Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
050916

Minulat tayong may sukli ng kasaysayan,
Saksi sa matinding gisahan ng rekado sa Tahanan.
Pangako'y iniukit ng mga Anak na payak
Nagbabasagan ng plato, nagtitilamsikang tubig,
Pagbili ng lakas ng loob
at talas ng dila sa Pulitikang Tindahan;
Luha't dangal, pawang huling hain
Ng Ama't Ina ng Lipunan.

Nakakangalay makisabay sa uso
Kung nawalay pati ang yupi-yuping puso.
Hindi tayo nagpaampon sa Lipunang mapanukso,
Yakap ang Langit, uhaw lamang sa pagbabago!

Sumisigaw ang damdaming nilusaw ang galit,
Ang pait ng kahapong sinabuyan ng panlalait.
Minsan, sobra ang demokrasya kaya't may kapalit.
Kaya't minsa'y susulong bagkus panay ang subalit.

Hindi natin kayang palayasin ang Ama't Ina,
Kung ngayon pa lang, may mga multong rebelde na.
Hindi natin kayang itaboy ang kamay ng Hari ng mga Isla,
Pagkat tayo'y ibinigkis, iba't iba man ang pananampalataya.
At higit pa sa pulso ng Bayan ang nagluklok sa kanila.
Mainam na ngang masaktan sa una,
Kung saan dunong at talino'y maituon sa pagpapakumbaba.
Masakit sa loob kapag tinatama ka,
At bawat palo't kusang pagdidisiplina.

Kung hindi susundin silang Ama't Ina,
Kung hindi magpapasakop sa babaguhing sistema,
Kung hindi huhubarin ang estadong may ibang klima,
Hinding-hindi bubuhos ang pagpapala.

Umaasa tayo pagkat di natin kayang mag-isa,
Sandigan nati'y hindi na Pulitikang Balisa,
Sana'y pag-iisip ay mabago ng Amang may grasya,
At tayo'y maging bahagi ng paghilom ng bansa.
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
073016

Krimen ang kasinungalingan,
Baluti ay matatamis na salita
O biruang panlihis sa katotohanan.
Nagtitimbang mga katauhan
Sa payak na mga salitang binibitawan.

Hindi ako makahinga
Bagamat sariwa ang hangin --
Sariwa gaya ng mga alaalang tinubos ng dilim.
Pinili kong maging totoo sa silakbo ng puso,
Sa bawat mensahe'y, kaakibat nito
Ang mga panalanging gamutin yaon ng Ama.

Pag-ibig na nakarehas,
Pag-ibig na hindi nasambit
Bagkus binuhos ko kasabay ng pagluha.
At ngayo'y pag-amin ay hindi liham,
Ako'y tiyak na dadaloy ang kalayaan.

Kung may tanong ka,
Sagot ko ay "oo"
Dahil mahal kita
Dahil minahal kita.
Pinili kong tiisin ang sakit ng distanya,
Pinili kong hindi na balikan ang nayurak nang larawan.

Takot akong sumubok noon
Kaya nga nakikisabay lamang sayo.
Bagkus sa'yong paglisan,
Di waring pag-ibig mo'y tangay na rin hangin.
Parang nawala na lang,
Kaya't sabi mo'y sumuko ka na lamang.

Kailanma'y hindi kita sinukuan
Bagkus pinagdasal kitang tunay.
Pagkat yan ang dinig ko sa Maykapal
Na Siyang unang nagbihis sakin ng pagsinta.
solEmn oaSis Jan 2022
Sintas Man Ay Kalas
Luma Na At Pigtas
Sapatos At Medyas
Dibaleng May Pintas

Kamisetang Butas
At Maong Na Kupas
Pigtal Na Tsinelas
Hindi Pa Parehas

Tinotonong Kwerdas
karakrus ang kwintas
sa sugal ay utas
pati pato hulas

bahala na bukas
tawagin mang takas
hihiram ng lakas
tatagay ng wagas

nalango sa wakas
kamay lang may hugas
bahid, patak, tagas
palay naging bigas

kahapon ay bakas
sing-linaw ng habas
nahinog ang prutas
ngunit di pinitas

bagsak mula taas
sabik na pumatas
kahit pa lumabas
tinatagong Katas

Tinukso Ng Ahas
Yinapos Ang Angas
Kinapos Sa Alas
Nilukso Yung Dahas

Natisod, Nadulas
Kasi Nga Nangahas
Kung Dati Minalas
Nadapang May Bangas

Babangong Matikas
Sa Mali iiwas
panata kong tagos
dalangin ay lubos

payak man ang lapis
yakap Di Pa labis
sugat na may hapis
ginamot ng kapis

Tila Tala Lihis
Kutitap Sa Bilis
Araw May Silahis
kidlat ang hagibis

mukha na manipis
nagpalit ng bihis
hahakbang sa libis
Layon Ay Malinis

Patama Ay Daplis
Ngunit May Hinagpis
Pinawi Ng Haplos
Animan na agos

Timplang Nalamukos
Animo Ay Musmos
Siglang Dinaraos
Biyaya Ay Puspos !!!
Coming 🔜...
" Pakay ng Yapak "
kingjay Feb 2019
Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?

O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?

Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?

Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?

Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?

Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?

Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?

Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?

Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?

O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?

Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?

Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?
090316

Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?

Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.

Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.

Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?

Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.

May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.

Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.

Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.

(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Yesterday is gone. Tomorrow has not yet come. We have only today. Let us begin.”
― Mother Teresa

May mga panahon sa buhay ko na nasayang, may mga darating pa siguro pero baka hindi ko na maabutan, tanging ang ngayon ang tangan ko sa aking palad. Sisiguraduhin ko na hindi ito masasayang. Gagamitin ko at pagyayamanin ang ngayon ko sapagkat ito lang ang oras na hawak ko. Magsusulat ako ng mga salitang matulain kahit hindi nila ito tanggapin. Kahit ako lang ang tunay na aangkin sa aking simulain. Kahit malalim ang dagat na aking lulusungin kapos man ang bait ito’y aking gagamitin at titimbulanin.

Walang yumayaman sa pagsusulat ng tula at ang buhay ng isang makata sa panukat ng lipunan ay laging salat. Pero wala na akong magagawa napasubo na ako, matagal ko na itong nilimot at tinalikuran subalit para itong isang sumpang anino na laging nakasunod ayaw akong tantanan. Mabuti pa ang nag-uulat sa radyo at telebisyon dahil may nakikinig pero sa sumusulat ng tula bihira lang ang lumilingap. Putang-Ina bakit ba kasi ito pa ang nakahiligan ko?

Siguro dahil dito ako sumasaya, kasi nagagawa kong bigyang tinig ang tahimik kong isipan. Bakit kasi hindi na lang ako naging payak sa lahat ng bagay lalo na sa gawaing pag-iisip? Bakit kasi masyado akong mapagmasid, mausisa at malikhain sa pagsasalarawan ng mga bagay-bagay? Bakit ayaw magpahinga ng aking diwa?

Hindi naman ako magaling sa tugmaan at sa pagkatha ng mga kinakailangang sukat kaya kinalimutan ko na ito. Pero may ulol na bumulong sa akin “ok lang yan may free verse naman e kung hindi mo kaya ipahayag sa tugmaan gamitin mo ang malayang taludturan”. Kaya ito nanaginip na naman ako ng gising at tinatawag ang sarili ko na isang “makabagong makata”. Putang Ina makatang walang pera at laging nangungutang. Buti man lang sana kung makukuha ko kahit ang kalahati ng tagumpay nina Walt Whitman, Amado V. Hernandez, Jose Corazon De Jesus at Francisco Balagtas o kahit na si Emilio Mar Antonio na lang – e tiyak na hindi naman.    

Kanina pa tumatakatak ang tiklado ng aking computer, ayaw ko nang magsulat pero may demonyo na tumutulak sa akin para gawin ito. Ayaw akong patahimikan ng putang-ina. Kaya’t heto ako at nagpupursige parin. Ang makabagong makata ay hindi na muling tatalikod sa tawag ng tulaan. Kahit walang pera magpapatuloy ako kasi dito ako masaya, masaya pero malungkot din. Ewan, madalas hindi ko maintindihan. Hindi ko na muling sasayangin ang natitirang oras ko.
KLi Sep 2015
Kayraming lubak, alon ay malakas
Tatagaan ang loob, sa daa'y maraming ahas
Maraming kasama ngnit ikaw ay mag-isa
Pagtaas ng tubig sa sapa, sa'yo ay walang kakarga

Natural lang ang umiyak at magpapadayak
Pag-abot sa tuktok ay hindi basta at payak
Minsan pa nga sa'yo ay maraming tatapak
Pero ang payo ko sa'yo, sumayaw at pumalakpak

Hindi ka baliw sa iyong gagawin
Ipakita ang galing at taas ng mithiin
Daan naman talaga minsa'y mahirap tahiin
Ngunit kapag umayaw, ika'y palpak na tatawagin

Matapos ang hirap, asahan mo ang sarap
Damhin ang lasap ng natupad na pangarap
Bawat pawis at dugo, kapalit ay karanasan at kamalayan
Na sa iyo ngayon ay magsisilbing kayamanan
1.
Noong unang panahon, may lupaing walang makapapantay
Sa kariktan at kasaganahan nitong tinataglay
Ito ang “Ibalon” na kilala ngayong Bikol, Albay
Subalit ito’y iniiwasan ng mga manlalakbay
(Once upon a time, a land was known
For its beauty & bounty nothing outshone
It was Bicol, Albay which was then, Ibalon
Yet, travelers to there had been withdrawn)

2.
Dahil ito ay pinamumugaran
Ng mga halimaw na hayok sa laman
(Because it was teeming
With monsters to flesh were starving)

3.
Walang nangahas doon makapasok
Maliban sa lalaking si Baltog mula Boltavara na ubod ng lakas at pusok
(No one dared to enter in there
Except for Baltog, a daring & brave man from Boltavara yonder)

4.
Sinalanta niya ang mga halimaw na parang delubyo
Una si Tandayag, ang dambuhalang baboy-ramo
(He wiped out the monsters like a deluge
First was Tandayag, a warthog so huge)

5.
Mula noon, sa lupain na dating kinatatakutan
Mga tao’y dumayo at doon nanirahan
(From then on, in the land once feared
To flock & reside, people dared)

6.
Subalit hindi pa wagas na masaya
Dahil may mga halimaw pang natitira
(But it was not yet the happy ending
There were still monsters remaining)

7.
Si Baltog na matanda na ay labis nabahala
‘Pagkat siya’y mahina na at ‘di na makalaban pa
(Baltog was bothered now that he’s older
For he’s already weak and could fight no longer)

8.
Mabuti nalang at may binatang nagkusa
Siya si Handiong – matapang na, malakas pa
(Good there’s a young man who presented at last
He was Handiong so valiant and robust)

9.
Kanyang pinatumba ang duling na Sarimao
Pating na may pakpak at higantedng kalabaw
(He crushed down the cross-eyed Sarimao
The winged shark and the giant carabao)

10.
Subalit may nilalang na hindi niya nagapi
Ito ay mapanganib at tuso kasi
(But he cannot defeat a certain creature
For it was so dangerous and clever)

11.
Siya si Oryol, ang babaeng ahas
Lumalaban ba siya ng patas?
(She was Oryol, the snake lady
Does she fight impartially?)

12.
Sa kanyang mga yapos, walang nakapipiglas
Maging si Handiong na kaylakas, hindi nakaalpas
(On her grip, no one could break free
Even strong Handiong couldn’t escape from thee)

13.
Swerte ni Handiong, hindi siya binalak patayin
Bagkus ay ginamit nalang sa matagal na mithiin
(How fortunate was Handiong, there’s no plan to **** him
Instead, she just used him for her long-time dream)

14.
Laban sa mga mortal na kaaway, dapat tulungan siya ni Handiong
Na lipulin ang mga buwaya sa Ilog Ibalon
(Against her mortal enemies, Handiong must help her
To annihilate the crocodiles in Ibalon River)

15.
Matapos tuparin ang mapanganib na misyon
Si Oryol ay naging kapanalig sa Ibalon
(After fulfilling the dangerous mission
Oryol became an ally in Ibalon)

16.
Si Handiong ay naging mahusay na pinuno
Bangka, araro, alibata – kayraming naimbento sa kanyang pangungulo
(Handiong became an excellent ruler
Boat, plow, alphabet – many inventions were made during his tenure)

17.
At sa mga sumunod pang henerasyon
Naging mapayapa’t maunlad ang Ibalon
(And on the succeeding generations
Peace & prosperity reigned over Ibalon)

18.
Hanggang sa may sumulpot
Na panibagong kinatakutang salot
(Until there appeared
A new abomination so much feared)

19.
Siya’y nagtataglay ng katakut-takot na kapangyarihan
Hindi rin maipaliwanag ang kanyang kaanyuan
(He possessed a terrifying power
No one could even describe his feature)

20.
Siya ay isang mangkukulam na kilabot
Na tinatawag nilang Rabot
(He was a sorcerer fearsome
Called Rabot by some)

21.
Mapalad ang Ibalon, may natira pang bayani
Siya si Bantung, matalino’t maliksi
(Lucky was Ibalon, a hero was still there
That was Bantung vigorous and aware)

22.
Siya’y lumikha ng isang payak na plano
Pinaslang niya si Rabot habang natutulog ito
(He just devised a simple planning
He murdered Rabot while the monster was sleeping)

23.
Si Rabot ang pinakahuling halimaw sa Ibalon
Nang siya’y mapuksa, naging payapa na doon
(Rabot was the very last monster in Ibalon
Upon his death, peace reigned there from then on.)

-03/10-11/2012
(Dumarao)
*for Lit. Day 2012
My Poem No. 102
kingjay Dec 2018
Ang maputing blusa ay nakakasilaw
Dating mag-aaral sa paaralan
ngayon reyna na ng kanyang natupad na pangarap
Lumaki na ang agwat ng katayuan
Distansiya na di malagpasan

Subukan bang habulin
Kung gaano kalaki ang kagustuhan
ganun din ang siyang kabiguan
Sa lagaslaw ng tubig sa alon
Ang payak na pamumuhay sa gitna ng daluyong

Sa araw ng mga  puso ay walang aaminin
Ang pag-irog ay hindi mabubunyag
Karugtong ng kwento ay maging nalilingid na alamat
Iniukol sa kanya ang kalatas

Suungin ang daloy ng ilog
Pilansik sa balat ay parang asido sa dugo na tinutunaw ang puso
Sa lalim ay malulunod, sa babaw ay ang hininga malalagot

Suwail sa kalangitan
Kung ito'y nakatadhana at ang mga yapak ay nabilang
Sana'y maunawaan ang inaasal
Sampung hakbang ang layo sa kanyang likuran
Taltoy Oct 2017
Simple at walang iba,
Kahuluga't salita,
Hindi kailangang mahaba,
Payak, nauunawa.
Pusang Tahimik Mar 2019
Pagpanaw ng dilim ako'y namimintana
Pinapatay ang panaginip ng hindi alintana
Mula sa silangan ng iyong bintana
Ang yungib at sulok ay aking pinapana

Pagmasdan ako'y walang nakagagawa
Payak na mata'y sa sinag ko'y luluwa
Huwag nang subukan pakiusap ko nawa
Sa payo ko ay makinig at matuwa

Ako'y nakamasid sa lahat ng mga gawa
Sa paghihirap mo ako ang nananawa
Sanggol na nagugutom na nagngangawa
Hala gawa, nasa Diyos ang awa!

Pakanluran ang aking binabagtas
Ang lahat ay umaalma sa pinsala kong lakas
Paumanhin sa kapangyarihan kong batas
Ito ang iniatang sa akin ng pinakamataas

Lulubog kung marating ang hangganan
Magbabadya na ang kadiliman
Nang pagdating ko kayo ay nag-alisan
Sa pag-alis ko'y diyan kayo magdadatingan
by: JGA
Everything was out of control, kumbaga kung ihahalintulad sa daan ay lubak-lubak, kung itutulad sa isang kwento ay palpak at kumbaga parang isang ibon na walang pakpak. Umikot yung mga nagdaang araw sa mga bagay na inakala kong bubuo sakin, sa mga bagay na akala ko ay totoong kukumpleto sa akin, sa bagay na inakala kong tootong magpapasaya sakin. In short umikot yung sem na to sa akin. Inakala ko na sa pagtalikod ko ay makikita ko ang sagot, ngunit sa kasamaang palad para akong isang lubid na nalalagot. Patuloy na nilalagot ng mga poblema at mga unos na masalimoot. Mistulan akong isang tupang nawawala. Walang direksyon at sobrang naghahanap ng atensyon.  Yung mga tawang humahagalpak ay unti-unting nawawasak. Tumalikod ako sa Kanya kase sabi ko hananapin ko lang yung sarili ko, time, days, weeks passed by pero para bang hindi gusto ng tadhana na makita ko ang sarili ko, hindi gusto ng tadhana na makita ko ang hinahanap ko kaya nagdesisyon ako na bumalik sa dating tinalikuran ko. Sa pagbabalik ko yung init nang yakap Nya ang unang sumalubong sakin, yung mga kataga Nyang sobrang nagpabalik ng mga ngiti na nawala sakin. Mga kataga Nyang nagsasabing “ Anak, mahal kita. Sagot kita, wag kang mangamba kase ako yung sagot sa yong mga problema” sa pagbabalik natagpuan ko mga sagot na kaytagal kong hinanap. Nasaksihan ko kung paanong naging patag ang lubak-lubak, kung paanong ang kumplikadoy naging payak, kung paanong lumipad ang ibong nawalan ng pakpak, kung paanong nagtagumpay ang dating palpak, kung paanong naging ngiti ang mga iyak, at lalong higit kung panoong nabuo ang dating wasak. Saksing saksi ko kung paanong ginantimpalaan ng Panginoon ang mga paghihirap ko. Kung paanong hinanap nya ang nawawala akong at tinanggal yung mga luha sa mga mata ko. Kahit na I turned my back to Him, never nya akong iniwan, sinukuan o kaya ay sinumbatan sa halip ay pinakita Nya kung paanong lumaban, kung paanong manindigan. Sobrang sapat na sapat na yung alam **** kahit na pumalpak ka, tanggap ka Nya. Yung tipong kahit na lumayo ka hahanap hanapin ka Nya. Kase ikaw ay anak nya at ikaw ay mahal na mahal nya.
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
binuwag ng sariling bigat
uusal ng dasal na ang tanging hiling ay pumanaw.

Hindi ito ang buhay at hindi ito
ang pamumuhay.

Kung dito sa lupa ay aangat, anong wika
ang isasalin sa laman kung pagal na?

     Turuan mo akong dumaan nang walang
iniiwanang labi kundi misteryo na inimbak

sa pagtiwalag sa bawat sandali. Sa ilalim ng
bawat tulay na ginagawa ng winiwikang salita

ay isang kontrata: hindi nang luluha pa
  at kung pumikit ay panibagong mundo ang

tatambad. Sasalubungin ito sa pamamagitan ng
isang paanyaya at kung makitang muli ay pakakawalan

ang kapit sa sarili. Tatantusan ang bawat kinauupuan
at itatala ang mga natutunan. Paham ang liham ng pagtitipon

at kung hindi sinipot ay sadyang isang malaking kakulangan.
Walang ibang transaksyon kundi ang palitan ng salitang

maghuhugis-kamay, hahaplos sa bawat tigib na parte,
ililikas ang katawang hapo sa paulit-ulit na katanungan

nang pagiging mortal at lalakipan nang panibagong saysay.
Umigkas palayo at bagtasin ang bagong mundo:

ang tao kung ilalaan sa tao at pakikinggan ay bubuong muli
  ng katiyakang panandalian sa payak na panahon:

hanggat tayo’y naglalakad pasulong, tayo’y gagawa’t gagawa
     ng tulay.
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
George Andres Jul 2016
Bakit ba gusto ng mga tao ng simpleng mga salita?
Kahit ba gasgas na, sugatan na o nakakaumay na?
Wala ba silang pandinig?
Hindi ba nila alam na nakakapurga na?
Bakit ba kapag durog ka,
Lahat ng salita, tila lahat sa'yo patama?

Gusto ng tao ng payak na salita
Dahil ba ayaw niyang mag-isip?
Iyon lang ba ang mga salitang may puso?
Pag-ibig, nasasaktan, mahal, ulan, luha
Na paulit-ulit ko nang naririnig
Nasasaktan ka, oo pero ano pa ba
Pwede mo bang sabihin sa ibang paraan?
Kailangan ba lahat tayo ay pare-pareho?

Kung gusto ng lahat ng simple,
Lahat na tayo magkakatulad
Sabi nga ng anak ni Oble
Generika gaya ni Lang Leav
7316

Di ako makapag-isip ng tulang walang kagaya. Nakakdismaya dahil kung kailan ko kailangang magdugo, nasaid na ang dugo, kung kailan ko kailangang umagas, walang lumalabas.
Jun Lit May 2019
[Para kay Emerson David V. Jacinto, February 16, 1962 - May 02, 2011)

Mula paglilihi sa ningas ng ilawang gasera
sa sulok ng angking dunong, kaisipa’y namunga,
hanggang sa pagluwal, kasaliw ang palakpak ng sigla,
ulilang panaghoy at sigaw ng malayong pag-asa
- sa panawaga’t tinig ng Inang Bayan, tumugon ka.

Kusang-loob, inihandog, buhay at panahon
Walang alinlangan, payak na pamumuhay ay tugon
Sa lamig ng gabing kamao’y nagkuyom
Kumot mo’y pusong malasakit ang nilikom
- Unan ay konsyensyang malinis at tapat sa layon.

Mapait na dagta ang sa damdami’y nanalaytay
tila ipinahid ng mahabang paghihintay
sa mayamang dibdib ng ating kinagisnang Inay
- ang Inang Kalikasan. Doon ka humimlay,
- Makabuluhang buhay ang iyong tagumpay
Jasmin May 2020
Ano bang nais **** mabasa
Ano bang nais kong maitala
Marahil ito’y tungkol sa mga bulaklak
Mahalimuyak, wari pa’y simbolo ng galak
Maaari ring tungkol sa mga ulap
Tinitingala at hangad ay mayakap
O kaya naman ay sa mga paruparo
Susundan ng tingin saan man dumapo
Ilan lang ‘yan sa mga tuwinang paksa
Mga usaping purong halaga ang tinatamasa
Kumusta kaya ang mga pangkaraniwan
Ang mga patay na dahon sa putikan
Bisikleta ng ordinaryong mamamayan
Lapis na panulat ng pangalan ng napupusuan
Iyong madaling nabubura, hindi nahahalata
Kabilang sa mga madalang bigyan ng pansin
Mga bagay na sapat na ang isang tingin

Kumusta kayo?

Kumusta tayo?

Siguro’y nangingiti lulan ng duyan
Kalmado, mahinahon, malaya
Tago sa ingay ng karangyaan
Simple, payak... nawa.
AgerMCab Jun 2019
Ano ang mayroon ka?
Bakit labis kitang sinta?
Lahat sa iyo ay payak
Ngunit ang dating mo'y may sapak

Dito sa aking puso
Hindi ko maitanto
Makasama ka nawa ng habang buhay
Pag tama ko sa lotto ikay aking ibabahay

— The End —