Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Apr 2019
isinulat ni: Stephanie Dela Cruz

\

isang daang tula.
sabi ko noon ay bibigyan kita ng isang daang tula
mga tulang magiging gabay mo kung sakaling mawala ka man sa akin, o kung ilayo ka man ng ating mga tadhana, o kung paalisin mo na ko sayong tabi,
ngunit pangako, hinding hindi magiging dahilan ang kusa kong pag alis, pangako yan.
itong mga tulang ito ang magiging gabay mo kung sakaling maisip **** ako ang kailangan mo at ako ang gusto **** makasama hanggang dulo
itong mga tulang ito ang magiging resibo mo, magiging ebidensya ito ng kung paano kita minahal ng pagmamahal na hindi mo kailanman naibigay sa akin

isang daang tula.
alam mo bang tula ang una kong minahal kaysa sa iyo
ibinuhos ko lahat ng mga inspirasyon, pag-ibig, luha at pati tulog ko'y isinantabi ko na para sa kanila
dahil ako rin ang mga tulang ito,
alam mo namang isa kong babasaging salamin na paulit ulit na binabasag ng mga taong gustong maglabas ng sama ng loob, ng matinding emosyon, isang salaming kakamustahin kapag gusto nilang ipaalala sa sarili nila na maganda sila at mahalaga at kamahal-mahal at importante...
ako nga ang mga tulang ito, at paulit ulit kong pinaghirapang buuin muli ang aking sarili, ang bawat dinurog na piraso ko'y sinusubukang buuin muli gamit ang hinabing mga tula
itinago ko sa bawat maririkit na salita ang mga lamat na hindi na maaalis pero pipilitin ko...
at sa huli naisip kong hindi ko lang pala gustong sumulat at bumigkas ng tula..
gusto ko rin maging tula ng iba, na mamahalin ako katulad ng pagmamahal na ibinuhos ko sa mga ito

at ayun nga... dumating ka.

ngunit tanong ko pa rin sa aking sarili itong palaisipan...  "naging tula mo ba ko talaga?"


hindi.

dahil hindi ka naman talaga interesado sa mga tula.


alam ko naman kung anong nais mo talaga..

ang gusto mo'y musika.


maganda, masarap sa pandinig, masasabayan mo sa pagsayaw... maipagmamalaki.


hindi naman ako musika... isa lamang akong tula.



isang daang tula.
alam mo bang kung nakakapagsalita lamang ang aking mga sinulat ay sigurado akong magtatampo sila
dahil naisulat na ang tulang bukod tangi sa lahat, tulang pinaka mamahal ko higit sa lahat
ito ay ang bawat tulang isinulat ko para sa iyo..
isa... dalawa... tatlo.. hindi ko na mabilang kung gaano karaming tula na ba ang naisulat ko para sayo
ngunit mas marami ata yung mga tulang isinulat ko nang dahil sayo
at wag kang mabibigla kung sasabihin kong hindi lahat ng iyon ay puro kilig, puro saya, puro tamis ng sandaling kasama kita
dahil sa bawat pagkakataong hindi mo namamalayang sinasaktan mo ako ay sumusulat ako ng tula
may mga pagkakataong ikaw ang dahilan ng mga luhang siyang naging tinta nitong aking pluma na pinangsulat ko ng tula

wag kang mag-aalala, hindi nasasapawan ng kahit anong sakit at pait ang pagmamahal ko sa iyo. :)


isang daang tula.
teka, kailan ba tayo nagsimula?
napakabilis ng panahon, lumilipas na kasing bilis ng pagningning ng mga bituin sa gabi
hindi pa tayo tapos mangarap ngunit tumitigil na... natapos na ang pagkinang.
inaawat na tayo ng kalawakan... o teka... mali pala... dahil ikaw ang umawat sa kalawakan
pinatay mo ang sindi ng pinakamakinang na bituing pinangakuan ko ng wagas na pagmamahal sa'yo habambuhay
wala nang natira.. pati ang mga bulalakaw na nagdadala ng milyong paghiling kong makasama ka hanggang dulo ay wala na, lumisan na
at hindi ko naman inasahan na sasama ka sa kanila
hinihintay kong hawakan **** muli ang aking kamay nang mas mahigpit sa paghawak ko ng kamay mo katulad ng una't pangalawang beses nating pagkikita pero
binitawan mo ako mahal



isang daang tula...












teka muna mahal, hindi ko pa naisusulat ang pang isang daan
bakit ka'y bilis mo namang umalis... hindi mo man lang hinintay na matapos ko ang mga tulang ito na nagpapatunay na minsan may tayo


pero pangako...


tatapusin ko itong isang daang tula at hindi ito magtatapos sa pang isang daan dahil susulat pa ko ng mas marami, susulat ako nang mas marami pa hanggang sa hindi na ikaw ang tinutukoy ng mga salita sa aking tula, hanggang sa hindi na ikaw ang buhay nitong aking pagtula...
ipapaalala ko sa aking sarili na ako ang mga tulang ito at hindi ako magtatapos sa panahong pinili **** umalis kesa basahin ako, pinili **** iwanan ang tunay na nagmamahal sayo, sabi mo iingatan mo ang puso ko ngunit hindi mo ba alam? ikaw ang muling sumira nito kaya't heto... may dahilan nanaman para sumulat ako ng tulang magbubuo ng mga piraso ng aking sarili na dinurog mo... pinili **** saktan ako, pinili **** lumayo para sa sarili mo, pinili **** maghanap ng mas maganda at mas higit sa akin, ang dami dami **** pinili mahal ngunit bakit hindi ako ang isa sa mga pinili mo? ah. alam ko na. dahil nga pala may mas higit pa sa pagpipilian kaya bakit nga ba ako ang pipiliin mo diba?


pero pinapangako ko... isa lamang akong tulang hindi mo pinag-aksayahan ng oras para basahin ngunit balang araw ay magkakaroon din ako ng sukat at tugma, ang mga salita sa aking malayang pagsulat ay tatawaging liriko at kapag ganap na akong maging musika... pangako.... huling pangako ko na ito para sayo kaya't makinig kang mabuti...




mapasabay ka man sa  saliw ng aking musika, kailanma'y hindi na ko ang kanta, liriko, musika, at tulang isinulat para sa iyo.
I miss you so bad but not enough to want you back.
Ken Alorro Sep 2015
Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang mga luhang nanlalamig
Luhang ikaw mismo ang nagdulot
Mga luhang ni minsa'y di inakalang manggagaling
sa pagmumukhang ito

Sa isang gabi, tinapos ko ang lahat
Tinapos ko ang sakit na ikaw mismo ang nagdulot
Mahal, 'wag nang itanggi
Ikaw ang nagdulot nito.

Sa anim na bote ng alak, tinapos ko ang bawat sandaling kapiling ka
Sa mga sinehan na pinuntahan, sa mga kamang inilapag ang mga katawan, sa mga piling lugar o sa kahit saang sulok na ninais.

Sa anim na bote ng alak, tinapos kita.

Ang unang bote ng alak ay para sa iyong panlalamig
Totoo, nanlamig ka
Mas malamig pa sa boteng hawak-hawak
Sa bawat gabing kapiling ka, ang mga bisig mo lamang ang nagsisilbing unan
Oo mahal, nasa bisig mo ako, pero ang lamig na.

Ang pangalawang bote ng alak ay para sa'yong di pagpaparamdam
Nagdaan ang mga araw na nasanay akong wala ka
Nasanay akong mag isa sa bawat gabing ako'y may pangangailangan
Nasanay akong bigyan ng init ang sarili gamit ang mga kamay
Sinanay ko ang sarili
Pero higit sa lahat, sinanay mo ako

Ang pangatlong bote ng alak ay para sa iyong pagsisinungaling
Alam kong nagsinungaling ka na wala kang iba
Pag uwi mo sa akin, iba ang amoy, iba ang itsura
Kasi naman diba? Iba na ang nag-alaga
"I love you" sabi mo, pero sinungaling ka
Sinungaling

Ang pang-apat na bote ng alak ay para sa hindi mo pag-uwi sa akin
Mahal, ako ang iyong tahanan
Pero pinili mo ang lansangan

Ang pang-lima na bote ng alak ay para sa hindi mo pag alala
Pinili **** limutin ang ating mga sarili
Pinili **** maging bulag upang di ako makitang nasasaktan
Puta ka? Sana naging bulag ka na lang talaga

Ang pang-anim at panghuling bote ng alak ay para sa hindi mo pag-laban
Ipinaglaban kita
Ipinaglaban kita sa mga taong pilit tayong paghiwalayin
Ipinaglaban kita sa mga kaibigan ko
Ipinaglaban kita sa buong mundo
Pero please naman, ipaglaban mo rin ang sarili mo
Gawin mo para sa'yo


Sa anim na bote ng alak
Tinapos ko ang lahat at naitanong ang sarili
Sino nga ba ang nagpapasya kung minahal kita o hindi?
Ikaw ba? Sila?
Hindi ikaw! Hindi sila! Kundi ako!
Hindi sila ang magpapasya kung inibig kitang tunay
Dahil sa huli
Ako ang nagmahal, hindi sila
Ako ang nasaktan, hindi sila

Sa anim na bote ng alak
Tatapusin na kita at patuloy pa kitang tatapusin hanggang sa hindi maghilom ang sugat sa puso na pinili **** iwaksi.
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na
Lavinia Martin Jan 2019
hindi naman ako isang makata.
ang pluma at isip ko’y di nagtutugma.
oo. minsan ay pinipilit kong bilangin ang mga letra
at pinipilipit ang utak sa isang salitang nasa dulo na ng aking dila.

ngunit, hindi ako isang makata.

hindi ako katulad ng mga nakikita mo sa mga libro
wala akong galing na kayang ipahiwatig ang mga salita sa magagarbong paraan
hindi maipalalabas ng pluma ko na ang pinakakinakatakot **** bagay...
isang rosas na kahit maganda’y kukurutin ang balat mo hanggang ika’y magkasugat at magdugo

hindi ako isang makata.

ang mga luha ko man ay sunod sunod na
at ang plumang hawak-hawak ko ay dumudulas na
gusto pa rin ilabas ng puso ko ang mga salitang naiisip nito:

“Ito ang tulang hindi bebenta.”

ito ang tulang hindi mo makikita sa papel na may pahina
ito ang tulang hindi mo pagaaksayahan ng pera
ito ang tulang hindi mo tatapusin basahin
ito ang tulang hindi mo aaralin

walang bilang ang mga linya at walang tugma ang mga salita
walang magagarbong salitang kailangan mo pang hanapin ang kahulugan
walang mababangong linya na tatatak sa’yong isipan
walang pangalan na agad agad **** matatandaan

hindi ba’t sinabi ko na sa iyo? ito ang tulang hindi bebenta.

bakit ba binabasa mo pa rin?
sinasayang mo lang oras mo.
sabagay, salamat na rin.
salamat sa oras mo.

pasasalamatan kita sa bilis **** pagtingin
pasasalamatan kita sa muntikan **** paglalim
ng pagiisip para intindihan ang tulang hindi bebenta
pero hahayaan mo ako

hahayaan mo ako na ituloy ang tulang ito
hahayaan mo ako na ilabas ang damdamin ko
hahayaan mo ako na hawakan pa rin ang pluma
hahayaan mo ako na magsulat at sumaya

kahit alam kong hindi mo babasahin
dahil natutunan ko nang pasayahin ang sarili ko
sa mga munting laro at paglikha ng mga istorya
na humuhukay ng isang malalim na bangin

natutunan ko nang tabunan ito uli ng lupa
gamit ang pluma na mauubos na ang tinta
pagkatapos ay didiligan ko ito gamit ang aking luha
hanggang sa unti-unting tubuan ito ng bunga

siguro sa pagdating ng panahon mayroon mang makakita...
mababasa niya ito ngunit hindi niya maiintindihan.
at mailalagay ito si isang museo
at pilit itong iintindihin

dahil kaibigan, ang mga pinakalumang bagay
kahit wala nang gamit
ay minsan ding nagkaroon ng halaga

kaya kaibigan, tinatapos ko na.
tinatapos ko na ang huling tula na hindi bebenta.
Non-sense I make at 1AM. Holds a lot of meaning.
Katryna Sep 2018
sabihin mo saakin kung paano kita mamahalin
dahil minahal kita sa paraang hindi mo inaakala

sabihin mo saakin kung paano ko tatapusin ang mga sayo ay tapos na pero pilit paring pinagtatagpo ng tadhana

sabihin mo sa akin kung paano ko kakalimutan ang mga bagay
na halos ayoko ng maalala

sabihin mo saakin,

paano ko ililigtas ang relasyong tayo lang ang nakakakilala.
ang relasyong sa dilim lang maliwanag

relasyong hinuhusgahan ng lahat,
relasyong kasiyahan mo ang mas mahalaga.

sabihin mo saakin ang kongkretong solusyon,
sa mga desisyong hindi ako kasama

pero sa pandaliang ligaya,
kamay natin ang magkalapat sa tuwi-tuwina

sabihin mo,
sabihin mo na,

dahil pagod na akong angkinin ka sa tuwing may aagaw na iba.

sa tuwing sasabihin nya at tatanungin nya ako kung ako ay maligaya.

paano ko sasabihing tayo ay masaya,
kahit wala sa kama

ang simpleng yakap, oras nating dalawa ay mahalaga

paano ko sasabihin,
kung ikaw mismo hindi mo masabi
at mas piniling pagtakpan na lang ang lahat
at manatali

na ang kawalan ng salita ay manahan at bigla na lang mawala

hindi ka man pumipili pero alam ko,
sa kabila ng lahat ng ito.

kapag ang lahat ay tumalikod

lahat ay tumiklop

ako at ikaw,
mas pipiliin paring maglayo.

iwan ako,
iwan ka.

wala.

narating nanaman natin ang dulo.
for the Nth time. pano ba sumuko? sa pag taas ba ng dalawang kamay? sa pag amin ba ng "Sige, ako na ang may kasalanan" sa pagtanggap ba ng pagkatalo, sa pagsabi ba ng "teka, pagod na talaga ako" sa pag iyak ng balde baldeng luha o sa pag gising mo bigla, wala na. wala ka ng maramdaman kasi sobrang manhid mo na sa sakit at sakit na lang din ang solusyon para maramdaman **** teka, buhay ka pa. Ang gulo no? ganon din ung tula ko, ganon din ung puso ko, ung utak ko. Pasensya na sa gawa ko. Pakiramdam ko, ito na ung pinaka walang silbi kong gawa. Pero gusto ko lang ibahagi ang nararamdaman ko. Jusko po, ang hirap magmahal. hahahaha big deal ba, pasensya na kung alam nio lang ang sakit sakit na to the point na wala na akong kayang ilabas pero hinihingi pa rin ng mundo ang lahat lahat. Paano ba kasi sumuko? Makikinig na lang ako kay Sarah Geronimo.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
Domina Gamboa Nov 2015
Mga salita, mga letra,
Panulat ko at diwa.
Ngayo'y nagkaisa
Upang isulat ko itong tula.

Natatakot ako kasi hindi ito tama.
Natatakot ako kasi tayo ay di tugma.
Natatakot ako kasi, "bakit nga ba?"
Natatakot na lang ako bigla-bigla.

Ni hindi ko naman ito ninais,
Ni hindi ko naman ito ginusto.
Ako'y napapangiti, matatamis.
Hayan! Nangyari ka na sa buhay ko.

Natatakot ako sa sarili ko.
Natatakot ako sa iyo mismo.
Natatakot ako sa pag-ibig ko.
Natatakot ako sa paglisan mo.

Itong takot ko na bigla-bigla,
Sana mawala ring parang bula
Dahil lakip nito'y lungkot lamang,
Pangamba, balisa, agam-agam.

Tatapusin ko ang aking tula na may takot pa.
Umaasang pagsikat ng araw ako'y matapang na.
Matapang kong haharapin ang iyong paglisan,
Balang araw ika'y aking makakalimutan.
A Filipino poem about fear of falling in love with someone and fear of losing that someone. It is also about trying to forget that someone hoping that someday you'll be totally okay. :)
s u l l y Mar 2017
Sawakas! Nahanap na kita.
Ikaw na kaya akong pasayahin sa tuwing ako'y nalulungkot,
Ikaw na kayang tiisin ako,
Ikaw na dahilan ng pag ngiti ko araw-araw,
Ikaw na hindi ko kayang mawala,
Ikaw na minahal ko ng sobra,
Ikaw na mahal ko,

Kumulubot man ang aking mga balat, kamay mo pa rin ang kahawak kamay hanggang sa huli,
Pumuti man ang aking mga buhok, ikaw pa rin ang kasama sa pag tanda,
Manghina man ang aking tenga, papakinggan ko pa rin ang boses **** tila himig ng isang alpa na kay sarap pakinggan,

Sabi nila kung nahanap mo na raw ang taong para sayo, babaliktad ang sikmura mo at bumilis ang pag tibok ng puso mo nanghina ang tuhod mo, mukhang mali ata sila. Dahil hindi mo nabaliktad ang sikmura ko dahil inayos mo lahat ng mga mali saakin, at lalong lalo na hindi mo napa bilis ang tibok ng puso ko kundi napabagal mo at na palakas mo ang mga tuhod ko na pagod na sa kakahintay sa wala. Pero eto na, dumating ka na. Wala na akong hihintatin pa dahil, andito ka na.

Andito na yung taong makakasama ko habang buhay,
Andito na yung taong papakasalan ko balang araw,
Andito na yung taong kasama ko bumuo ng isang pamilya,
Andito na yung taong tumupad na mayroong "Forever"
Andito na yung taong kaya akong tiisin kahit nasasaktan na siya ay patuloy pa rin akong minamahal,
Andito na yung taong tinupad ang "Tayo lang hanggang sa huli",
Andito na yung taong mahal ko,
Andito ka na.

Mahal patawad sa mga hindi ko pag alala,
Patawad sa hindi ko pag lapit,
Patawad sa hindi ko pag tiis,
Patawad sa hindi ko pag paramdam sayo na mahal kita,
Patawad sa mga katangahan ko,
Patawad sa lahat,
Hindi ko tatapusin ang tulang ito sa patawad kaya sige..

Mahal salamat dahil isa ka sa mga patuloy na sumusuporta saakin,
Salamat dahil kinaya mo akong tiisin,
Salamat dahil minahal mo ako noong mga panahon na hindi ko kayang mahalin sarili ko,
Salamat dahil lagi kang andiyan para sakin,
Salamat dahil kahit hindi tayo nag uusap ako pa rin ang mahal mo,
Salamat dahil ipinaramdam mo sakin na mahal mo ako,
Salamat dahil pinapasaya mo ako araw araw,
Salamat dahil may "TAYO".
Tanggap kita
Sisimulan ko ba ito sa umpisa ?? o sismulan ko ba ito sa huli
mag sisimula ako kung pano ko tinanggap ang mali
Kung paano ko handang itama ang mga Pagkakamali
mag sisimula ako kung pano ko inayos ang sakit lungkot at galit
Eto na ang umpisa
alam ko na ang bawat sandali ay may mali
alam ko na sa bawat salitang nilalabas ng bibig ay isang kasinungalingan
Hanggang sa isang beses inamin mo sakin
Na ayaw mo na at may mahal ka ng iba
masakit isipin na sa layo ng ating tinahak
ay susuko kana pala
lagi na lang sumasagi sa isip
bakit iniwan moko sa mundong ginawa natin
bakit binitawan moko sa gitna lungkot at saya
ngayon alam ko na ang sagot sa tanong na gumugulo sa isip
Iniwan moko kasi may mahal kana

nagdaan ang araw na luha na lamang ang aking kapiling
bote na lang ng alak ang nagpapawala ng sakit
dumating din ang araw na bumabalik ka
dahil nasaktan ka nya
nakita kitang umiiyak
sabi mo sakin na ang sakit sakit na
Di malaman ang gagawin kung yayakapin ba kita o hahayaan
di ko alam kung ano mararamdaman kung ako ba ay masasaktan o matutuwa
isa na lamang ang aking ginawa niyakap kita
at pinunasan ko ang iyong luha na sa sobrang dami ay basang basa ang damit
Tinanggap kita ng buo sa damdamin
tinanggap kita ng walang pag aalinlangan
kasi eto padin ako mahal padin kita
alam kong mahal mo pa sya
pero nandto ako kasi di kita kayang lumuluha nasasaktan at nahihirapan
kahit ilang beses mokong pagtabuyan
nandto padin ako di na muling lalayo sa piling mo

tatapusin ko ang pyesa na to
tanggap ko ang pagkakamali mo
tatapusin ko ito sa tatlong salita Mahal napatawad na kita
derailed-trains Mar 2022
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Kailan ba nagsimulang mamuo ang lamat—
ang tipak sa dingding ng panahon
Na nabuo mula sa iisang hibla
Na lumawak at nagmistula nang mga sanga ng puno ngayon

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Saan ba nagsimula ang sigalot na kahit anong gawin ay hindi ko mahanapan ng kakalásan—
Hindi matakasan ilang bukas man ang daanan
Gaya ng Ang Probinsyano sa telebisyon na inabot na ng ilang taong

Naging saksi na rin sa pag-inog ng mundo
kong patuloy man sa pag-ikot ay parang hindi naman makausad sa pag-atras
Pabalik sa nakaraan nating ayaw magparaya
Ayaw magpalimot,
Ayaw magpaawat,
Ayaw magpatawad

Nasira ko yata ang pinaplano kong 𝘢𝘳𝘳𝘢𝘯𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 sa umpisa, mahal
Gaya ng wala naman talaga tayo sa 𝘱𝘭𝘢𝘯𝘰
Ng kahit kanino sa ating dalawa
Ngunit, heto na, nangyari na
At nagkasakitan na
Nang higit pa sa kayang pasanin ng puso
At ngayon, gusto ko lang malaman:

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Ano ba ang simula ng gulo nating parang islang lulubog-lilitaw—
Paparoon at paparito, hindi makadiretso
Gaya ng mga alon na nakikipaglaro sa dalampasigan
Masaya naman tayo... 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯
Masaya naman tayo minsan
Masaya naman tayo minsan
At minsan, nakakalimutan ko ring hindi mo na nga pala ako mahal

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Masyado nang matagal
Ang paghihintay ko ng sagot sa mga tanong na paulit-ulit ko mang bigkasin
Ay hindi naririnig ng utak **** ayaw umintindi
At ng puso **** ayaw magsisi
At nakakatawang isipin na ako ang naghahabol ng kaliwanagan,
Nag-aasam ng kaayusan
Kung sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang nagkulang

Paano ko ba tatapusin ito, mahal? Sana tayo na lang ang tinapos mo matagal na.
mamatay tayong lahat sa kakornihan. i wrote this on a whim; i'm so sawry.
.
.
.
.
.
.
anyhow, sana makahanap tayo ng pagmamahal na sigurado, marunong magtimpi, marunong magpatawad, at higit sa lahat, marunong bumitaw kapag hindi na talaga kaya. because letting go is still an act of love. or, something. i don't know.
Kailanma'y hindi ako nagsawa
Hindi ako magsasawa
Na titigan ang masaya **** mga mata
Tingnan ang labi **** tumatawa
Pakinggan ang boses **** musika sa aking tainga
At tanawin ang nakabibighani **** mukha
Hindi ako magsasawa

Ilang araw man ang dumaan
Patuloy pa ring ikaw ang nasa aking isipan
Tila nga nalulusaw na ang kisame
Kakatitig ko, at ang mahahalagang bagay ay isinasantabi
Malaanan ka lamang ng oras
Kahit man lang sa isipan ko
At ang pananatili ng iyong mga bakas
Ay ang hindi mo paglisan sa puso ko
Dahil kung merong pagkasugat
Kasunod agad nito ang peklat
Na mananatiling sa aki'y nakatira
At hindi na ito mabubura

Pero mahal, hindi pa rin ako magsasawa
Hindi ako magsasawang kabisaduhin ang iyong bawat paglingon
Ang iyong mga di pagtugon

Kabisado ko na ang iyong mga galaw
Kagaya nang kung paano ko laging naaalala
Ang iyong pagtanaw
Pagtanaw mo sa akin kasabay ng iyong ngiti
Kabisado ko ang iyong mga "hindi"
Kabisado ko na kung saan kita makikita
Sa mga lugar na minsan sa aki'y naging mahalaga
Alam na alam ko kung kelan tumitibok ang aking puso
Tuwing nakikita ko ang sapatos mo
Itim at pula
Ang kulay kung saan lagi kitang naalala
Rinig ko na ang malakas na pagtibok
At agad akong nagtatago sa sulok

Hindi ako magsasawa
Magpapatuloy ako
At kahit nasasaktan ako sa mga pagbitiw mo
Oo, ramdam ko ang pagbitiw mo
Kahit pa hindi mo kailanman hinawakan ang mga kamay ko

Oo, masakit
Nasasaktan ako
Pero pasensya na, magpapatuloy pa rin ako

Lumipas ang mga buwan
Sa aking puso ka pa rin nanininirahan
Sa dami ng unos na aking naranasan
Nahihirapan akong tumahan

Hanggang sa napagtanto kong pagod na ako
Hindi ko alam kung paano nangyari ito
Biglaan nalang
Kagaya ng paglaho mo
Pagod na ako
Pagod na akong intindihin ang aking nadarama
Pagod na akong umasa
Pagod na akong maghintay sa wala
Ang umasa sa mga bagay na kailanma'y di mangyayari
Mga bagay na hindi ko mawari
Pagod na akong paniwalain ang sarili kong magugustuhan mo rin ako
Paniwalain ang sarili kong may dadalhin ka sa pagbalik mo
Pero nagkamali na naman ako
Dahil nakalimutan ko
Na hinding hindi pwedeng maging "tayo"
Dahil iba ang gusto mo
At hinding hindi mangyayaring magiging ako ang tipo mo
Dahil hindi tayo talo
Pagod na ako sa mga bagay na di pwedeng ipilit
Pagod na ako sa pagkapit ko na dati'y mahigpit
Pagod na akong kumapit
Pagod na ako sa sakit

Ngayon, gumagawa na naman ako ng tula
Para sa taong iba ang nilalaanan ng kanyang mga salita
Pero bago matapos ang tulang ito...

Pakinggan mo ako
Pakinggan mo ang bawat salitang aking sambit
Pakinggan mo ang liriko ng aking awit
Pakinggan mo ang tono ng aking tula
Damhin mo ang bawat pagbigkas ko ng mga talata
Dahil maaaring ito na ang magiging huli
Ito na ang bagay na hindi ako magsisisi
Sa huling pagkakataon, ramdamin mo ang aking pagkapit
Ramdamin mo sa huling pagkakataon ang aking bait
Dahil, sobra nang pait
Ayaw ko nang damhin
Ang mga sugat na dinulot nito
Dahil ngayon, nagdurugo ang puso ko
Habang tinitingnan ang mga sugat sa kamay ko nang dahil sa patuloy na pagkapit sa'yo
Ako lang pala ang kumakapit
Kaya tatapusin ko na
Ako'y bibitiw na
Nang sa gayo'y maging malaya ka na
Euphrosyne Mar 2020
Asa labas ng inyong bahay ako'y haharana
Lumabas ang iyong angkan ikaw nalamang ang hinihintay halina
Lumabas ka na diyan sa iyong bintana aking dalaga
At pakinggan ng mabuti ang aking aawitin kong kanta
Na naka paloob ang tamang sukat at tugma

Itong pag ibig ayokong masayang at pumanaw
Hindi naman sa nagmamadali at uhaw
Sadyang binigay lang ang simpleng babaeng mamahalin ko sino pa ba iyon kundi ikaw
Kaya't hindi na magpapaligoy pa dahil ayoko ng may kaagaw

Ito na haharanahin na kita na masarap pakinggan
Huwag kang umalis at makinig ka lamang
Pasensya kahit sintunado ako
Ang mahalaga ay payagan ako ng magulang mo at ikaw na maging tayo

Marami na naka silay nagmumuka na akong tanga
Itutuloy ko parin ang pag awit sa isang dalaga
Siya lang naman kasi ang rason ng aking pag gising tuwing umaga

Tatapusin ko ang pag harana
Sa isang napaka marikit na salita
Na tatatak sa utak nila
Na aking sinta, mahal kita.

Bawat sukat at tugma
Ng aking kanta
Ikaw ang aking inspirasyon na pinagmulan ng aking harana
Na siya naman nagtulak sa akin gawan ng tono at musika

Kaya pagdating ko sa dulo ng kanta
Sa aking hinaharana hindi ka mapapahiya
Dahil hindi ko sasayangin ang pagkakataon na magmahal ng katulad mo aking dalaga
Haharanahin kita ng mga tulang sulat ko na may sukat at tugma
Wala ka nang kailangan gawin pa dahil  sapat na sa akin ang sabihin **** allen mahal kita
Crissel Famorcan Dec 2017
Tagu - taguan, maliwanag ang buwan
Pagbilang Kong Tatlo, wala na akong nararamdaman!
Isa—
ito na Ang huling patak ng aking mga luha
At pangako di na ako muli pang magpapakita
Pagkat mahal, ika'y akin nang pinapalaya
Alam ko naman kasing napaglaruan lang tayo ng tadhana,
Minsan kasi, naglaro si kupido ng kanyang pana
At sumakto Ang araw na yun sa una nating pagkikita
Tinamaan ako,tinamaan ka rin yata?—
Mahal Ang alam ko lang kasi noon, mahal natin Ang isa't isa
At makulay Ang mundo!
Mundong binuo nating dalawa.
Bihira man Ang relasyong katulad ng sa atin,
Pero gagawin ko ang lahat wag ka lang mawala sa akin
Marami mang problema Ang ating pinagdaanan,
At sa kuwento natin marami man tayong nakalaban—
Parang senaryo sa pelikula,
maraming naki-eksena
Pero love story natin 'to at tayo Ang mga bida
Kaya't sa bandang huli,kamay mo pa rin Ang aking hawak
Masaya pa tayo't sabay na humahalakhak
Hanggang sa...
Dalawa—
Dumating siya sa buhay mo
At sa isang iglap,naitsapuwera ako!
Nalunod man ang puso sa selos
Ngunit pilit ko iyong iginapos
Pagkat relasyon nati'y gusto Ko pang maayos
At wag 'tong maputol, wag 'tong matapos.
Pero nakakapagod maghabol sa taong mabilis tumakbo,
Nagmimistula lang akong isang mumunting aso
Naghihintay kung kailan mapapansin
Naghihitay kung Kailan mamahalin
Kaya napilitan akong isuko ka,
Napilitan akong bitiwan ka
Kase una sa lahat—alam Kong sa kanya ka sasaya
Siya na Ang makakapagbigay sa iyo ng ligaya
Ng kilig,Ng mga ngiti at tawa—
Mga Bagay na bihira ko nang mamasdan
At Alam Kong sa kanya mo nalang mararamdaman
Kaya Tatlo—
Paalam.
Salitang di ko sana gustong bitiwan
Pero sadyang kinakailangan
Hindi ko man gusto na ika'y iwanan
Ngunit marahil,ito na Ang ating hangganan.
Pagod na ako mahal sana'y maintindihan
Dahil kung ipipilit ko pa'y pareho lang tayong masasaktan
Mahal kita tandaan mo yan.
Kaya Dito ko na tatapusin Ang ating kuwento,aking sinta
Ang libro ng pag-ibig nati'y akin nang isasara
Masakit man Ang ating naging pagtatapos
Siguradong sa puso ng magbabasa,ito ay tatagos
Tapos na akong magbilang ng numero
At gaya ng ipinangako ko—
Pagsapit ko ng Tatlo,
Ibibigay na kita sa kanya ng buo
Paalam.
Domina Gamboa Jan 2018
Lilingon sa kanan, lilingon sa kaliwa.
Lilingon sa itaas, lilingon sa ibaba.
Kahit saan ipako ang aking mga mata,
Alaala mo ang tangi kong nakikita.

Sa kanan- naroon ang munting librong bigay mo para sa aking kaarawan.
Sa kaliwa- may tsokolateng madalas **** ilagay sa sisidlan.
Sa itaas- nakasabit ang asul na bag, iniabot mo noong kapaskuhan.
Sa ibaba- naroon pa at nakatago mga mensaheng iyong iniwan.

Ano ba? Bakit ba? Paano ba? Ano na?
Ang daming tanong na wala namang kasagutan.
Mananatili na lang ba itong palaisipan?
O maglalakas loob akong tanungin ka?

Ano nga bang mayroon tayo para sa isa’t-isa?
Kasi ako? Nahuhulog na nga yata.
Damdamin mo’y hindi ko mawari,
Tugon mo sana ay iyo nang masabi.

Ang hirap kasing manghula.
Nagmumukha akong tanga.
Kung sabihin mo na kaya?
Ako’t ikaw ba’y may pag-asa?

Hindi ka ba napapagod sa pagtakbo sa isip ko?
Ang tagal mo na ring nakatambay dito sa aking puso.
Ilang taon na ba tayo? Isa? Dalawa? O tatlo?
Wala nga palang tayo, ang meron lang ay…ikaw at ako. ☹

Hindi ko alam kung paano tatapusin ang tula.
Kasi ang kwento natin ay 'di pa nagsisimula.
Palaisipan pa rin ito sa kabilang banda.
Bukas-makalawa, ako pa rin ay makata.
#litonglito #malabo
Anton Jun 2020
-Binibining_Enilra

nakatulala sa kawalan
malayang naglalakbay ang isipan
luha ay nagsisimula nang mag unahan
di alam kung dapat na bang punasan

bakit akoy lubusang nasasaktan?
di alam kung  ang hahantungan
tanging ikaw lang ang laman
kahit damdamin ko'y nahihirapan

Mahal,patawad ng ika'y aking nilisan
lubos ko itong pinagsisihan
di kona inisip kung ikaw ba'y masasaktan
basta't ang alam ko lang ito ang tanging paraan

simula ng umalis ka't di na nagparamdam
lubos akong nag nakakaramdam ng agam-agam
kung bakit hindi mo man lang nakuhang magpaalam

nahihirapan nakong unawain ka
lalo na yung mga panahong sayo'y balewala na
kinukulit kita ; sinusuyo
bakit tila mas lalo kang lumalayo

araw araw akong naghihintay iyong mensahe
na baka mabigyan moko ng oras na walang bayad at libre
kase alam ko hindi sayo pwede
subalit di na bale

Mahal naman kita,kaya
kaya kung magtiis para sating dalawa
kaya kung maghintay kahit gaano pa katagal
lahat ay kaya kung isugal

dahil mahal kita!

ngunit isang araw nagising ang aking diwa
nagising na may luha na saaking mga mata
naisip na baka wala na talaga
walang nang pag-asang muling magbalik ka
kung paano tayo nagsimula tulad  nung umpisa

kaya mahal , patawad!
ako na yung unang sumuko
dahil hindi kona alam kung kakayanin ko pang labanan
ang tukso
di ko na alam kung may puwang paba ako dyan sa puso mo

ngunit ng dahil sa pinaggagawa ko
mas lalo lang palang naagaw ang aking trono
mas lalo ko lang palang sinasaktan ang sarili ko
umiiyak;lumuluha
labis akong nagdurusa

dahil kasalanan konaman
kung bakit pako nag desisyon ng hindi ka kasama
labis akong nagsisi kung bakit
iniwan kita

pasensya!
pasensya kung makapal ang aking mukha
nakuha ko pang humiling
na bumalik ka sa aking piling
na baka sakaling muli kitang mahagkan
kahit sa panaginip lamang

sana'y muli **** pakinggan ang aking panalangin
bumalik ka sana sakin
at muli akong tanggapin
dahil diko na alam ang gagawin
hindi ko na alam kung paano kakayanin
kung tuluyan na nga natin itong tatapusin.

mahal patawad kung ako'y naging makasarili
inisip na baka hindi talaga tayo sa huli
patawad kung lagi akong wala sa iyong tabi
patawad kung di kona kinayang manatili

sana'y palagi **** tatandaan na mahal kita..
kahit wala na tayong dalawa

#ManunulatPH
#Repost
Crissel Famorcan Dec 2017
Tournament.
Diyan unang nagtagpo ang ating mga landas,
Ilang taon pabalik noon, at medyo matagal na rin ang lumipas
Oo, aaminin ko agad kitang natipuhan
At nabighani ako sa taglay **** kagandahan
Kaya nga pinangarap kong ika'y maging akin
At umasa akong pareho tayo ng damdamin
Pero Mali pala ako ng akala
Mali ako ng hinala
Pagkat minsan,isang araw
Sa condo ng iyong kaibigan ako'y pinadalaw
At nagulat ako sa aking nadatnan
"Set-up" pala yun! Ba't di ko naramdaman?
Simula nun di na kita kinausap
Kaya nga tila natupad Ang munti Kong pangarap
Nang minsan mo akong yayaing magtanghalian
Na siyang naging simula ng ating pag-iibigan.
Pag-iibigang Perpekto at makulay,
Hinahanap ng marami—isang pag-ibig na tunay
Pero sa isang pagkakamali ay biglang nawala
Sa mundong ito'y naglaho na tila isang bula
Oo! Kasalanan ko ang lahat !
Dahil sa iyo mahal ay hindi ako naging tapat
Patawad.
Yan Ang tangi Kong nasambit noon sayo
At salamat sa Diyos dahil tinanggap mo pa ako
Kaya't pinilit Kong maayos Ang nasira nating relasyon
Dahil Ang lokohin ka ay di ko naman intensiyon
Mahal kita! Dalhin man ako sa ibang daymensiyon
Pero di ko inaasahan— bigla kang nagbago,
Mas naging mahigpit Ang iyong pakikitungo
Umabot tayo sa puntong tila ako'y nasasakal
—puso mo'y nagdududa sa aking pagmamahal
Pakiramdam ko,  ako'y nakakadena
Pagkat Bawal Ang lahat, para akong nasa selda
Isang preso ng pag - ibig, kamay mo Ang nagsilbing rehas
Lumipas Ang isang taon— ganoon pa rin Ang dinaranas
Ako'y nag -isip-isip at ninais magpahinga
Kaya't ako'y umalis sa kanlungan mo sinta!
Hinanap Ang sarili sa kalayaan Kong natamo
Ngunit kinalaunan, akin ding napagtanto
Hindi ko kayang mabuhay kung wala ka
Malungkot ang buhay at ayokong mag-isa
Lumipas Ang araw,babalikan ka na sana
Ngunit sadyang mapaglaro Ang tadhana
Pagkat sa aking muling pagbabalik, meron ka nang iba!
Nanlumo ako at mundo'y bumagsak
Puso ko'y nadurog at nahulog sa lusak!
Sa mata Kong may hinagpis, luha ay dumanak—
Mahal! Paano na Ang bawat nating balak?
Itatapon mo lang ba iyong sa gitna ng kawalan?
At hahayaan mo akong mawala sa dagat ng kalungkutan?
Alam Kong kasalanan ko na naman ito!
Pero di ba't kagagawan mo rin 'to?
Mahal bakit ako lang Ang nagdurusa?
Bakit tila ika'y walang pakialam at hanggang ngayon ay nagsasaya?
Ganito mo lang ba tatapusin Ang ating kuwento?
O baka isa lang itong bangungot sa pagtulog ko?
Mahal pakiusap, gisingin mo ako!
Sige! Magbibilang ako!
Isa,Dalawa,Tatlo!
Teka— kulang pa yata Ang  numero,
Magbibilang ako ulit para sa iyo
Isa,Dalawa,Tatlo!
Bakit wala ka pa rin?
At sa piling niya'y nariyan ka pa din?
Mahal Hindi na ba talaga natin 'to aayusin?
Itatapon nalang Ang lahat ng pinagsamahan natin?
Pero sige! Dahil mahal kita,
Pagbibigyan ko ang nais mo sinta!
Alam Kong sa puso mo'y may iba nang nagpapasaya
At may iba nang nagpapangiti sa maganda **** mata
Kaya sige! Hahayaan kita sa kanya
Alam kong sa kanya ka sasaya
Sa kanya ka liligaya.
Pero—mahal, iyo sanang tandaan
Oras na ika'y masaktan,
Nandito lang ako para sa iyo,
Kahit na Hindi ako yung pinili ng puso mo,
Ang bisig ko'y naghihintay na maging kanlungan mo.
elea Feb 2016
Babalik ako sa kung saan tayo ay mga bata pa
Nag lalaro, tumatakbo, tumatawa
Walang iniisip na problema
At may mga ngiting walang katumbas
Na nakikita sating mukha.

Isang umaga ang hindi ko nalimutan
Yung araw na nalaman ko na ikaw ay may pag tingin pala,
Tumingin ako sayo
Napatingin sa mga ngiti mo
Na parang nakuha ang inaasam asam niyang regalo sa pasko
Habang ika'y ay bahagyang yumuko at umiiwas na makita ko
Mga mata natin ay nag tagpo
Diko alam aking sasabihin
Gusto ko itanong sayo kung bakit ako,
Ngunit walang salita ang lumalabas sa mga labi ko.

Ilang umaga ang nagdaan na palaging tumitingin sa langit at ngumingiti sa araw
Pumipikit at dinadama ito na parang na sisilaw sa angkin nitong ningning
Iniisip kung ikaw ay makikita.
Kaya't dali daling papasok sa eskwela
Tingin doon, tingin dito
"Nasan ka ba" ang tatlong salita na laging sinasambit tuwing hinahanap ka.

Tuwing tayo ay nag kakasalubong
Parang may kuryente na sa katawan ko'y tumatakbo.
Ngingiti tayo sa isa't isa
Na parang mga batang binigyan ng sorbetes
At natuwa sa kung gaano ito katamis.

Tatapusin ko na itong tula na aking ginawa
Ito nga pala ang isa sa magagandang bagay na nangyari saking pag kabata.
Limang taon na ang nakalipas .
May mga tao talaga sating pag kabata na minsan tayong pinasaya.
"Crush" isang salita pero mapapangiti ka ng abot tenga.
-pbwf-
Pipin Oct 2017
Hindi ko alam kung saan sisimulan
Kung paano tatapusin itong aking liham
Ni hindi ko alam kung kakayanin ko pa
Ang salitang "pamamaalam".

Hindi ko alam kung mababasa mo pa to.
Hindi ko rin alam kung naririnig mo pa ko.
Kung kaya pa bang mabasa ng mga mata mo
at marinig ng mga tenga mo
ang nais kong sabihin para sa'yo.

Maraming mga alaala ang iyong iniwan
Maraming pangako ang hindi na masusulyapan
Mga bagay na dati'y pangkakapitan
Ngayo'y bibitawan na sa iyong paglisan.

Gayunpaman, maraming salamat
Hindi ko man masasabi dito sa’yo ang lahat
Pero Mahal na mahal kita at yun ay tapat…
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko

hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko

paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko

...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko

"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?

at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan

pero bakit?

kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?

"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"

mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na

akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap

nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula

kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan

alam ko...

alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang

at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"

masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.
012917

Ginising mo ako ng iyong mga salita -- mga salitang sabi mo'y di mo pa kayang ikatha.

Ako'y hinihele ng bawat malalambing na mga talata -- mga talatang bumuo sa kauna-unahan **** piyesa.

Sana'y hindi ka mapagod sa paghabi ng mga salita. Sana'y di ka mapagod sa paghihintay. Sana'y di ka mapagod hanggang sa masilayan kitang muli at oo, alam kong ang babalikan ko'y pag-ibig ang siyang pagbati.

Gigisingin kita gamit ang puso ko -- pusong itinaya ko para lamang sayo -- pusong makapaghihintay sayo. At hindi ko alam kung paano tatapusin to -- pagkat **pag tungkol sayo'y di alam ang pagsuyo.
Tugon sa piyesang "Alas Kwatro na Pala"
leeannejjang Mar 2020
bibitaw ako sa unang araw ng marso.
hindi dahil sa hindi na kita mahal,
ito ay dahil napagod na ang puso ko
napagod na itong magantay sa iyo.

bibitaw ako sa una araw ng marso,
pakiramdam ko ako ay isa studyante magtatapos sa kolehiyo
pero dito ang istorya natin  na kahit kailan ay hindi na masisimulan ang tatapusin ko.

bibitaw ako sa unang araw ng marso,
madaming buwan ang lumipas,
kumapit ako sa pagasa mapapansin mo ako.
mga araw na hinintay ko ang mga sagot mo
mga araw na napuyat ako kakaisip sa iyo.

bibitaw ako sa unang araw ng marso
at ang araw na iyon ay ngayon.
George Andres Dec 2016
Nakalimot ako
Kung paanong magsulat
Ng isang akdang pampanitikan
Hindi ko na muli alam kung papaanong
Sisimulan o tatapusin o hahabiin
Ang kalagitnaan ng walang katapusang salita
Nakalimot ako
Naubusan ako ng tinta dahil
Nagmahal yata ng iba
Wala na akong papel sa buhay mo
O sa ibang taong
Taon-taon na lamang sa simula ng taon
Pinangarap kong makasama upang makita ang mga lumilipad na parol
Nakalimot ako
Sa nagdaang taon
Paano ko nga ba ikinulong ang sarili sa isang kahon
Nanatili roon ng mahabang panahon
Nagdugo ng mga letra para sa kanyang patron
Paano?
Paano ko naalala ang maliliit na bagay na nagdulot ng hapdi
At ibaling iyon sa papel na akala ko ay mayroon ako
Nakalimot akong kalimutan ka at ang iyong alaalang wala naman talaga
Kasi diba?
Hindi naman tayo magkakilala
Nakalimot ako kung sino ka
Isang taong hindi ko na nais kilalanin pa.
maligayang bagong taon
Aira G Manalo Feb 2017
Paano kunwari kung ayaw ko na
Na isiping paano kung ayaw mo na
Paano kunwari kung gusto mo na
Na limutin ang lahat ng gusto ko pa

Paano kunwari kung hindi na ako
Ako na noo'y laman ng panaginip mo
Paano kunwari kung hindi na ikaw
Ang iibig sa akin sa habambuhay

Paano kunwari kung tatapusin mo na
Ang minsa'y pangakong tayong dalawa
Paano kunwari kung gusto ko pa
Ang pag-ibig na ngayo'y ayaw mo na
theblndskr Mar 2016
?
"Minsan ba naisip mo na,
Baka ikaw lang?"

Taon ang binilang
Tila walang kasagutan.
Aking tatapusin,
Sa isang walang hangganan.

"Ako'y mananatiling ako at
Ika'y mananatiling ikaw."
. . .
Joe Feb 2020
Hanggang dito nalang.
Dito ko na tatapusin ang lahat
Ngunit ito palang ang aking panimula
Wala nang paligoy ligoy pa.

Ito na ang pagkakataon
Para masabi kong
Tapos na
Wala na
Suko na
Ayawan na

Hanggang dito nalang
Yung saya na meron tayo
Yung lungkot na siyang nagbunga kung bakit hanggang dito nalang
Yung sakit na pilit pinagagaling
Yung pusong durog, wasak at nanghihina, ngunit pilit pinalalakas

Hanggang dito nalang
Wala nang atrasan pa
Ito na ang huli
Wala nang balikan pa

Hanggang dito nalang
Lahat ng karanasan
Maganda man o hindi
Dito na magtatapos ang lahat

Hanggang dito nalang
Hindi na magpapaawat pa
Wala nang bawian
Wala na.

Hanggang dito nalang
Lahat ng sakit
Lahat ng poot
Lahat ng sugat
Sa puso
Tapos na.
Wala na
Suko na
Ayawan na
Dahil hanggang dito nalang.
Gothboy Feb 2020
Hinayaan ang sariling anurin nang oras
Hinayaan ang puso mag hilom ang butas
Hinahayaan ko nalang sarili ko
wala din naman may pake
Paka hulog nalang sa bangin
paka lunod sa dagat
masakit iwan lamat
parang nag luhod sa asin

Gustong harapin ang problema
pero baka di pwedi
Ang problema kasi ang sarili

Lulutasin sana
Tatapusin sa isang bala

Inom nang lason sana isahaan akoy bulagta
ikakamatay palang lason yung lason na salita

Salitang binitawan
mga tao sa paligid
Di ko maiwasan
mga taong mapili

Mga perpekto
Gustong itama matagal nang tama
kunting mali mo lang
masakit na salita sayo tatama

Kaya mas mabuti pang patayin mabilisan saksak O baril sa mukha
kesa patayin dahan dahan sa masamang salita.
Gabriel Black Nov 2018
Ba’t siya pa?
Ba’t hindi nalang iba ?
Ba’t sa kanya kopa to nadama
Jusko ayoko na tama na

Ginawa kona ang lahat
Pero hindi pa pala sapat
Alam ko namang sa pag ibig mo ako’y di karapat dapat,
Pero sana naman wag mokong iwan at ituring na parang kalat

Kasi kahit na ganito
May pinag samahan naman tayo,
Diba naging matalik na kaibigan moko?
Pero bakit ganito?

Mga ginawa koba’y kulang?
Oh sadyang manhid ka lang?
Andito ako nag pupumilit na mapansin mo
Pero ang atensyon mo naka tuon sa ibang tao

Di pa tapos ang tula kong ito
Andami ko pang mga bagay na gustong itanong sayo
Katulad ng bakit siya? At hindi nalang ako?
Ba’t mo pa pinadama na parang minahal mo ako?

Ganon parin pala
Sa huli ako parin pala ang talo
Nagwagi siya sa paligsahang ito
Siya ang taong binigyan ng ganting pala

Siguro kasalan ko din to
Dapat pala natuto nako
Dapat na kita ko na ang mali ko sa simula palang nito
Di pa sana nadurog tong puso ko

Dito kona tatapusin to
Alam ko na iba ang mahal mo
Kaya ako’y gigising na sa panaginip nato
At kusang lalayo na sa inyo
First ko po tong upload. Be gentle po sakin
Ito po ay dinidekada ko sa pinaka matalik kong kaibigan na sa huli ay inibig ko

— The End —