Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
astrid Nov 2018
kasalanan bang umibig,
nang walang hangganan?
hindi nagpipigil,
laging handang lumaban?

kasalanan bang umibig,
kahit batid na masasaktan?
paulit-ulit mang matalo,
lalaban hanggang sukdulan?

kasalanan bang umibig
at bigyan ka ng mga tula,
tingin mo'y nakakakilig -
kahit ang mga mata mo'y 'di ko pa nakikita?

kasalanan bang umibig,
kapag ikaw ang nagpapangiti sa bibig,
nakulayan ang bawat pintig
ng pusong naghahanap ng hilig?

kasalanan bang ang hilig
ay ikaw na tamang-tama?
boses mo'y nakakanginig,
kahit hindi ko pa naririnig.

kasalanan bang ang hilig
ay ikaw na perpekto.
tila ginawa ka ng Diyos
na hindi maaabot.

kasalanan bang ang hilig
ay makita ka nang harapan?
upang hindi lang sa panaginip
na ako'y nasasaktan.

kasalanan bang ang hilig
ang isipin na ikaw ay tama?
hanap-hanap ang iyong titig
na pananakit lang naman ang tema?
AtMidCode Nov 2017
Tinanong ako ni Annah
Kung maayos na tayo
Ang sabi ko
Ayon, normal naman.

Normal
Kelan pa tayo nauwi sa normal nalang?
Ah. Naaalala ko na.

Nagsimula tayong maging normal
Nang isang araw hindi mo ko matingnan sa mata
Ni hindi mo ko makausap kung hindi ka titingin sa baba
At kapag naman kailangang ikaw
Ang unang magsisimula ng usapan
Dinaig pa ng kapal ng usok sa kalakhang Maynila
Ang nakaiilang na atmospera
Sa pagitan nating dalawa.

Nagsimula tayong maging normal
Nang hindi na tayo nagsasabay umuwi sa hapon
Nang simulan **** isipin na ayos lang na umuwi nang walang paalam
May kasabay ka kasing iba.

Nagsimula tayong maging normal
Nang nahihirapan na kong
Magsimula ng usapan sa pagitan nating dalawa
Sa kung paanong sinasalamin ng Messenger sa pamamagitan ng ellipses
Ang mga katagang nais ko sayang itanong sa iyo
Ay sandali, online naman si Annah, siya nalang ang tatanungin ko
(Pwede kaya kong sumabay sa kanya?)
Wag na nga. Alam ko naman ang patungo doon.

Nagsimula tayong maging normal
Nang tanungin mo ang kagrupo natin sa kung ano ang gagawin
Gayong ako na kagrupo mo rin ang nasa iyong harapan
Pumunta ka pa talaga sa kanya
Ganyan ka kailang?

Normal naman sa atin ang hindi mag-usap nang madalas, hindi ba?
Normal lang naman kung makakalimutan **** may katulad ko
Na bukas palad na tinanggap ka
Noong mga panahong durog na durog ka na, hindi ba?
At bahagi din ng pagiging normal natin
Kung mas pipiliin **** burahin nalang ang mga nakaraan natin, hindi ba?

Nilalamon ka ng kalungkutan. Nasasaktan.
At isa akong napawalang kwentang kaibigan
Kasi hindi kita napatahan
Sa mga panahong tahimik **** isinisigaw
Ang mga bagay na sa tingin mo ay walang makauunawa
Wala akong karapatang masaktan
Kasi hindi ako naglakas-loob na tanungin
Kung anu-ano ang mga bumabagabag sayo
Hindi ko dapat indahin ang sakit ng pang-iiwan mo sa akin
Gayong para na rin kitang iniwan
Nang hayaan kitang unti-unting kumalas sa pagkakaibigan natin
Wala akong karapatang manumbat
Kasi hindi ko man lang sinubukang tanungin
Kung ano nang nangyayari sa iyo
Kaya mo pa ba?
At hinding hindi ko rin aangkinin
Ang karapatang sa una'y wala na sa akin
Na maging sandalan mo
Sapagkat hindi ko man lang nasabi
Na ayos lang na ikaw ay humugot ng lakas sa akin
Ayaw mo, oo
Kasi sa tingin mo pabigat
Ayaw mo, oo
Kasi sanay ka na sa demonyong kalungkutan
Na paulit-ulit lumalamon sayo
Minsan nawawala, ngunit laging bumabalik

Pagbalik-baliktarin ko man ang sitwasyon
Hindi lang ikaw ang nang-iwan
Iniwan din kita
Iniwan kita
Patawad
Patawad
Pakiusap, patawarin mo ko.

Madaling makalimutan ang mga magagandang bagay
Ngunit mahirap iwaksi mula sa makulit na isipan
Ang idinadaing ng pusong nasugatan at patuloy na nahihirapan

Kaya bilang pakunswelo sa tulad kong nagmahal sayo
Iniisip ko na lamang na isa ako sa mga magagandang bagay sa buhay mo
Kaya madali mo 'kong nakalimutan.

Huli kong bulong sa sarili
'Ayos lang 'yan. Makakausad ka rin. Magtiwala ka.'

Uusad at uusad ka rin.

Kaibigan, patawad ulit.
unknown Aug 2017
nais kong simulan ang aking tula sa isang katanungan,
"bakit mo ako iniwan?"
dahil ba sa ugali kong hindi maintindihan?
dahil ba sa itsura kong hindi kagandahan?

bakit mo ako binitiwan?
bakit mas pinili mo ang lumisan?
bakit mga pangako mo'y iyong kinalimutan?
bakit ka lumihis ng daan?

mahal, sana'y sagutin mo't huwag kang magalit,
kung marami akong tanong sayo na bakit,
hindi ko parin kasi talaga matanggap yung sakit,
sagutin mo naman, baka sakaling tumamis ang mapait.

hindi kita matanggal sa puso't isip ko,
at dahil sa takot ko na baka maulit ang pag-alis mo,
ipinagkatiwala ko ang puso ko sa ibang tao,
kaysa ang maniwala muli sa mga salita mo.

sa bawat paggalaw ng kamay ng orasan,
sa bawat pag-ihip ng hanging amihan,
sa bawat pagsilip ni haring araw,
tila puso ko'y nanatiling naliligaw.

paulit-ulit sa aking isipan,
tama ba ang aking napagdesisyunan?
kasiyahan sa iba ay dapat bang subukan?
nagbakasali na hindi ko ito pagsisihan.

sumubok ako, nagtiwala sa mga salitang naghatid ng panandalian ligaya,
nagpadala ako sa mga pangakong "ikaw lang at wala ng iba",
pero nagkamali ako, pare-pareho lang pala kayo,
sa una lang kayo pursigido.

mahal, nais kong alalahanin mo,
lingid sa kaalaman mo na makakalimutin ako,
pero inaamin ko, ni minsan hindi ka nawala sa isip ko,
oo mali 'to, pero masisisi mo ba ako?

bakit ramdam ko parin ang sakit ng iyong paglisan?
bakit hindi kita kayang bitiwan?
bakit sa bawat oras ng aking kalungkutan,
ikaw, ikaw ang nagsisilbing dahilan ng aking kasiyahan?

ang unan ko'y basang basa na ng luha,
mata ko'y tuluyan ng namaga,
alam ko na wala na akong dapat kapitan,
kung kaya't sanay matutunan ko ng ika'y bitiwan.

mahal, wala akong karapatan para sabihin na ako'y iyong balikan,
dahil minsan na kitang pinagtabuyan,
kaya hinihiling ko na sana sa iyong muling paglisan,
kasabay nun ay ang unti unti kong pagtahan.

patawad sapagkat hindi na tama ang aking nadarama,
patawad sapagkat alam kong tayo'y tapos na,
patawad sa mga salitang hindi na maibabalik pa,
patawad, patawad sa pagpili ko noon na lisanin ka at wag ng lumingon pa.

labis ang naramdaman kong lungkot,
labis din ang poot dahil hindi kita malimot-limot,
subalit sa mga panahong naghihilom na ang kirot,
saka ka naman muling susulpot.

lubos akong nagalak,
puso ko'y nabusog sa iyong salitang mabubulaklak,
nawala ang patalim sa puso ko na nakasaksak,
nang ikaw sakin ay kumambak.

subalit hanggang kailan kaya mayroong "tayo"?
hindi ko maalis ang takot sa puso at isip ko,
hindi ko maalis ang nadarama kong silakbo,
na ang dapat na "tayo" ay mapalitan muli ng isang "kayo"

hanggang kailan mo ako muling mamahalin?
hanggang kailan mo ako muling yayakapin?
hanggang kailan mo muling ipaparamdam ang apoy ng pag-ibig?
o papatayin na lamang ito muli ng malamig na tubig?

natatakot ako sa mga bagay na hindi inaasahan,
na baka magbago ang iyong isipan,
natatakot ako sa mga pwedeng maging dahilan,
dahilan ng iyong posibleng paglisan.

kasi minsan mo na akong isinantabi,
minsan mo na kong trinato na parang walang silbi,
minsan mo ng binasa ng luha ang aking pisngi,
at minsan mo na rin pinunit ang puso ko sa iyong mga sinabi.

natatakot ako mahal ko,
nais kong magtiwala muli sa mga salita mo,
paumanhin, subalit natatakot ako,
natatakot akong iwan mo ulit ako.

sana'y sa ating karanasan sa nakaraan,
manatili ka sa aking tabi at huwag lumisan,
sapagkat ikaw ang aking kalakasan,
subalit ikaw rin ang aking kahinaan.

ikaw, ang pumapawi sa aking uhaw,
ikaw, ang nagbigay direksyon sa puso kong ligaw,
ikaw, ang dahilan kung bakit ang puso mula sa bintana ng kaluluwa'y dumungaw,
ikaw, ang nagbibigay sigla sa akin araw-araw.

hinihiling ko na sana sa oras na magbago ang ihip ng panahon,
magbago ang direksyon ng mga alon,
tumaliwas ang lahat ng bagay sa dapat nilang posisyon at direksyon,
mag-iba man ang huni ng mga ibon,

sa oras na ikaw ay aking muling tanungin,
isa laman ang isasagot mo sa akin,
"huwag kang matakot at mangamba,
mahal na mahal kita"
ig: seluriing
twt: seluring
fb: seluring
follow meeeeee!
Angela Mercado Oct 2015
Bakit 'di pa tanungin
ang aking ngala't numero
at 'di lang ang petsa't
anong sinabi ng ****?

Bakit 'di pa alamin
ang pintig ng puso kong
inip na inip
nang maghintay sa iyo?

Bakit hanggang tingin?
Bakit hanggang ngiti?
Aking pag-ibig,
sinta, batid
mo na ba rin?

Bakit umiiwas;
bakit natatahimik -
bakit sa tuwina'y
lagi kang walang imik?

Para kay seatmate
na 'di ako pansin.
'Di mabatid,
'di mabalingan ng tingin.

'Di mo ba alam na sa bawat
wanfort na ihinihingi
*ay naitatangay nang utay-utay
ang aking puso't damdamin?
more over callherangela.tumblr.com
cosmos Jan 2016
Sana pala sinabi ko nalang ang totoo
Noong pwede pa

Sana pala hindi ko nalang inisip
Ang mga negatibong pwedeng mangyari
Kapag sinabi ko ang totoo
Dahil anong malay ko kung kahit sa maliit na tsansa lamang
Mahal mo rin pala ako

Sana pala sinabi ko'ng "dahil gusto pa kitang makausap"
Nang tanungin mo  kung bakit hindi pa 'ko matulog ng mahimbing

Sana pala sinabi ko'ng "dahil mas importante ka"
Nang tanungin mo kung bakit sa dinami-dami ng dapat ko'ng gawin
Ay ang kausapin ka'y di muna udlotin

Sana pala sinabi ko na
Na ang mga tala sa kalangitan
Ay mas nagniningning
Mula nang makilala ka
Na ang pagtaas at paglubog ng araw
Ay mas makulay
Dahil napapanood ito gamit ang iyong mga matang mapupungay

Sana pala sinabi ko na
Na mahal na mahal kita.
Sana pala
Ginawa ko na.
Ngunit huli na nga ata talaga.
nathansolmeo Apr 2018
Isang karangalan ang pagiging *** laude para sa isang mag aaral. Karangalan na siyang hinahangad ng karamihan ngunit iilan lamang ang nagkakamit. Isa sa mga nagkamit nito ay si Hannah Isabelle D. Mendez. Ngunit sino nga ba si Hannah?Isang mag-aaral mula sa URSC na kumukuha ng kursong BSIT. Gusto mo bang mas kilalanin pa natin siya? Halina’t samahan mo ko.
Kanyang pinanggalingan...
Si Hannah ay ipinanganak noong Agosto 21, 1997. Bunsong anak sa dalawang magkakapatid nina Cristeo at Girlie Mendez. Simple lang ang naging buhay ni Hannah. Lumaking mabait, masipag at may takot sa Diyos kahit na mula siya sa isang 'broken family'. Naghiwalay ang kanyang mga magulang nang siya ay nasa ikatlong baitang. Masasabing hindi madali ito para sa kanya dahil nais niya ay buo at masayang pamilya ang makakasama niya ngunit sa pagsisikap at pagtitiyaga ng kanyang ina, naging matatag at matapang si Hannah.
Kanyang hilig…
Si Hannah ay mahilig magsulat, manuod ng mga pelikula at magbasa lalo na ang mga libro na akda ni Colleen Hoover. Ang pagbabasa ang naging pampalipas oras niya at nakakapagpasaya sa kanya. Maraming bagay ang kanyang natutunan bunga ng kanyang pagbabasa at isa ito sa naging dahilan ng kanyang mga kaalaman na nagdala sa kanya ngayon bilang *** laude.
Simula ng hamon bilang mag-aaral…
Noong bata pa si hannah, wala siyang interes sa pag-aaral. Tulad ng ibang kabataan, kasiyahan lang ang kanyang hinangad pero dahil sa kanyang naging **** noong elementarya, naging bukas ang kanyang isipan sa pag-aaral.
Nakapagtapos siya ng elementarya ng may medalya bilang ikalawang karangalang banggit, sumali sa iba't ibang kompetisyon tulad ng Nutri Quiz Bee - 4th place, Hekasi Quiz Bee -2nd place (Elementary, District level) at sa Highschool 15th place sa Sports Page (RSPC) 1st place Drama fest (School level) journalist at naging presidente ng isang organisasyon noong hayskul.
Sa pagtuntong ng kolehiyo, naipagpatuloy niya ang kanyang pagiging aktibo. Nahalal siya bilang kalihim (S.Y.2015-2016), pangalawang pangulo (S.Y. 2016-2017) at 4th year representative (S.Y. 2017-2018) ng BITS Organization. Naging miyembro din siya ng KASALI Organization taong 2014-2018.
Nang tanungin siya kung paano niya nagagawang pagsabayin school activities at academics, simple lang ang naging sagot niya, “Basta masaya ka sa ginagawa mo, magagawa mo lahat at naniniwala kase ako sa ibinigay sayo yung bagay na yun dahil kaya mo".
*** laude…
Hindi naging madali kay Hannah ang maabot kung anong mayroon siya ngayon. Dumating siya sa puntong hindi na niya alam kung ano ang uunahin. Nariyan ang school works, church duties, family problems at dagdag pa ang mga nagsasabing hindi niya kaya ang kursong IT pero kalaunan napamahal na siya dito. Goal na ni Hannah maging *** laude pero hindi niya ineexpect na makukuha niya ang karangalang ito.
“Sobrang saya dahil ipinagpanata ko ito sabi ko kung para po sa’ken ito, Kayo (Ama) na po ang bahala and then nung nalaman ko na isa ako sa *** laude, hindi ko alam gusto kong sumigaw sa galak, sobrang nakaka—overwhelm.”, wika niya.
Tanging inspirasyon niya ang kanyang pamilya para makapagtapos at maabot ang lahat ng kanyang pangarap.
"When the opportunity knocks on your door, always be willing to give it a chance, 'yan lagi nasa isip ko para wala akong pagsisisihan at always give your best shot sa lahat ng ginagawa mo", wika niya ng may halong ngiti sa kanyang labi.
Tunay ngang nakakagalak ang kanyang pagsusumikap upang makamit ang kanyang minimithi. Mula sa buong pamilya ng URSC, proud kami sa iyong pagdadala ng karangalan!
Wretched Jul 2015
Masyado na akong nahihiya
na sabihin sa'yo
ang nararamdaman ko.

Kaya itatago ko na lang ito
sa likod ng
mga mahihinhin na ngiti at
mga kabadong pangangamusta.

Natatakot ako na
kung tanungin man kita
"Anong tingin mo sakin?"
ang sagot mo ay

*"Hindi ikaw ang nais kong makita."
J Nov 2015
Ang dami ko nang nagawang tula,
Pero masasabi ko na isa ito sa paborito kong nagawa,

Bumalik tayo sa oras,
Sa oras na nakalipas,
Habang ako'y naglalakbay,
Nakita ko ang mga panahon na ako'y sumablay,

Natawa nalang ako sa aking nakita,
Nadinig ko ang mga mapapait at matatamis na salita,
Nakita ko ang mga taong humulma sakin,
Nais ko sana silang tanungin.

Ngunit hindi sapat ang aking oras,
Sa oras na lahat ng larawan ay nagsimula ng kumupas,
Nakita kita na paparating,
Hindi ko napigilan na tumitig at mapatingin.

Oo itong mga matang ito napatitig sayo,
Sabay bulong sa hangin na sana maging tayo.
May mga panahong napapaisip ka at napapahiling na sana sabihin niya ang mga salitang matagal mo ng hinihintay. "Mahal din kita"
21st Century Apr 2020
Gusto kong sabihin na masaya akong isinulat ang liham na ito, at ang nais ko lamang ipairating ay ang mensaheng maaring makakapagpabago ng iyong pananaw sa buhay.

Pero bago ang lahat may tanong akong dapat **** pag-isipan ng mabuti bago ka magpatuloy. Una nais ko lang tanungin kung handa ka nabang makinig sa mga katotohanan? Pangalawa handa ka nabang tanggapin ang mga ito?

Kaibigan, alam kung naguguluhan ka parin dahil sa mga di maipaliwanag na pangyayari sa mundo. Maraming bagay ang hindi pa malinaw sa paningin natin. At hindi sapat ang mga naririnig natin sa iba, dahil hindi rin natin alam kung alin ang tama sa mga pinagsasabi nila.

Ang dahilan kung bakit naisulat ko ito ay dahil sa mga nasaksihan ko. Maski ako ay hindi ko rin maintindihan kung saan umiikot ang mundo natin ngayon, kung tama pa bang mabuhay ako sa panahong puro na lamang  pasikatan at pagpapabango ng pangalan ang tanging ginagawa ng karamihan. Sa tingin ko marami nang mali sa panahon ngayon ngunit hindi lang natin pansin.

Hindi nga ba pansin? O sadyang alam natin pero di natin pinapansin, tayoy bulag sa katotohanan kahit dilat na dilat na.
Ito na ba ang naging kalabasan ng mga sakripisyo ng ating mga bayani? Kung ako ang sasagot diyan, ang kinalabasan ng mga sakripisyo nila ngayon para sa bansa, ay wala.

Dahil hanggang ngayon marami paring namumuhay na hindi alam kung ano ang pinaglalaban nila. Maraming pang iba jan ang hindi alam kung nasaan na ba sila, iisang bansa tayo ngunit watak watak tayo.

Masaya ako kung sasabihin mo saakin kung ano ang naging bunga ng paghihirap ng ating mga bayani. Dahil yun din ang  gusto kong malaman dito sa aking sulat.

Ang ating mga bayani ay hindi lang basta mga bayani dahil lumaban sila para sa bayan. Naturingan silang mga bayani dahil isa silang sundalong handang mamatay sa ngalan ng pag-ibig.
Pag ibig sa Diyos at sa Bayan,
naipangak sila hindi dahil magiging parte sila ng mundo, kundi naipanganak sila para sa isang pangarap na gustong matupad ng lupang sinilangan.
Ito ay ang tahanan ng ating lahi kung saan kinukupkup tayo at tinutulungan.

Kayat kapatid gusto kong malaman mo na hindi pa huli na muli kang mag umpisa, dahil ang lahat ay wala pa sa huli.

Maraming salamat dahil binasa mo ito ng may puso at pag-intindi. Umaasa ako na magiging mabuti kang tao hanggang sa huli.

-PC
J Apr 2016
Ilang tao na ang dumaan,
Ilang problema na ang pinasan,
Ngunit walang sumalo nung ako’y nahulog,
Duguan ang aking mga tuhod.

Umiyak sa sulok,
Mga panahong ako’y nagmukmok,
Walang nakapansin sa mga matang malungkot,
Dahil sa mga ngiting tinatago ang takot.

Marahil lahat ng tao ay ganoon,
Para maiwasan ang lungkot sa ibang bagay nakatuon.
Pero hindi ba dapat alam mo na?
Hindi na dapat sabihin o tanungin pa.

Ang ngiti ay isang maskara,
Na may pusong onti-onti nang nagsasara,
Pagod na magbigay saya,
Sa taong akala niya pinahahalagahan siya.

Ngunit sa oras na onti nalang ang butas,
Sa pintong may posibilidad na hindi na maaaring bumukas,
Dumating ang isang taong hindi inaasahan,
Inayos ang dating malungkot at magulong tahanan.

Salamat sa iyo,
**Salamat kaibigan ko.
Thank you for everything
Domina Gamboa Jan 2018
Lilingon sa kanan, lilingon sa kaliwa.
Lilingon sa itaas, lilingon sa ibaba.
Kahit saan ipako ang aking mga mata,
Alaala mo ang tangi kong nakikita.

Sa kanan- naroon ang munting librong bigay mo para sa aking kaarawan.
Sa kaliwa- may tsokolateng madalas **** ilagay sa sisidlan.
Sa itaas- nakasabit ang asul na bag, iniabot mo noong kapaskuhan.
Sa ibaba- naroon pa at nakatago mga mensaheng iyong iniwan.

Ano ba? Bakit ba? Paano ba? Ano na?
Ang daming tanong na wala namang kasagutan.
Mananatili na lang ba itong palaisipan?
O maglalakas loob akong tanungin ka?

Ano nga bang mayroon tayo para sa isa’t-isa?
Kasi ako? Nahuhulog na nga yata.
Damdamin mo’y hindi ko mawari,
Tugon mo sana ay iyo nang masabi.

Ang hirap kasing manghula.
Nagmumukha akong tanga.
Kung sabihin mo na kaya?
Ako’t ikaw ba’y may pag-asa?

Hindi ka ba napapagod sa pagtakbo sa isip ko?
Ang tagal mo na ring nakatambay dito sa aking puso.
Ilang taon na ba tayo? Isa? Dalawa? O tatlo?
Wala nga palang tayo, ang meron lang ay…ikaw at ako. ☹

Hindi ko alam kung paano tatapusin ang tula.
Kasi ang kwento natin ay 'di pa nagsisimula.
Palaisipan pa rin ito sa kabilang banda.
Bukas-makalawa, ako pa rin ay makata.
#litonglito #malabo
Quencie DR Apr 2019
Spoken word poetry by:
Quencie D.R

Puno ang aking isipan ng mga katanungan,
Ni hindi ko alam kung may patutunguhan.
Hindi ko alam kung paano o saan sisimulan,
Kung tatakbo palayo o sayo ay ika'y lalapitan.

Eto na sisimulan ko na ngunit nagaalangan,
Sa simulang tanungin ang yong pangalan.
Nang di naglaon nalaman ko yung katauhan,
Di nagtagal tayo ay naging magkaibigan.

Aking hihimayin kung gaano kahaba o kaikli,
Etong tulang patungkol sayo at pinili.
Kung ilang pahina at itatantya kung sakali,
Sisimulan ko na ngunit eto ako nagbabakasali.

Simula sa  "Ako at Ikaw" ngunit walang tayo,
Ano bang pakiramdam ng maging gwapo?
Dahil lahat ng niligawan mo iyong napa-Oo.
Babe,Mahal at lahat ng tawagan nagamit mo.

Balita ko madaming nagkakagusto sayo,
May nakahome based na sa puso mo.
Nakatres ba? Ilang puntos ba sya sayo?
Gusto mo pala maglaro sana sinabihan mo ako.

Gusto mo ng one-on-one pero madami pa pala,
Kung tutuusin sa mobile legends adik ka na.
Paiba iba ka ng character bane,alpha at angela,
Inugali mo na pati sa laro kotang - kota ka na.

Di kami isang laro pag napagtripan mo na,
Di kami dota iffirst blood mo tapos GG na.
Di kami coc o lol iiwan mo pag nagsawa kana,
Ano bang degree natapos mo at bihasa kana.

Patawad!! Kung ginusto kita,
Patawad sa mga binitawan'g salita.
Patawad kung mahal na kita,
Patawad kung ako'y lalayo muna.
Eugene Oct 2015
Ayaw kong magkwento,
sa personal na buhay ko.
Ayokong sabihin,
bawat emosyon ko sa tao.

Tao ako at hindi ano,
hindi rin hayop o anino.
Hindi bato ang puso,
may laman at dugo.

Nagagalit, umiiyak,
luha'y pumapatak.
Naninibugho, nasasaktan,
nakakaramdam, nasusugatan.

Nauuhaw, nagugutom,
natutusok ng karayom.
Sumisigaw,humihiyaw,
minsan kinakantiyaw.

Kaya...

Kung personalan ang nais niyo,
Bakit di mo tanungin sarili mo?
Gusto mo bang pakialaman ko,
Bawat hibla ng buhok mo?

Ikaw ay ako,
Ako ay ikaw.
Tao tayo,
Hindi bagay,
Hindi hayop,
May puso,
may laman at dugo.
Wretched Jul 2015
Sa dinami-rami ng mga maliliit na bagay
na alam ko tungkol sa'yo,
kaya ko ng makasulat ng isang nobela
na iyon lamang ang nilalaman.
Paano pa kaya
kung malaman ko ang mga pinakatatago **** sikreto?
Paano pa kaya
kung matuklasan ko ang iyong pinakamaiitim na lihim?
Paano kung kinaya kong buksan
ang iyong puso't isipan para lang malaman
kung sino ang itong nilalaman?
Kaya lang sa'king palagay
hindi ko kakayaning makita
na iniisip mo kung paano
mo hahawakan ang kaniyang kamay.
Na ang tumatakbo pala sa iyong isipan
ay kung paano mo siya gustong hagkan.
Doon pa lamang,
bumigay na ang aking puso
Ginusto ko ng dukutin ang aking mga mata
para lang hindi masilayan kung gaano ka kasaya
sa piling niya.
Iyon na siguro ang malaki **** sikreto.
Mahal mo pa rin siya
Hindi ko na naman kailangang tanungin
dahil pag tinitignan kita, siya ang nakikita mo.
Ayoko ng makita muli ang laman ng iyong puso.
Ayoko ng matandaan.
Ayoko ng pakielaman.
Pero sana
*Sana yung maliliit na bagay na lang
ang aking nalaman.
Agatha Prideaux Mar 2020
Pwede ba, na sa bawat pag-gising
At bawat pagtibok ng puso habang pumapasok
Ang sinag ng araw sa aking bintana
Ay makakalimutan ka na?

Dala na ang kamao **** tila nakabalot
Sa aking pinunong dibdib
Na niyurakan at kumikirot dahil sa iyong
Mahigpit na hawak sa akin, pwede ba?

Sana nama'y makaligtaan na ang tono, huni, at nilalahad
Ng mga kantang noo'y sinasabayan pa ng ating
Mga tawa, padyak, hiyaw, galaw
Balang araw, sana nga.

Maaari bang itapon na ang papel na naglalaman
Ng mga nais ko sanang ipahayag sayo noon
Kasabay na ang mga kasinungalingang binulyaw mo sa akin gamit ang mga letrang padala mo
Ako'y pagod na.

Pagod nang magparamdam, makiramdam
Makaramdam ng purong pagdamdam
Na alam kong kailan ma'y hindi mo na mararamdaman
Tama na.

Kung maaaring mawalay na
Sa pagkapit sa mga matatamis na salitang
Ibinulong mo sa akin habang inaambunan tayo
Ng sinag ng buwan sa gabing kay liwanag.

Sana'y matuyo na ang mga nasayang na luha
Noong sinabi ko sayo na ika'y aking minamahal
Na kung saan binalik mo sa akin nang mas malutong, mas mabulaklak
Pero putangina, puro lang pala dada at walang kahulugan!

At noong dinagdagan mo pa ng mga pangakong
Pagmamahalan at pagsusuyuan sa ating unang pagkikita
Ay halos sumalangit ako sa tuwa at galak
Pero sa init at pait ng impyerno mo pala ako binagsak.

Gusto sana kitang tanungin
Kung naaalala mo pa ba lahat ng ating mga talumpati
Kung papaano natin nahanap ang ginhawa at katiwasayan
Sa mata ng isa't isa, oh aking minimithi.

Sinubukan kong uminom ng kung anu-anong likor
Na sa sobrang dami ay halos napuntahan ko na siguro
Lahat ng barikan na aking nalalaman
Para lang maialis ka sa isipang ikaw lang ang nilalaman.

Subalit, imbes na ika'y maglaho sa kuro
Ay mas naalala ka sa mga malulungkot na gabing
Nangangamoy alak at naglalasang halik mo
Tulad noong unang gabing hinagkan mo ang nag-iinit kong noo.

Ngayon, ika'y masaya na at kuntento
Sa piling ng taong sinabi mo sa akin na huwag alalahanin
Hindi mo lang alam kung paano ko pinilit ang aking sarili
Na tanggapin lahat ng iyong isinaksak at binaril sa puso kong siil

Tila tintang nakamansta sa puting palamuti
Na di maalis-alis kahit gaano ko man kuskusin
Ang memoryang nakalaan para sayo sa aking isipan at damdamin
Kay hirap nang hubarin at tanggalin

Siguro ako'y itinuring lamang na isang kagamitang
Pwedeng itapon matapos pagdiskitahan ng mapaglarong tadhana
Na noo'y pinaniwalaan at naging pamanhik ko
Sa sandaling itinahi na ang pangalan mo sa nagdurugo kong puso

Pero, sa huli, kinailangang limutin
At iparaya ang damdaming nakakulong parin
Hanggang ngayon sa yakap ng iyong bisig
At himbing ng mga talang tila patalim sa gitna ng dilim

Sana'y natuto na ang sariling pag-iisip
Na hinding-hindi magpalinlang sa mga matatamis na awit
Na pinuputak ng bibig na ang may ari ay
Walang espasyo sa kanyang isip at puso para sa akin.

Aking nawalay na sinta
Maaari bang ika'y pakawalan na?
Para sa atin—o baka sa aking kalayaan at kasiyahan nalang
Pwede ba, kakalimutan na kita?
Day 1 of #NaPoWriMo2020. As of now, I'm not yet following the prompts. But here's an entry nonetheless.
Eugene Dec 2018
"Bago mo tanungin ang taong kaharap mo kung bakit siya nagbago, tanungin mo muna ang sarili mo kung bakit mo siya binago o ano ang ginawa mo kung bakit siya nagbago."
J De Belen Feb 2021
Isang liham na ako lang ang nakaka-alam
Liham na itina tago-tago ko ng napaka tagal
Liham na mag-paparamdam sa akin
Kung bakit nga ba ako kulang?
At mag-papaalala sa akin na hanggang dito lang
Liham na isinusulat ko ng matiwasay
Dahil alam ko,
Para sayo 'to.

Liham na siguro dapat nung una pa lang
Binigay ko na
Liham na dapat nung una pa lang pina-alam ko na
Liham na dapat ay na-alala ko pa
'Di sana hindi nako nag-iisa pa
Isang Pag-ibig na ibig ipa-batid
Pag-ibig na gusto kong makamit
Pag-ibig na sigurado akong masakit.

Pero
Ito'y hindi pa batid
Kung ito nga ba'y mag-dudulot ng sigalot
'O mag-dudulot ito ng kirot
Dahil sa utak na pa baluktot
Wala akong ****-alam
Basta ang alam ko lang
Ikaw lang ang mahal
Ngayon
'O maging mag-pakailanman
'O mag pa sa walang hanggan.

Ayoko ng bilangan
Ayoko ng kuwentahan
Ayoko ng gumamit ng tala-pindutan
Dahil walang sukatan at bilangan
Kung hanggang saan ang aking pagmamahal
At kung hanggang saan ang kaya kong gawing bagay  para lang sayo.
Wag mo ng tangkaing tanungin pa
Dahil yan ay bukod tanging ako lang ang may alam.
Dahil wala talaga itong sukatan.

Dahil lang sa isang liham
Ako'y nagkaka ganyan
Hindi ko na alam
Kung sino 'ko.
Kung ako pa ba 'to?
Kung totoo ba 'to?
'O ito ba ay parte ng biro?
'O parte nga ba ng bugso ng puso?

Kasi ang pag-kakaalam ko
Hindi naman talaga ako ganito.
Siguro nga
Sobra akong na-dala
Nag-padala sa aking nadarama
Na tama ba ito 'o mali?
Ayokong mag-patali
Ayokong mag-madali
At mag-pasakal sa mga bagay na di ko alam kung hanggang saan ang kakahantungan.
Tama ba ang Aminin sayo ang totoo?
At tama rin ba na sabihin ang maling pag-tingin ng aking damdamin?

Kahit alam ko
Meron ka ng bago.
At may iba ng nag-papasaya sayo
At 'yun ay 'di na ako.
Malungkot dahil ang pag-kakaalam ko
Bago pa siya dumating sa piling mo
Merong isang taong umalalay sayo ng minsan,
Minsan na sa piling ko ay naging masaya ka naman.

Pero wag kang mag-alala
Ako ay desperada
Oo tama
Ako nga ay desperada
Kaya ako ay patuloy paring aasa
At mag-sisilbing mga paa at kamay mo
Kahit 'di na maaaring maging tayo
At magiging saklay na taga gabay sa tuwing ikaw ay nahihirapan.

Mapagod man ako
Ay ok lang yan!
Dahil alam ko parte yun ng pag-mamahal ko sa'yo, na binuo ko sa aking isipan na naging liham at naging bukang bibig ng aking kaibuturan.
Kahit alam mo,
Na ako ay sobrang masasaktan
At mahihirapan
Mas pinili mo parin na ako ay iwan
At 'di na balikan
Dahil siya na ang iyong mahal
Kaya
Tanggap ko na,Mahal
Paalam.
Levin Antukin Jun 2020
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.

sana ganoon din dito sa amin.

sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.

paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.

paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?

paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.

pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas

'pagkat paano nga ba sila matutulog?
Taltoy Jun 2018
Buhok na itim,
Mapupulang mga labi,
Liwanag sa dilim,
Ang ngiti **** natatangi.

Pinupuri sa angking ganda,
Alindog na mala dyosa,
Naaakit mga matang tumitingin,
Mga puso'y nahuhumaling.

Natatanging ganda,
Epekto'y mala gayuma,
Gandang di lamang pabalat,
Nag-uumapaw, higit pa sa sapat.

Kahit sino man ang tanungin,
Ang sagot ay siya,
Siya at wala nang iba,
Ang reyna, ang susuot ng korona.
Kurtlopez Aug 2023
Kung madatnan mo man ako na umiiyak huwag mo sana akong tanungin kung ano'ng problema, bagkus ay hayaan mo lang ako at kung sa kagustuhan mo hindi ko rin mamasamain ang pagtabi mo sa‘kin. Hindi kasi ako marunong magkuwento, hindi ko pa nasubukang maging bukas para malaman ng iba ang mga pinagdaanan ko. Nakasanayan ko na kasing magkimkim kahit mabigat na sa damdamin.

Kaya kung makita mo man akong luhaan, hayaan mo 'ko, huwag ka sanang mangusisa dahil kung gusto ko nang magkuwento tatakbo agad ako sa‘yo.
yndnmncnll Aug 2023
Hindi makatulog sa wastong oras
Hindi rin makakain sa saktong oras
Laging walang gana
Tanging ikaw na lamang ang natitrang pag-asa

Upang manumbalik sa dating sigla
Ang babaeng minahal ka ng sobra
Ngunit pinili **** iwanan siya
Sinaktan at pinaluha mo siya

Ang babaeng tulad niya ay walang ibang ginawa
Kundi intindihin at pakinggan ka
Ngayon hindi mo magawa iyong hinihiling niya
Sapat na sa kanya na makita kang masaya

Ngunit siya kaya niyang gawin lahat
Kaya niyang tiisin yung sakit
Minahal ka niya ng tapat
Ngunit ang iyong isinukli ay walang iba kundi sakit

Ngayon, iiyak siya ng biglaan
At ikaw ang tanging dahilan
Gigising siya ng alas tres ng umaga
Upang tanungin sa sarili niya

Bakit mo ba siya iniwan?
Dahil hindi niya ito dapat ngayon nararamdaman
Kahit masakit tinuturuan ko ang sarili ko
Na kalimutan kita kahit hindi ko kaya

Darating rin ang tamang tao
Na sa akin ay nakatadhana

— The End —