Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
031224

Ikaw ang alaalang nais kong ibaon sa limot —
Ang kalimutan ka ay kalayaan ko.
Ikaw ang larawang sana’y kumupas na
At handa ako kung anayin na
Ang mga sandaling kasama ka.

Sa tuwing pumipikit ako’y
Dinadalaw mo pa rin ang aking isipan
At maging sa panaginip,
Ako’y tila binabangungot
At magigising nang bigla ang aking ulirat.

Ang bawat patak ng luha’y ni hindi na masukat
Gaya ng ulang walang himpil na pagbagsak.
Kung sana noong una’y binitawan ka na agad,
Sana’y hindi nagdurusa ang puso kong pagod na.
031224

Ako’y nilaban Mo —
Buhay ang alay Mo
Walang kapantay,
Ganyan ang pag-ibig Mo.

Saan ko man hanapin,
Saan ko man hagilapin,
Dalışay ang Iyong pagsinta
Tanging Ikaw ang hanap ng aking mga mata.

Puso ko’y Iyong nabihag
Nabihag ng Iyong Kadakilaan
Pagsamba ko’y abot langit
Ikaw at Ikaw pa rin ang sambit.

Ano pa nga bang hahanapin?
Ako’y Iyong-iyo, Sa’yo ang pag-ibig ko.
Kanino pa nga ba tatakbo?
Oras ay ‘di na hihinto, Sa’yo pa rin ang kapit ko.
031224

Gusto ko nang magwala,
Gusto ko nang kumawala —
Hahanap ng pluma
At kakatha ng isang tula.

Isa na namang piyesa
Susulpot na parang bula,
Mawawala nang kusa
Lilisanin ang mga tugma.

Alay ko ang aking awit
Minsang mga bala’y mapanakit.
Isisigaw na may dawit
Ang sukli’y kaakit-akit.

Ilang libong mga salita,
Papalibutan ng mga katha.
Isang araw ng pagkukusa —
Isang obra ang maipipinta.
022524

Kalakip ng bawat “oo”
Ang mapapait na “hindi” ng Tadhana.
Kung sa’yong palad ko ikakahon ang sarili’y
Mauubos ako sa sarili kong lakas
Habang sumusuntok ako sa buwan.

Mananatili akong aliping
Nakagapos sa sarılı kong mga pangarap
At marahil ito ang maging mista
Ng tuluyan kong pagkabulag
Pagkat sarili ang aking naging Lupang Hinirang.

Ni hindi masasaklawan ninuman
Ang bawat sumisirit na imahe sa aking balintataw.
At walang sinuman ang makapag-papahele
Sa akin hanggang makaidlip
Pagkat iba ang ritmo ng Pagsintang aking kinapapanabikan.

Kung sarili ang magiging lason
Ng aking pagkalimot sa aking unang sinumpaan…
Ay mas nais ko nang tuldukan
Ang bawat silakbo ng damdaming
Hanggang lupa lamang ang kasarinlan.
Akala ko, di ko naman siguro ikakamatay,
Kung hindi ko mahawakan ang iyong mga kamay.

pero

Hindi ko yata tanggap ang buhay
Kung saan di man lang ako sumubok magtagumpay.

Handa akong harapin ang katutuhanan,
Kahit pa ito ay walang katiyakan,
Kahit pa may pangamba sa iyong kasagutan.
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Nangungusap ang mga mata
Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita
Walang kuwit, walang tuldok
Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo,
Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.

Nababalot tayo ng hiwaga
At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong
Sinulsi ng kirot ng kahapon.
Lumipas na --
Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga
Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.

Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba
Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon.
Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit?
Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure.
Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam
Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?

Umiiwas tayo sa hanging mapanakit
Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na.
Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula
Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.

Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y
Pipiliin nating tumayo pa rin
Bitbit ang ating mga bandila
At kahit pa sa ating pananahimik
Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin
At mas magliliwanag pa ang mga ito.

Ang mga makakapal na ulap
Ay makakaya na nating hawiin
At magsisilbi itong palatandaan
Na tayo'y  hindi magpapalupig
Sa dikta ng tadhana at panahon.
Pipiliin pa rin nating maging tama
At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan
Ay magsisilbing pabaon natin
Sa kinabukasang henerasyon.

Kaya ko, kaya mo --
Kakayanin natin,
Kaya natin, kasama ang Panginoon!
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
Next page