Alam kong umpisa na ng tag-init dyan.
O baka lingid sa kaalaman ko'y
sa susunod na linggo pa o kalaunan.
Ngunit kung paano ang tag-init dyan
o gaano kainit ay hindi ko alam.
Paano ang tag-init dyan sa inyo?
Gaano ka-init ang mainit dyan sa bahay mo?
Sana'y naaarawan ka ng sapat at tama,
sana'y palaging malusog ka at masaya.
Alam mo bang tag-ulan na rito ng Hunyo?
O maaaring para sayo ay patak pa lang,
o marahil mga mumunting tulo.
Ngunit kung gaano kaginaw
o paano ang tag-ulan ay hindi mo alam.
Gaano kaginaw, gaya ba ng taas ng baha?
Paano ang patak ng ulan, tulad ba ng luha?
Sana'y bagyuhin at tangayin ang mga mali,
sana'y mawala na ang alaalang gipit.
Alam kong tag-init na pag Hunyo sa inyo.
Ngunit alam mo ba talaga kung gaano ka-init
kung ikaw sana'y narito sa silid ko?
Alam mo ba ang tunay na tag-init,
gayong di mo pa nararanasan sa bisig ko?
Hindi mo malalaman kung gaano kainit ang mainit
hangga't ika'y wala sa tabi ko.
Ang tunay na tag-init ay nasa aking piling.
Alam mo nang tag-ulan na rito ng Hunyo.
Ngunit kung malalaman mo nga kung gaano kaginaw,
tulad siguro ng paghagkan sa bloke ng yelo.
Alam mo ba ang tunay na tag-ulan,
tila mga patak ng luha kung mawawala ako.
Malalaman mo kung gaano kaginaw ang maginaw
kung mawawala ako sa buhay mo.
Ang tunay na tag-ulan ay ang aking kawalan.
The differences of human emotions in the budding of a brand new but delicate love, with the metaphor of the month of June. As with the differences in the seasons in the west where it's the onset of summer now, and in the east where the rainy season have started, this poem explores how in the beginning of a new romance, sometimes emotions of two people can get hot or cold or too slow or too fast, just like the abrupt or mellow changing of the weather and seasons. Just like human emotions.