Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
Marge Redelicia Jul 2015
naririnig mo ba?
ang bell ni manong na nagtitinda ng ice cream.
ang mga huni ng iba't ibang klase ng ibon.
ang mga harurot ng mga ikot jeep.
naririnig mo ba?
ang mga tawanan ng mga magkakaibigan
mga kuwentuhan, mga tanong at makabuluhang talakayan.
naririnig mo ba?
ang mga lapis at bolpen ng mga estudyante
na kumakayod sa mga papel:
husay
sa bawat ukit.
naririnig mo ba?
ang mga yapak ng mga iba't ibang klase ng Pilipino at talino
sa kalyeng binudburan ng mga dahong acacia
dangal
sa bawat apak at kumpas ng kamay,
sa bawat hinga.

naririnig mo ba?
ang mga salitang mapanlinlang, mapang-alipusta
ang mga sigaw sa sakit,
hiyaw sa hapdi, dahil sa
mga hampas at palo
ang mga tama ng mga kamao
naririnig mo ba?
ang mga iyak
ang mga hikbi ng mga kaibigan
para sa mga kapatid nilang nasaktan.
ang mga hagulgol ng mga magulang
na nawalan ng anak:
mga puso, mga pamilyang
hindi na buo.
wasak,
nasira na.

naririnig mo ba?
ang mga boses na nananawagan na
"tama na"
"utang na loob, itigil niyo na"
kasi
hanggang kailan pa
tutugtog ang ng paulit-ulit-ulit
ang sirang plaka ng karahasan
na patuloy na naririnig sa panahong ito
mula pa sa mga nagdaang dekada?

nakakalungkot, hindi, nakakasuklam
ang mga mapaminsalang kaganapan na nangyayari
sa ating mahal na pamantasan.
ang tawag sa atin ay mga
iskolar ng bayan,
para sa
bayan
pero paano tayo mabubuhay nang para sa iba
kung paminsan hindi nga makita ang
pagmamahal at respeto sa atin mismo,
mga kapwang magkaeskwela.

hahayaan na lang ba natin ang ating mga sarili
na magpadala sa indak ng
karumaldumal na kanta ng kalupitan?
hahayaan na lang ba ang mga isipan na matulog.
hahayaan na lang ba ang mga puso na magmanhid.
kailan pa?
tama na!
nabibingi na ang ating mga tenga.
nandiri. nagsasawa.
oras na para itigil ang pagtugtog ng mga nota.
oras na para tapusin ang karahasan.
oras na para talunin ang apatya at walang pagkabahala.
oras na para sa hustisya.
oras na para sa ating lahat,
estudyante man o hindi, may organisasyon man o wala
na tumayo, makilahok at umaksyon
para pahilumin ang sakit,
para itama ang mali.
oras na para sindihan ang liwanag dito sa diliman.
oras na para mabuhay ang pag-asa ng bayan.
a spoken word poem against fraternity-related violence
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Eugene Jul 2016
Pipigilan ko ba kung hindi ko na kaya?
Hahayaan ko na lang bang umagos ang mga luha?
Tatahimik na lamang ba ako at hindi magsasalita,
Kung puso ko ngayon ay mabigat na mabigat na?


Ano ba ang kasalanan ko at ako ay pinagkaitan?
Nagkamali ba ako, kaya pasan ko ang kapighatian?
May magagagawa pa ba ako kung dalawa na kayo ang nang-iwan,
At isisigaw na lamang sa hangin ang lahat ng aking pinagdaanan?


Tinutusok ang puso ko, nadudurog na parang yelo.
Nanghihina ako, kulang na lang ako ay mag-deliryo.
Ano ba kasi ang kasalanan ko at ako ay pinaghiwalay ninyo?
Nasaan ang pagmamahal na matagal kong hinintay na maramdaman sa tunay na ina ko?


Tatlong dekada akong nagtiis sa pag-aakalang tama kayo.
Tatlong dekada akong naghirap para maiahon ko kayo.
Tatlong dekada akong nagbigay ng purong pagmamahal para ipagmalaki ninyo ako.
Pero bakit kailangang itago ninyo ang katotohanan sa tunay na pagkatao ko?


Sinubukan kong tuklasin pero pinagbawalan niyo ako.
Tinangka kong alamin pero ayaw ninyo.
Nang tangayin ang pag-asang mayroon ako,
Hindi niyo sinabing may tunay na kapatid pala ako.


Hahalikan ko na lamang ang hangin.
Pakikinggan ko na lamang ang boses ng kalikasan.
Sasayaw sa tunog ng kalembang sa kung saan,
Hanggang sa buhay ko ay tuluyan maparam.
Eugene Jan 2018
Kay tuling lumipas ang isang taon at ngayon ay panibagong buwan na naman ng Enero.

Isang hamon para sa akin ang baguhin ang nakasanayan ko tatlong dekada na ang nakalilipas -- ang maging masaya para sa sarili ko.

At sisimulan ko ito sa paggawa ng saranggola. Kasama ko sa paggawa at pagpapalipad nito ay ang aking nakababatang kapatid na ngayon ay labingtatlong taong gulang na.

"Ang galing mo namang gumawa. Ang laki na nang ipinagbago mo a! Dati ang tamad mo, ngayon masipag ka na sa paggawa ng saranggola," napahagikgik pa ako nang tuksuhin ko siya.

"Kuya, ang pagbabago ay hindi lamang sa isang laruan o bagay nagsisimula. Dapat sa sarili rin. Kaya kung may mga bagay kang baguhin sa sarili mo, simulan mo sa libangan gaya nitong paggawa ng saranggola. Kung saan nais ng puso **** maging maligaya ay doon ka," malalim ang kaniyang tinuran pero natuwa ako dahil may katuturan ang kaniyang mga salita.

Nang matapos naming gawin ito ay umakyat na kami sa pinakamataas na parte ng aming bukid dahil doon ay malakas ang hangin.

"Isa. Dalawa. Tatlo. Takbo na kuya! Takbo!" ngiting-nigiti ako habang tumatakbo paakyat ng bukid upang paliparin ang saranggolang hugis bituing gawa naming. Nang nakakalipad na ito ay hindi pa rin mawala sa aking mga labi ang ngiti.

Nasabi ko na lamang sa aking sarili ang mga katagang, "Simula pa lamang ito ng pagbabago sa aking sarili. Sisikapin ko at paninindigan ko ang panata ko na maging masaya hanggang sa huling hininga ng aking buhay. Gaya ng saranggolang matayog ang lipad ay magagawa ko ring lumipad paitaas maabot lamang ang tunay na pinapangarap ko at tunay na maging maligaya habambuhay."
Zal Feb 2018
Umikot ang mundo
Sumilip na ang buwan
Lumiwanag na ang mga tala
At pumikit na ang mga ulap
Pero, heto ako nakatulala sa apat na sulok ng kwarto

Mahal! Napapagod na ako
Napapagod na akong kakaisip kung mahal mo ba ako
Kaya sana na man, sana nandito ka at marinig mo ito
Sana madama mo ang mga saltiang "MAHAL KITA, SOBRA"
Sana makita mo ang pangalan mo dito nakaukit sa puso ko

Kaya mahal, sinta, darling, babe, baby, honey, love, sweetheart, asawa ko, buhay ko, mine, moo, yam
Sana madinig mo ang sasabihin ko
Na ang tulang ito ay para sayo
Kahit abutin man ako ng dekada dito kakahintay
Sasabihin ko pa rin MAHAL KITA

Hayaan mo nang lumuha ako kasama ng ulan
Hayaan **** mawalan ako ng tinig kakasabi sayo ng MAHAL KITA
Pero, teka, Mahal, mahal mo ba ako?
Ay wag! Wag mo nang sagutin. Kasi alam ko, ALAM KO NA!

Umikot ang mundo
Sumilip na ang buwan
Lumiwanag na ang mga tala
At pumikit na ang mga ulap
Pero patuloy pa rin akong nagpapakatanga

Ha,ha,ha! Tanga ng kung tanga
Pero, hayaan **** sabihin ko sayo
Mamatay man ang ilaw,
Dumilim man ang kalangitan
Mahal pa rin kita
Teka, teka nga
Sino nga ba ang Mahal ko?

Pakisabi naman oh!
Pakiusap, mahalin nya ako pabalik
Kasi ang sakit, sobra
Sa sobrang sakit, hindi ko parin maiwasan na mahalin  sya
Na mahalin sya ng sobra na kahit ang paghinga nakalimotan ko
Kaya sana na man, please lang pakisabi nyo sa kanya
MAHAL NA MAHAL KO SYA

At sana sa huling pagpatak ng mga luha
Ang huling salitang maririnig mo
Ang huling hangin naakukuha ko
At ang huling pagtibok ng puso ko para sayo

Umikot ang mundo
Sumilip na ang buwan
Lumiwanag na ang mga tala
At pumikit na ang mga ulap
Pero, MAHAL PA RIN KITA
Eugene Oct 2015
Siyam na buwan sa iyong sinapupunan.
Nang mailuwal mo'y sabik akong mahagkan,
Tumulo ang luha ng walang humpay na kaligayahan.

Ngiti sa mga labi'y hindi maipinta,
Nang munting anghel ay naglalakad na.
Ginabayan, tinuruan, at minahal niyong dalawa.

Lumipas ang tatlong taon, kasiyaha'y naglaho.
O aking ina, ako'y iniwan mo't lumayo.
Aking ama'y nagtangis ng todo.

Naglasing, nambabae, kinalimutan ako.
Sinaktan, inapi, inalila ng kung sino.
Muntik pang ibenta sa Muslim na kalaguyo.

Dekada ang dumaan, si Ama'y namatay.
Puso ko'y napisa't tuluyan ng nalumbay.
Mag-isang hinarap ang malungkot na buhay.

Naghinagpis sa inyong pagkawala.
Nagtangis, mugtong-mugto ang mata.
Nangungulila dahil wala nang nag-aruga.
Jun Lit Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
Lianne Jan 2020
Saya, yan lang naman ung gusto kong maramdaman ngayong 2020 na kasama ka
Bakit parang hindi ko ito dama gayung kakasimula palang ng taon
Pait, sakit, hirap ilan lamang yang nadama ko simula ng pagpasok ng bagong taon
Ang hirap, ang hirap isipin kung ikaw pa ba ung minahal ko?
Bakit parang pagpasok na pagpasok palang ng taon ika’y nagbago?
Pait kasi hindi ko na maramdaman ung tamis at kilig sa bawat yakap at halik mo.
Sakit, ang sakit sakit isipin na ako pa ba ung babaeng laman ng puso mo?

Hindi ko alam kung paano ito sabihin sayo
Dahil napakasensitibo **** tao
Mahal,mahal na mahal kita ng buong buo,
Ayaw kitang saktan sa mga salitang gusto kong ibahagi sayo
Kaya sa tula ko idadaan ang mga to
Susubukang maghinay hinay sa mga salitang bibitiwan

Mahal ikaw pabayan? Bakit parang hindi?
Kung magbiro eh hindi ko alam kung akoy sisimangot o ngingiti
Pero sige na nga akong ngingiti nalamang ng Makita **** ayos lang saakin
Habang nakangiting naisingpang sa iba nalang tumingin
upang hindi mo Makita ang mga lungkot saaking mga mata
tatawa para di mahalatang akoy nasasaktan na
baka kase pagsumimangot ako ay iyong sabayan
mga sumpong na aking nararamdaman eh tatakpan nalamang ng mga tawa.

Sige patuloy akong magpapanggap na maging masaya
kahit ang aking nararamdaman eh sobrang sakit na
kaya ko lamang ito ginagawa upang hindi ka mawala,
mahal, sana pag ito’y iyong nabasa wag ka sanang mawalan ng gana
o di kaya ay sisihin ang iyong sarili sa kadahilanang ako’y iyong nasasaktan na.
ayos lang ako wag kang magalala
patuloy na kumakapit upang ang relasyon natin ay hindi masira
mahal na mahal kita sana iyong tandaan
ngunit ako’y makikiusap lang sana
wag ka sanang panghinaan ng loob sa aking mga nasabi at patuloy na lumaban
dahil hindi ko na alam ang gagawin pag ika’y nawala pa

alalahanin ang saya, tuwa, kulitan na ating nagawa
at patuloy na kumapit at subukang ayusin itong problema wag ka lang mawala.
Madami pang oras, araw, lingo, buwan,taon o kahit dekada.
Wag ka lang bumitaw saaking kamay mahal.

Mahal na mahal kita. Tandaan mo yan
Mahal na mahal kita kahit ika’y ganyan
Madaan yan sa lambing
Wag natin ulit sayangin etong pagkakataon
Dahil mahal ako na ang nagsasabi na tayo hanggang dulo
Away, problema, ilan lamang yan sa mga pagsubok na ating dadaanan
Dahil pagtapos ng mga iyan
Maganda ang surpresang naghihintay satin.
Mahal kapit lang, laban pa. malalagpasan din natin yan.
Neil Harbee Oct 2017
Panahon na
Panahon na para sumulat ako
Panahon na para ihayag ang nararamdaman ko
Panahon na para idaan sa tugmaan ang dahilan
Dahilan kung bakit ayon sa kanila ika’y aking nasaktan

Napakatxnga mo
Para kang gxgo
Sxraulo
Txrantado

Oo, minura kita kasi di kita kayang mahalin
Napakatxnga mo para ako ang piliin
Pipili ka nalang kasi ba’t ako pa
Oo, magmamahal tayo, pero di sa isa’t isa

Sige, balikan natin ang simula
Yung bago pa lang ako dito at mukha ako nung txnga
Yung kakalipat ko pa lang at wala pa akong kilala
Yung first day ko na walang kamuwang-muwang, padukot-dukot lang ng cellphone sa bulsa
Yung di mo naman sinasabi pero umabot sakin ang balita

Gusto mo ako, di kita gusto
Lumalapit ka, lumalayo ako
Nasaktan kita… hinayaan mo ako

Kung inakala mo wala akong pakialam, nagkakamali ka
Kung inakala mo mapaglaro lang ako, nagkakamali ka
Kung akala mo pinaasa lang kita, di ‘yon totoo
Ang dapat lang na malaman mo… Sinubukan ko
Sinubukan ko ang alin? Txngina alam mo na yon

Sabi nila natuturuan raw magmahal ang puso
Piliin mo yung nagmamahal sayo
Kasi natuturuan naman magmahal ang puso
May kulang
Piliin mo yung may gusto sayo
Kasi natuturuan naman magmahal ang puso
Uulitin ko, may kulang
Piliin mo yung may pagtingin sayo
Kasi natuturuan naman magmahal ang puso
Pxta kayo kulang-kulang mga pinagsasasabi nyo


Natuturuan magmahal ang puso pero iba ang magtuturo
Natuturuan magmahal ang puso pero di ikaw ang gagawa nito
Oo, natuturuan magmahal ang puso pero ibang tao ang magpapatibok dito

Paano ko nalaman? Nasabi ko na, sinubukan ko
Sinubukan kong gustuhin ka pero di ko magawa
Pinilit na ibalik ang pagtingin pero hindi ko kaya
Talagang hanggang kaibigan lang tayo
Mali!
Hanggang kaibigan lang, walang tayo

Magiging totoo lang ako
Hindi ko ‘to ginusto. Pati ikaw
Di rin kita gusto
Sasaktan na kita kasi sasabihin na naman nila pinapaasa kita
Baka ikaw meron, pero ako walang pake sa sinasabi nila
May pake ako, sa’yo
May pake ako sa’yo kaya alam ko na di ako yung lalaki na nakatadhana para ibigin mo
Di kita gusto, at alam kong di mo na rin ako gugustuhin pag nakita mo to
Walang may alam kung kailan mo to makikita
Anong taon, pang-ilang dekada
Huling mga linya, kung binabasa mo to, alam mo na kung sino ka, pasensya na sinubukan ko pero wala talaga
At least kaibigan na kita
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
renea lee Oct 2015
.,.
Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Eba
Nang kainin ni Adan
ang tanda ng kasalanan?

Hindi baga nakapagtataka
Ang mga salitang sinambit ni Adan
Nang una niyang nasilayan
ang ganda ni Eba
Na hinugot mula sa kanyang tadyang?

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung paanong sa pag-ikot ng mundo
Ni minsan hindi nagtagpo ang araw at buwan?

Hindi baga nakapagtataka
Na sa dinami-dami ng tao sa mundo
Na sa paglipas ng dapit-hapon
At pagsikat ng araw

Natagpuan kita-

Sa isang araw na hindi inaasahan
Nakita
Nakilala
Nakasama

Hindi baga nakapagtataka
Sa kung papaanong ang bawat kaluluwa
Ay nagkakadaupang-palad
Ay nakakahanap
Ng mga kaluluwang mapagkakanlungan
Sa pag-ikot ng mundo
Sa paglipas ng panahon

Tulad ng atin-

Hindi ikaw yung ordinaryong babae
Sapagkat ang pagsabi sa babae ng ordinaryo
Ay parang pagmura sa isang santo

Sa iyong mga mata nakasillid
Ang isa pang babaeng
Nais kumawala
sa mundong kanyang kinagagalawan

Kimberly-

Pangalan mo’y hindi sayo lamang kumakanlong
Marami kang katulad
Pero ang pinagkaiba
Ikaw ay ikaw-
Sa kung paanong ang pangalan mo
Ay bumalot sa iyong katauhan
Sa kabutihan maging sa kasamaan

Isang babaeng naghahanap ng kasagutan
Sa mundo ng mga tanong
Na tila ba ang mga sagot ay hindi maapuhap
Na tila ba lahat ng ito’y
Nagtatago sa mata ng bawat isa
Na ang pagtitig sa mga ito’y hindi sapat upang matanto
Ang katotohanan na bumabalot sa atin

Sa iyong katauhan ay may nakabalot na sikreto
Isang misteryo na hindi ko kailan man malalaman
Ngunit kahit gaano man kadilim o kaliwanag
Hindi nito madadaig ang misteryo
Sa kung papaanong tayo’y nagkakilala
Sa isang panahon na pangkaraniwan lamang

Dalawang dekada-
Ang buhay mo sa mundo
Sa dalawampung taong paglipas
Maraming taong dumating
At marami ring umaalis
Binalot ng lungkot
Yinakap din ng saya
Ang iyong pagdating
Sa mundo ng kabagabagan

Pasalamat na lamang
Na sa paglipas ng lahat ng ito
Kaluluwa mo’y dagling naapuhap
Na parang liwananag sa kandilang papaupos

Maligayang Kaarawan, Mahal kong Kaibigan

R. L. Alcantara
*Enero 28, 2015
i made this free-verse poem for my friend’s birthday last january. intentionally, it's been 9 months now and i'm still not giving it to her. and as i think of it, i probably won't.
Wretched Jul 2015
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa *Amen
ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.
Kael Carlos Aug 2017
"Pag-ibig ay darating sa'yo" sabi ng mga makata,
Wari'y sa edad ko ang pag-ibig ay mahirap makita,
Ilang beses nga bang kailangang sabihin?
Talaga bang mapait ang dapat kong sapitin?
Higit isang dekada na 'ko sa mundo ngunit ang pag-ibig ay 'di mahagilap,
Ganito ba talaga ito kahirap?
'Di ko naisip na ito'y aabot pa sa ganito,
'Di ko napaghandaan at wari'y 'di napagtanto,
Lingid sa aking kaalaman,
Kaya 'di ko natandaan
At mas lalong 'di ko napaghandaan,
Ayaw na niya pala at matagal na niyang kinimkim,
Ako'y nasugatan at nagdusa ng mataimtim,
Sabi ni Inay: "Ba't ba wala kang dala?
Ilang beses ko ba dapat sabihin na wag mo ng hahanapin ang wala?"
I am Kael Carlos
Hindi niyo ba nakikita
Ang kanilang panlilinlang sa taong bayan
Sa pagpapakita ng malayang lansangan
Ngunit ang totoo'y sila ang kapahamakan

Apat na dekada nang nakalipas
Bata, matanda, sanggol, walang takas
Walang takas sa pagmanalupit ng mga pulis at sundalo
Ang nakaraan, hindi ba tayo natuto?

Mga pulis ay nagkalat
Mga sundalo'y laganap at dumadami
Kahit saan lumingon, sila ang matatanaw
Nagmamasid, nag-iikot, baril ay nasa tabi

Putok ng baril biglaang maririnig
Kasunod ay balitang may nabaril
Iisa ang rason: nanlaban
Ang tanong, nanlaban ba o kunwariang nanlaban?

Kanilang pagkatok
Biglaang pasok
Naghalungkat na walang pahintulot
Tama pa ba ito?

Mga tao'y hinahayaan lang
Ang mga naglalakad na kapahamakan
Dahil sa takot na sila'y tauhan ng presidente
Isang kamay sa bibig, kabila'y sa mata

Unti-unti nang nagpaparamdam
Ang pagbalik muli ng setyembre bente-tres
Tao'y nabulag, hanggang ngayon ganon parin
Kailan kaya magigising ang tao, kapag huli na ba ang lahat?
Ilang dekada na
Lumaban ka raw para sa amin
Hindi ko man lamang naabutan
Patungo raw iyon sa demokrasya.

Tingnan mo kami ngayon
Ang daang matuwid ay putikan
Ganito pala ang lasa ng imoralidad
Na kayo-kayo rin ang nagtimpla.

Marami nang nakatikim
Ng pait at kakunatan ng inyong hain
Ilan pa ba ang papalasapin?
Kaawa-awang mga dila
Mapapaso't kikirot
Dulot ng sarili ninyong mantika.

Katulad ng ibang baboy,
Ilalabas ka sa hawla
Nakalilihi ba doon?
Kaya nanlumo kayo sa taba
Tabang walang kainaman
Hindi magamit panggisa ng kamalian.

Sandamakmak pala kayo
Nagsanib-puwersa sa looban
Pinakakain nang tama, pinagsisilbihan
Bagkus tambay sa kurapsyon
Sa kulungang may posisyon.

Bakal ang tali nyo
Kaya't sumuko na't wag pumiglas
Pagkat sa putikan ang  ruta
Yang putikang kayo rin ang may gawa.
Napanood ko sa TV ang pagpa-check up ni Enrile.
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019
Jun Lit Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
gagawin kong orasan ang bawat tibok ng puso ko
habang nag aabang sa pagbalik mo
sa bawat araw, minuto, segundo
pikit puso sa pag-ikot ng mundo

gagawin kong kalendaryo ang aking bawat hininga
habang umaasang sasaya pa
sa bawat buwan, taon, dekada
pikit utak akong iibigin ka

asan ka nga ba? aasa pa nga ba?
kung bawat luha'y sa hangin nilista
nakikita pero walang halaga

asan ka nga ba aasa pa nga ba?
kung bawat sigaw ay buntong hininga
narinig pero lumipas na

wag mo na intidihin, wala kang dapat gawin
nasisiraan lang ng bait, di na dapat pansinin
malalaman ko din kung ano ang gagawin
sa kanluran ang araw ay sisikat din
021924

Itikom aking bibig
Nang Sayo’y mamahinga.
Isip ko’y Iyong pagharian
At muling awitan ng Iyong pagsinta.

Ilang dekada na’y
Nanatili Kang tapat —
Ni hindi ka nagkulang,
Ikaw ay naging sapat.

Paano nga ba ako hihinto?
Kung Ikaw ang aking Kalakasan.
Bakit nga ba ako mapapagod?
Kung Ikaw rin ang aking uuwian.

Tatahan ang aking mga mata,
Pagkat Ikaw ang aking Tahanan.
Ikaw ang Simulang
Walang katapusan.

At balang araw,
Sa isang kurap
At sa isang iglap lamang —
Ang lahat ay alaala na lamang.
Wynter Sep 2018
Noong nakita ka nung Agosto ako'y nahumaling
Sana pala ay hindi nalang ako nagising
Manatili nalang sana akong lasing
O ikulong ang sarili sa gitna ng apat na dinding

Ang puso ko ay nadudurog
Habang ang buong mundo ay natutulog
Sa gabing ito ay gusto kong masunog
Bakit ba pagmamahal ko sayo'y hindi maalog

Kaya kong maghintay ngunit huli na pala
Ikaw lang ang nasa isip ko ng isang dekada
Nalilito, nababaliw, nilalabas lahat sa tula
Hindi na ba titigil itong mga luha

Ikaw mula noon, ikaw hanggang ngayon
Marahil ako ay napag-iwanan ng panahon
Kung magiging akin ka ako'y higit pa sa kampeon
Ngayon lahat ng damdamin ko'y ikakahon

Ano pa ba ang magagawa ko at masyado na'kong huli
Imposible naman ako'y iyong mapili
Mahal parin kita hanggang sa huli
Hanggang sa magkita tayong muli

Noong nakita ka nung Agosto ako'y nahumaling
Sana pala ay hindi nalang ako nagising
Manatili nalang sana akong lasing
O ikulong ang sarili sa gitna ng apat na dinding
Tula para sa babaeng mahal ko ngunit wala ng pag-asang muling maging akin.
Levin Antukin May 2020
balik-tanaw. limang taong gulang.
tapos na maghabulan, magtayaan.
pagod na ang lahat at ang natitira na lamang
ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.

"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro,
"nagpapalipad siya ng mga eroplano".
manghang-mangha kami habang nagkukwento siya
at may hawak pang eroplanong papel.

"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa,
"sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan".
bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit.
sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?

pinagyabang ko siyempre ang aking ama.
"pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril
gamit ang mga kamay.
basang-basa ang mga ito dahil sa pawis.
mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati
ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba
dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis

ngayon?

nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano
yaong daddy ng kalaro namin.
flight attendant siya. marangal na trabaho.
nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa
subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.

kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan,
nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong
kasama ang isang mamamatay-tao.
ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.

tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo
kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo.
biktima tayong lahat na pumapailalim
sa mga nagmamataas na sakim at gahaman.
bakit magtataka sa kasulukuyan
kung mas masahol pa sa kriminal
ang puwersang kapulisan?
Lilisanin ko ang sarili
Madatnan lamang ang espasyo
Kung saan tayo’y magtatagpo’t magtatapat —
Magtatapat ng ating mga pangakong
Kailanma’y hindi nanaising mapako.

Ang bawat hakbang
Ay magsisilbing aking pagpupunla
Hindi lamang ng aking wagas na pag-ibig
At dalisay na pananampalatang
Kakayanin natin ang mga susunod pang dekada,
Mga dekadang sabay na mamumuti
Ang ating mga buhok
At sabay na malalagas
Patungo kung saan man tayo nagmula.

Wala akong ibang nais na masilayan
Kundi ang mga mata **** sining sa aking paningin.
Ang ngiti **** sana’y manatiling
Matatamis na alaalang
Ikaw at ikaw pa rin ang aking pipiliin.

At sa mga oras na ang mga pahina na ng kalendaryo
Ang kusang magpatangay sa hangi’y
Nanaisin ko pa ring manatili
Sa mga akap **** pinili kong maging kanlungan
At ang magiging sigaw ng aking puso’t damdami’y
Papuri sa Unang Umibig sa atin
Bago pa man mag-krus ang ating mga landas.
reyftamayo Jul 2020
sisinghap-singhap ang dekada
ng mga makabagong bayani
inaalat na tulad
ng mga butil-kaliskis na balakubak
kasingpait ng mga nakakubling libag
sa talampakan nitong maglulupa
wala na ang simoy
ng amihan sa kanayunan
pinalitan ng umaangil
na ulap ng nagbabagang pulbura
parito, paroon
palitan ng mga tinggang
hugis karayom
walang patawad na babaon sa kalamnan
ngunit ang mga bayani
ay hindi malilimutan
malibing man
maagnas at maisama
sa lupa nitong ipinaglaban
Andy May 2020
Sa unang tingin, mabibighani
Iisiping napakaswerte
Tila kasingsaya ng mga tumaya
At nanalo sa lotto
Nakapipigil-hininga ang ganda
Imbis na pumikit upang manalangin
Na magkatotoo ang hiling
Pilit na dinilat ang mga mata
Sa pag-asang
Masulit ang bawat segundong
Nariyan pa
At maaaring masilayan
Tala ang tawag ng iba sa kanya
Tawag ko naman ay bulalakaw
Sa unang tingin pa lamang
Kinatatakutan na ang paglisan
Dahil ang mga bagay
Na nakapagbibigay ng ligaya
Madalas ay nawawala

Pilitin man ang dumilat
Hanggang hindi na kaya ng mga mata
Kinailangang pumikit
Ilang segundo lang, isang saglit
Pagmulat ng mga mata
Nawala ka na
Napunta sa lugar na hindi ko na mararating
Hindi na maabot
Pagmulat ng mga mata sa umaga
Bigla akong nagtaka
Mahal ko, saan ka nagpunta?
Kung di ba ako pumikit
Hindi ka rin mawawala?

Naririto lang ako, naghihintay
Kahit abutin ng dekada
O ilang taon
Umaasa pa rin ng pagkakataong
Masilayan ka muli
Kahit pa ika'y
Isang bulalakaw
Here's a Filipino poem inspired by a Pahintulot, a Haikyuu!! social media au that I read :) There are people we know will leave us eventually, but we still appreciate the short while that they've been with us, and hope that they come into our lives again, no matter how slim the probability.
themisunderstood Jun 2020
Nirvana, Rage and Oasis
They are what made up my 90s
When life was a lot more simple
Back then when people are people
Jun Lit Aug 2020
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?

May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.

Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.

Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.

At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —