Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cleo Oct 2017
Sa tulang aking naisulat,
Sanay may mamulat ,
Sa kasalana at problemang lagging naiuulat,
Sa telebesyon at radyo ikaw ay magugulat.
Mundong  puno  ng karahasan,
Mga taong makasalanan,
Walang paninindigan,
Mga taong nang iiwan,
Pamilyang nasira sa isang kasalanan,
Kasalanang Patuloy na ginagawat  patuloy na nariyan.
Mga problemang hindi masulusyonan,
Mga  batang sa kalsaday naiwan ,
Mga taong  naiwan ng kanilang pangarap at kinabukasan,

Ito’y  opinion lamang,
Sa aking naririnig bilang isang mang mang.

Ang suliraning laging nariyan,
Kawalan ng kapayapaan,
Kakulangan ng sapat na edukasyon ng mga  kabataan,
Walang sawang Kahirapan,
Kawalan ng sapat na pantustos ng kalusugan ng mga mamamayan.

Pagkagumon ng mga kabataan sa bawal na droga,
Patuloy na pagtaas ng populasyon na di naaalintana,

Nasaan ang hustisya ?,
Bakit ang inosente ang nasa rehas na bakla?, Nasaan ang tunay na may sala?
Maging sa eleksyon ay  may daya,

Pagbabagot pag unlad ang gusto natin,
Kaya simulan  natin sa mismong pamamahay  natin.

Bakit ganito nasaan ang pagbabago?
Laging naririnig ko pag bukas palang ng radio,
Bilang isang kabataan, bilang isang mamamayan ,
Ang pagbabago ay laging naririyan,
Ito’y nasa iyo ung pupulutin mo o itatamabak lamang.
#WantedPeace
Crissel Famorcan Mar 2017
Ang bansang pilipinas sadyang magtatagumpay
Kung nanunungkulan dito,mahinaho't malumanay,
Matalino't masipag,may prinsipyo sa buhay,
Kayang mamuno ng bansa,masigasig na tunay.

Ngunit sa kasamaang palad, di natin ito nakamit,
Kaya mga mamamayan,para bang nakapiit
Mistulang preso nang kahirapan humagupit,
Walang kasama sa dusa, walang karamay sa sakit

Nasaan na ang pinunong inyong iniluklok?
Bakit hinayaan niyang pilipinas ay malugmok
Sa kahirapan ng buhay at magmistulang lamok?
Palipad - lipad o kaya naman ay nasa isang sulok.

Kung minsan ay talagang napapaisip ako
Ano ba talaga ang silbi ng gobyerno?
Para ba mangurakot at magbalatkayo?
At hayaang maghirap ang sariling bansa ko?

Kung titingnan kasi nating mabuti sa mata,
Pilipinas,ilan nalang ang tanawing magaganda
Hirap na mamamayan ang iyong makikita,
At mga batang lansangang kumakalam ang sikmura

Nasaan na ang pondo ng ating bayan?
Bakit naghihirap ang mamamayan?
Katwira'y marami daw pinaggagastusan
Ang mga departamento ng pamahalaan

Isa daw dito ang 4p's kung tawagin
Na tumutulong daw sa mga kababayan natin,
Pero ang nakikinabang,mayayaman lang din,
Sa halip na yung pamilyang walang makain.

Bakit katarungan ay hindi makita
Sa gobyerno ng bayan kong kawawa?
Nasaan na ang mga taong may pusong dalisay,
Na sa bayan ay handang maglingkod na tunay?

Kung ako ang tatanungin,ang akin lang masasabi,
Mga kurap ay laganap at plastic ang marami
Tapat na tao'y kanilang hinuhuli
At pamamalakad nila ang nais mamalagi

Kaya sana sa halalang papalapit,
Yung matitino naman ang ating ipalit
Mga tapat at di manggagamit
At kaunlaran ng pilipinas ang nais makamit..
Kelly Bitangcol Nov 2016
Noong Nobyembre 8 2016, magandang araw ang aking naranasan. Lahat ng tao ay naging mabait sa akin, masaya ang mga pangyayari at nakangiti ako buong araw. Nang sumapit ang hapon at ako ay pauwi na galing sa eskwelahan, mayroong ibinalita sa akin ang aking ina. At dahil sa balita na iyon, nasira ang aking mabuting araw, at napalitan ng pagiging miserable. Isang pangyayari na tumatak sa isip ng madaming Pilipino,  isang pangyayari na naghimok sa akin upang magsalita at lumaban. Noong Nobyembre 8 2016, pinayagang ilibing ang dating presidente at diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.


          Bayani ba si Marcos? Siya ay naging presidente ng Pilipinas sa loob ng dalawampu’t isang taon. Alam nating lahat ang kanyang mga nagawa, dahil sa kanya mayroong NLEX, at iba pang mga imprastraktura at gusali. One is to one ang peso at dolyar noong kanyang panahon. Madami siyang nagawa para sa ating bansa. At sabi nga ng maraming Pilipino, ginawa niyang mayaman ang Pilipinas. Pero ano nga ba ang katotohanan? Noong ako ay bata, nasa isip ko rin na si Marcos ay naging magaling na Presidente at pinaganda niya ang Pilipinas. Pero nang ako ay tumanda, nalaman ko ang mga katotohanan na ayaw tanggapin ng karamihan. Bago pa maging presidente si Marcos, mayroon ng malaking oportunidad na magkaroon ang Pilipinas ng economic bloom, at yuon ay dahil sa administrasyon ng mga dating Presidenteng si Magsaysay at Macapagal. Kung mayroong dapat ikredito kay Marcos yuon ay ang pagpapayag niya ng paghiram ng malaki at ang ginawa niyang malalaking utang sa mga dayuhan na dapat kanyang gamitin para sa industrialization at pagpapaunlad. Ngunit sinayang ng rehimeng Marcos ang lahat ng perang ito sa pamamagitan cronyism at katiwalian. Ang hindi alam ng nakakaramihan ay isa siyang kurakot na lider, at ang kanyang mga utang ay babayaran natin magpahanggang sa taong 2025. Oo, madami siyang naipatayong mga imprastraktura at may mga nagawa siya sa bansa, pero hindi ba galing sa mga Pilipino ang pera na iyon? Nasa kapangyarihan siya sa loob ng dalawampu’t isang taon, malamang sa malamang ay madami siyang magagawa. At hindi ba responsibilidad iyon ng isang presidente? Na paglingkuran ang bansa? Bakit kailangang isumbat iyon? Ang daming bagay na hindi alam ng mga Pilipino at lubos na nakalulungkot ito, ang mas nakakalungkot pa ay ang mga nakalimot sa Martial Law. Pinili ng mga tao na kalimutan ang mga totoong bayani, na nagbuwis ng buhay nila para sa bansa na ito. Nakalimutan nila ang mga libo libong tao na namatay at nasaktan. Nakalimutan nila ang dami ng dugo, at sakit na dinanas ng Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang demokrasyang binura ng administrasyong Marcos ay pilit na kinalimutan ng mga mamamayan ngayon dahil sa kadahilanan na ginawa naman nitong maganda ang bansa. Ang kalayaan na ipinaglaban ng mga Pilipino noon, ang kalayaan na dahilan upang makapagsulat ako ngayon, ay hinding hindi ko makakalimutan. Mga perang ninakaw,  mga Pilipinong lumaban pero namatay at nasaktan, mga karapatan na nayurakan, gaanon nalang ba kadaling kalimutan? P167.636 bilyon na ninakaw, 3,264 na namatay, 34,000 na tinorture at 70,000 na nakulong. Hindi bayani si Marcos, at kahit kailan hindi siya magiging bayani.


       Ang pangyayaring ito ay isang malaking bahagi sa ating kasaysayan at bansa. Sinasabi nila na tayo ay mag move on at magpatawad, pero paano natin ito mabibigay kung wala namang nanghihingi nito? At wala sa kanila ang desisyon kung kailan tayo magbibigay ng tawad. Habang ang mga Pilipino ay pinatay ay ninakawan, ang pamilya niya ang nagsasaya dahil sa kanilang yaman at dahil sa pagiging bayani ni Marcos. Sa pangyayari na ito, parang nabura ang ating kasaysayan. Para nating kinalimutan lahat ng nangyari. “Buti pa si Marcos may bangkay.”, sabi ng isang pamilya na hindi pa nahahanap ang bangkay ng isang Martial Law victim. Paano tayo magmomove on sa isang pangyayari na hindi pa naman nagkakaroon ng maayos na wakas? Ito ay parang paglagay ng asin sa sugat na hindi pa naghihilom. Ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan, sa katunayan, ay sobrang nakakatakot. Nakikita ko na simula ito ng panibagong panahon na walang demokrasya at pagapak sa mga karapatan. Baka masyado tayong takot sa kasaysayan, pero hindi tayo takot na maulit ito. Pero hindi ako titigil, hindi dapat tayo tumigil, upang ipaglaban ang tama. Tayo ay magsalita, at lumaban para sa ating bansa. Huwag tayong susuko para makamit ang tunay na hustisya.  Hahayaan ba natin na maulit ang madilim na nakaraan? Hindi na muli.

*(k.b)
ZT Oct 2015
Bakit ba
Ganito sa pinas
Kung saan masyado tayong tutok sa tamang landas

Landas na di naman natatahak
Pagkat lahat ng pangako ng mga naging pangulo ay puro palpak

Ano nga ba ang tamang landas
Palagi na lamang itong bukambibig ng mga taong malalaki ang bibig ngunit maliliit at malalamig naman ang mga puso.

Wagas kung makapagsabi ng tamang landas
Kailan ba magwawakas ang pagpapatag sa tamang landas
Tila masyado nang nabigyang importansya ang paghahanda sa tamang landas
Na naaaksya na ang pera ng ating mga probinsya


Ang mga pangakong napako
Ang mga pulitkong napako na sa pagtahak sa landas na ito
Na tila nakakalimutan na nilang isama ang sambayanan sa pagtahak nito
Ang mga mamamayang pilipino na naubusan na ng lakas
Pagkat wala na halos mailagay sa hapagkainan na bigas
Sa walang katapusang pag taas ng tax upang mabuo at mapatag lang ang sinasabing tamang landas

Mga pukitikong
Masyado nang naging overly attached sa tamang landas
Na tila konting lubak lang kuha agad sa kaban ng bayan... Sa pera ng mga mamamayan.. Upang magpagawa ng bagong daan. Mas matuwid na daan. Wow. Gusto nyo ba ng sapak?


Bakit hindi nalang hayaan ang malubak na daan?
Bakit hindi nalang hayaan ang konting baluktot sa daan?

Basta siguraduhin lang natin na tama ang ating pupuntahan.
Na pagdating natin sa ating paroroonan, paglingon natin ay wala na tayong babalikan dahil wala na tayong naiwan.
Magkaroon man ng galos sa paglalakbay, ang sakit ay kayang pawiin ng haplos ng kapwa pilipinong naging kasama mo sa pagtahak ng daan na tnahak ng bawat pilipino.

Ang kailangan namin ay isang pinuno
Hindi pangulo na ituturo lamang ang tamang daan habang nakasakay sa kanyang mamahaling sasakyan at hindi na namamalayan na kanya na palang naiwan ang mga mamamayan.
Ewan ko ba kung bakit ganito sa pinas. Sana sa darating na eleksyon ay makapili na tayo ng isang pinuno hindi lang basta pangulo
Kalyx Jul 2020
"Kalayaan" - Isang tula para sa kinabukasan
Lahat ng kabataan ay kayang lumaban
Sa bansa na hindi ipinaglaban
Animo'y pasista ang kanilang galawan
Hanggang sa pinatay nila nang tuluyan ang kalayaan

Inang bayan, parating na ang iyong kaarawan
Giniba ka na ng suntok ng mga kalaban
Sa iyong kaarawan, hindi ka pa rin ipinaglaban
Ngunit ang ginawa, pinaslang nila ang boses ng mga mamamayan

Sa demokrasya binagsak ang prangkisa
Na binagsak ulit ng mga pasista.
Sa likas ng tapang ng mga kayumanggi
Nandito na kami para bumawi

Ang kulay aking binabanggit,
Na akala ko noon ay pangit,
Pero taglay ito ng lakas
Para umalis ang mga nangahas

Sa ganda ng bansa natin, iisa lang naman ang kulay natin
Kaya naman nating isulong ang rebolusyon, para sa soberanya
Taglay naman natin ang sigaw ng pagkakaisa
Sapagkat, oras nang umaksyon ang masa.
#JunkTerrorBill
#ResistTyranny
#KalayaanIpaglaban
#ResistAsOne
#AtinAngKalayaan
CRESTINE CUERPO Sep 2017
Ipinanganak na mayaman,
Kakambal niya ang kasamaan,
Tanyag sa kapangyarihan,
Ngunit ang kaluluwa'y nangungulila sa kapayapaan,
Naghahanap ng kalinga't kaginhawaan.

Di niya iniisip ang kapakanan nang karamihan,
Sariling interes lamang ang pinapahalagahan,
Nanunungkulan ngunit puso'y di para sa bayan,
Kakampi niya ang droga't magnanakaw sa kaban ng bayan.

Kung ito'y iyo ng nasaksihan,
Bakit mo pa rin pinipili ang isang utusan?
Na tayong lahat ay kanyang alipin lamang.
Gumising ka kabataan!
Ninanais mo bang matikman ang tunay na kalayaan?
Idilat mo ang iyong mga mata at tingnan ang kapaligiran.

Ano ang nangyayari sa iyong nasasakupan?
Pagmasdan mo ang naka-abang na kasalukuyan,
Tayo'y pinaiikot sa kamay ng kanyang kapalaran,
Maging isa kang huwarang mamamayan,
Upang pagbabago ay maramdaman ng sambayanan.

Iligtas mo ang iyong kapwa Pilipinong nahihirapan,
Huwag mo silang pababaya-an,
Lagi **** tandaan,
Kailangan namin ang iyong tapang at panindigan,
Huwag kang magbulag-bulagan,
Oo! Tama! sa iyo nakasalalay,
Ang tamis ng tagumpay.


Ibigay mo ang tunay na kahulugan,
Salitang-----kasarinlan,
Tiyak! Pilipinas ay di mapag-iiwanan,
Kahit sa anumang larangan,
Makakamtan nito ang inaasam-asam na pagbabago,
Laban Pinoy! Laban Pinay! Laban Pilipino!
Ibandila mo ang iyong tunay na pagkatao!
Ialay mo ang iyong buhay,
Upang tayo'y hindi bilanggo habambuhay,
Huwag mo hayaang tayo'y magiging alipin,
Sa isang taong may puso ngunit-----walang pag-ibig!!!
Bangon Pilipinas.Makiisa sa pagmulat ng katotohanan na siyang magpapalaya sa atin sa kahirapan.
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
John AD Apr 2018
Gera nang karahasan,Pagyao ng iilan
Kasamaan na meron sila,inosente ang pinupuntirya
Marami na ring nabubulag sa salapi,masyado ng sakim sa kapangyarihan
Kaya pati mga mamamayan,ginagawan ng paraan para kumita sila ng barya

Sakim sa kapangyarihan,umiiyak ang iilan
Wala na ngang laban,Sinasabi nyo paring nanlaban

Tahimik lang akong naglalakad,bukid ang kapaligiran
Ang dami kasing magsasaka,kung magtanim droga ang nilalagay sa tagiliran
Kaya kailangang mag-ingat,magmasid dahil
Hindi lahat ng tagapangahalaga sa bayan ay dapat pagkatiwalaan

Narinig mo na ba yung putok ng baril sa kanluran
Nangangahulugan na nawalan nanaman tayo ng isang pag-asa ng bayan

Inabuso na kasi ang katungkulan,Sulit tuloy ang nakamit na kalayaan
Ang tagal nga imulat ng mga mamamayan ang kanilang isip at matang nagbubulag-bulagan
Ginigising ko na kayo,Tulog pa yata,Lasing sa tinomang alak ng kalokohan,
Tanghali na!Tulog na ang mga manok na naunang nagising kanina habang tayo'y nagbibingi-bingihan.
Gising!
jia Jul 2019
kung walang tatayo para sa bayan, sino?
ikaw na takot at naniniwala sa kuro-kuro?
ikaw na sanay na sa sistemang pabago-bago?
kung hindi tayo lalaban, sino?

sino bang dapat lumaban at makiaklas?
sino bang nandyan hanggang bukas?
sino bang nais humamon upang maging patas?
sino ba dapat ang kailangang tinitingala at tinitingnan sa itaas?

hindi ba't ikaw ang dapat gumawa ng paraan?
hindi ba't ikaw na mamamayan?
hindi ba't ikaw na Pilipino sa dugo at laman?
hindi ba't ikaw na anak ng bayan?

sa bawat siglong dadaan ay nanatili ang rebolusyon,
ang tanging kailangan ay pagmamahal sa nasyon.
mga aksyon natin dapat iayon,
kaya lumaban ka para sa sarili, sa bayan at sa susunod na henerasyon.
para sa bayan.
Vn Carlos Aug 2010
Ako ay isang pulis,
Natangal sa Serbisyo dahil sa paniniwala kong mali ang naging paghusga sa aking pagkatao,
Naglingkod sa bayan ngunit nauwi ang aking paghihirap sa hindi tamang pagpataw ng parusa,
Sa aking serbisyo, Sa aking pagkatao, at sa pangalan ko.

Kayat nagawa ko ang desisyong ito,
Wag niyo akong sisihin dahil tao lamang ako,
Nasasaktan at humihingi ng katarungan sa sistemang di makatarungan ang dahilan,
Sino ba naman ang matutuwang mapagbintangan,
sa mga krimeng pinaniniwalaan kong di naman ako ang may kagagawan?

Mga turista ang aking ginawang pananga,
Dahil di naririnig ng binging sistema ang mensahe ng sarili nilang mamamayan,
Kayat sila ang napili ko upang maintindi ako at magawan ng paraan,

Bitbit ko ang aking baril,
Hawak ko ang aking kutsilyo,
Ngunit wala akong balak na gamitin ito upang masimulan ang pagkakagulo,
Isa lang naman ang hiling ko,

ANG MAPANSIN AKO NG BULOK NA SISTEMANG PINANGALINGAN KO.
Vn13©2010
Eugene Aug 2016
Marami ang natutuwa,
Ang iba nama'y naluluha.
Mayroon namang naiinis pa,
At nagbibitaw ng maaanghang na salita.
Masisisi mo ba sila?
Amoy na amoy ang bulok na sistema.
Yaman ng bayan, saan napunta?
Aling daan ba ang susundin nila?
Nasaan ang pangakong maka-masa?
Gagalawin pa ang pera ng iba.

Pangulong hindi makasarili,
Ilaw ng bansang hindi mapupundi,
Layuning hindi naisasantabi,
Iniintindi bawat hinaing ng nakararami.
Presidenteng may katuturan ang sinasabi,
Ipinagtatanggol ang mga naapi,
Nagsusumikap na bansa'y maging mabuti,
Obligasyon sa mamamayan ang laging pinipili.
Eugene Aug 2016
Halina at pakinggan,
Ang kanilang ipinaglalaban,
Lalo na sa usaping kapayapaan.
Adhikaing kailangang panindigan,
Lahat ay dapat solusyonan,
Asikasuhin ang kahirapan,
Nang mamamayan ay matulungan.
Maria Navea Mar 2019
Naaawa ako saiyo, Binibini
Karumaldumal ang pamamaslang na iyong sinapit
Luha mo’y nagpaparamdam ng hapdi
sa pag tulo nito sa iyong mga pisngi.

Ginahasa ka ng sarili **** pinuno
Minulestya ka at pinagsamantalahan
Ibinenta ka sa banyaga na parang isang bayaring babaeng matatagpuan mo sa daan.

Ninakawan ka ng sarili **** tagapaglingkod
Binigyan mo na ng palay at lupain
Ngunit ang hindi na para sakanila’y nagawa pang angkinin.

Pamilya mo’y nagawa kang saksakin sa iyong likod
Sa kanilang pananahimik at hindi pagkinig
Sigaw **** “tulong”, sa lakas ika’y nawawalan na ng tinig; at
Sa pananatili nilang pagpikit sa mga karumaldumal na katotohanang sa harapan nila’y nakahain.

Ipagpaumanhin mo ang mamamayan mo, Binibini
Tao mo’y masyadong nasilaw sa kayamanang iyong binahagi
Pasensya ka na at sila ay naging makasarili
Hindi nila inisip ang dulot nilang hinagpis.

Binibini,
Sa kahit anong gamot ang iyong ipahid sa mga sugat **** natamo
Malinaw na hustisya ang sigaw ng puso at isipan mo
Hustisyang malabo mo nang maabot
Sapagkat tunay kang hindi inibig ng tao
Kundi ginawa ka lang instrumento sa pagkamit ng kanilang makasariling plano.
Sa paglipas ng panahon at makabagong sibilisasyon, maituturing pa bang wikang pambansa ang wika natin ngayon?
      Ito ang malaking katanungan na naglalaro sa aking isipan. Tila binabagabag ang aking isipan sa aking mga nasisilayan. Kaguluhan, Hindi pagkakaunawaan at sari-saring hindi magagandang salita ang naglalaro sa nakararami. Bakit? Bakit patuloy pa rin tayo sa masamang gawain na ito?
      Ngunit ang wika ay walang ibang hinahangad kundi kapayapaan, pagkakaisa at pagkakaunawaan dahil ang wika nation ay tunay na daang matuwid. Dahil ang wikang matuwid ay iisa lang ang layunin, ang bigyan ng tuwird at masaganang buhay ang bawat mamamayan.
      Balikan natin ang malaking katanungan, wika pa bang maituturing ang wikang pambansa ngayon?
      Tama! Wika pa ngang maituturing ang wika natin ngayon sapagkat ito ang nagbubuklod sa pusong wasak, pamilyang watak-watak at Pilipinong away at gulo ang dulot sa mundo.
      Ang wika ay matuwid tulad ng pag-ibig. Siya ang nagbibigay buhay sa mga Pilipinong katulad ko.
Dhaye Margaux Oct 2016
Kung ikaw ay isang senador,  ano ang hakbang mo
Paano mo aalamin para malaman ang totoo
At kung alam mo na, isisiwalat mo ba ito
Kung ang madidiin ay isang kaibigan mo

Kung ikaw ay isang mambabatas,  ano kaya ang gagawin
Kapag nalaman ang totoo,  paano ito sasabihin
Kung ang kaibigan o pamilya ang siya namang madidiin
O patutunayan **** ang batas ay nababaluktot mandin

Kung ikaw ay isang mamahayag,  paano ka magsasalita
Doon ka ba sa totoo o kung saan ka may mahihita
Lalo na kung nais mo ring sumikat sa pagbabalita
Basta ba may narinig ka'y isisiwalat mo sa madla

Kung ikaw ay isang pari o kaya'y pastor ng simbahan
Ang puso mo ba ay malapit sa taong naghandog sa 'yong kawan
Utang na loob mo ba ang iyong isasaalang-alang
Dahil ang kawan na hawak mo ay kaniyang natulungan

Paano mo ihahayag kung ikaw ay isang ****
Sa mga kabataang sa harap mo'y nakaupo
Naghihintay ng liwanag,  ng dunong na isusubo
Kung ano ba ang nais mo sa kanila'y ituturo

Kung ikaw ang presidente,  makakaya mo bang lahat
Ang sugpuin ang problemang sa nuno pa natin nag-ugat
Ibababa mo na lang ba ang ngalan ng Pilipinas
Upang laging mayrong tulong sa ibang bansang ngayo'y sikat

Kung ikaw na karaniwang mamamayan na tulad ko
Nag-iisip,  nangangarap ng mabuti sa bayan mo
Ang makita sa 'sang sulyap, paniniwalaan ba ito
O pag-aaralang mabuti kung totoo ang narinig mo

Tayong lahat ay malaya,  malaya kang magpahayag
Malaya kang maniwala kung kanino ka mahahabag
Kung kanino magagalit, kung sino ang nililiyag
Ngunit isipin mo sana ang bukas ng ating mga anak.
Paano nga kaya?
15 Ikalabingwalong kaarawan na
Ng binukot na prinsesa

16 Ang pagiging dalaga niya’y ganap
Isang prinsipe ang ihaharap

17 Panahon na upang lumabas sa palasyo
Humarap sa mga mamamayan at mga dayo

18 Ngayong nasa harapan na ng madla
Ipakikilala sari-saring mga binata

19 Tangan ang mga regalo
Sa prinsesang sinusuyo

20 At pagtunog ng mga tambol at plawta
Si Dara’y makikisayaw na

21 Sa mga lalaking napupusuan
Na sa mga pagsubok idadaan.

-06/23/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 143
jia Oct 2018
aanhin mo ang bayang mayaman,
bayang maunlad at sapat,
kung patay na ang mamamayan,
at sa kalayaan ay salat.
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
jia Jul 2020
"TAHIMIK!" sigaw ng mga nasa itaas,
mga taong gumagawa ng batas,
ngunit ang hustisya'y hindi patas,
'pagkat sa kanila ang batas ay may butas.

"TAHIMIK!" sigaw ng mga may kapangyarihan,
mga taong inaasaahang maging huwaran,
sa panahon na sila'y ating kinakailangan,
ang tanging naitatanong ay "saan?"

"TAHIMIK!" sigaw ng mga mapagmanipula,
mga taong ginagawang hanapbuhay ang pulitika,
pondong mga winawaldas at nawawalang parang bula
ang mga sagot ay tanging paghuhula.

"TAHIMIK!" sigaw ng mga ayaw sa kritisismo,
mga takot sa hinaing at nagrereklamo,
mga tutang kinain ng koloniyalismo,
sa ibang bayan sila ay tila maamo.

ngunit sa kabila ng lahat ng pagtatahimik,
patuloy kang umimik,
sa hustiya at paglaban ay maging sabik,
sa mga mapanakot huwag magpapitik.

ipagpatuloy ang pagiingay,
sa masa ika'y sumabay,
magising ka sa iyong malay,
pagkamakabayan huwag sanang mawalay.

huwag **** hayaang kunin ang boses natin,
'pagkat ang pag-aaklas ay pilit na isinalin-salin,
mag-salita ka pa rin,
hindi lang para sa'yo kundi para rin sa akin.

ialay ang mo ang salita mo sa mamayan,
ikaw ang maging tunay na huwaran,
susunod na henerasyon iyong ipasan,
mag-ingay sa kahit anong paraan.

"TAHIMIK!" ani ng taong bayan,
sawa na sa pagmamanipula na naghahari-harian.
"TAHIMIK!" ani ng mga mamamayan,
tandaan na laging buksan ang mata at isipan.
mula sa masa, tungo sa masa

#JunkTerrorBillNow #VetoTerrorBill
kingjay Dec 2018
Ngunit walang kaparis ang hinahanap na piyesa
Di mabibili gaya ng rubi't iba pang mamahaling bato
Tuluyan man pinabayaan ito'y di mapapalitan ng bago
Iisa lang ang puso ng saging sa mundo

Ang pagitan ay sinagtaon sa kinatatayuan at mithiin
Anggulo ng teleskopyo ay bahagya na pahilis
Lumihis ang tanaw sa Polaris
Paano matunton kung nalito sa direksyon
Maabot kaya ng radyasyon?

Guhitan nang matuwid ang Norte
Kumakapit pa sa pinaglalaban ang pobre
Sa dibinong galamay ng sansinukob
ang tumulong para hagilapin ang nawawalang bituin
at sulsihin tulad sa bahay-gagamba

Maitim na imahe ay nananakal
Tinangka na dakmain ito ngunit di masalat
Kumalma at hinay hinay gumulong,
inikot ang busol
Naalimpungatan nang lumabas datapwat panaginip ang lahat

Munting ninanais ay maisakatuparan kung ano ang nasa isip
Nang hindi na makagalaw, susunduin ng awa
At may aampon- habag ni Bathala
Mamamayan ng Kanyang paraiso'y manunumpa
David Vlaim Dec 2020
Sa paraang iyan nila kami pinatatahimik, pinapatay, at tinatapos.
Baril ang kanilang sagot sa aming sigaw,
Sigaw para sa karapatan at bayan,
Bayang aming pinaglilingkuran.

Hindi pa ba kayo naalarma?
Na mismong makabagong bayani na ang pinapatay nila,
Mga bayaning halos walang pahinga,
Mapagaling lang nila tayo mula sa pandemya.

Pandemyang naglabas ng baho nilang mga nasa itaas,
At kanilang mga hindi pagiging patas,
Mga taong lantarang lumalabag sa batas,
Malaya pa rin at nakikinabang sa ating kaban.

Kaban na pinagnanakawan,
Bilyong utang,
Na tayong simpleng mamamayan ang magbabayad,
Magbabayad sa inutang na hindi naman natin napakinabangan.

Ilang inosenteng buhay pa ba ang mawawala,
Bago ka tumigil sa pagsuporta sa tuta ng Tsina,
Sa mga tangang namamahala,
Sa mga taong walang hiya.

Gising mga bulag!
Kalyx Jul 2020
Lahat ng kabataan ay kayang lumaban
Sa bansa na hindi ipinaglaban
Ang sakim ng imperyalistang kano ng kalawakan
Na Pinatay nila nang tuluyan ang kalayaan

O Inang bayan, sinaktan ka nang tuluyan
Sa ginawa ni kahel na agawin ang iyong yaman  
Sa ganda mo ginawang kang alipin ,ngunit hindi ka pa rin ipinaglaban
Sapagkat ang ginawa, pinaslang nila ang boses ng mga mamamayan.

O inang bayan, narinig ko ang sigaw ng proletaryo
Humahanay sa rebolusyon tungo sa sosyalismo
Sa likas ng tapang ng mga kayumanggi
Nandito na kami para bumawi

Ang kulay aking binabanggit,
Na sa mata ng mga puti ay pangit,
Pero taglay ito ng lakas
Para umalis ang mga nangahas

Sa ganda ng bansa natin, iisa lang naman ang kulay natin
Kaya naman nating pabagsakin ang imperealismo, para sa soberanya
Taglay naman natin ang sigaw ng pagkakaisa
Sapagkat, oras nang umaksyon ang masa.

#JunkTerrorBill
#ResistTyranny
#KalayaanIpaglaban
#ResistA­sOne
#AtinAngKalayaan
Eugene Nov 2015
Umurong man ang aking dila ng ako ay nilikha,
Bukas naman ang aking mga mata sa inyong pangungutya.
Pangungutyang hindi kailanman ay kaaya-aya,
Bagkus ay naging tinik sa aking araw-araw na pag-asa.

Pag-asang milagro na lamang ang hinihintay,
Pag-asang masabi ko rin ang bawat letrang nakahimlay,
Pag-asang maibibigkas ang katagang sa dugo ko ay nananalaytay,
At pag-asang, ika'y naririyan upang sa akin ay umalalay.

Aalalay at maging tagapagsalita sa aking harapan.
Isasatinig ang aking naisulat na mga banghay-aralin.
Upang malamang nila ang aking mga saloobin,
Saloobing tatatak sa puso at isipan ng bawat mamamayan natin.
Stum Casia Aug 2015
May paligsahan ng palakasan ng palakpakan sa Batasan Complex.
May pabuyang naghihintay
sa mapuputulan ng kamay
kakapalakpak kahit palpak at sablay.  
Pabayaang maglaway ang mamamayan sa kaunlarang  ibabandila.
Hayaang mabilaukan ng kathang-isip ang mga pasilyo,
wawalisin na lang ito mamaya
o bukas kapag iba na ang usong balita.  
Kapag kasuotan na ang pinag-uusapan.

Madulas kayong lahat sa nasayang na laway.
Naghahanap ng away ang hindi pupuri.
Ang hindi sasamba.

Ang ayaw sumama sa pagsimba sa katedral ng kasinungalingan
pagugulungin sa labas ng bulwagan.
Walang puwang ang katotohanan kaninong palad man ito nakasulat.  
Kaya’t huwag itong iladlad.
Huwag itong itambad.

Huwag hubaran ang matagal nang nakahubad.

Ibibilad kayong mga bastos.
Iiwas sila sa pakikipagtuos,

dahil mas matigas pa sa mukha nila ang inyong katwirang
huwag sumali sa paligsahan.

Dahil ang masigabong palakpakan ay nakalaan sa sambayanang lumalaban.
Tuwing Halalan, may kalakalan…
Palitan, tindahan ng mga pangalan
Manibalang, sariwa’t bulok man
Hilaw o hinog, merong pagpipilian.

Tuwing Halalan, may paligsahan…
Maliit, malaki, mahirap, mayaman
Basta handa at gustong lumaban
Maging sino ka man, pwedeng sumali diyan.

Tuwing Halalan, may kaaliwan…
Kantahan, sayawan at palakpakan
Kainan, kwentuhan at inuman
Wari’y may pista ang buong bayan.

Tuwing Halalan, may kasawian…
Tsisimisan, siraan, banghayan, alitan
Hamunan, bugbugan at bantaan
Hanggang kamatayan, walang uurungan.

Tuwing Halalan, may kalayaan
Pumili ng pinuno ang mamamayan
Dikta ng sarili **** isipan
O maging anong uri ng kabayaran.

Tuwing Halalan, may karanasan!

-09/29/07
(Dumarao)
*upcoming local elections
My Poem No. 28
John AD Jun 2018
KKL
Sira nanaman ang kalikasan
Para sa makabagong kalakaran
Gumanda nga ang larawan
Magkukulang naman sa kasaganahan

Matatandang puno at halaman
Dapat nating alagaan , darating ang araw
Wala nang proteksyon sa kapaligiran at,
Tayo'y titingin muli sa nakaraan

Kapag ako'y pumanaw , katawan ko'y tamnan
Upang sa gayon ang aking bunga ay dapat pangalagaan
Ngayon nasan na ang dignidad ng mga mamamayan na
pinagpalit ang magandang larawan
sa mga punong pinutol na kasama natin sa kaunlaran.
Kalikasan Kapalit ng Larawan
JOJO C PINCA Nov 2017
masahol ka pa sa puta
dahil ang puta katawan n'ya lang
ang kanyang kinakalakal.
ikaw ibenibenta mo ang katawan
at buhay ng ibang tao.
sinasalaula mo ang dangal
ng ***** bayan; ibinubugaw mo
ang mamamayan sa mga dayuhan
hayup ka.

masahol ka pa sa magnanakaw na nasa kalsada
siya konti lang ang nakukulimbat
ikaw dinadambong mo ang kaban ng bansa
ibinubulsa mo ang pondo na para sa mga mahihirap
hindi kapa mamatay

masahol kapa sa sugapa sa droga
ang trip mo kasi mamerhuwisyo ng buong bayan
wow heavy bigat mo talaga sir

masahol kapa sa hayup
kahit ang baboy maluluma sa kasibaan mo
pati ang buwitre mahihiya sa pagkadayukdok mo
ang buwaya at pating walang binatbat sayo

kaya sa darating na halalan hindi kita iboboto.
solEmn oaSis Dec 2022
nasa mata ng tumitingin
Meron ang Kagandahan,
tulad baga ng maingay na musika
sa pandinig nilang tulog - mantika,
nangangamoy na ang sulo ng apoy
Halimuyak pa rin meron ang Simoy,
tila ba malabong bahain ng pag-asa
Sila na nasa Seguridad ang panlasa
kagat - labi man ang pagtiim - bagang
habang iniinda ng kalingkingan ang matimbang
na tawag ng inang - kalikasan animoy gantimpalang
maitituring ang abot - kamay na pangarap sa pahalang
na ilog ng kaulapan na may samut - saring pasaring...
dinaramdam ng katauhan ang bawat hangaring
Huwag masaktan ang puso kahit ni- ang mga kalamnan
Ngunit sadyang nangyayari ang hawi ng kabiglaanan,,
Mga balya at salya ng pagsibol ang huwad na kasinongalungan at ang patotot ng katotohanan...
bilang Isang mamamayan ng pagsubaybay doon sa mga tulak ng tugma
sunog-bahay kahahantongan ng maling bitaw sa batong hawak para sa sungka,
Bilang ng mga nilalang kapwa paikot-ikot lamang na tila ba kumpol ng mga balahibong-pusa na tinayoan
Umakyat sa leeg ang dagang dati - rati ay nasa dibdib...
Maibulalas lamang ang silakbo at simbuyo na kay - tigib.
Bilang na pala ang oras at sadyang di namalayan sa LibLib,
Magwawakas na pala ang isa- dalawa tatlong pag - iigib
sa balong malalim na may apat - lima anim na pakikipag - anib
Nalagot ang lubid , nahulog ang sisidlan ng tubig...
at natinik sa paglukso ng pag - ibig yaong pawang mga nakayapak
Ngunit babangon sa tuwing madarapa ang siyang naiwan na balak
Ganyan po ang aral ng Liwanag sa dilim
Gabayan ang hangal sa aninag ng lilim !
ika - P i T o .. ika - Walo
Hipan lang ang siLbato,
bundok man o sa ibayo
Siyaman na ulap ay TanTo,
Lalaya din ang pangsampo
Magtatagumpay ang bunso !!!
DahiL ako ang nagsulat nito
MarahiL nabatid mo na ang pulso
Biyaya ng MaykapaL wag i- abuso
Kung tinamaan Ka man ng bagyo
Kalimutan ang Tampo at Siphayo
The sequel of my poem...
"  Kapag natuyo ang ilog,
Hintayin mo ang mga ulap "
John AD May 2020
Matalas na mata , Tulog lang sumasara
Kadiliman sa kuweba, Nangangaso ng bampira
Walang talab sakit , Manhid ang resistensya
Paniking dinagit ng uwak , Inihanda sa noche buena

Inakit ka ng huni , Siniyasat ang gamot
Iturok sa sarili , Patayin ang salot
Balisa kaibuturan ng iyong isip
Umipekto ba ang eksperimento? Dinalaw ka ng idlip

Napuksa na ang sakit , Galak ang mamamayan
Nagluksa na ang uwak , Sakripisyo'y inilaan
Kampanteng mga hangal , Higanti ng sinaktan
Pagpatay ng mga uwak sa mga taong makasalan
Ang pisi ay patibong
Jasmin May 2020
Ano bang nais **** mabasa
Ano bang nais kong maitala
Marahil ito’y tungkol sa mga bulaklak
Mahalimuyak, wari pa’y simbolo ng galak
Maaari ring tungkol sa mga ulap
Tinitingala at hangad ay mayakap
O kaya naman ay sa mga paruparo
Susundan ng tingin saan man dumapo
Ilan lang ‘yan sa mga tuwinang paksa
Mga usaping purong halaga ang tinatamasa
Kumusta kaya ang mga pangkaraniwan
Ang mga patay na dahon sa putikan
Bisikleta ng ordinaryong mamamayan
Lapis na panulat ng pangalan ng napupusuan
Iyong madaling nabubura, hindi nahahalata
Kabilang sa mga madalang bigyan ng pansin
Mga bagay na sapat na ang isang tingin

Kumusta kayo?

Kumusta tayo?

Siguro’y nangingiti lulan ng duyan
Kalmado, mahinahon, malaya
Tago sa ingay ng karangyaan
Simple, payak... nawa.
NoctOwl Mar 2022
Mag aral ka nang mabuti
habang ikaw ay estudyante
Nang sa iyong Paglaki
Maging mamamayan na mabuti

Oh may inuman
Sa akin ang pulutan
Ikaw kaibigan?
Toka mo ay alak naman

At sa aking pag-uwi
Ako ay napaluhod
Sa relasyon natin Ama
Minahal ako kahit walang ambag
Ang mundo ay parang palasyo
Opisina ng mga pinuno
Bulwagan ng mga mamamayan
Takbuhan ng mga nangangailangan.

-01/08/2015
(Dumarao)
*Ang Mundong Pook Collection
My Poem No. 308
78 Ang ina ng pangunahing salarin
Mangkukulam na maramdamin

79 Sa tindi ng kalungkutan
Paghihiganti’y kagustuhan

80 Mga mamamayan siya’y minura
Tinagurian pa siyang kasumpa-sumpa

81 Galit at lungkot
Pighati at poot

82 Isang gabing may sigwa
Katakut-takot na delubyo tinawag niya

83 Tubig, hangin, buhangin magkasahog
Dumaluyong sa bayang ilulubog

84 At paggising ng bayan kinabukasan
Tumambad kalunus-lunos na kasiraan.

-06/27/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 153
John AD Apr 2020
Ang titik kong namumutiktik sa sabik,
Matabil ang dila , maligaya kung maghasik
Mga matang nakapikit , Husga ay saltik
Madalas akong matinik , hindi nalang ako umiimik

Kahindik-hindik na katahimikan , ipipiit ka ng iyong isipan
katampalasanan ay ginugol , alingawngaw ng asong kumakahol
Dumanak kasinungalingan , dayukdok ang mamamayan
Di-masusupil ng kapangyarihan , Mapaniil ng may alam
Jun Lit Mar 2021
Naampat na ang dugô,
patay na ang mga bayanì
Pipi’t ampaw nakatayo
ang katahimikang naghahari
Tulog ang diyos, Impô,
mga aswang nakangiti
Matatapos na ang “Aba po!”
lasing pa rin ang kudyapi

Kahit matapang ang kape
Di mahulasan ang kapre.

Ginayumang mamamayan
Tila bulag, tanga’t mangmang

Kapag may nagugulantang
Lalayas na rin, ‘kita’y iniiwan.

Ito
ang alamat
ng taumbayang niloloko
at patuloy na nagpapaloko;
ng bayang pinagsamantalahan,
ng bayang pinabayaan.
14th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.

— The End —