Pagpasensyahan mo na ko,
hindi ako sanay sa mga yakap at lambing
bago kita makilala, nakakahiya mang aminin
ang pagdampi ng mga labi at ang init ng mga yapos
ay alam ko lamang sa salita, sa bawat paglipat ko sa panibagong pahina ng mga aklat kong minamahal.
Mas masarap pala sa totoong buhay.
Dahil konkreto ka,
ang iyong mga mata ay hindi lamang habi ng aking kaisipan
at ang iyong mga salita ay hindi akin.
Totoo ka.
Masarap pala sa pakiramdam ang paglapat ng dalawang katawan,
dahil kahit kailan hindi ako naging komportable sa paglubog ng kama sa aking likudan
alam ko din na ayoko ng bigat ng ibang braso sa aking baywang
pero noong unang gabi na nakapatong ang ating mga ulo sa iisang unan
at ako’y tila bihag sa braso **** kulungan
Napatanong ako sa aking sarili “Ganito ba ang tahanan?”
Pero mahirap din kapag nakatikim ka ng ginhawa,
nakalimutan ko na tayo nga pala’y dalawa
at ito ay hindi lamang para sa akin.
Ang kalayaang kong pumili ay taglay mo din
Hindi mo nga pala utang ang mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa akin
at malaya ka.
Malaya kang tanggalin ang pagkabuhol ng ating mga daliri
Dahil hindi iisa ang ating mga kamay
at hindi din tayo iisa ng kaisipan.
Posible nga pala na magkaiba ang bilis ng daloy ng dugo at ritimo ng bawat tibok
Kaya naiintindihan ko at pagpasensyahan mo ako.
Masyado lang akong uhaw sa pagmamahal.
Sa tagal na panahon na pinagkait ko sa sarili ko,
sa pamamagitan mo, kaya ko nang tumingin sa salamin
at hindi makaramdam ng galit na sa tuwing umaga
meron pa ding hininga,
meron pa ding pagtaas at pagbaba ng dibdib.
Masarap palang huminga at ayoko lang ng tikim.