Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
unknown Aug 2017
nais kong simulan ang aking tula sa isang katanungan,
"bakit mo ako iniwan?"
dahil ba sa ugali kong hindi maintindihan?
dahil ba sa itsura kong hindi kagandahan?

bakit mo ako binitiwan?
bakit mas pinili mo ang lumisan?
bakit mga pangako mo'y iyong kinalimutan?
bakit ka lumihis ng daan?

mahal, sana'y sagutin mo't huwag kang magalit,
kung marami akong tanong sayo na bakit,
hindi ko parin kasi talaga matanggap yung sakit,
sagutin mo naman, baka sakaling tumamis ang mapait.

hindi kita matanggal sa puso't isip ko,
at dahil sa takot ko na baka maulit ang pag-alis mo,
ipinagkatiwala ko ang puso ko sa ibang tao,
kaysa ang maniwala muli sa mga salita mo.

sa bawat paggalaw ng kamay ng orasan,
sa bawat pag-ihip ng hanging amihan,
sa bawat pagsilip ni haring araw,
tila puso ko'y nanatiling naliligaw.

paulit-ulit sa aking isipan,
tama ba ang aking napagdesisyunan?
kasiyahan sa iba ay dapat bang subukan?
nagbakasali na hindi ko ito pagsisihan.

sumubok ako, nagtiwala sa mga salitang naghatid ng panandalian ligaya,
nagpadala ako sa mga pangakong "ikaw lang at wala ng iba",
pero nagkamali ako, pare-pareho lang pala kayo,
sa una lang kayo pursigido.

mahal, nais kong alalahanin mo,
lingid sa kaalaman mo na makakalimutin ako,
pero inaamin ko, ni minsan hindi ka nawala sa isip ko,
oo mali 'to, pero masisisi mo ba ako?

bakit ramdam ko parin ang sakit ng iyong paglisan?
bakit hindi kita kayang bitiwan?
bakit sa bawat oras ng aking kalungkutan,
ikaw, ikaw ang nagsisilbing dahilan ng aking kasiyahan?

ang unan ko'y basang basa na ng luha,
mata ko'y tuluyan ng namaga,
alam ko na wala na akong dapat kapitan,
kung kaya't sanay matutunan ko ng ika'y bitiwan.

mahal, wala akong karapatan para sabihin na ako'y iyong balikan,
dahil minsan na kitang pinagtabuyan,
kaya hinihiling ko na sana sa iyong muling paglisan,
kasabay nun ay ang unti unti kong pagtahan.

patawad sapagkat hindi na tama ang aking nadarama,
patawad sapagkat alam kong tayo'y tapos na,
patawad sa mga salitang hindi na maibabalik pa,
patawad, patawad sa pagpili ko noon na lisanin ka at wag ng lumingon pa.

labis ang naramdaman kong lungkot,
labis din ang poot dahil hindi kita malimot-limot,
subalit sa mga panahong naghihilom na ang kirot,
saka ka naman muling susulpot.

lubos akong nagalak,
puso ko'y nabusog sa iyong salitang mabubulaklak,
nawala ang patalim sa puso ko na nakasaksak,
nang ikaw sakin ay kumambak.

subalit hanggang kailan kaya mayroong "tayo"?
hindi ko maalis ang takot sa puso at isip ko,
hindi ko maalis ang nadarama kong silakbo,
na ang dapat na "tayo" ay mapalitan muli ng isang "kayo"

hanggang kailan mo ako muling mamahalin?
hanggang kailan mo ako muling yayakapin?
hanggang kailan mo muling ipaparamdam ang apoy ng pag-ibig?
o papatayin na lamang ito muli ng malamig na tubig?

natatakot ako sa mga bagay na hindi inaasahan,
na baka magbago ang iyong isipan,
natatakot ako sa mga pwedeng maging dahilan,
dahilan ng iyong posibleng paglisan.

kasi minsan mo na akong isinantabi,
minsan mo na kong trinato na parang walang silbi,
minsan mo ng binasa ng luha ang aking pisngi,
at minsan mo na rin pinunit ang puso ko sa iyong mga sinabi.

natatakot ako mahal ko,
nais kong magtiwala muli sa mga salita mo,
paumanhin, subalit natatakot ako,
natatakot akong iwan mo ulit ako.

sana'y sa ating karanasan sa nakaraan,
manatili ka sa aking tabi at huwag lumisan,
sapagkat ikaw ang aking kalakasan,
subalit ikaw rin ang aking kahinaan.

ikaw, ang pumapawi sa aking uhaw,
ikaw, ang nagbigay direksyon sa puso kong ligaw,
ikaw, ang dahilan kung bakit ang puso mula sa bintana ng kaluluwa'y dumungaw,
ikaw, ang nagbibigay sigla sa akin araw-araw.

hinihiling ko na sana sa oras na magbago ang ihip ng panahon,
magbago ang direksyon ng mga alon,
tumaliwas ang lahat ng bagay sa dapat nilang posisyon at direksyon,
mag-iba man ang huni ng mga ibon,

sa oras na ikaw ay aking muling tanungin,
isa laman ang isasagot mo sa akin,
"huwag kang matakot at mangamba,
mahal na mahal kita"
ig: seluriing
twt: seluring
fb: seluring
follow meeeeee!
Eugene Oct 2018
"Ilabas ninyo ang kuya namin!" sigaw ni Mon.

"KUYA! Kami to mga kapatid mo!" sigaw naman ni Jef.

Halos magambala na ang mga kapitbahay sa kalye Casa dahil sa ingay ng pagsisigaw ng magkakapatid. Mahigit sampung taon na rin nilang hinahanap ang kanilang nakatatandang kapatid. At may nakapagsabi sa kanilang nasa kalye Casa lamang ito at kasama ang tunay nitong mga kapatid.

"Anong problema ninyo ha? Nakakaistorbo na kayo sa kabilang at sa kalye rito. Sino ba hinahanap niyo ha?" lumabas ang isang matangkad na lalaki at nagsalita sa kanila.

"Alam naming nandito ang kuya Regie naman. Ilabas niyo siya!" sigaw ni Mon.

"Walang Regie dito. At sino kayo? Ni hindi ko nga kayo kilala e," sagot ni ng lalaki.

"Kilala ka namin at ikaw ang nakatatandang kapatid namin. Magkakapatid tayo sa ama. Ikaw si kuya Ryan," wika ulit ni Mon.

"Ah ganun ba? Bakit hindi ko yata alam? Sino bang tatay ang tinutukoy mo?" takang-taka ang mukha ni Ryan nang sabihin nito na magkapatid daw sila sa ama.

"Hindi ikaw ang sadya namin dito. Ilabas mo ang kuya namin!" wika ni Jef. Agad siyang nakipagpatintero upang makapasok sa loob ng bahay. Pero napigilan ito ni Ryan.

"At anong karapatan mo, ninyo na pumasok sa bahay ko? Kayo ba ang may-ari?" mataas na ang boses ni Ryan nang mga sandaling iyon pero nanatili pa rin siyang mahinahon dahil ayaw niyang gumulo pa. "Ang mabuti pa ay umuwi na lang kayo. Walang Regie dito. Nagkamali kayo ng pinuntahan."

"Hindi kami aalis dito. Alam naming nasa loob ang kuya namin. Ilabas niyo siya?" nagpupumilit pa rin si Mon at bigla na lamang niyang iwinaksi ang kamay ni Ryan na nakaharang sa pintuan ng kaniyang bahay. Hindi naman hinayaan ni Ryan na makapasok ito at doon ay ibinuhos na ang kaniyang galit.

"SUBUKAN NINYONG MAGPUMILIT PA NA MAKAPASOK! Ipapa-barangay ko na kayong lahat!" halos kita na ang mga ugat sa leeg ni Ryan sa pagsigaw nito sa kanila. Pero hindi pa rin natinag ang magkakapatid.

"Wala kaming pakialam kung iyan ang gusto mo!" bulyaw naman ni Mon.

Magsisimula na sana ang matinding kaguluhan sa pagitan ni Ryan at ng magkakapatid nang isang boses ang kanilang narinig.

"Sino ba ang hinahanap ninyo ha?" wika nito at mula sa likuran ni Ryan ay nakita nito ang kaniyang kapatid na inaalayan ng isa pa niyang kapatid. Mangiyak-ngiyak naman ang magkakapatid na Mon at Jeff nang makita ang pakay nila.

"Kuya! Kuya Regie!" magkasabay na tawag nila sa pangalan nito.

"Sinong maysabi sa inyo na lapitan ang kuya Ron ko ha?" sigaw naman ng isang binata na nakaalalay kay Ron.

"Hayaan mo muna sila Anghel," saway nito sa kapatid na patuloy pa rin sa pag-aalay kay Ron.

"Kuya, ako ito, si Mon at kasama ko si toto Jef. Kuya, miss ka na namin. Uwi na tayo, please!" nang mga oras na iyon ay nanatiling walang emosyon si Ron sa mga salitang kaniyang naririnig.

"Hindi ako si Regie at lalong hindi ako ang kuya ninyo. Wala akong kapatid na Jeff at Mon. Anghel lang at kuya Ryan ang mayroon ako. Kaya, pakiusap umalis na kayo rito!" wika ni Ron.

"Kuya, bakit? Ano ba ang nangyari? Anong ginawa niyo sa kuya namin ha?" nagtatakang tanong ni Mon nang mapansin sa iisang direksyon lang ito nakatingin.

"Bulag ang kuya Ron namin. Naaksidente siya. Kaya kung maaari ay lisanin niyo na ang bahay namin dahil hindi ito makabubuti sa kaniyang pagpapagaling. Pakiusap," sagot ni Anghel.

"Kuya. Alam naming ikaw iyan. Ikaw si kuya Regie namin. Ikaw ang tumulong sa amin nang mga oras na kailangan ka namin at nandito na kami upang kami na ang mag-alaga sa iyo. Please bumalik ka na sa amin. Nakikiusap kami kuya Regie. Kuya Ryan, payagan niyo na po kaming iuwi kuya namin," parang gripong sunod sunod sa pag-agos ang mga luha ni Mon.

"Walang isasama! Hindi niyo siya kuya. Kuya namin siya! Umalis na kayo rito!" bulyaw ni Anghel. Naitulak ni Anghel si Mon at muntik na itong matumba. Nang makabawi ay sinuntok niya si Anghel sa mukha at nakipagsuntukan na rin ito kay Mon. Pilit namang nakikinig at nakikiramdam si Ron sa mga pangyayari.

"ITIGIL NINYO 'YAN!" sigaw nang sigaw si Ron pero tila walang nakakarinig. Panay naman ang awat ni Jef at Ryan kina Mon at Anghel. Hindi na nakatiis si Ron at muli itong sumigaw.

"TITIGIL KAYO O AKO ANG AALIS!" lahat ay napalingon kay Ron at maagap na bumalik si Anghel sa tabi ng kaniyang kuya upang pigilan ito.

"Sorry, kuya," pagpaumanhin ni Anghel.

"Kayong dalawa, Jeff at Mon, pakiusap. Ayaw ko ng gulo. Umuwi na kayo dahil walang Regie sa pamamahay na ito. Hindi ko kayo kilala at lalong wala akong matandaang tinulungan ko kayo bago pa ako maaksidente. Kaya, umuwi na kayo!"

Hindi naman nakapagsalit sina Jef at Mon. Mabibigat ang mga paang nilisan nila ang bahay na iyon na patuloy pa rin sa pag-iyak dahil nabigo silang iuwi ang kanilang kuya Regie.

Habang papalayo naman ang magkapatid ay doon na bumigay si Ron at hindi na napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang totoo ay kilala niya sila ngunit ayaw na niyang matali pang muli sa nakaraan. Masaya na siyang malaman na ang kaniyang mga step brothers ay nasa mabuti nang kalagayan. Kahit sa kaloob-looban ng kaniyang puso ay sabik din itong mayakap sila pero naipangako niya sa kaniyang sarili na kalimutan na niya ang kaniyang pinagmulan at ang mga taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Nais niyang ituon na lamang sa kaniyang tunay na mga kapatid ang pagmamahal na hindi niya naiparamdam sa mga ito buhat nang sila ay nawalay sa isa't isa.
103115

Heto, bibilangin ko na naman ang araw,
Uno, dos, tres, at mapapahintong bigla sa ikaapat.
Hindi batid ang tamang oras
O hatian ng minuto't pag-istambay sa segundo,
Bagkus, iyon ang eksaktong araw.

Panahon na siguro para maisalta ang salita
Sa puso **** tila nakakahon pa't hindi pa malaya,
Sa pagbubukambibig ng itinabing damdamin,
Sa paglisan sa ipinaubaya **** pangakong
Minsang pinanghawakan ng pusong hindi pinagdamutan.

Kung pipili ako ng salita, baka maubos ito sa kawalan;
Gaya ng pagtampisaw ng bituin sa kalangitan.
Baka malusaw ito gaya ng yelong nakatiwangwang,
At masayang ang tubig na sana'y sagot sa uhaw.
O baka mapudpod gaya ng posporo,
Paulit-ulit na sinubok ng pagkakataon,
Bagkus hindi maisindi ang pag-ibig,
Kaya nanatiling walang pahiwatig.
At biglang itatapon, ikakahon ang natitirang damdamin,
Itatago, hanggang sa magkataong kailangan na talaga.

Panalangin ko'y magpalakas ka sa pananampalataya,
Wag **** lingunin ang nakaraan, at taglayin mo ang Liwanag.
Kung napapagal na'y, wag kang hihinto,
Bagkus, mas kumapit ka pa sa may mas mataas na pangako.

Narito ako't hindi tatalikod sayo,
Susuportahan ka kahit hindi mo makita ang pag-alalay.
Panalangin ko'y tapusin mo ang laban,
At mas masilayan ang kagintuan ng Haring Araw,
Wag kang mabubulag sa mukhang may ilaw.
Tingnan mo ang pawang mga kamay,
At wag matakot sa pagsuntok sa hangin,
Pagkat iilag ang sitwasyon,
Bagkus binibilang Niya ang lakas at determinasyon.
Mas ialay ang puso sa Kanya,
Higit pa para sa pag-ibig na inantala.

Hayaan **** makinig ang puso mo,
Pagkat nanalangin ang puso ko.
Kahit minsa'y kaylayo, kahit hindi ko madipa-dipa.
At sa paghihintay natin sa tamang panahon,
Kaya ko nang sambitin ang estado ng puso.
Hindi sa paghain ng mga letra sa pawang mga mata,
Na tila mananatili na lang sa papel na hindi nababasa.

Pag muling nagtagpo,
Ako mismo ang haharap sayo,
Pero tandaan **** baka wala akong masambit.
Hindi dahil mahina't naubos na ang lakas ng loob,
Bagkus, hindi ako makapapaniwala
Na ang oras ay tunay at eksakto para sa pagkikita.

Hindi ko mapipigil ang pagluha buhat sa saya,
Pagkat ang kabiyak ng pusong minsang nasugatan at hinulma'y
Kaya nang matitigan kahit hindi na magbilangan ng oras.
Mayayakap na hindi lang dahil sa pagmamahal,
Bagkus, pahiwatig sa pasasalamat na tunay ngang ikaw.

Pag-ibig Niya ang dahilan
Kung bakit patuloy na naghihintay,
At kung bakit patuloy kang ipinaglalaban,
Patuloy na ibinabatak sa Maykapal.

Sa Kanya ang papuri sa umusbong na damdamin,
Ang pag-ibig ko sayong patuloy na nananatili.
Oo, isinapuso ko ang pag-ibig ko sayo't
Pinili kong pillin ka, sa kabila nang tila magulong anggulo.

Ganoon ang pag-ibig ko,
Hindi mo masusukat, bagkus kaya Niyang higitan pa.
Kaya't hindi ako lumaban, pagka't mas iniibig ko rin Siya.
Hindi mo mababasa, pagkat Siya ang may katha.
At kung anuman ang nilalaman ng pusong may sagot,
Sana'y katimbang nito ang damdaming ipinaglalaban.

At kung kinaya nating magkanya-kanyang kasama Siya,
Mas kakayanin na nating magkaisa para rin sa Kanya.
At saka na natin sabay na ibabandera Kanyang Ngalan.
At pawang magiging patunay sa pag-ibig na nakapaghihintay.

Tila kayhirap bigkasin, kahit apat lamang ang kataga.
Mahal kita, sana makarating sayo,
Sa tamang panaho'y magpalitan nga ng kataga.
Sana ikaw ang unang magpatimbang sa Kanya,
Maniniwala akong makararating sa patutunguhan
Ang liham ng pusong may totoong damdamin.
Para sa taong pinagdarasal ko, maghihintay ako.
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagsimula
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakakila
Sa una’y wala tayong pakialam sa isa’t-isa
Pero dumating din tayo sa puntong magkausap sa telepono mula gabi hanggang umaga

Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakilig ng iyong mga salita
Kung paano mo ako pinakilig sa bawat tingin mo sa aking mga mata
Akala ko sa libro at pelikula lang nangyayari ang ganoong mga eksena
Ngunit mali pala, pati sa totoong buhay nadadama pala

Tanda mo pa ba kung paano natin gamitin ang oras
Ang oras na tila limitado ay kailan man ‘di natin hindi inabuso
Kahit pa may pagsusulit sa klase kinabukasan
Pinipili natin na magusap at maglakad hanggang tayo ay pagsabihan

Tanda mo pa ba kung paano mo ako niyakap habang ako’y humahalaklak
Kung paano mo rin ako niyakap noong ako naman ay umiiyak
Tanda mo pa ba kung paano mo sabihin na mahal mo ako
‘Di pa ‘ko naniwala dahil aminado ka na ikaw ay sadyang mapagbiro

Tanda mo pa ba kung paano natin iniwan muna saglit ang barkada
Para lang sabay tayong bumili ng fishball o monay doon sa may kanto ng kalsada
Kay tagal nating naglalakad para lang dayain at mapahaba ang oras ng pagsasama
Pagbalik nama’y iilang piraso lamang ng fishball at monay ang dala

Tanda mo pa ba noong tayo’y magkasama sa gabi at naglalakad
Kamay mo ay nakakapit sa aking baywang sa pag-aalalang baka ako’y mawala
Kahit pa maglakad sa umaga, kamay mo ay nasa aking likod
Kahit saan mo man ilagay, tila lagi **** sinasabi ay “Lakad ka lang, andito ako.”

Tanda mo pa ba noon kapag may miting ng sabado sa eskuwela
Lagi tayong pumapasok ng mas maaga, isang oras bago ang natatakda
Ngunit hindi sa eskuwela ang ***** kundi sa parke nang makapaglaro saglit
Tapos pagbalik sa eskuwela ay tayo na lang pala ang wala sa silid, dahil nahuli pa rin.

Tanda mo pa ba noong tayong dalawa ang nag-representa
Tayong dal’wa ang lumahok para sa titulo at karangalan ng eskwela
At nang manalo’y lahat nagalak at sinabi na
Tayo muli ang lalalok para sa susunod na laban sa makalawa

Nakilala tayo sa ating galing, pati na rin sa kilig na ating inihatid.
Kaya naman pag sa kompetisyon, tayo ay naghigpit.
Ang dating magkasama sa lahat at magkakampi,
Ngayo’y biglang naging magkatunggali.

Tayo ngayon ay kinumpara sa ibang magkasintahan
Bakit raw sila pagdating sa grado sa eskwela ay okey naman?
Bakit raw sila ay parang walang pakialam sa kung anong kalalabasan
Ngunit tayo ay tila naguunahan

Kanya-kanyang labanan, kanya-kanyang istratehiya
Kanya-kanyang napalanuhan, kanya-kanyang talunan
Nagsarili at ‘di na namansin pa
Para bagang dalawang taong ‘di magkakilala

Nabalot ng yabang ang ating mga isip
Ngunit ang puso nati’y nanatiling tahimik
Hindi umimik kahit isang saglit
Kaya naman isip lang ang namalagi’t naghari

Tanda mo pa ba kung paano tayo noon?
Tanda mo pa ba kung ano ang meron?
O nakalimutan mo na kung ano ang mga sinabi mo sa akin noong okey pa?
Dahil ‘di ka sumagot noong sinabi kong, “patawad” at inamin ko ring mahal kita.

Unang beses kong sinabi sa iyo ang mga salitang iyon.
Unang beses sa buong pagsasama natin ng isang taon.
Ngunit nang binanggit ko hindi ka man lang tumungo
Kundi pinabayaan **** katahimikan ang mag-ingay para sa’yo.

Natatandaan mo na ba pagkatapos ang lahat ng aking pagpapa-alala?
Natatandaan mo na ba kung paano sumibol at nawala
Ang pagsasamang puno ng pangako at pag-asa
Natatandaan mo na ba?

Kung sakali man na talagang nalimutan mo na,
Pasensya sa ingay kong ito kasi ako hindi pa.
Hindi ko malimutan sapagkat sariwa pa.
Sariwa pa lahat ang pangyayari kahapon na dahilan kung ba’t may luha ngayon sa’king mata

Kung talagang nalimutan mo na,
Lahat ng ginawa natin, malungkot man o masaya,
Utang na loob, pwede ba ako’y turuan mo sana
Kung paano limutin ang lahat ng alaala.

Kahit na hindi na matago ang sugat na nameklat na,
Peklat na kahit Sebo de Macho ay hindi kaya,
Basta mabura lang alaalang nagdulot ng sugat na peklat na
Okey na sa akin iyon, okey na.

Okey na, oo. Kasi ‘di naman talaga peklat ang dahilan
Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ako ay lumuluha
Eh ano naman kung may peklat ako di ba?
Wala pa rin naman kasing papantay sa sakit na nadarama

Sakit na muntik na akong malagutan ng hininga
‘Di ako nagbibiro sapagkat sa bawat pag-iyak at pag-singhot ko
Naninikip ang aking dibdib, nagdidilim ang aking paningin
Hindi ako makahinga

Tanda mo pa ba, noong tayo’y muling nag-usap
Tila ba gusto ko muling magpakilala
Akala ko kasi isang pag-uusap para muling makapagsimula
Yun pala, usapang pangwakas na.

At doon na huminto lahat ng masasakit na mga alaala.
Ngunit hindi huminto ang paghihinagpis ko bawa’t gabi, kada umaga.
Kaya naman hinihingi ko ang tulong mo kung ‘di mo na naaalala
Dahil kailangan kong malimutan ang lahat ng tanda ko pa.
Minsa’y nadako ako sa Kalye Pag-ibig
Marahil walang karatula
Ang mayroon lamang ay iilang linyang puti
Salungat sa kalsada
Siya rin palang tulay sa’ting tagpuan.

Bawat butil ng Kanyang mukha’y
Kumakapit at humihilik sa balat
Sa’king palad, umaapaw ang mga ito
Hihinto pa ba?
Pagkat hindi handa
Ang yerong gawa sa plastik
Na syang bihis-bihis ng kabilang palad.

Maraming yapak, aking naririnig
Ngunit alam kong ang berdeng kulay
Pawang hindi para sakin at sayo.
Ang bawat kasuotan nila’y
Tila pustura lang, ako’y nanatiling walang kibo.

Unti-unti kong binagtas ang eskinita
Makitid doon ngunit alam kong ito’y tama
Tila kayrami pa ring paninda
Ngunit ang lahat, hindi naman kabili-bili
Pagkat minsanan lang ang pag-ibig na totoo
Ni hindi ito kinakalakal.

Hindi ko man mabili ang nais ko ngayon
Masilayan man kita, bagkus likod lamang
Ni hindi ko nga matanto ang itsura
Basta’t sigurado ako
Sa paglingon mo’y parehas na tayong handa.

Malayo pa ang lalakbayin
Ng pawang minanhid na mga paa
Pagkat ang direksyon nati’y
Sa ngayo’y alam kong
Hindi pa para sa isa’t isa.

Ikaw na siyang iniirog
Aking hihintayin
Hanggang ang oras ay tumiklop
At umusbong ang panibagong bulaklak
Saka natin pagmasdan
Mga paru paro’t iilang kulisap, maging alitaptap.

Tatandaan ko ang ating tagpuan
Kung saan ihihimlay natin ang kinabukasan
Buksan mo ang pusong minsang winarak
Bubuuohin muna iyan ng Nasa Itaas
At saka na natin isulat ang makabagong alamat.

Sa Kalye Pag-ibig, tandaan mo, irog
Tayo’y babalik at muling mangangarap
Bubuo na panibagong larawan
Na may tunay na ngiting
Hahalimuyak sa mas Nakatataas.

Sa Kalye Pag-ibig,
Doon tayo magkita.
Dahil kahit saan ay Kalye ng Pag-ibig.
Bakit ako nasasaktan?
Alam ko naman na ako
Ako ang dahilan kung bakit ako nasasaktan
Sa dami dami dami ng pagkakataon ko
Nakasabay kita sa pag uwi
Nakasabay kita sa pagkain ng tanghalian
Kaklase maghapon
Kapwa leader ng mga group mates natin
Sa dami dami dami dami dami dami
Ng pagkakataon ko na masabi ang nararadaman ko
Nanitili akong walang kibo.
Kaya bakit ako masasaktan
Kung sa una palang ako na ang may kasalanan
Ako tong nanatiling bulag pipi at bingi sa nararamdaman
Bulag sa katotohan na pwede nman talaga tayo
Pipi sa pagsasabi ng nararamdaman ko at
Bingi sa puso kong walang ibang sigaw kundi ang pangalan mo.
Ngayong wala na. natagpuan mo na ang tamang “sya”
At oo, Oo nasasaktan ako
Nasasaktan parin ako
Oo nasasaktan ako kasi sweet kayo
Oo nasasaktan ako kasi nakikita ko mahal nyo ang isat isa
At yung ang kinasasaktan ko
Oo nasasaktan ako
Oo nasasaktan ako
Sakit na sakit na ako.

May naisip na akong magandang ideya,
Hindi kita papansinin. Parang hindi ko pagpansin sa nararamdaman ko
Kahit ikaw parin ang laman nito. Didistansya ako na
Malayong malayong malayong sayo para hindi mo Makita na
Nasasaktan ako
Ganun nalang talaga siguro ang magagawa ko
Ang manatiling bulag pipi at bingi ang sarili ko.
-end-
astroaquanaut Feb 2016
Tuwing nalalapit na ang pasko, darating si itay mula sa kanyang opisina na may dalang kahon. Ang kahon ay naglalaman ng hamon. Ang hamon na mutlong taun-taon na lang sumusulpot. Ito yung hamon na hindi na pinapansin ng karamihan kasi lagi na lang andyan. Pabulong na sasabihin nila, "Ay sus. Pwedeng iba naman?" pero dahil nga sa nakasanayan na, ang hamon ay mananatiling nariyan kahit nilalampasan.

Lilipas ang selebrasyon at mag-uuwian ang mga bisita. Mananatili ang hamon na wala man lang gumalaw. Naubos ang macaroni salad, graham, kahit ang kaldereta ngunit ang hamon ay nanatiling tahimik, mistulang kawawang bida sa isang maaksyong pelikula.

Taun-taon, sasabihin ni inay na bakit hindi na lang ipamigay? At taun-taon akong hihindi at sasabihing sayang.

Hindi ko naman paborito ang hamon. Sadyang ayoko lang sayangin ang lahat ng nakahain. Kaya't kahit paulit-ulit, kahit nakakasawa, kahit minsan gusto ko na lang ipamigay, pilit ko pa ring kakainin ang bawat hamon na nakahain. Pilit ko pa ring lalasapin ang cholesterol, magpapataba, magpapakatanga, magsasawa hanggat sa maubos.
kingjay Dec 2018
Pagmasdan ang tanawin sa labas ng bintana
Hindi ang sandaling sa kulungan
Ito'y sa bawat saglit na nag-iisa
ang matinding lungkot na nadarama

Ipinta ang larawan ng estado
Berde,dilaw,pula kahit anuman
ito'y walang sigla
Sa mga mata puro puti
-tinta ng lahat ng kasalatan

Bagwis na malapad
taglay ang malakas na hampas
Ngunit nanatiling suwail sa hangin
hindi na makalipad

Isang akyat pa sa hagdan
Ang patpating nilalang ay uhaw
sa pag-uwi ng titulo
Karangalan ang pagtitiis
Ang pagwawagi ay bihira lamang

Sa taglagas ay ang pagsibol ng mga tanim sa palayan
Kunting saya sa isang linggong kasawian
Ilang ulit kaya sa isang buwan?

Ang orasan ay panauhin sa pagkakaylan man na paghimbing
Hindi linggatong kung ituring
Ito'y paala-ala na hindi pa kamatayan
El Aug 2017
limampung pulgada ang pagitan ng ating upuan
limampung pulgada na tila parang isang kilometro ang distansyang kinakailangang tahakin
upang maipatong ang braso sa pahirabang nakaumbok sa gitna ng ating luklukan,
kung saan ang iyong braso'y nakapatong rin.

apatnapung pulgada nang sumara ang ilaw kasabay ng aking mga mata
kung saan sinakop tayo ng karimlang mas madilim pa sa kalagitnaan ng takipsilim
ngunit ako'y nakatayo, naglalakad na patungo sa'yo –
mga kamay na kinakapkap ang malalambot na pulang ulo
sakaling ako'y mahulog dahil ang ninanais kong sumalo sa akin
ay apatnapung pulgada pa ang layo.

(tatlumpu, dalawampu, sampu)
bawat tapak na nanatiling tahimik, maingat.
(siyam, walo, pito)
natatanaw kita sa halip ng dilim kung saan wala talagang makita, makilala.
(anim, lima, apat)
para bang lahat ng puso sa silid ay nagsabayan sa pagsigaw.
(tatlo, dalawa, isa)
nasa tabi na ki–

bumukas ang mga ilaw, kasabay ng aking mga mata;
pumalakpak ang lahat.

Limampung pulgada pa rin ang pagitan ng ating upuan.
aL Dec 2018
Sa simpleng pagsapit ng karaniwang alas nueve
Sa dilim ng gabi nakahihinga ng kampante
Nang mas lumamig ang pagdama sa iyong pagtabi,
Iyong mapang-ulit na sagi sa aking isipan
Muli kong pagkabusog sa pagsagap ng kawalan
Payapa sa nanatiling magulong kapaligiran
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
kingjay Dec 2018
Kunin ang litrato sa sulok na nag-iisa
Pakinggan ang himutok
sa kwadradong kahoy nakapatong
ng bangkay na  nangangapa pa

Buuin ang palaisipan
Kung may itsura ay hugutin
ang kasagutan sa bugtong
Tulungan mabatid ito, iwasan ang pagkalito
Nababalisa ang gabi at di makatulog

Munting daliri ay igalaw
Ngunit nanatiling tamad ang mga braso
Sa pagkabog ng dibdib
Ang halinghing ay maririnig
Sa kalaunan ay parang di na humihinga

Kinakalawang sa silid
Nakahandusay sa silyang rektanggulo
Tiisin ang katahimikan
Magdurusa sa kaawa-awang mga oras na di pa umaga
Malayo ang araw at mga bituin ay pinagkait pa

Tagpi-tagping tela ang lulan ay hinala
Magbuntong-hininga ito makipag-usap
Isinalaysay ang pagdaralita
Nakatikom ang bibig
Maghihilom din bagkus di makatawa

Magmumukmok sa loob
ang walang saysay na uwak
Idagit ang kabuluhan
Ang pakikipagsapalaran ay sakuna
Patay sindi ang ilaw sa kwarto. Bawat pagsindi ay napuputol ang tulog na mga limang minuto pa lamang ang tinatagal. Kaluskos mula sa kisame ay pilit na sinasawalang bahala.

Ang salamin sa aparador sa paahan ng aking kama ay mistulang naggiging larawan. Mayat maya'y nagkakaroon ng imahe ng isang babaeng naka trahe de boda. Balingkinitan ang katawan, bagsak ang balikat, bahagyang nakatungo't walang bahid ng kagalakan sa kanyang mukha. Ilang saglit lang ay mawawala.  Dali-dali akong tumayo at binuksan na lamang ang pinto ng aparador. Ihinarap sa pader ang salamin, sabay balik sa aking kama. Ang loob ng aparador na lamang ang aking nakikita. Wala na ang babaeng nakaputi, di narin nagparamdam muli. Nawala narin ang nakakabahalang kaluskos sa kisame. Ang ilaw ay nanatiling nakasindi.

Alas-tres na ng umaga nang ako ay nakatulog. Nagising ng alas-sais at nagmamadaling naligo't nagbihis. Iniligpit ang gamit sa bag, nagsuklay at napaharap sa salamin. Natigilan. Nakasara na ang aparador.

- March 15, 2010, Vigan
Bryant Arinos Aug 2017
Sarap ng mga ala-ala nating dalawa dati oh. Puyat magdamagan, nagtetext at halong kulitan.
Sobrang sweet natin grabe, halos paggising sa may goodmorning agad at kiss emoticon pa
Di nga maipinta ang mga ngiti sa ating mukha kada umaga kahit pagbangon natin halos tanghalian na.
Pero bakit ganoon? Ano bang nangyari? Nagkasawaan ba? Oo nga hindi tayo pero pakiramdam ko iniwan mo ko.

Madaling araw nanaman panigurado puyat nanaman.
Katulad ng nakaraan paniguradong mukha nanamang lutang.
Apat na oras ang tulog, pagkagising handa ulit para matulog.
Pero dahil ayon nga umaasa, pinilit magising para di mahulog sa kapit ng kama.

Umagang-umaga, umaasang sana reply mo kagabi ang una kong mababasa.
Hawak ang telepono pero nanatiling sawi dahil walang mesaheng dumating at nakita.
Pikit-mata dahil napapaisip bakit nga ba di mo pa rin pansin.
Kulang ba ang emoji at mga puso sa bawat mensahe ko kaya di mo kayang kiligin?

Mayroon bang ibang mas magaling pumuri sa iyong ganda kesa sa akin?
O sadya lang talagang mas gusto mo siyang kasama kumpara sa akin?
Ayos lang naman talaga sa akin kung sasabihin **** niminsan di mo ko nagustuhan.
Kaso hindi eh, pinaghintay mo ko ng kaytagal at pinaasang pasado sa lahat ng 'yong basehan.

Bagsak na nga eskwela dahil pangalan mo ang sagot sa bawat patlang na sigutan ko.
Tapos pagdating sayo bagsak pa rin ako kasi di ko makuha-kuha ang sagot galing sayo.
At ngayon nabago na ang ikot ng mundo ko, pakabila, pasalungat at malabong magtagpo ulit tayo.
Pasalamat na nga lang kay Bathala dahil hinayaan niyang magkakilala tayo.

Halos hirap pa ring paniwalaan, na sa isang pitik ng mga daliri nawala na ang lahat.
Masasayang ala-ala na akala ko panghabang-buhay na, kaso lahat nawala at laglahong parang bula.
Tigas kamao at suntok sa buwan ang tiyansang maibalik lahat ng nasa nakaraan.
Siguradong matinding panalangin ang kailangan para ibalik ni Bathala ang ikot ng orasan.

Mabuti nalang talaga'y unti-unti ko nang natatanggap ang lahat ng mga nangyari ay tapos na.
Konting tulog pa ng maaga mababawi ko na lahat ng nasayang na umaga.
Sa susunod matutulog na ako bago mag alas nuwebe para makompleto na ang tulog at di lutang tuwing umaga.
Ang tagal ko rin tong pinagsisihan na sana tinulog ko nalang yung mga panahong pinagpuyatan kita
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
Crissel Famorcan Mar 2018
Isang taon ang muling lumipas,
Di ko na namamalayan ang pagtakbo ng oras,
Mahal,bagong taon na!
Nais ko lamang itanong—may pag-asa na kaya?
Ilang taon na rin akong nag-aantay ng sagot
Yung puso mo,ilang taon ko nang inaabot—
Ngunit hanggang ngayon,nanatiling mailap
Kelan ba babalik sa dati ang lahat?
Isa lang naman ang hiling ng pusong nalulumbay
Makasama kita habang buhay!
Tanda ko pa kung gaano tayo noon kalapit sa isa't-isa
Pero nagbago ang lahat ng mahulog ako sayo sinta,
Hindi ko sinasadyang mahalin ka—
Yan ang tangi kong nasambit
Ngunit di mo pinakinggan kahit na aking ipinilit,
Lumayo ka't iniwan akong nag-iisa
Sa gitna ng kawalan,iniwan **** nagdurusa
Kelan ka babalik?Hindi ko na kaya!
Pagkat sa bawat araw na magdaraan
Lumalalim ang pag-ibig na nararamdaman
Kahit na aking pigilan—
Mahal,Hindi ko matiis na wala ka!
Kahit na ba nasanay na sa pag-iisa
Ikaw pa rin ang hanap sa tuwina..

Isang taon akong nagtago ng nararamdaman
Ngunit tila habang buhay ang epekto ng iyong nalaman!
Ang nais ko lang naman,makapiling ka
Kahit na alam kong may mahal kang iba—
Oo,ako na yung Tng!
Masisisi mo ba ako?
Masama bang mahalin ang isang tulad mo?
Siguro nga tayo yung matatawag na "pinagtagpo ngunit di itinadhana"
Kaya siguro din,dapat na akong magpalaya,
Alam kong sa iba ka nakatadahana
Nagkamali lang si kupido sa pag-asinta ng kanyang pana
Kaya mahal, ang tanging hiling ko bago tuluyang umalis,
Maari bang ibalik yung "dating tayo"?
Bilang " magkaibigan!"— ano ano na namang iniisip mo!
Susubukan kong pigilan ang pusong makulit
At patawad mahal,sana'y di ka na galit... :)
John AD Apr 2022
Ama
Nakakasawa din pala magpanggap maging masaya,
Nakakulong sa kasinungalingan , Marami na rin ang nagtataka,
Diyos-diyosan ka ba ama ? bakit hindi kita makita o madama,
Walang ginawang paraan nakinig sa mga hindi kilala.

Ang daming balita , Nasagap ng aking dalawang tenga,
Nanatiling Pipi , ngunit matalas ang aking mga mata,
Puno ng galit inggit sa sarili ang aking mga nadarama,
Hindi nyo ko tinutulungan , hinayaan nyo lang akong mag-isa.

Kailangan ko bang saktan ang sarili ko para sa atensyon at simpatya?
O Mamamatay muna ba ako para lang mabuo muli ang aking pamilya?
Iiwan ko na ba kayo para lang tayo ay mag kanya-kanya?
O Baka may paraan , para ibalik ang masaya.
Sayang ang Panahon
Ronna M Tacud Jul 2022
Samo't saring emosyon
Tila bulkan na gustong sumabog.
Pakiwari niya'y lahat nalang ay kanyang kapintasan.

Maririnig ang hibik sa may dapit sulok.
Animo'y nagdadalamhati sa sariling sawi.
Siya'y pinagsapantaha sa kasalanang di ginawa.

Kanyang ipinagbatid nguni't tila sila'y bingi.
Umagos muli ang luha sapagka't pakiramdam niya'y hindi sapat.
Humiling sa itaas dahil ito'y nararapat.

At siya'y hindi binigo at binigyan ng abiso,
Isang salawikain na may naglalamang 'Sa mata ng Diyos'.
Nagbigay man ng kaginhawaan sa kanyang kaibutoran.
Datapuwa't hustisya ang siyang nararapat.

Hindi madaling magpatawad nguni't hindi rin madaling makalimot.
Darating man ang panahon na siya'y maghilom nguni't hiling niya'y kahit ngayon lang ay siya'y pagbigyan.
Sapagka't ang sakit ay nanatiling nakaukit.

Kirot na siyang nagbigay nang traumatiko.
At upang maibsan ang pakiramdam
nilinlang ang sarili at nagbabakasakaling halinhan ang nagbabagang deliberasyon.

Maaring marami ang nakakaalam nguni't tila sila'y bingi sa katarungan.
Sapagka't sila'y naaaliw sa kasinungalingan.
Na siyang nagbibigay sa kanila nang kaluguran.

Tanging hiling lamang,
na kung sinuman ang tumalima ay hindi danasin ang kanyang pinagdadaanan.
Dahil hindi madaling paratangan ng isang kasalanan na hindi naman ginawa.
Bagkus, pakinggan at umunawa para sa ikabubuti ng bawat panig.
Andy May 2020
Matagal-tagal na ang nakalipas mula sa huling beses kong magsulat ng tula
Pag sinabi kong matagal, ang ibig kong sabihin
Ay ilang araw na ang nakalipas
Nang hindi ako nakabubuo ng tula
Nasanay kasi akong halos araw-araw akong may naisusulat
Kung di man buong tula
Kahit ilan mang linya
Nasanay kasi akong lahat ng aking nakikita
Ay ginagamit kong inspirasyon
Sa pagbangon
Sa paghugas ng pinggan
Sa pagkain ng hapunan
Sa pagsampay ng labada
Hanggang sa pagpikit ng mga mata
Hindi ako nauubusan
Ng salitang nais isulat o ibigkas
Ngunit sa mga nakaraang araw
Ay hindi ko yun naramdaman
Pareho lang naman ang kaganapan
Pero tila nawala ang aking mga salita
Pareho lang naman ang aking ginagawa?
Bakit nawala bigla ang aking pagiging manunula?
Ang pagbangon ay nanatiling karaniwan
Hanggang pagpikit nang mata
Wala namang mahalagang kasulat-sulat ng tula
Hindi ko mawari
Kung ano ang nangyari
Hindi ko matukoy
Katamaran ba ito? Pagod? Antok? Ano ba itong nararamdaman ko?
Hindi ko matukoy
Kasi wala akong maramdaman
Alam mo yung pakiramdam ng paang manhid?
Aba syempre hindi, kasi wala naman itong nararamdaman.
Sa totoo lang, hindi ko alam
Kung ano ang punto ng tulang ito
Hindi ko alam kung ano ang pinagsasasabi ko
Sa simula hanggang dulo
Pero kahit papaano
Mabuti at nakapagsulat muli ako
I barely wrote anything last week and it frustrated me so much. I don't even know how or why it happened, but I'm currently trying to overcome this slump.
Raiza Mae Togado Jun 2016
Nawa'y sa paglaho ng unos na namamagitan sa ating mundo
Sana naman iyong mapagtanto
Nasa bawat sandali nang iyong pakikipagbuno
Sa tabi mo'y hindi ako lumisan, nanatiling gabay sa'yo.
Originally posted on my Instagram account - https://www.instagram.com/raizatogado/
Hanzou Jul 2019
Hindi ko lubos malaman kung saan na nga ba ang daan tungo sa walang hanggang kasiyahan
Tila ako'y nabalot na ng walang katapusang kalungkutan
Pakisabi naman sa akin ang araw kung kailan ito mawawakasan
Patuloy na naghihinagpis
Mga mata ay laging nananangis
Kung iyong titingnan sa aking pisikal na kaanyuan malalaman mo ang pinagkaiba ng isang taong masaya at isang taong pilit nagpapakasaya.
Oo, hindi ako ang taong kilala ninyo.
Sa likod ng wangis na anyo,
Sa kabila ng 'di mawaring agam-agam,
Nananatili ang isang kabuuan ng pagkatao na kahit kailan, hindi ko ninais maramdaman.
Oo, isa akong halimuyak ng bulaklak sa inyong paningin pero,
Ni minsan hindi nagawang pitasin at nanatiling nakasulyap sa katimyasan.
Isa lamang akong atraksyon na pinipiling lapitan.
Isang anino sa pisikal na anyo.
06302021

Saan nga ba tutungo ang mga salita?
Mga salitang mitsa ng mga ngiting abot-langit.
Mga salitang noon pa sana'y nabitawan
Mga salitang matagal na hinintay at ipinagdasal.

May mga alaalang akala ko'y nanatiling abo na.
At sa aking pagbabakasali noo'y
Baka nga kaya pang mag-krus ang mga landas
Sa daang ilang mga ekstranghero na ang nagdaan.

Sa bawat sandalyas na hindi tiyak ang pinagmulan,
Nangusap ang pusong wag muna't maghintay.
At habang nagbibilang ng mga rosas na pula'y
Mayroong nag-iisang puting isinaboy buhat sa kalangitan.

Sambit ko nga'y sana'y sapat na ang mga panahong binilang
Ngunit ang mga pahina sa kalendaryo'y tila ba naglagasan --
Naglagasan nang walang pasabi't
Nag-iwan ng mga luhang nag-uumapaw.

Natuklasan kong sa buhay na minsang ma'y lumilisan,
Minsan di'y may ilang babalik nang kusa.
Gaya ng tagsibol, ay magsisimulang mamulaklak muli
Ang mga rosas na akala kong nahimlay na sa libingan.

— The End —