Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
NadPoet Mar 2018
bayan kong mahal sayo'y ibibigay ang aking buhay
ipaglalaban ang aking katwiran at karapatan
ipagsisigawan ang salitang pagkakaisa at kapayapaan
ngunit bakit sa lahat ang may hadlang?
tuluyan na bang nabaon sa nakaraan ang kapatiran?
mas nanaisin ng karamihan ang kaginhawaan para sa sariling kapakanan
ang paggiging  makabayan ay bibitawan nalang kapalit ay maging sa sariling alipin sa bayan
magbibingi bingihan na lamang sa mga maling nasaksihan sa mga taong naka upo sa mataas na upuan
ang mali ang nagiging tama ang tama ay mailap ng makita
anung silbi ng mga pinaglalaban kung ang lahat ayaw makipag laban?
sakim sa sarili at sarili lang ang mahalaga
wala na ang mga bayani patay na!
kailan may walang tunay na kalayaan sa ating bayan
dahil ang lahat ay ang nais lang ang sariling interes at kapakanan
nasayang lang ang watawat na hinabi ng ating mga bayani
hindi pagkakaisa ang nasa ang nasa isipan kundi paano maka isa sa lahat
bayani ba ay isang nalang alamat?
wala na bang mag aangat at magsasabing dapat ipaglaban ang karapatan?
nagiging mahirap ang mahirap at sa pera silay salat
ang mayaman ay nagtataas ng bakuran upang di makita ang tunay na kalagayan
iiyak na lamang ang mga tunay na nagmamahal sa bayan
wala na nga ang tunay na kahulugan ng kapatiran
di na isa ang bawat kulay ng watawat kundi ito'y kulay kung saan ka dapat mabilang
naging pangkat ang kulay, naging simbolo na ng watak watak na paniniwala
di na siguro magiging buo ang kulay ng watawat ang kapayapaan ay di magiging sapat
wala na! hindi na magiging isa ang mga pulo ng bayan
nagiging paligsahan na lang kung sino ang magiging una at tatawanan ang talunan
sa inaakalang laban ng pinaka magaling, di man lang maiisip na pagkakaisa sana
bayan kung magiliw paanu na? di na ba magkakaisa?
o sadyang mailap na talaga ang tinatawag na pagkakaisa.
patulong sa pag ayos ng letra. salamat
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
JK Cabresos Feb 2013
Matagal-tagal na rin
simula nang magkasama tayo sa upuang ito,
nagkukwentuhan sa mga bagay-bagay
na mas lalong nagpalapit sa akin sa'yo.

Mas nakilala natin ang bawat isa
at mas lumubo ang ating pagkakaibigan,
at dahil sa mga pagsubok
ay mas lalo pang tumibay ang ating samahan.

Minsan ma'y di ako kumikibo
at kung minsan ma'y di ako nagsasalita,
pero di mo lang alam na sa puso ko
ay minamahal na kita.

Madalas man ako'y dumidistansya
at kung minsan nakaupo na nga ako sa dulo,
ngunit sana'y mapatawad, ganito talaga ako e,
nandito lang naman ako palagi sa tabi mo.

Matagal-tagal na rin
simula nang nakasama kita sa upuang ito,
naghihintay sa pagkakataong makitang muli
ang iyong matatamis na mga ngiti.

Teka lang!
Maiba nga,
yung mga paa ko nangangalay na...


Pwede bang tayo na?
El Aug 2017
limampung pulgada ang pagitan ng ating upuan
limampung pulgada na tila parang isang kilometro ang distansyang kinakailangang tahakin
upang maipatong ang braso sa pahirabang nakaumbok sa gitna ng ating luklukan,
kung saan ang iyong braso'y nakapatong rin.

apatnapung pulgada nang sumara ang ilaw kasabay ng aking mga mata
kung saan sinakop tayo ng karimlang mas madilim pa sa kalagitnaan ng takipsilim
ngunit ako'y nakatayo, naglalakad na patungo sa'yo –
mga kamay na kinakapkap ang malalambot na pulang ulo
sakaling ako'y mahulog dahil ang ninanais kong sumalo sa akin
ay apatnapung pulgada pa ang layo.

(tatlumpu, dalawampu, sampu)
bawat tapak na nanatiling tahimik, maingat.
(siyam, walo, pito)
natatanaw kita sa halip ng dilim kung saan wala talagang makita, makilala.
(anim, lima, apat)
para bang lahat ng puso sa silid ay nagsabayan sa pagsigaw.
(tatlo, dalawa, isa)
nasa tabi na ki–

bumukas ang mga ilaw, kasabay ng aking mga mata;
pumalakpak ang lahat.

Limampung pulgada pa rin ang pagitan ng ating upuan.
Donward Bughaw Apr 2019
Bakit ba
kayraming naghahangad kumuha
ng upuan
at mayakyak sa gano'ng klaseng lilingkuran
gayong kayraming bangko
at monobloc na puwedeng up'an?
At kung maupo na'y ano?
Di man lang magawang tumayo
at tingnan
ang kalagayan
ng mga taong nakatayo sa harapan
na sa tinagal-tagal na panahon
ay nanigas na't na-estatwa
habang pinanonood kang nakaupo
ng komportable
sa hangad na upuan.
Ang tulang ito ay inspired ng kantang "Upuan" ni Gloc 9
Bryant Arinos Aug 2017
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan,
tinutukan ng baril, tinakot bago pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit sa gatilyo.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay
isang pamilya ang ninakawan ng kaaway.
Anong motibo mo sa pagpatay?
Anong gusto mo bakit ka pumapatay?

Nasa posisyon ka pero bakit mali ang paggamit mo sa kapangyarihan mo?
Ikaw ang naaangat pero bakit ikaw pa tong namiminsala sa bansa mo?
Nasa mas mataas kang upuan at kalagayan pero bakit tingala ka pa rin ng tingala?
Halatadong di mo pinapansin, ay mali, halatadong wala kang pake sa mga taong nahihirapan sa baba.

Tapos ka na ba sa ginagawa mo?
Ilang pamilya na ba ang nabawasan mo ng bilang?
Ilang sanggol na ba ang hindi naisilang ng tama dahil sayo?
At ilang pangarap na ba nagnawala kasama ng nangangarap nito?

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa bansa ng pilipinas?
Matagal na tayong nahihintay ng kapayapaan pero kasabay rin nito ang paghawak ng baril sa kanang kamay.
Pakiramdam ko ang kalayaang mamili ay nawala na sa kamay nating lahat
Dahil mismong kagustuhang mabuhay di natin makuha.

Wag nang hintayin na bumaliktad pa ang bandila ng Pilipinas

Bangon Kabataan
Gising Kababayan
itigil na ang patayan
****-usap subukan naman nating magmahalan.
deadwood Oct 2017
Hindi minsang naisip ng aking munting ulo na ika'y darating sa aking buhay.

Araw-araw nakikita kita mula sa pagpasok mo sa paaralan, pag-akyat ng hagdan, at paglagay ng bag sa ilalim ng upuan.

Araw-araw ako'y napapaisip, kung ano ba't lagi kang tahimik, laging malamig ang hangin, at laging tulala ka sa papel mo na walang laman kahit sulat man o doodle.

Ano ba?

Kung sa tingin mo ay nagkakagusto ako saiyo ay hindi ka nagkakamali ngunit hindi ka rin tama.

Binibini, ako'y nangangamba kung ano man ang nasa isip mo.

Sa unang tingin pa lang ay makikitang hindi ka pangkaraniwang estudyante.

Ikaw yung tipong hindi magsasalita kahit na nahihirapan, yung tipong hahayaang magpasakal sa taong kaniyang iniibig, yung tipong kagaya ko.

Araw-araw tinatanong ko ang Panginoon at sarili kung ano ba't nakita kita at nakilala?

Hindi ako nagkamali, katulad na katulad mo nga ako.

Katulad mo akong ayaw bumitaw sa patalim ng pag-ibig kahit na paulit-ulit na itong isinaksak sa aking puso.

Katulad mo akong gagawin ang lahat maibalik lang ang nakaraan kahit na matagal na niya akong itinakwil at iniwan.

Katulad mo akong malungkot na nagmamahal araw-araw.

Kaya, binibini, sana'y makaabot sana saiyo ang mumunting mensaheng ito mula sa wasak kong puso:

Mahalin mo man siya o oo, mamahalin pa rin kita araw-araw.
solEmn oaSis Nov 2015
Sa tahanang walang hagdan
sa loob ang papag ay upuan
tahasang lantad at kinalulugdan
yaring higaan na minsa'y hapag-sulatan,,,,,

sa aking paggising
tila ba ako nalasing
nang mabasa ko sa napkin
katanungan mo sa akin

halika dito sa aking upuan
at sa iyong kapaguran
sasamahan kita sayong kanlungan
habang dito ka sa aking kandungan

bagamat di kalawakan
itong aking tasalitaan
napalalim mo naman itong aking kaibuturan
bilang kaibigan sa mas mabuting pagkakakilanlan

sa iyong pagkakaupo
ako nga ay napatango
replika ng iyong damdamin
nababanaag at sumasalamin

nagkaroon man ng eksistentesya
mga rima ko sayong independensya
at kung ano man ang naging esensiya
nawa'y wag ibasura,nalamang intelehensiya

nang sa iyo ay aking ipaarok
yaong nais **** matumbok
sagot  sa  "gaano nga ba kadalas ang minsan?
BIHIRA ang siya kong naging katugunan !
a homograph whether not good but not too bad to appreciate is worth the wait somehow!, if you only try to understand it deeply and literally.
Bryant Arinos Aug 2017
"Napakaraming tao dito sa atin ngunit bakit tila walang natira"

dug dug dug

Bubuksan mo ba to o hindi?
Pag di mo to binuksan pwersahan kaming papasok!

Tatlong katok muli

Pagkatapos isang tadyak sa pinto ang gumising sibilyan na natutulog sa kama mag-isa.

Pagkapasok agad,
Sinaktan, pinuruhan, sinapak at sinikmuraan
Tinutukan ng baril, tinakot bago pakunwaring pinatakbo.
Sinigurado ang pag-asinta sabay kalabit ng gatilyo.

Patay ang hinihinalang druglord sa kanto.

Ngunit pagkatapos, walang patunay na nahanap.
Isang maling pagpatay nanaman ang naganap.

Pagkatapos ng gabing iyon, di lang isa ang namatay.
Isang pamilya ang kinunan ng walang kamalay-malay.


Kung sino pa ang nasa posisyon iyon pa ang mga kaaway ngayon.
Kung sino pa ang nakakangat, siya pa tong namiminsala ngayon.
Nasa mataas nang upuan pero hangad pa rin ay pag-angat.
Halatadong di napapansin, ay hindi! Halatadong walang pake sa mga taong nasa baba.

Pinagmukhang sirko ang mundo, pinapasunod ang bawat tao na parang aso.
Inanyaya pa ang lahat ng madla ng parang ganito.

"Mga bata, matatanda! Halina kayo panoorin ninyo ang palabas naming inihanda at ipakikilala ko sa inyo ang mga kapwa ko sirkero. Na namamahala sa sirkuhang ito."

Palakpak
Palakpak, yan ang nais ng sirkero diba pagkatapos ng palabas?
Pero lahat ng mga tinuring ninyong hayop ay nakawawa at mistulang mamatay na. Ay hindi patay na, yung iba nama'y ginawa ninyong bulag na tagasunod.
At pag wala nang kwenta iiwanan sa daan para damputin ng iilan at buburahin ang mga bakas na naiwan.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas.

Ang galing maglinis ng krimen, mismong nangakong maglalaan ng pagmamahal ay ang mismo ring sa bansa sumasakal.

Oo, sawa na ako sa tunog ng kampana sa tuwing magmimisa dahil may isa nanamang nawala.
Rindi ang tenga ko sa paulit-ulit na hiyaw, sa paulit- na hiyaw at sa paulit-ulit na hiyaw ng inang umiiyak sa libing ng nagiisang anak.

Kelan pa ba matatapos ang pwersahang pagkitil ng buhay sa pilipinas?
Matagal nang nangangakong magbibigay sila ng kapayapaan pero kasabay nito ang paghawak ng baril sa kanilang kanang kamay.

Mga kamay nakagapos

Walang takas

Walang lakas

Pagkahimlay

Walang naiwang bakas

Makabagong istilo ng pagpatay sa Pinas
Magpapanggap na tagapagligtas, pagkatalikod mo'y

Paalam Pilipinas ang huli **** mabibigkas.

"Napakaraming tao dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?"

Pinapatay sila....
#StopExtraJudicialKilling
cleo Oct 2015
Akoy naglalakad sa pulang tela,
May naka palibot na bulakalak,
Sa gilid ay may kandila,
May mga upuan  na kulay pula,
May mga batanng naglalakad na sa akiy nangunguna,

Isang batang lalaki ang aking nakita,
May dalang singsing ang aking hinala,
Akoy maraming kasama at silay nakaayos na,
May lalaking nakabarong na tila may hinihintay pa.

Teka ako ata'y nahuli na sa byahe nila "bakit ako nalang magisa?",
Akoy namangha silay nakatitig na,
Mga mata'y   nanghihila ,
Kayat paa ko'y humakbang na.

Tila nakaramdam ako na di makahinga,
Ako'y nakaputi at may mahabang tela,
May hawak na bulaklak,
May nakatabon sa mukha.

Ayan na ako'y malapit na sa altar na aking pinipilit makuha,
Natigil ang mundo ko ng may magsalita "You may now kiss the bride" daw ang aking hinala.
Akoy nagulat pagkat ako'y may kaharap,
Papalapit ang mga labi na sa aki'y nangungusap,

Ngunit may biglang tumawag "Cleo, ika'y gumising na't mag almusal,
Buti nalang at ako'y nagising at natigil ang KASAL.
#kasal(wedding)#panaginip (dream)
Kurtlopez Jan 2019
"Lihim"

Kitang-kita ang iyong mga ngiti
Malabo na ipakilala ko ang aking sarili
Ako’y ni hindi man lang makapapantay sa kung ano ka
Sa mata ng marami ika’y kakaiba
Saaki’y napakasimple **** tao
Dumaan saaking buhay at ako’y napatitig sayo
Alam kong isa kang liwanag sa gabi
Kay’hirap mapalapit sa tulad kong dyan lang sa tabi-tabi

Lihim na binabasa ka
Ngunit kailanma’y hindi makakapagsalita
Marahil hindi mo alam na ikaw ito
Ngumiti ka nga riyan ng ako’y mahanap mo
Hindi na mahalaga na iyong maramdaman
Sa isipan at salita ika’y nilalaman
Simpleng hangin mula sa iyong paggalaw
Bawat bagay saiyo’y sadyang aking pinipilit matanaw

Minsan sa gabi’y napapaisip
Buhay ko ba’y nais **** masilip
Isa ka sa kulay ng aking bahaghari
Baka nais mo akong makilala kung sakali
Subalit ang tulad ko’y tahimik lamang
Masaya at kumpleto na makita ka lang
Pag-aalala ko sa tuwing ika’y nasasaktan
Hiling huminto sa pag-iyak at ika’y pupuntahan

Tuwing pakiramdam mo’y ika’y walang halaga
Huwag kang humiling pa ng iba
Saaki’y isa kang mahalagang parte ng isang tula
Ikaw ang inspirasyon sa bawat isip ng gumagawa
Iniingatan sa bawat oras upang mapanatili sa isip
Kahit sa mga mahiwagang salita man lang ika’y mapalapit
Sa ulap boses mo ang liwanag
Malamig at malambing na tinig ay syang paliwanag

Ika’y hinahangaan sa simpleng bagay
Maaring marami nito sa iyong buhay
Hanggang sa ako’y mapaupo na sa aking upuan
Iniisip ang isang tao na labis kong hinahangaan
Sana’y huwag kang saktan ng mga taong nakapaligid
Utak kong minsa’y kumikitid
Bawat paghinga mo saaking isip ay nagpapalawak
Ikaw ma’y bumagsak, ligtas ka dahil ako’y handang humawak
Imposible mang kamay mo ay maparito saakin
Makaramdam man ng kakaiba, handa kitang mahalin
solEmn oaSis Dec 2015
mula sa bintana ng mga katotong tahanan
may pinaghuhugutan balitang pinagkainan
merong budbod di-umano ang bibingka sa bilao
madalas di-ginugusto,,minsan nama'y napapa-tipo.

bihira man ang daloy sa hiwa ng pagkakataon
nariyan pa rin ang kuro at haka sa loob ng kahon
sa tulong ng walang patumanggang bulong na hindi naririnig ang tunog
sa likod ng pulang bilang matatanaw may abiso sa kidlat na walang kulog.

ilako ang lakbay ng himay sa mga nagdidilang anghel
para mahumpay ang tamlay mula sa pader na papel
ibahagi ang natatanging kuwento sa oras ng hanay ng kasarinlan
mag-manman sa likuran bago dumating at gumawa sa tambayan

matabunan man sa araw-araw ang pag-apaw ng dalaw sa estado
wag mag atubili,hataw lang sa paggalaw muling ibangis ang talento
bagamat ano mang bulwak meron ang katha sa salamin,matapos na
maisulat
sa ere man hanggang sa paglapag ng tuyong dahon,may mangha na ipamu-mulagat

sapagkat hinde mababanaag sa mga nilakaran
ang iniwang bakas sa pinanggalingang upuan
dahil ang dati nang puting kulay sa loob na 'ala pang bahid
magkukulay dilaw sa pagkakaroon ng matimtimang masid

at kung ang inaasahan ay taliwas sa nakatakda,,alin lang yan sa dalawa :
bumilis ang pagbagal ng patak kaya manunumbalik ang dati nang sigla
o malamang na mangamba sa pakiwaring hindi daratnan dahil sa
pagkaantala?
kung magkagayo'y ituloy lang ang pagkasabik sa pagtatapos pagkat
*magkakabunga!
Ang bawat simbolo ay sagisag....
palatandaan ng makabuluhang kahulugan!
At ano mang uri ng bantas ay marka,,,
na tatak sa ating utak patungo sa isang palaisipan.
Claudee Feb 2017
Dalawang kahoy na upuan
At tatlong libong katanungan
'Yan ang ating distansya.

Mahihinang muni-muni
Sa lagas nang espasyo
Kasabay ng maingay kong pagkabasag.

Masidhing pagpindot ng telepono
Dahan-dahang pagtakbo ng luha
Ang bumuo lamang sa ating usapan.

Wala na kong masasabi
Wala kang balak sabihin
Wala nga talaga tayong sinasabi!

Sa patuloy na ingay ng kalsada
Umalis akong walang balak bumitaw
Nagpaiwan ka bagaman matagal nang lumisan.
09/22/16
09/30/16
KRRW Aug 2017
Putik
na nabuo
mula sa luha
at alikabok.



Bulaklak
ng damo
na tumubo
sa puntod.



Isang  munting
uod.



Isang butil
ng
pulang buhangin.



Bato
sa kabundukan
na tinutunaw
ng hangin.



Pulubi
sa daan
na namamalimos
sa mga
matang piniringan.




Asin
sa basong
walang takip.



Panyo
sa upuan
na pinakupas
ng tubig-ulan.




Munting ilaw
na sumisilip
sa silid-piitan.




Isang sulat
ng pamamaalam
na nakaipit
sa pintuan.



Pahina
ng kalendaryo
na nakaligtaang
pihitin.



Kandila
sa dilim
na nakikipaglaro
sa mga
anino.


Kabibe
sa tabing-dagat
na walang
laman.




Mga tunog
na walang
huni
at nagsisilbing
musika
para sa
mga bingi.



Hibla
ng buhok
sa ibabaw
ng gitara.



Antipara
na nakapatong
sa lamesa.




Pakpak
ng tutubi
na tinupok
ng gasera.



Isang tuyong
dahon
na sumabit
sa bintana.


Langaw
na nabitag
sa sapot
ng gagamba.



Kutsara
sa tabi
ng basag
na pinggan.



Mga basang
uling
sa hulmahan.



Katahimikan.



Usok
na humahalik
sa kalawakan.
Written
27 December 2014


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Anton Nov 2020
Pintuan palang malalaman mo na,
Na ito ang bahay ng mahirap na pamilya,
May nakasulat pa sa itaas na "Welcome to Miano Family" at " God bless our home".
Mga katagang matagal ng iniukit ng panahon,

Pag pasok mo ay sasalubong agad sayo,
Ang mga mga kagamitan na bigay,
Mga gamit na pinagsawaan na ng kapit bahay,
Mga Tv, relos, at orasan na di na umaandar,

Sa iyong unang hakbang iyong maaapakan,
Ang mga lumang tarpaulin na ginawang floormat,
Upang takpan ang madumi at maputik na  sahig,

Lingon ka sa kanan,
At makikita mo ang gawa kong hagdanan,
Hagdan na mayroon lang tatlong apakan,
Ngunit di kelangan mabahala,
Pagkat gawa ko iyan, kaya dapat magtiwala,

Sa iyong pag akyat makikita agad,
Ang kahon na sa laki ay sagad,
Sariling gawang kahon para sa speaker at amplifier,
Di sapag mamayabang pero kalahating araw ko lang tinapos iyan,
Partida nga at wala pang kompletong kagamitan,

Mapapansin **** ganun din ang set up sa taas,
May mga tarpaulin nanaman paloob at palabas,
May mga pira pirasong damit na tinahi para magsilbing kurtina at pantakip,
Pantakip mula sa mga butas na ding ding,

Pag lipat sa kabilang kwarto at makikita mo,
Ang sahig  na gawa nanaman sa kawayan,
Na ginawa upang maging daanan ng hangin  sa mainit na panahon,

Walang masyadong kagamitan,
Pero masasabi mo talagang magulo,
Magulo at parang wala nang paglalagyan,
Ng mga damit at mga unan na pa kalat kalat,

Konting pagmamasid pa at iyong mapapansin,
Ang basag naming salamin,
Mga LED lights na di nagagamit pag sapit nh dilim,
Mga wires na napakagulo at gutay gutay,
Batterya ng motor na gamit  ng ilaw pag gabi,

Pag napagod kana sa taas,
Bumaba ka ulit at makikita mo sa gilid ng hagdan,
Ang Mga gawa sa kahoy na upuan,
Tingin saglit sa taas at masdan,
Pinag tagpi tagping yero na bubungan,

Mga bubong na maaliwalas kapag tag.araw,
Pag tag ulan naman ay nagmumukhang talon sa buhos ng tubig,
  
Sa kusina naman tayo ay magpunta,
Bubungad agad ang mga basag na baso,
At mga plato't kutsarang di kumpleto,
Naubos narin cguro ng tatay kong lasinggero,

Sa hugasan makikita mo naman,
Ang gawa sa kahoy na hugasan,
Mg lalagyan ng plato at basong may sabitan,

Isang hakbang pa at welcome to our lutuan,
Lutuan na gaw asa lupa nq ipinatong sa yero  kahoy at kawayan,
Mga maiitim na  na kawa at kaldero na laman,
At syempre mga kahoy rin na panggatong na nakalagay naman s abandang ilalim ng lutuan,

Tuwing kakain kailangan mag kanya²,
Pagkat pag nag sabay ay tiyak na di kasya,
Pagkat plato't kutsara'y kulang na,
Pero ganun paman kami ay masaya.

Simpleng bahay, simpleng buhay, simpleng pamumuhay 😊
Kalakip ka ng dagundong ng hangin ngayong tanghali:
    Bago ang lahat, kakapahin ko ang natitirang
    init sa upuan. Iyon ang aking galit. Inukit ng iyong bigat
ang paglubog ng buwan, dito sa aking gabi,
tumatambad sa silid na walang durungawan,
  isang batang namumugad,
gumagapang sa walang-malay na gulugod
  ng pagdaralita. Bulahaw ng radyo at ang binulatlat
  na pagkakataon – matapos ang lahat ng ito,

ang tulog ay may angkop na bigat,
panaginip ay kulata, dala ng hangin ang bukas
  na walang pagkakaiba: Dinaanan mo na rin ito

kahapon ng hindi man lamang dumungaw
para kumaway.
marahil ay tulog ang diwa ng binigkas ang salitang
tiyak na ikahuhulog ng buwan mula sa mataas nitong upuan;

ang kamay ay entropiya – ang iyong mukha, ang aking daigdig.
lagablab ng mata, halaw sa init ng pagkakataon.

may taglay na lamig ang hangin, lumalatay sa balat,
at sa nagbabalat-kayong anino sa bakanteng silid.

ang mga umaandap na ilaw – ang tahimik na ugong ng iyong pag-hinga

sa aking tabi, ng aking bigkasin
ang hindi kayang wakasan ng katahimikan lamang.
reyftamayo Aug 2020
umiikot ka na naman
sa tabi ng parisukat
na tatlong taon mo ng ginagawa
araw-araw.
binabaybay ang makipot
na diwa sa malawak na kamalayan
hanggang tuluyan itong sumabog
at magkahiwa-hiwalay
upang muling mabuo.
maliit ang kurot
ng ibinatong kulangot,
sa halip na ito'y humarang
bumara lang at nakapuwing
sayang ay muntik pang matapakan
dulot ng taglay nitong kalakihan
sa kailaliman na abot pusod
pero balon ang katumbas.
kaya sige pa at ituloy
ang animo'y walang humpay
na paghahanap sa hindi mawala-wala.
nasa likod lang ng buwan.
kasing daling tingnan ng araw.
lalo na kung gabi't mapanglaw ka,
walang kasama.
Marg Balvaloza Jul 2018
Sinong mag-aakala
Na doon, tayo ay magkakakilala
Una kang masilayan,
Wala akong ibang naramdaman
Sa gilid ng aking mata
Ika’y aking nakikita
Halos magkatabi
Iisang upuan lamang ang pagitan.
Sinong mag-aakala na tayo ay iisa;
Iisang Diyos pinaglilingkuran, iisa ang pinaniniwalaan
Sabay umawit, nagpuri sa Panginoon
Na alam nating tapat mula noon hanggang ngayon.
Sinong mag-aakala na sa paglipas ng isang linggo
Sa dating lugar, tayo'y muling nagtagpo
Walang muwang, mga hakbang ko'y patungo pala sa'yo
Labi nati'y ngumiti nang ang mga mata natin ay nagsalubong.
Lumipas mga araw,
Ika’y akin paring natatanaw
Nakasama, nakausap, at higit na nakilala
Ikaw ay maalam,
Nabigyan ng kakayahan
Magsalita, mangusap tungkol sa katotohanan.
Sinong mag-aakala na damdamin ko’y makukuha mo
Ang aking atensyon ay hindi na maialis sa’yo
Sa bawat salitang lumalabas sa bibig mo,
Tila ang tinig mo’y nagsisilbing musika sa pandinig ko.
Sinong mag-aakala na ika'y gugustuhin ko,
Makasama sa tuwina,
Galak, tanging nadarama
Tunay nga’t ang pinagsamahan
ay hindi nasusukat,
sa kung gaano na katagal magkakilala.
Sinong mag-aakala na hanggang ngayon ikaw pa rin ay kasama ko
Sa panahon at oras na minsa'y gipit na gipit na ako
Tinuruan, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo
Naging positibo sa lahat ng aspeto.
Sinong mag-aakala na ikaw ay aking makikilala
Landas na nagtagpo nang dahil kay Bathala
Panahon ay susulitin, hindi mamadaliin
Upang sa huli ay hindi tayo mabitin!


© LMLB
"Sa gilid ng mga mata tinitignan kita."
-
Can't believe I met you exactly a year ago and I'm so happy to say that I'm still with you. For more years to come! Thanks for the companionship. I'm going to keep it, just this way. // 04.03.18
Naglalakad ako pauwi
Ninanamnam ang hangin na pilit humahampas sa aking muka
Tinitiis ang mga talaro na tila nasa paa ko

Hinintay kita
Doon sa tagpuan na sinabi nating pagtatagpuan
Doon sa upuan sa tabi ng liwasan
Doon sa “Dito ang lagi nating kitaan”
Na ngayon ay “Siguro mas mabuti mo na akong iwanan”

Kaya naglakad ako pauwi
Nilibot ang mga pilak at bato sa kalsada
Ang mga tutubi at mga langaw na kinakain ang aking kaluluwa

Umaasa parin ako na darating ka

Pero ang dumating ay ang pananamlay
Ang kalungkutan
Kinuha ako at itinago sakanyang mga braso
Pilit akong kumalas at humiwalay
Dinala niya ako sa kanyang tahanan
Pinunit at ginahasa ang puso ko

Naglalakad ako pauwi
Hawak ang puso kong namumutla
Ang utak kong kumikirot

Hinintay kita
sa ilalim ng buwan,
umaasa na may tatabi sa aking upuan,
umaasang may makarinig sa aking paghikbi
at siya mismo ang magbalik muli ng mga ngiti sa aking labi.  

hihintayin kita, maghihintay ako sayo sinta.
marianne Apr 2022
Isa,dalawa,tatlo.Binibilang ni Renren ang bawat segundong lumilipas habang siya ay tumatakbo.Kung papaanong binibilang niya ang oras noong kabataan nila habang naglalaro ng taya-tayaan.Ngunit iba na ngayon.Hindi na mga maiingay na paslit ang humahabol sa kaniya.Bagkus,hinahabol siya ng mga nagsisigawang naka-itim.Nakaitim sila ngayon ngunit alam niyang sila ay talagang dapat naka-asul.Ngayong gabi,sila ay nakaitim at walang mga plakang ginto o pilak ang nagniningning sa kanilang mga dibdib.
     Isa,dalawa,tatlo.Sunod-sunod silang nagsusulputan mula sa likod ni Renren.Nariyan na sila.Pagod na siya.Kapos na siya sa hininga at manhid na ang kaniyang mga paa.Ngunit hindi siya maaring tumigil dahil paparating na ang mga anino ng baluktot na hustisya.Alam ni Renren na wala siyang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
     Isa,dalawa,tatlo.Ilang iskinita na ba ang sinuot ni Renren upang magtago?Pilit niyang sinisiksik ang sarili sa bawat sulok upang matakasan ang kapahamakang dulot ng mga aninong dapat naka-asul,mga aninong dapat sa kaniya ay naniniwala’t nagtatanggol at hindi humahabol nang hindi nagtatanong o nakikinig.Nagtatago siya dahil alam niyang wala siyang iba pang mapaparoonan o mahihingian ng saklolo.Tulog ang batas ngayong gabi,wala siyang mapupuntahan.Kaya’t heto si Renren,hindi mapakali sa sulok at basa ng malamig na pawis.Nanginginig ang kaniyang laman sa takot at awa sa sarili.Sana bata na lamang siya uli at ito ay isang normal na laro lamang ng tagu-taguan ngunit hindi.Nagulantang siya nang may isang malakas na sipa ang sumira sa pinto ng kaniyang pinatataguan.Nanigas siya sa kaniyang puwesto.Ayaw pa niyang mataya.
    Isa,dalawa,tatlo.Ilang mura ang binitawan ng isa sa mga anino.Ngayon ay papalapit na sila kay Renren.Agad nilang hinila ang mga braso nito sabay sabunot sa ulo ng lalaki upang patingalain at ipamalas ang panggagalaiti’t pakiramdam ng kapangyarihang mababakas sa kanilang mga mukha dahil ngayon sila ang mga hari,sila ang batas.Bagama’t napapalibutan,nagpupumiglas pa rin si Renren.Sana larong bata na lamang ito.Sana pwede siyang magsabing,“Saglit!Taympers.Pagod na ako.“Ngunit hindi maari dahil iba na ang laro na ito.Ang larong ito ay walang ibang pinapanigan o pinapakinggan kung hindi ang mga nakauniporme’t ang matandang lalaki sa upuan.Umiiyak na si Renren.Ayaw pa niyang mataya."Wag po!Wag po!Hindi po ako.Sir,maawa po kayo.Inosente po ako—”
     Isa,dalawa,tatlo.Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa parte ng lungsod na iyon.Taya na si Renren.At sa mga huling segundo ng kaniyang buhay inisip niya na sana tulad nung bata siya,kapag pagod o nasasaktan sa siya sa paglalaro ay iuuwi siya sa kanilang bahay,siya ay tutulungan.Subalit sa larong ito,palaging ang mga tulad ni Renren ang talo.
      Sa pagsapit ng umaga,uuwi ang mga anino at magsusuot muli ng asul,hahalik sa kanilang mga naglalarong batang anak o kapatid,nangangakong ipagtatanggol nila ang mga inosenteng inaalipusta’t inuusig—isang pangakong hindi natutupad. At walang Renren na uuwi sa tahanan nila,bagkus ay may bagong malamig na bangkay ang ipapakita sa telebisyon,tatanungin ang matanda sa upuan kung bakit ganoon ang sinapit ni Renren.Ngunit wala siyang ibibigay na tama at maayos na sagot dahil sa larong ito,siya ang Diyos,ang mga aninong dapat naka-asul ang instrumento,ang bansa ang palaruan at mga buhay nila Renren ang isinusugal.
I wrote this back in January 2017, when bodies of innocent people were piling up on the streets and fear haunted the slums Manila. It was during the midst of the ****** drug war the current officials were waging against God knows who. The purpose itself ( which was mitigating the damages of drug addiction and drug-related crimes in our country and extinguishing drugs in general ) was actually good but with it being executed without any concrete planning and any consideration of the people’s constitutional rights, it was doing more bad than good. I hope that these extrajudicial killings and rising number of police brutality cases will soon be put to a stop. I trust that our leaders will be enlightened in one way or another.
Lecius Jan 2021
Yapos parin ako ng ala-ala ng isang madilim na hapon; tulala sa durungawan ng paborito nating kainan, at namamangha sa rumaragasang ulan.

Lubhang napakalamig ng hangin. Katawan ko na'y giniginaw subalit ayaw pa lisanin kan'yang upuan. Na para bang may hinihintay na biglang lumitaw mula sa kawalan.

Nag-babakasakali na ika'y mapadaan, huminto sa aking harapan. Mapakinggan muli mula sa bigat ng pag-patak ng ulan ang iyong tinig-- nais muling boses mo aking marinig.

Ngunit sa mga sandaling ito, habang lumalakas ang buhos ng ulan, malabo na nga kitang tuluyang mahagkan; sumilong kana sa panibagong kainan, na kung saan bago mo na paboritong puntahan-- kasama mo yong kasintahan.
kingjay Dec 2018
Sa kubo na giba-giba ay nagbuntong-hininga
Nakatigil ang tanaw sa museo ng damdamin
Sinasaliwan ang kaganapan
Umuugnay ang mga pangyayari

Mabini dumaan sa bangkete
Dali-dali na binigyan ng upuan
Lahing kayumanggi ay di-palatandaan
Tanyag sa bansag na "Pamilya ng Perlas ng Silangan"

Isalin ang buhay sa ibang anyo ngunit di ang nararamdaman
Diyosa ng kagandahan ang kahawig ng minamahal
Maigsi ang oras ng pag-ibig
Natutuliro nang walang hanggan

Nang una malapitan, pisngi ay naging krimson
Naasiwa tumingin sa mga mata
Kailan nagsimula ang pag-ibig?
Nais sana ito'y sambitlain

Gaya ng mayuming baro't saya,
Ang alindog ay mahirap iwasan
Hinibo ang isip pati kaluluwa
Nang wala na sasagip sa pagkaalipin ng kanyang kamunduhan

— The End —