Minsan sa buhay natin,
kahit alam natin na tag-araw,
may iilang ambon o ulan na sa buhay nati'y dadalaw.
Sa pagdating at sa pagbuhos ng ulan,
May ilan naghahanap na punong masisilungan,
ngunit di katagalan - sila'y mababasa't tuluyang mauulanan,
pagkat di kaya ng mga sanga't dahon na saluin ang buhos ng ulan.
May mga nakahandang armas na payong naman ang iba,
ngunit mababasa naman ang kanilang mga binti't paa,
na kung minsan sinasabayan ng malakas na hangin,
na ang mga payong nila'y kayang liparin o sirain.
Ang iba nama'y sa pagbuhos ng ulan - nagagalak,
may parang lasenggerong tumitingala, sinasalo, sumashot na parang alak,
may mga batang masayang naglalaro habang naliligo,
na kung minsan nagtatampisaw sa mga inaipong ulan sa estero.
Kung ako ang 'yong tatanungin, ang ulan nakatalaga sa bawat tao,
Na kahit anong iwas mo - darating at darating ito sayo.
ang mga patak nito'y sadyang maliliit -
kapag ito'y patuloy na bumuhos, kung minsan ito'y mabigat at masakit.
Kaya ang tanong ko sayo aking kapatid,
Saan ka dito sa aking mga nabanggit?
Na sa unang pagpatak ng ulan sa iyong bumbunan,
Ano ang iyong gagawin at naiisip na paraan?