Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
AKIKO Apr 2017
Ako'y mailap
Pag si Ina'y kapiling
Kung ako'y umasta parang
Hindi sya nakikita
Parabang sa isip ko'y ako lang
Mag-isa

Anong mali?
Tanong ko sa  sarili
Anong mali at ganito ako
Umasta,
Sa harap ni Inay na nagbigay
Buhay sa kagaya kong walang
Kwenta

Pero bakit ba?
Gusto ko ba na isilang nya ang
Kagaya kong basura na ay wala pang kwenta?

Sukdulan na siguro
Ang hinanakit ni Ina sa akin
Kayat luha nya'y hindi na napigil
Ako'y sinumbatan
Lahat ng kamalian ko'y
Sinambit
Sa unang pagkakataon
Si Ina ay nagalit

Ako'y nagtaka
Sa aking nadarama
Ang puso ko'y bakit tila sasabog na
Sa nakitang luha
Na umagus pababa

Isang gaya ko
Ang nagpaluha sa Kanya
O, anung hirap at
Sakit pala
Ang makitang lumuha
Ang Ginang na nagpalaki't umaruga
Sa gaya kong walang kwenta

Ngayu'y alam kuna
Ang damdamin ni Ina
Ako ay nangakong
Magbabago na, upang damdami'y ni Ina hindi na masaktan pa
At brilyante  nyang mata'y hindi na tumangis pa

Ang mahal kong Ina nasa malayo na
Paano na ang pramis ko
Tila naging abo na

Masakit isiping
Pagmamahal ay di naipadama
Sa nag-iisa kong Reyna
Na nagpahalaga sa kagayakong basura na'y wala pang kwenta

Sumilip ang Araw
Sa mata kong nakapikit
Kahit natakluban na ng luha ang mata
Batid kong si Ina'y nasa tagiliran ko pala
Nakatayo at nakangiti,may alay na pagmamahal ang brilyante nyang mga mata

Hinagkan ko si Nanay
Tudo bigay ang dabest kong yakap
Sabay dampi ng matamis kong halik sakanyang pisngi
Batid ko si Nanay ay nagtaka
Tila nagulat pa nga sa bago kung pag-asta

Labis akong nasaktan
Sa panaginip na handa ng may kapal
Tiyak ako'y kanyang sinubok
Upang malaman ko na ang halaga ni  Nanay ay di lamang sintaas ng bundok
Kundi sinlawak din pala dagat

Ang mahagkan pala si Nanay
Ay Walang kasing sarap
Sa haba nang panahon sanay
Noon kupa nadanas
Ang mayakap si Nanay kahit gaano pa katagal
Ay hindi ako magsasawa
Ohh,kay saya maranasan ang ganito
Ang makapiling si Nanay
Buo na ang araw ko

Ang pramis ko Nay ay isa lang
Mamahalin kita higit pa sa buhay kong taglay
basta ba dito kalang at hindi lilisan
Hindi lahat ng sandali'y kapiling
Ka Nanay
Kasalanan
ba ang
makilala ka
at isiping
nabighani ka?

Kasalanan
ba ang
mahalin ka
at isiping
ako'y may halaga?

Kasalanan
ba ang
maging bigo
at isiping
may pag-asa pa?

Kasalanan
ba ang
sumuko na
at isiping
maisasalba pa?
Ang ating tadhana'y sadyang pinagtagpo
Di ko nga malama't ako'y nalilito
Maging hanggang ngayong naging ikaw't ako
Nanatili pa ring tuliro isip ko.

Dati ay pangarap lamang kita mahal
Ngunit 'wag isiping ako'y isang hangal
Libre pong mangarap ng sariling dangal
Lalo pa't ikaw ang ibig kong matambal.

Kay sarap gunitain una nating usap
Di ko man lang pansin bilis niyong oras;
Sa muni-muni ko ikaw ay kaharap
Ibig ko'y magtagal mapahanggang bukas.

Sa bawat minuto't nagdaang segundo
Aking sinusubok perpil mo mahal ko;
Sa tuwing makita iyong litrato mo,
Di ko maiwasang kiligin ng husto.

Nang dahil sa Facebook, nakilala kita
Nang dahil sa Facebook, naging tayong dal'wa;
Ang ibig ko sana'y makatagpo ka na
Nang ikaw'y mayakap at makakasama.
Karapatang Ari 2016 ni Donward Cañete Gomez Bughaw 07/09/16 11:25 PM
With co-author Joyca Valenzona
032317

Saan ka na?
Mahal mo pa ba ko?
Ano bang nangyari?
Galit ka ba?
May nagawa ba ako?
Nagbago ba?
Wala na ba?

Sa dami kong tanong,
Tila sumuko ka nang magbigay ng kasagutan.
Ang agang nawala yung sabi nating
Sana'y pangmatagalan.

Paalam, pero biglaan
Hindi ko naman inasahan
Na sa ikaapat na pagkakataon
Bibitaw ka, mauuna ka na naman.

Paalam, pero akala ko nagpapalipas ka lang ng sandali
Akala ko kakayanin ko pang maghintay
Sa bawat oras na walang pagkukunwari.
Heto na naman, ba't ba ako yung natatalo palagi?
Ba't palaging luha't sakit na lang sa huli?

Yung "mahal kita" na sabi **** hindi nakakasawa
Ayun, nawala na lang nga ba nang kusa?
Tinanong kita, kung may iba na ba?
Ang sabi mo, magtiwala ako, pero bakit nga ba?
Bakit nga ba nawala ka?
Iniwan mo na ba talaga ako?

Naghintay ako ng paliwanag mo
Pero kahit isang mensahe, may natanggap ba ako?
Isa lang naman yung hinihintay kong sagot,
Pero wala at ba't pag sa akin na'y tila ika'y nababagot?

Tumatakbo na lang akong mag-isa;
wala ka na kahit sa anino man lang.
Hindi ka na nagparamdam pa,
Ganun naman lagi, sana'y kahit paalam na lang.

Iniisip ko sasalubungin mo pa ba ako
Iniisip ko kung may babalikan pa nga ba ako
Meron pa nga ba? Yan ang tanong ko.
Parang lahat nagbago na,
Pati ako, tila limot mo na.

Iniisip ko kung paano yung mga plano natin,
Paano na? Eh balewala na ako sayong paningin.
Makakasama pa ba kita ulit?
Parte pa ba ko ng buhay mo?
O nasabi mo na lang na "tama na."

Pasensya, kasi hindi ko ata kaya
Ilang beses ka na kasing nawala
Ilang beses na kasi akong lumagapak sa kawalan
Bumangon naman ako pero lagi **** binabalikan.

Tinanggap naman kita, nagtiwala naman ako sayo
Pero ba't ngayon nasaan na ba tayo?
Gusto ko nang umuwi at makita ka
Pero wala ka na eh,
Wala na pati yung pagmamahal mo.

Babalik ka ba? May hinihintay ba ako?
Wala ka kasing sagot, kahit ano pang gawin ko.
Gusto kong sabihin sayong, wag mo kong iwan
Na sana manatili ka naman
Na sana kahit ngayon lang naman.

Pero wala, naubos na ako
Wala na akong laban at talo na ako.
Oo, hindi ko tanggap lahat
Oo, ngayon lang to kaya ibabagsak ko na rin lahat
Ibabagsak ko na kasi di ko na kaya
Di ko naman maayos yung puso mo kung wala na talaga
Kulang pa rin yung pagmamahal ko sayo
Kulang pa rin, kaya natalo na naman ako.

Nakakapagod na kasing iyakan ka
Nakakapagod na kasing isiping may "tayo" pa.
Na ikaw na yung pinapangarap ko,
Pero hindi pa rin pala kita maabot.

Hindi naman kita pinakawalan,
Pero ba't mo ko binitawan?
Sana sinabi mo agad
Sana pinaliwanag mo
Kasi di ko maintindihan
Di kita maintindihan.

Pero kung may ibang sana akong hiling:
Kung aalis ka man uli,
Sana'y magpaalam ka man lang
*Sana sabihin mo, *para bumitaw na rin ako.
Cepheus Feb 2019
Ang swerte mo
Inggit ako sa'yo
Parang na sa'yo na ang buong mundo
Pero hindi dahil sa pera o sa yate mo

Kasi na sa'yo siya

Pansin mo ba ang kinang sa kanyang mata?
Tuwing siya ay ngumingiti
Kung pa'no pumoporma ang mukha n'ya 'pag tumatawa?
O ang lambot ng kanyang buhok 'pag ito'y kanyang hinahawi?

Kung pa'no s'ya maglakad, tumayo o umupo?
'Pag seryoso na s'ya sa trabaho?
Ang ekspresyon n'ya 'pag sya'y nagki-kwento?
Pati paraan ng kanyang pag-ubo?

Eh yung kapag medyo tinamaan na s'ya ng alak?
Na parang ang sampung bote'y 'di pa sapat
Kulang pa nga ang pulutan
'Pag tutumba na s'ya'y mapapatakbo ka para alalayan

Ang ganda n'ya 'diba?

Kung tutuusin nga 'di na n'ya kailangan ng kolorete pa
Yung itsurang pagod n'ya kakaiba
Para ka na lang mapapatulala
Habang nakanganga

Lalo na 'pag naiinis na s'ya sa'yo
'Pag napipikon na s'ya kakaasar mo
Pero nakakatuwa kahit puno ka na ng palo
Kahit pa s'ya lagi ang dapat panalo

'Pag naglalambing s'ya
Kahit gusto mo pa magalit, wala
Mapapangiti ka na lang at hala
Galit mo'y naglaho na

Yung mata din n'yang namamaga
Kasi kakaiyak lang n'ya
O kakagising lang kasi
Iba pa rin eh

Kasi nakikita n'ya yung akala mo walang makakakita
'Pag nagtatampo ka na pero ayaw mo ipahalata
Yung gula-gulanit **** kalupi pinalitan pa n'ya
May iniwan pang sulat nung nawala ka

Nung nagkasakit ka, s'ya'ng nag-alaga
Alam n'ya kung pa'no ka pangitiin hanggang sa ika'y tumawa
Para nga'ng pati mga iniisip mo, alam na n'ya
Pati siguro yung katotohanang nahuhulog ka na

'Diba ang swerte mo?

'Yun lang kasi pwede kong iuwi
Para sa aking sarili
Kasi nga sa'yo s'ya
Do'n wala akong magagawa

'Di ko nakikita kung pa'no n'ya isiping mahal ka n'ya
Na ayaw ka n'yang mawala
Na ikaw na yung naiisip n'ya na habangbuhay makasama
Yung kinabukasan n'yong kayong dalawa

Kaya swerte ka Kuya Wil
Na sa'yo kasi ang 'di mapapasa'kin
Kaya ingatan mo s'ya't mahalin
Dahil kung hindi, baka sya'y aking dagitin
George Andres Jun 2016
Hindi matigas lahat ng bato
Hindi lalago ang halamang nakatago
Pero kung bubunutin din naman
Anong silbi ng pagkakakilanlan?

Itaas ang kamay kung ginawa mo ito:
Ituro sa kapatid na bakla ang tito mo,
Kung gayon, ito ay duwag at gago,
Tingnan bilang presong kulong sa kandado

At kung sapatos ni kuya, suot ng ate mo,
Walang alam ni isa, pero sa ina sinabi mo
Nasaksihan ang paglisan ng nagturong pumorma
Narinig ang galit ng ama, sigaw ay "imoral ka!"

Putang ina, lahat iyon ay narinig mo
Hindi na kaya ng sentido mo
Mali ito, mali ito ang pilit ng lipunan sayo
Iwaksi mo, iwaksi mo, at tatanggapin ka nito

Sa oras na lumabas ka, wala ka nang pangalan
At araw-araw sa buhay mo, tila umuulan
Ng husga, ng ismid, ng dura sa sahig
Tawag sainyo ng kasintahan ay bawal na pag-ibig


Tomboy, bakla, bayot, tibo
Araw na binigyan ka ng ngalan tila naglaho
Binato ng panghahamak na gusto mo nang lumisan
Kaysa tanggapin ang galit na pinagmulan ay di alam

'Mahalin mo ang 'yong kapwa'
Banggit at turo ng May Likha
Pero bakit may galit ata
Nagpahayag nito't nagsalita?

Hindi ba itinuturing na kapwa sila?
Na kasama **** lumaki, magdalaga?
Kalaro ng chinese garter baga,
Kahit alam **** lalaki naman talaga siya

Ang saya na dulot niya di mo naalala
Nang minsan sa kanto'y sutsutan siya
Sapatos lang daw at k'onting barya
Tiningnan ka niya, ikaw ay tumawa

Saan ba ang lugar sa mundo para sa kanya?
Mahirap bang sabihin, katagang, 'tanggap kita?'
Tingin mo ba'y karamdaman kanyang nadarama?
Oh bakit nakangiti ka? Nahawa ka ba?

Kaya ba't ka umiiwas nang nalaman mo na?
Bilang kaibigan, oo nabigla ka nga
Pero 'wag mo naman sanang isiping
Naisip niya minsang ika'y makasiping

Alisin na natin ang malawakang pag-iisip
Na pandirihan ang kakaiba, pero subukan **** sumilip,
Lalawak ang saradong takip
Sana isang araw ang hangin, magbago ang ihip

Maging magkasama, pantay-pantay sa ibabaw ng isang ulap
Nawa'y mga anak nati'y maranasan, ekwalidad sa hinaharap
Matapos na ang inis at galit
Pagmamahal ang pumalit
62816
Ol Ga Apr 2020
Patawad kung di na ako nagsasalita,
Kung di na kita kinakausap pa,
Ayaw ko kasing masaktan pa,
Parating na kasi ang araw na lalayo kana.

Patawad kung nilalayo ko na sarili ko,
At kung iniiwasan ko nang mga mata mo,
Mahihirapan akong kalimutan ang mga titig mo,
Lalo na ang epekto sakin nito.

Patawad sa paghintong alagaan ka,
Mahirap kasing makasanayan pa,
Hahanap-hanapin kasi kita,
Sa ganitong paraan mapapadali ang limutin ka.

Patawad kung pinipili kong burahin ka sa aking ala-ala,
Kasi ayaw kong may pinanghahawakan pa,
Sana wag mo isiping hindi ka mahalaga,
Minsan lang kasi ako magmahal kaso nawawala pa.

Naiintindihan ko ang rason ng iyong paglisan,
At dahil dito hindi kita pinipigilan,
Sana masaya ka sa iyong pupuntahan,
Patawad kung ibabaon kita sa nakaraan.
tintin layson Jul 2011
Nakita kita kanina. Nadaanan ka lang
ng dyip na sinasakyan ko. Ewan
baka nakita mo rin ako.
Kung napansin mo ko, yun ang hindi ko alam.
Malamang hindi.

Ganun ka pa rin, ganun ka palagi.
Magkasalubong na mga kilay,
nakakunot na noo. Siguro
dahil sa init. Ayun, kahit
mag-isa lang sa dyip, di
ko napiglan, napangiti na lang ako.

Nainis naman ako nung
isang beses, biglang
sinabi ng kaibigan ko, hindi raw
maganda yung ginawa **** artikulo. Ipagtatanggol
sana kita pero anong masasabi ko, eh
wala naman akong alam tungkol sa'yo.

Kaya eto pagdating ng bahay, binuksan
ko agad at binasa. Baka sakali
sa paraang ito maging close tayo.

At sa bawat salita, sinusubukang
intindihan ang ginawa mo. Pero ang totoo,
pinipilit intindihin ka. Baka
kasi dito, makilala kita.

Isang araw dati, lumabas ako
kasama ang isang kaibigan. 'Ah ok' na lang ang
nasabi ko, nang malaman kong
ang ex niya,
ay siya ring ex mo. Anliit
talaga ng mundo, noh?

Naalala ko tuloy nung hindi
mo kami tinulungan, kasi
busy ka, busy ka para sa bayan. Ayan,
lalo tuloy kitang nagustuhan.

Naisip ko nun, kahit
kelan hindi ako magiging bida
sa hawak **** kamera, kasi,
ang bayan mo, ang bayan ko, ang lagi **** inuuna.

Oo kahit ako natatawa, kasi
sobrang layo talaga ng
distansya nating dalawa. Mula
sa paniniwala hanggang sa mga ginagawa, hindi
kayang sukatin kahit ilang
ruler pa gamitin.

Hindi naman ako naghahangad
ng kahit ano. Ang makita ka nang di inaasahan,
sapat na yun. Ang mabasa
ka, okay na para isiping
kilala nga kita.

Makita lang ulit ang mga mata mo, maisip
o maalala lahat ng ito, okay na.
Pero sana alam mo,
may isang tao dito, napapangiti
dahil sa'yo.
It was during an Ondoy relief operation in UP when I started liking this guy. Oh well, he's the typical tibak that won't bother to care on what people think of him, very unassuming. And I liked him even more because of that. He was the kule editor that time. I guess it's the reason why I have a collection of kule. I wonder where you are now :)
Pumikit
Lasapin ang bawat saglit na lumalangitngit ang pawis sa inyong balat na magkadikit.
Huwag niyong ipagkait sa apat na sulok ng silid ang kanilang karapatan masilayan ang inyong pagmamahalang saglit

Igapang mo ang iyong mga nananabik na daliri sa pambalot ng kanyang laman,
Sa bawat segundong inuudyok at kinikililiti ang iyong kasiping
isiping siya ay isang anghel na ipinadala ng diyos ng dilim ng silid

Manampalataya
Manalangin na ang sandaling maglapat ang iyong labi sa kanyang katawan ay pang-matagalan
Na ang pagsamba mo sa kanyang katawan ay magiging makatarungan

Iyong lubusin ang pag-halo ng laway at pawis
Tumingin sa pagkinang ng namumuong asing itinuturing **** bituin
dahil sa bawat paglamas ng inyong dila sa isa't-isa, dahil sa pagdurugo ng labi, dahil sa panggigil at kagutuman at libog ng katawan at isipan
Hangga't siya'y nagugutom at uhaw sa maling pagmamahalan–

Kumapit
Hayaan ang sarili maipit sa kanyang bisig sa tuwing pipilipitin niya ang iyong isip
gamit-gamit ang kanyang mga matang nanlilisik sa pagnanasa at tamis na kay pait

Ang kanyang mga mata na nagpapakita ng kaluluwa na umiiyak dahil hindi kayo para sa isa't-isa
Iyong nahihinuha na pareho lang kayong dalawa, parehong kumakapit sa ideya na ang pakikipagkantutan ay paraan para mahanap ang pag-ibig na bumabalot sa mundo't umaakap

Umakap
Panghawakan ang alapaap at huwag kang kukurap para masilayaan ang pamumuo ng mga ulap sa kanyang mga mata,
Ang pagbaha ng inyong mga kalooban dahil sa pagragasa ng inyong kahayukan

Ngunit wag kang magpahinga.
Hayaan mo siya ang mauna sa pagpapahinga,
Ito ay senyalis ng pagkapagod at pagsuko sa kasiyahan na inyong tinatamasa
Masasabi **** masalimuot ang karanasan na ito kahit nilubos mo ang pagkakataon na kayo ay nag-indakan sa bawat sulok ng silid na madilim
na sa pagtapos wala na kayong ibang magawa kung hindi–

Huminga
Huminga ng malalalim bago umalpas ang inyong kamunduang pangsandalian
At sa pagwaglit ng iyong hanging ibinuga, tanggapin sa sarili na libog lang ang inyong nadama
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Nix Brook Sep 4
at hindi mo 'man ako alalahanin
sa paraan na aking gustuhin

hindi mo na rin siguro sasaliksikin
na kung bakit ikaw ang paksa sa "kung paano ako mahalin"

hindi na rin para iyong mabatid at dinggin
sapat na ang yapos ng hangin na may panalangin
hindi ka 'man naging akin
minsanan din naman kitang na-angkin
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
012917

Mag-aalas kwatro ng umaga nang aking maramdaman
Hindi lang lumalim ang gabi ngunit umaga'y malapit nang madatnan
Pinipilit akong balutin ng lungkot -- nais na ako'y matalo
Kaya naisip ko gumawa ng talata na babasahin ko para sayo.

Hindi man malalim ang mga salitang ginagamit ko
Huwag mo sanang isiping pagmamahal ko'y hindi abot hanggang langit
Alam kong baguhan pa lang ako pagdating sa larangan ng pagsusulat.

Hindi man kita mapangiti, hindi ko man mabigyan ito ng pamagat
Gusto ko lang na kahit papaano -- kahit papaano'y maipaabot ang lubusan kong pangungulila
Sa babaeng ilang buwan ko pang hihintayin, manggagaling pa sa Maynila.

Alas kwatro pasado na, antok sakin ay nagbabadya
Kaya sa aking paggising, sagutin mo rin ako gamit ang iyong talata.
(C) JS

Unang piyesa. Not bad hindi ba?
Atheidon Mar 2018
Kaibigan?
Ka-ibigan?
Kai-bigan?

Ano nga ba tayo?

Dalawang taong hinapo na ng mga karanasan sa pag-ibig,
Dalawang taong pinili ang isa’t-isa,
Dalawang taong nais maging isa.

Ngunit ano nga ba tayo?

Pinasaya,
Binigyan ng oras,
Kinantahan ng mga lirikong nakaaantig ng puso,
Pinangakuan ng kung anu-ano sa ilalim ng buwan,
Na tila ba ngayon ay para bang iginuhit na lamang sa tubig.

Kinuha mo ang puso ko,
Pero gusto ko lamang linawin,
Hindi ko ninais na ipalit mo ang iyo sa akin.
Pero para bang ginago ako ng tadhana,
Itinakbo mo ang puso ko palayo—
Palayo sa’kin, nang hindi lumilingon.

Ipinagsawalang bahala ko ang sakit na naramdaman,
Nagbulag-bulagan sa mga bagay na malinaw sa aking paningin.
Pinilit burahin ang masasamang ideyang namumuo sa aking isipan,
Umaasang mali ang lahat ng sakit na ipinagkikibit-balikat ko lamang.

Totoo nga,
Madaya ang kapalaran.

Nakakatawang isiping
Sa loob ng isang buwan,
Kaya **** mainlove.
Pero, nakakagago din isiping,
Sa loob ng isang buwan,
Kaya ka rin nyang iwanan.

Sa bagay, ano nga ba tayo?
Wala naman, diba?

Maaaring ihanay mo lamang ako sa mga babaeng pinaasa mo,
Na marahil pagdating ng panahon,
Malilimutan mo rin kung ano ang namagitan satin,
Na siguro sa paningin mo’y pang landian lang pala ako, hindi pang seryosohan.

Hindi ako yung tipo **** babae,
Hindi ako matalino,
Wala akong political stance,
Hindi ako kagandahan.

Ano nga bang kataka-taka dun?
Walang dapat ikasakit dahil
Hindi mo naman ako tipo kaya hindi mo ko sineryoso.

Walang tayo,
Hindi rin tayo magkaibigan.
At lalong hindi magkasintahan.

“Almost”, yun tayo.

Halos
   Halos naging tayo.
   Halos umabot na ko sa punto na mamahalin kita ng buo.
   Halos napaniwala mo kong mahal mo ko.
   Halos napaniwala mo kong kamahal-mahal ako.
   Halos napaniwala mo kong karapat dapat akong pahalagahan.
   Halos bigyan mo ko ng oras mo.
   Halos naramdaman kong sincere ka.
   Halos araw-araw kung hanapin kita.
   Halos minu-minuto kung tingnan ko ang cellphone ko para lang maghintay ng reply mo.
   Halos ikaw na lang ang marinig ko pag naririnig ko yung mga kanta sa radyo na inawit mo sakin.

Halos ikaw na lang yung hanapin ng puso ko sa bawat saglit na hindi kita nararamdaman.

Halos.
JT Dayt Nov 2015
Salamat!

Ilang buwan na akong nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan

Ang dami ng bagay at tao ang ginamit mo para ako ay malinawan

Pero iba pa ring tinig ang aking pinapakinggan

Yung mensahe na ang nais sabihin na ika'y layuan



Kahapon natagpuan ko ang sagot sa katanungan

Ang puso ko ay parang yelong inilabas sa freezer at natunaw

Akala ko ang manhid ay forever nang hindi tatablan

Lalambot rin pala sa kalaunan


Salamat at hindi mo sinukuan ang tulad ko

Na walang ginawa kundi umiyak at isiping kawawa ako

Ang akala ko nga mensahe mo’y  tapos na

Ngayon ay may pahabol ka pa pala



Una ang sabi mo'y lumapit sa’yo at kausapin ka

Palalimin ang ating relasyon at ibigin ka

Ngayon pinaalala mo naman kung paanong mabuhay sa mundong ito

Na ikalulugod mo at ikabubuti ng tulad ko


Paano bang hindi ka mamahalin?

Eh ang dami mo nang ginawa para sa akin

Hindi ko na tuloy alam ang gagawin

Iaalay nalang sayo ang buhay at damdamin

Salamat sa pag-ibig **** walang kapantay

Sa akin nagpapaalala na masarap ang mabuhay

Dahil mayroong nagmamahal ng tunay

Ang buhay niya para sa akin ay inialay
*note to God
JT Dayt Apr 2016
may mga panahong gusto ka lamang titigan
parang pagtanaw sa mga bituin sa kalawakan

may mga panahong gustong maramdaman
ang yakap mo
lalo na sa malamig na gabi at isiping ika'y katabi ko

hindi ako makapaniwala
na ngayon
ako'y sayo
at
ika'y sa akin


isa kang panaginip na nagkatotoo
isang pangarap na nakamit ko
hindi ko naisip na magiging bagay sa'yo
wala nang maihahambing anuman sa mundong ito

**ikaw lamang ang kailangan ko
makasama sa buong buhay ko
day 43/forever
Buggoals Aug 2015
Hindi ko alam kung paano ko sisimulan,
Siguro'y dito na lang ako magpapaalam.
Hindi ko alam kung kayang bumalik pa,
Pero sana'y 'wag **** kalimutang minahal kita.


Ang nais ko lamang ay 'wag kang saktan.
Ngunit bakit hindi mo maintindihan?
Hindi pa ba sapat 'yong ika'y gustong protektahan mula sa nagkukumawalang mala-Incredible Hulk kong nararamdaman?

Ngayong ika'y nasa malayo na
'Wag mo sanang isiping ako'y nagpapakasaya
Sapagkat sa 'twing naaalala kita,
Parang ako ay dinadaganan ng sampung toneladang tela.
Levin Antukin May 2020
balik-tanaw. limang taong gulang.
tapos na maghabulan, magtayaan.
pagod na ang lahat at ang natitira na lamang
ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.

"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro,
"nagpapalipad siya ng mga eroplano".
manghang-mangha kami habang nagkukwento siya
at may hawak pang eroplanong papel.

"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa,
"sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan".
bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit.
sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?

pinagyabang ko siyempre ang aking ama.
"pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril
gamit ang mga kamay.
basang-basa ang mga ito dahil sa pawis.
mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati
ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba
dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis

ngayon?

nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano
yaong daddy ng kalaro namin.
flight attendant siya. marangal na trabaho.
nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa
subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.

kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan,
nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong
kasama ang isang mamamatay-tao.
ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.

tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo
kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo.
biktima tayong lahat na pumapailalim
sa mga nagmamataas na sakim at gahaman.
bakit magtataka sa kasulukuyan
kung mas masahol pa sa kriminal
ang puwersang kapulisan?
Mister J Sep 2017
Nung ika’y umalis at lumisan
At ako’y iwanan ng tuluyan
Tanging sinabi sa sarili ko
Kaya ko ‘to

Nung nalamang ika’y nag-iisa
At ako’y pilit na nagpapakasaya
Sambit ng pusong nagpapalakas
Kaya ko ‘to

Nung bawat sakit ay pilit bumalik
Bawat pagkukulang at bawat pasakit
Tinibayan ang loob at sinabing
Kaya ko ‘to

Nung sumagi sa isip ang bawat alaala
Sa bawat ngiti at bakas ng ligaya
Pilit kong pinagiisipan
Kaya ko ‘to?

Nung ika’y hinahanap ng puso
Sinisigaw sa bawat pintig nito
Naguguluhan na ako
Kaya ko ba?

Nung nakikita kang masaya sa iba
At sinampal sakin ang katotohanang
Hindi ka na babalik pa
Kaya ko pa ba?

Nung napagtanto na ika’y mahal pa
At sakin ay ayaw kang mawala
Gusto kong isigaw sa mundo
Hindi ko kaya ‘to

Nung sa’yo ay nagsusumamo
Nakikiusap na muling maging tayo
Ngunit tuluyang binitiwan na ako
Hindi ko na kaya ‘to

Nung ika’y masaya na sa kanya
At ako’y nilimot sa pag-iisa
Tanging lumabas sa aking paghinga
Ayoko ng ganito

Ngayong tuluyan ka nang nawala
Bakas mo ay pilit hinuhugasan
Ngayon ko dapat isiping
“Kaya ko ‘to”

Sana’y makabangon na sa aking pagbagsak
Tumungkod sa sariling mga paa at ituloy ang landas
Pilit pinapaalala sa pusong nasawi
Kakayanin ko ‘to

Babangong muli sa bagong umaga
Gigising sa katotohanang wala ka na
Lalakad ng mag-isa kahit masakit
Lahat ng ito’y pilit kakayanin
Tagalog poetry. :)
120522

Nanginginig ka
Tila ba ayaw mo Akong pagmasdan.
Hindi ko mawari ang nasasakupan
Ng iyong isipan.

Sa aking paglapit
Ay kusa kitang hahagkan.
O, wag ka nang mangamba pa
Pagkat kirot ay pansamantala.

Baunin mo ang aking liham
Na iniukit ko sa’yong katauhan.
At wag **** isiping
Ang pait na iyong sinapit
Ay walang mabuting kapalit.

Magbilang ka ng mga araw pa
At ang nararanasan mo ngayon
Ay kusa mo nang maiintindihan ang dahilan.
Mamuhay ka ng may galak,
Mamuhay ka pagkat ako’y lilisan na.
Aira G Manalo Feb 2017
Paano kunwari kung ayaw ko na
Na isiping paano kung ayaw mo na
Paano kunwari kung gusto mo na
Na limutin ang lahat ng gusto ko pa

Paano kunwari kung hindi na ako
Ako na noo'y laman ng panaginip mo
Paano kunwari kung hindi na ikaw
Ang iibig sa akin sa habambuhay

Paano kunwari kung tatapusin mo na
Ang minsa'y pangakong tayong dalawa
Paano kunwari kung gusto ko pa
Ang pag-ibig na ngayo'y ayaw mo na
XIII Nov 2019
Ang swerte mo
Inggit ako sa'yo
Parang na sa'yo na ang buong mundo
Pero hindi dahil sa pera o sa yate mo

Kasi na sa'yo siya

Pansin mo ba ang kinang sa kanyang mata?
Tuwing siya ay ngumingiti
Kung pa'no pumoporma ang mukha n'ya 'pag tumatawa?
O ang lambot ng kanyang buhok 'pag ito'y kanyang hinahawi?

Kung pa'no s'ya maglakad, tumayo o umupo?
'Pag seryoso na s'ya sa trabaho?
Ang ekspresyon n'ya 'pag sya'y nagki-kwento?
Pati paraan ng kanyang pag-ubo?

Eh yung kapag medyo tinamaan na s'ya ng alak?
Na parang ang sampung bote'y 'di pa sapat
Kulang pa nga ang pulutan
'Pag tutumba na s'ya'y mapapatakbo ka para alalayan

Ang ganda n'ya 'diba?

Kung tutuusin nga 'di na n'ya kailangan ng kolorete pa
Yung itsurang pagod n'ya kakaiba
Para ka na lang mapapatulala
Habang nakanganga

Lalo na 'pag naiinis na s'ya sa'yo
'Pag napipikon na s'ya kakaasar mo
Pero nakakatuwa kahit puno ka na ng palo
Kahit pa s'ya lagi ang dapat panalo

'Pag naglalambing s'ya
Kahit gusto mo pa magalit, wala
Mapapangiti ka na lang at hala
Galit mo'y naglaho na

Yung mata din n'yang namamaga
Kasi kakaiyak lang n'ya
O kakagising lang kasi
Iba pa rin eh

Kasi nakikita n'ya yung akala mo walang makakakita
'Pag nagtatampo ka na pero ayaw mo ipahalata
Yung gula-gulanit **** kalupi pinalitan pa n'ya
May iniwan pang sulat nung nawala ka

Nung nagkasakit ka, s'ya'ng nag-alaga
Alam n'ya kung pa'no ka pangitiin hanggang sa ika'y tumawa
Para nga'ng pati mga iniisip mo, alam na n'ya
Pati siguro yung katotohanang nahuhulog ka na

'Diba ang swerte mo?

'Yun lang kasi pwede kong iuwi
Para sa aking sarili
Kasi nga sa'yo s'ya
Do'n wala akong magagawa

'Di ko nakikita kung pa'no n'ya isiping mahal ka n'ya
Na ayaw ka n'yang mawala
Na ikaw na yung naiisip n'ya na habangbuhay makasama
Yung kinabukasan n'yong kayong dalawa

Kaya swerte ka Kuya Wil
Na sa'yo kasi ang 'di mapapasa'kin
Kaya ingatan mo s'ya't mahalin
Dahil kung hindi, baka sya'y aking dagitin
© Cepheus February 26, 2019
tanglaw Feb 2021
#2
Dalawang beses kong narinig ang pangalan mo,
paulit-ulit na lang
paikot-ikot sa utak ko.
Kinukumbinsi ang sariling balewalain nalang ang alaala mo
at isiping wala ang lahat ng ito,
na panandalian lang ang nararamdaman at kalaunay maglalaho.
Pero paano kung nahulog na pala sa'yo?
Dapat bang pagbigyan ang nararamdaman kong 'to?
Isang Daang Tula Para Sa'yo
Taltoy Aug 2019
heto na naman,
heto na naman tayo,
magbabangayan, magchichikahan,
lahat ay dumadaan, nagtatapos sa tawanan.

diba parang wala akong mga assignment?
hahahaha wag ka mag-alala,
kasi kaya ko ito,
diba? mas magaling ako sa iyo? (AHAHAHA)

inaway na naman kita,
pero sino nga ba talaga?
sino nga ba?
ang mas magaling sa ating dalawa.

ang sagot, wala,
hahahaha wag kasing padala agad, hehe
dahil di naman tayo parehas,
diba iiba naman ang tunog ng bawat kuwerdas?

isa sa mga malapit kong kaibigan,
isa sa mga pwedeng pwede lapitan,
yung di ka kakalimutan,
kahit na ang pagbati nyo'y bangayan.

salamat sa iyo,
noon hanggang ngayon,
sana'y di magbago,
ang isang Ysobelle Valdevieso.

galingan sa kolehiyo,
sabihing kaya mo,
isiping kaya mo,
tawag dyan placebo. (HAHAHA)

pero seryoso,
kapit, laban, bangon,
wag patalo sa mga hamon,
kasi malakas ka, alam kong malakas ka.
Hiiiiiii butchik!!! Happy birthday dai. i love you as a friend, as a classmate and to the point na parang sister na rin (ATE MATERIAL) , alam mo yan. sana mag smile ka everyday and be happy. bal-an ko kaya mo na tanan ah, di ka mag duha duha. always talk to your parents kasi duuuuh. hahahahhahhaa tapos wag masyado magpakastress. minimize sa alcohol kasi baka mapano ka. tae care of your self always. hehe happy birthday ulit. good luck butchiiiiik!!!!
Taltoy Apr 2017
Sa mundo, walang sigurado,
Hindi lahat sasang-sayon sa'yo,
Dahil di mo hawak ang 'yong kapalaran,
Nagpapahiwatig na wala kang katiyakan.

Hindi ko naman ipinagpalagay na ako,
Dahil di ko naman alam ang iniisip mo,
Ngunit nakitang matalinhaga,
Sa paningi'y kataka-taka.

Hindi naman ako ganyan ka gunggong,
Kasalanan bang magtanong?
Sa tingin ko, di naman siguro?
Hwag sanang isiping ganyan ako ka desperado.
Ewan bakit nasulat ko ito.
Jay Victor Pablo Dec 2022
Kung umabot man sayo ang tulang isinulat ko,
pakatandaan mo sana ito.
Hindi man maipinta ng mga salita ang nadarama
o ni mabahiran ng tugma ang aking pagsinta,
huwag mo sanang isiping ako'y sumuko na
datapwat ang paghingi mo ng espasyo sa pagitan nating dal'wa
ang nagbigay linaw n dapat pang ipaglaban ka!
Pero kung masawi man sa digmaan, sinta,
Itago mo sana ang pabaon kong dugo
Patunay na inilaban kita hanggang dulo

— The End —