Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
John AD Apr 2022
Ama
Nakakasawa din pala magpanggap maging masaya,
Nakakulong sa kasinungalingan , Marami na rin ang nagtataka,
Diyos-diyosan ka ba ama ? bakit hindi kita makita o madama,
Walang ginawang paraan nakinig sa mga hindi kilala.

Ang daming balita , Nasagap ng aking dalawang tenga,
Nanatiling Pipi , ngunit matalas ang aking mga mata,
Puno ng galit inggit sa sarili ang aking mga nadarama,
Hindi nyo ko tinutulungan , hinayaan nyo lang akong mag-isa.

Kailangan ko bang saktan ang sarili ko para sa atensyon at simpatya?
O Mamamatay muna ba ako para lang mabuo muli ang aking pamilya?
Iiwan ko na ba kayo para lang tayo ay mag kanya-kanya?
O Baka may paraan , para ibalik ang masaya.
Sayang ang Panahon
042522

Sasapit na naman ang pinakahihintay na araw,
At hindi ito mananatiling sagrado magpakailanman.
Lahat ay mabibigyan ng patas na paghuhusga
At mismong lipunan ang syang magpapasya.

Naririnig ko na ang sigawan sa bawat dako ng gintong kompas
Kung saan ang kanilang hiyawa'y pagkakawatak-watak.
Iba't ibang ideolohiya sa demokratikong bansa
Kailan nga ba matatamasa ang tunay na pagkakaisa?

Sa bawat kulay na sinasabi nilang ito raw ang bukas
Ay ito rin ang gumuguhit sa kasaysayang tayo na't makibaka.
Kaya nga nating kulayan ang ating pagdikta
Ngunit sa ganitong paraan nga lang ba tayo kakalma?

Sa tuwing may mauupo sa trono na kataas-taasan,
Paano nga ba ang ating pagtindig
Para sa sinasabing mahal na bayan?

Pilipinas nga ba ang ating pinipili?
O kung saan lamang tayo kampante
Habang nananatiling namamaypay
At abala sa kabi-kabilang pag-uusig.

Iniisip nating tayo'y tunay ngang nasa laylayan na,
Ngunit ito nga ba ang kapeng gumigising
Sa dugo nating makabayan?
At sapat ba ang ating paghiyaw
Na walang hinihinging basbas mula sa Itaas?
Mga bibig natin, paminsan nga'y
Puno lamang ng mga palatastas.

Sapat ba na tayo-tayo na lamang
Ang naghihilaan pababa't paitaas?
Pagkat mismong pananampalataya'y
Nadudungisan ng walang katapusang pagkawatak-watak.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan --
Ikaw ang bansang hinirang ng Pagkataas-taasan.
Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas --
Sana'y mapaninidigan kita't
Hanggang sa huli'y maipaglaban
Pagkat maging aking hininga'y
Pansamantalata't pahiram lamang.

At hindi ito lotto o binggo,
Hindi tayo nagtataya nang kung sinu-sino.
Ngunit kung sinuman
Ang maging huling sigaw ng bawat Pilipino
Sana tayo pa ri'y magkaisa
Para sa dangal na nais nating isulong.

Ating pagkatandaan na kahit noon pa ma'y
May iisang hindi tayo tinalikuran,
Iisang Pangalan na may hawak ng bawat kapalaran
Higit pa sa bawat kulay na ating tinatayaan --
At Hesus ang Kanyang Ngalan!
Bangon Pilipinas!
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam,
At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi.
Unti-unti na rin silang naglabasan
Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan
Ang mga bihag sa kahon ng posporo.

Narinig ko ang malulutong na mga papel
Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain.
Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y
Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.

Narinig ko rin ang mga latang may mukha
Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma.
Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba
Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.

Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin
Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo.
Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal
O huhubarin na rin nang paisa-isa
Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.
Xian Obrero May 2021
Sa dami ng mga taon na lumipas
Alaala mo’y wala pa ring kupas
Milyong luha na rin ang tumagas
Sa sakit hindi pa rin makatakas

Pangalan mo’y sigaw pa rin ng aking puso
Dama at dinig mo ba kahit ika’y malayo?

Dama mo ba ang bawat hinagpis?
Dinig mo ba ang aking pagtangis?
Bakit ka lumisang sobrang bilis?
Sa kirot at sakit, hanggang kailan magtitiis?

Sa dami na ng taon na lumipas
Ang pagmamahal ay wala pa rin kupas
Milyong luha man ay patuloy pa rin sa pagtagas
Mahal pa rin kita sa bawat darating na bukas.

Buhay mo man ay biglang binawi
Pag-ibig ko sa iyo ay hindi kailanman mahahawi

Ang buhay man ng tao ay may wakas
Mananatili ang pag-ibig na wagas
Hanggang sa dulo man ng wakas
Pag-ibig na wagas ay mag-iiwan ng bakas.
Ten Mercado Mar 2021
sayaw, Eriko

isayaw mo lahat ng
sinabi niyang “mahal kita”
na pakiramdam mo’y totoo
nung mga panahong
umaalis kayo ng
isang araw kada-linggo
kasi dinadayo ka pa niya
sa Maynila

sayaw, Eriko

iindak mo at
isigaw mo sa mikropono
ang pabulong niya pa
noong unang sinabi,
“ako na lang,
iingatan naman kita”
sa maulan na gabi na ‘yun
noong iniiyakan mo
pa ang mga pangyayari
na kinagigitnaan mo

isayaw mo, Eriko

itawa mo lang ang sinayaw
niya sa sala mo
noong gabi na ‘yun
mashed-potato lang kuno
‘di ba?

halakhak, napamahal
ka sa mukha niyang
parang pinigang tuwalya noon
hindi naman siya guwapo
gaya ng lagi niyang sinasabi

umaray ka, Eriko

nasipa ka ng katabi mo,
pero naalala mo lamang
ang mga oras na nagsisipa
ka ng bato sa Makati
habang naglalakad kayo,
at kinukwento niya
ang pamumuhay niya noon
sa malayong lugar,
pawis na pawis kayo
pero ngiti niyo’y abot langit

talon, Eriko
palakpak

ilang buwan na rin ang lumipas
noong huli kayo nagkausap
binati mo siya ng
maligayang kaarawan,
kahit ang araw mo nun ay
malayong-malayo sa maligaya,
kapos sa saya,
kapayapaa’y nahahanap
mo lamang pag nandiyan ang
barkada

kalma,
inom ng tubig,
Eriko, kawayan ang bote ng alak,
pero huwag kang lalaklak

hinga,

ipanalangin mo na lang na siya’y
maging masaya,
dahil alam mo naman na
iyon ang tama.
10/8/18
Random Guy Mar 2021
bibilis at babagal

ang oras at ang tempo
ang paghinga at ang paggalaw
ang tibok ng aking puso

bibilis at babagal

maging ang mga salita
maging ang mga hakbang

papalapit ng papalapit
ang ating mga tadhana
ang ating mga landas

dalawang bagyong magtatagpo
upang bumuo ng isang kalmadong relasyon
mapanuya
na hindi kailanman nila makuha

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng busina ng sasakyan
ilang metro ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng nagkukwentuhang lasing
ilang hakbang lang ang layo

sasayaw sa musikang
dala ng tadhana
dala ng sipol ng hangin
nagbabanta ng paparating na ulan

sasayaw sa kabila
ng mapanirang tadhana
na posibleng isa sa ating ang mapilay
o mapahiya
dahil hindi na makasabay
sa ritmo at giling
sa musikang dala ng tadhana

patayin ang musika
kagaya ng pagpatay sa nararamdaman
hindi na ulit ako sasayaw
kung hindi ikaw ang kasama
aya Mar 2021
im missing
from my own
existence
i always find myself trying to find myself (another existential crisis <3 what a time to be alive am i right?)
Nix Brook Jan 2021
sa hindi sadyang pagkikita
mga matang aligagang nagtugma
bagkus pinagsawalang bahala
ba't paglalaanan ang 'di kilala

mga hindi tukoy na adhikain
ultimo interes iyong hahagilapin
bakit sayo'ng presensya pa-aalipin?
kung dusa't pighati ang siyang babaunin

mga kalakip ng hiram
hantungan ay paalam
wala kung sino ang may alam
mga damdaming kumakalam
unang paksa
Next page