Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mister J Jan 2019
Umpisa pa lamang
Alam ko nang gusto kita
Nakita ka pa lamang
Atensyon ko'y nadukot mo na

(From the beginning
I knew I like you
The moment I saw you
You already captured my attention)

Paghawak ng iyong kamay
Pintig ng damdamin ay bumilis
Mga emosyong itinago nuon
Pilit nagpaparamdam muli ngayon

(When I held your hands
Heartbeats in overdrive
Buried emotions in the past
Making themselves felt in the present)

Sa pagpungay ng mga mata
Ako unti-unting nabibighani
At nung akapin sa'yong mga bisig
Tuluyan na kong nahulog

(The way your eyes look at me
Makes me intrigued by the second
And when you wrapped me in your arms
I completely fell, then and there)

Ngunit pag-sinta'y parang walang halaga
Sigla ng unang pagkikita'y unti-unting nawala
Di malaman at mawari ang mga dahilan
Na nang dahil sa nadarama ay pinipilit maintindihan

(But it seemed these feelings hold no value
The passion from our first meeting dwindling
I can't comprehend and identify the reasons why
But because of this love I feel, I still try)

Pilit tinitiis ang mga pighati
Kahit unti-unting nadudurog ang puso
Aanhin ang dignidad na patapon
Kung puso'y hindi marunong umibig

(Enduring the searing pain
Even if my heart is crushed
Setting aside my meaningless pride
If I don't know how to love right)

Siguro'y nagiging makasarili
Ngunit lahat ay binago at binigay
Lahat ay tinitiis damhin
Kahit na lungkot ay di mapawi

(Maybe I'm being selfish
But I changed and gave my everything
I endured all the ill feelings
Even if the loneliness doesn't go away)

Bakit hindi pa yun sapat?
Para ika'y sumugal sa akin?
Nangako ng pag-ibig na di magbabago
Kahit ang mundo natin ay tuluyang maglaho

(Why is it not enough?
For you to take a chance with me?
I promised you a constant, stable love
Even if our world crumbles to dust)

Naghihintay sa iyong pagbalik
Mula sa malayong dako kung san naroon
Ang puso **** labis nang nasasaktan
At takot nang umibig muli

(Waiting for your fateful return
From that far, hidden place where
Your broken and beaten heart is
That lost all hope in love)

Ialay ang pusong nagdurugo
Kapalit ng puso kong gusto kang mahalin
At nang lahat ng sakit ay aking akuin
At nang maibalik natin ang ngiting mailap

(Exchange with me your bleeding heart
With mine that anticipates to love yours
To share with me the burden of your pain
And bring back the elusive smile on your face)

Mahal kita umpisa pa lamang
Mamahalin kita kahit masakit
Lulunukin ang dangal at dignidad
Sa pagsusumamong ikaw ay maging akin

(I loved you from the very beginning
And I will love you still amidst the pain
I will swallow my pride and dignity
In this arduous quest to make you mine)

Sana matapos na ang ating paglalaro
Ang tagu-taguang walang patutunguhan
Panalangin kay Bathala sana'y marinig
Ang pusong nagsusumamo'y sana yakapin muli

(I pray for the little games to end soon
This hide-and-seek that seems meaningless
Dear God, hear my prayers and pleas
Of the heart that yearns be embraced again)
Originally a Tagalog poem
But I made an English translation for the foreigners

I hope everybody likes it!
Happy Reading! Thanks!

-J
kingjay Feb 2019
Unang pagtingin ay hindi lang paghanga
Sa nag-uumpisang ganda ni Dessa
Nangingimi pa na ngumiti
Kapag maglalakad ay kailangan akayin

Diwata sa katauhan ng dalagang-bukid
Karaagan na nais iguhit
Ipagdasal sa mga patron at santo nang hapit
Sana'y makarating ang dinadaing

Tanglaw ng bituin sa umaga
Nakasisilaw na silab
Nang nag-aalinlangan na sa nadarama
bakit inaalala pa ang larawan niya

Pakawalan ang salarin
nang nadakip ng tinatakasang damdamin
Aniban sana ng Reyna-
Abogado na magdedepensa

Kung mangyari na masiil
at wala na makapagtataguan
ipagtatapat sa hukuman-
sa pusong hukom
na nagkasala sa pag-iibigan
Uanne Feb 2019
Gusto kong maglayag
sa lugar na kayang ipahayag
laman ng pusong lagalag.

Gusto kong abutin ang mga ulap,
lumutang sa alalapaap na parang nangangarap
hawakan ang mga butuin na parang mga alitaptap.

Gusto kong damhin patak ng ulan,
magpakabasa hanggang mahimasmasan
upang bumalik sa tamang kamalayan.

Gusto kong gumising isang araw
na may pag-asang tinatanaw
kakapit sa bukang-liwayway at di na bibitaw.
02.13.19
Umaasa na sana balang araw....
kha Feb 2019
6th of december, 2018.

“Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana.” Madalas kong naririnig ‘yan, palagay ko’y ikaw rin. Pero kung iisipin, napakarami nating mga taong natatagpuan na nakatakda ring umalis. Ang ilan ay babalik, ang ilan ay maglalaho na lang. Hindi ko alam kung saan ka riyan nabibilang. Walang pakiramdaman, walang pakialamanan, walang pakundangang naghahanap ng mga bagay para pilit kang makalimutan. Gigising ako nang nakangiti, masaya, at ang nasa isip ay
“kakalimutan na kita,” ngunit kahit kailan ay hindi ‘yan nagkatotoo. Ang pag-asang makaahon sa ‘yo ay palabo nang palabo. Sa bawat gabing nagdaan, napapatanong ako kung saan na naman ako nagkamali. Saan na naman ako nagkulang? Saan na naman ako kinapos? O baka naman sumobra? Paikot-ikot ang mga mata sa lugar kung saan tayo huling nagkita. Saan mo ako iniwan? Pareho tayo ng pinupuntahan, pero hindi ko na alam kung paano pa babalik. Hindi kita mahagilap; ang tanging palatandaan ko para makabalik ay hindi ko na mahagilap. Dahil naglaho ka sa isang iglap. Hindi ko na alam kung paano pa babalik. Dahil hindi pa kita nakikita.

Ilang eskinita lang naman ang pagitan nating dalawa. Nariyan ang mga tricycle para mahatid akong muli sa bahay ko. Nariyan ang mga dyip na pupwede kong masakyan para lang mapalayo sa ‘yo. Tayo’y palaging nasa ilalim ng parehong langit, aalis at uuwi sa iisang lugar ngunit hindi man lang kita makamit. Pareho ng sinasakyan, pareho ng mga dinadaanan. Iisa lang naman ang mga pinupuntahan natin, ngunit ang araw-araw kong biyahe ay naging ikaw na ang destinasyon. Nagbabakasakali lang naman akong baka matupad mo ang aking imahinasyong hindi ko na batid pa ang limitasyon. Sa bawat pag-alis ko ay nananalanging magkita tayo sa lalong madaling panahon.

Ngunit hindi ko pa rin alam kung paano babalik. Alam ko ang ruta, alam ko ang sasakyan. Ngunit ako mismo ang nagpupumigil. Dahil hindi mo ako tinutulak palayo. Hindi pa man tayo nagkikita, mas gugustuhin ko nang hilain mo ako paalis sa kung saan mo ako iniwan. O baka ang presensya mo lang ang hiling kong masilayan, para tuluyan na akong makalakad paalis sa piling mo. Hindi ko naman mapapantayan ang babaeng nagdala sa ‘yo sa tahanan mo— ni hindi ko nga alam kung paano umuwi sa dapat kong uwian. At sa bawat biyaheng sinusulong ko, hindi ko man lang naisip na baka mali ang daan na tinatahak ko. Iba pala ang langit na pinagmamasdan mo sa umaga, kahit ang mga bituing nais **** titigan sa gabi. Iba pala ang sinasakyan **** dyip sa bawat pag-uwi. Iba pala ang eskinitang napapadparan mo. Iba pala ang langit na sinisigawan mo ng pangalan niyang kaakibat na ng apilyedo mo. Iba pala ang inuuwian mo.

Pasensya na, tanga ang kasama mo. Mali, hindi mo pala ako “kasama” dahil kahit kailan ay hindi ka naman sumama. Hinayaan ko ang sariling maligaw sa mga mata mo. Hinayaan kong mawala ang isip sa mga salita **** nadadala ako sa ibang dimensyon ng mundo. Hinayaan kong magwala ang pusong binuhay mo— na bibitawan mo lang din pala, dahil masyado itong magulo. Ngayon lang ako nakalabas at hindi na muli pang magtatago, ngunit niligaw mo ako. Pasensya na, gagapangin ko pa ang sarili ko palayo sa ‘yo.

Hindi ko maintindihan kung paanong ako’y napadpad sa ‘yo kung hindi ko pa nasisilayan ang mga mata **** mapanlinlang, na kung saan ay nagpahatak pa rin ako— delikado, at muntik pa akong mabaldado. Huwag na sanang pahintulutan ng mundo na pagtagpuin pa tayo, dahil kung sakali ay baka hindi na ako umalis. At baka samahan pa kita kahit saan ka man papunta, kahit sa piling niya pa. At lalong hindi tayo isang halimbawa ng “Pinagtagpo ngunit hindi itinadhana”. Inaantay ko pa lang ang matagpuan kita, upang makaalis na ako.
m.r.
Erikyle Aguilar Mar 2018
Ang isinulat ko ay isang pagtatala mula sa bulag,
na matagal nang ninanais na makakita ng liwanag,
dahil kumpara sa atin, kahit ipikit ang mga mata,
kahit takpan pa 'yan, mayroon pa rin tayong nakikita,
mapa-asul, mapa-dilaw, mapa-pula,
hinding hindi ito aabot sa dilim,
dahil mayroon pa ring mga bituin.

Ito ang pagtatala ng bulag,
"'Nak, kagabi lang ako nakaramdam ng galit sa isang tao,
sa buong buhay kong nakatira sa tapat ng simbahan,
kagabi lang ako nakaranas ng kulo sa puso ko,
kagabi lang ako natulog nang galit,
sana patawarin ako ng Diyos.

Lumapit sa akin ang isang lalaki,
sabi niya, 'Lo, mahirap bang magmahal?',
'Oo, hijo. May asawa ka na ba?',
'Meron **. E lagi ** kaming nagaaway,
kaya umalis nalang ako ng bahay,
ayoko na siyang kausapin,
dahil baka husgahan nanaman ako, baka masaktan lang ulit ako,
baka sabihin nanaman niyang ang hina-hina ko,
sasabihin nanaman niyang hindi na ako natuto sa mga kasalanan ko,
ang dami ko raw nasaktang tao,
wala na silang nagawa kundi tumungo,
dahil sa lungkot, dahil sa insulto,
dahil sa mga salita kong galing sa puso.

Naalala ko sabi ng nanay ko,
na lahat ng sinasabi ko ay galing sa puso,
pero bakit kung kailan ko gustong mabuo,
napakahirap ibalik ang dating ako?'

Ito ang iyak ng isang nangangailangan ng pagmamahal,
isang lalaking may pusong bakal,
ito ang naging payo ko,
'Hijo, kausapin mo ang asawa mo.'

Biglang sigaw niya,
'E ayaw ko nga! Nagkasala rin naman siya,
pareho lang kami,
siya dapat ang lumapit sa akin.'

Parang tinamaan ako ng bala ng baril,
at ang puso ko'y biglang tumigil,
dahil hindi ko naman kayo pinalaki nang mayabang,
kaya hinawaan na ako ng galit,
'Ang yabang mo!
sarado ang utak mo
sarado ang tainga mo
sarado ang puso mo
mas bingi ka pa sa bingi
at mas bulag ka pa sa bulag

ayaw **** mahushagan kasi ayaw **** masaktan,
ayaw **** masaktan kasi ayaw **** matuto,
hindi ka natututo sa mga kasalanan mo,
kasi akala mo na lahat ng ginagawa mo ay ayos na,
hindi mo pinapansin ang kalagayan ng iba,
na naghihirap sa kakaisip kung sila ba ang dahilan,
kung bakit ka nagkaganyan.

Minahal ka nila,
pero hindi mo tinanggap,
minahal ka nila,
pero tinulak mo sila,
minahal ka nila...
hindi mo ba sila mamahalin?

Lalo silang napalayo sa'yo,
nung kinailangan mo ng tulong,
pamilya at pagmamahal'

Wala na akong narinig na boses,
umalis na siya,
sana lang kinausap niya ang asawa niya.

'Nak, tandaan niyo ang payo ko sa inyong magkakapatid,
na 'wag na 'wag kayong maghihiwalay,
dahil pag ako'y nawala,
sana manatili kayong nakadilat sa katotohanan,
na ang kayabangan ay nakakasira ng isang pamilya.".
LalaineGumiran Sep 2019
Parang isang babasagin
napakarupok ko sa iyong mga mata
at sa iyong mga ngiti na bilang sa daliri.
Marupok ako sa mga pasimpleng lambing
na dumudurog sa malamig na puso.
Sa balikat **** sinasandalan,
sa yakap at amoy ng iyong anit kahit maghapong pawisan,
napakahina ko.

Natutuwa sa simpleng kwentuhan
at kahit di mo pa subukan,
dalang dala ako sa agos mo.
Kahit wala ka pang gawin para ako'y suyuin
nanlalambot ang Marupok na ako sa Marupok na ikaw

Marupok pati ang isip ko
na laging lumalakbay papunta sayo,
lumilipad sa kalawakan mo,
ramdam ang grabidad na lalong humihila
sa pusong tila nalalaglag na.

Kaya ba?
Kaya bang saluhin ng marupok na ikaw
ang marupok na ako?
Marg Balvaloza Dec 2018
makulay na damdamin para sa'yo ay di pa rin kumukupas,
ako’y bihag ng pag-ibig mo, gustong-gusto ko ng tumakas
ang pusong nahimbing na sa pagtulog ay wag mo ng gisingin,
sa aking magandang panaginip, ayaw ko ng bangungutin

© LMLB
I'm all ready to give you up, forget you and ignore you. In fact, I'm half way there not caring about you. But you were always there to confuse me and bring me back to my senses. Why you're so good at destroying every part of me and attacking my whole vulnerability, waking my old feelings up, right when I'm almost there, moving on? Oh, please. Don't be the nightmare on my peaceful daydream.
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
khartlopez Mar 2019
Ala-alang nagdaan kay sarap balikan
Lalo na't kung ikaw ang nilalaman
Ngunit ngayon ako'y nasasaktan
Pagkat wala ka na kahit sa ala-ala
Ala-ala na ating iningatan
Ngunit ako ngayo'y kinalimutan
Ano ba ang kasalanan?
Nang pusong ikaw lang ang mahal
Panahong lumipas
Na tila di makaalpas
Sa mga ala-alang
Tanging ikaw ang nagwakas
Ambiguous Frizz Sep 2019
Ngiting pinagkakait
dahil sa pananakit

Pusong 'di nakakaramdam
ngayo'y pagod na't hinahapo

Nakakulong sa lilim ng mapagpanggap
ang natatanging nagagawa ay magsulat

Magsayaw o kaya'y umawit

Hindi dahil nagdiriwang
o kaya'y maligaya

Kundi itanggi, itakwil
lumbay na nadarama
Malaya ka nga ba?
Michael Joseph Nov 2018
Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw
nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw
mga lalamunang di nadadaluyan
hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig
sa daloy ng awit ng mga Ipil
at sa mga aalalang nabuo
sa bawat paglagok, sa bawat isa
mga alaalang nabuo sa tag-araw.

alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon
minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog
ng tag-araw at tag-ulan
panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw
pinagdarasal ng mga kahapon
di pa rin nalilimot,
mga tuyong ugat ng mga pusong sawi
sa pag-ibig na tubig sa tag-init
minsan lang magkaniig

dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito
bumuo ng mga alaaalang impit na itinago
sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso,
sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit
sa bawat pag-ihip ng hanging mainit
sa katawang binalot ng mga sala
at sa bawat pagbabalik sa alaala
ikaw pa rin ang tanging nakikita
sa bawat paglampas ng liwanag
sa maririkit na butas ng kahapong
sa ilalim ng ipil nakatago

Heto na naman ang tag-init
hudyat ay muling pag-udyok
sa uhaw na pusong may pangangailangan
tuyot ang daloy sa bawat paghinga
sa bawat pag-ihip  kulang ang haplos
bawat hagod ay paos.


Alaala ka sa mga sinag ng araw
umaalpas sa mga dahon ng ipil
mga hapong napawi ang init ng tag-araw
nakakulong pa rin sa mga alaala
sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal
sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa

sa ilalim ng mga Ipil
maghihintay sayo

Sa Ilalim ng mga Ipil
Michael Joseph Aguilar Tapit

04/11/2016
O, ang daang aking tinahak ay unti-unting kumikitid,
Ang daluyan ng hangin sa paghinga ay sumisikip.
Ang paningin ay nahati sa dalawang lagusan,
Isang madilim na madali, isang mahirap na naliliwanagan.
Ano ang pipiliin? Ano ang susundin?
Ang bulong ng isip? O ang tibok ng damdamin?
  
Ang landas na inakalang magdadala sa tagumpay,
Lulan ng isang bangkang inaalon sa karimlan.
Tinahak ang karagatan ng apoy na nagliliyab,
Nagsaya, nagpakasasa, nagsilbing ulap sa kawalan.
Ang daang binalewala ay bumubulong ng salita,
"Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Pilit na sumisiksik sa masikip na lagayan,
Ang katotohanang wala kang paroroonan.
  
Ikaw na ninais ang siyang iginapos,
Ng aking katauhan sa pusong naghihikahos.
Sa pagdama ng kasiyahang ikaw lamang ang magbibigay,
Aking tinalikuran pag-asang hinihintay.
Ang lahat ay tinalikuran, itinapon sa kawalan,
Upang makapiling ka sa matatamasang kaligayahan.
Subalit matapos ang gabi ng panaginip,
Ako ay nagising ang kasuota'y lagunit.
Ang lalamunan ay wasak, ang mata ay mapula,
Sa aking paglabas, kinatatakutan nila.  
  
Sa aking paglalakad sa mundong umiikot,
Mga mata'y nagsasabi na ako ay nakalimot.
Nang mapadpad ako sa kuwadradong silid,
Ay nanlaki, nagulat, sa sarili nakatitig.
"Sino ka?" "Sino siya?"Aking pagsusumigaw,
Nilisan ng katinuan, ang kaluluwa'y inagaw.
Nagpatiluhod at doon ay nagnilay,
Ako'y patay na, sinayang ang aking buhay.
  
Isang katauhan ang nababalot sa liwanag,
Nagsasabing " Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Ang nakaabang ang kamay ako ay hinihintay,
Bago pa man mahawakan ay isang dilim ang bumalot,
Sa likod ng aking isipan, sa harap ko ay may inabot.
Supot na naglalaman ng buhanging Kristal,
Kristal na nagpapasaya at wawasak ng ligaya.
  
Kukunin ba kita at titikmang muli?
Itatapon ba kita at sa liwanag kakapit?
Ano ang gagawin ng isipang sabog,
Sa sayang dulot sa pagkain ng durog?
WizardsPen Oct 2018
Ang sarap hindi na bumalik sa kung saan ka nanggaling. Ang lupang nagbigay sa akin ng kunting ligaya ngunit puno ng masasakit na alaala. Ilang luha ang nilabas nitong hapong mga mata? Ilang impit at sakit nitong pusong nagdurusa?

Haggang kailan ako maggitiis? hanggang kailan ito matitikis? Mga tao sa paligid ay mapanuri, mapanghusga't mapanglait. Unti-unti kang sinasakal, bawat mali'y laging maturingan. Pangako ko sa Maykapal na gawa nila'y babaunin at pati buto ko sa libingan ay hindi sila malimutan.

Itong kirot ewan ko hanggang kailan ito, gagawin ko na lang itong isang malaking hamon at inspirasyon.

@Wizards_Pen
Wala, naglalabas lang ng sama ng loob. Yakang-yaka ko 'to. Fighting!!

— The End —