Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Isang gabi, sa paghiga
Tumabi kay inang nahihimbing
Di niya batid ang luhang
Sa mga mata ko'y naglalambitin

Di ko alam kung paano
Maitatago ang sakit
Di ko alam kung ano
Ngunit parang sa puso'y gumuguhit

Kinupkop ang sarili sa aking pagtabi
Labi'y halukipkip tinakpab ang bibig
Pilit pinatatahan ang aking sarili
Ngunit luhay umaagos na para ngang tubig

Ang hikbi kong ako lang ang nakakarinig
Ang wasak kong puso, ikaw ang may hatid
Ang huwad na pag-ibig sa akin inilaan
Sino pa ang susunod mo na sasaktan?

Maawa ka, sinta, maawa ka sa kanya
Huwag mo siyang wasakin na katulad ko
Maawa ka, mahal ko, wag mo na siyang saktan
Dahil ang puso niya'y madudurog mo lang

Ina, patawad, hindi ko masabi
Ang pait at hapdi nitong puso kong sawi
Dahil sa estrangherong nagpanggap na anghel
Matapos ko'y iba naman ang pusong kaniyang hinahati...
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
George Andres Jul 2016
Preso ang Ikinukulong, Hindi Salita

Huwag mo kong ikulong sa mga salitang nais **** makitang taglay ko
Huwag mo kong sikilin ng kalayaan kong ipahayag ang nais ko

O bilangin ang metrong sumasaklaw sa mga katha ko
O mga tugmang umaabot na gayon na lamang ang paglantad na siya nga ay isang presong
Minsang kinulong sa iyong isipan at binigyan mo ng huwad na kalayaan

Huwag mo akong pigilan tulad ng mga letrang
iyong binitiwan kung sa'n ubos na ang oras na siyang dahilan
Upang matigilan ang mga salitang dumadaloy sa ugat na tila nagpipilahan
Sa isang lugar na napigilan ng kaguluhan at ingay ang malalayang sugnay
Ngayon ay dumadaloy na parang isang rumagasang ilog
Sa dulo ng dila ko ay laging naririyan

Isa akong salitang walang kahulugan ni patutunguhan
Salita ako ngunit hindi sinasalita
Ako ay kamatayan sa iilan
At buhay sa karamihan

Kaya't huwag mo akong pigilan ng mga pinili **** letrang
dapat ako, dapat ay tagalayin ko
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Parang ako  
Ang tula ay malayang di tulad ng tao dahil dito
Walang batas na maaring pumuna
at saglit na mawaglit sa tunay na eksistensya
dahil ang tula ay tula na wala kang karapatang
Yurakan o ismiran o saktan man
Ang tula ay tula na mga anak  ng manunula
Hinabi ng emosyon ng puso
ng pawis na nararamdaman ang
bawat patak bawat tibok at bawat sigaw
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya

Ako ang pag-ibig ako ang tula
Ang tula ng pag-ibig
Ang pag-ibig na mapagpalaya
Akong pag-ibig na hindi malaya

Kaya 'wag mo kong siilin ng mga salita
na nais **** makita na nasasa aking tula
Dahil ng tula ay tula
Ang tula ay malaya
Ang mundo ng tula kung sa'n malaya
Mundong nais ko sana
Isang mundong di ko kailanman matatamasa
Sa isang mundong kaaya-aya
7816
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
Jose Remillan Jun 2015
Nasumpungan kitang nakabilad
Sa liwanag ng araw, isang imaheng
Nakalantad, huwad na anyo ng
Ritwal ng pagpupugay. Sa iyong

Anino'y nakasilong ang mga lantay
Na tayutay ng hungkag na lipunan.
Nariyan ang puta, pulubi, butas na lata,
Gago't ganid na pulitiko, librong limot,

Bendor ng droga, banal na aso...
Lahat sila ay mga ”sila" na minsan ****
Pinagtangkaang silaba't silain sa sulo ng
Mapagpalayang kamalayan.

Kamatayan.

Nasumpungan kitang nakabilad sa
Nakakabagabag na liwanag. Isang buhay
Na moog ng kalayaa't kasarinlan,
Kanlungan ng mga supremo ng rebolusyon

Ng paglikha't pagsilang sa kakanyahang
Iginapos sa lumang mundong lalang ng
Iyong panahon. Kami na mga gamo-gamo
Ng lumang simoy ay patuloy na isisiwalat

Yaong hindi masumpungan sa lambong
Ng liwanag na pinaningas ng iyong dugo.

Nawa'y matagpuan ka nila.
Akosijissa May 2017
sige, bilangin natin ang bawat sandali,
bawat minuto na tayo ay magkausap
bilangin ang bawat araw at linggo
na tayo ay nagiging mas malapit sa bawat isa
bilangin ang mga buwan, pati na rin ang mga taon
bilangin hanggang sa tayo ay mapagod
hindi lang sa pagbibilang, kundi sa pati na rin sa pagkukunwari
pagkukunwari na tayo ay tayo kasabay ng huwad na pagmamahal

bilangin natin ang mga kasinungalingan kasabay ng paglalim ng naliligaw na damdamin
5.1.2017 -MO
Taltoy Jun 2017
Ang buhay nga naman,
Puno ng lungkot at kaligayahan,
Subalit wala tayong magagawa,
Tiisin nalang kung ano ang mapapala.

Diyos ko, ako'y tulungan nyo,
Sa aking landas na tinutungo,
Landas na puno ng sagabal,
Mga sagabal na susubok kung ako'y mapapagal.

Dahil ang katotohanan ay di ko maitatanggi,
Katotohanang ikinubli sa mga tawat mga ngiti,
Ang katotohanang ako rin ay nasasaktan,
Dahil sa damdamin kong nanlalaban.

Minsan di ko maiwasan,
Na masabi ang tunay na nilalaman,
Ng puso at di ng isipan,
Kaya minsan, ginagawang katatwanan.

Ika'y kasapakat ko sa gawaing ito,
Ang sinasabihan ko ng mga naturang biro,
Ang nakikisabay sa aking mga kalokohan,
Kalokohang minsang ginusto kong maging katotohanan.

Sa kasamaang palad, ito ang katotohanan,
Ang minsang inisip matapos magtawanan,
Ang di ko naman maipagkakailang nakakatawa nga,
Ngunit di ko inaasahang puso ko pala'y mapipiga.

Ang binansagan nating pinakamagandang biro,
Ang sa mga luha ko'y nagpatulo,
Tumulo dahil sa kakatawa,
Tawang may kasunod na pagdurusa.

Pagdrusa dahil masakit,
Tawa't halakhak nga ba'y sapat na kapalit?
Ngunit masasabi ito'y panandalian,
Dahil pagkatapos nitoy masasaktan,

Para bang ang gusto ko'y ibinigay,
Na para bang nagkusa at di na ako pinahintay,
Ngunit alam ko sa sarili ko na ito'y huwad,
Ako na mismo ang unang naglahad.

Subalit nakakatawa naman talaga,
Sabihan ba naman kita ng "mahal kita",
Tono palang kalokohan na,
Masasai **** baligho ang ideya.

Aminado akong iyo'y kabilaghuan,
Ngunit wala na akong magagawa dyan,
Kasalanan ko na kung ako'y nasaktan,
Dahil alam kong ako'y nagkamali at may kakulangan.
Wala masyadong rason bakit ko to sinulat, basta sinulat ko lang. ***
Donward Bughaw Apr 2019
Anong galak sa mukha
ang masabitan ng gintong medalya
at mabigyan ng sertipiko
habang ang pangalan ay tinatawag
sa sira-sirang mikroponong ibig tumutol
sa pagkilala
ng mga huwad na gurong
karamihan ay alipin
nang bulok na sistema ng paaralang
pinanahanan ng mahika-
ng mga baboy at buwaya!


© 2019
Masarap mabuhay nang puno ng mga pagkilala. Subalit, deserve mo ba talaga? O isa na naman itong ilusyong bunga lamang ng mahika.
renzo Sep 2020
Lantad 'sang digma, sakit laban sa masa.
Bungad sa madla, kalabang 'di makita.
Kailan ba bibisa? Babad sa pangamba,
Basag nang tiwala, saklolo pa'y wala?

Ang pobre'y pilit na tinatanikala,
Layang haring uri'y, 'di binabahala.
Mga biktima ay hindi inalintana.
Nakapagtataka ‘yong pangangasiwa!

Sino ba'ng salarin, sino ba'ng may lagda?
Ano ba'ng dahilan ng pamamayapa?
Corona bang sakit na nakahahawa?
O ang siyang Ulo na namamahala?

Lantad ang huwad nilang pakikisama,
Gobyerno'y siniwalat nitong pandemya,
Idilat ang mata, bibig ay ibuka.
Itanim 'tong aral na sana'y magbunga.
idilat ang mata, gising sa pagkabalisa. 'wag kang matakot magsalita, ikaw ang natitirang pag-asa.
George Andres Oct 2016
Maari ko bang masabing, iniiwasan ko ang pag-ibig?
Para bang sinasabi kong pinipigilan ko na ang huminga?
Lumanghap ng buhay at magtaboy ng karamay?
Sinasabi ko ring araw-araw na ang aking lamay

Hindi ako sumusulat ng tula ng poot
Pawang pag-ibig lamang na sa dugo'y nanunuot
Pagkahalina sa pag-iisa at paglalakbay
Pag-ibig na lamang ang sa tao'y bumubuhay

Iniibig ko ay hindi ang tinubuang lupa
Kundi sa mundong unos na ang sinagupa
Hinati ng porma ng pag-ibig sa sarili at kapwa
Nang bakuran, tinatawag nating ngayong mga bansa

Kung ang ideya ng mga tao'y di magkakapareho
Paanong lahat tayo'y magkakasundo?
Pag-ibig na dalisay sa pagtanggap
Hindi huwad, malinis at di nagpapanggap
10716
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Agust D Jan 2022
ikawalong baitang nang ika'y makilala
isang diwatang nag-anyong dalaga
tila'y isang biyayang hatid ni Bathala
handang maging alipin na itinalaga

isang reynang naligaw sa isang kaharian
ako'y iyong kawal na handa kang pagsilbihan
ikinagagalak kong ako'y 'yong manduhan
walang mali sa 'yong kagustuhan

ngunit kasabay ng paglipas ng bukang-liwayway
tadhana nating dalawa'y biglang nabalutan ng lumbay
nagsimula tayong matatag at dalisay
ngunit ang daan nati'y nagkahiwalay
at tuluyang nabalot ng kulimlim ang huwad kong buhay

sana'y noong una pa lamang ay niligawan na ang Paraluman
nang hindi sa isang mahapding katotohanan
na ngayo'y pilit na binabalikan
ang pagsikat hindi na muling mahahagkan

kung iadya man ni Bathala na ika'y maligaw
sa isang kahariang mapurol at maginaw
hahanapin ko ang kaisa-isang kaharian na ang reyna ay ikaw
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikaunang Pahina
Agust D Jan 2022
nakaw lang ang mga sandali
ngunit tayo'y nakangiti
kahit hindi ma'y magkatabi
sa puso ko ika'y mananatili

sa iyong buhok na manipis,
sa balat **** kay kinis
ang iyong tangkad na hindi labis
at ang iyong nakakabighaning ngiti

sino ba naman ang hindi mahuhumaling
sa isang gaya mo, walang maihahambing
sa aking huwad na buhay, isang ikaw ang dumating
kinulayan ang aking buhay, isang kang luningning

ngunit ang tadhana nati'y hinatulan
emosyon ko'y hindi napigilan
ako'y nawala, sa ere ika'y binitawan
lubos na nagsisisi, ba't ka nga ba pinakawalan?

sa mga panahong lumipas
ilang beses mo na akong binigyan ng tsansa
ngunit sa sarili' ako'y nagdududa
na baka maulit ang aking mga nagawa

sa panahong ika'y muling mahagkan
buo na'ng puso't isipan
ika'y hindi sasaktan't iiwanan
ngunit ang kapatawaran mo ba'y aking matatamasan?

nawa'y sa aking paghilom, ay nariyan ka pa
hihintayin kita't tayo'y magsisimula
mapaglarong tadhana ginawa tayong taya
nawa'y tayong dalawa ay tuluyang makawala
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikalawang Pahina
Agust D Mar 2020
bawat segundong lumilipas ay iuukit
serye ng alaalang nakakaakit
lahat ng ito'y iguguhit
kahit ang luha na'y napupunit

lumalalim ang huwad na panaginip
mapaglaro't malilikot na kathang isip
eksena't larawang nabuo sa isang idlip
pilit inaalala't sinusundan ang ihip

binabagtas ang hirayang aguhon
walang depinisyon, walang direksyon
waring nakatali sa matamis na kahapon
pilit kumakawala sa paraang kay hinahon

hinahanap ang liwanag sa dilim
dilim na kumukubli sa isang lihim
sa iyong paglisan, ikalabing-anim
nawa'y makita ka sa takipsilim
Hiraya ng Pag-ibig
Rey Tidalgo Jul 2016
Lumuha ka aking / lumuluhang puso!
Iluha mo'ng lahat
ng kanyang larawan, / pagkasi't pagsuyo.
Lumuha ka dahil / nawala't naglaho
ang minsang nilasap
na pag-ibig niyang / may samyo at samo.
Lumuha ka puso, / lumuha ka puso!
Dahil siya'y huwad
na umibig sa'yong / kay raming pangako.
Iluha mo'ng lahat / ng kanyang napako
at hindi natupad
na pangakong puro / sa lalang at biro.
Lumuha ka puso, / lumuha kang lalo!
Lumuha kang ganap
dahil puso niya, pala'y pusong tuso.
Lumuha ka aking / lumuluhang puso...
Ngayon ka umiyak
habang marami pang / luhang tumutulo.
* lalang - panloloko
*huwad - peke

(: Para sa mga sawi. Haha
Monique Pereda Aug 2022
Kahoy na inaanay
Barko na butas
Lumulubog ng marahan
Kinakain ng dagat

Sugat na nagnanaknak
Balat na inaagnas
Nauubos na dugo
Sinisipsip ng linta

Prutas na nabubulok
Nabubulok ang lamang loob
Malansang amoy na umaalingasaw
Uod na lumalamon sa laman
Tahimik na pumapatay
Ngumunguya ng palihim
Sinisira ang malusog na anyo
Ang anyo ng huwad na katotohanan

Nakasusuklam, nakasusuya
Nakasusuka, mapait na lasa sa labi
Ngunit walang luhang itatangis
Hindi maghihinagpis
Hahayaang mabulok
Hahayaang mamatay
Stephanie Jun 2018
Huli na nga ba ang lahat
Kailan mo masasabing hindi sapat
Ang bawat piraso ng mga durog na puso
Ang bawat patak ng mga pulang dugo
Umagos kasabay ng mga luha
Sino ang totoong may sala
Isinulat sa pahinang gawa sa tubig
Ang makatotohanan ngunit huwad na pag-ibig
Kailan nga ba naging tama ang mali
Kapag ba wala nang makapitan ang pusong puno ng pighati
Puno ng galit at pagkamuhi
Bakit hinayaang maikubli
Sinong nagbigay ng buong tiwala?
Silang mga nabigo't nasaktan at umasa sa wala
Pilit mang pagtakpan ang mailap na katotohanan
Sarili lang ang dapat protektahan
Wala nang direksyon ang bawat bukas
Na mabuti na ring ito na ang wakas
Ang dulo ang simula ng salitang sapat
At ang simula ang dulo ng lahat.
This is what Riverdale made me do.
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
solEmn oaSis Dec 2022
nasa mata ng tumitingin
Meron ang Kagandahan,
tulad baga ng maingay na musika
sa pandinig nilang tulog - mantika,
nangangamoy na ang sulo ng apoy
Halimuyak pa rin meron ang Simoy,
tila ba malabong bahain ng pag-asa
Sila na nasa Seguridad ang panlasa
kagat - labi man ang pagtiim - bagang
habang iniinda ng kalingkingan ang matimbang
na tawag ng inang - kalikasan animoy gantimpalang
maitituring ang abot - kamay na pangarap sa pahalang
na ilog ng kaulapan na may samut - saring pasaring...
dinaramdam ng katauhan ang bawat hangaring
Huwag masaktan ang puso kahit ni- ang mga kalamnan
Ngunit sadyang nangyayari ang hawi ng kabiglaanan,,
Mga balya at salya ng pagsibol ang huwad na kasinongalungan at ang patotot ng katotohanan...
bilang Isang mamamayan ng pagsubaybay doon sa mga tulak ng tugma
sunog-bahay kahahantongan ng maling bitaw sa batong hawak para sa sungka,
Bilang ng mga nilalang kapwa paikot-ikot lamang na tila ba kumpol ng mga balahibong-pusa na tinayoan
Umakyat sa leeg ang dagang dati - rati ay nasa dibdib...
Maibulalas lamang ang silakbo at simbuyo na kay - tigib.
Bilang na pala ang oras at sadyang di namalayan sa LibLib,
Magwawakas na pala ang isa- dalawa tatlong pag - iigib
sa balong malalim na may apat - lima anim na pakikipag - anib
Nalagot ang lubid , nahulog ang sisidlan ng tubig...
at natinik sa paglukso ng pag - ibig yaong pawang mga nakayapak
Ngunit babangon sa tuwing madarapa ang siyang naiwan na balak
Ganyan po ang aral ng Liwanag sa dilim
Gabayan ang hangal sa aninag ng lilim !
ika - P i T o .. ika - Walo
Hipan lang ang siLbato,
bundok man o sa ibayo
Siyaman na ulap ay TanTo,
Lalaya din ang pangsampo
Magtatagumpay ang bunso !!!
DahiL ako ang nagsulat nito
MarahiL nabatid mo na ang pulso
Biyaya ng MaykapaL wag i- abuso
Kung tinamaan Ka man ng bagyo
Kalimutan ang Tampo at Siphayo
The sequel of my poem...
"  Kapag natuyo ang ilog,
Hintayin mo ang mga ulap "
Taltoy May 2017
Nauulit daw ang kasaysayan?
Sigurado ka ba dyan?
Baka naman guni-guni mo lang?
At bakasakaling gawa gawa lamang.

Dahil di maibabalik ang mga lumipas na oras,
Di na ulit mararanasan ang mga panahong nakalipas,
Dahil kahit sabihing may pagkakatulad,
Alam naman natin kung ano ang katotohanang huwad.

Kung kaya, Mauulit ba?
Sa tingin ko hindi na,
Dahil kahit anong gawin mo,
Ang naramdaman mo noon at ngayo'y di magkapreho.

Kaya pagyamanin mo ang iyong pinagdaanan,
Pahalagahan, ituring na kayamanan,
Dahil kahit na di na mauulit pa,
Pwede **** balikan at alalahanin ang ligaya.
Ang karanasan ay kayaman sa ating kwentong kasabay ang oras sa paghayo.
Dark Oct 2018
Isang magandang relasyon,
Gawa sa purong ilusyon,
Sa mundo ng makabagong henerasyon,
Bat hindi totohanin ang ilusyon?

Pagmamahal na huwad,
Ako'y naloko agad,
Dahil ika'y lubos na hinahangad,
Bat ganyan ang iyong personalidad?

Ika'y minahal ng sobra,
Sukli ay pagmamahal na basura,
Ako'y nakikipaglaban sa gera,
At ika'y na sa isang sulok nagbibilang ng pera.

Pambihirang pag-ibig yan,
Pag-ibig na kalokohan,
Ako'y nahihiya dahil ako'y ipinagpalit sa kayamanan,
Kaya't ika'y kinasusuklaman.
Donward Bughaw Apr 2019
Nalalanghap ko
ang panghi sa nadaanang
eskinita,
napapansin sa sementadong pader ang mga salitang
nakasulat sa malalaking letra,
mga simbolong nagpapabatid ng huwad na kapatiran
marka,
pinta,
guhit
na nakakaakit,
nakakaantig
ang mga pasamano at pagbabating maririnig
na pinatatamis nang labi
pasimulan ang lahat sa beynte
hanggang sa umabot ng siyento-kensi
upang maipambibili ng pulang bote
at yosi
na kukuha nang huwisyo
ng sinumang magpaka bato
at sunod na inilabas,
isang matalim na kutsilyo
na isinaksak
sa sikmura ng kapatid ni Ka Ambo.
Naroroon ako ng matanaw
ang malungkot na pangyayaring ipininta ng gabi.
Isa ang fraternity sa mga pinaka-trend sa kolehiyo. Pero, minsan ba naitanong mo ang kahalagahan ng fraternity sa iyong sarili. May mga fraternity na ang hangad ang tunay na kapatiran at pagkakakilanlan pero may iba rin na ang gusto ay gulo lang. Pero hindi layunin ng isang samahan ang gumawa ng mg kalokohan, bagkus pagkakaisa at katahimikan. Depende ito sa kung paano dalhin ng isang miyembro ng kapatiran ang dinadalang sagisag ng pagkakapatiran.
Prince Allival Mar 2023
HULING PAHINA

Nababalot ng kalungkutan
Nalulunod sa kabiguan
Nilalamon ng kadiliman
Pinapatay ng nararamdaman

Patak ng luhay palatandaan
Emosyon ay di mapigilan
Sugat na iyung iniwan
Humilom man ay may peklat parin ng nakaraan

Pag kabigoy di malilimutan
Sa gawa **** isang huwad at mapaglinlang
Ikaw ay isang timawong nilalang
Mapag kunyari at nagbabalat anyo sa mga pangakong kay bilis **** bitawan
Ngunit niisa ay walang napatunayan

Walang gamot ang kasalukuyan
Para mag hilom ang sugat ng nakaraan
Nag iwan ka ng peklat at pangit na karanasan
Sa inalay kung tapat na pagmamahal nasyang dapat **** kaluguran.

Pagtataka'y diko maiiwasan
Sapagkat ginawa ko lahat ngunit ako'y iyung pinag taksilan
San ako nag kulang,,ang aking buongpag mamahal ay sayo'y aking ibinigay
Walang limitasyon at walang pag aalinlangan pagmamahal ay aking isinaalang alang
Pati aking kaligayahan ay sayo narin nakasalalay

Binigyan mo ng katapusan
Ang tayo na akala ko'y walang hanggan
Inalisan moko ng kasiyahan
Pag mamahal ko'y sinuklian mo ng kalungkutan

Nakakatawa bagamat alam kung nong una palang ay wala na
Pero bakit paba ako umasa
Sa salitang baka sa kaling pede pa
BAKASAKALING pede pa ang tayong dalawa
Ngunit kahit na ipilit ko pa
Ay wala na talaga
Dahil ikaw ang nagbigay proweba
Na ang tayong dalawa ay mananatili nalang ala-ala
At ang ating istorya ay nagtapos na dito sa huling paghina kung saan iniwan moko mag isa....
Jhie Feb 2018
"ikaw lang at ako, yan ang pangakong binitawan mo,
ikaw lang at ako pangako hanggang dulo
ikaw lang at ako pangako yan mahal ko. "

hindi ko na maalala kung kaylan at paano nagumpisa
pero ang sakit at sugat sa puso ay sariwa pa.
minahal kita ng totoo at sobra sobra
maski nga para sa sarili ko ay hindi na ako nagtira

naaalala mo pa ba noong tinanong kita
miss pwede ba kitang mahalin?
nagbiro ka pa nga "pwede, wag mo lang angkinin"
ilang buwan din kitang sinuyo at pinaglaanan ng pansin
at sa wakas aking sinseridad ay iyong binigyang pansin

ilang buwan din ang lumipas biglang nagiba ang pagtingin
ako ba ang nagkulang o sadyang may iba ka na giliw?
at akin ngang nalaman buhat sa isang kaibigan
ako pala'y walang karapatan
sapagkat hindi ako ang orihinal

mahirap man pero kailangang tanggapin
eto ang kinahinatnan na bigay ng kapalaran
ang tanging tanong ko lang
bakit ganun naman
tao lang ako
nagmahal ngunit nasaktan

akala koy tunay pagmamahal **** pinakita
yun pala'y  isang huwad at nakamaskara
ang iyong pagibig na ipinupunla
sana'y inamin na ng mas maaga
upang hindi na umasa pa
na may isang taong darating upang aking makapiling
kingjay Aug 2019
Kahit nakapiring ang mga mata
Makikita pa rin
Itong dakilang pag ibig
Bakit gayon ay iniwan pa rin

Namumulaklak na ang mga tanim na rosas
Mga paruparong dumadapo
ang pagmamahal ay tunay
Di ba gusto rin ito ialay

Sana'y di na lang nagbago
ang humahagibis na hangin saan patungo
Isusulat sa malagong liryo
Nalugami sa huling pagkakataon
Nagsusumamo sa paraiso

Huwad ba sa mga kasaysayan?
Sadyang dinakila ang pagmamahalan
Di man nagkatuluyan
Bibigyan ng tamang pagkakahulugan

Na walang nararapat sa isang dukha?
Kahit siniphayo ng iba
Sa pag-ibig kailangan din masaktan
Tadhana nga naman
Namimili ng yayapakan

— The End —