Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
AUGUST Sep 2018
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?

Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.

Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok

Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan

Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban

Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod

Salamat sa  Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos

Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin

Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan

Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman

Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Ang tula kong ipinanalo ng first runner up sa isang slam poetry competition ng event na may temang "Ang Modernong Vincentiano" noong September 26, 2018.
dannyjoe May 2019
Pagbasa at Pagsulat

Bata pa lamang ay lubos ng namulat.
Ako’y walang ibang kakayahan bukod sa pagbasa at pagsulat,
Ang aking marka sa agham at sipnayan ay maalat pa sa dagat,
Ang guhit ko naman ay tila panggatong na kalat.

Di ko naman ninais na ito lang ang kayang gawin.
Madami din akong kakayahan na nais maangkin,
Ngunit sa ibang bagay ay hindi naman nakikitaan ng galing.
Sa sarili nagtataka na rin, bakit ba pagbasa at pagsulat lang ang kayang gawin?

Naisip ko na maging mang-aawit, tinig ko naman ay pilit minsan ay pipit.
Naisip ko na maging pulitiko, ngunit ayokong mabansagang mangungupit.
Naisip kong maging ****. kaya kong magturo ngunit, ako ay masungit.
Naisip kong maging arkitekto ngunit, guhit ko naman ay walang kasing pangit.

Sa kakulangan ko ng kakayahan sa madaming bagay, ay sa sarili ay nagtataka na.
Siguro ako ay may isang malaking sumpa.
Sumpa na sa akin ay nagbibigay ng makalangit na biyaya.
Sapagkat sa pagbasa at pagsulat lamang ako lubos na lumiligaya.
It'smeAlona Jun 2018
Sa aking lupang tinubuan
Na sinakop ng mga dayuhan noon pa man
Ang una'y mga espanyol na mananakop
Dala daw nila'y kristiyanismo
Upang ipakilala sa ating mga katutubo
Ngunit ang tanging hangarin pala'y manakop at gawing kolonyanismo
Kaya ilang daan taon tayong hawak ng mga ito
Ating mga katutubo walang nagawa kundi ang sumunod at magsawalang-kibo
May ilan ding nagsisipag aklas upang makalaya
Ngunit sa kalauna'y sila'y bigo sapagkat pawang malalakas at makapangyarihan silang mga nilalang
Nariyang si Gat. Jose Rizal na kinulong at binaril sa bagong-bayan
Na tinatawag na natin ngayong (LUNETA/RIZAL PARK)
At si Gat. Andres Bonifacio na hanggang ngayo'y hindi alam kung sino ang pumatay
Ang tanging alam natin sa kanya'y siya ang "Ang Ama ng himagsikan"
Sa kabilang banda'y hindi nagpatinag ang ating mga katutubo
Nagbuo ng mga samahan upang mapag-aralan kung kailan ang tamang panahon para lumaban
Kaya nung dumating na ang tamang panahon upang sila'y magsipag-aklas
Marami ang sa kanila'y naghimaksik upang ang kalayaa'y makamtan
Kaya noong taong Hunyo labing dalawa, isang libo't walong daan, siyam na pu't walo
Nakamtan ng ating mga katutubo ang kalayaan na kanilang pinaglalaban
Sa bahay ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite
Kanyang iwinagayway ang ating watawat
Sagisag ito ng ating kalayaan sa kamay ng mga mananakop na espanyol
Sa mga nakalipas na taon, tayo'y naging malaya na
Ngunit, ano ba ang kahulugan ng isang malaya?
''Ito ay ang pag-gawa sa isang partikular na bagay ng walang humahadlang o kumokontra sayo at may kakayahan kang kumilos batay sa kung ano ang iyong gusto o nais''
Oo nga't malaya kang gawin ang iyong gusto
Subalit, labag naman ito sa karapatang pantao
At nakapapanakit ka na ng kapwa mo
Marami ang sa ati'y nakakalimot na sa mga paglapastangang ginawa sa ating mga katutubo
Marapat nating pagkatandaan na ang ating kalayaa'y utang natin sa ating mga bayaning nakipaglaban
At ang kalayaa'y dapat igawad sa lahat
Magkaroon ng pantay-pantay na karapatan ang bawat nilalang
Mapa mayaman o mahirap man
Mapa babae o lalaki man
Mapa bata o matanda man
Maging tunay sanang malaya tayong mga pilipino
Hindi lamang sa salita, kundi sa isip at sa ating mga gawa.
Eugene Mar 2018
Gabi-gabing nagsusunog ng kilay.
Araw-araw na tinatahak ang lubak-lubak na daan.
Minu-minutong nagtitiis ang balat sa tirik na araw.
Iniinda ang mga kagat ng lamok sa gabi.
Pinagtitiyagaan ang kapirasong lamparang liwanag sa dilim.
Maibahagi lamang ang kapiranggot na kakayahan.

Inakala **** madali.
Hindi pala.
Kailangan **** suungin ang init.
Kinailangan **** tawirin ang mga ilog marating lamang ang iyong patutunguhan.
Inakala mng magaan.
Hindi pala.
Kinailangan **** maglakad ng walang sapin sa paa.
Kinailangan **** iwasan ang mga putik sa kalsada upang marating ang lugar na akala mo ay langit na.

Nagawa mo pa ring makaalpas.
Ilang beses ka na ba dapat na sumuko?
Nakailang iyak ka na ba gabi-gabi dahil hindi mo kaya ang nakikita mo?
Ilang damit lang ba ang dala-dala mo upang maitawid ang mga kaalaman para sa iba na nagmula sa iyo?
Kaya mo pa ba?

Ikaw ang liwanag sa kanilang madilim na daan.
Ikaw ang gabay sa kanilang pagpupursige.
Ikaw ang magiging pag-asa sa mga pangarap nilang hinahabi.
Huwag **** ipakitang marupok ka dahil lamang sa delubyong likha ng kalikasang nasa iyong harapan.
Isipin mo sila!
Isipin **** may naghihintay na bukas para sa kanila.

Ikaw ang kanilang tinitingala.
Magpatuloy ka sa pagngiti.
Isapuso mo ang kanilang masasayang pagbati sa tuwing ikaw ay makakarating.
Damhin mo ang kanilang pananabik na makita kang masayang nagtuturo sa kanila.
Iwaksi mo ang negatibong bagay sa iyong isipan.
Yakapin mo ang iyong natutunan --ang iyong misyon at rason kung bakit ka inilagay sa posisyong iyong kinatatayuan.

Balang araw ay magtatagumpay ka!
Balang araw ay masisilayan mo ang katas ng iyong pagpapakumbaba.
Pagsisikap.
Pagtitiis.
Malayo ka man sa mga mahal mo sa buhay, naiintindihan nila.
Ang propesyon mo ang magbibigay ng pag-asa.
Magtiwala ka!

Kaagapay mo ang Diyos sa bawat **** pagsisikap.
Huwag kang panghinaan ng loob sa bawat problemang iyong kinakaharap.
Alam naming kaya mo!
Sa iyo uusbong ang mga batikan.
Sa iyo magmumula ang mga pinakasikat.
Sa iyo manggaling ang magagaling at matatalino.
Alam naming kaya mo!
Magtiwala ka sa kakayahan mo.
Ikaw at ikaw lamang ang maglililok nito.
Ikaw at ikaw ang huhubog sa kani-kanilang mga talento.
Nasa iyo ang aming papuri.
Nasa iyo ang aming taos-pusong dasal.
Ang laban mo ay laban naming lahat.
Kayanin mo.
Kakayanin mo!
Ikaw ang aming liwanag sa gabi at pag-sa sa umaga.

#IkawNaNagmamahalMagmamahalPa
Taltoy May 2017
Ika'y dyosa saking mga mata,
Kakayahan mo, sayo'y nagpapaganda,
Sayo ako'y biglang nahalina,
Naging inspirasyon, tinitingala.

Ika'y aking hinahangaan,
Lalong lalo na sa iyong larangan,
Sa bawat laro, inaabangan,
Hindi kumukurap sa iyong paglaban.

Ika'y tahimik na kumukinang,
Ipinapakita ang mga kakayahang nilinang,
Pinagaling ng mga pinagdaanan,
Pinagdaanang tagumpay at mga kabiguan.

Di ko inaasahang ito'y huli mo na,
Mga luha'y parang tutulo sa'king mga mata,
Hindi ko matanggap na ika'y lilisan na,
Hahayo at di ko na muling makikita.

Ngunit wala akong magagawa dahil ito'y desisyon mo,
Iyan ay buhay mo na di ko naman kargo,
Ngunit aabangan ko ang maaari **** pagbabalik,
Ang pagbabalik ng bayani kong sa bawat laro'y puso ko'y pinapasabik.
Paalam na  jersey number 12. Hihintayin ko ang 'yong muling paglitaw sa entablado bilang isang manlalaro, bilang ang nag-iisang Jia Morado.
George Andres Jul 2016
Ewan ko ba kung bakit
Sa pag-ibig may politika
Kung sinong mas may kapangyarihan sa puso mo
Kung sinong kayang bayaran yang mga ngiti mo
Kung sinong may kakayahang patahanin yang luha mo
O paagusin nang walang patumangga
Ano nga bang kapangyarihan ko?
Kundi makinig at makisimpatya-simpatyahan
Punasan ng mahimulmol na panyo ang mga pisngi mo
O ngitian at kulitin ka para di mo naman maisip ang mga problema mo
Ano nga bang kakayahan ko kumpara sa kanya
Kung binigay ko na lahat ng karapatang ari para sa'yo
Ano bang laban ko kung siya ang may hawak ng property rights mo?
Hindi ba krimen na ang tawag kung magnanakaw ako ng tingin sa'yo?
Pero bakit di ka pa nakukulong sa puso ko kung ilang beses mo na akong pinapatay?
Bakit ba wala akong lakas na gumanti sa tuwing sinasaktan ka niya?
Dahil ba sa nakapanghihinang pakiusap mo?
Sa malakas na pagtutol ng mga mata mo?
Maraming dahilan yan kaibigan.
Pero dahil politika ang pag-ibig, siya ang binoto mo at hindi ako
Siguro dahil siya nga ng napusuan **** kandidato.
O sadyang walang dating ang pagpapapansin ko
O dahil masyado mo na akong kilala na di mo nais na maging isa ako sa tatakbo
Nais **** siya naman ang maglingkod sa'yo
Kasi hindi ko alam, ang sabi mo kasi mahal mo siya
Alam mo ba ang salitang yan?
Sapat upang magpaguho ng mga buhay at kinabukasan
Hindi ko, ngunit mo
Pinalampas mo ang pagkakataong
Paglilingkuran kita na parang isang prinsesa
Kung ano ka naman talaga
Naiinis ako sa tuwing pinagmumukha ka niyang pulubi at walang silbi
Ikaw naman nililito mo siya
Binabato ng mga paratang
Tama na
Mahalin mo rin siya ah
Kasi di naman siya maluloklok kung di mo pinili
Pinili mo yan
Magdusa ka
Kahit pa mahal kita
Eh kung sa di mo ko nakikita
Ni binilugan sa balota
Paano ko pa ba ipakikilala ang sarili ko?
Kailangan bang masabing kayo upang mabigyan siya ng kapangyarihan sa'yo?
Pwede naman kitang paglingkuran kahit di ako pinili mo
Pwede naman kitang mahalin kahit kelan ko gusto
Kaya kong gawin lahat 'yon

---

Kahit walang pondo kundi ang puso ko
Kasi independent party ako
At ang katotohanang walang tayo
Di magiging tayo
Na sinampal mo sa aking mukha noon pa mang naging magkaibigan tayo
Tanggap ko
Wala naman akong hinihinging kapalit
Gusto ko lang masaya ka sa napili mo
At sana panindigan niya ng pagpapahirap sa damdamin mo
Kasi tangina kinuha niya lahat ng binigay **** buwis at pawis
Di man lang nagtira upang mabigyan ako

Pero sige na
Tama na'to
Wala nakong maramdaman
Isang kasinungalingan
Paalam na
Sana magtagal pa ang termino
Administrasyong binuo ng pag-ibig niyo
52916
Jose Remillan Sep 2013
Hayun ang duyan ng paulit-ulit na ikot ng mga salot
Pumapaimbulog sa tatsulok na moog;
Hinubog ng gilingang kasaysayan
Bayan ng kabalintunaan.

Matagal nang yumao ang ating mga anak
Nariyan parin ang mga tabak at alingawngaw ng Balintawak;
Kanlungan ng mga supremong baguntao
Sumisigaw ng pagbabago habang iwinawasiwas
Ang watawat ng mga ismo —komunismo, sosyalismo
Sa rebolusyon ng mga sikmura at makina.

Hayun ang duyan ng nagpapatuloy na kasaysayan
Patuloy na kumakanlong sa nakaraan;
Sa mga dayuhang minsang yumurak at nagwasak
Sa kultura at kakayahan.

Kalimutan natin ang pangakong paraiso
Ang tinatangkilik ng bawat tao,
Ang kasakiman ng lumang simoy
Halika, umahon tayo sa kumunoy

Mga minamahal ito ang kapiraso kong entablado:
Walang ibang daan kundi tayo
This poem was first published in the literary folio of the University of Makati, the BAHANDI, 2005
George Andres Jul 2016
Nakita ko si Duterte
Nakita ko ang presidente
Nang bawian niya ng buhay ang isang residente
Siya ba ang nagbigay ng buhay na kahit walang laman
Pinipilit isalba ang hamak na katawan?
Pinipilit iukol lahat ng kagustuhan
Ang mamang iyon ay nais lamang ang kanyang tahanan
Nang bombahin ng trak ang barikada
Kinalabit ng pangulo
Makamandag na sandata’t lumabas ang punglo
Nasaksihan ng musmos ang pagsabog ng bungo

Nakita ko ang presidente
Sa pila PNR
Kung paanong tinusok niya ang bag na aking dala
At kung paanong ngumiti siya nang ako’y makaraan
At nang minsang ang tren, ako’y iwan
Sinamahan akong simpatyahan
Nang isang huli nalang ako na ay liban

Nakita ko ang presidente
Nang minsan akong pumunta sa palengke
Isang sanggol ang kanyang hinehele
Habang binibilang sukli ko sa bente
Nagkataong kulang pa ng siete
Itinulak niya ang isang bata
Binastos ang isang matanda
At isang babaeng di tinulungan sa dalahin
Binuska ang linya ng kanyang ipin

Nakita ko ang presidente
Nang bigyan niya ng tinapay ang isang pulubi
Nang hindi niya itinapon ang basura sa tabi-tabi
At sa kapwa matuwid siyang nagsilbi

Nakita ko ang presidente
Sa mata ng isang bata
Nagsisismulang isipin ang tama o mali
Kung sinong dapat idolohin
O kung dapat bang maging padalos-dalos at matulin

Tunay na siya ang salamin ng sambayanan
Ang piniling maging repleksyon ng paniniwala nati’t kakayahan
71216
Ysa Pa Jun 2016
Oo ginawa mo na ang lahat
Binigay mo ang higit pa sa nararapat
Bumangon, tumakbo at tumalon ka na
Nagkandasubsob at nagkadapa-dapa ka pa
Tumawid ng bundok at ng mga karagatan
Ikaw ay nalunod at nasaktan
Nagsunog ng kilay, at kinalimutan ang tulog
Hinarap mo lahat at ikaw ay nagpabugbog
Ginawa mo ang lahat ng makakaya mo
Ngunit ikaw ay nabigo
Masakit, oo! Walang duda yan
Lalo na kung nalahat na ang iyong kakayahan
Nakakalugmo at nakakadusa
Nakakaiyak at nakakawalang pag-asa
Parang pinagsukloban ng langit at lupa
Parang pinagkaitan ng lahat ng mga tala
Mahirap! Masakit! Oo alam ko
Pero hindi pa ito ang huli o dulo
Maniwala ka sakin, mahirap pero kakayanin
Masakit pero hindi imposibleng gawin
Kung kelan nakasuka ka na ng dugo
Tangina! Ngayon ka pa ba susuko?
Lets just say that something happened...
032317

Sinubukan kong intindihin
ang bawat salitang sinasabi mo
Hinabi gamit ang iba't ibang lenggwaheng
Bago lang sa paningin at pandinig ko.

Natakot ako pagkat hindi ko maintindihan
At dumating na nga sa puntong
hindi na  rin kita maintindihan.
Kaya sumubok akong humanap ng ibang kahulugan
Nagbaka sakaling sa "doon"
ay may mapupuntahan.

Pero mali pala yung takot
na namuo saking pagkatao.
Lahat ng sabi kong iintindihin ko'y
bigla na ring naglaho.
Lumapit ako sayo
pagkat kinakain ako ng emosyon ko,
Ng takot, duda at kakulangan sa tiwala sayo.

Sinambit mo sa aking tumigil na ako --
Sa pag-aalala sa mga bagay
na ikaw mismo ang aareglo.
Dagdag mo pa'y ikaw ang aakay
sa mga walang katapusang kahinaan ko
At doon ako natutong:
wag ka nang ipilit ang kakayahan ko.

Nilinis mo ako at ginawa mo pa ring bago
At sabi mo pa nga'y aabahin mo ako
Hanggang sa makarating tayo sa simulang dulo.
Ama, sa aking pagpapasakop,
Pwede bang yung buong ako
Yung yakapin **** may pagkalinga?

Napagod na kasi akong mag-isa
Gusto ko nang sumilong --
Sumilong sa tangi **** presensya.
Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.  - Juan 13:7
Nyl Aug 2015
Minsan na bang naglaro sa iyong isipan
na sa bawat araw na nagdaraan
ikaw lamang ang mayroong kakayahan
na makapagpatakbo sa iyong kinabukasan?

Mula sa pagmulat ng iyong mata,
sa liwanag na iyong nakikita; ikaw ba'y nagtataka?
Na bakit ang isang katulad mo ang nabiyayaan
na makapaglakad sa mga malamig na sementadong daan?
Gayong sa iyo naman ay walang kakaiba.
Teka, wala nga ba talaga?

Sa bawat dugo na pinahintulutang sa iyo ay dumaloy
malaman mo sanang nalunasan mo ang aming panaghoy
Huwag mo sanang isipin na nawawalan ka ng karamay
sapagkat ako'y narito, handang iabot ang aking kamay

Sa iyong mga mata, nawa'y masalamin ko pa ang kinabukasan
ang ngiti sa iyong mga labi, huwag sanang lumisan
sapagkat, kaibigan
narito kami upang ikaw ay tulungan

Sabay nating hintayin ang hinaharap,
baka sakaling doon ay matapos na ang paghihirap
4J
Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas
Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig
Ang mga balitang may madalamhating panimula.
At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma
Sa kahon at sa lilim ng Malacanang,
Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.

Ginuguhit ko sa aking isipan
Ang paulit-ulit na malalaking tuldok
At ang kani-kanilang dugtugngan
Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan
Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi
Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.

Natatandaan ko pa noong elementarya,
At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan
Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito
At sabay-sabay na susugod at lulusob
Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.

At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili
Ang mga imahe sa realidad
Ay wala naman akong kakayahan
Para pigilan ang tadhana sa pagkitil
Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.

Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon
Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal
At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto
Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan
Ay magsisilbi namang pamana
Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.

Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan
Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala
Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat.
At marahil bukas o sa makalawa'y
Sabay-sabay din tayong magbunyi
Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.
George Andres Jul 2016
Madilim na sulok kung san nagdurugo ang mga palad
Na alala ko pa no'y si Inang ingat na ingat
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Na di ko na maalala itsura kung anong ipis

Ngunit sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong

Taga UP ako, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Taas ng pinag-aralan ko, kung sa ibang bansa, sahod lang ng bayaran?
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
7816
wizmorrison Oct 2018
Ngayon ikaw ay masaya
Dahil sa muli **** naipunyagi
ang madalas mo ng ginagawa.
Kailangan ko pa bang i-klaro
para sa'yo? Sige, sige para 'di ka
na malito.

Nais **** ika'y matuto, ngunit tamad ka.
Kaya naman ang mga pagkukulang mo'y sa **** mo
ipinasa.
Ngayo'y ikaw ang nagmumukhang malaking tanga.

Maari naman sigurong gawin mo 'yong bagay na
makakapagsalba sa'yo.
Pero utak-ipis ka kaya ikaw ay nagpabibo.

Akala mo sa ginawa **** yan
mababago mo ang ihip ng hangin at ika'y magiging pasado?
Sorry ka nalang dahil magigipit ka pa lalo.

Ang ating mga ****'y hindi perpekto.
Kagaya **** may kahinaan na likas na sa tao.
Kung may pagkukulang man siya dapat mo itong punan,
Dahil sa paaralan, istudyante at ****'y nagtutulungan.

Ngunit 'di nga maipagkakailang 'di mo 'yon alam.
Tiwalang tiwala ka sa sarili **** kakayahan.

Sana nga magtagumpay ka,
Mag-ingat ka, halatadong wala ka ng natitirang baraha.
Dahil ang huling alas na babagsak sa harap ng mukha mo'y nasa kamay na ng KARMA.
Ito na guys ang aking TULA NG KARMA. HAHA Enjoy reading.
ESP Nov 2014
Sabi nila, mahalin lang ang di
mo kaparehas
Alam mo ang ibig kong sabihin
Pero hindi 'yun ang opinyon ko

May karapatan tayong umibig ng
kahit sinong nilalang
Lahat ay dapat minamahal
Kahit 'di romantically-speaking

Pero romantically-speaking
may kakayahan akong magmahal
ng sinuman
Kung sino man siya.

Alam ko kung sino ang gusto ko
Alam ko kung sino ang mahal ko
Alam ko hindi ako nalilito
Alam ko, malilito kayo

Eh ano naman kung babae
Eh ano naman kung lalaki
Kung gusto mo, eh di gusto mo
Kung mahal mo, eh di mahal mo

Walang pipigil sa'yo
Ay meron pala
Putangina meron talaga
Ang lungkot kasi meron talaga
Crissel Famorcan Oct 2017
Minsan naisip kong huminto
Naisip ko na ring sumuko
Pakiramdam ko kasi kakaiba na ako sa lahat
Kaya madalas naiisip kong tumigil na sa pagsusulat
Hanggang sa makatagpo ako ng ilang Makata
At sa PANGATLONG PAGKAKATAON,sa kakayahan ko,
Mayroong naniwala
Isa yun sa mga pangyayaring labis kong ikinatuwa
Pagkat kahit papano,may nagpapahalaga pa sa aking mga akda
May nakakapansin pa sa natatago kong kakayahan
Kaya nga mas lumakas ang taglay kong paniniwala
Na isinilang ako para magsulat
Kahit na pakiramdam ko kakaiba ako sa lahat
Hindi ako titigil
Sa pangarap kong 'to walang makakapigil
Patuloy akong magsusulat hangga't kaya ko
At Pagyayamanin pa ang bigay sa aking talento
At sana balang araw,
Matupad din yung pangarap ko
Maging propesyonal na manunulat
At May akda ng Isang Libro.
Christien Ramos May 2020
Isang katangian na ipinamukha sa akin ng kalungkutan ---
Madaya siya.

Madaya ang kalungkutan
Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kawangis niya ang tahimik na kalsada.
Bibigyan ka niya ng pagkakataon
upang mag-isip.
Hahayaan niyang makinig sa’yo ang buwan
Subalit hindi ka nito kakausapin; sa halip,
mas papangibabawin niya ang iyong pagkalito.
Pipigilan niya
ang pagkahol ng mga aso;
pahihintuin niya ang huni ng mga ibon.
Maging ang hangin ay pahihinain nito.
Ititikom ng mga nakatambay na pagtatanong
ang mga bibig nila.
Ngunit, ang akala **** tahimik;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kamukha niya ang payapang tahanan.
Na kahit ang bangaya’y mahihiya.
Walang mintis ang mga yakap,
ang mga tawanan
Buo sa numero
Hanggang sa dulo’t
magmula sa umpisa
Walang bahid ng pagkakawatak-watak
subalit, dama mo pa rin ang pag-iisa.
Dahil ang akala **** mapayapa;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kahawig niya ang mahinahon na ilog.
Na tanging lamig lamang ng tubig
ang kaya **** kilalanin
Bilang sa iyong mga daliri
ang mga batong natatangay nito.
Kaya niya itong gawing panatag
Subalit, hindi ang damdamin mo.
Matutuwa pa siya
Sa panghihinayang **** makasaksi
ng mabilis na pag-agos at pagbabadya.
Ang akala **** mahinahon;
Malungkot na pala.

Oo.
Mapagbalatkyo ang kalungkutan
Kaya niyang maghain
ng maraming pagkakakilanlan.
Bahagi ng kanyang iskema
ang pagkalito na siyang
sa’yo’y mananahan;

mahirap siyang maging kalaban.
Mahirap siyang maging kalaban.

Kaya't siya'y gayahin mo.
Linlangin mo rin siya
ng kakayahan **** magwangis
Ipakita mo na ikaw ang ingay
sa tahimik niyang kalsada;
Na ikaw ang bangayan
sa payapa niyang tahanan;
Na ikaw ang rumaragasang tubig
sa mahinahon niyang ilog.
Bigyan mo rin siya ng maraming mukha
na may iisang ulo ng katatagan
at paglaban.

Pero huwag sa sarili mo
Maging tapat ka rito
magiging armas mo ang pagbabalatkayo
laban sa lungkot; pero
huwag sa sarili mo.
Keep on fighting, fam!
Marg Balvaloza Jul 2018
Sinong mag-aakala
Na doon, tayo ay magkakakilala
Una kang masilayan,
Wala akong ibang naramdaman
Sa gilid ng aking mata
Ika’y aking nakikita
Halos magkatabi
Iisang upuan lamang ang pagitan.
Sinong mag-aakala na tayo ay iisa;
Iisang Diyos pinaglilingkuran, iisa ang pinaniniwalaan
Sabay umawit, nagpuri sa Panginoon
Na alam nating tapat mula noon hanggang ngayon.
Sinong mag-aakala na sa paglipas ng isang linggo
Sa dating lugar, tayo'y muling nagtagpo
Walang muwang, mga hakbang ko'y patungo pala sa'yo
Labi nati'y ngumiti nang ang mga mata natin ay nagsalubong.
Lumipas mga araw,
Ika’y akin paring natatanaw
Nakasama, nakausap, at higit na nakilala
Ikaw ay maalam,
Nabigyan ng kakayahan
Magsalita, mangusap tungkol sa katotohanan.
Sinong mag-aakala na damdamin ko’y makukuha mo
Ang aking atensyon ay hindi na maialis sa’yo
Sa bawat salitang lumalabas sa bibig mo,
Tila ang tinig mo’y nagsisilbing musika sa pandinig ko.
Sinong mag-aakala na ika'y gugustuhin ko,
Makasama sa tuwina,
Galak, tanging nadarama
Tunay nga’t ang pinagsamahan
ay hindi nasusukat,
sa kung gaano na katagal magkakilala.
Sinong mag-aakala na hanggang ngayon ikaw pa rin ay kasama ko
Sa panahon at oras na minsa'y gipit na gipit na ako
Tinuruan, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo
Naging positibo sa lahat ng aspeto.
Sinong mag-aakala na ikaw ay aking makikilala
Landas na nagtagpo nang dahil kay Bathala
Panahon ay susulitin, hindi mamadaliin
Upang sa huli ay hindi tayo mabitin!


© LMLB
"Sa gilid ng mga mata tinitignan kita."
-
Can't believe I met you exactly a year ago and I'm so happy to say that I'm still with you. For more years to come! Thanks for the companionship. I'm going to keep it, just this way. // 04.03.18
Leslie Jade May 2021
Gusto kong gumawa ng kanta
pero hindi ko alam paano sisimulan

Gusto kong magsulat ng tula
pero hindi ko alam ang tamang salita para magsimula

Gusto kong kumanta
pero hindi ko kayang abutin ang mga gusto kong awitin

Gusto kong sumayaw
pero wala akong lakas para humataw

Gusto kong gumuhit at magpinta
ngunit hindi ako kasing galing ng iba

Ang dami kong gustong gawin at aralin
ngunit hindi ko magawa
dahil ang daming kulang sa akin

Ni hindi ko alam kung may iaangat pa ba ang talento ko
Baka hanggang dito nalang kasi talaga ang kakayahan ko
Baka nga naniwala lang ako sa ilusyon na magaling ako

Kasi ang totoo ay hindi ako mahusay
Hindi ako matalino

Sakto lang ako.
myONE Aug 2017
Pag-ibig ko sayo'y parang talaba
Na pilit pa ring kumakapit
At pakamamahalin kita
Sa kung anong alam kong paraan
At aking kakayahan
082517
1323
CPAZY Apr 2021
Sinabi ko na sa lahat ng dilim ako ang magsisilbi sa’yong buwan
Buwan na magbibigay ng liwanag sa malulungkot **** gabi
Gabi kung saan ikaw ay pagmamasdan kahit ano’ng mangyari
Mangyaring hindi ako mawawala dahil mananatili sa’yong tabi.

Ngunit kahit ako ang buwan mas pinili mo ang araw
Araw na gusto mo dahil sa liwanag niyang hindi ko kayang ibigay
Ibigay ang kakayahan niyang takpan lahat ng itim sa kapaligiran
Kapaligirang nagbibigay buhay sa mata **** mapupungay.

Alam ko na sa bawat pagpikit na gawin ng iyong mga mata
Mga mata na habang nakatingala sa aking mumunting liwanag
Liwanag na saksi sa paggalaw ng iyong labi kasunod ang mga salita
Salita na dumurog sa akin tulad ng mga bituin.
Yhinyhin Tan Apr 2023
“Sige may mumu dyan!”
Noong bata ako mandalas itong sabihin sa akin ni mama para iwasan ko ang mga delikadong lugar na magpapahamak sa akin.

At habang nagkakaedad ako
Napagtanto ko na may mas nakakatakot pa pala kaysa sa mga multo
Na mas dapat kong pagtuunan ng pansin.

Ito ang mga mapanghusgang  lipunan
Mga mata nilang sumsukat sa iyong pagkatao
At mga opinyon nilang sisira sa iyong sariling kumpiyansa

Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ko pa rin
Na sinunod ko noon si Mama
At isinapuso ang mga payo niya.

Dahil kahit napapalibutan pa ako ng mapanghusgang lipunan
Mga matang sumusukat sa aking kakayahan,
At mga salita nilang pilit sumisira sa kumpiyansa ko

Heto ako, nananatiling matatag
At ipinaglalaban ang prinsipiyong pinaniniwalaan ko.
Nasulat ko ito while wandering inside the CASA SAN PABLO. Nakita ko kasi 'yong babysitter ng isa bata, papunta sa sa hagdan kasi ang bata at para hindi ito mamali ng lakad ang sabi ng nagbabantay sa kaniya "Sige, may mumu dyan."
Tapos ang dami ko na naisip haha
Ang mundo ay parang entablado
Tanghalan ng sari-saring talento
Mga manonood dito napapasaya
Naaaliw at namamangha sa kakayahan ng kapwa.

-01/11/2015
(Dumarao)
*Ang Mundong Pook Collection
My Poem No. 311

— The End —