Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
VJ BRIONES Jul 2017
ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba ay tungkol sa naglalakihang mga mata
kapag nakakakita ng magandang dalaga
na naglalakad sa kalsada
isipin na nating..
maikli ang kanyang palda
maputi ang hita
malaki ang dibdib
teka
tama na
nakaklibog na diba!?
o kaya naman ang pagmamahal
ay parang
yung ating nararamdaman kapag ang ating mga balat
ay nakakapagtindig balahibo
dahil sa hindi maintindihang halimuyak ng galak
o ito ba
ay yung mga pagbabago ng kulay sa ating mga pishi
kapag tayo ay kinikilig ng lubusan
dahil nga ang sweet sweet niya
kulang nalang magkadiyabetes ang puta
ganun ba ang pag-ibig?
ganun ba ang pagmamahal?

ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba yung kapag dalawa lamang kayo
nakahiga sa mga damuhan
o kaya nakaupo tumitingin sa kalangitan
habang nilalanghap ang simoy ng hangin
sa taas ng gusali o kaya bubungan
na niloloko ang sarili kapag tinuro mo ang iyong daliri sa mga bituwin
at sinasabi na ang bituwin na yan
ang parang hugis puso
kahit hindi naman talaga
para masabi kolang na meron tayong pag-ibig
para masabi kolang na tinadhana talaga tayo para sa isat-isa
kahit hindi naman talaga
ganun ba ang pag-ibig?
ganun ba ang pagmamahal?


ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba ay yung may nakilala kang tao
na wala kang ideya kung sino
na ang inyong bigalang tagpuan
ay hindi niyo naman pinaghandaan
o kaya naman ang makilala nating ang tunay nating pagkatao
na tayo ay hindi basta tao
tayo ay merong kadiliman na hindi purong kabutihan
na kailangan man tayo ay tao
napapagod din
natututong sumuko at bumitaw
sa kapit ng "kaya ko pa"
dahil kailanman walang anesthesia na dumadaloy sa ating katawan
para hindi tayo masaktan
ganun ba ang pag-ibig?
ang pagbitaw ba ay pagmamahal?
ang pagsuko ba ay pagmamahal?


ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba ay yung paguubos natin ng oras
kahit na alam natin na ito ay walang kwenta
pero wala nakong pakialam
dahil nga kasama kita
na ang saya saya natin dalawa
nagtatawan kahit sumakit pa ang tiyan
hinuhusgahan ang mundo
sinasabihan ng mga tinatago niyong sikreto
wala kanang pakialam
kase nga kasama mo ako
na sana
hindi na matapos to
tayong dalawa
ikaw
ako
at ang ating magagandang mermorya
ay itatago ko at aalagaan dito sa puso ko
ganun ba ang pag-ibig?
ang paglaan ba ng oras ay pagmamahal?


ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba ay yung galak kapag nakikita kita
o kaya yung kapag kasama kita
kapag ako'y ubos na
pagod sa katotohang na ang mundo ay hindi basta basta
andiyan ka palage
nakaaalalay
handang ibigay ang balikat masandalan lang ng mabigat na isipan
ganun ba ang pag-ibig?
ganun ba ang pagmamahal?


ANUNG ALAM NATIN SA PAG-IBIG?
ito ba yung pakiramdam
kapag tayo'y nagpapaulan
na para bang gusto na nating sumuko
sumuko dahil tayo ay pagod na
sumuko dahil ang mga sinabi kong halimbawa ng pagmamahal
ay malayo sa katotohanan ng buhay nating dalawa
iniisip kung ano pa ang ibabato sa atin ng buhay
sige ibigay mo ang lahat
hindi ako basta basta natutumba
hinihiling na sana magkasama tayo sa huli
sana wala nang huli
sana wala tayong dulo
dahil ayoko, na ito ay magwakas pa
o kaya hindi na natin ito inintindi
dahil ang gulo na ng  isipan
nandun parin ako
nagpapaulan
hinahayan na mabasa ang sarili
walang pakialam kung magkasakit pa kinabukasan
basta ako ay basang basa na
niyayakap ang ngayon
tinalikuran ang masamang kahapon

anung alam natin sa pag-ibig?
meron ba tayong alam tungkol sa pagmamahal?
anung alam natin?

ang unti
ang onti lang ng alam natin sa pagmamahal
napakaonti
na nagbibigay sa atin ng galak
ng sige gusto ko pa
ng ibigay mo na lahat wag kanang magtira
dahil gusto ko maranasan ang pag-ibig
bigyan moko ng pagibig
bigyan moko ng pagmamahal
mahal, anung alam natin sa pag-ibig?
Ang iyong mga matang nangungusap
Lumuluha ng buhangin
Kasama ng iyong mga pangarap
Lumipad na at nagtago sa mga ulap
Ang halimuyak ng iyong mga yakap
ay nadarama pa rin
Pilit hinugot ang  mga ugat ng pasakit
Sa puso niya
Binaon nang walang pasabi
Kasabay nang pag iyak ng langit
Kailanman hindi mawawaglit
Lahat ng mga salitang nasambit
Ngunit ngayon kasama na ng hangin
Ang pagibig na hindi pa rin kayang limutin


-Tula II, Margaret Austin Go
kingjay Dec 2018
Mga buto ay nagsilbing haligi
sa binubuo niyang panaginip
marupok ito at bibigay
sa mahinang balakid
Tahimik nang naunsyami
Labing nakadikit, dila'y nakaipit

Bigkasin ang salita sa simula niyang
wika
Sa letra na  naguguluhan din
Papipiliting ibibigkas
Takot ay bumubulusok sa inaping
pangungusap

Parang ilusyon, ang paggawa ay ang
pagkaroon
ng kahit maliit na kabuuan ng loob
na hanap ay tagumpay
Pero sa paglubog ng araw
nagmistulang delusyon

Ang mga paa habang humahakbang
Panoorin hanggang sa pumanaw
sa liwanag, may anino
Tingnan ang lilim, lumalakad nang
pa-urong

Ganyan ang mundo
Ikulong na at igapos
Sa likod ng matiwasay na paggalaw
ay may lihim na naka-agapay
Ang maitim na misteryo na nakangiti

Ulap na sumasayaw, bungad at gayak
ng unang ngisi ng umaga
Isabay ang halimuyak sa monasteryo
ng prinsesang nagagalak

Ang dalangin na nagawi sa hangin
Kumpisal ng pag-ibig
Kaluluwa ng kasiyahan
ng musmusing pipit
Tinalikdan ng araw ang langit
Hinayaang lamunin ng dagat ang hari
Mahinahon ang karagatan
Tila nagdurugo ang tubig
Hinabol ang hangganan ng nakikita
Doon nasilayan ang mukha ng asawa
Papalapit ngunit hindi naman niya kayang masungkit
Mga mata'y ipinikit
Sinariwa ang halimuyak ng kanyang mga halik
Labis na nasasabik
Gustong balikan ang mga sandali
Pagbukas ng mga mata,
Kadiliman ang naghasik
ng labis na pangungulila't hinagpis



-Tula IX, Margaret Austin Go
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Marcilyne Mar 2016
Hindi ka isang pagbibiro dala ng aking ibang katauhan
Sapagkat simula't sapul pa man,
batid kong mararamdaman ko ang ganitong halimuyak.
Nalaman kong awitin ang pinakamalungkot na sonata,
Sumayaw ako sa walang saliw at indayog na musika nang parang baliw sa kalsada.
Higit sa lahat,
nag-agahan,
nananghalian,
nagmeryenda
at naghapunan ako ng luha,
kalungkutan,
pagdadalamhati at pagsisisi.
Ikaw ang dahilan nito,
dahil sa pag-ibig na napagtanto ng hungkag na isipan.

Noong mga panahon,
wala akong pakialam kung bitayin man ako ng sarili kong kahinaan at panglilimos.
Ilang pagkakataon ba ng pagnanakaw ng kasiyahan ang ipinagkasala makasama ka lang?
Hinayaan ko ang sarili na tumalon,
mahulog,
at lumagapak mula sa mataas  na bangin gayong batid kong di mo rin naman ako kayang saluin.
Kasalanan bang magmahal? O, sadyang totoong nagmahal lamang ako tulad mo ring nagmamahal sa kanya?
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
Louie Clamor Mar 2016
Nang makilala kita tila nagbago,
Nagbago ang mundo ng pagkabigo.
Isang rosas na puno ng ganda
Ang halimuyak ng bulaklak
Nang lapitan ka'y, dibdib kumaba

Mahal ba kita?

Isang tanong na bumagabag sakin isipan
Isang tanong na hudyat ng hindi kasiguraduhan
Gayunpaman, ika'y ikinilala
Tumagal ang panahon
Ako'y sigurado na.

Mahal na kita.

Isang pangungusap
na kumakausap at nakikiusap
at humihingi ng isa pang pangungusap
Na tila isang salita lamang
ang kailangan palitan.

Mahal din kita.

Nakakatuwa na sa isang salita
ay mababago na ang tunay
at kung ano ang pakay
Ika'y lumapit, yumakap
Nagsalita ang iyong bibig,

"Mahal sana kita."

Tanggap ko at maghihintay ako
Tawagin mo man akong martir
Pero mahal, hanggang sa huling dako
Wag sana mahuli at mahuli ng ibang tao
Hanggang sa aking huling paghinga

Mahal parin kita.
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
Bryant Dec 2018
Sobra kung sobra,
Pero para sa akin ay isa kang obra maestra....
Pinag isipan At pinag hirapan,
Bawat hulma mo’y wangis ay kagandahan....

Ikaw ay dyosa sa aking paningin,
Halimuyak **** hatid, halimuyak na hina hatid ng hangin....
Hangin na humahaplos sa aking puso,
Hangin na nag hatid sa’kin, sa ating paraiso...

Paraiso na tayo Lang ang may alam,
Paraiso na likha mo, paraiso na aking ina asam asam...
Duon ay tayo lang ang mag kasama,
Tayo lang “sana”, ok lang po basta wag lang ma coma...

Makalimutan ang aking Gustong tukuyin,
Ala ala’y wag sanang tangayin ng agos ng hangin....
Ma iksi pero masasayang ala ala,
Habang naka tingin sa iyong magagandang mga mata...

Mata na kasing Ganda ng mga tala...
Tala na nag bibigay sa akin ng saya,
Saya na nararamdaman kapag ka piling ka....

Wag ka na sanang lumisan pa sinta...
Ysa Pa Dec 2016
Habang nag-iisa
At walang kamalay-malay
Ako'y nadampot ng mga
Naghahanap ng karamay

Nayaya ng promotor
At hindi na makatatakas
Hinamon ng mga tomador
At nagkasukatan na ng angas

Marami nang bote ang walang laman
Nakabasag na rin ng mga baso
Paubos na ang mga pulutan
Amoy na rin ang halimuyak ng chiko

May di matapos-tapos na asaran
May mga pikon ngunit puno parin ng tawa
May mga tulog na at may nagkukulitan
Mayroon din namang nagkukwento ng paluha

Walang humpay rin ang kantahan
Punong-puno ang lamesa ng kwnetuhan
Rinig hanggang langit ang halakhakan
Tuloy-tuloy lang ang kasiyahan

Masayang salo-salo
Matibay na pagsasamahan
At ang highlight dito
Ay ang hangover kinabukasan

Sana'y king bilis mawala
Gaya ng hangover kinabukasan
Ang aking mga alaala
At ang sakit ng iyong paglisan
Oops! There goes my heart, splattered all over the place again.
katrina paula May 2015
Dalawang Haiku ng Pagkahulog

Halimuyak mo
Sumasabog sa puso
Hinto ang mundo

**

Kalat sa daan
Gaya ng 'king pag-ibig
Tuyo at pisak
Dahil nangako ka ng bulaklak
*m.a.
aL Jan 2019
Dalawang mga mata sabay sa pagpikit
Ayaw pagmasdan ang iyong sungit

Sa pangkaraniwang nilalang
Nakipagusap ka ng libang

Nagpadungis ka sa sala
'Di na mababalik pa

Humahalina ang iyong halimuyak, kasabay ng hangin
Sa tainga ko ay nagrereklamo at nagsasabi ng habilin

Ang munting bulaklak na regalo para sa' yo ay kulang na sa pansin
Iyong luhang nagtagal na sa iyong pisngi ay mabuting tanggalin

Narito na nga ang iyong hinahangad na pagmamahal
symmetrical
As me
Jun Lit Mar 2018
Naghihintay ang tasa
malinis, walang laman
sa tagpuang mesa
kahapo’y may kabatuhan
ng "¿Hola? at ¡Puñeta!"
at kanina’y may kapalitan
ng "Hello Sir! Wanna? Wanna?"
nasingitan pa saglit
ng malupit, galit sa langit
na si "Arigatou Nakamura"
At nakipag-rigodon
ang mga payaso’t pirata
at mga magnanakaw – mas ganid pa
sa apatnapu ni Alibaba

Nasaan ba si Ina?
Wala na po dito,
nandun na s’ya’t kahalikan
si "Xie xie, Duō shǎo? Ni hao ma?"

Pagkatapos kumulo
ng tubig sa kaldero ng lipunan
inilagay ko ang isang kutsarang
balawbaw ng galapong
nanggaling sa inipong
butil ng kagitingan
mula sa paanan
ng Malarayat na kabundukan
- kaagad-agad ay bumulwak,
nagngangalit na umawas

Kumakalat ang halimuyak
ng kapeng bagong luto
Naiinip na ang tasa
sa tagpuang mesa
ng bayang talisuyo
Kailan kaya may uupo,
yaong hindi bugaw na pinuno
na pagpuputahin ka
kung kani-kanino,
kundi bayaning lingkod
na hindi ka ipagkakanulo?

Kapatid, kahit isang lagok lang,
Malayo ang lakbayin, dapat nang simulan
Ang mahalaga’y kumikilos, humahakbang
Sulong tayo mga Kabayan . . .
To be translated - Brewed Coffee VI
AUGUST Feb 2019
"Pusong Binihag"

ninakaw ng ulap ang abot langit na galak
inaagaw ng hangin ang iyong halimuyak
wag mo sanang ipagdamot ang iyong yakap
at sana'y itangay ng iyong pakpak sa alapaap

mga ngiti mo na sa akin ay nagbihag
at sa bawat tingin ako'y nalalaglag
sa nararamdaman kong di maipaliwanag
ng damdamin nating unti unting nalalaglag

nakukulong sa silid ng pagibig
hindi makatakas sa lalim ng 'yong titig
na kung may ano sa gitna ng dibdib
habang ikaw lang at ako ang nasa paligid

habang hawak ang malambot **** mga kamay
mahigpit kong sinisiguradong hindi ka mawawalay
pagkat
dito sa aking bisig taimtim na humihimlay
ang aking mahal na nagbibigay buhay

sa halik ng matamis **** labi na sadyang nakakalasing
o kay hirap umamin, o kay hirap magsinungaling
tinatangay ng malamig **** tinig na musika sa akin
ganto pala kasarap kapag dininig ang panalangin

ganto pala kasarap na tinupad mo aking hiling
ganto pala kasarap kung ikaw lang ang kapiling
ganto pala kasarap na ikaw ay dumating
ganto pala kasarap......
na ako ay iyo at ikaw ay akin
pagibig tagalog mahal ikaw puso
renzo Jul 2020
Ang mirasol ay ang anak
Ng araw at nag-anyong bulaklak.
Kaya't dala mo ang halimuyak,
Ang ganda't liwanag.

Mula pagkabuo hanggang kasalukuyan,
Tagtuyo man o tag-ulan,
Mula pagsuko hanggang paglaban,
Munting mirasol ay binantayan.

Malapit man, hindi mahawakan.
Tanaw man, hindi malapitan.
Dinig man, hindi mapakinggan.
Masid na lang sa katahimikan, para sa'yong kabutihan.

Bagamat may kamandag mga kamay,
Kaya't ayaw kang dapuan,
Ako'y panatag naman basta'y,
Ika'y sa araw nasisinagan.
ang mirasol ay "sunflower" sa filipino
Cal Ashiq Aug 2022
Tara na sa bahagharing kay ganda
Kasabay ng kislap ng iyong mata
Mga ngiting di alintana
Hiling kong makita sana

Halimuyak na iyong dala
Sa akin ay nagpapangulila
Tamis ng iyong tinig
Labis kong iniibig

Giliw ako'y ilagay sa iyong isipan
Kaagapay sa kahirapan
Pagkat ikaw man ay lilisan
Magtatagpo pa rin kinabukasan

Isang banayad na panalangin
Aking laging sasambitin
Sa iyo'y ipagkaloob itong dinidingin
Wagas na pagmamahal ng Diyos na mahabagin

Kay Hesus aking sasambitin
Na ika'y lagi nyang mamahalin
Hihingin kay Birheng Maria
Na kailanma'y di ka mangulila

Sana'y lagi **** madama
Sa tuwing ika'y nag iisa
Yakap nilang kay Tamis at Ganda
Di mawawala itong pagsinta

Kailanma'y sa puso at diwa
Sumasaiyo itong magandang gunita
solEmn oaSis Dec 2022
nasa mata ng tumitingin
Meron ang Kagandahan,
tulad baga ng maingay na musika
sa pandinig nilang tulog - mantika,
nangangamoy na ang sulo ng apoy
Halimuyak pa rin meron ang Simoy,
tila ba malabong bahain ng pag-asa
Sila na nasa Seguridad ang panlasa
kagat - labi man ang pagtiim - bagang
habang iniinda ng kalingkingan ang matimbang
na tawag ng inang - kalikasan animoy gantimpalang
maitituring ang abot - kamay na pangarap sa pahalang
na ilog ng kaulapan na may samut - saring pasaring...
dinaramdam ng katauhan ang bawat hangaring
Huwag masaktan ang puso kahit ni- ang mga kalamnan
Ngunit sadyang nangyayari ang hawi ng kabiglaanan,,
Mga balya at salya ng pagsibol ang huwad na kasinongalungan at ang patotot ng katotohanan...
bilang Isang mamamayan ng pagsubaybay doon sa mga tulak ng tugma
sunog-bahay kahahantongan ng maling bitaw sa batong hawak para sa sungka,
Bilang ng mga nilalang kapwa paikot-ikot lamang na tila ba kumpol ng mga balahibong-pusa na tinayoan
Umakyat sa leeg ang dagang dati - rati ay nasa dibdib...
Maibulalas lamang ang silakbo at simbuyo na kay - tigib.
Bilang na pala ang oras at sadyang di namalayan sa LibLib,
Magwawakas na pala ang isa- dalawa tatlong pag - iigib
sa balong malalim na may apat - lima anim na pakikipag - anib
Nalagot ang lubid , nahulog ang sisidlan ng tubig...
at natinik sa paglukso ng pag - ibig yaong pawang mga nakayapak
Ngunit babangon sa tuwing madarapa ang siyang naiwan na balak
Ganyan po ang aral ng Liwanag sa dilim
Gabayan ang hangal sa aninag ng lilim !
ika - P i T o .. ika - Walo
Hipan lang ang siLbato,
bundok man o sa ibayo
Siyaman na ulap ay TanTo,
Lalaya din ang pangsampo
Magtatagumpay ang bunso !!!
DahiL ako ang nagsulat nito
MarahiL nabatid mo na ang pulso
Biyaya ng MaykapaL wag i- abuso
Kung tinamaan Ka man ng bagyo
Kalimutan ang Tampo at Siphayo
The sequel of my poem...
"  Kapag natuyo ang ilog,
Hintayin mo ang mga ulap "
Elle Ruiz Nov 2017
Takot ang tanging bumubuhay sa isipa't pusong pagal
Saan man patungo, wala ng matanaw
Tila natapos na ang lahat
Tuluyan nang ginapos ng pasakit ng pag-asa
Saglit na iidlip
Hihintayin ang itim na usok
Mapayapang mundo’y matatanaw
Isipa’t pusong pagal muling titibok
Hangin ay yayakap
Halimuyak ng mga bulaklak dadampi
Tuluyan nang natulog ng mapayapa
aL Mar 2019
Mabangong halimuyak
sa naghihikahos na paligid
Ano pa ba ang natitira sa buhay
na dapat pang malaman?

May kahulugan ba ang pamamalagi sa mundong ibabaw?
may saysay pa ba ang kaluluwang nakatira sa aking katawan?
**Napakaganda ng paligid, sapat nang sagot ang nakikita para mabuhay ng may masayang ngiti kahit na ba may kahirapan sa tabi tabi,

Pessimism reigns

Ngunit ang tanong ay namamalagi, ano bang saysay ng buhay?
Hanzou Jul 2019
Hindi ko lubos malaman kung saan na nga ba ang daan tungo sa walang hanggang kasiyahan
Tila ako'y nabalot na ng walang katapusang kalungkutan
Pakisabi naman sa akin ang araw kung kailan ito mawawakasan
Patuloy na naghihinagpis
Mga mata ay laging nananangis
Kung iyong titingnan sa aking pisikal na kaanyuan malalaman mo ang pinagkaiba ng isang taong masaya at isang taong pilit nagpapakasaya.
Oo, hindi ako ang taong kilala ninyo.
Sa likod ng wangis na anyo,
Sa kabila ng 'di mawaring agam-agam,
Nananatili ang isang kabuuan ng pagkatao na kahit kailan, hindi ko ninais maramdaman.
Oo, isa akong halimuyak ng bulaklak sa inyong paningin pero,
Ni minsan hindi nagawang pitasin at nanatiling nakasulyap sa katimyasan.
Isa lamang akong atraksyon na pinipiling lapitan.
Isang anino sa pisikal na anyo.
janel aira May 2020
tila mga ligaw na paru-parong
tinutunton ang halimuyak mo
matagal na palang lumipas
may iba nang namamalagi dito

malimit nang lumangoy sa dagat ng alaala
hindi na rin lumiliko sa maling kalsada
ngunit bakit tinatanong sa hangin kung nasaan ka?
madalas pa rin palang ikaw ang ninanais makita.

— The End —