Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Euphoria Jan 2017
Hindi ikaw ang aking mundo.
Ikaw ay parte lamang ng aking kwento.

Hindi ikaw ang kalawakan.
Ikaw, tayo, kahit pagkakaibigan ay may hangganan.

Hindi ikaw ang buwan
Na nagbibigay liwanag sa aking karimlan

Hindi ako isang puno
Na aasa, mananatili, at maghihintay na mapansin mo.

Ang mga sugat na dulot ng ating mga sala
Ay hindi maghihilom basta- basta

...

Kaya ako na  ang hihinto, lalayo,
Ang magsasara ng pinto.
Ako na ang susunog ng tulay,
Ang puputol ng nag-uugnay.

Ako na ang bibitaw
Sa pagkakaibigang nasira ng pagmamahal na nag-uumapaw,
Ng bugso ng damdamin,
Ng tukso at mga tinagong saloobin.

Hindi naman maayos
Ang hindi sinusubukang i-ayos.

Kaya tama na nga siguro
Ito na ang dulo ng kayang tanggapin ng puso ko.

Paalam na sa mga tanong na kailanma'y hindi na masasagot,
Sa puso kong puno ng takot
Sa paglisan at pagbitaw
Hanggang sa ikaw na mismo ang umayaw.

Paalam na sa mga pangakong napako,
Sa mga katagang "walang magbabago",
Sa mga salitang binitawan
Ngunit hindi mo napanindigan.

Paalam na sa titulong "matalik na magkaibigan."

Paalam na sa lumabong pagkakaibigan,
Sa mga hinanakit at hindi pagkakaintindihan.

Paalam na sa sakit at pait
Na dala ng pag-ibig na hindi maaaring ipilit.

Paalam na sa labing-apat na taon.
Masasakit na alaala'y aking ibabaon.
Iiwan ka na sa nakaraan.
Papalayain ang sarili sa gapos ng nagdaan.

Sa pagiging estranghero nagsimula,
Estranghero rin akong lilisan.*
Ito na ang huli kong paalam.

-41-
This is the last poem I'll write for you for we will never have our goodbye. We were connected in a level unknown to us. We understood without words. Thanks for the memories.
Eugene Aug 2017
"Hoy! Bata! Magpapakamatay ka ba?"

"Magpapakamatay ka nga e. Buhay nga naman o!"

"Sigurado ka na ba sa gagawin mo, bata? May maghahahanap ba sa iyo kapag nawala ka? May magluluksa ba sa bangkay mo kapag namatay ka?"

"Bata ka pa. Alam kong marami ka pang pangarap sa buhay mo. Kung may magulang ka pa at mga kapatid, sana naiisip mo rin sila. Sana mararamdaman mo rin ang mararamdaman nila kapag nalaman nilang magtatangka kang magpakamatay. Isipin mo bata."

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay wala ng nagmamahal sa iyo, sige.. ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Sige, bata. Mauna na ako. Advance rest in peace."

Dinig na dinig ko pa ang paghampas ng malalakas na alon sa baybayin nang mga sandaling iyon. Naalala ko pang nababasa na rin ang aking mukha sa bawat tubig-alat na dumadampi sa akin noong mga panahong tinangka kong magpakamatay.

Gusto kong wakasan ang aking buhay.
Gusto kong malunod.
Gusto kong tangayin ng mga alon ang aking katawan.
Gusto kong mapuno ng tubig-alat ang aking ilong at bunganga hanggang sa mawalan na ako ng hininga at unti-unting bumulusok pailalim sa kailaliman ng dagat.

Ngunit... ang salitang binitiwan ng isang taong iyon ang nagsilbing leksiyon sa akin na pahalagahan pa ang aking buhay at ang mga taong nagmahal sa akin.

"Kung desidido ka na at sa isip mo ay walang nagmamahal sa iyo, sige, ituloy mo ang pagpapakamatay mo. Basta iyong pakatandaan na sa bawat yugto ng ating buhay, minsan lang tayo binigyan ng pagkakataong itama ang kung ano mang pagkakamaling nagawa natin. Wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal."

Noon, akala ko ang pagpapakamatay ang solusyon upang takasan ko ang dagok sa aking buhay. Nawalan ako ng tunay na ina. Namatayan ako ng ama. Pinagmalupitan ako ng aking madrasta. Hindi ako minahal ng mga kapatid ko sa ama. Kaya naglayas ako at napadpad sa baybaying dagat at doon ay naisipan ko na lamang na magpatiwakal.

Nawalan man ako ng magulang pero alam kung may nagmamahal pa rin sa akin. Hindi ko sila kadugo pero lagi silang nariyan para palakasin ang loob ko. Sila ang mga tinatawag kong mga kaibigan.
Pagkatapos ng nangyari noong pagtatangka ko ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Sa tulong ng aking mga kaibigan ay nagtagumpay akong maging masaya.

Hindi ako nag-iisa. Tinulungan din nila akong magbalik-loob sa Diyos. Ang mga nagawa nila ay isang napakalaking biyaya sa akin.

"Kung sa tingin mo ay hindi mo na kaya, magsabi ka lang. Kaming bahala sa iyo," naalala kong sabi ni Jem.

"Kaibigan mo kami. Huwag kang mahiyang magkuwento sa amin. Promise, makikinig kami," pag-aalo sa akin noon ni Jinky.

"Hindi lang ikaw ang may pinakamabigat na suliranin sa mundo, Igan. May mas mabigat pa sa pinagdaraanan mo. Tiwala lang na makakayanan mo ang lahat," kumpiyansa namang wika ni Kuya Ryan.

"Kalimutan mo ang mga bagay na nagpapadagdag lang ng kalungkutan diyan sa puso mo. Tandaan mo, ang Diyos ay laging nakaakbay sa iyo. Nandito ako. Narito kaming mga kaibigan mo. Tutulungan ka naming bumangon," nakangiting saad ni Charm.

"Huwag ka na ulit magtangkang magpakalunod sa dagat ha? Kapag ginawa mo ulit iyon, kami na ang lulunod sa iyo. Ha-ha. Biro lang. Lakasan mo ang loob mo. Hindi ka nag-iisa," ang loko-lokong wika ni Otep.

Sa tuwing maalala ko ang mga kataga at salitang galing sa mga tunay kong kaibigan, panatag palagi ang loob ko na hindi ko na uulitin ang nangyaring iyon sa buhay ko. Papahalagahan ko ang hiram na buhay na ipinagkaloob sa akin ng Maykapal. Gagawin ko ang lahat upang maging masaya.

Narito ako ngayon sa Manila Bay at naglalakad-lakad. Gusto ko lang sariwain ang mga alaalang naging tulay noon upang pahalagahan ang buhay ko ngayon. Hindi man lamang ako nakapagpasalamat sa taong sumaway sa akin noon. Kung may pagkakataong makita ko man siya ay taos-puso akong magpapasalamat sa kaniya.

Pinagmasdan ko ang karagatan. Wala pang isang minuto akong naroon ay may nahagip ng mga mata ako ang isang babae na dumaan sa harapan ko. Patungo siya sa mabatong bahagi. Tila wala siya sa kaniyang sarili.

Nilingon ko ang paligid. Wala man lamang nakapansin sa kaniya. At wala ngang masyadong tao na naroon nang mga oras na iyon.

Mukhang magpapakamatay yata siya. Alam ko ang eksenang ito. Kung dati ako ang nasa posisyon niya, ngayon naman ay ang babaeng ito. At dahil ayokong may mangyaring masama sa kaniya, ako naman ngayon ang gagawa ng paraan para matulungan siya.

"Miss, magpapakamatay ka ba?" hindi niya ako nilingon.

"Magpapakamatay ka nga. Sigurado ka na ba sa gagawin mo?" lumingon siya sa akin at kitang-kita ko ang luhaan niyang mukha.

"Alam ba ng pamilya mo ang gagawin mo? Alam mo ba ang mararamdaman ng ina at ama mo kapag nawala ka? Sa tingin mo ba ay tama ang gagawin mo?" nakita kong napabuntong-hininga siya na tila nag-iisip sa mga ibinabatong tanong ko.

"Napagdaanan ko na rin iyan at diyan din mismo sa mga batong iyan ako dapat na magpapakamatay. Pero... hindi ko itinuloy. Alam mo ba kung bakit?" tumingin siya sa gawi ko at nagtama ang aming paningin. Parehong nangungusap.

"Ba-bakit?" nauutal niyang tanong sa akin.

"Bakit? Dahil wala tayong karapatang wakasan ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Ang buhay natin ay mahalaga. Sana maisip mo iyon. Hindi pa huli ang lahat para itama ang mga bagay na sa tingin mo ay mali o nagawa mo. Hiram lamang ang buhay natin. Magtiwala ka, Miss. Mahal tayo ng Panginoon. Mahal niya ang buhay natin. At alam kong mahal mo rin ang buhay mo," iyon ang mga huling katagang binitiwan ko saka ako tumalikod sa kaniya.

Hindi pa man ako nakakahakbang ay narinig kong tinawag niya ako. At nang lumingon ako ay bigla na lamang niya akong niyakap.

**

Ang pangalan niya ay Yssa at siya lang naman ang babaeng tinulungan ko tatlong buwan na ang nakararaan. Siya lang naman ngayon ang kasintahan ko. Pareho kaming nagtangkang wakasan ang aming buhay, ngunit pareho din naming napagtantong hiram lamang ito at dapat na mahalin namin. Sinong mag-aakala na kami ang magkakatuluyan sa huli?
KRRW Nov 2018
Unang gabi sa huling sandali
Nag-aagaw ang ilaw at dilim
Katahimika'y namamayani.


Nakatayo sa gilid ng bangin
Isang hakbang tungo sa libingan
Nakapikit ngunit nakatingin.


Sumilip ang buwan sa kalangitan
Hudyat ng katapusan ng duyog
Tuluyang bumukas ang pintuan.


Lumiyab ang bawat alikabok
Mga alitaptap na dumadapo
Sa bawat sugat nangingimasok.


Buhok ay nagsimulang lumago
Sabay sa pag-ikli ng hininga
Nagpupumiglas sa bawat pulso.


Isang bulaklak na bumubuka
Dugo at ginto ang tanging dilig
Usbong sa hungkag at tuyong lupa.


Buto at laman ay nanginginig
Balat ay nagsimulang uminit
Halik ng apoy sa pulang tubig.


Umuungol sa bawat pagpunit
Likuran na may bagong pasanin
Ngipin na sukdulang nagngangalit.


Nakalutang sa payak na hangin
Kamay ang nagsisilbing kandila
Maglalakbay sa tulay na itim.


Isang sulyap bago kumawala
Ibinuka ang pakpak na pilak
Huling yugto ng pakikidigma.
Written
11 November 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
JSL Dec 2014
Pag-ibig nga bang tunay
Na siyang magbibigay tulay
Nitong pusong hindi makatawid
Sa masaklap na ala-alang kanyang ipinahid.
KRRW Aug 2018
Hindi na natapos ang bagyo
At muling bubuhos ang ulan
Hindi na natapos ang araw
Hanggang masunog ang kalangitan.


Walang patid ang hangin
Lahat ng bagay ay kayang liparin
Rumaragasa ang tubig
Ngunit walang luhang kayang pawiin.


Hinahanap pa rin ang umaga
Kahit tanghali ay lipas na
Hinahanap pa rin ang liwanag
Humupa man ang sakuna.


Gumuguho pa rin ang lupa
Tinatabunan ang nakaraan
Gumuguho pa rin ang bundok
Gumuguho rin ang kapatagan
Gumuguho ang mga burol
Gumuguho ang mapupurol
Matalim man ay guguho rin
Pasusukuin ng suliranin.


Gumuguho ang lahat
Gumuguho sa bandang huli.


Hindi na natapos ang pagkawasak
Bumabagsak ang tulay na puno ng bitak.


Hindi na natapos ang paglisan.
Basa pa ang libingan,
May ihahatid muli sa himlayan.


Hindi na natapos ang unos
Delubyo sa gitna ng buhawi
Lindol sa gitna ng tagtuyot
Hinagpis sa gitna ng pagkamuhi.


Panaghoy sa dulo ng pagkasawi.


Dito na lang ako sa lilim
Kung saan nag-aagaw ang liwanag at dilim
Magkukubli sa isang sulok
Hanggang lamunin ng alikabok.


Hindi na natapos ang gabi
At tumigil ang orasan
Hindi pa tapos ang bagyo
Ay bumubuhos muli ang ulan.
Written
12 August 2018


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.

Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.

Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.

Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.

Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.

Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.

Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.

Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.

Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.

Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.
Nagsimula ang lahat sa kanta
Sa kanta na nagsilbing tulay sa'ting dalawa
Na parang tubig at langis-
Sa wakas nagsama

'Di inakala na magkakaganito
Dahil wala naman talagang pagtingin sayo
Ni hindi nakitang magiging magkaibigan
Hanggang nagkaroon ng tiyansang baka pwede ng walang hanggan

Walang hanggan na paguusap
Walang hanggang pagtatawanan
Walang hanggang pagiintindi ng mga
Tingin na hindi alam kung ano ang sinasabi

Pero tila takot parin
Ang pusong napagod sa mga sakit
Na idinulot ng mundong mapait
Takot makaramdam, tumibok

Sumubok ng bagay na hindi sigurado kung saan patungo
Na baka isa na namang patibong
Na kukulong sa isip kong lunod na lunod na
Sa mga kathang isip at imahinasyon

Kaya hanggang dito na lang muna siguro
Pipigilan ang mga ilusyon at delusyon
Na sisimilan na namang gawin ng puso
Para kahit hindi matupad ang salitang "tayo"
Mananatili parin akong buo kahit papaano
MarLove Jun 2020
AKING TULA

Para lang sayo aking ginawang tula
Na aking tulay sayo lang nakatalaga
Na ikaw lang ang pinaghugutan nang aking sigla
Na ang bawat linya sayo lang tanging nakalaan

Mga salita ay sayoy pinagmulan
Itoy hindi malabas sa isipan
Kung sayoy walang nararamdaman
Ikaw ang tanging inspirasyon nang aking puso at isipan

Ang bawat nakasulat na titik
Ay sa puso nakaukit
Mga tulang sinulat
Tanging sayo lang sinta inuulat

Mga matatamis na salita
Ang tanging handog sayo aking sinta
Mga tulang ginawa
Sayo lang iaalay na puno nang diwa

Sa bawat araw nais kong ipadama
Na sa lalim nang nararamdaman
Sa tula ay gustong idaan
Maipahiwatig ko lang ang pag-ibig na sayoy nakalaan

Kay sarap sa pakiramdam
Kung akoy makabuo nang isang talata
Na ito ay nakalathala
At tanging sayo lang ibabalita

Nais palagi na sayong paggising
Mabasa mo ang nararamdamang lambing
Na itoy nagmula sa kaibuturan nang aking damdamin
At pagmamahal mo lang tangi kong hiling

Sanay laging magustuhan
Tulang sayo lang nilaan
Sanay sa pagbasa nang bawat salita
Maramdaman mo ganu kita kamahal aking sinta
At Aking tulay ay para lang sayo nilikha💋😘
Ang edukasyon ay kayamanan na Hindi mananakaw ng sinuman. Napakahalaga ng edukasyon dahil dito nakasalalay ang ating kinabukasan.                                                    
      Nasabi ko ito dahil sa panahon ngayon, karamihang natatanggap sa trabao ay ang mga nakapagtapos sa pag-aaral at ang trabahong ito ay nagsisilbing tulay tungo sa kanyang kaunlaran pati na rin sa pakikipagsabayan sa agos ng buhay.
      Ang edukasyon ay susi sa pag-unlad upang makamit ang pag-unlad na ipinamamana ng ating sarili. Ito ang pundasyon natin upang makaahon sa kahirapan tungo sa tuluy-tuloy na kanlaran at kasaganahan na inaasam-asam natin at ng ating mahal na bayan.
      Ang edukasyon ay sadyang mahalaga sa lahat, noon hanggang ngayon. Ito ang pinakamatibay na pundasyon ng isang tao. Ito rin ang maaari naging dalhin saanman rayo pumunta at walang sinumang makaaagaw into sa atin.
Eugene Jul 2018
"Tell me, have you ever known one man that never made mistakes in his entire life? Tell me?" hindi ko maiwasang hindi itanong sa kaniya ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng aking puso.

Nanatili lang siyang tahimik. Wala akong makitang kahit na katiting na emosyon mula sa kaniyang mga mata. Nagawa pa nga niyang balewalain ang tanong ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lamang niya ako tingnan.

"I need you to see the worst part of me and this is what I am aiming to you right now. Hindi mo ba nakikita kung gaano ako ngayon nasasaktan sa harapan mo, Rheka?"

Hindi ko gustong ilabas ang saloobin ko sa kaniya pagkat sobra akong nasasaktan sa bawat mga salitang binibitiwan ko.

"Hindi pa ba sapat ang mga nagawa kong 'perfect' things sa iyo?" muli akong nagpakawala ng tanong sa kaniya. At sa wakas ay kusang nagkaroon ng sariling isip ang kaniyang dila.

"You have everything a woman will die for, Forester. Those perfect things you showed to me; travel around the world, walking on one of the most beautiful beaches in the Pacific, eating at the most expensive restaurants, and spending time alone were not enough. We were married for 10 long years, but you have never fulfilled my lifelong wish and that's to conceive a child, Forester."

Natulala ako at naurong ang aking dila sa mga salitang lumabas sa bibig niya. Ang buong akala ko ay masayang-masaya na siya dahil lahat ng pangangailangan niya ay naibibigay ko maging ang mga luho niya ay napupunan ko.

"It is not enough to spend one day, once a week, once a month, twice or three times a year spending your time with me. They are all not enough. Hindi sa akin umiikot ang buhay mo kundi sa trabaho mo! Sampung taon, Forester! At sa sampung taong iyon ay puro ka na lamang trabaho, business appointment, at kontrata sa bawat kliyenteng naipapasa mo. Nasaan ako roon sa mga prayoridad mo?" pinilit kong huwag kumurap sa kaniyang susunod na sasabihin.

"I am ending this relationship. I'm leaving..." tinalikuran na niya ako. Napako ako sa kinatatayuan ko pero maagap kong nahawakan ang kaniyang kaliwang braso pero iwinakli niya lamang ito at nagmamadaling lumabas.

Nang unti-unti nang lumalabo ang aking paningin ay doon na bumuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

Ilang beses kong ipinaintindi sa kaniya mula nang maging kami at nang maging mag-asawa na siya ang prayoridad ko. Sa kaniya at para sa bubuuin naming anak ang lahat ng ginagawa ko. Hindi siya nakapaghintay.

Oo, aaminin kong may mali ako dahil kulang ang oras na inilalaan ko sa kaniya at ang kagustuhan niyang magkaroon kami ng anak ay hindi lingid sa kaalaman ko. Gustong-gusto kong sabihin iyon lahat sa kaniya, ngunit ayaw niya akong pakinggan. Sa tuwing nagkakaroon ako ng oras ay sinisigurado kong naroon ako sa tabi niya.

I have always updated her on my whereabouts and what I am doing because I don't want her to realize that she's not my priority. I even cancelled my appointment and rush into her to save her from danger.

Sinubukan kong tawagan siya nang makailang ulit hanggang sa umabot ito sa sampung missed calls pero pinapatayan niya lamang ako. I even texted her just to explain it to her, but I never recieve a response.

What else can I do? Do I have to end this?



After almost a week calling and texting her, I decided to go to her family house. Gabi na nang makarating ako sa kanila. Alam kong naroon lang siya. Pababa pa lang ako ng kotse nang makita kong lumabas siya at hila-hila ang malaking maleta.

"Please, Rheka. Let me explain. Mali ang iniisip **** hindi kita prayoridad... na wala ka sa prayoridad ko."

Iwinawakli niya ang mga kamay ko. Naipasok na niya sa likuran ng kotse ang bagahe niya pero hindi niya pa rin ako kinakausap.

Panay ang wakli niya sa mga kamay ko. Kitang-kita ko kung paano siya mairita.

"LEAVE ME ALONE! From now on, I want you to stay away from my life! Stay away!"

Kahit naiipit na ang mga kamay ko ng pintuan ng sasakyan ay umasa pa rin akong makikinig siya akin pero wala. Wala na akong nagawa kundi ang hayaan siya. Pinaharurot na niya ang sasakyan at ako naman ay naiwang nakatulala.

What else can I do? I was aiming at her heart to forgive me, but its like I'm shooting with a broken arrow.

I went back to my car. Tuliro at basta-basta na lamang pinaharurot ito nang mabilis. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na tumigil sa isang mahabang tulay. Lumabas ako at nagkaroon ng sariling pag-iisip ang aking mga paang umakyat sa tulay na iyon.

With arms wide open while tears running down my face, I jump off the bridge.

Nang unti-unting pumailalim ang katawan ko ay naaaninag ko ang isang puting liwanag na may nakakasisilaw na mga pakpak. Nang imulat ko ang aking mga mata ay naramdaman ko ang pagaspas ng dalawang pakpak sa aking likuran at ako ay inangat mula sa kailaliman ng karagatan.

--Wakas---
binuwag ng sariling bigat
uusal ng dasal na ang tanging hiling ay pumanaw.

Hindi ito ang buhay at hindi ito
ang pamumuhay.

Kung dito sa lupa ay aangat, anong wika
ang isasalin sa laman kung pagal na?

     Turuan mo akong dumaan nang walang
iniiwanang labi kundi misteryo na inimbak

sa pagtiwalag sa bawat sandali. Sa ilalim ng
bawat tulay na ginagawa ng winiwikang salita

ay isang kontrata: hindi nang luluha pa
  at kung pumikit ay panibagong mundo ang

tatambad. Sasalubungin ito sa pamamagitan ng
isang paanyaya at kung makitang muli ay pakakawalan

ang kapit sa sarili. Tatantusan ang bawat kinauupuan
at itatala ang mga natutunan. Paham ang liham ng pagtitipon

at kung hindi sinipot ay sadyang isang malaking kakulangan.
Walang ibang transaksyon kundi ang palitan ng salitang

maghuhugis-kamay, hahaplos sa bawat tigib na parte,
ililikas ang katawang hapo sa paulit-ulit na katanungan

nang pagiging mortal at lalakipan nang panibagong saysay.
Umigkas palayo at bagtasin ang bagong mundo:

ang tao kung ilalaan sa tao at pakikinggan ay bubuong muli
  ng katiyakang panandalian sa payak na panahon:

hanggat tayo’y naglalakad pasulong, tayo’y gagawa’t gagawa
     ng tulay.
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig
Elizabeth Oct 2015
Araw araw ako'y naglalakbay
Sa jeepney at tryk, nakasakay
Madalas naglalakad sa tulay
Nakasilong sa dahong makukulay

Nang dumilat ang ulap at nagmasid
Aral sa buhay ko'y dumarami
Bilang ng tao at hilaw na kapatid
Ako'y saksi sa kanilang pasanin

Matatandang panot, hayop na pilay
Batang walang saplot, naka-bitay
Babaeng may sanggol na alay
Kumakatok, nanlilimos ng karamay

Binuksan nila ang mga mata ko
Sa katotohanang pilit tinatago
Mga bangungot sa bawat kanto
Nabubulunan sa hiram na piso

Sa bawa't yapak ng aking lakbay
Dama ang kayamanan ng tao
Higit pa sa laman ng aking bulsa
Ang gintong binuo sa katauhan ko

*Taya!
Paano kaya?

Mahal ko ang pilipinas. Sobra.
Mahal ko ang bansang aking kinalakhan.
Mahal ko ang aking pinanggalingan. Kung saan ako nag aral, san tumira, saan nagsisimba. Kung saan naliligo, umiihi, tumatae, Mahal ko!

Pero paano ko kaya matatanggap ang nangyayari sa aking bansa?
Paano ko kaya tatanggapin ang mga basura sa daan.
Ang mga binebentang damit na sinuot muna nila.
Ang mga piniritong fish ball na kahapon pa ang mantika.

Paano kaya?

Sa jeep, na para na kayong sardinas na pinagkasya sa isang lata.
Sa lrt, natumaas man ang bayad. Dama mo parin ang mga pagong na kumikilos at mga amoy na gugustuhin mo na lang amuyin.
Sa paaralan, titiisin ang sira sirang mga silid aralan para sa pangarap na mahirap abutin.

Paano kaya?
Sa pilipiling lugar, na kapag nakakita ng umiilaw na iphone ay parang hokage na mabilis na mang aagaw.
Sa ilalim ng tulay, kapag napadaan kay makikita ang pamilyang walang makain na nakahiga sa kamang matigas at ngunit hindi mabigat dalhin kung saan saan.

Paano kaya?
Ang mga kalsadang pinipilit tapusin kahit mas una pang tinapos ang perang inilaan ng sang katauhan.

Paano kaya?
Ang mga taong halos mamatay sa pagod na tila butas ang bulsa at hindi malagyan ng laman.

Paano kaya?
Sinubukan kong alamin kung saan ito nagsimula. Kung sino ang gumawa? Kung kailan? Kung paano? Kung bakit nandito?
Hanggang napatunayan ko, na kahit ganito ang tinuturi kong bansa.
Alam kong katangi tangi parin ito.

Hindi man kami tulad ng iniisip nyong bansa.
Ang bansang ito ang pinaka mapagmahal ra lahat.

Kayang makipag kaibigan sa kahit sinong tao. Kayang umintindi ng kapwa. marunong makisama. Mapagbigay.

Higit sa lahat sa kabila ng mga nangyayari sa amin, kahit wala nang kakainin, kahit nag aaway na kayo, kahit madami ng problema at  kahit may taning na ang buhay.

MASAYA pa rin. Ang mga ngiti, galak, at tuwang ito ang hindi nila matutumbasan ng iba.
Rhon Epino Apr 2018
Pag ibig
Kanya-kanyang depinisyon
Kanya-kanyang eksplinasyon
Isang uri ng salamangka
Na makakapagpapabago ng lahat
Makapagbibigay ng dapat at sapat
Pero hindi lahat ng dapat ay kailangang maging sapat
Dahil kailanman ay hindi naging sapat ang lahat
Maghahangad ng iba
Maghahanap ng ibang kasama
Pero gayunpaman ay wag kalilimutan
Na ang pag ibig ay pag ibig parin
Kahit ito pa ay paiba-ibahin
O kaya nama’y balibaliktarin
Bawasan mo man o buuin
Pag ibig parin

Pag ibig
Ito ang tuwa sa isang libo **** luha
Isang porsyento sa ilang daang libo
Ito ang kahulugan sa bawat salita ng diksyonaryo
Ito ang nagbibigay pag-asa sa bawat gising mo
Ito ang magtuturo sayo
Na ang sakit at pait ay hindi bagay na dapat **** katakutan
Hindi bagay na dapat **** sukuan
O kaya nama’y dapat **** kalimutan
Dahil ang pag ibig ay ang lakas sa bawat paghina
Ang kagustuhang tumayo sa bawat pagsuko
Ang pagsulong sa bawat pag urong
Ang simula sa bawat katapusan
At ang katapusan sa bawat simula
Dahil ang katapusan ay hindi masama
Ito ang simbolo ng tagumpay
Ang simula ng simula

Pag ibig
Ang magbibigay ng sagot sa bawat tanong
Sa ano, bakit at paano
Ang pupuno sa bawat kakulangan mo
Pupunan ang pangangailangan mo
Ito ang tulay sa bawat pagitan
Malakas, matibay, mapagkakatiwalaan
Sapagkat ang pusong puno ng pag ibig
Ay malakas, matibay at mapagkakatiwalaan
Ito ang magkumukunikta sa dalawang magkaibang mundo
Kahit na sino at kahit na ano
Kahit na ano pa ang kasarian mo
O kahit na ano pang kinabibilangan mo
Sasagipin ka nito sa pagkalunod
Sa pag iisa
Sa mga panahong akala mo’y wala ka nang kasama
O kaya nama’y kinalimutan ka na
Yayakapin ka
At nang hindi manlamig at mamanhid ang iyong kaluluwa

Pag ibig
Di ka nito huhusgahan
Tatanggapin ka kahit ano ka man
Dahil kailanman ay wala itong batayan
Kahit ano pa man ang iyong pinaniniwalaan
Dahil pag ibig lang ang may konsepto ng pagtanggap
Pag unawa at walang halong pagpapanggap
Ito ay puro at dalisay
Hindi pinapahina ng panahon
At sa halip ay lalo pang pinapatibay
Ito ay mas malakas pa sa bawat pagsubok
Mas mataas pa sa pinakamatarik na bundok

Pag ibig
Ito ang produkto ng konseptong positibo
ng pluma at panulat
Ng tuno at liriko
Ng imahinasyon
Ng respeto at pagpapahalaga
Umibig at ibigin
Sabihin kung ano ang laman ng damdamin

Sayo, ano ang pag ibig?
TJLC Apr 2015
Mahirap na kung mahirap
Kahit sa simpleng bagay, mahahanap mo ang mahirap
Ang mas mahirap pa,
Hindi
Mo
Maintindihan
Kung bakit mahirap.

Mahirap na kung mahirap
Alam mo ba na
Mahirap
Magkaroon ng
isang tulay na
Wala
namang kabilang pwedeng daanan?

Mahirap na kung mahirap
Hindi rin kasi pakiramdam
Kundi isang pagtitiwala
Sa
Isang
Bagay
Na kahit anong gawin mo
Hindi. Mangyayari.
Kung ikaw lang ang
gagalaw.
Herena Rosas Aug 2021
I
Siya ang laman ng bawat taludtod
Ang sining ng pag- ibig na binuod
Salitang matalinhagang ibinuklod

Siya ang tugma na 'sing rikit ng bulaklak
Ang obra na katumbas ay hindi tiyak

II
Siya ang gabay ng mga manlalakbay
Ang kinang niya ay walang kapantay
Liwanag niya'y nagbibigay buhay

Bawat hibla niya'y walang kamatayan
Siya'y nagniningning sa kalangitan

Siya ang tala
Ang tulay ng mga ala-ala
You are valuable and loved!
kingjay Jan 2019
Paghinga'y humihina at
ang pagngiti ay may kasama ng luha
Ang pagsinta'y kinaiinggitan ng langit
bagaman hindi mapalad

Pagdurugo'y ayaw na tumigil
Ang kapanglawan sa loob ay naghari
Nanirahan sa anino ng bukid - sa dilim
Nag-alala sa di humuhugpong tulay

Sinlamig ng nyebe sa taglamig
Sa kaginawan nagiging yelo ang tubig
At ang temperatura'y bumababa pa sa sero
Gaya ng pagpanaog ng bahaghari sa magkabilang dulo

Tulad ng malinaw na batis
at ng talon na masiyahin
nag-uugnay sa damdamin - pag-ibig na hindi kailanman naangkin at
naalagaan para bumalong

Nang ito'y hindi na maitiklop
upang maisilid sa mumunting lalagyan,
humihibik sa tuwing gabi
Ang inuusal ay mahal na lakambini
limang sintido'y binihag
Taltoy Jun 2018
Sa lumbay at lungkot,
Sa mga panahong nababalot ng poot,
Sa mga panahong tahimik ang 'king mundo,
Sa mga panahong malalim ang iniisip ko.

Hinahanap-hanap ka,
Sa iyong mga piyesa,
Ngunit hindi ko na mahagilap,
Mga tulang sa akin unang yumakap.

Yakap na kay sarap,
Yakap na hinahanap-hanap,
Yakap na puno ng kalinga,
Yakap na sa aki'y nagpadama.

Bakit, bakit nawala?
Sa isang iglap, bigla-bigla,
Anong nangyari?
Sa manunulat na sa aki'y natatangi.

Sanay maabot ng aking mga salita,
Maging tulay ang aking mga tula,
At sa iyong lumbay, madama sana ang kalinga ko,
Dahil ako naman ang yayakap sa'yo.
:(
Sa atubangan sa balay
Kita nagtagboay
Nagkita sa ilalom sa tulay
Didto ta nagdinasmagay
Ug didto gipatay
Hing uli nag-agaay

Pila kabulan ang hing labay
Kitang duha nag-iponay
Sud-an permi ang kamunggay
Hinay-hinay wa nay timplahay
Ug kitang duha nagpinistihay
Mas maayo pang magpinatyanay

Naguol si tatay
Kay giuli ko nimo sa balay
Sugod ato wa nata nag-ambatanay
Puro na ta bungulanay
Gawas sa siplatay
Ako nagmahay-mahay

Wa dyud nasayop si nanay
Mas maayo pa ang magbunlay
Naay matanom bisan gamay
Kaming tanan mangalipay
Kaysa sa mangilay
Kay naay katagbo sa tulay

Ako diay si Badiday
Apelido ko Diniay
Isog pagka pinay
Di kabalo mo tagay
Ang kusog mo kiay
Sa mga problemang lumalabay
Claudee Mar 2017
Paano ba simulan ang isang tula?
O dapat ba ito'y hayaang ilapat ng tadhana.
Tulad ng isang gabing mahiwagang
May simula kahit di sinimulan, magkakawakas nang di winawakasan.

Kung saan sana'y di na nagtitigan kasing lalim ng kalawakan
Di na nagtawanan sa gitna ng Univ. Ave.
Mumunting pigurang di umiilag sa sasakyan
Ngunit patuloy ang pagbangga sa isa't isa.

Kung saan sana'y di na hinawakan itong kamay
Kung sa pagbitaw, mas matinding kapasuan.
At sa mata ng buwan, sa baba ng tulay sa Philcoa
Di na sana hinagkan na parang tayo'y sa isa't isa.

Paano nga ba sinisimulan ang isang tula?
Bakit ito'y mahirap kumpara sa pagwawakas?
Maaaring madaliin pag nais na
O basta na lang iwan sa kalagitnaan.

Pero ang mga tula, ay mga marka.
Itatago ko't babalik-balikan
Parang noong gabing tayo'y naglalakad
At andiyan ka pa.
02/08/17
Mister J Sep 2017
‘Heto na naman tayo’t nagbabangayan
Parating nagtatapat na magkabilang panig
Sinusubukang amuhin ang galit na nadarama
Pinipilit ayusin ang matagal nang nasira
Nandiyan ka na naman sa iyong sulok
Hindi mapigilang umiyak at magmukmok
Ako nama’y nandito sa kabilang dako
Pinupulot ang mga bubog na iyong binato

Ang mga sugat na matagal nang naghilom
Muli na namang binuksan ng mga sakit ng kahapon
Bakit pa ba natin binabalikan ang nakaraan?
Ang gusto ko lang naman ay ang ‘tayo’ ng kasalukuyan
Ngunit sa bawat titig na iyong binibitawan
Para bang ramdam mo pa rin ang sakit na ako ang pinagmulan?
Ano pa ba ang dapat kong gawin?
Para tuluyan mo na akong patawarin?

Isang patawad na paulit-ulit na lang sinasambit
Isang patawad na matagal na dapat pumawi ng galit
Ngunit sadyang ganon yata talaga ang tindi ng sakit
Kung kaya’t ang pagsusumamo ay dadahan-dahanin at ‘di na ipipilit
Mula sa nakalalasong relasyon ika’y aking pinalalaya
Sige na’t humayo ka, bumangon at humanap ng ikasasaya
Mahirap para sa akin na ika’y bitiwan na parang wala
Ngunit ito’y ginawa dahil kahit ganon ay mahal pa rin kita

Isang rason lang ang aking sasabihin
Isang rason na sana’y di mo limutin
Sa pagdating ng tamang oras sana ako’y maalala mo rin
At ang pag-ibig na pinanghahawakan ang maging tulay para ika’y bumalik sa akin
First ever Tagalog poem. First time writing in my native language. I'm pretty much nervous but I hope it's well-received. :)
JOJO C PINCA Nov 2017
“You live but once; you might as well be amusing.”
― Coco Chanel

Sabi sa kanta ni Freddie Aguilar “Habang May Buhay May Pag-Asang Matatanaw” subalit ang pag-asa ay hindi lang dapat na tinatanaw mas mainam kung ito’y ating kukunin at ilalagay sa ‘ting mga kamay. Ang pag-asa ay laging kumakaway kahit tayo ay nasa dilim. Tumawid man tayo sa magkabilang bangin o kahit na hampasin pa tayo ng malakas na hangin, hindi dapat mawala sa ating paningin ang pag-asa na nagniningning. Ganito natin dapat harapin ang buhay kahit ang hirap ay sapin-sapin. Minsan lang tayo mabubuhay at ang buhay ay parang isang tulay na pagkahaba-haba man ay may hangganan din. Subalit mahaba man ito o maiiksi marami tayong haharapin, mga bagay-bagay at mga pangyayari na hindi natin maiiwasan. Mga damdamin na kahit iwasan, pilit ka nitong hahatakin pabalik sa kung saan ang mga ala-ala ay masasakit. Wala kang kawala kailangan na harapin mo ang mga ito. May mga nagbabagang karanasan na hindi mo gugustuhin na balikan pero kailangan mo munang harapin bago mo ito malampasan. Hindi parehas ang buhay, oo, tama yan, gago lang ang naniniwala na Life is Fair. Subalit wala kang choice kailangan mo harapin ang kawalang katarungan nang buhay. Walang dapat na masayang na sandali sapagkat isang araw ang mundong ito’y ating lilisanin. Gawi’ng kaakit-akit at marikit ang buhay kahit masakit.
Jun Lit Nov 2018
Ang buhay ay paglalakbay
At nang minsang nakasabay
Kaagad kang umalalay -
Kapwa tulong ating pakay.

Kulisap ng karunungan,
Naging susi ng samahan,
Naging tulay na ugnayan -
Agham na para sa bayan.

Sa iyo aming kaibigan,
Salamat ay walang hanggan.
Ngalan mo’y kaligayahan
Hindi makakalimutan.
Dedicated to the memory of the late Dr. Jocelyn "Joy" E. Eusebio. "Dalit" is a a style of poetry that flourished early in the Tagalog Region of the Philippines, where each stanza is composed of four rhyming lines, each line with eight syllables. "Pasalamat" [or pasasalamat] roughly means thanking or thankful. Rough translation:
Poem of Thankfulness -
Life is a trek, a long journey
Once, in same lap and step, were we
Your big helping hand was ready -
To serve was what we both did see.

The knowledge that insects inspired
Became the key to friendship fired
Served as the bridge linking and wired -
Science that serves people, aspired.

To you our dear departed friend,
Our thanks to you, forever spend.
You are Joy, joy you did extend
We won't forget you till no end.
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
Lev Rosario Aug 2021
At pinaligiran ko ang sarili
Ng mga tula't kantang mabulaklak
Upang makalimot

At naligo ako sa ulan
Balot sa paborito kong damit
Para makawala

Kahapon, sinubukan
kong yakapin ang aking anino
At halikan ang mga kaibigang kathang isip

Kahapon, sinunog ko
Ang aking mga tula't
Itinapon ang mga sulat ng aking girlfriend

Tunay nga na ako'y walang kuwenta
Walang patutunguhan
At walang maaasahan
Sisisid ako sa dagat ng aking imahinasyon
At sa ilalim ng mga tulay iiglip
Roanne Manio Dec 2019
Siguro nga'y tayo lamang
ang mga tao sa mundo,
at ang mga ilaw sa daan ay disenyo lamang
ng mga 'di nakikitang kamay,
ang matamis na boses na nanggagaling sa kahon
ay likha lamang ng ating mga isip,
at ang mga katanungang pumupuno sa katahimikan
ay guniguni na dulot ng magdamag.

Ang puwang ba na pumapagitna ay tulay
o dingding?
Ang dilim ba'y bunga ng gabi o dahil
pareho tayong nakapikit?

Malabo ang lansangan sa likod ng salamin
ngunit ngayon, sa bulang ito,
lahat ay malinaw, totoo.
127 / 1223 / 1228 / 101 / 111 / 112
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
Lovely Seravanes Oct 2019
ano nga ba ang salitang two timer para sau.
Diba once na marinig mo ang salitang two timer,maiisip mo agad..

-ah sila ung mga taong di makuntento sa isa
-ung meron na pero diparin sapat para sa
knila
-ung di parin sila fullfilled
-ung gusto nla mas maging masaya pa sila

Dba ansaya nila!
-sobrang saya nilang makapanakit ng iba
-sobrang galing humabi ng mga pekeng pangako.

Ano asan na?
-aun biglang napako
-diba ang hrap nun pinako na
-pinako nya dahil peke

Peke
-pekeng mga salita mula sa mapanlinlang niyang mga labi
Salita
-mga salitang tumino sa utak at tumatak sa puso mo
-mga salitang ngbigay inspirasyon
at pag-asa para mangarap

Pangarap
-mga pangarap nasa isang iglap mawawasak lng pla
Alam mo kung bakit?
Dahil ang dating pangarap na binuo niyo noon,ay tinutupad na niya.

Dba ansaya?
Pero alam mo bang masakit?
Bakit?
-oo tinupad niya un pero hindi na ikaw ang kasama
-tinupad na niya sa piling ng iba
Sa piling ng iba
kung saan naging mas masaya xa

Dahil bakit?
-ang pag ibig nya sau ay parang bucket
-isang bucket ng yelo
-na tumunaw ng lahat ng pinangarap niyo
mga pangarap na ngayo'y pangarap na nila
Masakit!
Pero lagi **** tatandaan,lahat ng sakit na dinadanas mo ngaun
ay siyang maging tulay at ugat
upang makarating ka sa liwanag
liwanag ng Diyos

Diyos na naging mitsa
para ilayo ka sa maling tao
Na di nararapat sa busilak **** puso

Busilak na puso,na makakatagpo pa ng isang taong,magmamahal sau ng totoo
na siyang tutupad ng mga pangakong
Minsa'y napako dahil sa
maling tao.

maling na tao na siyang magiging para matagpuan mo ang siyang tamang nakalaan para sayo..
Pipin Oct 2017
Nung una pa lang alam ko na
Pero ako'y nagbubulag-bulagan pa
Dinadaya ang sarili para sa isa
Sinasaktan ang sarili para sa kanya

Nung una pa lang alam ko na
Nang makita ko ang kanyang mga mata
Tila ba naglalakad ng mag-isa
Sa walang katapusang tulay, umaasa

Nung una pa lang alam ko na
Nang ang labi nya ay nanlamig na
Wala na ang dating pagsasama
Ang dating punung-puno ng tuwa at saya

Habangbuhay na nanatili sa nakaraan
Pilit pinagsisiksikan kung ano lang ang alam
Ang bumitaw sa tadhana para ilaan
Ang mga natitirang dahilan para lumaban
Walang katapusang paniniwala...
Edgel Escomen Oct 2017
Alam mo mahal na yata kita
Hindi ko lang masabi ng direkta
Tumibok ang puso ko ng una kitang makita
Kung saan may sakit pa akong nadarama.

Minsan kailangan din nating bigyang pansin
Ang mga bagay bagay na dapat naisin
Ang puwang sa puso dapat punuin
Ng makamtan ang saya kay sarap damhin.

Sana alam mo ang laman ng aking puso
Puro pangalan mo ang sigaw nito
Ngunit hindi ko kayang sabihin sa iyo
Sapagkat ang mundo ko'y umiikot nahihilo

Sana ang tulang ito magsilbing gabay
Ng ang damdamin ko sa iyo maialay
Bukas sa paggising makita ko na ang tulay
Sa pagitan ng habing ito ikaw ang patunay.
Para sa mga taong takot mareject

— The End —