Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
AUGUST Jan 2019
Ibubulong nalang sa hangin,ang bawat pagsumamo
Paano ba maipaparating, ang nadarama ng puso
lagi kitang inaalala malayo ka man sakin
Kelan ba tayo magkikita ang hangad nitong damdamin

Sa panaginip nalang makikita matutupad ang pangarap
Sa panaginip nalang ang pagsinta duun nalang magaganap
Mga pangako at sumpaan paano na matutupad
Walang kasiguraduhan kung saan ba mapapadpad

Tadhanang mapaglaro, magkalayo at di pinagtagpo
Ba't Sadyang mapagbiro kahit may lalim bawat pagsuyo
Dating hawak ang ‘yong kamay, ngayon sa guni guni
Buhat ng ikaw ay mawalay, nasisilayan sa muni muni

Sinagot ma’y marami paring Katanungan
Lahat ba ng tanong? wala pa ring kasagutan
Kung may dulo ang daan, Saan ba ang hantungan
Kung ito’y may hangganan, Ano ba ang pupuntahan

Sa kapalarang magkatugma, kahit na isa kang dayuhan
Ng pagmamahalang mahiwaga , na tayo ay nagkaunawaan
Tunay nga na ang pagibig may isang diwa
Tayo’y Itinadhana, Magkaiba man ang ating pananalita

Andito lang ako, Malayo parin ang distansya,
Naghihintay sayo, Malapit nang mapuno ang Pasensya
Dito sa kaganapang di mapapaliwanag ng sihensya
Kung ba't ikaw, ikaw ang hinahanap ng konsensya

Kahit wala ka.....

Di na makapaghintay sa panahon ng iyong pagbabalik
Pagkakataong tayo’y muling magkita, ako’y nananabik
Minsan pa sanay lumantay ang yakap mo’t mga halik
Nang sana ang sigaw ko’y tuluyan nang matahimik

*Para sa mahal kong si Reina
Ngunit sana maunawaan nya ang tula ko.
astrid Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
AL Marasigan Jul 2016
1:40 am,
Ganitong oras mo ‘ko sinagot
Ganitong oras mo pinaramdam sa’kin na mahal mo rin ako
Ganitong oras ko narinig ang mga katagang mahal kita mula sa’yong mapupulang labi
Kaya naman, sa ganitong oras ko din isisiwalat kung gaano kita kamahal
Matagal ko na ‘tong pinaghandaan
Di ko nga tansya kung ilang letra, ilang salita o ilang talata ang nasulat ko
Di ko na tansya kung ilang araw ko ‘tong kinabisado para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung ga’no nga ba kita kamahal, nung tinanong mo ‘ko
Pero ngayon, ito na.
Ala-una kwarenta ng umaga, ginising ako ng isang panaginip
Panaginip na nagbigay init sa puso kong natutulog.
Ito din yung oras kung
kailan ako’y natataranta kasi nga may pasok na naman.
Ito rin yung araw
kung kalian kita unang nakita.
Di ko alam kung tadhana nga ba, na napaniginipan kita bago kita nakilala
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiting binigay mo sa’kin nung ika’y nasa panaginip ko pa lamang
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiti mo
Nung tinanong mo ‘ko kung
kailangan ko ba ng tulong
sa mga akdang-araling binigay sa’tin ng ating mga ****
Tandang-tanda ko pa….
Na hirap akong makatulog
kasi nga
di ako makapaniwala na ang babaeng napanigipan ko’y
Magiging kaklase ko
Kaya naman
Sinet ko na ang alarm sa 1:40 am simula nung araw na yun
Araw-araw
Para lamang itext ka ng goodmorning at gulat naman ako
Kasi nga, nagrereply ka pa sa ganoong oras
Destiny at meant for each other nga naging mantra’t mentality ko noon.
Di ko nga alam kung ako ba’y nasa loob pa ng isang panaginip
O ito ba’y kathang-isip na lamang
Masaya ako!
Hindi, Mali
Sumaya ako simula noon
Kaya naman ginagawa ko ang lahat ng gusto mo at pinipilit gustuhin ang mga ito
Para lamang matugunan ko ‘tong pag-iisip ko na
TAYO NGA’Y PARA SA ISA’T-ISA
Nakakatawa kasi nga dumating yung araw na para nalang akong tangang
Di ginagamit ang kokote dahil nagpakabulag na sa tinatawag nilang pag-ibig.
Tangang, pinabayaan ang sarili para lamang mapasaya ka
Tangang, pinaubaya ang lahat sa mga salitang *“Mahal kita”

Tangang, akala na ang lahat ng bagay na ginagawa mo at ginagawa ko ay
Si tadhana ang may pakana*
Ngunit di pala, ito pala’y purong katangahan na lamang
Ang akala kong nagpupuyat ka rin para lamang makareply sa text ko pagsapit ng 1:40 am
Ay di pala talaga para sa’kin
Ang akala kong panaginip na nagbigay init sa pusong malamig na natutulog
Ay panaginip pala na sinunog ang natunaw ko nang puso dahil sa malaanghel **** boses
Ang akala kong pananginip na nagbigay kulay sa buhay kong matagal nang matamlay
Ay panaginip pala na sa sobrang kulay ay nagbigay kadiliman na lamang
Ang akala kong perpektong panaginip
Ay panaginip palang maraming butas at naging isang masakit na bangungot na lamang
Mahal, sa ganitong oras mo ‘ko sinagot
Sa ganitong oras mo binigkas ang mga salitang matagal ko nang inaasam-asam
At sa ganitong oras mo din binigkas ang katagang
“Tapos na tayo”
1:40 am
Nagising ako sa isang panaginip
Panaginip na purong kadiliman na lamang
Panaginip kung saan ang kasiyaha’y naging purong kalungkutan na lang
Mahal, sa ganitong oras ko isisiwalat ang lahat
Kaya maghanda ka na,
Kasi di ko tansya kung ilang salita, ilang talata o ilang araw ko tong pinaghandaan
Para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung gaano nga ba mo ko minahal
O kung minahal mo ba talaga ako
Pero ngayon, ito na….
1:40 am
Malapit nang masira ang aking tainga dahil sa pagtunog ng orasan.
Ginising na ako ng katotohanang wala nang ‘TAYO’
Kaya naman ako’y
Bumangon, tumayo’t binago na ang alarmang inilagay,
Gising na ako, gising na gising.
Masaya, masayang-masaya!!
Kahit wala ng ‘TAYO’

Time Check: 1:41 am
Spoken Word Piece.
Copyrights Reserved.
                                                         -Alenz Marasigan
alvin guanlao Jan 2011
sa gitna ng aking bangungot
ako ay biglang nagising
sabay tapon sa aking kumot
dahil ang teplepono ko ay nagriring

sinagot ang tawag sa ibang lingwahe
sumagot pabalik ang tinig ng babae
akoy nagulat at walang masabe
nang marinig ang pangalan nabuo sa isip ang imahe

imaheng kamakailan ko lang huling nakita
nung isang taon pa ako sa kanya huling nakabisita
ang kinalalagyan niya ngayon ay "not too far"
biglang pasok ang tanong na, "meron ba kayong C.R."?

tinanong ko kung bakit siya napatawag?
ako daw ay kanyang namimiss
pakipot na ako ay hindi na pumalag
gusto kong sanang itanong kung pwede bang pakiss?

nawala ang antok at gising na gising
kahit sa pagkakataong iyon siya ay lasing
walang humpay at nagkwentuhang parang praning
pero sayang naman itinapon niya yung sing-sing ^^

hindi maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman
kagagaling lang sa sakit siguro ay alam mo naman?!
mahal kita at takot akong tayo'y magkasakitan
"i know Were cool" at sobrang close na magkaibigan

ayokong maging bitter ako sa tula
kaya kalimutan mo ung pang anim na stanza
sobrang mahal kita mula noong hanggang ngayon
at kung ikaw ang bumabasa nito ALAM KONG ALAM MO YON!

sa puntong ito, lagi kang nagkakape sa isip ko
nagpapaalala lang, baka abutin ka jan ng pasko?
sobrang init ng kape at hindi mo matapos ng mabilis
kanina ka pa jan wala ka bang balak umalis?

nilabas ko nang lahat ng nararamdaman ko dito sa tula
hindi ko alam kung ikaw ay maiinis o matutuwa
sa aspeto ng pagibig itanong mo kay Amora manghuhula
at ako naman ay sa Magic 8 ball na hugis bola

naiinis ako ngayon sa sarili ko
kung babasahin mo yung tula talagang nakakagago
PERO parang gusto ko ulit pumasok sa puso mo
dahil ako ang U.L.O.L mo! itaga mo yan sa bato!

sana gusto mo akong makita ulit
kahit na ako'y madaldal at makulit
sana magkatotoo ang "Muling Ibalik"
sana matikman ko ulit ang matabang na halik . . .
inggo Feb 2016
Natuklasan ko na pagkatapos ng lahat ng hirap at sakit na iyong naranasan
Makakangiti ka pa rin pala muli
Pagngiti tulad noong unang beses **** makatanggap ng laruan galing sa iyong magulang
Tulad noong unang beses **** makausap si crush with matching blush
Tulad noong pinagtripan nyo si classmate na uto uto (mga bully!)
Tulad noong sinagot ka na ng nililigawan mo
Tulad noong nalaman mo na crush ka rin ng crush mo at ayun naging kayo
Tulad noong nalaman mo na wala kang grado na singko
Tulad noong natanggap ka sa una **** trabaho
Tulad noong pagtanggap ng unang sahod na pinaghirapan mo pero sa magulang mo lahat mapupunta
Tulad noong napromote ka at unang salary increase mo!
Tulad noong sinurprise ka ng mga kaibigan mo nung kaarawan mo
Tulad noong pagkatapos ng una niyong halik ng iniibig mo
Tulad noong nakikita mo na unti unting natutupad ang mga pangarap mo

Sa paglipas ng mga araw
Matutunan mo
Na pwede kang gumawa ng mga bagay na makakapagpasaya sayo
Tulad ng isang ibon na lumilipad kasabay ang hangin
Loise Aug 2016
( written in Filipino )

Sisimulan ko na
Ang kwento nating dalwa
Natatandaan mo pa ba?
Wasak ka non, dahil sa kanya
Nariyan ako, para alalayan ka.
Iniiyakan mo siya.
Iniiyakan kita.

Siguro totoo nga
Na minamahal natin
Ang mga taong hindi sa atin.

Kalaunan, nagbago ang ihip ng hangin
Isang araw, ikaw ay lumapit sa akin
At may sinabing na aking ikinabigla
“ mahal kita “

Abot langit ang tuwa
Ng binanggit ang tatlong salita
Pero may konting pagdududa
Aking puso ay nangangamba
Nabigla ka lang ba?
O totoo ang iyong mga salita?

Pero siguro nga,
Isa akong malaking tanga
Dahil kahit may pangamba
Ay minahal parin kita

Sinagot kita
Naging tayong dalwa
Tayo’y masaya.
Tumatawa.
Nagmamahalan tayong dalwa

Pero ngayon?
Isa nalang itong mga alaala.
Ikaw.
Ako.
Tayo...
Tayong dalawa.
Ay tapos na.

Ito na ang huli.
Pangako.
Dahil alam ko
May mahal ka ng iba.
Masaya ka na
Tumatawa ka na...

Sa piling ng iba.

Hayaan mo.
Naniniwala ako.
Na balang araw,
Ngingiti nalang ako
Pag naalala ko.
Na nagkaroon pala ng ‘tayo’.
Karen Nicole Feb 2017
sino ka nga ba, at ika'y dumating bigla?
anong rason mo, para biglang magpakita?
sa buhay kong magulo
sa buhay kong sakit sa ulo

tumagal ang mga araw, linggo at buwan
ako'y unti unting nasasanay na lagi kang andyan
hindi sinasadya, ika'y naging importante
laging hinihiling na nariyan ka parati

ngunit dumating sa tanong na "ano ba tayo"
at ako'y sinagot mo ng "magkaibigan tayo"
'di ko alam kung anong dapat kong maramdaman
ngunit ang masasabi ko lamang, ako'y iyong nasaktan

aaaminin kong ako'y umasa't naging tanga,
sa mga kilos **** naakit akong talaga
akala ko kasi'y parehas tayo ng damdamin
ngunit ikaw pala ay hindi para sakin
sinulat sa tahimik na gabi ng sabado
kiko Sep 2016
Nung linggo, napadaan ako sa nbs nakita ko kasi sa facebook yung libro ni Juan Miguel
sabi ko, bukas bibilhin ko to.
para pag pumunta ulit ako sayo, may babasahin ako pag hinihintay kita
nung lunes, binili ko.
tanda ko pa kung gaano ko pinipigilan yung sarili ko na ilipat sa susunod na pahina nung sinimulan ko
isip-isip ko kasi, baka sa martes o sa miyerkules pa tayo magkita
baka maubusan ako ng tula
di naman kasi tayo yung klase na nag-uusap sa labas ng kwarto
mas mahaba pa nga ata ang tulang ito kaysa sa palitan natin ng mga salita pag hindi tayo nakahiga sa kama
dumaan ang martes,
miyerkules,
baka may ginagawa lang
huwebes kinausap kita ang sabi mo
“May tao dito, pagod na din ako. Sa susunod nalang”
mahal, tumango lang ako. Wala namang tayo. Ano bang karapatan ko sayo?
nung biyernes, sinubukan ko ulit
tinanong kita kung may ginagawa ka ba
sabi mo
“wala pero matutulog na ko”
sinagot mo ko habang nakatayo ka sa kabilang kalsada, di mo ko nakita pero nandun ako.

Nung isang linggo, mahal mo ako.
Alam ko na mahal mo na ko nun.
Tinanong mo ko kung mahal na kita, ngumiti nalang ako.
mahal.
mahal,
mahal na kita.

minahal kita nung unang pagsikat ng araw na nagising ako sa yakap mo
minahal kita sa unang paglapat ng labi.

mahal, sa tuwing natutulog ka ibinubulong ko sa labi mo na mahal na kita.

mahal, dati nung ako pa ang kasama mo matulog binubulong ko sa labi mo na mahal kita.
Kent Jul 2020
Hindi ito isang pagpaparinig
Ito ay isang pagpapahiwatig
Na sa oras na aking marinig
Ang malalamig **** tinig
Na sa’kin ay nagpapakilig
Ako ay agad na tumatahimig


Ikaw ay aking pinaamin
Inaway kita at pilit na diniin
Na may nararamdaman o may gusto ka sa’kin
Ang pag-aaway na ito ay itigil natin
Mayroon ka lang sasabihin sa akin
At yun na nga, ikaw ay napaamin rin


Isang araw, aking napag-isipan
Bagay tayo, ikaw ay niligawan
Gusto mo ang gumagawa ng tula
Tatlong tula yan ang aking ginawa
At yun na, sinagot mo’ko bigla



Naging masaya ako, totoo
Naging masaya ako sa piling mo
Nakakalimutan ko lahat ng problema ko
Akala ko palagi tayong masaya
Yun ay panaginip ko lang pala
Ang mahal ko ay may mahal ng iba


Masakit, masakit na wala ng tayo
Pero Masaya, Masaya dahil merong kayo
Galit, galit ako dahil pinipilit ko ang sarili ko sa’yo
Takot, takot akong mawala ka sa buhay ko
Yan ang emosyon, emosyon ko sa’yo
Pero ano na ba ang papel, ang papel ko sa buhay mo


Pangako huli na to, huling tula na gagawin ko para sa’yo
Seryoso,  wala itong halong biro
Pakakawalan na kita
Sana maging masaya ka sa kanya
Marami pa namang iba, iba na mahihigitan ka pa
Kaya paalam  na.
kahit sinaktan mo ako mahal pa rin kita
Mel-VS-the-World Sep 2017
Gabi.

Nang una kitang makita.
Ikaw yung matingkad at nagniningning sa madilim na parte.
Sa may kubo.
Nakaupo.
Ikaw, alak, at sigarilyo.

Lumapit ako.
Dahan-dahan, para malaman kung alin at ano.
Kung bakit nga ba sa dinami-dami ng tao,
Bakit sa’yo ako dumiretso.

Gabi.

Ikaw ang unang nag-salita.
Ngumiti lang ako, habang nakatitig sa’yo.
Tila may kabog sa dibdib.
Hindi maipaliwanag ng bibig.

Tinanong mo ako kung naniniwala ba ako sa diyos.
Sagot ko ay hindi.

“So, atheist ka?”
Tanong mo na may halong pag-dududa.
Sinagot kita. Sabi ko, oo.

“Tayo na ba?”
Ngumiti ka at tumawa.

“Sige.”
Biro-biruan lang.
Walang palitan ng “mahal kita.”
Nag-palitan lang tayo ng numero.
Sabay sabi “nandito lang kung sakaling kailangan mo ako.”

Lumipas ang ilang araw.
Hindi na tayo nagkita.
Minsan, nag-uusap sa telepono
Madalas, hindi kumikibo.

Minsan, magpaparamdam.
Madalas, parang wala lang.

Minsan, nariyan lang.
Madalas, wala lang.

Gabi.

Nang tayo’y muling magkita.
Sa harap ng bahay.
Sa may kalsada.
Nag-usap ang ating mga mata.
Ikaw, alak, at sigarilyo.

Tanda ko pa non, magpapasko yun. Laseng na ako.
Madaling araw na, tara sa dagat, ligo tayo.
Mga alas tres na yun.

Tapos nag-inom ulit tayo dun.
Sa likod ng pick-up truck.
Sa bote na ng Jim Beam deretso ang inom.
Walang chaser.
Kasi wala namang habulan.
Hindi naman tayo naghahabulan.

Gabi.

Pang-ilang ulit na ba?
Akala ko biro lang,
Akala ko lang pala.

Yung joke time, tila nagiging seryoso na.
Natatakot ako baka bigla na lang ‘tong mawala.

Pero sa t’wing magkasama na,
Lahat ng problema’y nalilimutan bigla.
Kita ko ang ngiti sa mga mata mo.
Madilim man ang paligid,
Maliwanag naman sa piling mo.

Gabi.

Hindi ko alam kung saan magsisimula,
Kung ano ba ang dapat sabihin,
Yung tama lang at hindi makakasakit ng damdamin,

Pero bago natin tuldukan,
Bakit hindi muna natin simulan sa kama,
Kung ang ending ba natin ay parang sa pelikula,
Yung masaya o tulad din ng iba, yung hindi pinagpala.

Pero maaga pa ang gabi,
Hayaan **** mahalin kita ng lubos kahit sandali,
Pati ang mga galos at sugat mo,
Yayapusin ko hanggang sa maghilom at mawala ang sakit,
Dahil kung may pusong mabibigo, 

Gusto ko yung hindi sa’yo.

Kay hayaan na lang muna siguro natin na gan’to,
Pag-sapit naman ng gabi,
Ikaw pa rin ang uuwian ko.
cherry blossom Oct 2018
Sinagot ako ng iling
Isang malaki at klarong paggalaw ng ulo pagilid
Hindi muna naisip magtanong kung bakit
O maisip man lang na inapakan niya ang hiling ng isang anak
na mabigyan ng pagtanggap

Itong pagtanggap, na sa kanya lang hinihingi
(Dapat ay) sapat na ang pagtanggap sa sarili **** balat
9/14/18
winnerrdrop Jun 2015
Naisip ko na parang buhay pasada ang ating istorya.

Ikaw ang pasahero, ako ang tsuper.

Ganito ang senaryo; nakita kita sa kalsada di alam san pupunta.

Ako naman si tanga hinintuan ka kahit dika naman pumara.


Sumakay ka; gaya ng iba.nasa mukha mo yung salitang "Bahala na".

Diretso lang ako sa pag maneho. di mo parin sinabi kung san ka pupunta.

Kita naman sa karatula kung san ang aking ruta, inisip ko baka alam mo na.

Sa gitna ng byahe, mukhang nalibang ka na, kaya pasikat ako sa arangkada.


Halatang bago lang sayo yung dinadaanan, may tingin at may pangangapa.

Ayos lang yan sabi ko. Kabisado ko to. ako'ng bahala.

May mga sandaling napapakwento ka, Siguro dahil na rin sa palagay ka na.

Mukhang nakalimutan ko na yung ibang pasahero. Pakiramdam ko tayo lang dalawa.


Sa wakas, naitanong ko kung san ka ba talaga pupunta?

Kasi, 'haba na ng byahe mahirap na baka maiuwi kita.

Biglang Nawala yung ngiti mo sa mata. Para kang may naalala.

Dimo ako sinagot. Bigla kang pumara.


Di ko alam kung natakot ka ba? o ang pamasahe mo e kulang pa?

Ayos lang naman akong ilibre ka. Basta maihatid kita.

Aaminin ko, nung tinanong ko kung san ka pupunta,

Napadasal ako ng konti na sana sabihin mo, "Ikaw, saan ka ba?"


Naiwan ako nakahinto sa kalsada. kasi nagulat ako nung tumakbo ka,

Tinawag kita pero lumiko ka na sa madilim na eskinita.

Napakamot ako sa ulo at napailing. Ako ba ang may problema?

Di ko tuloy alam kung babalik ka. kasi kaya kong mag intay pa.


Pinaandar ko ulit yung jeep. nagmaneho, nag maniobra.

umikot, luminga linga. wala ka na.

Hahanapin kita. madilim na.. bukas baka bukas.

Kung san kita nakita nung una, baka doon ka pumara.
Written in Filipino
leeannejjang Nov 2017
Nababasa mo ba ito?
Alam ko oo.
Dahil dito sa mundo ito
Alam ko naririnig mo ako.
Maaring maging mahaba ito isusulat ko.

Pero sa huli pagkakataon magsusulat ako para sa’yo.
Sa huli pagkakataon pakinggan mo ang sasabihin ko.

Naalala mo un gabi sinabi mo sa akin gusto mo ako?
Oo, alam ko na ako yun bago mo pa sabihin.
Nagtataka ka bakit hindi ko sinabi sayo?
Kasi natatakot ako umasa sa bagay na wala patunay.

Naalala mo un araw na niyakap kita mahigpit?
Natakot ako noon dahil baka marinig mo un puso ko kumakabog.

Naalala mo un araw na sinabi ko gusto din kita?
Ilang araw ko inipon yung lakas ng loob na sabihin yon sayo.

Naalala mo yun araw na nagaway tayo at sinabi mo may pag-asa pero takot ako?
Alam mo ba yun araw na yun kinain ko lahat ng takot ko dahil mas takot ako mawala ka.

Naalala mo un araw na sinagot kita ay naging tayo?
Sobra saya ko dahil may tao tumingin sa akin kung ano ako at wala hinging pagbabago sa akin.

Ikaw naaalala mo ba lahat ng yan?
Naramdaman mo din ba yan?

Sa huli pagkakataon magsusulat ako para sayo.
Huli? Oo huli na. Dahil baka kahit kailan ay hindi ka na lumingon sa akin.

Sa huli pagkakataon sasabihin ko sayo,
Oo minahal kita.
Oo mahal pa kita.
Oo nasakatan mo ako.
Oo sobra sakit na mas pinili mo bitawan ako kesa ipaglaban ako.
Oo gusto kita tulungan pero binulag ako ng galit sa puso ko.
Oo galit ako sa kanya sa babae hindi ko mapalitan sa puso mo.
Oo gustong gusto ko na ako ang piliin mo nun gabi un.
Oo na sana pangalan ko ang sinabi mo.

Sa huli pagkakataon, oo kung ako ang pinili mo lalaban ako.
Naalala ko nung umamin ako sayo,
Di ko alam na gusto mo rin pala ako.
Niligawan mo ako,
Sinagot kita.
Naging tayo nun.
Masaya ang relasyon natin,
Lagi pa tayong kumakain.
Ngayon ikakasal na tayo,
Tuwang tuwa ako kasi ikaw ang kasama ko kapag tatanda na tayo.
Pero bigla akong dumilat sa katotohanan.
Ikakasal kana ngayon,
Pero di ako ang babae na katabi mo sa altar ngayon.
Oo nga pala,
Di mo nga pala ako gusto.
Lahat nang yun ay kathang isip lamang.
Kathang isip lang nga ba iyon?
O sadya mo akong iniwan?
My second tagalog poem. I'm still new to making my language for poem so I'm sorry if it's bad :)
MarieDee Nov 2019
Sa simpleng sulyap nagsimula ang lahat
sa pagdaan ko'y ako'y hinanap
numero ko'y iyong pinagtanong tanong
nakuha mo ito at ako ngayo'y puro tanong
kung paano at kanino mo ito nakuha
ngunit ikaw'y puro kaila
sa umpisa pa lang ay may hinala
na sa kaibigan natin mo ito nakuha
pero heto ka at puro tanggi
hanggang sa huli ito  rin ay nasabi

sa pangungulit ko'y ikaw'y napaamin
na sa akin daw ikaw'y may pagtingin
noong una'y di makapaniwala
para sa akin lahat ay bigla-bigla

mga mensahe mo ang bumubungad sa umaga
di ko namamalayan, ako'y napapangiti mo tuwi-tuwina
maya't maya'y nangungulit
pagkikita natin ay iyong ipinipilit

sa iyo ako'y nakipagkilala at nakipagkamayan
pakiramdam ko ikaw'y tila kinakabahan
sa pagkikita natin ikaw'y biglang nahuhulog
tuwang tuwa at pintig ng puso'y kumakabog

bigla-bigla ikaw'y nagpaparamdam
sagot ko'y gusto **** malaman
katanungan mo'y pinagisipan
pakiramdam ko'y ang gaan-gaan

ikaw'y sinagot at nagkatuluyan
ang araw na ito'y di malimutan
nakipagkita ka upang sa sagot ko'y makasigurado
dahil sa ang akala mo ako ay nagbibiro

pagdampi ng iyong mga labi sa aking kamay
ang sa pagmamahalan nati'y naging patunay
walang araw ang di mo ako napapasaya
sa aki'y ikaw ang nagbibigay sigla
halos araw-araw gusto natin makita ang isa't isa
pero hindi maari, pagkat  mainit tayo sa mata ng madla

walang kasingsarap mga nakaw **** sulyap
hindi man natin maikukubli
o kay saya ng mga nakaw na sandali
mahirap man ito sa atin
pero lahat ay gagawin at kakayanin
pag-iibigan nati'y di sasayangin

— The End —