Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Hindi na ikaw ang gusto ko
Yan ang lagi kong paalala sa sarili ko
Sa twing nakatingin ako sa sayo.
Ayaw ko na ng mga mata mo.
Ayaw ko na ng mga ngiti mo.
Ayaw ko na ng lahat sayo.
Pinili kong maging pusong bato
At hindi pansisinin ang nararamdaman ko.
Parang normal lang
Gaya nung wala pang ikaw.
Kaya ko nung wala pang ikaw
Nagkandaletche letche lang nman ako nung may ikaw
Kasi nung may ikaw
Para akong baliw na laging nakangiti
Nakatingin sa langit
Iniisip ka palagi
At
Ayaw ko na non.
Kaya araw araw akong magiging bato
Sasanayin ang sarili magmukha lang na malakas ako.  
Kahit nakatingin ako sayo ngayon.
Ngayon.
Ngayon parang kinakain ko ang lahat ng pinagsasabi ko
Bakit ikaw parin ang gusto ko
Sa pagising sa umaga
excited pa akong pumasok
kasi ikaw ang makikita ko
kuntento sa sandali
HINDI
kuntento sa isang oras na pasulyap sulyap sayo
“pasulyap sulyap”
Ibig sabihin Segundo
Pero sa bawat segundo ng isang oras na gunugugol ko
Ang gusto ay ang tumitig lang sayo  
Sa mga mata mo, sa ngiti mo
Kahit sa lahat ng kaabnormalan ng katawan at isip mo
Tanggap ko.
Kasi ikaw parin ang gusto ko
Ikaw ang gusto ko
Sabi pa nila tumingin na raw ako sa iba
Kaya sinunod ko sila
Pero sa twing ikaw ay makikita
Parang madilim na kwarto
na ikaw lang
Ang tanging ilaw na bukas
Sa sandaling yun
Walang ibang gamit
Kundi isang ilaw na naiiba sa lahat.
susubok akong magsalita pero lalayo kana
tinatawag ka ng kaibigan mo
kasi ang isang oras ay tapos na.
“SANDALI” sabi ng prof.
muling napinta ang ngiti sa labi
dahil sa huling sandali
sumulyap muli sayo.
   Patapos na ang sandali
At tinawag kana muli
ng mga kaibigan mo.
habang hinihiling ko,
Na sana ay muling magsalita ang prof ng kung ano,
Pero sa oras na yon unang lumabas
ng silid ang propesor.
dahil tapos na ang sandali
Tapos na.
Ang isang oras.
Nath Rye Jan 2016
Isang pinto ang nasa aking harapan.

Pintong gawa sa kahoy. Limang tao ang lapad ng pinto, at dalawan' tao ang taas nito. Dahan-dahan 'kong hinawakan ang nakausling parte.

Hinila ko. Ang bigat.

Isang engrandeng *ballroom
ang itinatago ng pintong aking pinasok. Ang una talagang mapapansin ay ang magarang wallpaper na yumayakap sa pader. Sa pinakaharap, may hagdanan na tila hari't reyna lang ang maaring gumamit. Sa bawat dulo ng hagdanan, may mga nakapatong na gintong mga dekorasyon- mga anghel at mga hayop na makikita lamang sa panaginip. Pero, mapapatingala ka talaga sa larawan ng Diyos at mga anghel na sumasakop sa buong kaitaasan ng ballroom.

Ang amoy naman, amoy ng mamahaling pagkain.
May mga lamesa at mga plato para sa mga nais kumain

Ang unang yapak ko sa loob ay sinalubong ng mga tingin mula sa mga tao sa loob. Lahat sila'y magkamukha...

magkakambal kaya?

Nilapitan ako ng waiter. May dala-dalang alak.
"Ser, gusto niyo po ba ng-"
"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"
Lumabas lang ang mga salita sa aking bibig. Di na ako nakapaghintay.

"Ah... ser, kung gusto niyo po ang kasagutan sa tanong niyo, sigurado akong may makakapagpaliwanag sayo nang mas maayos."

At sabay siyang umalis.

Inikot ko ang ballroom. Kinausap ko ang mga tao. May mga sumasayaw, may mga kumakanta, at mayroon pang mini magic show. May mga nakabarong, iba nama'y naka tuxedo.

Naging masaya ang mga usapan, hanggang itinanong ko ang tanong ukol sa kanilang pagiging magkamukha. Pinapasa-pasa lang nila ang tanong sa mga ibang nasa ballroom. Ika nga, "hindi nila mapapaliwanag nang mabuti."

Ano naman ang napakakumplikadong paliwanag na ito?

Lahat ba, naitanong ko na?

Nanlaki ang aking mga mata. May nakita akong nag-iisa sa dulo ng kwarto. Mukhang matalino. Nilapitan ko.

"Sarap ng pagkain."

Binigyan niya 'ko ng tingin ng pagkagulat.

Makalipas ang ilang segundo, nagsalita na rin siya.

"Ganyan ka ba talaga nagsisimula ng isang conversation?"

"Di eh. Pero masarap naman talaga. Kinailangan ko lang ilabas ang matinding damdamin ko para sa handa."

Tawanan. Pero desperado na 'ko. Gusto ko nang malaman kung bakit.

"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"

"Ah.... ikaw ay tulog ngayon. Nananaginip ka lang. Ang bawat tao rito'y indibidwal na parte ng iyong sarili. Ang iba't-iba **** personalidad, nag anyong-tao."

"Ha?"
Ginagago ako nito, ah.

"Subukan '**** kurutin ang 'yong sarili. Di siya masakit, di ba?"

Tiningnan ko ang braso ko. Kinurot ko, yung masakit talaga.

Wala akong naramdaman.

"Gets? Ako ang parteng nais tumulong sa iba, sa kapwa-tao."

".... Maniniwala muna ako sayo, ngayon. Pero, ibig sabihin ba'y ang lahat ng personalidad ko'y pantay-pantay?"

"Hindi. Ang mga taong nasa itaas ng hagdan, sila ang pinakamalalaking parte ng 'yong sarili. Kaya sila ang mga pinakamakapangyarihan dito sa ballroom."

"At pwede akong umakyat doon?"
Gusto kong umakyat.

"Handa ka bang tanggapin ang iyong sarili? Pa'no kung puro mamamatay-tao pala ang mga nasa itaas? O magnanakaw? O sinungaling?"

"Edi ok, tanggap ko naman na di ako perpekto."

Pero sa isipan ko, natakot ako. Nakakatakot makita ang mga masasamang parte ng sarili mo, na naging sarili niyang tao.

"Edi umakyat ka. Panaginip mo 'to. 'Di akin."

"Sige, salamat pare."

"Geh."

Inakala ko na ang huli niyang sasabihin ay may relasyon sa pag-iingat, o pagkukumbinsi na 'wag na 'kong umakyat. Pero dahil sa isang "geh" na sagot niya, nahalata 'kong wala na akong makukuhang impormasyon kung di ako aakyat.

Nasa harap na ako ng hagdanan. Kung nakatayo ka pala rito, parang nakatitig ang mga gintong dekorasyon sa 'yo.

Isa-isa kong inakyat ang mga hagdan, at sa taas, may nakita akong apat na tao.
  
Yung tatlo, nakikinig at tumatawa sa biro ng isa.

"Hi...?"
Wala naman akong ibang masabi, e.

Bigla silang tumahimik at napatingin sa 'kin.
Alam na siguro nila kung sino ako, dahil nilapitan nila ako at nakipag-kamay.

"Alam mo na ba ang lugar na ito? May nagsabi na ba sa 'yo?"

"Oo. Sabi sa 'kin ng isa na kayo raw ang mga pinakamalaking parte ng aking personalidad."

"AHHH! Mali siya! Nasa impiyerno ka na ngayon. Masama ka kasi eh."

Napatingin lang ako sa kanya.

"Joke lang, 'wag naman masyadong seryoso. Edi madali na lang pala! Sige, pakilala tayo!"
Ngumiti naman ang apat.

Nauna yung tatlo.

"Ako ang parte **** responsable. Alam mo ang mga responsibilidad mo, at maaga mo tinatapos."

Wow. Responsable pala ako.

Ang pangalawa.
"Ako naman ang parte **** madasalin. Malakas ang tiwala mo sa Diyos, kaya mahilig ka magdasal."
Grabe, banal pala ako?

Ang pangatlo.
"Ako naman ang parte **** mahilig sa sports. Mapa-boxing man o swimming, o basketball. Lagi kang handa."
Parang yung bodybuilder ko lang na klasmeyt ah. Napatawa ako.

At ang pang-apat, at ang lider:
"Ako ang parte ng sarili mo na nais makatulong sa ibang tao. Handa kang magpatawa kung kailangan, pero kaya mo naman ring magseryoso. 'Di ka nang-iiwan. Tunay kang kaibigan."

Pero yung tao kanina yung nais makatulong sa ibang tao.... baka ito yung sinungaling. Bahala na.


"Kayo ang pinakamalaki? Natutuwa naman ako."
Nagtawanan lahat.

"Pero may isa pa. Ang pinakamalaki talaga sa lahat."

"Saan?"
Saan nga ba talaga?

"Dito. Halika. Bago ka magising. Para makilala mo."

Pumunta yung pang-apat sa isang dulo ng kwarto. May pinindot siya. May maliit na butas na nagpakita sa pader. Madilim. Nahirapan akong pumasok. 'Di na sumunod ang apat.

Sa gitna ng kwarto, may isang tao. Isa. Nag-iisa, kasama ng mga libro at papel.

"Ikaw ang pinakamalaking parte?"

Tumingin lang siya sa 'kin.

"Ikaw ba talaga? Ano naman sinisimbolo mo?"

"Ako ang katahimikan. Ang katahimikan sa iyong loob. Matatag ang puso mo, at kahit marami kang kinakatakutan, hindi ito nagiging hadlang sa 'yo. Ako ang nagbibigay buhay at enerhiya sa lahat ng mga personalidad mo."

*At ako'y napatahimik. Katahimikan pala ang pinakamalaking parte.
It's 3:44 am woooooooo I started at 3. ps this is in tagalog/filipino. thank you
AUGUST Sep 2018
Sino ba ang modernong vincentiano?
Ano ba ang kanyang pagkatao?
Nagtatanong sa sarili ko
Habang pinagmamasdan ang mahinanang kamay
Kung anong magawa ko
Dito ba sa munting palad nakahimlay
Ang lahat ng kakayahan ko?

Anong meron ako, anong meron tayo? kundi kaalaman.

Kaalaman na di galing sa sabi sabi nilang “hugot”
Kundi sa piraso ng mga aral na ating pinulot
Dahil sa disiplina tayo y nililok
Ang kabutihang asal sa diwa ay pumasok

Mula sa Mga **** nating tinuturing na magulang,
Mga mababang tao na ating ginagalang,
Mga taong nakilala mula ng tayo’y musmos pa lang
Ipinamana sa atin ang pananampalataya, pagpapakumbaba, at kabutihan

Ang tanggapin ang katotohanan,
At hangganan ng kakayahan
Ang malaman ang kahinaan, kahit may kasimplehan
Pilit inaabot ang makatulong ng buong kalooban

Ng walang hinihintay na kapalit
Tulad ng modelo nating si San Bisente (st. Vincent)
Na sa pagtulong ay di napagod
Kaya sa mata ng Diyos naging kalugod lugod

Salamat sa  Amang nasa itaas
Na nagbibigay ng lakas
Ang lakas na di nauubos
Para sa aming misyon na di pa rito natatapos

Sandata ay ang panalangin
Lakas ng loob at damdamin
Dahil sa Diyos na mahabagin
Walang pagsubok sa buhay ang hindi kakayanin

Ating misyon, ang tumulong sa mga kapus palad at nawawalan
Hindi lang sa taong nawawalan ng materyal na kayamanan
Kundi para sa mga taong naliligaw, nalilito at nagugulumihan
Pagkat ating ramdam ang bawat hirap
Ang bigat na tinitiis ng bawat taong may pinapasan

Handang makiramay at ibigay ang anuman
Para lamang ang paghihirap sa pighati ay maibsan
Pagkat sa bawat taong ating natutulongan
gantimpalang pangkaluluwa ang dapat ipagyaman

Sino ang gumagawa nito?
Sino ba ang modernong vincentiano?
Isa ba ako sa mga ito?
Ang modernong vincentiano ay di lang ako kundi tayo
Ang modernong vincentaino ay nagsasakripisyo at mapagpakumbabang nagseserbisyo
Ang modernong vincentiano ang magpapatuloy ng ating kwento.
Ang tula kong ipinanalo ng first runner up sa isang slam poetry competition ng event na may temang "Ang Modernong Vincentiano" noong September 26, 2018.
alvin guanlao Jan 2011
sa gitna ng aking bangungot
ako ay biglang nagising
sabay tapon sa aking kumot
dahil ang teplepono ko ay nagriring

sinagot ang tawag sa ibang lingwahe
sumagot pabalik ang tinig ng babae
akoy nagulat at walang masabe
nang marinig ang pangalan nabuo sa isip ang imahe

imaheng kamakailan ko lang huling nakita
nung isang taon pa ako sa kanya huling nakabisita
ang kinalalagyan niya ngayon ay "not too far"
biglang pasok ang tanong na, "meron ba kayong C.R."?

tinanong ko kung bakit siya napatawag?
ako daw ay kanyang namimiss
pakipot na ako ay hindi na pumalag
gusto kong sanang itanong kung pwede bang pakiss?

nawala ang antok at gising na gising
kahit sa pagkakataong iyon siya ay lasing
walang humpay at nagkwentuhang parang praning
pero sayang naman itinapon niya yung sing-sing ^^

hindi maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman
kagagaling lang sa sakit siguro ay alam mo naman?!
mahal kita at takot akong tayo'y magkasakitan
"i know Were cool" at sobrang close na magkaibigan

ayokong maging bitter ako sa tula
kaya kalimutan mo ung pang anim na stanza
sobrang mahal kita mula noong hanggang ngayon
at kung ikaw ang bumabasa nito ALAM KONG ALAM MO YON!

sa puntong ito, lagi kang nagkakape sa isip ko
nagpapaalala lang, baka abutin ka jan ng pasko?
sobrang init ng kape at hindi mo matapos ng mabilis
kanina ka pa jan wala ka bang balak umalis?

nilabas ko nang lahat ng nararamdaman ko dito sa tula
hindi ko alam kung ikaw ay maiinis o matutuwa
sa aspeto ng pagibig itanong mo kay Amora manghuhula
at ako naman ay sa Magic 8 ball na hugis bola

naiinis ako ngayon sa sarili ko
kung babasahin mo yung tula talagang nakakagago
PERO parang gusto ko ulit pumasok sa puso mo
dahil ako ang U.L.O.L mo! itaga mo yan sa bato!

sana gusto mo akong makita ulit
kahit na ako'y madaldal at makulit
sana magkatotoo ang "Muling Ibalik"
sana matikman ko ulit ang matabang na halik . . .
Eternal Envy Nov 2015
Siguro kahit minsan naranasan mo nang masaktan,maiwanan, at masugatan. Mag iisip ka ng posibleng dahilan o paraan para malimutan ang nakaraan. Ginawa kitang inspirasyon. Pag gising ko sa umaga ikaw agad ang naaalala, magmamadaling pumasok sa eskwela para makita ka. Oo, inspirasyon kita, iniisip kita sa buong magdamag, para akong tanga na umaasang magiging akin ka. Oo, inspirasyon kita, at alam kong hanggang dun lang ako. Alam kong may mahal kang iba. Gusto ko aminin na mahal kita pero ayokong sabihin. Paano ko sasabihin kung takot akong umamin. Gusto ko buksan ang isip at puso mo. Pero hindi ako handa makita ang totoo. Yung totoong mahal mo, yung iniisip mo, yung inspirasyon mo. Siguro dapat na akong tumigil kakaisip sayo o baka kailangan ko nang humanap ng bagong inspirasyon. Gusto ko nang itigil ang nararamdaman ko para sayo. Pero pano ko gagawin 'to kung pakiramdam ko nakatali na ako at hindi na makawala sa alindog na dala mo. Pakiramdam ko kailangan ko nang lumayo. Pero pano ko gagawin 'to kung ikaw ang inspirasyon ko. Gusto ko nang tumigil sa tulang ito, pero pano ko ititigil kung sa tuwing naiisip kita may bagong letra at salitang lumabas sa isip ko. Mahal kita at ayokong sumuko, insipirasyon kita at hindi yun magbabago. Sana maintindihan mo ako kahit na magulo itong ginagawa at sinasabi ko. Natutuwa ako pag kinukulit at hinahawakan ko ang buhok mo. Sa tuwing nahahawakan ko ang kamay mo na malambot, na masarap hawakan at ayoko nang bitawan. Sana parehas tayo nang nararamdaman at kung hindi man tayo pareho, umaasa akong pag inamin ko ang nararamdaman, sana hindi ka lumayo. Sana hindi ka lumayo sa piling ko. Ayokong mawala ka sa buhay ko. Sana ako nalang ang mahal mo. Umaasa akong magiging ako rin ang nilalaman ng puso mo. Tapos na ako. Salamat sa inspirasyon na binigay mo sa akin para masabi ko ang nararamdaman ko tungkol sa'yo sa pamamagitan ng tulang ito. Mahal kita at hindi iyo magbabago
Hi Veanca! Sana mapansin mo ako hahaha :)
JK Cabresos Jul 2016
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,
at ipahayag ang nilalaman
ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan
na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng ibang tao,
dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon
para umibig nang wagas
o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang pagiging pribado ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga litratong ‘yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
nang mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong **** sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka,
kung anong mayro’n at wala sa’yo,
dahil mahal kita.
Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.
Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  
sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ito isang antigong alahas  
na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa
o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.
Mahal kita.
Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,
kukunin ko ang mga agiw sa ‘yong mga lumang gunita,
pilit kong wasakin ang mga pader
na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,
sapat na sa akin ang pag-intindi mo
sa mga kamaliang pilit **** binabayo,
mga pagkukulang na pilit **** pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita,
sa aking nakaraan,
sa aking ngayon
at sa aking bukas,
ilalahad ang pag-aasam na makatakas
sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura,
hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko, d’yan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko,
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.  
Mahal na mahal.
Copyright © 2016
Eternal Envy Nov 2015
Isang bagay na kailangan mo buksan para pumasok o lumabas..

Ang puso ko rin ay parang pinto.
Pwede kang lumabas at pwede ka rin pumasok...
Pero nung lumabas ka hindi na ako umaasang babalik ka pa
Pero nagulat ako kumatok ka ulit
Nag iisip ako kung papasukin pa kita o hahayaan nalang sa labas
Dahil natatakot ako na baka may mawala ulit
Baka mawala ulit yung saya na nararamdaman ko nung natangap ko na, na lumabas ka na.
Natatakot ako na baka lumabas ka ulit at iwan nanaman akong naka bukas..
Bukas sa sakit,kirot,at pagkapagod.
Natatakot ako na maramdaman ko ulit yung sakit na naramdaman ko noong nasa loob ka pa
Natatakot ako na kumirot ulit yung mga sugat na ginawa mo
Natatakot ako na baka mapagod ako sa mga reklamo mo na wala namang katuturan
Pero pangako..
Pangako pag pumasok ka ulit sa pinto ng puso ko...
Pag pumasok ka ulit sa pinto ng puso ko siguradong pasasayahin kita hanggang sa lumabas ka ulit ng pinto
Close,open,close,open
Eugene Oct 2018
"Ilabas ninyo ang kuya namin!" sigaw ni Mon.

"KUYA! Kami to mga kapatid mo!" sigaw naman ni Jef.

Halos magambala na ang mga kapitbahay sa kalye Casa dahil sa ingay ng pagsisigaw ng magkakapatid. Mahigit sampung taon na rin nilang hinahanap ang kanilang nakatatandang kapatid. At may nakapagsabi sa kanilang nasa kalye Casa lamang ito at kasama ang tunay nitong mga kapatid.

"Anong problema ninyo ha? Nakakaistorbo na kayo sa kabilang at sa kalye rito. Sino ba hinahanap niyo ha?" lumabas ang isang matangkad na lalaki at nagsalita sa kanila.

"Alam naming nandito ang kuya Regie naman. Ilabas niyo siya!" sigaw ni Mon.

"Walang Regie dito. At sino kayo? Ni hindi ko nga kayo kilala e," sagot ni ng lalaki.

"Kilala ka namin at ikaw ang nakatatandang kapatid namin. Magkakapatid tayo sa ama. Ikaw si kuya Ryan," wika ulit ni Mon.

"Ah ganun ba? Bakit hindi ko yata alam? Sino bang tatay ang tinutukoy mo?" takang-taka ang mukha ni Ryan nang sabihin nito na magkapatid daw sila sa ama.

"Hindi ikaw ang sadya namin dito. Ilabas mo ang kuya namin!" wika ni Jef. Agad siyang nakipagpatintero upang makapasok sa loob ng bahay. Pero napigilan ito ni Ryan.

"At anong karapatan mo, ninyo na pumasok sa bahay ko? Kayo ba ang may-ari?" mataas na ang boses ni Ryan nang mga sandaling iyon pero nanatili pa rin siyang mahinahon dahil ayaw niyang gumulo pa. "Ang mabuti pa ay umuwi na lang kayo. Walang Regie dito. Nagkamali kayo ng pinuntahan."

"Hindi kami aalis dito. Alam naming nasa loob ang kuya namin. Ilabas niyo siya?" nagpupumilit pa rin si Mon at bigla na lamang niyang iwinaksi ang kamay ni Ryan na nakaharang sa pintuan ng kaniyang bahay. Hindi naman hinayaan ni Ryan na makapasok ito at doon ay ibinuhos na ang kaniyang galit.

"SUBUKAN NINYONG MAGPUMILIT PA NA MAKAPASOK! Ipapa-barangay ko na kayong lahat!" halos kita na ang mga ugat sa leeg ni Ryan sa pagsigaw nito sa kanila. Pero hindi pa rin natinag ang magkakapatid.

"Wala kaming pakialam kung iyan ang gusto mo!" bulyaw naman ni Mon.

Magsisimula na sana ang matinding kaguluhan sa pagitan ni Ryan at ng magkakapatid nang isang boses ang kanilang narinig.

"Sino ba ang hinahanap ninyo ha?" wika nito at mula sa likuran ni Ryan ay nakita nito ang kaniyang kapatid na inaalayan ng isa pa niyang kapatid. Mangiyak-ngiyak naman ang magkakapatid na Mon at Jeff nang makita ang pakay nila.

"Kuya! Kuya Regie!" magkasabay na tawag nila sa pangalan nito.

"Sinong maysabi sa inyo na lapitan ang kuya Ron ko ha?" sigaw naman ng isang binata na nakaalalay kay Ron.

"Hayaan mo muna sila Anghel," saway nito sa kapatid na patuloy pa rin sa pag-aalay kay Ron.

"Kuya, ako ito, si Mon at kasama ko si toto Jef. Kuya, miss ka na namin. Uwi na tayo, please!" nang mga oras na iyon ay nanatiling walang emosyon si Ron sa mga salitang kaniyang naririnig.

"Hindi ako si Regie at lalong hindi ako ang kuya ninyo. Wala akong kapatid na Jeff at Mon. Anghel lang at kuya Ryan ang mayroon ako. Kaya, pakiusap umalis na kayo rito!" wika ni Ron.

"Kuya, bakit? Ano ba ang nangyari? Anong ginawa niyo sa kuya namin ha?" nagtatakang tanong ni Mon nang mapansin sa iisang direksyon lang ito nakatingin.

"Bulag ang kuya Ron namin. Naaksidente siya. Kaya kung maaari ay lisanin niyo na ang bahay namin dahil hindi ito makabubuti sa kaniyang pagpapagaling. Pakiusap," sagot ni Anghel.

"Kuya. Alam naming ikaw iyan. Ikaw si kuya Regie namin. Ikaw ang tumulong sa amin nang mga oras na kailangan ka namin at nandito na kami upang kami na ang mag-alaga sa iyo. Please bumalik ka na sa amin. Nakikiusap kami kuya Regie. Kuya Ryan, payagan niyo na po kaming iuwi kuya namin," parang gripong sunod sunod sa pag-agos ang mga luha ni Mon.

"Walang isasama! Hindi niyo siya kuya. Kuya namin siya! Umalis na kayo rito!" bulyaw ni Anghel. Naitulak ni Anghel si Mon at muntik na itong matumba. Nang makabawi ay sinuntok niya si Anghel sa mukha at nakipagsuntukan na rin ito kay Mon. Pilit namang nakikinig at nakikiramdam si Ron sa mga pangyayari.

"ITIGIL NINYO 'YAN!" sigaw nang sigaw si Ron pero tila walang nakakarinig. Panay naman ang awat ni Jef at Ryan kina Mon at Anghel. Hindi na nakatiis si Ron at muli itong sumigaw.

"TITIGIL KAYO O AKO ANG AALIS!" lahat ay napalingon kay Ron at maagap na bumalik si Anghel sa tabi ng kaniyang kuya upang pigilan ito.

"Sorry, kuya," pagpaumanhin ni Anghel.

"Kayong dalawa, Jeff at Mon, pakiusap. Ayaw ko ng gulo. Umuwi na kayo dahil walang Regie sa pamamahay na ito. Hindi ko kayo kilala at lalong wala akong matandaang tinulungan ko kayo bago pa ako maaksidente. Kaya, umuwi na kayo!"

Hindi naman nakapagsalit sina Jef at Mon. Mabibigat ang mga paang nilisan nila ang bahay na iyon na patuloy pa rin sa pag-iyak dahil nabigo silang iuwi ang kanilang kuya Regie.

Habang papalayo naman ang magkapatid ay doon na bumigay si Ron at hindi na napigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha. Ang totoo ay kilala niya sila ngunit ayaw na niyang matali pang muli sa nakaraan. Masaya na siyang malaman na ang kaniyang mga step brothers ay nasa mabuti nang kalagayan. Kahit sa kaloob-looban ng kaniyang puso ay sabik din itong mayakap sila pero naipangako niya sa kaniyang sarili na kalimutan na niya ang kaniyang pinagmulan at ang mga taong naging bahagi ng kaniyang nakaraan. Nais niyang ituon na lamang sa kaniyang tunay na mga kapatid ang pagmamahal na hindi niya naiparamdam sa mga ito buhat nang sila ay nawalay sa isa't isa.
Irlomak Feb 2016
parang pag mamahal ko sayo
walang "end point"
hindi ko alam kung bakit pero kailangan **** gumawa ng kababalaghan para magkaroon ng end point
ang bilog kong pagmamahal sayo
bakit? hindi pa ba sapat sayo ang tapat at buo kong pagmamahal?
hindi pa ba sapat ang walang end point kong pagmamahal para sayo kaya mo nagawang mag sinungaling sakin?
katulad mo,
pagod na din ako
pagod na akong umintindi
kahit gusto kong pilitin, ayoko na sayangin oras ko
dahil binigyan kita ng second chance pero hindi mo pinahalagahan
oo, life is full of second chances pero hindi ako yung tipong tao na sobrang bait na mas pipiliin bigyan ng isa pang pagkakataon ang ibang tao para lang mapasaya sila sa punto na alam naman niya na hindi siya masaya sa magiging desisyon niya

simula palang ng relasyon natin,
ikaw inuna ko lagi isipin bago sarili ko
kahit may mga oras na gusto ko bumitaw,
inisip ko muna mararamdaman mo
kahit nahihirapan na ako intindihin ka
pero may faith at tiwala ako sayo na magbabago ka,
na magiging tapat ka sakin,
na ang ibibigay mo lamang sakin ay wala kundi ang katotohanan
pero nagkamali ako
nagkamali ako na pinagkatiwalaan kita
nagkamali ako na nagkaroon pa ako ng faith sayo
lagi ko tinatanong sa sarili ko nun
"dapat pa ba kitang pagkatiwalaan?"
sagot ko laging oo,
dahil ang pagmamahal ko sayo ay lamang sa mga pagkakamali mo pero pinatunayan mo na mali ang sagot ko  
kahit alam ko pagkatao mo, binigay ko sayo buo kong tiwala
pero sinira mo
wasak na wasak sa landas na hindi na kita kayang balikan dahil ayoko pumasok sa isang relasyon kung wala akong tiwala sa isang tao

pagod ka na? mas pagod ako
nasaktan ka? mas nasaktan ako

binigay ko sayo buong puso ko pero binalik mo ng durog

salamat

salamat sa pag pasok sa buhay ko at nag silbi kang isang aral sakin

salamat sa masasayang araw natin
na parang kaya ko pa bilangin sa aking mga daliri.
Engineer Mikay Jan 2016
Higit isang taon na rin ang nakalipas
Nang lisanin ang bansang Pilipinas
Upang subukan ang buhay
Sa lugar na kung tawagin ay Dubai

Naalala ang galak ng pagpunta dito  
Nang sa kalaunay puro na reklamo
Paano naman kasi ang mga Arabo
Minsan lang maligo sa isang linggo

Dagdag pa ng klima na sobrang init
Pawis mo'y abot hanggang singit  
At kung taglamig naman ay pumasok
Gusto mo na lng mamaluktot sa isang sulok  

Pagkain na amoy pa lang aayaw ka na  
Kahit gutom mawawalan ka rin ng gana
Babae nila'y nakasuot ng itim na bestida
Pati lalake rin ay nagsusuot ng palda  

Pero kahit ganun ang katulad nila
Gusto ko ang kanilang pananampalataya
Sa diyos na tinatawag nilang Allah
May oras talaga pag nagdarasal sila  

Akala ng marami buhay dito ay maganda
Di lng nila alam kami'y nangungulila
Sa pagmamahal na ipinabaon  
Ng mahal na makikita lng pagkatapos ng ilang taon

Tila ang bilis ng mga pangyayari
May mabuting resulta kaya sa bandang huli
Lahat ng sakit, pagod at pighati  
Mapagsilbihan lang ang mga ibang lahi

Kung lahat ng ito'y isang panaginip
Ayoko na talagang maidlip
Hay... buhay Dubai nga naman
Sana nga may patutunguhan...
Prince Allival Mar 2021
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,at ipahayag ang nilalaman ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo sa sinasabi ng ibang tao,dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon para umibig nang wagas o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta sa kung sino man ang ititibok nitong puso, hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo, dahil ayaw ko lang mawalanang pagiging pribado ng ating relasyon,sapat na sa akin nang itago mo ang mga litratong ‘yan,at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,hindi ko sila papansinin,
hindi kita minahal nang mahabang panahon
para saktan lang, wala akong pake sa kanila,
ikaw ang mahal ko, oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka, kung anong mayro’n at wala sa’yo,dahil mahal kita.Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,hindi ito isang antigong alahas  na susuotin lamang sa mga piling okasyon,pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.Mahal kita.Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,kukunin ko ang mga agiw sa iyong mga lumang gunita,pilit kong wasakin ang mga pader na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,sapat na sa akin ang pag-intindi mo sa mga kamaliang pilit binabayo,mga pagkukulang na pilit pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita, sa aking nakaraan,sa aking ngayon
at sa aking bukas, ilalahad ang pag-aasam na makatakas sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura, hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan, dahil alam ko, d’yan sa puso mo,nakaukit rin ang pangalan ko,at ang pag-iibigan nating dalawa, hindi mo na kailangan ipagsigawan pa dahil alam kong mahal mo rin ako.Mahal mo ako. Mahal na mahal.Sana Nga'y mahal mo pa ako!  Mahal mo talaga ako.
Lance Cecilia Jan 2016
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.

Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.

Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.

Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.

'Yun ang huling alaala ko.

Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.

Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.

Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.

Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!

Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.

Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.

Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?

Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.

Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.

Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-
President Snow Oct 2016
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil nandyan ka para mahalin ang buo kong pagkatao
Tanging kasiyahan ang naramdaman ko
Ikaw na laging sinisigaw ng puso
Laging nandiyan para iparamdam ang kahalagahan ko

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil ang lahat sa akin ay iyong iyo
Sa lahat ay lumaban ako
Pagmamahalan natin ay pinaglaban ko
Pag iibigan ay inalagaan ng husto

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa mga mata mo
Mga mata na iba na ang titig sa mga mata ko
Mga kamay na lumuluwag ang hawak sa mga kamay ko
Mga labi na hindi na ang binabanggit ang pangalan ko

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa iyong pagsuko
Ganoon ba kahirap na ipag laban ako?
Ganoon ba kadaling saktan ang puso?
Ganoon ba kahirap na pumasok sa iyong mundo?

Naging ganito ako dahil sayo
Winasak ko ang sarili ko
Tulad ng pagwasak mo sa aking puso
Bakit ba ikaw pa ang minahal ko?
Bwisit na kupido, palapak na pana't palaso

Naging ganito ako dahil sayo
Oo, ikaw na walang ginawa kung hindi saktan ako
Ikaw na madaling sumuko
Ikaw na hindi kayang panindigan ang mga pangako
Ikaw na may pag ibig na mabilis maglaho
Wretched Jun 2015
Ito na naman tayo.
Parehong sitwasyon,
ngunit ibang pangyayari.
Walang nakakaakala satin
na aabot ulit tayo dito.
Nagmahal ako ng babaeng
hindi na ko pwede mahalin muli
dahil sa mali ang panahon.
Saka na lang din naman
ako natauhan na
maling ito ang aking naging desisyon.
Siguro nga mali
na muli kitang minahal
ng mas higit pa sa aking inaakala.
Hindi naman kita masisi
kung siya talaga
ang iyong pipiliin.
Sino nga ba naman ako?
Pinili ko na lang na sabihing
mamahalin pa rin kita
kahit hindi ako mapasaiyo.
Kakayanin kong
maging masaya ka
sa piling niya.
Hahayaan kita maging masaya
habang onti onting namamatay
ang mga rosas na nais
kong ialay sa iyo.
Hahayaan kitang maging masaya
Habang sinasakal ako
Ng inyong mahihigpit na yakap.
Hahayaan kitang maging masaya
Habang nasusunog ako
Sa init ng inyong pagtitingan.
Gusto kita maging masaya
'wag mo lang sana sa'kin ipakikita.
Gusto kita maging masaya
'wag mo lang sana sa'kin ipamumukha.
Gusto kita maging masaya
pero 'wag mo sana ipaparamdam
na mas minahal mo siya.

Akala ko'y tanggap ko na ang katotohanan.
Hindi ako ang iyong tunay na mahal.
Hindi ako ang nais **** makasama.
Hindi ako. Hindi ako.
Hindi ako nanininiwala
na hanggang dito na lang ito.
Dahil umasa muli ako
Noong hinalikan kita
At sinabi ****,
"tumigil ang puso ko"
Umasa muli ako
noong tinitigan mo ko
Sabay sabing "alam ko ang gusto ko"
Na ako ang pinili **** isama
sa iyong paguwi
noong araw din na nakasama mo siya.
Sa walong beses
Na sinabi ko sayong "mahal kita"
Pakiramdam ko'y
Walong beses muli akong binuhay.
Walong beses kong narinig
ang mga anghel kasabay
ng iyong pagsasalita.
Sa bawat halik mo
na dumampi sa aking mga labi,
naramdaman ko ang iyong nasabi.
"Alam ko ang gusto ko"
Alam ko ang gusto ko,
At 'yon ay ikaw.
Habang magkadikit
ang ating katawan,
tumigil ka pansamantala.
Tinitigan ko lang
ang iyong mga mata
na tila tinatawag ako ng mga ito.
Ng bigla **** sabihin,
"Kakayanin na kaya natin ngayon?"
Wala ng ibang pumasok sa isip ko
kundi, ayoko ng palagpasin
ang pagkakataon na ito.
Kusang lumabas sa aking mga bibig
ang mga salitang,
"Kakayanin na natin ngayon.
Pipilitin natin.
Hindi kita iiwan.
Hindi na muli kita iiwan."
Alam kong ito ang gusto ko.

*June 23, 2015
11:56 am
Alam kong gagawin ko ang lahat para mabawi ko ang bawat luhang iniyak mo para sa akin. Pangako ko sa iyo na iyon na ang huling beses na ako'y iiyakan mo.
Gwen Pimentel Aug 2014
Nakakapagod gumising sa umaga.
Maliligo, magbibihis, magpapakain ng aso
Pagkatapos ay papasok sa eskwelahan

Nakakapagod pumasok sa eskwelahan.
Paulit ulit ang ginagawa
Nakatunganga sa pisara buong araw
Pinoproblema na ang takdang aralin na gagawin mamaya.

Nakakapagod gumawa ng takdang aralin.
Lalo na pag nagsabay sabay ang mga ****
Nagkahalohalo na ang mga presentasyon
Hindi alam ang gagawin

Nakakapagod ang buhay ko
Alam ko bata pa lang ako, at ang mga problema ko
ay tila maliit lamang sa mata ng nakatatanda
Pero para sa akin, ito ay mahirap

Halos wala ng oras para sa sarili
Galing sa eskwela, darating sa bahay ng gabi
Maglilinis ng bahay, pagkatapos any gagawa ng takdang aralin
Matutulog, ng pagod na pagod na pagod.

Sa gitna ng kaguluhan Nakita ko si Hesus
Tumigil ako, lumuhod, at nanalangin
Pagkatapos ay tila nawala ang hirap ko
Para bang lahat ng dinadala ko ay inangat mula sa akin
Sabi ko "Hesus, ikaw talaga ang number one sa buhay ko!"
At napagtanto na kailanman, hinding hindi ko kakapaguran Ang Diyos.
English translation to follow. In line with Buwan ng Wika of the Philippines. Mahal ko ang aking wika.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Study everything, join nothing”
- The Maverick Philosopher

Hindi naman masamang siyasatin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating buhay-buhay. Ayos lang na basahin ang lahat ng aklat na gusto mo’ng basahin basta’t makakatulong ito para makamtan mo ang iyong mga hangarin. Ayos lang na sumabay sa hangin o kaya naman ay tumakbo sa buhangin siguraduhin mo lang na hindi ka mahuhulog sa bangin.

Minsan ka lang mabubuhay at hindi na muling babalik ang kabataan, karapatan mo na pag-aralan ang lahat ng gusto mo’ng mapag-aralan. Hindi mo kailangan na pumasok sa paaralan at magbayad ng pagkamahal-mahal na tuition fee, hindi mo kailangan maki-tropa sa mga bolakbol o kaya naman ay makipag-plastikan sa mga pantas na kung tawagin ay propesor.

Magbasa ka at huwag umasa, hawak mo ang iyong buhay kaya’t hindi mo ito dapat na iasa. Kumasa ka kung kinakailangan upang hindi maging alipin ng sinoman. ‘Hwag mo’ng antayin na turuan ka ng iba, turuan mo ang iyong sarili. Ok lang na maging makasarili basta’t kaya **** dalhin ang iyong sarili. Kumbaga wala naman masama na magsarili gamit ang iyong daliri.

Basta ito lang ang payo ko: ‘wag **** sayangin ang ngayon. Wala sa organisasyon ang tunay na pundasyon. Ang karunungan ay hindi isang donasyon, pinaghihirapan ito tsong. At wag mo’ng sabihin na masyado ka pang bata o di kaya naman ay matanda na’t huli na ang lahat. Walang malambot at walang makunat sa coconut na handang matuto.

Panghuli gusto ko tandaan mo ito. Ang buhay ay hindi isang magandang panaginip hindi rin ito isang masamang bangungot. Ang buhay ay buhay, ganon lang kasimple, ‘wag mo’ng gawing kumplikado. Kung may gusto ka gawin mo, kung ayaw mo naman edi ‘wag. Ika nga walang sapilitan kasi wala ka naman kapalitan ang importante ay matuto ka saiyong bawat ngayon.
Yan ang unang salita na biglang pumasok sa aking utak
Kapag narinig ko ang iyong pangalan na noon akala ko isang bulaklak
Akala ko ikaw ang nag-iisang napagandang bulaklak sa hardin na malawak
Pero nung nakuha kita di ko akalain na ako pala’y iiyak

Mahal, saan ba ako nagkulang?
Minahal kita ng sapat pero bakit ako’y iyong sinaktan?
Ako ang iyong iniwan
Pero bakit ako itong luhaan?

Nasasaktan ako tuwing na-alala ko ang magandang pagsasama
Kulitan doon, tawa dito, hatid-sundo, at loob ko’y nakuha mo na
Hanggang sa binigay ko sa’yo ang aking tiwala
Pero di ko inasahang itatapon mo lang ‘to ng bigla-bigla

Binigyan mo ako ng madaming motibo
Pinakita mo sa’kin na masaya ka kasama sa piling ko
Ipinaramdam mo sa’kin na importante ako sa’yo
At higit sa lahat sinabi **** ako’y mahal mo

Mahal, oo Mahal mo ako
Mahal mo ako tuwing walang kasama
Mahal mo ako tuwing wala kang kalaindian na iba
Mahal mo nalang ako tuwing may kailangan ka
Oo, kasi madali lang sa’yo ang sabihin ang salitang “MAHAL KITA”

Mahal, isa kang napakalaking PA-A-SA
PA – pagmamahal na akala ko nasa’kin na
A – akala ko abot ko na ang pangarap ko sinta
pero
SA – sakit lang pala ang idinulot mo at puso ko’y namamaga
kaya paalam na sa’yo Mahal kong PAASA
astroaquanaut Oct 2015
pumasok sa kompartamentong bilang sa lahat
ngunit ipagsiksikan ang sarili, sumuot, at ipilit
dahil ang maiiwan sa españa ay hindi makakarating
makipaglaban, mang-agaw, ang akin ay akin

trenta minutong paghihintay
sa ilalim ng init, tiyaga ang kapiling sa umaga
bakit nga ba ‘di pa makikipag-balyahan?
asal-hayup upang mapuntahan ka lamang

sa pagdating sa istasyon ng sta. mesa
pawis ay naghahalo, amoy ay ‘di mawari
napagitnaan ng dal’**** dalagang nagchi-chismisan
‘di sinasadyang makinig, ako’y ‘di sang-ayon kaya iiling

sa hawakan ay higpitan lalo ang kapit
sasakyan natin ay paparating na sa pandacan
tumitig sa bintana at muli, bigla kang naisip
ngunit sila’y ‘di maibigay ang inaasam na pagtahimik

bakit nga ba ako nagtitiyaga?
sa masikip, magulo, at maingay na paraan
paalis na tayo sa istasyon ng paco
ika’y singtulad ng tren na ito

hindi makahinga sa dami ng taong nilalaman
kailan ba mapapadali ang ruta sa araw-araw?
magrereklamo, magsasawa, sasabihing “ayoko na”
titigil sa istasyon ng san andres

mananatili hanggang makaabot sa vito cruz
pasulong ang andar ngunit ang gana’y wala na
pagod at nagsasawa, hindi magawang iwan
ngayon ka pa ba susuko, eh ang lapit mo na?

nawala ang bigat ng pasahero pagdating sa buendia
nawala na rin panandalian ang sikip na iniinda
ngunit ano namang silbi ng ginhawa,
kung paalis ka na rin at nalalapit na sa paru-roonan

pagod ka na pero tiyagain mo nalang
ikaw at ang sitwasyon ay nariyan na nga
nag-inarte ka pa kung kailan nasa pasay road na
hindi ka pa ba nasanay sa araw-araw?

tumigil ang tren sa istasyong pinakahihintay
pawis, pagod, suot ang damit na gusut-gusot
heto na, sa dami ng nangyari ay narito na
sa edsa magallanes, salubungin mo siya
renzo Apr 2020
Pumasok sa bulwagan, mga tao'y nagtipon.
Ang pagbukas ng kurtina ang siyang sa'kin sumalubong.
Mayroong isang dula, napukaw aking atensyon.
Nakamumulat ng mata at may malinaw na intensyon.

Tanaw ang isang dalaga, pagsalita niya'y mahinahon.
Nananawagan sa madla, naghahanap ng tulong.
Kumakalam daw ang sikmura, pansin kanyang tensyon.
Sigaw lang ng dalaga, "Pagkain para sa nagugutom."

Alagad ng batas ang nakakita, dalaga'y sinakay sa apat na gulong.
Minaltrato ng sistema, inabuso kanyang dunong.
Binaba kaniyang palda, rinig sa dalaga ang pag-ugong.
Dinala siya sa korte ang dalaga, makasalanan daw at siya'y nakulong.

Hanggang sa kasukdulan, pait ang kanyang dinaranas.
Sa kamay ng batas, sa kamay ng nakatataas.
Dalagang lumalaban hanggang mawalan na siya ng bukas,
Ang pag-gahasa sa bayan, ngalan ng dalaga'y Pilipinas.
Crissel Famorcan Apr 2017
Buwan ng puso nung una kitang makilala
Chinat mo ako at nireplayan naman kita
Hanggang sa araw-araw, tuwing umaga
Kausap na kita bago pumasok sa eskuwela
Simula nun di ko na natiis na hindi mag-facebook
Imbis na inaatupag ko dapat yung aking mga textbook
Hanggang sa one day, naramdaman ko na merong kakaiba
Then narealize ko nalang---shet !  gusto na kita
Dun ko nabigyan ng kasagutan
Lahat ng nasa isip kong mga katanungan
Kung bakit kapag nakikita ka
Gusto kong lumundag sa saya
Sa tuwing kausap kita
May kakaiba akong nadarama
At kung bakit nga ba?
Madalas,
oo madalas
na naiisip kita.
Kaya tinago ko lahat sa yo
At palihim  na sumisilay sa labas ng room nyo
Pero ng malaman mo lahat ng to
Parang gumuho ang mundo ko
Oo gumuho ang mundo ko!
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
Mananahimik na lang ba o aamin?
Kaya mas pinili ko nalang na sabihin.
Pero shet! yun yung masakit sa damdamin
New year's eve pa nun nung sinabi mo sakin
May gusto kang iba
Ang masaklap dun?
Yung BESTFRIEND ko pa
Yung bagong taon imbis na bagong buhay
Sinalubong ako ng sama ng loob at mga lumbay
Dun ko na realize na ang tanga ko
Para mahulog ako sa isang kagaya mo
Kung gusto mo sya, ano pa bang laban ko?
Sa mga ganyang bagay, kelan ba ko nanalo?
Hanggang ngayon, alam mo ba?
Nag sisisi pa rin ako
Kung bakit hinayaan kong mafall ako sayo
Kaya maalas kapag nagkakasalubong tayo
Umiiwas agad ako.
Umiiwas ako.
Kasi feeling ko
awkward na masyado
Kaya nga siguro madalas **** tinatanong sakin
Kung bakit di kita pinapansin
Sorry pero ayoko nang isipin pa
Ayoko nang umasa pa
Na pagdating ng panahon
may tayong dalawa pa
Pero alam mo ba?
Alam mo bang gusto kobg sabihin na
kamusta ka?
Okay ka lang ba?
Sana maayos ka.
Kumain ka na ba?
Wag kang magpapagutom huh?
Maayos ba tulog mo kagabi?
Hinihiling ko yan araw-araw, gabi-gabi
Pero hanggang dun lang ako.
Hanggang dun lang ako
Kasi nga diba?
Nakuha na ng iba
Yung susi ng puso mo
Kaya hanggang hiling nalang ako.
Hanggang hiling nalang ako
Na sana isang araw,
kumustahin mo rin ako.
Sana isang araw,
alamin mo kung kumain na ba ako
O kung naging maayos ba ang tulog ko.
Sana
kahit minsan
maisip mo rin ako.
Hindi na yung sya nalang lagi yung nasa utak mo!!
Sana isang araw maramdaman mo
Na may isang taong nandito lang lagi para sayo.
Handang maging takbuhan mo,
Hangdang maging karamay sa bawat problema mo.
Sana isang araw,
malaman mo,
Na may isang taong
nagmamahal sa yo,
Kahit na iba yung laman ng puso mo.
Sana malaman mo na nandito lang ako .
Maghihintay sayo.
Handang magsakripisyo kung kailangan mo.
Kahit na kaibigan lang yung turing mo.
Masakit man pero Kailangang tanggapin ko.
Kasi nga diba! ONE SIDED LOVE  lang naman
Ang love story na to.
Stephanie Sep 2018
Walang Pamagat
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Malumanay ang pagkumpas ng mga kamay ng orasan
Sumasabay pa tong nakakabinging katahimikan
At ako? Nandito sa loob ng apat na sulok ng munti kong silid
Kabisado ko na ang bawat detalye ng kwartong ito ngunit ito parin, nagmamasid
Na para bang nasa ibang lugar ako, nangingilala, nagtataka
Tulad ng kung paanong maraming tanong ang gumagambala sa katahimikan ng sandali
Mga tanong na habang pilit kong hinahanapan ng sagot ay mas lalo lamang nagpapaalala sayo
Sayo at kung anong meron tayo… noon
Para ka rin palang kwarto ko.
Kilala kita, kabisado ko na ang takbo ng isip mo
Alam ko kung kailan ka nagsisinungaling kapag sinabi **** “okay lang ako”
Alam ko kung ano yung mga tugtuging hinahanap-hanap ng pandinig mo
Alam ko kung paano magniningning ang mga mata mo kapag nakakakita ka ng cute na aso
Alam ko dahil inalam ko, alam ko dahil ipinaalam mo, alam ko dahil ginusto kong malaman
Kilala kita, kabisado ko ang bawat tibok ng puso mo
Pero muli, para ka rin palang kwarto ko
Na kahit gaano kita kakilala at kakabisado, naguguluhan pa rin ako
Nangingilala;
Nagtataka;
Dahil kahit naging malapit ka sa akin ay tila parang napakalayo mo pa rin
At kahit gaano kita kakabisado ay hindi ko pa rin alam ang kasagutan mo sa mga  tanong na iniwan mo sa akin kasabay ng pag-alis mo sa buhay ko:

bakit.

Bakit ka pumasok sa nananahimik kong buhay para pasiglahin ito at sa huli ay iwan ako?
Bakit mo ipinadama sa akin na importante ako para lang isang araw ay ipadama na wala na kong halaga sayo?
Bakit mo ako nilapitan nang may ningning sa mapupungay **** mata at matamis na ngiti sa iyong mga labi?
Bakit mo ipinaulit-ulit ng bigkas ang pangalan ko na hanggang ngayon ay musika sa akin?
Bakit ka nagpakilala para lang sa huli ay limutin?
Bakit ka lumapit sa akin na parang isang apoy na nagbigay liwanag ngunit siya rin palang tutupok sa akin?
Bakit ka dumating sa buhay ko para lamang sa huli ay lumisan?

Ang daming bakit pero iisang bakit lang ang gusto kong sagutin mo.

Bakit mo ako iniwan ng biglaan?

At hindi naman ako tanga.
Alam ko na iba tayong dalawa.
Sabihin mo nga sa akin kung paano ko hindi bibigyan ng pansin ang sigaw ng mga kilos **** sinasabing espesyal ako?
Paano kung sabihin ko sayong pinakinggan ko ang bulong ng puso mo noong unang beses na inaya mo akong kumain sa labas?
Paano kung sabihin ko sayo na narinig ko ang pangalan ko sa pagitan ng pagpintig ng pulso mo noong inabot mo ang mga kamay ko?
Paano kung naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga biro **** nagpapahiwatig na ako ang gusto mo?
At paano kung sabihin ko sayo na nakita ko ang nakaukit na ‘mahal kita’ sa ningning ng mga mata mo sa tuwing magkasama tayo?

Hindi naman ako tanga.

Alam mo ba? Tayo ang tulang ito.

– walang pamagat

Kumbaga sa linya ng isang kanta ay “oo nga pala, hindi nga pala tayo”
Na katulad ng isang pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending
At katulad ng isang nobela, masaya man o malungkot, lahat ay nagtatapos

Sa lahat ng nobela, itong sa atin yung kuwento na hindi naisulat ngunit nagtapos
Natapos ngunit walang paalam

Kahit wala tayong pamagat, gusto kong pahalagahan ito
Dahil ito yung meron tayo.
Medyo magulo pero ito, tignan mo, naisingit ko na yung salitang “tayo”

Sayang.

Sana kumapit ka pa.

Naiisip ko pa rin gabi-gabi kung bakit ka lumayo
Patawad, naaalala pa rin kita kahit hindi ko naisin
Patawad, umaasa pa rin ako na babalik pa sa dati ang lahat
Dahil naniniwala pa rin ako na nobela tayo
At hindi pa nagtapos ang kuwento noong huling beses na humakbang ako palayo at hindi ka nagsayang ng segundo para lumingon sa direksyong tinahak ko

Naghihintay ako.

Mali pala ang pagkakagamit ko ng mga salita.

Wala pa tayong pamagat

Ngunit malay mo balang araw ay magkaroon din at habang hindi pa dumadating ang araw na iyon, ipipikit ko ang mga mata at ibubulong sa hangin na…

sana malaman mo na mahal din kita.
Jeremy Javier Sep 2015
Tumingin* si Kupidong hindi mapakali
Sa damdamin kong nag-aalab sa iyo.
Aking pagkamangha ng labis sa iyong mga
Mata na hindi makatingin sa akin. Sana
Magtapat ang naglalabang puwersa
Ng pagmamahal at pagkainis para ang
Nadarama ko sa iyo ay maibsan na.

'Di ba't nais mo na mawala ako; hindi ba't
Gustong-gusto mo na akong gumuho?
Ika'y torete na sa akin, alam ko 'yon. Kung
Mawala ako, mawawala ka na din
Dahil ako lang nagmahal sa'yo ng sobra.
Handa ka na ba mawala? Tignan mo sana
Akong nakaalis na sa iyong puder. Kung
Ibigin mo ako ng sobra at sumubok
Ka pumasok sa aking puso, makapapasok ka?

Kung papipiliin ka, ako o ang sarili mo?
Maging makasarili o subukang makabuo ng
Tayo? Ako'y pinipilit mo pa na bumalik
Sa'yo, sa'yong maliit na puder. Noon, simple
Lang ang nais ko, ibigin at umibig. Ngayon,
Ang pag-ibig ko'y may hangganan, ang
Puso ko'y napapagod. Pakawalan mo na
Ko at ang pag-ibig mo sa akin.

Silent inside the room, with darkness in the
Sanctuary, I sit here and try to seek you.
     (to alfia)
-J.J.
Nasaan ka, noong kailangan kita?
solEmn oaSis Dec 2015
nagmula sa lupa
magbabalik ng kusa
Di ko magagawa ang
kaaya-ayang nakalipas
" kung walang nakikitang "
mga tamang nagsisi-alpas
hindi ito isang panaginip
ito'y bunga ng pagkainip
Hindi pa sana ako maghahanap sa iyo
ngunit "SILWETA", pumasok ka sa isip ko
sa puso ko, ikaw nga ay aking pinagbuksan
"tuloy po kayo? taka!" bagamat nag-alinlangan*
aking pag-iisa'y naibsan
sa ganda ng nakapaligid
di ko alintana nilalakaran
sa liwanag,ako'y nakapinid
samantalang hawak-kamay
diwa at puso ko'y marilag
kaibigan kang sakdal-dilag
nawa'y muli kang makalakbay !*


© copyright 2015 - All Rights Reserved
hindi lahat ng krus may nakapako,,,
dahil ang tutoo,may nakapa 'ko....
sa liwanag at hindi sa dilim!
at magpa-hanggang ngayon
magka-dikit etong mga binti
habang may sinasalo sa likod
ang aking dalawang kamay!!
bless Mar 2019
Matapos ang bawat kanta ng aming pwedeng kantahin
Dasal na alay para sa mga taong may ilaw na bilog sakanilang ulo

Hihinga ako ng malalim
Ngunit di maaalis ng aking paghinga ang kaba at takot sa aking dibdib

Tubig at bolpen lang laman ng aking bag
Sa pagdarasal
Alam kong hindi sapat ito para ako’y manatili sa aking kinalalagyan

At tulad ng aking dalangin
Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Sa kanyang puso at mata
Dama ko ang kanyang pagmamakaawa


                                  “Bigyan niyo po kami ng awa”


                                              “Maawa po kayo”


Rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo
Rosaryo sa Huwebes
Rosaryo na aming kailangan sabihin sa wikang ingles


Siguro sa aking pagdarasal ng rosaryo ng malakas
Ay maawa sila saamin
Masakit man ang tuhod sa pagluhod
Hindi pa rin nito maalis ang takot at kaba sa aking puso


                     “Alam ko pong hindi sapat ang aming dala”


Ang Ikalimang Misteryo ng aking pagmamakaawa


                            “Pero sigurado po na ako’y may alam”


Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Nananalangin na sana’y hindi niya ako isama sa kanyang pag-uwi

Matapos man ang mga Misteryo ng Rosaryo
Alam kong hindi pa tapos ang aking kalbaryo
Dahil ilang minuto na lang alam kong tatawagin na aking pangalan


                                               “Maawa po kayo”

                                                         ­    .
                                                             .
                                                             .
                                                             .
                                                             .
                                                             .


Hindi maaalis ng lamig ang pagpawis ng aking mga kamay ng buksan ko ang pinto
At sa ibaba, nakita ko agad ang aking ina

Itinaas ko ang aking kamay
Sabay ng kanyang pagngiti

Ako’y mananatili
Hindi na niya kailangang mag-alala
Magsisimula na ang aming pagsusulit
At kailangan kong pumasok na




© 2019 B.L.
All Rights Reserved.
George Andres Jul 2016
Nagtatanong ako kung bakit di ko mailarawan
Lahat ng naglalaro sa'king isipan
Na kailangan pa umaano bigyan ng isang kwadro
Sa inyong mga tamad na isipan
At trabaho ko pang sa inyo'y isubo ang matigas na katotohanan
Na para saaki'y isang malaking katangahan
At ginagamit lamang ng maraming nais magpasikat upang tumaba ang kapalaluan sa kani-kanilang tiyan
At kumain ng papuri na siyang lalamunin pang kape lang at pambili ng tinta ng bolpen o ng papel man 'yan
At ano pa ang sining kung wala ka nang mapiga sa utak **** kinain ng uod ang laman
Lumuluha ka ng dugo para sila'y mamangha; mga burgis na magpopondo sa iyong katha
Na ano? Kasabay mo lang rin pumasok sa pamantasan bilang dukha
Pero ibang iba na mga mukhang inalisan na ng pasakit ng pag-iisip
Kung ano na ang para kinabukasan o kung meron pa nga namang daratnang liwanag
O kung bukas ay ang kadiliman naman
Saan ka pupulutin lintik kang di naging gahaman na piniling 'wag magpakayaman sa mumunti **** naisin na pagnanasa ng 'yong katawan?
Pinili **** sundin ang tawag ng 'yong laman, ang tawag ng uhaw na kalooban
Ano nga ba ang silbi ng pagpapakain sa kanila ng iyong isipan kung maari namang ito'y bigyan mo ng isang kasangkapan o kaya ito'y laktawan
Ng kahit anong katanungan at pagpagin ang natutulog nilang kulot na taba mula sa pang-aalipin ng katamaran?
7816
Ilang oras nang nakatutok
Ang aking largabista sa iyong bintana.
Iniintay ko ang oras na ikay dumating.
Nagtatago sa dilim upang di mo mapansin
ang madilim na aninong nag-aabang.
Naka ilang ikot din ang mga kamay ng orasan
at sa wakas ay pumasok ka na sa iyong kwarto.
Di mo ba napapansin na sa iyo’y may nakatingin?
Pinanood kita at pinagmasdan ang iyong bawat kilos.
Mayamaya’y dumungaw ka sa bintana
upang namnamin ang matamis na simoy ng hangin.
Sinunggaban ko ang pagkakaton.
Itinapat ko ang lente ng largabista sa iyo.
Pinagmasdan kong maigi ang iyong mukha
Nakatutok  na ang lahat sa sentro ng aking atensyon.
Ikaw.  
Perpekto na ang lahat.
Isang kalabit ng daliri.
Magkikita kayo ng tadhana.
Mas mabuti pang ilibing
Kaysa maligaw
Mas mabuti pa nakikita ang sarili sa ilalim
Kaysa hindi makita ang sarili kahit kailan
Oo nga't ako ang naghukay ng lupa,
Ako itong kusang pumasok.
Ako ang naglibing sa sarili ko.
Ngunit sinipa mo ako paloob.
Tinabunan mo ng lupang mas marami pa kaysa nararapat.
Sila itong nagpatong ng limang malalaking bato.
Paniguradong wala na akong aahunan.
Paniguradong hindi na ako makakabangon s apagkakamatay.
Hindi pa napanatag at may ahas na pinagpilitan.
Ipasok, gumapang, pinagsiksikan.
Tinabihan ako, hinalikan
Inikot ang ulo at dahan dahang pinalibutan ang aking leeg.
Hindi ako lumalaban, hindi ako pumalag.
Hanggang kailan niyo papatayin ang namatay na?
Hanggang kailan niyo didiligan ng dugo ang lupang basa?
Hanggang kailan ako mamamatay?


**Svelte Rogue
This is the Tagalog version of my first chavacano poem entitled Entumecido.
aL Jan 2019
Bago sana sumapit uli ang malamig kong umaga,
Aking asam ay 'yong pagdalaw sa aking panaginip
At hindi na humihiwalay ang iyong alaala,
Makulong hanggang matauhan ang pagiisip

Ang pagpawi nito sa aking nalilitong kamalayan,
Mistulang haplos sa aking napapagod na katawan
Bago pa ako uli lamunin ng sangkawalan
Mamamahinga na may saya, ang lahat ng sakit ay naibsan

Tanghali na, mulat ang araw at ang paligid ay makulay
Walang ibang makita ang mga matang mapungay
Huli na ang lahat para magtanto,
Hindi rin naman ako nararapat para sa'yo.
Sangkasalan=nothingness

A girl from years a ago
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
derek Feb 2016
Naalala mo pa ba, noong magbukas ang Nagi?
Pagkahaba pa ng pila, umabot ng Yabu dati.
Kahit pa nga yata Yabu, ay kayhaba din ng pila
Araw-araw laging ganyan, kaya dapat maaga ka.

Sa katagalan pagdaka ay nagkaupuan na nga
Ang babae ay sisigaw, at susundan ng iba pa
Bigay todo ang pagbigkas, tila baga walang bukas
Rinig mo ang tinig nila kung ikaw ay nasa labas.

Sunud-sunod na araw pa, na kami ay nasa Nagi
Itanong mo pa kay amo, siya po ang aming saksi.
Kung paanong alas-onse'y, naghihintay na ng taxi
para sa pila'y mauna, at nang makakain kami.

Ilang buwan din siguro ang sa mundo ay dumaan
na ang pagdalaw sa Nagi ay biglang naging madalang
Na mula sa bawat araw, ito'y naging linggo-linggo
Kalaunan pa ay naging Enero, Pebrero, Marso.

Lumipas ang mga taon, at ngayo ay Pebrero na.
Ngayon na lang uli kami doon sa Nagi nagpunta.
Ang dating mahabang pila, ngayon ay tila wala na
Alas-dose na noon, tanghali na po partida.

Noong pumasok na kami'y sumisigaw pa rin sila
ngunit dinig mo sa boses na ang sigla ay wala na.
Kahit yung pitsel ng house tea na laging inihahanda
Ngayon baso-baso na lang, tapos manghihingi ka pa.

"Nakakain na po kami, puwede bang bukas na lang?"
"Mayroon na n'yan sa Mega, pati na sa Katipunan"
"Huwag ka nang magmadali, hindi na dapat agahan"
"Kahit anong araw pwede, kasi nandyan lang naman 'yan".

Tayo'y magaling lamang ba, kapag bago at simula
kapag bago sa paningin, kapag bago sa panlasa?
Na 'pag nilamon ng oras o kinasanayan mo na
ay tila pinagsawaan at pinagwalang bahala.

Kailan kaya darating, ang sa aki'y tinadhana
na sa aking pagtangkilik, hindi ako magsasawa?
Na kapag nakita ako'y ramdam ko ang galak niya
at ang puso ko'y lulukso marinig lang ang ngalan n'ya.

Malamang ay naglalaro ngayon sa iyong isipan
"Tungkol pa rin ba sa Nagi, ating pinag-uusapan?"
Huwag mo na itong isipin, sagutin mo na lang ako
may pila pa kaya ngayon, sa bagong tayong Ippudo?
It's been a while since I wrote a metered poem. This one has 16 syllables per line. Not really a big deal, but I hope you enjoy.

UPDATE:

When Ramen Nagi first opened in SM Aura (a mall in Manila), it was really popular. Imagine long lines of people waiting to get a seat and try their ramen (especially during lunch). I think they were really popular somewhere, that people were really that excited that a store opened up in Manila. We usually went earlier than your usual lunch time just so the line won’t be that long. We loved their ramen so much that we ate there as often as we could.

It’s been a while since we last ate there. I tried to contemplate in this poem how much has changed since it opened, how the long lines of people are no longer present, how the enthusiasm of its staff was not as great as when they first started serving ramen. Then I realised how similar the situation was with relationships — feels like sometimes we only show our “maximum effort” at first, which diminishes over time. I sure hope that at some point in my life I would find the one that I won’t get tired of loving.
Coco Li Jun 2014
Sa sikip at kakapalan
ng iniwang usok,
mga langgam ay
di magkamayaw dito
sa kahabaan ng pila.
Hibik nang hibik nang
pumasok sa kaliwa
at sa kanan ng ika'y
nagaabang at tulala.

Tanda mo ba nang
dito'y nagkabungguan,
nakipagtitigan,
at nagtawanan sa
kawalan ng
ating kalikuran?

Sa hirap ng buhay
sinabi mo ang
iyong naranasan
at nangakong
hindi malilimutan ang
dating pinaggalinan.

Sa paglipas ng
apat na buwan
kahit bulong ay
hindi naaninag.
At ako'y nalinlang
sa pangakong
hinayaan mo na
dito'y matapaktapakan.
Matias Feb 2018
Ikaw na laging nandiyan kapag madilim ang daan
Ikaw, ikaw ang laging tagapunas ng luha ko kapag ako'y nasasaktan
Ikaw, ikaw ang nagpatibok sa puso ko
Ikaw ang nagbago ng mundo kong paulitulit lang
na sawang sawa na sa buhay na nakatunganga lang

pumasok ako sa mundong ginagalawan mo
ngayon nagsisimula ang araw ko na didilat sa umaga
ikaw ang unang gusto makita
yayakap sayo ng mahigpit at hindi naghihintay na ibalik ang yakap na ginawa ko sayo

babangon tayo ng sabay
mula sa higaang matamlay
kakain ng agahan para malamnan ang kumakalam na tiyan
kumpleto na ang araw ko kahit ikaw lang ang kasama ko
komportable ako basta ikaw ang katabi ko
napapanatag ang loob ko kapag tumitingin ka sa mga mata ko
kahit wala kang sinasabi parang nangungusap yung mata mo

matatapos ang agahan at papasok ang tanghalian
hindi na kita kasama sa aking pagkain.
matatapos ang maraming oras
at ako ay naghihintay ng uwian
para muling masilayan ang mala-anghel **** mukha
mahagkan ka ng mahigpit na mahigpit at ikay mahalikan sa mukha.

Oo, matatapos na ang kwento,
matatapos na ang hapunan na kasama mo ako.
matatapos na ang minsa’y malamig at minsa’y mainit na gabi.
ikaw ay muling makakatabi,
sa isang silid na kung saan ikaw lang at ako
ang magkayakap hanggang matapos ang gabi

Maghihintay nanaman ng panibagong bukas
panibagong bukas ng pakiki-pagsapalaran sa magulong mundo na ikaw lang at ako.
sana tayo, hanggang sa dulo.
JT Dayt Apr 2016
Magkaibigan
Naglolokohan
Nag-aasaran
Nagngingitian

Isang araw nag-yaya ng hindi inaasahan
Hindi tumigil sa text at tawagan

Kumain ng sabay
Nag-usap ng matagal

Bumiyahe ng magkahawak-kamay
Umakyat ng bundok at nakaalalay

Spoiled sa paghatid at pagsundo
Tambayan ang mcdo

Gusto laging magkasama
Ayaw humiwalay sa isa’t-isa

Ang oras ay kay bilis pag magkapiling
Ang araw ay kay tagal pag malayo ang isa sa atin  

Isang araw nagtanong at nagtaka
Ano bang meron sa ating dalawa?
Higit pa ito sa magkaibigan
Mukhang nahulog na ng tuluyan

Pebrero 28 itinakda natin ang “tayo”
Minarkahan na ang ating kalendaryo

Hindi inaasahan.
Ni hindi pumasok kailanman sa isipan,
Na ang dating magkaibigan at magkaasaran
Sa huli ay magkakatuluyan

Salamat sa mga hindi inaasahan.
Hindi kita inaasahan,
Pero higit ka pa sa inasahan ko.
solEmn oaSis Jun 2017
ang Pag-ibig daw ay maikukumpara sa napakaraming bagay
may mga pagkakataon kalakip ito sa iba't-ibang larangan
meron maikli,may katamtaman o napakahabang paglalakbay
iyon bang tipong pagdaraanan yung mga hindi inaasahan

Sabi nga ng isang Kilalang pinoy na makata
" O! Pag-ibig kapag pumasok sa puso ninuman,
hahamakin ang lahat masunod ka lamang.. "
kaya bakit ako papapipigil sa aking nadarama

Madalas nilang sabihin...
para ka lang nagwawalis
kaalinsabay ang malakas na hangin
walis ka nang walis,pero kalat di nalilinis!

Minsan tulad sa isang sugal
maihahambing daw ang Pag-ibig
hindi ka tataya kung wala kang pag-asang manalo.
kaya ba nauso yung - nagmahal nasaktan hindi umuwing bigo!

at heto pa ang kakaiba
medyo magandang salita
hango kasi sa di pangkaraniwang talata
pero angkop ito pangmasa...

Gaano man daw kadalas  ang minsan
Bihira talaga lagi ang kasagotan
dahil ang Pag-ibig daw ay tila ba isang " half baked cookies "
ayon po iyan sa isang novelist,,parang yun sa kanta rin na-
" more than a kiss "

sa layo ng kinapuntahan,di ko mawari kung ako ba'y napag-iwanan!
sa lalim ng kahulugan,halos hindi ko agad natumbok aking napag-alaman!
Kaya Pala... Sabi Nila : Pag-ibig Ang Siyang Tugon!
mataas man o mababa ang Temperatura ng Pugon!
Driving a vehicle or being a driver is my livelihood and my passion.
But my Drive to Write is where my Heart is !!!
jace Jan 2018
Aking minamahal,
Alam kong 'di mo kayang mahalin
Kahit anong dasal
Hindi kita kayang angkinin

Ikwekwento ko
Ang malubha kong storiya
Pusong nagdugo
Sa maling tao umaasa

Malayo ka man
Ika'y palaging hinihintay
Ika'y inaabangan
Sa tagal, ako na ay sinasaway

Nang magkatinginan tayo
Sa isang programang mahaba
Sige, kinilig ako, oo
Ayon ba ay masama?

Tahimik na tao
Ito ang aking nagustuhan
Kahit 'di romantiko
Hindi ko na yan inaasahan

Ang problemang maliit
Ang lutas ay paglayuin tayo
Sa edad ipinilit
Dahil lang mas bata ako sayo

Pero tinanggap ko
Na mas matanda ka sa akin
Kolehiyo naman siguro, no?
Konting hakbang lang mula sa'min

Ginaganahan pumasok
Lalo na kapag institusyonal
Pinipiggil ko ang antok
Para lang makita ka, mahal

At habang umaasa
Nanonood lang sa malayo
"Sana tumingin siya
Sa direksyon kong malabo"

Palaging tumititig
Dahil ikaw ng inspirasyon ko
Ngunit puso ko'y namitig
Nang malaman ika'y ****...
This poem is only for my Filipino peeps to understand. I'm sorry I'm not in the mood to translate it to english. Maybe not today but someday. But this letter basically tells the story of my love for a guy who I though was a college student...but turned out to be a teacher, from the elementary department. So yeah... the reason why I just had to post this is there is a big possibility that I might perform tomorrow morning in front of him <3 <3 <3 Wish me luck guys
Taltoy May 2017
Ang digmaang ito,
Bakit nga ba sinuong ko?
Bakit pa ba ako pumasok?
Bakit ako lumahok?

Alam kong di tiyak,
Alam kong maaari akong umiyak,
Alam kong hindi magiging madali,
Alam ko kung ano ang mga maaari.

Walang kalasag ni sandata,
Wala akong ibang dala,
Kundi sarili at sarili ko lamang,
Sariling haharap sa mga pagsubok na nakaabang.

Kahit ano man, haharapin,
Kahit anong sakit, tatanggapin,
Haharapin ng walang takot,
Sisikaping lampasan kahit sa mundo ko pa'y bumalot.

Kaya aking pinaghandaan,
Bago pa sumulong sa labanan,
Dahil isa lamang sa dalawa ang maaari kong makamtan,
Ang husga: tagumpay o kabiguan.
Dahil yan ang katotohanang dapat tanggapin sa kahit anong laban, kahit sa pag-ibig man.

— The End —