Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
XIII Jun 2015
Hindi sa gusto kitang sumbatan,
sa mga bagay na 'di mo masuklian..
Ang pinagtataka ko lang,
bakit hindi mo man lang subukan?
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
AUGUST Sep 2018
saan nga ba nagmula ang aking masamang balak
Kung kapupulotan ng aral o kapupulutan ng alak
Anong kahahantungan nitong simpleng inuman
Sa sobrang kalasingan katabi na ang naging pulutan

Papel na madaling mapunit madali ring nagliliyab
Kanyang Damdaming malupit madali ring nagaalab
Nang nakipaglaro ako ng apoy lahat biglang nalaglag
Ang abo sa mga panaghoy dali daling pinagpag

Saplot ng mahinang katawan lahat natupok dahil sa init
Pusong may kapahangasan Naging marupok sa labis na galit
Ngayon alam ko na kung bakit di masaya kumain ng magisa
Dahil ang luto ng Diyos sinta  pinagsasalonan para lang sa dalwa.


Patawarin ako ng aking mga magulang, inay at itay
Pagkat di ko namalayang nasusunog na pala ang aming bahay
08=19=18

Panatiliing nasa katinuan lalo na pagnalalasing. Basta may alak, may balak.pagibig
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Zeggie Cruz Sep 2015
Tulad ng isang hangin na hindi makita

Nakabalot sa walang hanggang pangarap.

Ang bawat sandaling hindi mahagilap

Nag-aabang, nagkukumahog na aking malasap.

Lamyos ng iyong tingin.

Nakasusulasok sa aking damdamin.

Hindi masilayan.

Isa kang sinag na hindi mahawakan.

Hindi ko maintindihan, saan nga ba nagmula.

Ang damdaming hindi naman maaring isakatuparan.

Tanging iniisip ay ang ikaw ay makitang muli.

Paano ba ipasasang-tabi ang bangungot ng huling sandali.

Ito ang aking diwa, ito ang aking panaghoy.

Isang tulang walang pamagat.

Dulot ang Isang walang hanggang sugat.

Paano ba itutula, Isang tulang walang Pamagat?

Sa simula ng pagsanaysay. pilit na nilalakbay.

Saan nga ba mahahagilap.

Ang isang Tulang Walang Pamagat.

Tulad ng Isang Sinag, Hindi lubos Ilapat.

Ang Bawat salitang lumalabas, tulad ng Ulan, pumapatak.

Sa kalaliman ng Gabi. Pawis ay Tumatagaktak.

Dumating na nga ba ang Tamang Oras.

Na sa iyo ay Ilabas.

Ito ang Aking Panaghoy

Isang Tulang Walang Pamagat.

Dulot ang Isang Walang Hanggang Sugat.

Paano ba Itutula. Isang Tulang Walang Pamagat

Balang Araw maitutula rin. Ang aking nararamdaman.

Lubos na pagsinta at pagmamahal.

Habang Hindi Pa Makakaya.

Ito muna ang isang Tulang Walang Pamagat.
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
Mark Ipil Sep 2015
Hindi ako naghahangad,
Sapagkat ako’y iyong alagad,
Sa pusong hindi mailakad,
Kailan kaya mamumukadkad.

Hindi pa rin makalilimot,
Sa iyong mga bangungot,
Tila’y kay hirap ang paglimot,
Sa istorya nating busangot.

Ako ma’y ‘di maalumana,
Sa tanging lugar na pinana,
Ni Kupidong madalas ay sablay,
Na tanging hanap ay tunay.
P.S. Hanggang ngayo'y panaghoy ko'y ikaw.
P.P.S. 2nd tagalog compo
Louise Aug 2023
Ikaw
ay isang mataas, malakas at malaking alon.
Kung makakapili at may pagkakataon,
ang mga manlalangoy sa paligid mo
ay hindi na muli pang aahon.



At ako
ay isa lamang butil ng buhangin,
alikabok sa hangin na nakakapuwing,
nakatadhanang tangayin din ng hangin,
isayaw ng agos patungo sa'yong direksyon,
at mananatili sa'yong karagatan ng panaghoy.
Caryl Maluping Sep 2023
Sa panibagong yugto
may giyera ng dugo

Mga sigaw sa kaparangan
ikinubli sa kalasag ng karahasan

Kung ang tanglaw ng sulo'y ninanais ang digmaan
sigalot sa diwa'y hinahabing marahan

Titiisin ng talampakan ang init ng apoy
babatakin ng putik, lulubog sa kumunoy

Hanggang kailan titiisin ang hilahil ng tadhana?
pagal na ang mga paa't tuyo na ang mga luha

Kung ang dahas ng dapit-hapo'y patuloy na nasasaksihan
liwayway ng bukas, kailan kaya masisilayan?
This was inspired by the poem of General Antonio Luna in the 2015 film Heneral Luna
Nyl Aug 2015
Minsan na bang naglaro sa iyong isipan
na sa bawat araw na nagdaraan
ikaw lamang ang mayroong kakayahan
na makapagpatakbo sa iyong kinabukasan?

Mula sa pagmulat ng iyong mata,
sa liwanag na iyong nakikita; ikaw ba'y nagtataka?
Na bakit ang isang katulad mo ang nabiyayaan
na makapaglakad sa mga malamig na sementadong daan?
Gayong sa iyo naman ay walang kakaiba.
Teka, wala nga ba talaga?

Sa bawat dugo na pinahintulutang sa iyo ay dumaloy
malaman mo sanang nalunasan mo ang aming panaghoy
Huwag mo sanang isipin na nawawalan ka ng karamay
sapagkat ako'y narito, handang iabot ang aking kamay

Sa iyong mga mata, nawa'y masalamin ko pa ang kinabukasan
ang ngiti sa iyong mga labi, huwag sanang lumisan
sapagkat, kaibigan
narito kami upang ikaw ay tulungan

Sabay nating hintayin ang hinaharap,
baka sakaling doon ay matapos na ang paghihirap
4J
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
Andrianne Oct 2017
Magandang gabi kamahalan
Dito sa aking kinatatayuan
sa baba ng labindalawang palapag ng hagdanan,
Ikaw ang pinaka paborito kong pagmasdan,
Saan man ang iyong pinagmulan,
ikaw man ay lulan ng barkong hindi pangkaraniwan,
hindi ko ikakaila na ikaw ang pinakamakinang sa lahat ng bituin sa kalangitan.

Ikaw ang eba at ako ang adan ng makabagong kapaligiran
Hayaan **** tuksuhin tayo ng berdeng kalikasan,
Akitin ng mga huni ng ibon tungo sa sarili nating kaharian.
Handa akong panagutan ang ating pag iibigan,
hahamakin ang lahat maibigay lang ang iyong inaasam
gagawin kong mundo ang dapat tao lang,
baliin natin ang daan
lumiko man tayo pakanan
marating lang ang kabundukan
patungo sa ating tutuluyan,
Ikaw ang magsisilbing kanlungan,
sa nakaraang minsang pinagdalamhatian.
Ikaw ang magsisilbing lagusan,
sa mga pintuang tinalikuran at pinaglaruan.
Ikaw ang magsisilbing unan sa gabi ng kabilugan ng buwan.
gagawin kong bintana ang iyong mga mata,
tatahakin ang dilim, hinagpis, pagkapiit,
itatakas kita..
itatakas kita sa mundong hindi lang ikaw ang bida,
sasagipin kita sa paglubog ng barkong papaalis na,
hahanapin kita,
sisirin ko man ang kumunoy,
languyin man ang lalim ng panaghoy..
hahanapin kita,...
hanggang sa tayong dalawa nalang ang matira,
sa mundong hindi ako mabubuhay kasama ka.
Collaboration with Mr. Kienno Rulloda
Benji Feb 2017
Sa laki ng espasyo ay mawawala ka,
Mahahanap ang sariling naguguluhan, nagmamakaawa
Makikita ang mga matang namumula sa kakahikbi
At ang mga taingang nabibingi sa katahimikan ng gabi

At mamamatay ang musikang akala mo'y dumadaloy
Ngunit isang awit pala na puno ng panaghoy
Ang mga kapiling ay isa isang mahihimlay
Silay mawawala subalit hindi mamamatay
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
Andrei Corre Sep 2017
.
Sumibol* sa akin ang 'yong tahanan
Ang hangin ko'y malinis, pinaramdam sa'yo ang kapayapaan
Pananabik ay labis sa iyong pagtuloy
Di inasahang mapapalitan ng panaghoy
Dahil ako'y tahanan mo lamang
Kapag sa ulan ay kailanganin mo ng *masisilungan...
Leslie Jade Sep 2021
sa rami ng tulang nilikha
panaghoy ang tila namamayagpag
emosyong natatakpan ng mukha
ay patuloy na binabagabag

madalas ay natatapos sa lungkot
madalang na naguumpisa sa saya
bawat linyang kataga'y puot
tila walang dinudulot na ligaya

sa daang salita na kayang bigkasin
nasaan ang malalambing na parirala?
sa bawat boses na nais kalasin
kailan ang araw na maaabot ang tala?

May dalisay nga ba sa mga letra?
May pag-asa nga ba sa mga talata?
muli nga bang darating ang saya
sa paggising ng bagong hiraya?

Marahil ay unti-unti, hindi bigla-bigla
yayakapin nang mahigpit, dahan-dahan
upang ituloy ang naudlot na sigla
upang magmistulang sarili ang tahanan

Gaya ng dapit-hapon ay manlalamig
ngunit sa bukang-liwayway, gugunitain
sarili ang maging unang daigdig
pagkamuhi ay tuluyan nang palayain

kaya't sa bawat salitang isusulat
yakapin ang letrang namumukadkad
darating ang araw na muling pagkamulat
masisilayang muli ang ligaya sa paglipad
112715 #3:15PM

Tila swelduhan na ng tulisan
Pagkat may hithitan na naman
Para sa kaban ng Bayan.

May oposisyong yama'y satsat
Pribadong sektor ba'y gayundin
At may lamat?

Tila bala ng hasaan
Raketa ng ila'y pudpod na
Sa platapormang hilaw.

Sino nga ba ang kakaatigan?
Sa pula, sa puti nga ba ang asahan?
Nakaririndi ang melodiya ng pulitika
Bagamat may leksyong ipanauubaya
Sino ang patas na Tagapaghusga?
Siya sanang mag-arok sa puso ng kokorona.

Magsusulputan ba ang paninda ni Juan?
Dawit ang aprub at tiwalang busal.
Marahil may iilang kaniig sa sambit,
At ang batas ay sisirit na may pagtitilamsik
Sa huli'y magdududa't iinam na ang pag-iisip.

Panaghoy nila'y saradong pang-uuyam,
Harap-harapang banggaan at mala-pilahaan.
Animo't bihasa na nga ang madla
Pagkat *tinatalunton ang ikot ng roleta.
Sama-sama tayong panindigan ang boto natin. Bagamat ang Diyos ang magtatalaga ng huling boto, ipagdasal nating mga kamay Niya ang mismong magmaniubra ng Election 2016! God bless, Pilipinas! Para sa bayan!
Katabi ko na sana
Ang tiyak na pag-asa
Subalit ako’y napariwara

Nang matukso ng mga kalaban
Na lumihis ng daan
At talikuran ang pinanggalingan

Kapalaran bumaluktot
Pangarap naudlot
Itinuring pang salot

Sa landas nagkandaligaw-ligaw
Nagkapundi-pundi ang tanglaw
Kinabukasan waring napupugnaw

Pati mga minamahal nadamay
Sa palubog na barko isinakay
Natibag ang mga suhay

Sa pagtakbo ng matulin, natinik ng malalim
Sa paglipad ng mataas, bituin ay nanimdim
Huwag sana tuluyang igupo sa lagim

Kung ako’y naging mahina, sana’y patawarin
Ang mabuhay nang wala kayo, hindi ko kakayanin
Nawa’y pakinggan po ang aking panalangin

Na ako’y ibalik sa tunay na pinagmulan
Ang kalyeng dilaw – matuwid na daan
At aking isinusumpang mamahalin kayo nang lubusan.

-07/31/2012
(Dumarao)
*My Twilight Poems Collection
My Poem No. 187
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.
Jun Lit May 2019
[Para kay Emerson David V. Jacinto, February 16, 1962 - May 02, 2011)

Mula paglilihi sa ningas ng ilawang gasera
sa sulok ng angking dunong, kaisipa’y namunga,
hanggang sa pagluwal, kasaliw ang palakpak ng sigla,
ulilang panaghoy at sigaw ng malayong pag-asa
- sa panawaga’t tinig ng Inang Bayan, tumugon ka.

Kusang-loob, inihandog, buhay at panahon
Walang alinlangan, payak na pamumuhay ay tugon
Sa lamig ng gabing kamao’y nagkuyom
Kumot mo’y pusong malasakit ang nilikom
- Unan ay konsyensyang malinis at tapat sa layon.

Mapait na dagta ang sa damdami’y nanalaytay
tila ipinahid ng mahabang paghihintay
sa mayamang dibdib ng ating kinagisnang Inay
- ang Inang Kalikasan. Doon ka humimlay,
- Makabuluhang buhay ang iyong tagumpay
Jun Lit Sep 2017
Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan

Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran

Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin

Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.

Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!
JOJO C PINCA Nov 2017
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang araw hahabulin mo ang 'yong hininga,
pero sa tulin nito hindi mo s'ya aabutan.
magdidilim ang iyong paligid
magsasarado ang iyong mga mata
at hindi kana kailanman gagalaw.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
mabubura ang lahat ng iyong ala-ala,
mabuti man o masama lahat mawawala.
kahit ang panaghoy ng naglalamay
na saiyo'y nagmamahal hindi mo na
madidinig lahat maglalaho.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
maganda man o panget ang iyong
mukha't katawan sa bandang huli
kakainin lang ito ng mga bulate.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
kahit nasa taas ka ay h'wag magmataas
pagkat sa huling hantungan sa lupa'ng
tapakan ka rin mababaon.
alalahanin mo na ikaw ay mortal.
isang singaw sa ibabaw ng lupa,
isang bulalakaw sa kalawakan
isang bula na nakalutang sa sabaw
at isang kisapmata sa libong pangitain.
faranight Jun 2020
ika-19 na pahina ng ikalawang kabanata ng panaghoy.
Naghihikahos, nagluluksa,
at bakit nga ba hangang ngayon tila automatikong tumatakbo patungo sa rurok ng kastupiduhang ito.
Habang ang liwanag ay patuloy na umiikot sa kaaliwalasan mo.
"Magandang umaga sa mga ulap na kasing ganda ng yong mga mata.
Habang lumulubog ang mga bitwin patuloy ang buwan sa pagkanta.
Ang langit na sing tamis ng mga ngiti **** walang kasing lambing.
Kung alam mo lang sana ang pakiramdam ko sa tuwing ika'y nakikita.
O kung paanong ang puso ko'y lumulundag kahit di ko man idikta.
Ang isip ko'y di mapakali hinahabol ang kanyang paghinga.
Sa bawat patak ng segundo sa bawat hininga mula sa baga ko,
Mukha mo ang naiisip tinig mo'y umaalingaw ngaw sa loob ng utak ko.
Ibaling ko man sa iba ang atensyon ko naghihimagsik ang damdamin ko,
Ikaw ang panaghoy ng puso kong sing lambot ng ulap na di mapanuto."
Ito'y nalikha mula sa mga taludturan ng iba't ibang mga tula at pinagtagpi tagpi upang mailarawan ang nais na maipadama sa babaeng sinisinta.

— The End —