Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Karl Allen Jun 2016
And in the end, the love you take is the love you make.

-The Beatles

Isa ito sa mga argumentong dapat lamang pagtalunan.
Dahil hindi lahat ng pag-ibig na binibigay mo ay nasusuklian.
Masarap lamang itong pakinggan.

Noong inibig mo ako,
Hindi. Mas tamang sabihin na
noong naisip **** iniibig mo na ako,
Ay mas pinili **** huwag magbigay ng buo.
Hindi ko alam sa'yo pero ikaw na ang pinaka-duwag na taong nakilala ko.

Naaalala ko noon ang mga sugat at pilat na naiwan niyang nakatatak at nakakabit sa mga braso mo.
Nakikita ko ang mga bakas ng mga hampas nya sa mga balikat mo.
Bawat kagat at kalmot at gasgas na ibinigay n'ya sa'yo,
Sa mga pagkakataon na akala mo wala lang,
Naramdaman ko.
Pinaramdam mo silang lahat sa akin.

Anghirap palang pilitin na bumuo nang puso na ayaw magpabuo sa'yo.
Hindi ko din kasi alam dati na kailangan, ang kagustuhang maghilom,
Manggaling sa kanya mismo.

Pinilit kong pagtagpi-tagpiin ang mga piraso **** nakakalat sa sahig mula nang binitiwan ka n'ya.
Sinubukan kong gamutin ang lahat ng sakit na nagpapanatili sa iyong gising sa alas-tres ng umaga.
Pinili kong mahulog sa iyo kahit alam kong mas malabo pa sa tubig ng Ilog Pasig ang pag-asa
Na maisip **** sa iyo lang ako.
Iyong-iyo lang ako.

May mga pagkakataon na nakikita ng ibang tao ang mga pagbabago na akala nila ay ako ang dahilan pero ang hindi nila alam,
Sa dami at haba ng mga sakit na iyong naramdaman,
Natuto ka lamang na itago silang lahat sa loob mo.
Na sa kahit na anong oras, pwede silang lahat lumabas at lamunin na lang ako ng buo.
Oo.
Ako.
Dahil mas pinili kong lumapit sa'yo.
Iyong-iyo lang ako.

May mga pagkakataon na gusto kong isipin
Na ang bagong taginting ng mga tawa mo ay dahil sa akin.
Na ang mga panaginip mo kapag ikaw ay mahimbing, ako ang laman.
Na ang mga pangarap mo sa hinaharap ay ako ang hiling.
At ang bawat pulso mo ay para sa akin lamang.
Dahil sa iyo lang ako.
Iyong-iyo lang ako.

Pero hindi.
Dahil andami mo nang natutunang paraan para magtago.
Napakadami na ng mga pagkakataon na sinayang mo.

Ang akala mo, lahat ng pagkabigo mo sa pag-ibig dati
Ay natulungan kang maging mas malakas, mas matatag, mas matalino.
Pero hindi.
Dahil papasok sa isang bagong pag-ibig ay tinangay mo lahat ng galit.
Iniwan mo ang mga aral na natutunan mo maliban sa "Ang pag-ibig ay hindi dapat pagkatiwalaan."
Ang tanging bagay na hinahabol mo, na pinipilit **** makuha,
Na pinipilit mo dating kapitan kahit na wala na,
Ang bagay na akala mo ay lubos sa iyong magpapasaya,
Tinitignan mo na may pagdududa ang iyong mga mata.
At unti-unti kang nabulag.
At hindi mo nakita ang pagibig na nasa harap mo na.
Lumipad at nawala.

Hindi bulag ang pag-ibig.
Bulag ang mga taong pinipilit tumingin sa araw dahil gusto nilang makakita ng liwanag ngunit ayaw alisin ang kanilang mga de-kolor na antipara.

Wala kang natutunan sa nakaraan.
Hindi ka nga nasasaktan.
Hindi mo naman mahagilap ang tunay **** kaligayahan.
Dwight Barcenas Jun 2016
Ako'y kinakabahan
Saan ko kaya ito u-umpisahan?
Siguro ito'y epekto ng iyong biglaang paglisan
Kaya ako ngayon ay naguguluhan
Pano mo nagawang mang-iwan?

Iniwan .. iniwan ang puso ko sa ere ng walang kaalam-alam
Na Hanggang ngayon halos puso ko'y nangunguyam
Sa bawat oras na pumapasok sa aking puso at utak na tila isda na uhaw-uhaw
Hanap-hanap palagi ay ikaw

Minsan naalala ko pa nga naisulat ko ang iyong pangalan sa buhangin
Nagbabakasakali na sana'y ika'y dumating
Nakatingin sa mga bituin
Umaasa na isa sa mga ito ay magbigyang diin na sana dumating
Ang nagiisang bituin para sa akin

Nilalamok na ko kakatingin sa mga butuin
Iniisip pa din kung sakali man na ikaw ay dadating
Agad kitang yayakapin
At sasabihin
Na ikaw padin ang nagiisang tao na kayang magpatibok nitong aking damdamin

Ang tanga mo
Yan ang mga katagang madalas kong marinig sa kanilang mga bibig na lagi nilang binabanggit kapag nakita nila akong nakaupo sa gilid dyan sa may sahig ngunit hindi ko sila pinakinggan
Palagi nila ako tinatapik sa aking balikat at sinasabing wag ka nang umasang babalik pa yan
Siguro nga hindi lang yan panandalian
Pero asahan mo ko aking mahal hihintayin pa din kita
Kahit wasak na wasak na ang puso ko ng tuluyan hihintayin kita


At sa iyong pagbalik
Umaasa na hindi mo na ako ulit
Ipagpapalit.
Ngunit bakit ka'y pait?
Umaasa na makita ka na kahit saglit
Sapagkat
Hindi ko na kaya ang sakit . .


Sana panginoon wag kang magalit. Nawa'y kunin mo ako sa langit.
This is my first so yun.
Any comments is allowed.
Message me on facebook;
https://www.facebook.com/YatotDwayt
For comments thanks :)
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
George Andres Jun 2016
Hindi matigas lahat ng bato
Hindi lalago ang halamang nakatago
Pero kung bubunutin din naman
Anong silbi ng pagkakakilanlan?

Itaas ang kamay kung ginawa mo ito:
Ituro sa kapatid na bakla ang tito mo,
Kung gayon, ito ay duwag at gago,
Tingnan bilang presong kulong sa kandado

At kung sapatos ni kuya, suot ng ate mo,
Walang alam ni isa, pero sa ina sinabi mo
Nasaksihan ang paglisan ng nagturong pumorma
Narinig ang galit ng ama, sigaw ay "imoral ka!"

Putang ina, lahat iyon ay narinig mo
Hindi na kaya ng sentido mo
Mali ito, mali ito ang pilit ng lipunan sayo
Iwaksi mo, iwaksi mo, at tatanggapin ka nito

Sa oras na lumabas ka, wala ka nang pangalan
At araw-araw sa buhay mo, tila umuulan
Ng husga, ng ismid, ng dura sa sahig
Tawag sainyo ng kasintahan ay bawal na pag-ibig


Tomboy, bakla, bayot, tibo
Araw na binigyan ka ng ngalan tila naglaho
Binato ng panghahamak na gusto mo nang lumisan
Kaysa tanggapin ang galit na pinagmulan ay di alam

'Mahalin mo ang 'yong kapwa'
Banggit at turo ng May Likha
Pero bakit may galit ata
Nagpahayag nito't nagsalita?

Hindi ba itinuturing na kapwa sila?
Na kasama **** lumaki, magdalaga?
Kalaro ng chinese garter baga,
Kahit alam **** lalaki naman talaga siya

Ang saya na dulot niya di mo naalala
Nang minsan sa kanto'y sutsutan siya
Sapatos lang daw at k'onting barya
Tiningnan ka niya, ikaw ay tumawa

Saan ba ang lugar sa mundo para sa kanya?
Mahirap bang sabihin, katagang, 'tanggap kita?'
Tingin mo ba'y karamdaman kanyang nadarama?
Oh bakit nakangiti ka? Nahawa ka ba?

Kaya ba't ka umiiwas nang nalaman mo na?
Bilang kaibigan, oo nabigla ka nga
Pero 'wag mo naman sanang isiping
Naisip niya minsang ika'y makasiping

Alisin na natin ang malawakang pag-iisip
Na pandirihan ang kakaiba, pero subukan **** sumilip,
Lalawak ang saradong takip
Sana isang araw ang hangin, magbago ang ihip

Maging magkasama, pantay-pantay sa ibabaw ng isang ulap
Nawa'y mga anak nati'y maranasan, ekwalidad sa hinaharap
Matapos na ang inis at galit
Pagmamahal ang pumalit
62816
Umiiyak ang dilag nang walang patid
Kasama ang dugo at basahan sa sahig
Nais kong mabatid
Ano ang nagdulot sa nadaramang sakit?
Binunyag ng kanyang mga mata
Walang puknat na pagsisisi ni isa
Hindi na alam kung ligaya ba o pighati
Dahil ngayon alam niyang tapos na ang lahat
Pakiwari niya
Natutulog na ang mga alon
Noon siya ay nilulunod 
Naghuhumiyaw na damdamin puno ng hinagpis
Gusto niyang isigaw sa hangin
Ngayon kailangan na niyang linisin
Niyurak na pagkatao dahandahan bubuuin
Pinira-piraso
Ngumiti siya na para bang payaso
Isinilid niya sa sako
Kahit gusto man niyang maglaho
Ang amoy nitong mabaho
Nanatili pa rin sa damit niya
Parang bang tumitiling aso
Sinuyod ang masukal na gubat
Tinunton ang malalim na balon
Puno na ng lumot 
Doon niya inihulog
Ngayon basahan ng mga kumot
At ang bangkay ng ama
Kasama ng kaluluwa niyang
Hinalay nang walang awa




-Tula VI, Margaret Austin Go
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
Ikaw ang pintuang may bukas,
Siyang pag-asang maibsan ko ang taglamig na kalinga.

Ikaw ang bintanang may hangin,
Siyang susulyap sa pangungulila.

Ikaw ang sahig na sasalo,
Siyang saklolo sa pagkahingal at pang-aabuso.

Ikaw ang mesang may hain,
Siyang magbibigay lakas sa panloob na damdamin.

Ikaw ang kutsilyong gagalos,
Sa yugto ng buhay na akala'y perpekto.
At ang tubig na didilig,
Sa *uhaw at lantang isip.
0617

Gusto kong punuin ng letra ang bawat pader ng kwarto
Yung tipong wala akong makikita na kahit maliit na espayo.
Gusto kong guhitan pati ang sahig at kisame
At dungisan ang salamin sa bintana
Hanggang sa wala na akong masambit pa.

Gusto kong kalimutan ang bawat mensahe na pilit **** pinapaalala
Sa bawat sandaling sabi mo'y hindi kukupas ang mga naipinta.
Ang makulay na pader ay pininturahan ko ng puti
Ngunit ngayon, ang bawat salita ay wala nang halaga.

At gaya ng pader na kulay puti,
Wala akong makitang dahilan para balikan ka.
Wala akong maaninag sa bintana na kahit katiting na pag-asa.
Ayoko nang bumalik pa
Kasi ilang beses na akong napuruhan.

Sa isang iglap, nakalimutan ko ang mga salitang "mahal kita."
Napuno ng masasakit na salita ang bawat pader
Na kahit sa aking pagtingala
Ay nananatili akong gising.
At sa pagpadyak ko ng mga paa ko,
Napuno ng bubog ang sahig na dating makintab.

Nagdurugo ang aking mga talampakan
At hindi ko maintindihan ba't ngayon lang ako nasaktan.
At kung bakit pa ako pilit na bumabalik
Sa alam ko namang madilim na silid-higaan.

Inisa-isa kong tupiin ang mga damit sa lapag
At pinuno ko ang aking maleta ng tanging mahahalaga lamang.
Gusto kong bumawi sa sarili ko
At ngayon, aalis na ako --
Hindi ka na mahalaga.
Elle Manabat Jan 2016
Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas **** pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/
Angela Mercado Apr 2017
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo

Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid

Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan

Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.

Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha

Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay

- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay

ni walang panahong
makinig saming salaysay

May dugo

ang bigas
na iginagatong ninyo

May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo

Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo

May namamatay na dito
makinig naman kayo!

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu
JK Cabresos Nov 2012
Para lang nagbabalat ng sibuyas
ang istorya ng pag-ibig.

Sa simula...

Ng nasa mga kamay mo pa lang ito'y
may gana ka pang tumawa,

Hanggang sa inilagay mo na
sa isang sangkalan...
('chopping board' na nga lang, para mas maintindihan)

At nang binalatan mo'y
bigla ka na lang umiyak
at tumulo ang iyong mga luha
(sa sahig, alangan naman sa balkonahe!)

Pagkatapos nama'y nakatawa na ulit,
ngunit hindi pa rin nadala't
kumuha pa ng ibang sibuyas para balatan.
(sira-ulo lang te?)

Pero wala tayong magagawa dun,
hindi sa eksaherada masyado
ako kung makapagsalita,
eh ganun yun eh!
(ganun talaga!)

Kaya tanggapin ****
kapag sinubukan mo nang umibig,
alam mo nang sa huli'y
masasaktan at masasaktan ka rin...
('wag kang mag-aalala marami naman kayo!)

Ayyy! hindi 'yan!

Sa gitna pa pala 'yan,
dahil ang nasa huli'y
liligaya ka ng walang kasintulad ng dati.
(para bang nasa alapaap daw?)

Dahil ang magmahal ng isang gago...

Ayyy! Este tao,
ay maraming pagsubok,
tulad ng pagbabalat ng sibuyas...

Masusugatan ka talaga
kapag hindi ka marunong
magdahan-dahan at mag-ingat.
Malamig ka na...
Araw-araw nag pag iisip umaga, hapon, gabi di ko masabi dilim saaking isip at sa puso. Abuso sa kabaitan pag lapastangan sa aking kabaitan, di ko maisip kung bakit isang araw di kana lumapit... saakin mahal. bigyan mo ako ng oras para mailabas ang aking saloobin ng ikaw maliwanagan narin.
Aking ipapaliwanag biglang **** pag lamig na tila isang malaking sahig na walang hanggan na pag aaway at pag tatampo, di ko maihabilin sakit sa aking damdamin. sasayad sa aking isip na di kana masaya saakin. na na na na maaaring sawa kana sa saya, sakit at pagkalumbay sa aking piling, mahal aking hiling kung mayroong problema sa pagitan natin ay iyong sabihin. hindi yung bigla kang lalamig na para bang sahig.. bigla kang lalamig. at sa oras ng iyong pag lamig para bang pati puso ko'y namanhid, di ko maintindihan napuno ito ng tampo... sayo! kaya mahal ipaliwanag mo ngayon ang iyong sarili kung bakit ka lumalamig.
Anton Nov 2020
Pintuan palang malalaman mo na,
Na ito ang bahay ng mahirap na pamilya,
May nakasulat pa sa itaas na "Welcome to Miano Family" at " God bless our home".
Mga katagang matagal ng iniukit ng panahon,

Pag pasok mo ay sasalubong agad sayo,
Ang mga mga kagamitan na bigay,
Mga gamit na pinagsawaan na ng kapit bahay,
Mga Tv, relos, at orasan na di na umaandar,

Sa iyong unang hakbang iyong maaapakan,
Ang mga lumang tarpaulin na ginawang floormat,
Upang takpan ang madumi at maputik na  sahig,

Lingon ka sa kanan,
At makikita mo ang gawa kong hagdanan,
Hagdan na mayroon lang tatlong apakan,
Ngunit di kelangan mabahala,
Pagkat gawa ko iyan, kaya dapat magtiwala,

Sa iyong pag akyat makikita agad,
Ang kahon na sa laki ay sagad,
Sariling gawang kahon para sa speaker at amplifier,
Di sapag mamayabang pero kalahating araw ko lang tinapos iyan,
Partida nga at wala pang kompletong kagamitan,

Mapapansin **** ganun din ang set up sa taas,
May mga tarpaulin nanaman paloob at palabas,
May mga pira pirasong damit na tinahi para magsilbing kurtina at pantakip,
Pantakip mula sa mga butas na ding ding,

Pag lipat sa kabilang kwarto at makikita mo,
Ang sahig  na gawa nanaman sa kawayan,
Na ginawa upang maging daanan ng hangin  sa mainit na panahon,

Walang masyadong kagamitan,
Pero masasabi mo talagang magulo,
Magulo at parang wala nang paglalagyan,
Ng mga damit at mga unan na pa kalat kalat,

Konting pagmamasid pa at iyong mapapansin,
Ang basag naming salamin,
Mga LED lights na di nagagamit pag sapit nh dilim,
Mga wires na napakagulo at gutay gutay,
Batterya ng motor na gamit  ng ilaw pag gabi,

Pag napagod kana sa taas,
Bumaba ka ulit at makikita mo sa gilid ng hagdan,
Ang Mga gawa sa kahoy na upuan,
Tingin saglit sa taas at masdan,
Pinag tagpi tagping yero na bubungan,

Mga bubong na maaliwalas kapag tag.araw,
Pag tag ulan naman ay nagmumukhang talon sa buhos ng tubig,
  
Sa kusina naman tayo ay magpunta,
Bubungad agad ang mga basag na baso,
At mga plato't kutsarang di kumpleto,
Naubos narin cguro ng tatay kong lasinggero,

Sa hugasan makikita mo naman,
Ang gawa sa kahoy na hugasan,
Mg lalagyan ng plato at basong may sabitan,

Isang hakbang pa at welcome to our lutuan,
Lutuan na gaw asa lupa nq ipinatong sa yero  kahoy at kawayan,
Mga maiitim na  na kawa at kaldero na laman,
At syempre mga kahoy rin na panggatong na nakalagay naman s abandang ilalim ng lutuan,

Tuwing kakain kailangan mag kanya²,
Pagkat pag nag sabay ay tiyak na di kasya,
Pagkat plato't kutsara'y kulang na,
Pero ganun paman kami ay masaya.

Simpleng bahay, simpleng buhay, simpleng pamumuhay 😊
Mysterious Aries Nov 2015
Ang katotohana'y di ko batid kung paano ko susugatan itong papel
Kung aling sandata ba ang gagamitin, itong punyal ba o kaya'y baril
Mithi kong bawat panitik na bibitawa'y mapatakan ko ng sariling dugo
Dahil bawat papel na masusugata'y tiyak unti-unting hihilum sa puso kong bigo

Ang bawat isasalaysay ng taong malapit na sa kanyang dapit-hapon
Dadamhin alaala ng lumipas, na para lang itong naganap kahapon
Umaasang maaklat ninyo ang aral na nais ihatid
Pulutin ninyo ang ginto, ang bato'y iwanan sa sahig

Maraming salamat kung sakali mang makikilangoy kayo sa aking ilog
Kulay pula man ito'y lilikhain ko itong may kalakip na pag-irog
Mula sa susugatan kong papel magaganap ang lahat
Lapis na punyal at baril ko'y nakahanda nang gumawa ng aklat....



04-10-15

mysterious_aries
Paper Wound

The truth is I do not know how I will smite this paper
Which weapon to be use, this gun or this dagger
Every letter that I will let go, I’ll blend my own blood
Each paper that I’ll wound slowly will cleanse my hearts mud

A chronicle will unfold by one person who is close to his gray
I will feel the memories of my past as if it just happened yesterday
Expecting that you will learn the lesson that I will serve at your door
Gather up the gold, left the stone on the floor

Thank you if ever you will swim at my river
Though its color is red, I will create it along with a love that is forever
I will wound some paper by hook or by crook
My pencil knife and quill gun are now ready to create a book


Translated: 11-23-2015, not so accurate to create a rhyme
kingjay Dec 2018
Nadatnan sa sahig nakahandusay
Ilan taon pa lamang noong una natapilok
Sa paghuwego ay naglibang
Nakalimutan ang sandaling sablay

Bumaba ang araw na nasa taluktok ng kampana ng simbahan
May iskarlatang busilak
Ang dagundong nito ay ang pagpaparaya sa mga bata na ginigiliw ng kanilang ina

Ikandong ang wasak na damdamin
para makahinga
Nilulumot ang gasera sa guwang na pandama
Di matinag ang pagkawalang

Ipaubaya sa daungan ng mga hiling
ang pahapyaw na pinapanalangin
At doon din makahanap ng silungan
Samantala nalalagasan ng supang ang Sampaguita
Malungkot ang kanyang talaarawan

Nagmistulang sinulid ang kaligayahan
na ipang gamit sa paghabi ng ala-ala
Sa kalayuan maaninag na nagluningning
Ngunit kapag sa prontera may pilat na mapusyaw
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
w Apr 2019
91
Ang sabi nila na ang pinakamasakit daw na tunog ay ang iyak at hikbi,
Malakas man, mahina o pag-pipigil
Lahat daw ‘yon ay pare-pareho lang
Tama nga siguro sila kasi ang iyak ay nakapag-sasabi ng totoong nararamdaman, ang iyak ay isang kalungkutan
Noong gabing yon, narinig ko ang pinakamasakit na tunog
Sabay tayong lumuha
Sabay nating iniyak ang sakit na para bang masasagot lahat ng tanong sa ating isipan
Mga pagkukulang, mga sana at dapat na pareho nating gustong malaman, gustong ipaglaban
Mga tanong na matagal ng kinukwestyon ang mga bagay na hindi maintindihan
Mga pagkukulang na pinipilit buuin na unti-unting lumalabo
Mga sana at dapat na matagal nang pinipigilan
Ngunit narinig ko ang tunog ng bawat galaw ng iyong mga paa na humahaplos sa sahig
Narinig ko kung paano mo ikinabit muli ang iyong mga paa sa iyong medyas at sapatos,
Kung paano mo ito itinali at binuhol nang napakahigpit
Narinig ang bawat kilos at galaw
Sa huling beses ay narinig ko ang iyong mga daliri
Kung paano dumapo ang iyong palad sa pinto
Hindi iyak at hikbi ang nangibabaw
Kundi ang tunog ng pagsara ng pinto
Eugene Aug 2017
Nakatulala ka at nakatingin sa repleksiyon ng iyong sarili sa bintana ng iyong silid.

Luhaan. Parang gripong patuloy sa pag-agos ang iyong mga luha.

Nagwala. Pinagbabasag ang mga bagay na mahawakan mo.

Inihagis mo ang silya sa bintana at nagkalat ang mga bubog sa sahig.

Napaluhod. Hindi inalintana ang bubog na iyong niluhuran.

Kinuha mo ang isang piraso ng bubog sa sahig. Hinawakan mo nang mahigpit. Patuloy pa rin sa pagpatak ang mga luha mo hanggang sa bigla mo na lamang itinarak iyon sa pinakagitna ng iyong dibdib.

Ibinaon mo pa nang ibinaon hanggang sa magsilabasan ang mga pulang likido mula roon at sa iyong bibig. Hindi ka pa nakuntento ay padapa **** ibinagsak ang sarili sa sahig at tuluyang naibaon ang bubog sa iyong dibdib.

Nang dahil sa pag-ibig, buhay mo ay wala na.
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Angela Mercado Jul 2020
Araw-araw bumabangon
sa sariling saliw;
ginigising ng gutom
na kumakahig sa bituka.
Minsa'y may buwan pa.
Minsa'y may araw na.
Palagian,
walang laman
ang platong hapag
sa sahig na simot
sa mumo.

Katamaran!

Katamaran
ang limang-minutong
pahinga
mula sa pag-araro ng lupang
'di pag-aari.
Katamaran
ang pag-inom
ng tubig
sa gitna ng pagkayod
sa araw na tirik.

Batugan kung tawagan -

palamunin

- mga litid na sakal,

makabagong alipin.

Mga matang idinilat
ng karahasan,
mga iyak na busal ng
kasadong bala -

Ngayon,
gigising.

Gigisingin hindi ng kalam sa tiyan.
Binalda ng pang-uumit -
bubulabugin
ng kapagalan
mula sa impyernong tahi
ng bukirin.

Gigising sa sariling saliw;
hindi sa gutom
na gumuguhit
sa bituka.

Gigising

Gigisingin

ng pakikibaka.
#JUNKTERRORBILL #BIGASHINDIBALA
solEmn oaSis Nov 2015
may saboy ang liyab kapag naidadarang,,
sa simoy at alimuom na di pahaharang,,
anumang sisidlan,,tining ay iindayog kapag umaapaw.
gaano man kalalim hukay,,pagtapak sa lapag mababaw.

""basura man nga sa paningin
meron din namang saloobin
bakit di kaya minsan ay buklatin
marahang hagurin bago simsimin .....""

yaong dapat ay apat,sa unang saknong nakasiwalat
tila bugtong-dugtong,pawang sa sahig ay nag-kalat
wag mabahala sa bawat isang paglamukos na tapon
may gantimpala sa bawat nakakuyumos na hamon !

huling bilang panlima,,,,,  lambing ang hiling  kaya 'wag iiling!
sa bawat nilalaman ng kuyumpit na papel minsan ay itinuring.
sa aking pagbabalik,ako'y nasasabik at di na nga nagpatumpik-tumpik
siphayo,simbuyo at silakbo!Ang mga ito'y bunga ng higit pa sa isang halik
Inspired by the poem --Give Me Love ni IGMS  its gonna make sense
Mahirap gawin.
Wala kang oras.
Hindi mo na matatapos.

Bakit?
Dahil hindi mo na kaya?
Pagod ka na?
Inaantok ka na?
O tinatamad ka lang?

Marami ka ba talagang ginagawa. Marami ba talaga ang mga pinapapasa kaya natambakam ka na?

Tumingin ka sa oras. Ang bilis ng takbo katulad ng pag higa mo sa kama sa inaakalang magigising ka ng umaga para mka gawa.
Parang kapag nag babasa ka at naka tatlong sanaysay ka na. huminto, nagpahinga at sinubukang mag basa ulit. Naka anim ka na, umupo, nagbasa, nagpahinga malapit sa kama, nahiga habang nagbabasa at unti unting pumikit ang mga mata.

Bangon! sabi ng orasan na nagpapahiwatig sayo na gawin mo ang bagay na ito. Na kaya mo naman talagang tapusin.

Bangon! sa pag iilusyon mo na pagod ka na sa isang damakmak na gawain.

Bangon! para sa mag papel na nasasayang. Sa mga mamamayang nawawalan ng laman ang bulsa.

Bumangon ka! Wag kang magpahinga lang! Hindi ka tamad!
Masipag ka! Hindi sa pagpapahinga, kundi sa pag kilos!

Kumilos ka para sa kinabukasan ng ating bansa, sa ika uunlad ng taong mga tumulong at sa pawis na tumulo sa sahig. Wag **** hayang punasan lang nila ang pawis na iyon. Tanggalin mo!

Kasi minsan nasa isip mo lang na hindi mo kaya pero alam ko at alam mo na magagawa mo ang bagay na iyan. Gawin mo sana!
Ngayon ko lang nakita ang mga gagawin ko sa Local History namin. Sobrang dami kaya naisipan kong magsulat. :))) Kaya ko to!
kingjay Dec 2018
Ipipinta sa sahig ang mga  rosas at hihigaan upang malaman ang pakiramdam na maihagis sa kaniyang dibdib
Sa matamis na ngiti na nang-aakit
Lahat kayang ibigay kahit na higit pa kaysa pag-ibig
Para maipabatid ang katindihan

Ang pagsasanib ng di katanggap-tanggap na uri ay wala na makapag-aalis
Dininig ang pakiusap
Katawan ay instrumento
Tinubuan ng sungay gaya ng kambing

Kinain ang liwanag ng araw upang makipaghasik ng lagim
Ito'y sariling imahinasyon
Gaya ng nalalapit na paggunaw ng mundo sa tuwing may eklipse

Haharanahan nang dumungaw at mahinhin na hilain ang kurtina
Kung maririnig ang boses niyang malambing
Makukumpleto ba ang araw at habang-buhay alalahanin?
Nanakawin ang sandali sa palatakdaan ng oras?

Sumpain na lang, sapagkat pinairal ang kapusukan
Paulit-ulit na dinarasal hanggang sumigaw
Kung hindi ibibigay ay tatalikod
Makipagsanduguan sa pulang hari

Binigo ng sentro ng daigdig
kaya ayaw na maglala ng susunod na panahon
Sa hungkag na kalawakan
Nabubulok ang katuturan
Ang malumanay na  pananalita ay nagmamaliw
cj Oct 2022
palaging bilin sa akin ni itay kahit pa bata ako, "huwag kang pupunta sa lamay na may sugat." ngunit, hanggang ngayon pa naman, makulit pa rin ako. bawat lamay, ako ang taga-aruga sa umiiyak, taga-bigay ng biskit at dyus sa mga bisita, taga-lampaso ng sahig sa tabi ng kabaong.

sa gitna ng lahat, yakap pa rin ako ng aking itay. kahit sa gitna ng pagod, kinakaya ko pa rin ang gumaya sa mga yapak niya. subalit, araw-araw ko na lang nilalampaso sarili kong paa; paa na puno ng laslas, pasa, at mga iba't-ibang mga butas na hindi ko na rin matandaan.

sa kahit anong mangyari, dala-dala ko ang mga sugat na ito. ito ang aking sumpa; na araw-araw kong paglalamayan ang bawat pagkakaibigang nawala, mga irog na sinaktan at nasaktan, mga bawat away sa pamilya, at tuluyang hindi ako aalis sa kapilya kahit mawala pa ang aking dugo.

alam ko sa sarili ko na makulit ako. hangga't may ihihinga pa ako, dadalhin ko ang mga sugat ko sa bawat lamay na hindi pa nililibing hanggang ngayon. pinili ko ang mag-lingkod at maging mabuti. *kahit akin itong ikamamatay pa
Jose Remillan May 2017
Gaano man kamahal ang suot **** bestida
Mahal, lalapag at lalapag pa rin 'yan sa sahig,
Bilang tanda ng pagpapaubaya sa hapag ng

Paglikha.

Aakuin mo ang lambong ng kahubaran, lilisaning
Tiyak ang kamusmusan. Lilimutin ang dasal ng
Mga ninuno, sasambahin ang buwan bilang lantay

Na liwanag ng buhay.

Ibibilang mo ang mga patak ng pawis sa kumpas
Ng paghinga, habang ang indayog ng papag
Ay paulit-ulit **** iaakma sa ritmo ng bisig,

Sa pintig ng Puso,
Sa init ng titig, kahulugan at pag-ibig.
Enzo Sep 2017
Yung tipong malaswa na ating gagawin ng walang awa hangga't tayo'ng dalawa'y
magsawa

Halika't kumapit sa'king labi, pagkat pagod na ako'ng magtimpi.
Nagugutom na't nangangati.

Ayoko ng mag isip- gusto ko ng managinip habang nilalasap ang ihip na nanggagaling sa'yong maliit na bibig

Halika't lumapit at ika'y aking patitikimin ng pag-ibig na mararamdaman lamang sa pamamagitan ng pagkikiskisan ng ating mga balat, habang ang damit ay nakakalat sa sahig ay magyayakapan tayo sa ilalim ng mga kumot at unti-unting mawawala ang lamig sa paglaro ng ating mga bibig
.malaswa
Random Guy Nov 2019
inaantok ako
sa tunog ng printer
kung paanong ang mga ngipin nito
ay kumikiskis sa papel
na tila ba kinakagat ito
ngunit hindi ganoon kasakit
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa tunog ng maraming papel
bulto bultong pinapantay
at iniuuntog sa mesa
na tila ba'y naghahalinghingan
na dulot ng pagtatalik
may halong harot sa pagitan ng mga ito
landian ng mga bagay

inaantok ako sa paglagapak
ng stapler sa sahig
na tila ba'y unang pagkikita
bugso ng damdamin sa muling pagsasama
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa walang humpay
na pagbukas ng pinto
ang sayaw na nagmumula sa kahoy na ito
tila ba'y sinasayawan ang lahat
at kinukumbinsi na umuwi na tayo
may halong harot sa pagitan nito
landian ng mga bagay

inaantok na ko
office *****
Ilatag mo na
ang bagong kutson
sa sahig ng malaking silid
na may kisameng
abot langit.

Ipaghehele ka ng ugong
ng nagdaraan
at bulong-bulungan
ng palabas na
ikaw ang minsang pinagmamasdan.

Ibulong mo ang iyong panalangin,
pasasalamat o paghihinagpis,
na nawa
sa pagsikat ng araw, magkatotoo na
ang panaginip.

Ilang beses ka na bang pumipikit nang iniisip na hindi na sana muling didilat pa?
Pusang Tahimik May 2019
Ano ang dahilan at tila
Sumusulat ka ng tula
Upang aliwin ba ang madla
O sambahin ang  mga dakila?

Sapat nga ba ang aanihin
Sa ihahasik na pagkain
Ito nga ba ay diringgin
Ng pusong malayo ang tingin?

Kung tapos na ang simula
Ano pa ang mapapala
At kung wala nang manunula
At patay na ang tula?

Sino ang makikinig
Kung higit na nananaig
Sa kumpas ng aking bibig
Ang maingay na sahig?

Walang may nais umunawa
Sila'y pagod na't nagsawa
Nais ay mabilis na ginhawa
Sa isip na nakakaawa

JGA
Patay na nga ba ang tula?
ACMP Oct 2015
Lumingon ka at panandaliang tumitig ang iyong mga mata.
Sa iglap ng pagkakatama, puso natin ay nagtugma.
Yumuko ka't mga mata'y naningningkit ng bahagya.
Pinagmasdan ko na lamang ang pagngiti mo sa sahig.
Habang ang mga tao sa iyo, sa akin, sa ating paligid.
Walang kamalay-malay sa namumuo nating pag-ibig.
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.

Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.

Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.

Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.

Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.

At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.

Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.

Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.

Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.

At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.

Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.
Bryant Arinos Aug 2017
May mga bagay na kahit gusto mo
hindi mo makukuha.
Hindi sa lahat ng oras
Nakaayon sa'yo ang panahon.
Kaya kahit masakit mas pinili kong lumayo
Dahil 'yon ang mas ikabubuti na'ting dalawa.
Kaya lalayo na ako kasi masakit na.
Lalayo na ako dahil alam kong 'yon ang tama.
Lalayo dahil sa'kin ay 'di ka na masaya.
Dahil alam kong 'yon
ang mas ikatatahimik nating dalawa.
Oo, ang tanga ko.
Ang tanga ko dahil nahulog ako sa'yo
Kahit alam kong sahig lang ang sasalo sa'kin.
Ang tanga ko kasi patuloy kitang minahal
Kahit na alam 'kong may mahal kang iba.
At mamahalin ka kahit na sa kabila ng lahat
nang ito'y nagmumukha lang akong tanga.
Oo, mahirap kang kalimutan nang basta-basta.
Kaya mas madali sigurong layuan ka na lang
Kesa naman manatili ako sa isang relasyon
Na walang kasiguraduhan.
Wala na. Tapos na.
Nagtapos tayo ng hindi nagsisimula.
Tama na. Ayoko na.
Ayoko na dahil ako'y pagod na.
Kaya ako'y lalayo na.
Lalayo upang ika'y tuluyang makalimutan.
Sadyang nakakapagod lang magmahal
Lalo na kung pakiramdam mo hindi ka naman pinapahalagahan.
Pero sa huling pagkakataon
gusto ko lang na sabihin sayo—
Mahal kita.
Mamimiss kita.
Magiingat ka palagi,
Pero tanggap ko na.
Pagod na akong umasa at masaktan
sa parehong dahilan
at parehong tao.
Kaya ngayon,
pinapalaya na kita
kahit hindi ka naman talaga naging akin.
Salamat sa lahat ng alaala.
Hindi ko ito makakalimutan
Penne Dec 2019
Mga nakatago sa letra
Ang mga sagot

Ang mga sagot ay nasa letra
Ang luha
Ang inis
Ang dugo
Ang init

Ang pintura ng aking maduming brotsa
Ang mga espasyo na akala ay walang saysay
Iyon ang mas nagpapalayo sa katotohanan

Sa siyudad na malaki, pero ang liit
Parang nilakad ko na ang bawat sulok nito

Mahilig ako sa bagay na hindi lang madaanan
O maiwasang daanan

Ang tinta ng aking espirito
Itatak sa iyong santong puso

Malakbay sana magkasama
Ang mga lumulutang na letra
Samantalang ang boses mo na tulad ng awit ay nasa likod ng eksena

Malikhain ang gumuhit sa iyo
Ang larawan **** mabait
Mamantsahin ko
Ng aking bahaghari
Nawa hindi mawari

Wala dapat ang oras
Parang picture frame tuloy ang buhay ng bawat tao
Nandiyan lang
Nakatago, nakatayo, nasa pader---nakapako
Nadadaanan lang
Isang titigan lang

Sa iyo, isang titig ay hindi sapat
May nakatagong ginto
Hindi pangkaraniwang ginto
Ginto na hindi hinahanap ng lahat
Ginto na hinahanap ko

Nagpapawis nang sobra ang aking mga kamay
Maligoy ang mata
Tumitibok nang mabilis pabilis

O Dios, saanman, makasalanang mansanas bumubunga ng sanlibong bulaklak
Tinutuklaw nila ang aking lason

Wala na akong pake sa sagot
Mapaakit ka hanggang mabili ka

Kahit hindi ka muna magsalita
Hindi paliwanag sa mga titik
Ang paru-paro at ang agila

Nilamon ang itim
Namula ang bibig
Puti ang langit
Ubeng mata
Kahel ang balat
Bughaw na dugo
Dilaw na anino
Berdeng ilaw

Bangis ng indigo
Samantalang sila ay abo

Maligo sa aking isip
Taas na tingin sa mababaw na sahig
Ito ang ating luho
Zigzag man ang dating
Kapag nabili na, wala ng tubig parating
Nightkeeper Oct 2018
mga sulat kalat
na aking ginawa
sa aking tala-arawan.

mga talatang isinusulat
gabi-gabi,
na pinupuno ng poot
at sikip sa dibdib,

na para bang
sinaksak sa salita—
at luhang pumapatak
na parang bagyo.

mga salitang binitawan ko
sumisigaw;
nang ako lang ang nakakadinig
umiiyak;
at nag mu-mukmok sa sahig.

tinatanong sa sarili
bakit?
habang naka-tingin sa aking libro
at pumapatak ang mga luha
bakit?
Yours truly, BokxDoc.
lua Mar 2020
ang mga salitang nais **** sabihin
natutunaw na lamang sa dulo ng iyong mga labi
natutunaw na lamang sa dulo ng iyong mga daliri
na tila'y kandila
tumutulo sa sahig
habang ang ilaw ng apoy nito'y sumasayaw sa hangin
lumalaki, lumiliit
at sa huli ay mawawala.

— The End —