabot niya sa akin ang bulaklak at panyo
Aalis na sana siya ngunit mabilis kong binitawan ang kamay na hawak ko
at hinigit ko ang kaniyang suot na polo

Humarap siya at inalis niya ng dahan dahan ang kamay ko sabay sabing,
"Patawarin mo sana ako dahil pinaghintay kita ng mas matagal kaysa sa ipinangako ko. Dumating pa rin ako kahit na alam kong maaaring nakatagpo ka na ng ibang magmamahal sa iyo. Ayos lang ako 'wag kang mag-alala maging masaya sana kayong dalawa."

Akala ko'y handa na ako para sa "panibago" ngunit heto ako,
Ako naman ngayon ang hindi tutupad sa pangako
Ako naman ngayon ang bibitiw sa mga hawak ng taong akala ko'y mahal ko
Ako naman ngayon ang mananakit ngunit hindi ito ang intensyon ko

Babalik na muli siya sa lugar na minsan kaming nagkasama
Sana'y sinigurado muna ang nararamdaman kung tunay ba
Lumipat ako sa ibang lugar suot ang aking itim na bestida
Ngunit hindi na siya ang kasama

Lugar kung saan may nangako ngunit hindi tinotoo
Lugar kung saan maraming walang kwentang tao na nagbitiw ng walang kwentang pangako.
wala akong jowa nagffeeling lang 😂✌
Para 'to sa mga taong mahilig magbitiw ng pangako pero hindi naman marunong tumupad at mga taong pinangakuan pero hindi naman marunong maghintay.
102216 #PortBarton

Bata pa lang ako,
Pinagmamasdan na kita.
Sariwa sa kamusmusan,
Puno ng mga tanong na "bakit?"

Ba't ayaw **** magpakita?
Na kailangan Mo pang magtago sa mga ulap;
Na hindi ko maabang-abangan
Ang eksaktong pagsikat at paglubog Mo.

Ba't Mo ako sinusunog?
Na sa t'wing naglalakad ako,
Sinasaktan mo ang mga balat ko.
Na hindi ka nagsasabing
Magdala ako ng payong o kapote.

At ba't lagi mo akong ginigising?
Na hudyat ng pagbibilang ng panahon,
Na kailangan ko pang bumangon
At buhayin ang sarili't umahon.

---

Di Ko na kailangang magpasikat sayo
Pagkat hindi na lihim ang Liwanag Ko.
Ilang lugar na rin ang pinasuyod Ko sayo --
Sa Norte at Sur, buhay ang presesya Ko.
"Walang kupas at walang katulad,"
Yan ang sambit mo.

Ika'y Aking saksi;
Sa iba't ibang pagbunyag Ko ng Aking Sarili --
Sa iba't ibang katauhang may sari't sari ring kwento:
Silang simpleng manggagawang
Lakas ay Sa'kin ang paghugot.

Isabit Mo ang bawat larawan
Sa dingding **** Aking ipinagtitibay.
Nais Kong mailawan
Ang bawat madilim **** espayo.
Madilim man, nakikita Kita.

---

Ikaw ang Pag-asa;
At Sayo dumadaloy ang lahat.
Kakatok ang Iyong Sinag sa butas-butas kong mga haligi.

Pangako mo'y pasalubong
Kaya't ako'y sabik sa pagdating Mo.
Sasalubungin kita saking pagbangon
At bubuksan ang aking mga bintana,
Bilang pahiwatig
Na nais kong taglayin ang Ilaw Mo.

Bukas ang pintuan ko Sayo;
Ikandado Mo ako, tangan ang di papupunding Liwanag --
Yan ang pagpapasakop ko;
Saklawan Mo sanang ganap ang hain ko.

Gagayak ako sa Iyong saglit na pamamaalam
Na siyang susubok sa Ilaw na pinaiwan Mo sakin.
At may galak akong magsisindi sa bawat poste,
Ng gaserang may purong langis.
Iihipan ko ito sa aking pahinga,
At sadyang ang dilim
Ay tamang pansamantala lamang.

---
Tiyak ang oras mo
At singhaba ng araw ang pasensya mo.
Nagbabalik akong may hubad na sandalyas --
Marumi ako pero saking pag-uwi,
Dito rin pala ang paghuhugas.

Pinagmamasdan ko ang putik sa mga paa ko
Maging ang alikabok sa mga palad ko --
Pawang nakuha ko sa trabahong
Bansag saki'y tagautos.

Pansin ko, ang dumi-dumi ko pala;
Kailangan ko nang pagpagan ang sarili;
At pawang ang lahat pala'y
Di ko makikita nang wala Ka.
Ang pagbabalik ni Juan sa mumunting tahanan; at ang pagmulat ng Araw.
Arya Nov 2016
Isang mensahe na ipinapahatid ni "Ariii Potter" sa kanyang alaga na si "Hedwig" the Snowy Owl.


Sa naghihimultong pagmamahal ko sayo.

Mahal.. oo, mahal nga ang tawag ko sayo
Nagbunga kasi ang pagkagusto ko sayo,
Nagbunga ng isang pagmaMahal

Yung feeling na "gusto kita"
Naging "mahal na kita" real quick

Inakala ko talaga sa diagon alley ka lang gumagala
Eh bat ka na sorted dito sa puso ko

Bakit nga ba..

Patawad sa mga katagang sinabi ko, ay mali. hindi ko lang pala sinabi.
Ipinagsigawan ko pa. Ang corny no?

Pero...

Pagbigyan mo sana ako na ihatid ang mga salitang gustong ipabatid ng puso ko

Idadaan ko lang muna sa isang tula.
--
Umpisa.
Sa kung paano mo ako nginitian
At tinanong kung "potterhead kaba?"

Hindi ko alam kung ginamitan mo ako ng "petrificus totalus"
Dahil sa tuwing tinatawag mo akong ng"Ariii" na fre-freeze ang aking hypothalamus

Na halos masabog-sabog na tong pagmamahal na ihahantulad ko sa isang bulkan
Hindi ko man lang namalayan na umabot ito ng isang buwan

Pati na ang nakatagong pag-ibig dito sa aking damdamin
Ay sadyang naging malalim

Na kahit gumamit man ako ng salitang "alohomora"
Para mabuksan ang pintuan ng puso **** nakasara

Kahit maging seeker man ako sa quidditch
At ikaw ang magiging "snitch"
Hindi parin kita maka-catch
Sapagkat ang tayong dalawa ay imposibleng maging match

O makipaglaban man ako sa Wizard's Chess
Para makamtan ang iyong sorcerer's heart
Ay hindi parin sapat
Alam mo kung bakit?
Dahil hindi ako karapat-dapat
At ang karapat-dapat
Ay ang ika'y pakawalan
Dahil alam ko naman sa kahuli-hulihan
Ako parin ang masasaktan

Kaya salamat,
Salamat sa pansamantalang kilig
Sa tuwing ika'y nakatitig.
RLF RN Oct 2015
UMAGA (Morning)*

“I won’t talk, I won’t breathe. I won’t move ‘till you finally see that you belong with me..”

Nag-alarm ang cellphone ko,
at oras na ng pag-gising ko.
Oo, tama ka.
Ang paboritong kanta ni Paulo
ang tunog ng alarm ko.

Sa pagdilat ko, nakita ko nanaman
ang Araw na kasisikat pa lamang.
“Paulo” ayan nanaman ang unang salitang
nasabi ko, ang unang bagay at tao
na laman ng isipan ko.
Naisip ko, ako rin kaya ang naiisip niya
bago siya matulog?
Ako rin kaya ang unang nasa isip niya
sa kanyang paggising?

Umaga nanaman, panibagong araw na haharapin.
Bagong pagkakataon, bagong aabangan, at
bagong mga pangyayari.
Ang tanong ay simple lang naman,
Magkikita kaya kami?
Mabibigyan kaya kami ng pagkakataon ngayon?

Ang kahapon ay nakalipas na, sabi nga,
pero magmimistulang kahapon pa rin ba
ang araw ko ngaun?
Naghikab ako, sabay bangon.

Sa pagbangon ko, tumingin akong muli
sa bintana nakita ko na kumpleto
ang kulay na bumubuo sa paligid.
Berde, asul, dilaw, pula, puti, itim, brown,
lahat na ng kulay!
Ang ganda ng mundo ng mga tao,
ang ganda ng umagang sumalubong.
Pero nawala ang ngiti sa mga labi ko, at
kung may nakakita man sa akin
mababakas sa aking mga mata
ang lungkot, pananabik at pangungulila
ng malayo kay Paulo.

Gaano man kaganda ang paligid ko,
hindi pa rin kumpleto ang MUNDO KO
ng wala si Paulo.
Muli, napabuntong hininga ako
kasabay ng pagpigil ko sa aking mga luha
na nag-aadyang sila ay muling papatak.
Ayoko munang umiyak hanggat maaga,
marami pa naman mangyayari.
Mamaya nalang ulit kapag andiyan na ulit si Gabi,
ganoon ulit ang eksena, at ganoon naman lagi.

Binuksan ko ang pintuan ng aking kwarto,
lumabas na ako, at sa pagsara ko ng pinto
nagtanong ako ulit:
“Nasaan si Paulo?”
Itinatangi Mo ako't
Hindi kayang pakawalan,
Dadalhin pa sang lupalop
Ng bawat malaparaiso **** pangarap.

Sambit nga nila'y
Kung nasaan ka'y ako'y paroroon;
Kahit na ni minsa'y hindi ko nagawang harapin ka
Paumanhin, Irog
Pagkat damdami'y wari bang ginigisa.

O kaytagal **** inilihim ang pag-irog
Nais kong ipagsigawan ito
Pero pipi pala ang pusong totoo.
Tila nakakahon, pero may kalayaan
Tila makasarili, pero may ipinaglalaban
At naisin ma'y hindi kita maiwa't iwan.

Batid ko'y lahat pala'y yamang kasinungalingan
Heto ka't kakatok sa ibang pintuan,
Ba't pag nagkakulanga'y ako'y kayang bitawan/bitiwan?
Oo, hantungan nati'y mala-pelikulang hiwalayan.

Ni minsa'y hindi ako naging singkong duling
Na dadaplis si Kupido sa moog **** damdamin
Ni minsa'y hindi ako nagpaubaya sa palad ng iba,
O bakit nga ba? Para saan pa't umibig?
Luha'y higit pa kaysa para sa demokrasya.

Bago Mo iwa'y tayo'y magmata-mata,
Pagkat Ikaw ang minsang kumumpleto
Ng kulang-kulang na katauhan
Ng tunog-latang pag-aalimpuyo
Ng mapanghimagsik na damdamin.

Ako'y magbabalik, pangako ko, Sinta
Tingnan mo ang palad Mo,
Oo, babalik nang higit pa
Marahil doon Mo lang mapagtatantong
Hindi mabibilang aking halaga.
Wala na akong ibang gusto,

Kundi ang muli kang kumatok sa pintuan ko,

Kapag nakita ko ang maamong mukha mo,

Pwede na akong mamatay dahil sa sayang nadarama ko.

Noong inusal mo ang iyong huling paalam,

Namatay ako, ang sakit ay hindi maparam,

Sa tuwing ako'y humihiga,

Unan ko'y laging basa dahil sa mga luha.

Kung minahal mo ako,

Bakit iniwan mo ako,

Hindi ba sapat ang nadarama mo,

Ganoon na lang ba kadaling itapon ang lahat ng ito?

Dahil sa'yo nagawa ko ang mga bagay,

Na hindi ko alam kaya’t ayaw kong sayo'y mawalay,

Binago ako ng pagmamahal ko para sa'yo,

Pero bakit ganon, pinili mo pa ring iwan ako?

Minahal mo ako, ang kaso lang may pero,

Pero hindi na ngayon, pero hindi na pwede,

Pero ayoko na, pero hindi na ako masaya,
Pero pagod na ako, pero suko na ako.

Ang dami **** pero, ang dami ko namang sana,

Sana ako pa rin, sana pwede pa,

Sana gusto mo pa, sana masaya ka pa,

Sana hindi ka napagod, sana hindi ka sumuko.

Sana isang araw magkapalit tayo,

Ikaw yung may sana, ako yung may pero,

Iyong tipong gusto mo tapos ayaw ko,

Katulad ng mga linyang ito,

“Mahal kita, sana pwede pa,

Sana ako pa rin, sana tayo na lang ulit.”

Tapos sasagot ako nang,

"Pwede pa sana, pero huli na, nawala na yung pag-asa ko na magiging tayo pa.”
Kevin V Razalan May 2020
Sa mundong ito ay patuloy na nabubuhay ako,
Wala akong pinipili na kahit na sino,
Basta sa oras na ako ay makilala mo,
Sa oras na pinapasok mo 'ko,
Hindi ko alam kung kaya mo akong takasan,
Dahil marami ng nagtangkang kitilin ang buhay ng dahil sa hatid kong kapalaran.

Ako, ang sisira sa buhay mo,
Gagawin kong miserable ang utak mo,
Kapag nakilala mo ako,
Kahit saan ka pa magtago
Wala! Walang tutulong sayo!
Tandaan mo!
Lahat sila aayawan mo!
Guguluhin ko ang iyong mundo,
Yayanigin ko bawat pahina ng buhay mo,
Kahit ipagpilitan **** isarado ang bintana,
Papasok, papasukin kita-
Wala ka nang magagawa!
Sumuko ka na!
Kaibigan hinihintay na kitang sumama,
Ikukulong kita, sa lugar na hindi na makakalabas pa,
Kahit ilang beses **** hanapin-
Susi para makalabas sa suliranin,
Ikaw ay pilit kong aangkinin.

Pilit kitang aagawin,
Dahil sinasabi ko sa'yo isang pagpapanggap lang ang kanilang gagawin,
Makinig ka!
Halika na at sa akin ay sumama,
Dahil alam kong patuloy lang sila sa panghuhusga,
Patuloy ka lang kukutyain,
At patuloy ka lang paiiyakin,
Oo, nabubuhay ako sa husga, sa kutya, sa pagbalot sa sarili mo sa awa,
Sa walang tigil na pagluha ng iyong mga mata,
At sa malalang pag-iisip tulad ng pabago-bagong emosyon na hindi alam kung ano ba talaga,
Nabubuhay ako at mas lumalakas ako,
Sa tuwing nakikita ko ang isang taong mahilig magtago,
Ilihim ang nararamdamang sakit sa kahit na sino,
Mas lalakas pa ako kung sa oras na ako ay niyakap mo.

Huwag kang magtangka-
Pagtakas ay wala kang mapapala,
Dahil kapag dinapuan na kita,
Wala ng gugulo pa sa iyong mundong ginawa,
Gilitan ng leeg, wala pa ring talab,
Susundan kita hanggang kabilang buhay
Kahit magtago ka man sa kaibuturan ng kagubatan.
Ako, ang iyong kalaban,
Patago kitang sasaktan,
At unti-unti kitang pahihirapan,
Ako ang madadala sa'yo sa kamatayan,
Buhay ako at patuloy na gagambala sa iyong mundo,
Mistulang buhay mo ay sisirain ko,
Unti-unti kong babaguhin ang iyong sarili,
At titiyaking ni isa sa iyo ay walang mananatili.

Tandaan mo, at laging isaisip mo,
Kakatok ulit ako sa pintuan mo,
Dahil ilang beses ko ng sinabi sa'yo,
Na nabubuhay ako sa lungkot, sa takot, sa luha, sa panghuhusga ng iba,
At sa tuwing nag-iisa ka habang hindi na alam ang gagawin at solusyonan ang problema.
Ipapaalala ko lang sa iyo na hindi mo ako basta madadaig,
Na hindi mo ako basta malulupig,
Hangga't dala-dala mo ang aking mundo,
Hindi ako titigil sa'yo.

May panahon ka pa,
Makakatakas ka pa,
At magagawa mo akong daigin kung makikinig ka,
Hindi ako kasinungalingan,
Nagsasabi ako ng toto, dahil totoo ako.
Kung sinasabi **** peke ako,
Na dulot ko lang ay pagpapapansin,
Sinasabi ko na sa'yo mali ang makinig sa kanilang daing,
Intindihin mo ako at unawain lahat ng sinasabi ko,
Marami ng buhay ang nawasak ng dahil sa akin,
Kaya kung mabuhay ng matagal ang iyong hangarin,
Pakinggan mo ako dahil hindi ako nagbibiro,
At hindi ako nakikipaglaro.

Hindi ako pag-iinarte, hindi ako pag-iinarte.
Sa oras na dapuan ko ang mga mahal niyo,
o maging ang mga kaibigan mo,
Pakiusap, hawakan mo ang kaniyang kamay at hilain papunta sa masayang mundo,
Pakiusap ko!
Kung sakaling ako ay makilala mo,
Layuan mo ako,
Ipakilala mo ako sa lahat ng malaman nila na hindi ako pagpapapanggap.
Makakatakas ka pa,
Makakatas ka.
Nabubuhay ako sa mundong ito,
Ngunit kaya niyo ako.
Dasal lang at tiwala sa sarili ang katapat ko.

DEPRESYON.
~

✍: mula sa kolaborasyon nina PenSword at Lucifer
[Kevin V. Razalan || John Nelo San Juan]
KRRW Aug 2017
Putik
na nabuo
mula sa luha
at alikabok.



Bulaklak
ng damo
na tumubo
sa puntod.



Isang  munting
uod.



Isang butil
ng
pulang buhangin.



Bato
sa kabundukan
na tinutunaw
ng hangin.



Pulubi
sa daan
na namamalimos
sa mga
matang piniringan.




Asin
sa basong
walang takip.



Panyo
sa upuan
na pinakupas
ng tubig-ulan.




Munting ilaw
na sumisilip
sa silid-piitan.




Isang sulat
ng pamamaalam
na nakaipit
sa pintuan.



Pahina
ng kalendaryo
na nakaligtaang
pihitin.



Kandila
sa dilim
na nakikipaglaro
sa mga
anino.


Kabibe
sa tabing-dagat
na walang
laman.




Mga tunog
na walang
huni
at nagsisilbing
musika
para sa
mga bingi.



Hibla
ng buhok
sa ibabaw
ng gitara.



Antipara
na nakapatong
sa lamesa.




Pakpak
ng tutubi
na tinupok
ng gasera.



Isang tuyong
dahon
na sumabit
sa bintana.


Langaw
na nabitag
sa sapot
ng gagamba.



Kutsara
sa tabi
ng basag
na pinggan.



Mga basang
uling
sa hulmahan.



Katahimikan.



Usok
na humahalik
sa kalawakan.
Written
27 December 2014


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Eugene Jul 2018
"Tell me, have you ever known one man that never made mistakes in his entire life? Tell me?" hindi ko maiwasang hindi itanong sa kaniya ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng aking puso.

Nanatili lang siyang tahimik. Wala akong makitang kahit na katiting na emosyon mula sa kaniyang mga mata. Nagawa pa nga niyang balewalain ang tanong ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang niya ako tingnan.

"I need you to see the worst part of me and this is what I am aiming to you right now. Hindi mo ba nakikita kung gaano ako ngayon nasasaktan sa harapan mo, Rheka?"

Hindi ko gustong ilabas ang saloobin ko sa kaniya pagkat sobra akong nasasaktan sa bawat mga salitang binibitiwan ko.

"Hindi pa ba sapat ang mga nagawa kong 'perfect' things sa iyo?" muli akong nagpakawala ng tanong sa kaniya. At sa wakas ay kusang nagkaroon ng sariling isip ang kaniyang dila.

"You have everything a woman will die for, Forester. Those perfect things you showed to me; travel around the world, walking on one of the most beautiful beaches in the Pacific, eating at the most expensive restaurants, and spending time alone were not enough. We were married for 10 long years, but you have never fulfilled my lifelong wish and that's to conceive a child, Forester."

Natulala ako at naurong ang aking dila sa mga salitang lumabas sa bibig niya. Ang buong akala ko ay masayang-masaya na siya dahil lahat ng pangangailangan niya ay naibibigay ko maging ang mga luho niya ay napupunan ko.

"It is not enough to spend one day, once a week, once a month, twice or three times a year spending your time with me. They are all not enough. Hindi sa akin umiikot ang buhay mo kundi sa trabaho mo! Sampung taon, Forester! At sa sampung taong iyon ay puro ka na lamang trabaho, business appointment, at kontrata sa bawat kliyenteng naipapasa mo. Nasaan ako roon sa mga prayoridad mo?" pinilit kong huwag kumurap sa kaniyang susunod na sasabihin.

"I am ending this relationship. I'm leaving..." tinalikuran na niya ako. Napako ako sa kinatatayuan ko pero maagap kong nahawakan ang kaniyang kaliwang braso pero iwinakli niya lamang ito at nagmamadaling lumabas.

Nang unti-unti nang lumalabo ang aking paningin ay doon na bumuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

Ilang beses kong ipinaintindi sa kaniya mula nang maging kami at nang maging mag-asawa na siya ang prayoridad ko. Sa kaniya at para sa bubuuin naming anak ang lahat ng ginagawa ko. Hindi siya nakapaghintay.

Oo, aaminin kong may mali ako dahil kulang ang oras na inilalaan ko sa kaniya at ang kagustuhan niyang magkaroon kami ng anak ay hindi lingid sa kaalaman ko. Gustong-gusto kong sabihin iyon lahat sa kaniya, ngunit ayaw niya akong pakinggan. Sa tuwing nagkakaroon ako ng oras ay sinisigurado kong naroon ako sa tabi niya.

I have always updated her on my whereabouts and what I am doing because I don't want her to realize that she's not my priority. I even cancelled my appointment and rush into her to save her from danger.

Sinubukan kong tawagan siya nang makailang ulit hanggang sa umabot ito sa sampung missed calls pero pinapatayan niya lamang ako. I even texted her just to explain it to her, but I never recieve a response.

What else can I do? Do I have to end this?



After almost a week calling and texting her, I decided to go to her family house. Gabi na nang makarating ako sa kanila. Alam kong naroon lang siya. Pababa pa lang ako ng kotse nang makita kong lumabas siya at hila-hila ang malaking maleta.

"Please, Rheka. Let me explain. Mali ang iniisip **** hindi kita prayoridad... na wala ka sa prayoridad ko."

Iwinawakli niya ang mga kamay ko. Naipasok na niya sa likuran ng kotse ang bagahe niya pero hindi niya pa rin ako kinakausap.

Panay ang wakli niya sa mga kamay ko. Kitang-kita ko kung paano siya mairita.

"LEAVE ME ALONE! From now on, I want you to stay away from my life! Stay away!"

Kahit naiipit na ang mga kamay ko ng pintuan ng sasakyan ay umasa pa rin akong makikinig siya akin pero wala. Wala na akong nagawa kundi ang hayaan siya. Pinaharurot na niya ang sasakyan at ako naman ay naiwang nakatulala.

What else can I do? I was aiming at her heart to forgive me, but its like I'm shooting with a broken arrow.

I went back to my car. Tuliro at basta-basta na lamang pinaharurot ito nang mabilis. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tumigil sa isang mahabang tulay. Lumabas ako at nagkaroon ng sariling pag-iisip ang aking mga paang umakyat sa tulay na iyon.

With arms wide open while tears running down my face, I jump off the bridge.

Nang unti-unting pumailalim ang katawan ko ay naaaninag ko ang isang puting liwanag na may nakakasisilaw na mga pakpak. Nang imulat ko ang aking mga mata ay naramdaman ko ang pagaspas ng dalawang pakpak sa aking likuran at ako ay inangat mula sa kailaliman ng karagatan.

--Wakas---
Lunes

Siya ay tatlong-daang talampakan mula sa aking kinatatayuan
Sa kanyang pinaroroonan ako ay patungo
Sa dulo ng pasilyong ito siya'y taimtim na naghihintay
Sinuway ko ang tawag ng kahayokan ng damdamin
At hindi kumatok nang madatnan ang pintuan ng kanyang silid
"Hahayaan ko na lang siyang umidlip." sambit sa sarili

Martes

Siya, isang panibagong habol ng paningin, sumenyas
May ngiti siyang ipinakita bago dumiretso sa kasilyas
Sa silong ng eskuwelahan kung saan ako nag-aaral
Ako'y sumunod sa utos ng aking katigangan
Sumunod sa estrangherong may kislap sa kanyang ngiti
Ngunit dali-dali akong umalis nang mga mata ko'y nanlisik

Miyerkules

Ako ay nakaupo sa dulo ng bus, iniwan ng mga pasaherong inip
Napaisip at nag-iisip na bumaba na ngunit
May sumakay na lalaking marilag at ako'y nabihag
Hindi ko naiwasang hindi tumitig habang siya'y nakangisi
At sa kanyang pagtabi at mag-dikit ang mga biyas namin
Agarang tinawag ko ang kundoktor at pinahinto ang sasakyan

Huwebes

Mag-isa sa aking silid, nakahilata sa kama, Luna sa aking mukha
Ang diwa ay naglalakbay at may hinahabol na alaala
Bigla kong naalala may mensahe sa aking selepono
Isang hubad na larawan ng kausap ko nang wala pang limang araw
Nandilat ang aking mga mata at nagising ang aking diwa
Sa kalakhang kanyang ipinakita na aking di naman gaanong pinansin

Biyernes

Ikaw ay aking muling nasulyapan sa isang kainan
Malapit sa iyong tinitirhan, may kausap sa iyo'y nakikipagtitigan
O sa imahinasyon ko lang iyon?
Ngunit hindi ko maiaalis sa puso ko ang masindak,
Manlumo, malumbay na kaya **** mabuhay na wala
Ang init ng mga balat nating nagtatagpo.

Oh Diyos ko,

Ako'y pagbigyan mo makasama siya kahit isang gabi lang
Isang magdamagang nananaig ang kamunduan
Na maglapat ang aming mga dila
Na masubo ko ang kabuuan niya hanggang mabulunan
Na malasap ang alat ng pawis sa kanyang balat
Na mahila ko ang kanyang buhok sa gigil ng pagkasabik
Na muling takpan niya ang aking bibig, pinipigilan akong umimik

Sabado ng gabi may mensaheng bumungad sa'kin
Kami raw ay mag-hapunan at kumain ng pang-himagas hanggang Linggo ng umaga

At sa pagkakataong ito ay pumayag na ako.
Read more of my works on Tumblr: brixartanart.tumbr.com
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
011816

Kinausap ko ang Langit
Na buksan ang malaking pintuan
Nang pumagitna Siya sa'ting dal'wa.
Sinalo Niya ang bawat butil ng luha
At ako'y nagkusang mamahinga sa Kanyang piling.

Hinarap ko ang pagkakamali noon,
Nang minsang sadyain kong bitiwan ka rin
Pagkat biglaan din ang pagbitaw mo.
Inanod ako sa Kanyang bisig,
Doon nahilom ang puso't
Ngayong may panibagong katha.

Hindi ko inasahang
Iihipan ito ng Hangin at mapapadpad sayo.
Pero hindi ko magawang magwelga't magrebelde pa,
Pagkat hindi naman ako ganoon.

Siya na rin ang nagkusang tulakin ako
Pagkat kaya Niya sa buhay ko --
Nang tunay ngang lumaya ako.

Sa amin na lamang ng Langit
Ang huling pag-uusap;
Maging ang panggagamay ko
Sa karayom na sobrang sakit.

Panalangin ko pa ri'y ikaw,
Ikaw at ikaw, siyang anurin din ng Langit
Nang bulong Niya'y mapagnilay-nilayan mo.

Ganoon ang pag-ibig Niya..
May mga pagkakataon sa buhay na di mo inaasahang kailangan **** lunukin ang pride mo. Bilang babae o lalakie, mas bata man o mas nakatatanda; pagkat ang pride, balakid yan para sa pag-ayos ni Lord sa relasyon.

Minsan, masasaktan ka pero hindi iyon parusa. Minsan, manghihina ka pero para pala sa kalakasan mo.

Lagi ko ngang sinasabi sa sarili ko na, "Through confession, there comes healing. But not all who are healed comes to reconciliation." Pagkat kailangan ding alisin ang pride at minsan, pag sinabi ni Lord na gawin mo at kahit ayaw mo pa, gawin mo talaga. Naroon ang peace of mind na hinahanap mo.

Mahal ka ni Lord at mahal Niya rin ang nakasakit sayo o nasaktan mo. Basta. Alam mo yan sa sarili mo, hugutin mo ang tinik ng pride at hayaan si Lord na magpalakas at tunay na magpagaan ng pakiramdam mo.
VJ BRIONES Jul 2017
sa pagbukas ng aking mga mata
ikaw agad ang gusto kong makita
sa umaga na gustong lunurin ng saya
lunurin ng ikaw
hinahanap ang nawalang "ikaw"
nasaan ang "ikaw"
nasaan kaba?
kagabi lang katabi ka
pero ngayon wala kana
anung kalokohan to'?
umupo ako
at iniisip na ikaw ay
umalis ng hindi nagpapaalam
ANU BANG MERON KAPAG NAGPAPA-ALAM?


gumawa ako ng mainit na tsokolate
na paborito natin inumin parati
walang emosyon ang aking nararamdaman
ang maliit na butas sa aking puso, na tinutusok ng kalungkutan
ANU BANG MERON KAPAG NAGPAPA-ALAM?


sa pagbukas ng pinto ng ating aparador
naisip ko na baka nagtago kalang para ako'y iyong gulatin
handa sa kaba ng iyong hindi pag-alis
sa aking pagbukas
hinahanp kita
hindi moko ginulat
bakit hindi mo ako ginulat?
hindi ka nagtago
nasaan kaba?
sinara ko ulit ang pintuan ng aparador
niloloko ang sarili na ako'y gugulatin ulit
sa pagbukas ko wala kapadin don
hindi kapa din nagpapakita
nakita kong nakasabit ang damit mo
ang iyong amoy
ang mahalimuyak na amoy ng paborito **** pabango
na sana malanghap ko pa
na sana malanghap ko pa ang amoy ng iyong pagdating


nakita na kita
sa letrato nating dalawa
tinitignan ang ating mga imahe
tinitignan ang ating mga ala-ala
binabalikan kung anung meron pa
takot bumitaw sa tadhanang biglang umayaw
mga letratong tayo ay masaya
tayo ay magkasama
tayo na punong puno ng tawa
nakita ko ang letrato na paborito nating dlawa
pero ikaw hindi parin kita makita
makikita pa kaya kita?


hinanap kita
nilibot ko ang bawat sulok
pinuntahan ang dating tagpuan
sinilip ang dilim ng kalungkutan
binukas ang posibleng pinagtaguan
hinahanap ka saan-saan
tinanong ang mga tao sa lansangan
hindi parin kita makita
saan kaba
tama na ang taguan
magpakita kana
lumabas kana
sige na
labas na
ayoko nang magisa
tinanggap ang katotohanang ikaw ay wala na
na iniwan mokong walang ideya kung nasan ka
saan kaba nagpunta?


kung alam kolang na akoy iiwan mo
edi sana ikinulong kita
kung alam kolang na ikaw ay aalis
edi sana ikinandado nalang kita
sana sumulat ka manlang
o kaya nagiwan ng ideya kung nasaan ka man
habang ako nandito parin
hinihintay ang iyong pagbabalik
nakahiga sa kama
nagpapahinga
katabi ang mga unan
mga basang unan
na nilunod ng luha
at iniisip
ANU BANG MERON KAPAG NAGPAPA-ALAM?
Manaka-naka kong binisita ang 'yong munting tahanan
Siniyasat kung may bagong kagamitan o panauhing pinaunlakan
Sinuri ang katibaya't karupukan ng dating kagamitan
Repasuhin ang pundasyong itinukod ng nakaraan

At sa muli kong pagbisita sa 'yong tahanan
May bago akong nadatnan– nag-iba ang 'yong kinahihiligan
Hindi na aso kundi pusa ang paborito **** alagaan
Pati pintura ng 'yong munting tahana'y sya ring pinalitan
Ang dating itim ay tuluyang naging luntian
Maging ang pader nito'y simentado na't hindi kawayan
Pagbabago nga ba? o isinaayos lang?

T'wing bibisita ako sa 'yong tahanan
Dati-rati'y umaabot pa sa 'yong pintuan
Datapwat ngayo'y hanggang tarangkahan na lamang
Nananatiling nakamasid sa 'yong bakuran
Sa harding dati'y mirasol pa ang namumukadkad at hindi rosas
Sa bagong panauhing pinapasok sa pintuan
Pinaunlaka't nilaanan ng oras
Sa mga larawan niyang nakasabit sa dingding na dati'y mukha ko ang nilalaman
Nakatanaw;
Sa tahanang minsan ako'y nanahan
Sa tahanang tuluyan ko nang nilisan

-SLE
Para sa taong naging aking tahanan.
Omniest Wanderer Aug 2020
Isang  pintuan  ng  mahihiwagang  dekorasyon
Palamuti,  anong  na­sa  likod  na  impormasyon
Sa'yo  ipaglalaan  ang  aking  buhay  ­na  hiram
Nais  balang-araw  ay  tawagin  kang  hirang

Di  sapat­  ang  aking  tayutay  upang  ang  sagot  ay  dumulas
Pangatlong ­ katok  ko  na  ito't  'di  parin  nagbubukas
Ikaw  ay  isang  bu­gtong  na  nais  kong  matuklas
Kung  hinde,  ang  aking  buhay  ­ay  habang  buhay  na  undas.

Ako'y   ligaw  na  kaluluwa,  'di  alam  kung  sino
Ako'y  ligaw  na  kaluluwa  at  baka  ikaw ­ ang  paraiso
May  pagnanasa  sa  paglapit  subalit  ayokong  mak­a  abala
Ako'y  nababaliw  sa'yo  kahit  hindi  kita  kilala

Ang­  iyong  ngiti  ay  bukang-liwayway  sa  mundong  mapanglaw
At  a­ng  iyong  buhok  ay  mga  alon  sa  dagat  na  bughaw
Kung  kula­ngin  man  ang  ginawa  ko  na  tula
Handa  akong  gumawa  ng  is­ang  daan  pa

Hayaan  mo  akong  lumapit,  sa  kung  nasaan  ka man
At  pangako  sa  'yo  ako'y  tahimik  lang
Subalit  hindi  ti­tigil  hanggang  mapunan  ang  patlang
Pakiusap,  hayaan  mo  ako­ng  umusad  kahit  isang  hakbang  lang.
Sana  ma  accept  ang  aking  friend  request.
082021

Mas malalim pa ang gabi
Kaysa sa aking mga matang alikabok ang tinta.
Ang mga kulisap at kuliglig
Ay nagtatagisan ng mga boses
At sabay-sabay na nakikipagtalastasan
Kung kanino ba papanig
Ang buwang hugis pamato sa larong kalye.

Sinasabi nilang ang aming lugar ay dating liblib
Noong panahon pa ng mga Hapones.
Kaya’t nagbakasali akong
Kaya ko silang paniwalaan
Pagkat ni minsa’y hindi naman ako
Nakapagpantig ng mga salitang
Nakakahon sa iisang pangungusap.

Natatandaan ko pa ngang
Sa tuwing tumatanghod ako
Sa aming bintana sa umaga’y
Sabay ding magsisiingay ang nagtitinda ng taho
At nambabato ng dyaryo
Patungo sa aming pintuan.

Si Inay ay gagayak para sa bagong balita,
Habang ako’y gagayahin ang sigaw ni Manong
At titikim ng paborito kong agahan at panghimagas.

Habang sya’y papalapit
Ay kusang malalagas
Ang mga pakpak ng kanyang tsinelas
At kanyang ilalapag ang papel na inilimbag daw
Sa pabrika ng kanyang kaklase noon
Na anak-mayaman.

Sa isip ko’y nais ko sanang masiyasat rin
Ang mga letrang nakatambad sa aking harapan
At bigyang buhay ang mga papel
At baka sakaling,
Maging bihasa rin ako gaya ng iba.

Kung sabagay, ang lahat naman ng aking mithiin
Ay kusang maglalaho
Kasabay ng aking mga panagip.
Ang lahat naman ng nasisinagan ng apoy
Ay maya-maya ring magpapalamon
At magpapaubaya
Sa kadilimang bunsod ng panahong
May paulit-ulit na panimula’t katapusan.

Sabagay, ang lahat nama’y
Magmimistulang pandagdag lasa na lamang
Sa nanlilomos na alab at nagmimitsang pagpapaalam.

Naubos na ang bawat pahina
Ngunit di ko man lamang nagawang simulan
Ang pangangalap kung nasaan na ba si Itay.
Saan nga ba ang aming magiging tagpuan?
Saan at kailan nga ba ang hangin
Ang mismong sasabay sa aking paghikbi nang walang katapusan?
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
Sha Sep 2015
ika-labintatlo ng Agosto,
naghihintay ako ng sulat mo.
Maghapong nag-aabang sa tapat ng pintuan
inaasahang darating ang kartero
dala dala ang liham
ngunit walang napala, marahil ito na ang hinihintay na babala.
Eugene Feb 2018
Tama na! Tama na ang mga pagtangis.
Tama na ang mga pagdurusang nararamdaman ng aking puso.
Tama na ang mga pasakit na pinapasan ko sa mahabang panahon.
Tama na ang mga luhang palagi na lamang pumapatak sa tuwing naiisip kong wala akong kuwenta!

Hanggang kailan ba ako dapat na aasa sa wala kung hindi naman akong kayang mahalin ng taong mahal ko dahil ako ay iba?
Bakit ko ipagpipilitang isiksik ang sarili ko kung sa simula't sapul ay hindi nila ako maintindihan?
Dalawang beses lang ako nagkamali at sa mga pagkakamaling iyon ay humingi ako ng kapatawaran pero bakit tila hindi ako pinakinggan?
Nasaan ang kalayaan kong ako ay dapat na pakinggan sa mga isiniwalat kong pawang katotohanan lamang?

Anong pruweba ba ang dapat kong ipakita upang mapagtanto nilang karapat-dapat din akong mahalin,
at bigyan ng pagkakataong
patunayan ang sarili kong hindi ako ang taong inakala nilang katulad ng taong kinamumuhian nila ng mahabang panahon?
Pera lamang ba ang kailangang maging dahilan upang mapansin ang kahilingan kong matagal kong inasam na makamit ito?

Tao pa ba ang tingin nila sa akin o bagay na kapag nakuha na ang gusto ay itatapon nalang nang walang pasubali at hindi na kayang balikan o kamustahin?

Hindi ako nagmamalimos ng pag--ibig mula sa kanila!
Ang gusto ko lamang ay tanggapin ako sa kung sino ako at kung ano ang nakaraan ko.
Sana ay bigyan naman nila ako ng puwang sa kanilang puso pagkat ako ay sabik na sabik na sila ay mahagkan nang mahigpit.
Kung buhay pa sana ang ilaw ng aming tahanan ay hindi niya pahihintulutang magkakaganito ako.

Tama na!
Tama na ang mga baluktot na katwiran!
Tama na ang mga salitang iyong binibitawang
Hindi sumasang-ayon sa nilalaman ng iyong puso at sa sinasabi ng iyong isipan.

Ikaw na nagmamahal pa, magmamahal pa ba,
Kung kaliwa't kanan ng ipinaparamdam sa iyo na hindi ka nararapat maging bahagi ng mga puso nila?
Ikaw na nagmamahal pa, magpapatuloy ka pa rin ba
kung tahasan ka nang itinataboy sa pintuan ng kani-kanilang damdamin at isipan?

Saan ka nga ba nagkamali?
Ang mahalin sila nang buong puso, tapat, at totoo?
O ang umasa ka sa mga mabulaklakin nilang mga salita
Na kasinungalingan lang pala ang lahat at hindi ikaw ang nais nilang makasama?
Anton Nov 2020
Pintuan palang malalaman mo na,
Na ito ang bahay ng mahirap na pamilya,
May nakasulat pa sa itaas na "Welcome to Miano Family" at " God bless our home".
Mga katagang matagal ng iniukit ng panahon,

Pag pasok mo ay sasalubong agad sayo,
Ang mga mga kagamitan na bigay,
Mga gamit na pinagsawaan na ng kapit bahay,
Mga Tv, relos, at orasan na di na umaandar,

Sa iyong unang hakbang iyong maaapakan,
Ang mga lumang tarpaulin na ginawang floormat,
Upang takpan ang madumi at maputik na  sahig,

Lingon ka sa kanan,
At makikita mo ang gawa kong hagdanan,
Hagdan na mayroon lang tatlong apakan,
Ngunit di kelangan mabahala,
Pagkat gawa ko iyan, kaya dapat magtiwala,

Sa iyong pag akyat makikita agad,
Ang kahon na sa laki ay sagad,
Sariling gawang kahon para sa speaker at amplifier,
Di sapag mamayabang pero kalahating araw ko lang tinapos iyan,
Partida nga at wala pang kompletong kagamitan,

Mapapansin **** ganun din ang set up sa taas,
May mga tarpaulin nanaman paloob at palabas,
May mga pira pirasong damit na tinahi para magsilbing kurtina at pantakip,
Pantakip mula sa mga butas na ding ding,

Pag lipat sa kabilang kwarto at makikita mo,
Ang sahig  na gawa nanaman sa kawayan,
Na ginawa upang maging daanan ng hangin  sa mainit na panahon,

Walang masyadong kagamitan,
Pero masasabi mo talagang magulo,
Magulo at parang wala nang paglalagyan,
Ng mga damit at mga unan na pa kalat kalat,

Konting pagmamasid pa at iyong mapapansin,
Ang basag naming salamin,
Mga LED lights na di nagagamit pag sapit nh dilim,
Mga wires na napakagulo at gutay gutay,
Batterya ng motor na gamit  ng ilaw pag gabi,

Pag napagod kana sa taas,
Bumaba ka ulit at makikita mo sa gilid ng hagdan,
Ang Mga gawa sa kahoy na upuan,
Tingin saglit sa taas at masdan,
Pinag tagpi tagping yero na bubungan,

Mga bubong na maaliwalas kapag tag.araw,
Pag tag ulan naman ay nagmumukhang talon sa buhos ng tubig,
  
Sa kusina naman tayo ay magpunta,
Bubungad agad ang mga basag na baso,
At mga plato't kutsarang di kumpleto,
Naubos narin cguro ng tatay kong lasinggero,

Sa hugasan makikita mo naman,
Ang gawa sa kahoy na hugasan,
Mg lalagyan ng plato at basong may sabitan,

Isang hakbang pa at welcome to our lutuan,
Lutuan na gaw asa lupa nq ipinatong sa yero  kahoy at kawayan,
Mga maiitim na  na kawa at kaldero na laman,
At syempre mga kahoy rin na panggatong na nakalagay naman s abandang ilalim ng lutuan,

Tuwing kakain kailangan mag kanya²,
Pagkat pag nag sabay ay tiyak na di kasya,
Pagkat plato't kutsara'y kulang na,
Pero ganun paman kami ay masaya.

Simpleng bahay, simpleng buhay, simpleng pamumuhay 😊
Venice Oaper May 2018
Isa. Dalawa. Tatlo.
Magkasama lagi tayong tatlo.
Tayo lang, oo.
Hindi siya. Hindi sila. Tayo lang sabi niyo.

Pero, bakit nadagdagan?
Gumawa naman ako ng paraan
Pero kayo naman ang lumilihis sa ating daan.
Ay, mali. Sa inyo lang pala. At sakin lang pala.
Teka, sige, ayus lang pala madagdagan
Pero habang tumatagal ako na ata yung nakakaligtaan
Bakit?
Bakit naman ganon?
Sa hinaba haba ng panahon
Eto pala ang ating mapapala
Mawawala at maghihiwalay
Pupunta sa kani kaniyang landas at saka sabi ng ba bye

Sa tingin ko masaya na kayo
Sana masaya na rin ako
Kahit nasira yung pangako
Nabuksan naman ang pintuan ng kasalukuyan at naisara ang kahapon
Pero paniwalaan niyo ako, lungkot pa rin ang aking baon
Lumilipas ang araw na walang nakakaalala
Dumaraan ang mga gabing nakaharap sa mga tala
At naiisip na, bakit ako iniwan?

Nakikita ko kayo at binabati niyo ko
Pero paano niyo nagagawang ngumiti na parang walang nagbago?
Sa harap ko pa talaga sinasabi niyo mga sarili niyong plano
Habang heto ako, sinusubukang hindi maapektuhan pero paano?
Sa ilang taon na pinagsamahan, nasayang na nang tuluyan
Sabihin niyo.
Pano mapapawi ang lungkot dahil sa mga kaibigang minahal **** totoo.
At sigurado akong totoo kasi nasasaktan pa rin ako nang ganito.
Ang dating masasayang alaala nating lahat.
Nagtapos na lamang sa pasasalamat
sadnu.
Ang matinis na tinig ng isang libong nagkakalampagang bakal na maninipis ang tumili mula sa gilid ng 'yong ulunan,
Umaga na naman.
Mauuna ang pagbangon mo mula sa kama kaisa sa pagmulat ng iyong mga mata't pag-gising ng iyong diwang pagal sa 'di maalalang panaginip.
Ang hangin ay umihip--
Mula sa bintanang kumakaway gamit ang mga kurtinang bughaw sa paglisan ng gabi sa pagkamusta ng masalimuot na umaga.

Pumipihit na naman ang oras.

Pinanonood mo ang pagputok ng bawat bulang nabubuo mula sa pag-ugong ng kaldero buhat ng initsigan,
Bagay na 'yong kinaiinggitan.
Ang natatanging paraan para mapainit mo iyong umaga ay ang paglaklak ng kapeng 'sing pait ng pagiisa.
Tapos maliligo ka,
Pipihitin mo ang gripo para bumungad sa'yo ang nagyeyelong tubig na kumikitil sa 'yong kakayanan makaramdam.

Sana kumukulo rin yung tubig.

Pinanonood mo ang pagdating at paglaho ng mga pangitain ng isang 'di makatarungang siyudad ng maralita't dukha.
Paano pa nila nagagawang ngumiti?
Ika'y naririndi sa malalim na pag-ungol ng mga sasakyang minamaneho ng mga diwang humihiyaw sa pagkakakulong,
Sa pagkaubos ng oras.
Sinusulit mo ang ilang saglit na ang tanging suliraning iyong sinusumpa ay ang pagkahuli sa klase't mga responsibilidad.

Pagkakataon na naman ng buwan.

Huminga ka ng malalim bago mo nilapat ang 'yong palad na 'sing gaspang ng gasgas na pinto ng iyong bahay,
At dahan-dahan mo itong tinulak.
Nilanghap mo ang kulob na amoy ng hanging 'di magimbala sa segundong umapak ka sa loob ng yung 'di maturing na tahanan,
Isinara mo ang pintuan.
Kasabay nito ang pagsara mo ng iyong sarili sa buong mundong tanging inaalala lamang ang kanilang mga sarili.

Bumuhos ang iyong mga luha.

Ang iyong katawan ay nanginginig, ang isip ay nangingimbal at ika'y nangingimi sa kawalan ng katotohanan--
Ng 'yong pagkatao.
Maririnig **** umuugong ang iyong bulsa't napagtantong may nangangailangang marinig ang iyong boses,
Tumatawag si Mikoy.
Sa pag-sambit niya ng iyong pangalan ay napawi ang bumubagyong luha't naglaho ang unos ng 'di maintindihang lungkot.

Sa pagkakataong iyon, saka mo lang sinabing nakauwi ka na.
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com

— The End —