Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
M Apr 2018
Lumipas ang labindalawang taon
Nang tayo'y huling nag-kasama
Ako'y nilayuan, iniwasan
Dahil akala mo ay gusto kita

Ngunit kaibigan lamang
Ang pag tinigin sa isa't isa
Oo't ikaw ang huwaran
Sa bawat lalaking hinangaan

Hindi nasagi sa isip kailan man
Na ang tunay na mithi ay ikaw pala
Kaya't siguro nga, tama ka
Tama na ikaw ay lumayo at lumisan

Ako'y umibig sa isang tsinito
At ika'y nabighani ng haponesa
Nagkaroon ng sariling mundo
Mga kasintahan ang siyang naging pruweba

Mula elementarya at kolehiyo
Patuloy akong umasa at nag tanto
Kung ang ating mga destino
Ay muling magtatagpo

Sa loob ng labindalawang taon
Ikaw ay may mahal paring iba
Malapit man sa'kin, ika'y malayo parin
O giliw, hanggang pangarap na lang ba?
Jor Sep 2016
I. Kilig
Unang kita ko palang sa'yo—
Gusto na kita maging parte ng buhay ko
Sinong hindi kikiligin sa tuwing
Ngumingiti ka rin,
Sa tuwing ngumingiti ako sa'yo.

II. Kaba
Sa tuwing kakausapin kita,
Nauutal ako.
Nagbubuhol-buhol ang mga salita—
Na enensayo ko pa kaninang umaga.
Kasi araw na ‘to ipagtatapat ko na—
Ang tunay kong nadarama.

III. Saya
Dahil sa wakas nasabi ko na!
Hindi ko akalain na pareho ating nadarama.
Sinong hindi sasaya?
Kapag nabigyan ka ng perbilehiyong—
Magkaroon ng “tayo” sa pagitan ng
Dating “ikaw” at “ako” lamang.

IV. Galak
Alam ng Diyos kung gaano nagagalak
Sa tuwing magtatagpo ang mga mata.
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Sa tuwing hahawakan ko ang kamay mo.
Sa tuwing magkausap tayo magdamag
Alam ng Diyos kung gaano ako nagagalak
Nung simula kang maging parte ng mundo ko.

V. Inis
Naramdaman ko rin ang inis
Sa tuwing binabalewala mo ako,
Sa tuwing iba ang kasama mo,
At hindi ko namamalayang
Nagseselos na pala ako.

VI. Pangamba
Nangangamba ako,
Sa tuwing aalis ka ng walang permiso.
Sa tuwing hindi ko alam kung sino kasama mo.
Nangangamba ako,
Sa anong pwedeng gawin mo—
Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagtatalo.

VII. Takot
Takot ako na magsawa ka sa gaya ko.
Takot ako na baka makahanap ka ng iba
Yung kayang higitan ang isang tulad ko.
Takot na baka isang araw—
Hindi na ako ang iyong mahal mo.

VIII. Lungkot
Madalas malumbay na gabi ko.
Sabik na sabik ako —
Sa mga yakap mo,
Sa mga dampi ng mga halik mo,
Sa mga magagaan na haplos sa ulo ko.
At sa mga gabing natatakot ako.
Gusto ko lang na nandirito ka sa tabi ko.

IX. Pangungulila
Dumaraan ang mga araw, linggo at buwan
Na wala ka nang oras sa akin,
Gusto sana kitang puntahan
Ngunit alam kong—
Na mas importante ka pang gagawin.
Naiintindihan ko naman
Pero anong magagawa ko?
Nangungulila ako sa’yo.
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Katryna Mar 2018
Walang salitang “sayang”

Hindi tayo sayang,
Dahil may mga panahon na tayo lang ang nakakaintindi sa isat-isa.
Hindi alintana ang alingawngaw na dala ng lipunan,
Mga bibig na hindi magkamayan sa pagtutol.

Hindi sayang ang mga panahong sabay nating tinahak ang mundo
imbes pakanan ang ikot ay mas pinili natin ang pakaliwa.

Hindi natin nasayang ang mga oras ng katahimikan,
dahil sabay natin itong sinalin sa musika at sabay nating sinayaw ang tugtog ng ating mga puso.

Sabay nating niyakap ang kahinaan ng bawat isa,
nagsilbi tayong lakas na kayang pumawi ng panghihinang hatid ng mga mapangahas na hamon.

Walang lakad na nasayang,
dahil sabay nating hinakbang ang ating mga paa patungo sa di malamang dito, doon, d’yan at kung saan man.

Walang takot na naramdaman dahil sabay nating sinilip ang kung anong merong hatid ang kabilang daigdig.

Walang sayang,
Kahit sabay nating kinumpas ang ating mga kamay upang magpaalam.

Walang sayang.

Dahil sa mga oras na iyon alam natin,
ang kabilang mundo ay pansamantala lamang.

Alam natin na ang mundo ay iikot muli sa atin,
at sa pangalawang pagkakataon.

Magtatagpo tayong muli,

Hanggang sa susunod nating pagkikita.

Paalam. ­­­­
2 months from now, your getting married. With this, Our time will no longer be timeless. - Kimi No Nawa
052716

Sining ang hampas, kumpas ng sandali.
Artikulo ng Langit, kristal ang pagbahagi.
Luha ni Katipan, sasayuri't iigibin.
Sisikat ang Araw,
Pagsusumamo, kanyang babawiin.

Kanyang pagbango'y
Siya ring pagkitil ng mga buhay.
Siya'y saklob ng bughaw na kumot,
Sinta'y haharanain ng paglimot.

Aakmaan ng tono ang pagtinging hindi lihim,
Maglalaro ng bangka't eroplano,
Magsasabuyan ng tubig na kumikislap,
Maghihintay bagkus hindi magtatagpo.
Papunta kami ng Snake Island kanina, napatingin ako sa dagat at na-amaze sa reflection ng langit. Sumagi sa isip ko na parang kumot ang dagat kaso lang hindi pupwedeng bumangon kasi mamamatay ang mga yamang dagat. Para silang lovers ng langit na kailanma'y di magtatagpo. Masisilayan lamang ang isa't isa pero masakit na alaala na lamang.
Mahal kita ngunit pagkakatao'y naiwala
Pagsinta sa iyo lamang ay isasatula
Pag ibig ko sayo'y di na maipadarama
Mainit na yakap mo'y di na     makikilala

Haplos at pagmamahal mo'y di mararanasan
Pagsintang laan sayo'y di nabawasan
Kalinga mo'y siyang hinahanap
"Tayo" na hindi naganap

Sana, Kung sana Lang nagawang makilala ka nang mas maaga
May pagsisdlan ba pantasya Kong pariwala?
Pangarap na sing layo ng mga tala?

Pag asang nilamon ng duda
Pag aming di inakala
Parehong dinarama
Pagsintang walang angkla

Ngunit hanggang saan nga ba
Pagtula't pagtitig sayo mula sa malayo
Mga barumbadong pahayag mo'y totoo sa inakala
Pangarap na kelanma'y di na lalago

Sana nga'y totoo
Sa Diyos ay nagsumamo
Ngunit huli na ang lahat
Pagpasok mo sa seminaryo ba'y dapat?

Ano nga ba't sa huli'y kung tayo rin
Lumuhod man ang mga tala sa munggo't asin
Landas nati'y muli ring magtatagpo
Kapalaran man sa ati'y makipaglaro
VJ BRIONES Jul 2017
siguro magtatagpo ulit tayo kapag tayo ay handa na para sa isat'isa
hindi...
mali...
tangina ng linyang yun!
minahal kita ng buong buo gamit ang tangina kong puso pero hindi mo manlang ako minahal
ginamot ko ang sarili ko
kahit ngayon ginagamot ko pa
at gagamutin ko bukas
at gagamutin ko sa isang araw
hanggang sa isang linggo
sa susunod na buwan
hanggang sa isang taon
gagamutin kopa ang sarili ko
at gagamutin ko pa habang nabubuhay pa ako


kaya pakiusap...
mga tatlong taon
bago matapos ang ngayon
kung magkita man tayong dalawa
sa tambayan na dati tayong magkasama
ay sana wag ka nang lang lumapit
ilalabas ang apoy sa iyong pagbati ng "kamusta"
sisindihan ang pag-ibig na sumunog sa aking pusong natusta
na ginawang abo ng iyong pagmamahal
wag ka nalang lumapit...
ipagpatuloy mo lang ang iyong paglakad kung saan ka man papunta


iniwan mo ako nung sabi ko "teka lang"
iniwan mo ako nung sinabi kong "pahinga muna"
humiling ako ng panandaliang paghinto
sa giyera ng ating mga puso
dahil sa walang tigil nating pagaaway
na ikaw ay biglang bibitaw dahil sa simpleng bagay
iniwan mo ako nung sinabi kong "sandali lang"
iniwan mo ako nung sinabi kong "itigil na natin"
napagod sa pagtakbo sa paghabol sa nauunang hindi naghintay
sumuko sa batuhan ng ako ang tama at ikaw ay mali
-
-


kahit kailan hindi ka magiging sapat para sa akin
kahit kailan hindi mo magagamot ang nasirang ako
ang nawasak na pag-ibig
ang nawalang pagmamahal
kahit kailan hindi na mababalik ang dati
kahit kailan hindi mo mapapapoy ang abo
hindi mo maaalis ang sakit na pinagdaanan nito
hindi mo matatanggal ang pilat na naging sanhi mo
maitatago mo lang ito
magpapanggap na hindi nangyare ito
lolokohin ang sarili


pakiusap lang..
papakawalan na kita
na ito ay hindi panandalian
na ito ay panghanggang dulo
papakawalan na kita
na ito ay hindi biro
na ito ay totoo
na ito ay ang katotohanang palagi **** isusuka
pasensya na mahal..


para sa iyo binigay ko ang lahat
alam ko hindi pa yun sapat
pero ginago mo ako
kaya nagbago na ako
kaya pakiusap..
wag mo nang gamitin ang oras
hindi makakalimutang ang dilim ng nakalipas
hindi mapapaltan ng bagong memorya ang masamang ala-ala
hindi tayo magiging handa para sa isat isa
hindi tayo para sa isat isa
isa kang magandang halimbawa
na kailan man hindi ko matututunang paghandaan
kung pwede lang ibalik ang nakaraan
ikaw ay aking tatanggihan
Pearly Whites Jul 2012
Kung sakaling ikaw ay magbalik,
huwag mag-atubiling hanapin ako.
Hindi kita aabalahin, hindi ako sabik
na buksan muli ang matagal nang sarado.

Bumisita ka sa amin,
kumatok sa pinto at mag-abang.
Kapag hindi ka agad papasukin,
dumungaw sa bintana, makikitang ako'y narito lang.

Maaaring hindi ko lamang narinig
ang katok **** nag-aalinlangan.
****-usap, huwag hayaang manaig
ang dudang tatlong taong napag-ipunan.

Huwag mag-alala, sumisilip pa naman ako
paminsan-minsan kung may tao sa labas.
Hindi kita malimutan, hanggang ngayo'y sigurado
ako na balang-araw magtatagpo ang ating landas.

Kapag magkasalubong ang ating sulyap
at tayo'y muling sapian ng pagnanasa,
kimkimin muna natin, idaan sa yakap
pag-isipan kung handa nang muling magtaya.

Anumang daan ang tahakin,
pag-ibig nati'y walang kupas
Nag-iiba ng anyo, ngunit nariyan pa rin,
mas naititiyak pa sa pagdating ng bukas.

Kung sakaling hindi ka magbalik,
sisikapin kong maghanap sa'yo.
Aabalahin kita, dahil ako'y sabik
na mapagsaluhan natin ang mundo.
(Sadyang may mga araw na ramdam **** makapaghihintay ka nang kahit gaano pang katagal.)

And hey, I suddenly felt like translating this as well. I apologize, it's lost the rhyme. Here it is:


If ever you return,
don't hesitate to look for me.
I won't bother you, I'm not desperate
to rekindle the spent flame.

Visit my home,
knock at the door and wait.
If no one lets you in right away,
peer through the window, you'll see me there.

Maybe I just didn't hear
your knocks that sound uncertain.
Please, don't allow yourself to be controlled
by three years of collected doubt.

Don't worry, I still look outside
sometimes to see if there are visitors.
I can't forget you, 'til now I believe
that one day our fates shall intertwine.

When our eyes finally meet
and we are taken over by desire,
could we control our urges?
We should ponder if we're ready to take this risk again.

Whichever way we choose,
our love shall not fade
It changes form but remains nonetheless,
this is more definite than tommorow.

If you don't ever come back,
I won't hesitate to look for you.
It may be bothersome, but I can't wait
for us to share the world again.
112615

Sa kwadradong hawla
Doon nagsipagtirapa ang bawat paslit
Sila'y mistulang sabik sa yakap ng Ina,
Pagkat kalinga'y hindi maupos-upos na kandila.

Minsan sila'y naging malaya,
Si Inay nga pala, siyang nagpaubaya
Tila martir ang minsang naging paslit,
Pag-asa nila'y sa alikabok na sinisipa.

Bagkus ang Inang siyang nagsaplot sa kanila,
Nilisan at hinayaang maibigkis, walang kasarinlan.
At doon sa iisang hawla'y magtatagpo muli,
Sa bentelasyon, sila'y may kakaunting sandali.

Tunay ngang ang paslit ay magiging Ina rin,
Oras niya ngayong kabiyak sa salamin.
Iniwang Ina'y may ikalawang henerasyon,
Sa kanila nama'y may namutawing leksyon.
(Sabi ng Engineer namin, lahat ng sisiw, iiwan din ang nanay nila. Sa una, sunud-sunuran, pero tama nga siya. At matira matibay pa ang labanan.)

7:36 AM
Hawak ko ang tintang bilang ang kulay
Pero di pa ganoon kabihasa,
Di gaya Mo.

Posibleng maiguhit ko ang langit
Pero paiba-iba ang istilo nito
Nagbabagong bihis ang ulap
Pagkat hinihihipan siya ng hangin.

Kukuha ako ng litrato
Para lamang makuha ang detalyadong anyo
At saka ko titingnang muli
Unang tingin, pangalawa, pangatlo
Ako'y nabibighani.

Maaaring magaya ko ang mukha
Pero pag ako'y titingala't sisilip
Hindi rin pala magtatagpo sa iginuhit.

Itatapon ko ang lahat
Maging mga mamahaling kagamitan
Pagkat hindi abot-langit
Itong istilong tila pangmakasarili
Hindi pasado sa panlasa ****
Panglangit din ang batayan.

Ako'y bilib Sayo
Pagkat sa pagsuyod ng panaho'y
Hindi Mo nauulit ang larawan ng langit
Panibago araw-araw,
Mula ulo hanggang paa nito.
Walang kupas, walang katulad
Gaya Mo, Eksperto sa Larangan ng Sining.

Ako'y mapaluluhod, sasayad sa lupa
Ihahain ang palad
Hanggang sa kalyo na ang mga ito
Pagkat ginagamit Mo na,
Gamit na gamit Mo.

Hindi Ka napapagod sa paghalo ng kulay
May lungkot at saya ang timpla
Pahiwatig mo'y ganyan ang buhay,
Pabagu-bago ang, Ikaw lang hindi.
At markado Mo ang araw,
Saulado Mo ang lahat,
Pagkat Ikaw ang Tagalikha
Oo, Ikaw, Ama.

Gusto kong magmana Sayo,
Sa guhit **** hindi ko makuha-kuha,
Sa istilo **** walang katulad,
Pagkat iba ang Iyong paningin,
Iba ang pag kumilos ang Iyong mga kamay,
Lahat kayang hulmahin, lahat kayang baguhin.
At ako'y isang hanging bula,
Maglalaho't liliparin ng bukas,
Bagkus ang bukas ay habambuhay Sayo,
Salamat sa matamis na kahapon, ngayon at bukas.
Random Guy Mar 2021
bibilis at babagal

ang oras at ang tempo
ang paghinga at ang paggalaw
ang tibok ng aking puso

bibilis at babagal

maging ang mga salita
maging ang mga hakbang

papalapit ng papalapit
ang ating mga tadhana
ang ating mga landas

dalawang bagyong magtatagpo
upang bumuo ng isang kalmadong relasyon
mapanuya
na hindi kailanman nila makuha

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng busina ng sasakyan
ilang metro ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng nagkukwentuhang lasing
ilang hakbang lang ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng sipol ng hangin
nagbabanta ng paparating na ulan

sasayaw sa kabila
ng mapanirang tadhana
na posibleng isa sa ating ang mapilay
o mapahiya
dahil hindi na makasabay
sa ritmo at giling
sa musikang dala ng tadhana

patayin ang musika
kagaya ng pagpatay sa nararamdaman
hindi na ulit ako sasayaw
kung hindi ikaw ang kasama
kingjay Aug 2019
At sisimulan sa pag ani
ng mga ala ala
Magtatagpo sana sa dalampasigan  kung saan dumadampi ang mahalumigmig na hangin
Dapuwa hindi giginawin

Nakatalukbong ang isang binibini
Mga kanyang  salita'y tumaktak sa wari
Sapagkat hindi maisabi
O hirang hindi kailanman naging makasarili
Ang pag ibig minsan kailangan bumaba ang Hari

At ganap na  hari sa luklukan
Walang makapagpapatalsik ni anumang may buhay
Wala rin isinilang sa mundong ibabaw
ang makapagpahabag

Ngunit ito ba'y kahantungan ng lahat
Ang pinalad na maging reyna ibang palasyo binagtas
Magdiwang na ang lahat
Ano ba ang magagawa sa Maharlikang angkan

Ngayon ay tumatanda kasabay ng panahon
At naging kadena ang mga matamis na kahapon
Ang samyo ng bukid ay parang usok na sanhi ng pagkahika't hapo
derek Jan 2016
Paano ko kalilimutan ang taong hindi naging akin?
Mayroon bang off-switch na pwede kong pindutin?
Gusto kong sabihin sa sarili ko "tama na! huwag ka na umasa!"
Pero bakit nasa larawan mo pa rin ang aking mga mata?

Paano ko kalilimutan ang matang hindi ako tinignan?
Mga matang mapupungay at kaysarap pagmasdan
Kung pwede lang pumikit, tapos pagkadilat ay wala ka na
Para tumigil na ako sa walang humpay na pagluha.

Paano ko kalilimutan ang mga ngiting ubod ng tamis
na iginuhit ng mga labi **** tila seda sa nipis?
Gusto kong isigaw kung gaano kita iniibig!
Ngunit kung sarado ang tainga mo, paano mo ako maririnig?

Marahil sasabihin mo, OA na ang tama ko
hindi ko pa kilala, pero ang drama ko ay ganito
Kasalanan ko bang umasa na ang mga daan namin ay magtatagpo
lalo na kung alam kong andyan lang siya sa kabilang kanto?

Paano ko tatalikdan ang pusong hindi naangkin?
May bukas pa ba na nakalaan para sa atin?
Kailangan ko na bang itigil ang kahibangan kong ito?
Natatakot ako sa sagot, dahil madudurog lang ako.
Ang sarap sa labas ayaw mo bang magpahangin?
Sa tabi ng ilog may malaking puno, higa tayo sa lilim.
Magtatagpo, tatakbo, magtatago.
Hangga't umabot sa kwentong kala mo walang dulo.

Bakit ayaw mo yatang lumabas?
Kasama mo ako ika'y ililigtas.
Di kita masisisi kung ang tingin mo sa mundo,
Ay puro kasinungalingan, kala mo'y impyerno.

Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.

Bigla akong nagising, wala ng katabi.
Narinig kong katok pala ay guni-guni.
Biglang tumunog aking telepono.
'Nasa pinto ako' sabi ng boses mo.

Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.
Reimers May 2024
Nakahiga, tulala na naman sa kisame
Tuloy ang daloy ng panahon
Ngunit ang mundo ko'y nakatigil
Kamay sa mukha, luha'y pinipigil

Inaalala ang mga sandaling puno ng kulay
Paligid ko'y umaapaw sa tawa't saya, dahil nariyan ka pa
Ngayo'y nagpaalam na tayo, ngunit puso ko'y nakakapit pa
Libutin man ang sansinukob, ikaw pa rin ang nais makita

Kahit anong pagsusumikap na limutin ka
Lalong lumalalim ang sugat sa bawat alaala
Sa bawat pintig ng puso, hapdi ang nararamdaman
Umaasang ang ating landas muli'y magtatagpo
It's rare for me to write in my own language. But this is the best way for me to freely express my raw emotions.
Taltoy Jan 2018
Di na maitatanggi,
Bakit pa ba ikukubli?
Ano pa ba ang dahilan?
Bakit pa ba magmamaang-maangan?

Alam natin ang totoo,
Ngunit pinilit nating isantabi ito,
Nag-uusap bilang magkaibigan,
Pinag-uusapan ang mga hinahangaan.

Alam kong alam mo,
Alam **** ikaw ang gusto ko,
Ngunit di ka nagpadaig,
Kahit na sa tingin ko'y minsan kang kinilig.

Sa bawat pag-uusap, nagpaparinigan,
Mga bagay tungkol sa taong hinahangaan,
Subalit kilala naman natin sila,
Sa katunayan, kilalang kilala.

Ngayong gabi, ako'y naglahad,
Ng mga damdaming sasabihin **** nasagad,
Mga sitwasyon kung saan di mapalad,
Mga sitwasyong sa iba ang isa't-isa  napadpad.

Mga landas nga kaya nati'y magiging isa?
O magtatagpo lamang at humayo na sa isa't-isa,
Walang may alam sa atin kung ano ang tiyak,
Sa  mga sa landas na kasalukuyang tinatahak.

Mananaig kaya ang tadhana?
O ang damdaming nagwawala?
Ano kaya ang magtatagumpay,
Sa pag-ikot ng gulong ng 'ting buhay.
Michael Joseph Nov 2019
sa isang minsan
naglaro ang tadhana,
pinagtagpo ang mga mata
ng dalawang uhaw sa kahulugan

sa isang minsan
nagsimula ang tagu-taguan,
mga salitang walang kahulugang
sinasambit ng mga labing mapagpanggap,

sa isang minsan
nagdikit ang mga labi,
pilit itinago ang init na nadama
ngunit mga ngiti natin ang nagsasabi

sa isang minsan
maipapakita natin sa lahat
na nandito tayo para sa isa’t-isa
at di na kailangan pang matakot sa panghuhusga

sa isang minsan,
kailangan nating maniwala
sa pagdating ng oras at tadhana,
magkasamang lalaya,
sa isang minsan

masasambit rin natin ang ating pagsinta,
sa isang sulyap na walang takot,
walang alinlangan,
sa isang minsan

ang minsan ay magiging walang hanggan,
panghabang-buhay, kahit saan,
kahit kailan, kahit anong oras
sa isang minsan

darating rin na magtutugma ang tadhana
kaya’t makontento muna tayo
sa mga nakaw na sandali,
sa isang minsan

magtatagpo ang ating mga mata at ngiti
kahit na walang kahulugan,
kahit na tayo’y  nasasaktan,
sa isang minsan

tayo ay nagkatagpo at nagmahalan,
kahit alam nating tayo ay sawi,
sa pag-ibig nating
tulad ng ulan
sa isang minsan
Ito nakagawa na rin ng legit na ngayong taon ko nagawa, ang hirap maghanap ng poetic inspiration, pero heto buhay na uli. Tag-ulan eh.
013017 #SampalocManila

Habang nagkakalampagan ang mga boses sa entablado
Habang sila'y tila nakikipagtayaan sa lotto
Habang may iilang hatak-talangkang Pilipino -- HABANG.

#MissU -- ito nga ba yung sinasambit ng puso ko
Tuwing nangungulila sayo
Tuwing nais kang masilayan
Tuwing gusto kong marininig ang tinig mo
Tuwing napapawi ang lungkot sayong yakap.

At oo, ewan ko --
Pagkat ang lahat ay magtatagpo sa **pagitan ng habang at tuwing.
Random Guy Oct 2019
ako
at ikaw
ay parang
araw
at buwan
di kailanman magtatagpo
ng madalas
ngunit sana
malaman ****
kahit ang araw at buwan
ay minsan ding nagtagpo
duyog
at habang buhay kong maaalala
ang minsang pagdampi
ng aking kamay sayo
ng ulo mo sa balikat ko
matakpan man
ng liwanag ang dilim
o ng dilim ang liwanag
hindi kailanman maalis sa aking alaala
ang duyog nating dalawa
Cal Ashiq Aug 2022
Tara na sa bahagharing kay ganda
Kasabay ng kislap ng iyong mata
Mga ngiting di alintana
Hiling kong makita sana

Halimuyak na iyong dala
Sa akin ay nagpapangulila
Tamis ng iyong tinig
Labis kong iniibig

Giliw ako'y ilagay sa iyong isipan
Kaagapay sa kahirapan
Pagkat ikaw man ay lilisan
Magtatagpo pa rin kinabukasan

Isang banayad na panalangin
Aking laging sasambitin
Sa iyo'y ipagkaloob itong dinidingin
Wagas na pagmamahal ng Diyos na mahabagin

Kay Hesus aking sasambitin
Na ika'y lagi nyang mamahalin
Hihingin kay Birheng Maria
Na kailanma'y di ka mangulila

Sana'y lagi **** madama
Sa tuwing ika'y nag iisa
Yakap nilang kay Tamis at Ganda
Di mawawala itong pagsinta

Kailanma'y sa puso at diwa
Sumasaiyo itong magandang gunita
MPS12 Aug 2017
Nag kakilala
Nag ka layo
Hindi inaasahan na muling magtatagpo.

Nag kamustahan
Nag ka hiyaan
Hindi kamalayan na ang mundo ay huminto.

Ang mga mata kumikislap
at nag uusap usap.
Ang mga ngiti nagniningning
at bawat salita ay kinikimkim.

Tadhana nga ba ang may kapanan
kung bakit ang puso ay muling nabuhayan?
Sana nga tayo ay walang katapusan
at mag mahalan ng walang hangganan.

-MPS12
agatha May 2020
at dito tayo magtatagpo
sa gitna ng pag agaw ng umaga at dilim
habang ika'y papaalis kasama ang mga bituin
ako'y lalayag para isabit sa kalangitan ang iyong araw.

magandang umaga,
magandang gabi.
Lilisanin ko ang sarili
Madatnan lamang ang espasyo
Kung saan tayo’y magtatagpo’t magtatapat —
Magtatapat ng ating mga pangakong
Kailanma’y hindi nanaising mapako.

Ang bawat hakbang
Ay magsisilbing aking pagpupunla
Hindi lamang ng aking wagas na pag-ibig
At dalisay na pananampalatang
Kakayanin natin ang mga susunod pang dekada,
Mga dekadang sabay na mamumuti
Ang ating mga buhok
At sabay na malalagas
Patungo kung saan man tayo nagmula.

Wala akong ibang nais na masilayan
Kundi ang mga mata **** sining sa aking paningin.
Ang ngiti **** sana’y manatiling
Matatamis na alaalang
Ikaw at ikaw pa rin ang aking pipiliin.

At sa mga oras na ang mga pahina na ng kalendaryo
Ang kusang magpatangay sa hangi’y
Nanaisin ko pa ring manatili
Sa mga akap **** pinili kong maging kanlungan
At ang magiging sigaw ng aking puso’t damdami’y
Papuri sa Unang Umibig sa atin
Bago pa man mag-krus ang ating mga landas.
Miru Mcfritz Aug 2021
Sa t'wing pinagmamasdan ko
ang mapayapang pag-alon ng tubig sa asul na dagat,
naalala kita.

Sa t'wing dadampi sa'kin
ang malamig na simoy ng hangin,
naalala kita

Sa t'wing tatama sa aking mga balat
ang malinaw na tubig ng karagatan,
naaalala kita

Ang kapayapaang dala sa'kin ng mga iyon
ay nagpapaalala kung gaano kagaan
ang pakiramdam na iyong dala

Ngunit napagtanto kong,
hindi araw-araw ay kailangan kita
hindi palagi'y kailangan ko ang 'yong presensya

Hindi araw-araw kailangan kong ilublob
ang aking mga paa at hintaying lumapit ka
upang alisin ako sa pagkakalunod
sa kalungkutang nadarama

Hindi dapat ako umasang sasagipin mo ako
sa mga oras na nanghihina at 'di makatayo
dahil kailangan kong humakbang mag-isa—
at maging matatag kahit hindi ka na kasama

Masakit panigurado,
pero iyon ang hinihingi ng mundo
Ang isuko natin ang laban na ito
dahil hindi lahat ay dapat ipanalo

Palayain na muna natin
ang ating mga sarili sa ngayon
Dahil alam kong magtatagpo ulit
tayo — pagdating ng panahon.
John Emil Jan 2018
Yung di tayo magkakilala
Tipong ngayon lang nagkita
Yung kinakausap kita
Na tila hangin ka lang pala

Yung ngingitian mo ako
Kahit alam **** malungkot ako
Tatayo at malakas natatawa
At sasabay ang patak ng aking mga luha

Sabay aper sayo
Tapos kakaway ka palayo
Hahabulin kita
At  titigil ka bigla

Ikay bibigkas ng malakas
Bulong lang saakin an lakas
Maglalakad tayo
At di na muling magtatagpo
Camille Jun 2024
Isa, dalawa, tatlo, nanginginig ako.
apat, lima, anim, ako'y naglilihim.
pito, walo, siyam, hindi ko na alam.
sampu, heto na ang huling yugto. magtatagpo ang ating mundo, ngunit, bakit ka nalilito?
bakit tayo naririto?
heto, heto na tayo, nagtagpo na ang ating mundo,
at tayo'y sumasayaw sa bawat patak ng oras
at kahit kailan, hindi tayo susuko kailanman.

— The End —