Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Katryna Jul 2018
May mga lugar tayo na mahirap sa atin ang balikan
Minsan malayo,
Minsan maulan,
Madalas walang oras.
Pero kailangan natin puntahan.

                 Ilan lang yan sa mga rason na mas gusto ko nalang isipin
                 Para madaling magdahilan.
                 Pero kapag puso ang tumawag,
                 Kalinga ang nangailangan
                 Pag unawa ang nais maging hantungan.

Iniisip ko,
Ano ba ang dahilan bakit mahirap balikan.
Binabalik ako sa katotohanang,
Wala na.

                                     Wala na ang tao sakin na madalas maghanap.
                                          Madalas mangamusta.
                                              Madalas­ magsabing magpataba ka.
      
                 Ang kahit kelan hindi ako tinuring na iba,
                 Kahit kailangan na.

                                          Marahil ito nga.

Dinadala ako sa ibang direksyon,
Sa ibang tahanan,
Sa tahananang walang ibang tao.
Sa tahanang hindi ko na maririnig ang tinig mo.
Hindi ko na mahahawakan ang malambot at mapagkalinga **** braso.
Wala na ang biro, tawa at masigla **** tinig na nagpapaingay ng paligid.

                                        Marahil ito nga,

Bumubungad sakin ang isang kahon ng alala
Na sa pag ihip na lang ng hangin ko maradarama.
At sa ganda na lang ng paglubog ng araw ko na lang makikita.

Ang mga tinago kong munting ala-ala
In loving memory of Mr. Wally Nocon, I know you know how much I miss you. Sana :) Nakakarating naman ung mga message ko diba?, sipag nga po ng messenger ko eh :)
cleann98 Mar 2019
Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.

Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.

Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.

Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...

Totoo nga, pabara-bara lang.

Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.

O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.

Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.

Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.

Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.

Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.

Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.

Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.

Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?

Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.

Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.

Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.

Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan  na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.

Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.

Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.

Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.
Manaka-naka kong binisita ang 'yong munting tahanan
Siniyasat kung may bagong kagamitan o panauhing pinaunlakan
Sinuri ang katibaya't karupukan ng dating kagamitan
Repasuhin ang pundasyong itinukod ng nakaraan

At sa muli kong pagbisita sa 'yong tahanan
May bago akong nadatnan– nag-iba ang 'yong kinahihiligan
Hindi na aso kundi pusa ang paborito **** alagaan
Pati pintura ng 'yong munting tahana'y sya ring pinalitan
Ang dating itim ay tuluyang naging luntian
Maging ang pader nito'y simentado na't hindi kawayan
Pagbabago nga ba? o isinaayos lang?

T'wing bibisita ako sa 'yong tahanan
Dati-rati'y umaabot pa sa 'yong pintuan
Datapwat ngayo'y hanggang tarangkahan na lamang
Nananatiling nakamasid sa 'yong bakuran
Sa harding dati'y mirasol pa ang namumukadkad at hindi rosas
Sa bagong panauhing pinapasok sa pintuan
Pinaunlaka't nilaanan ng oras
Sa mga larawan niyang nakasabit sa dingding na dati'y mukha ko ang nilalaman
Nakatanaw;
Sa tahanang minsan ako'y nanahan
Sa tahanang tuluyan ko nang nilisan

-SLE
Para sa taong naging aking tahanan.
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
solEmn oaSis Nov 2015
Sa tahanang walang hagdan
sa loob ang papag ay upuan
tahasang lantad at kinalulugdan
yaring higaan na minsa'y hapag-sulatan,,,,,

sa aking paggising
tila ba ako nalasing
nang mabasa ko sa napkin
katanungan mo sa akin

halika dito sa aking upuan
at sa iyong kapaguran
sasamahan kita sayong kanlungan
habang dito ka sa aking kandungan

bagamat di kalawakan
itong aking tasalitaan
napalalim mo naman itong aking kaibuturan
bilang kaibigan sa mas mabuting pagkakakilanlan

sa iyong pagkakaupo
ako nga ay napatango
replika ng iyong damdamin
nababanaag at sumasalamin

nagkaroon man ng eksistentesya
mga rima ko sayong independensya
at kung ano man ang naging esensiya
nawa'y wag ibasura,nalamang intelehensiya

nang sa iyo ay aking ipaarok
yaong nais **** matumbok
sagot  sa  "gaano nga ba kadalas ang minsan?
BIHIRA ang siya kong naging katugunan !
a homograph whether not good but not too bad to appreciate is worth the wait somehow!, if you only try to understand it deeply and literally.
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
Huwag mo sanang maisipang balikan ang nangyari sa nakaraan.

Wag mo na sanang lakarin muli ang daang iyo nang tinalikuran.

Delikado ito.
Bako-bako.
Mabato.

Muli lang mawawasak ang puso mo.

Huwag mo nang alalahanin pa
Ang kulay ng kanyang mata

Kung ano ang pakiramdam
ng mga halik na iyo paring inaasam

Kalimutan na ang mga kamay na iyong hinawakan ,
Ang tahanang iyong binalik balikan

Masakit isipin na ang mata niya'y iba na ang tinitignan
Habang ang puso mo'y nananatiling sugatan.

Ang taong dati'y kilalang kilala
Ngayon ay mukhang madadaanan nalang sa kalsada

Mahirap man makalimutan ang  pinagsamahan, ang pagmamahal na ipinaglaban

Pero ubos na ang oras na inilaan
kailangan na iiwan ito sa nakaraan.
081721

Bagamat dumadaplis lamang sa atin
Ang mga palaso ng kalaba’y
Hindi moog ang ating mga damdamin
At hindi rin bulag ang ating mga pananaw
Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.

Gaya ng durungawang nakasilip
Ay bukas na rin ang ating mga isipan
Sa mga di kanais-nais na mga patibong
Na ilang ulit inilagan sa katahimikan.
Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel
Na madaling napunit at bumigay
Buhat sa walang awang pamimihasa
Ng mga ahas at linta sa lipunan.

Tila sila’y nakasilid na lamang
Sa kahong hindi de-baterya
Habang tayo’y nagsisilipat
Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.

At habang tayo’y nananatiling panatag
Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan,
Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal
Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap
At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang
Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.

Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y
Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao.
Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating
Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa
At sana’y kaya nga nating patahimikin
Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.

At sa ating paghimlay sa ating mga kumot
Ay sabay din silang mangungulila
Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay
At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t
Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.
John AD Jul 2019
Nakakasawa na ang klima ng panahon sa aking utak
Pabalik-balik na ala-ala sa nakaraan
Nagmistulang Pawis ang Luha kong tumatagaktak
Palihim sa ilalim ng kaulapan sa aking isipan,

Nagiisa na lamang madalas , Di masilayan ang sikat ng araw
Katog na aking Dibdib , Uhaw parin sa pagmamahal
Tag-ulan nga ba sa kagubatan o inulan ako ng kalungkutan sa Tahanan?
Kinakalaban nga ba ako ng aking Isip , o Sadyang Hindi ko na kayang buksan ang Pinto ng kinabukasan?

Tahan na o Tara na sa Tahanang Katakataka ang Puhunan
Kaibigan kong pinagkakatiwalaan , Di nila ako Maramdaman!At
Madalas o Minsan ako'y nagiging sisa ,
Madalas din o Minsan ako'y Nagiisa,

Kapag ako'y nagiisa , nakakagawa ako ng Lubid sa aking isipan
Paano kaya kapag iniwan ko na ang Mundong ito?
Makikita ko na kaya ang Kulay ng "Buhay ko"
O Magdidilim lang muli ang Kulay ng "Buhay ko".
Patawad sa mga Ginagabambala ko
Tuwing Humihingi ako ng tulong sainyo
Minsa'y inisip ko na  aabala ko kayo,
"Nilalason ako ng isip ko o sadya nga bang totoo"

— The End —