Isang silid na walang laman,
Madilim, puno ng katahimikan,
At ang lamig na mararamdaman,
Sa loob ng apat na sulok ng kawalan.
Alam kong wala itong pinagkaiba,
Sa "Ako" na iyong nakasama,
Sa "Ako" na iyong nadama,
Sa "Ako", na umihip sa ating mitsa.
Isang paalam,
At walang katapusang "patawad",
Dahil ako ang unang bumitaw,
Nang walang kamalay-malay.
Ako'y walang kamuwang-muwang,
Na ang init ng damdami'y nawala,
At iniwan kang nanginginig,
Sa pagbisita ng amihang malamig.
Binuo mo man ang aking palaisipan,
Pinunan mo man ang mundo kong kulang,
Binigyang sagot ang napakaraming patlang,
At sa iyong paglisan, di ka kayang pigilan.
Sa sinapit mo'y walang hustisya,
Nakita ko mismo, at nitong mga mata,
Na 'di na 'ko nararapat para sa iyo sinta,
Na 'di na tahanan ang pusong alab ay wala.
At sa pagtatapos ang ating nobela,
Ikaw pa rin ang naging laman nitong mga tula,
Ang "tayo" na naging tiyak sa kabila ng mga duda,
kayamanang iuukit sa alaala.