Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Agatha Prideaux Mar 2020
Pwede ba, na sa bawat pag-gising
At bawat pagtibok ng puso habang pumapasok
Ang sinag ng araw sa aking bintana
Ay makakalimutan ka na?

Dala na ang kamao **** tila nakabalot
Sa aking pinunong dibdib
Na niyurakan at kumikirot dahil sa iyong
Mahigpit na hawak sa akin, pwede ba?

Sana nama'y makaligtaan na ang tono, huni, at nilalahad
Ng mga kantang noo'y sinasabayan pa ng ating
Mga tawa, padyak, hiyaw, galaw
Balang araw, sana nga.

Maaari bang itapon na ang papel na naglalaman
Ng mga nais ko sanang ipahayag sayo noon
Kasabay na ang mga kasinungalingang binulyaw mo sa akin gamit ang mga letrang padala mo
Ako'y pagod na.

Pagod nang magparamdam, makiramdam
Makaramdam ng purong pagdamdam
Na alam kong kailan ma'y hindi mo na mararamdaman
Tama na.

Kung maaaring mawalay na
Sa pagkapit sa mga matatamis na salitang
Ibinulong mo sa akin habang inaambunan tayo
Ng sinag ng buwan sa gabing kay liwanag.

Sana'y matuyo na ang mga nasayang na luha
Noong sinabi ko sayo na ika'y aking minamahal
Na kung saan binalik mo sa akin nang mas malutong, mas mabulaklak
Pero putangina, puro lang pala dada at walang kahulugan!

At noong dinagdagan mo pa ng mga pangakong
Pagmamahalan at pagsusuyuan sa ating unang pagkikita
Ay halos sumalangit ako sa tuwa at galak
Pero sa init at pait ng impyerno mo pala ako binagsak.

Gusto sana kitang tanungin
Kung naaalala mo pa ba lahat ng ating mga talumpati
Kung papaano natin nahanap ang ginhawa at katiwasayan
Sa mata ng isa't isa, oh aking minimithi.

Sinubukan kong uminom ng kung anu-anong likor
Na sa sobrang dami ay halos napuntahan ko na siguro
Lahat ng barikan na aking nalalaman
Para lang maialis ka sa isipang ikaw lang ang nilalaman.

Subalit, imbes na ika'y maglaho sa kuro
Ay mas naalala ka sa mga malulungkot na gabing
Nangangamoy alak at naglalasang halik mo
Tulad noong unang gabing hinagkan mo ang nag-iinit kong noo.

Ngayon, ika'y masaya na at kuntento
Sa piling ng taong sinabi mo sa akin na huwag alalahanin
Hindi mo lang alam kung paano ko pinilit ang aking sarili
Na tanggapin lahat ng iyong isinaksak at binaril sa puso kong siil

Tila tintang nakamansta sa puting palamuti
Na di maalis-alis kahit gaano ko man kuskusin
Ang memoryang nakalaan para sayo sa aking isipan at damdamin
Kay hirap nang hubarin at tanggalin

Siguro ako'y itinuring lamang na isang kagamitang
Pwedeng itapon matapos pagdiskitahan ng mapaglarong tadhana
Na noo'y pinaniwalaan at naging pamanhik ko
Sa sandaling itinahi na ang pangalan mo sa nagdurugo kong puso

Pero, sa huli, kinailangang limutin
At iparaya ang damdaming nakakulong parin
Hanggang ngayon sa yakap ng iyong bisig
At himbing ng mga talang tila patalim sa gitna ng dilim

Sana'y natuto na ang sariling pag-iisip
Na hinding-hindi magpalinlang sa mga matatamis na awit
Na pinuputak ng bibig na ang may ari ay
Walang espasyo sa kanyang isip at puso para sa akin.

Aking nawalay na sinta
Maaari bang ika'y pakawalan na?
Para sa atin—o baka sa aking kalayaan at kasiyahan nalang
Pwede ba, kakalimutan na kita?
Day 1 of #NaPoWriMo2020. As of now, I'm not yet following the prompts. But here's an entry nonetheless.
Zeggie Cruz Sep 2015
Nandito ako sa kabilang panig
Nagaantay na muling marinig
ang mga tinig  na nawala
Sa ibabaw ng aking mundo at ng luha

Sa kabilang panig nagbibilang
ng mga araw sadyang kay tagal
muling pagkikita, nag-aabang
Muling pagsasama, nahihibang

Paano ba hahanapin ang kahapon
Naibaon sa sadlak ng alimuom
Dumidikit sa kailaliman ng ilong
Ang alaalang hindi maitapon

Parang labadang hindi tinuyo
ng sinag ng araw, nakulob
Sa loob ng damdamin
nagkukumahog

Naghihikahos, nabuburyong
Minsan pang ibalik, alaala
lagusan ng saya ata kaba
Kelan ka kaya makikita.
Nix Brook Jan 2021
sa hindi sadyang pagkikita
mga matang aligagang nagtugma
bagkus pinagsawalang bahala
ba't paglalaanan ang 'di kilala

mga hindi tukoy na adhikain
ultimo interes iyong hahagilapin
bakit sayo'ng presensya pa-aalipin?
kung dusa't pighati ang siyang babaunin

mga kalakip ng hiram
hantungan ay paalam
wala kung sino ang may alam
mga damdaming kumakalam
unang paksa
Random Guy Nov 2019
inaantok ako
sa tunog ng printer
kung paanong ang mga ngipin nito
ay kumikiskis sa papel
na tila ba kinakagat ito
ngunit hindi ganoon kasakit
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa tunog ng maraming papel
bulto bultong pinapantay
at iniuuntog sa mesa
na tila ba'y naghahalinghingan
na dulot ng pagtatalik
may halong harot sa pagitan ng mga ito
landian ng mga bagay

inaantok ako sa paglagapak
ng stapler sa sahig
na tila ba'y unang pagkikita
bugso ng damdamin sa muling pagsasama
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa walang humpay
na pagbukas ng pinto
ang sayaw na nagmumula sa kahoy na ito
tila ba'y sinasayawan ang lahat
at kinukumbinsi na umuwi na tayo
may halong harot sa pagitan nito
landian ng mga bagay

inaantok na ko
office *****
22 Isang araw na itinadhana
Nagtagpo si Ihib at si Pina

23 Nang sila’y pumaroon
Sa dalisdis ng bundok na iyon

24 Ang binata’y sa silangan
Ang dalaga’y sa kanluran

25 Inihanda ng lalaki ang bato
Inihasa ng babae ang palaso

26 Sabay nilang pinalipad
Sa inakalang ibong napadpad

27 At pagbulusok ng saranggola
Sa kinabagsakan nito’y dali-dali sila

28 Iyon ang unang pagkikita
Nina Ihib at Pina.

-07/08/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 160
John AD Mar 2019
Lungkot ng sistema , Pag-gising sa umaga tulala ang eksena
Nakasanayan na ang pagpatak ng tubig sa mata, Basang-basa na ang tela
Pinipilit ko kasing punasan ang sakit , pagkalumbay , dala ng kalungkutan
Alaala mo na di mawawala,lumipas man ang panahon dala dala ko ito sa libingan

Kahapon lang ngiti mo'y hindi maipaliwanag , yun na pala ang huli nating pagkikita
Di man lang ako nakapagmano at nakahalik sa iyong mga noo , hanggang mawalan na ng hininga
Ang Nais ko pa naman sana maabutan ka ng magiging apo mo sa hinaharap , upang makita mo sila
Pero huwag magaalala , ituturo ko naman lahat ng bagay na natutunan ko sayo lola

Paalam lola , Hindi ko man lang nasulit na ika'y makasama
Wala na tuloy magkwkwento sakin nung ako'y bata pa
Wala ding kasabay kumain kapag ako'y magisa na
Nakakalungkot pero kailangang tanggapin , ang buhay natin ay sakanya

Salamat , Alam kong maaliwalas na ang iyong pakiramdam
Nakatakas ka na kasi sa parisukat na mundo na kasuklam-suklam
Payapa na ang sistema , darating din kami dyan

Ang mga rosas ay nalanta , at may uusbong muli na maganda...
RIP Lola Rose
Sep 24 1955 - March 3 , 2019
Pusang Tahimik Feb 2019
Nang isilang ka'y kasama mo na ako
Kita ko ang tuwa sa mga magulang mo
Lahat ng kilos mo tinutularan ko
At kahit nasaan ka ay naroroon ako

Panahon ang nagturo sayo na mamulat
At sa unang pagkikita tiyak ang iyong gulat
Sa ilalim ng buwan sa gabing pagkagat
Naghahabulan tayo sa gitna ng gubat

May isang gabi lahat ng ilaw ay nakapatay
Ikaw'y nakipaglaro sakin ng walang humpay
Mga anyo ng hayop na likha ng iyong kamay
Sa harap ng kandila na sindi ng iyong inay

Sa gitna ng dilim ay di ka nag-iisa
Bagamat madilim hindi mo makikita
Halika sa liwanag at aking ipapakita
Ang aking anyo na dati mo nang nakita

Kahit saan ka magpunta ako ang buntot mo
Hindi mo lang pansin ako'y karugtong mo
Sumayaw ka at tutularan ko
Ngunit huwag sa dilim upang makita mo

Magbalik tanaw sa iyong ala-ala
Tuklasin ang aking talinhaga
Paalam tapos na akong magpakilala
Narito lamang ako lagi, aking paalala

JGA
zee Apr 2020
hindi na mapakali at panay ang tingin sa paligid
ang pagod at antok ay 'di na maikukubli
segundo, minuto at oras na ang lumipas
ni anino mo'y 'di na matinag; mata'y malapit nang tumiwalag
ang isipan ay kung saan-saan na rin napadpad
iisa lang naman ang nais isigaw ng pusong matiyagang naghihintay
makita kang muli at ang puso't isipan ay mapapalagay
lahat ng hirap na dinanas ay 'di alintana dahil ito'y maiibsan

--

at dumating na sa wakas ang araw ng pagpapasiya
ang dalawang pusong nangungulila sa presensya ng bawat isa'y
nagtagpo at nagsama

ang muling pagkikita nila'y punong-puno ba pananabik at saya
salubong na mainit at mahigpit na yakap at matamis na halik
ang siyang nagpawi sa mga sandaling hindi sila magkapiling

--

saksi ang mga tala at ang buwan
pati na rin ang mga tao sa paligid na walang kaalam alam at pakialam
sa muli (at huli) nating pagkikita,
mahal.
03.06.2020
cj Apr 2019
sa umaga, sa akin ay anino ka lamang
na sa pagsapit ng kadiliman
ika'y mawawala
ngunit sa gabi, sa akin ika'y nagiging hangin
sisinbol ng malambing
at hahaplos sa aking balat

tunay nga na may mahika ang isang tulad mo
isang matipuno at matalinong nilalang
na kahit sa mga oras na walang pagkikita
ang iyong palad aking nararamdaman
sa aking balat na tila sa'yo'y isang libro
na iyong walang tigil na pagmasdan
at hindi titigilan ang paghanga

sadya nga napa-irog mo ako,
isang binata na iyo'y napasinto-sinto
na kahit wala ka sa tabi ko
napukaw mo ang damdamin ko.
Ronna M Tacud Jun 2021
Sa may dulo, ako'y nakatingin sa malawak na tanawin.
Tinatamasa ang malamig na hangin,
na animo'y dinadala ka sa ibang parte ng mundo.
Na kung saan ika'y nakakabit sa malaningning na mga bituin.
Hndi alam kung ano at sino ka,
pero darating ang panahon na ika'y dadalhin nang tadhana sa aking mga bisig.
Hindi man ngayon,
pero handa akong hintayin ang tamang oras.
Tamang oras na kung saan bawat puso'y sasaya
at walang hanggang pagmamahal.
Naniniwala akong darating din sa atin ang tadhana.
At sana, sa pagkikita natin ay handa nang lumaban,magtiwala,
at magmahal nang tunay.
Hihintayin kita!
Kurtlopez Oct 2020
Pinilit lumaban, ngunit sadyang nahirapan,
Isinuko sa tadhana,ang sitwasyong ‘di na tama,
‘Di na kailangan na itong emosyon ay mahirapan,
Kaya’t itong iyong kamay na hinahawakan,
ay kusa ko nang binitawan…

Kusa ko nang hinayaan.
Kusa ko nang pinabayaan…
sa hangin kung saan man,
ang kamay na ito’y ramdam ang kalayaan,
Ang kaginhawaan… ang kapayapaan.

Nagparaya, Nagpaubaya, Nagpalaya.
Bakit tila hirap akong ito’y maunawaan?
Tila hindi mapalagay itong puso’t isipan…
At tunay na umasa sa kamalian…
Kawalan ay tila tinakasan…
Balakid ay aking kinalimutan…
Naglakas loob dahil nasasaktan,
Ininda ang natatanging kahinaan,
At hinarap ang tatlong kalakasan.

NAGPARAYA
Sa tadhana ako’y nagparaya…
Nagparaya na sa kanya’y maging taya,
Nagparaya sa kanyang maging tanga,
At nagparaya sa larong kayduga.

NAGPAUBAYA
Nagpaubaya nang natatanging biyaya,
Nagpaubayang ang luha ay tumulo sa lupa,
Nagpaubayang ang puso ay magambala,
At lamunin ng takot sa muling pagkikita.

NAGPALAYA
Ang huli ngunit kaysakit na aking magagawa,
Nang umabot sa puntong ako’y nagpalaya,
Nagpalaya kahit nagmistula nang kawawa,
Ang pusong nagmahal lamang…
ngunit ‘di nakamit ang laya.
Kaya’t sa huling pagkakataong ako’y gagawa,
Nang aksyong sa salita ko ay aakma,
Ay yun ay ang panahong ako ay…
Nagparaya, Nagpaubaya, at Nagpalaya.
Ekzentrique Feb 2020
Di pipigilan
ang puso
na tumangis

Ang luha
sa pagpatak
nang dahan-dahan

Ilalakad pa rin
ang mga nanginging na paa
kahit masakit

Imumulat ang mga mata
habang lumuluha
at tinitingnan ka papalayo

Bubuksan ang kamay
lalo na't hindi
na hawak ang iyong palad

Hahagkan ang hangin
sa pagbabakasakaling
ika'y babalik

Titingnan ka na lang
sa malayo
at ngingiti

Sa pagkakataong iyon
alam kong ika'y
masaya sa kanyang piling

Hindi na pipilitin
at alam kong
ika'y di para sakin

At lalaging sasabihin
na kung hindi lang din ikaw
ay huwag na lang

Sa muling pagtatagpo
sa huling pagkikita
sa huling hininga
ikaw...
Alam ko namang kasalanan ko ang lahat. Hindi mo deserve ang lalaking katulad ko. Tatanggapin ko na mas magiging masaya ka sa piling ng iba. Pakiusap. Ayaw ko na ulit na masaktan ka.
mica Feb 2018
Halika't samahan mo ko
Sa pagbalik sa nakaraan
Kung saan ikaw pa ay aking gusto
At ako ay iyong kaibigan

Nang makita kita
Ako'y namangha
Sa iyong talentong ipinakita
Sa buong eskwela

Di ko aakalain
Na ika'y gugustuhin
At ang panahon ay palipasin
Nangangarap na ika'y mapasaakin

Ngunit heto na tayo
Sa kahuli-hulihang pahina
Ng ating kwento
At ng ating pagkikita

Oo, hindi na kita gusto
Sapagkat ang paglipas ng oras
ay masyado kong sineryoso
at ang pahina ng aking mga damdamin at dahan-dahan kong pinilas

Ngunit, bakit?
Bakit kung kailan ilang buwan nalang?
Bakit kung kailan nasa huli nang hakbang?
Bakit kung kailan ika'y maglalaho na?
Bakit kung kailan huli na?
Bakit?

Kailangan pa ba na ako ang umamin ng hindi kayang aminin?
Kailangan pa ba na ako ang lumapit upang masabi ang gustong sabihin?
Kailangan pa ba na ako ang magsimula ng gusto **** simulan?
Kailangan pa ba na ako ang gumawa ng paraan para sa'yo?
Sa tingin ko, hindi ko na kailangan

Pasensya na
Sapagkat huli na ang lahat
Ako'y nakadaan na sa iyong pinagdadaanan ngayon
Ngunit hindi tayo nagtagpo

Pasensya na,
Dahil huli na ang lahat.

Hindi na kita kailangan.
Ezekiel Navea Aug 2019
Sakaling ito na ang huli kong tula
Hahayaan na, mga luha'y tumila
Palalayain, namumugtong mata
Hanggang sa muli natin na pagkikita

Tuwing gabi'y nalulunod ang isipan
Mula sa karagatan ng kamalian
Kung mabubuting binhi ang tinamnan
Hindi na ganito, aking kapalaran

Mga lihim kong hindi pa nasasabi
Pansamantala munang isasantabi
Ang panahon na ang kusang maghahabi
Ako'y hindi na titiklop at tutupi

Kaytagal na ang puso'y mananahimik
Sa pag-usbong nalang ng araw papanhik
Bagamat patutunguhan ay matarik
Maghahanda na sa iyong pagbabalik

Sakali mang ito na ang huling tula
Huwag sanang lumungkot ang mata
Ulan ay hihintayin pa ring tumila
Para sa muli natin na pagkikita
G A Lopez May 2020
"Ang hirap maging babae kung torpe 'yong lalake. Kahit may gusto ka 'di mo masabi."


Sa tagal ng ating pinagsamahan
Nagdadalawang isip kung totoo ba ang nararamdaman
Bakit hindi mo masabi sa akin ng diretso?
Bakit natatakot ka sa opiniyon ng ibang tao?

Mga galaw **** may dobleng ibig sabihin
Hindi alam kung ano ang nais **** iparating
Kaya naman patago din akong kinikilig
Habang sa mga braso mo'y nakahilig.

"Hindi ako 'yong tipong nagbibigay motibo. Conservative ako kaya 'di maaari."

Kilala akong dalagang Pilipina
Iniingat-ingatan ko ang aking hiya
"Babae ako kaya ikaw dapat ang mauna"
Iyan ang akala kong noon ay tama.

Ngayon ito na pala ang huli
Sana'y nilubos ko na ang bawat sandali
Sa tinagal ng panahon,
Sasabay ka rin pa lang lilisan katulad ng nangyari sa akin kahapon.

"At kahit mahal kita wala akong magagawa. Tanggap ko, oh ang aking sinta. Pangarap lang kita."

Magkaiba nga tayo ng mundo
Ngunit wala akong ibang gusto.
Sana sa susunod na pagkikita
Tayo na ang para sa isa't isa

Mahal kita ng sobra
Kung iyan ang desisyon mo'y hindi na kita pipigilan pa.
Napagtanto ko na,
Hanggang pangarap lang kita.
POV naman ito ng babae ;-) nakarelate lang ako sa Pangarap lang kita na kanta ng Parokya Ni Edgar kaya ginamit ko yung pamagat ng kanta nila bilang pamagat ng aking tula :)
Gamaliel Sep 2019
puso ko'y umaasa
na ating pagkikita
ay maging lunas sana
sa iyong pagdurusa
Sa mahimbing kong pagtulog
Dahil sa puyat at pagod
Umidlip at sinarado
Sa paligid ko’y hinayaang
Saglit ay isarado

Sa maingay na paligid
Akala ko’y isang panagip
Na ang tinig mo na nadirinig
Sa mahimbing kong pag tulog
Ay gumising

Pag tingin ko sa relong aking binabantayan
Oras na nga palang pumasok
Sa klase kong inaayawan
Pag mulat ko at pag tayo
Ng maputla kong labi at muka
Ariyan ka pala talaga

Napaka linaw pa saaking alaala
Lagi mo nga pala akong
Nakikitang natutulog , sa unang pagkikita
Natatawa , humahagikhik
Kahit pala tapos na tayo’y
Muli , madidinig iyong malambing na tinig

Mga alaalang bumalik
Sa unang pag uusap
Saaking pag-gising
Sa pag tulog kong mahimbing

Pag gising ko’y kasabay ng pag tumba
Pakiramdam ko’y nariyan ka pa
Puso kong tulog at natakot ng mahulog pa
Muli naka ramdam ng saya
Dahil kahit papaano
May pakialam ka parin pala sinta

“Andyan na prof niyo, kakapasok lang”
Mga salitang binanggit **** saglit
Gusto kong ngumiti ngunit nahihiya ulit
Pero salamat , dahil narinig ko muli iyong tinig
Na nag paalala saakin
Na bukod sa orasang aking binabantayan
Kailangan ko ng pumasok
Sa klaseng mag papalimot saakin
Ng iyong ala-ala sinta.

Muli.
This poem is dedicated to “my almost” / TOTGA
dear , im sorry . Sabi ko sa sarili ko hindi na kita gagawan ng tula pero nagawan ulit kita
Kylie Apr 2020
Noong araw ng aking pag alis
Hindi maipaliwanag ang pagtibok na kay bilis
Kasabay nang bawat hakbang ng aking mga paa
Ang naguumapaw na takot at kaba

Ngayo’y nakalipas na ang ilang buwan
maraming araw na ang dumaan
Subalit, tila hanggang ngayon
Masyadong mabilis ang pagdaan ng panahon

Pilit na hinahabol ang takbo
Upang makasabay sa mga kasalukuyang tagpo
Ngunit, masyadong mabilis
Hagupit ng pagbabago’y nagmamalabis

Buong akala’y natanggap na
Pero damdami’y nagpapanggap lang pala
Sapagkat sa tuwing sasapit ang gabi
Mananatiling tikom ang mga labi
Habang ang mga luha’y isa-isang pumapatak
At ang mapag panggap na mukha ay dahan dahan nawawasak

Ang mga alaala’y unti unting bumabalik
Na tinatapik ang puso ng isang batang nananabik
Na bumalik sa mga bagay na  nakasanyan sa nakaraan
Kahit na ang susunod na pagkikita’y walang kasiguraduhan

Hanggang kailan mangungulila sa buhay na kinagisnan?
Hanggang kailan hahanap hanapin ang dating tahanan?
Matatanggap pa ba ang reyalidad na hinaharap?
O makakasanayan nalang hanggang sa makalimutan ang hindi matanggap?
Rem Oct 2018
Naaalala ko pa
ang sandaling
sinigaw mo sa mundo
pagmamahalan ay kailanman
di magbabago
Sabay hawak sa aking mga kamay
Habang nanonood sa paglubog ng araw
sa Pagsapit ng dilim
patuloy na humihigpit ang iyong pagkapit
at hindi bumibitiw
Sa gabing mga bituin ay nagniningning
na kayang kaya kong ikumpara
sa iyong mga ngiti
na kailanman di mo pinakita sa kanila
na tanging akin lamang
at hindi maaagaw ng iba

Naaalala ko pa
Ang mga pangakong
narinig ng aking mga tenga sa harap ng dambana
na tanging kamatayan lamang
ang makakapaghiwalay sa ating dalawa
at nakita mo ang mga tumutulo kong luha
na labis na di makapaniwala
na ang babaeng nasa harap ko
ang babaeng mahal ko
ang babaeng hinintay ko
ang babaeng pinangarap ko
ay ang babaeng pakakasalan ko


Maaalala mo pa kaya
kung sakaling isigaw ko ulit sa mundo
na patuloy ang pagmamahal kong di magbabago
kahit wala na ang kamay
na minsa'y humawak sa akin ng mahigpit
kung bakit bumitiw
mga gabing dadaan
na magpapaalala sa iyong ngiti
kung gaano kahapdi
at kung gaano kasakit
na ang babaeng mahal ko
ang babaeng hinintay ko
Ang babaeng pinangarap ko
Ang babaeng nangako
at sumigaw sa mundo
Na ang pag ibig natin ay walang hanggan
pero bakit andito tayo sa dulo
mararamdaman mo
ang kaba at lungkot sa puso ko
ang isip kong di magkandaugaga
kung paano ko ipapahayag ang aking nadarama
simula sa unang pagkikita
sa pagsambit ng mahal kita
At mamahalin kita
kahit abo na lamang ang pinanghahawakan ko sinta
Random Guy Oct 2019
nagbabakasakali lang naman
baka naaalala mo pa
ako

naaalala mo pa ba
unang pagkikita
kulay ng supil mo'y pula
ganda ng iyong mata
ang nilaman ng mga dati kong kanta

naaalala mo pa ba
ako
oo
sa likod ng 'yong ala-ala
na minsan sa buhay mo ay hinagkan ako
nilambing
hinalikan
iniyakan
tinawanan
at higit sa lahat
at ang pinaka masakit sa lahat
minahal

baka naaalala mo pa
ang pagkakulang ng 'yong mga kamay
dahil hindi nito hawak ang akin
kung gaano kalungkot ang 'yong mga daliri
dahil hindi nakapulupot sa akin

baka naaalala mo pa
na  ang laman ng mga mata mo
ay ang mukha ko
at ang laman ng utak mo
ay ako, palagi

baka naaalala mo pa
na bago ka tamaan ng rumaragasang sasakyan
na nagpawala ng memorya at ala-ala mo
ay kasama kita
sinasambit ang matagal na nating mga pangarap
anak, pamilya
at iba pa

baka naaalala mo pa
na bago ka mabunggo ng paparating na ilaw
mula sa unahan ng rumaragasang sasakyan
sa gitna ng dilim
ay pinagdarasal ka
na sana 'di magbago ang pagmamahal mo

ngayon
sa apat na sulok ng 'yong kwarto sa ospital
ay di mo ako naaalala
limot ang dating ala-ala
ang halik
ang yakap
ang luha
ang hikbi
ang tawa

nagbabakasakaling naaalala mo pa
Sa aking pag kaway
Nagpapahiwatig ng aking pag paalam
Hindi namalayan na iyon na pala
Ang huling pagkikita

Akala ko'y panandalian lamang
Ang pag hinto ng mundo
Ngunit 'yon na pala ang simula
Nang pag tigil ng buhay

Nag-isip, nag-iisip
Sa lahat ng nangyari
Bago ang kasalukuyang pangyayari
May hindi pa ba ako nagagawa?

Sa unti-unting paglaho ng mga araw
Tumama sa akin ang realidad ng buhay
Tunay ngang maiksi ang buhay
At hindi alam ang kasunod

Napatulala
Nalungkot
Napaiyak
Napagod

Hinahanap ang nakasanayan
Mga araw-araw na gawain
Mula sa pag gising ng maaga
Hanggang sa patulog na pasikat na araw
John AD May 2022
Paalam aking kaibigan , kapatid , bantay
Ikaw ang saksi sa lahat ng aking problema
Ang mga tahol mo ang gumigising sakin tuwing umaga
Malambing at Makulit kapag ikaw ay kasama

Hindi ka hayop , ikaw ay tao para sa akin
Naiintindihan kita kahit hindi mo sabihin
Pitong Taon inalagaan kasama sa lahat ng sakuna
Paalam Bantay hanggang sa muli nating pagkikita
Paalam Aking Minamahal na alaga , Mahal na mahal kita!
Sitan Sep 2020
Kamusta
tila wala na mga kislap ng iyong mata
marahil magmula ito ng iwan kita
mula ng akoy umalis araw araw na kong nagtaka

maari pa ba kitang tawaging sinta?
malamang ikay malungkot at nagdurusa
alam ko naman na tinuring kitang walang kwenta
at kahit anong hingi ko ng tawad ay di mo na ibibigay pa

magmula ng ikay aking sinira
palagi ka nalang malungkot at tulala
puro ako pagsisisi ngunit alam kong wala ng magagawa pa
iniwan ako sapagkat wala na akong tamang ginawa

tila ilusyon nalang gawa ng alak ang ating masasayang alaala
kahit anong aking gawing ikay di na muli makakasama
masyado ng madaming pighati ang iyong nadama
ang dating malakas at matayog na tao ay isa nalang memorya

patawad sa akin sarili para sa lahat ng nawala
magmula noon ay ikay nagdurusa
hayaan mo at akoy hindi na hihiling na ikay magbalik pa
maging masaya ka sana hanggang sa ating muling pagkikita
060821

Namuo ang mga luhang walang awat na nagpararamdam,
At sa kabila ng paghilot sa katauha'y
Daragsa ang hindi maintindihang elementong bumabalot sa liwanag.

Una,
Nasilayan ko ang larawan ng mag-inang minsang naging kabahgi ng akingnakaraan,
Kung saan naging bukas ang kanilang pintuan
Para sa mga kung anu-anong okasyon,
Mga pagpupulong na wala sa usapan,
Mga tawanang walang kabuluhan.

Ipinagkait ng pagkakataon ang paalam
Na sana man lamang ay naging harap-harapan.
At ang paalam na ito'y hindi malaman
Kung kailan ang simula at katapusan.

Pangalawa,
Sa pagitan ng pag-aaral at paghahanapbuhay
Ay namuti ang pangarap na lisanin ang kinasanayan.
Ngunit sa mismong araw ng kanyang paglilitis
Ay iba na pala ang nasa linya't nagbitaw ng mga salitang,
"Wala na sya."

Kinitil ang pangarap ng tadhana
At tuluyang naglaho ang alaala ng kanyang katauhan.

Pangatlo,
Sa apat na sulok ng pag-uusig
Ay naging bukas ang pagsalasat ng katotohanan buhat sa magkabilang panig.
Ang kanilang mga hain ay higit pa sa poot
Na may panghuhusgang bitbit at sigaw sa pula at sa puti.

Naubusan sila ng mga salita at nagtapos sa paghihiwalay
Ang kanilang mga ngitian at halakhakan,
At ang minsang pagbubunyi ay naging palitan
Ng liham ng paalam at katapusan.

Pang-apat,
Sa pagpunit ng bawat pahina ng kalendaryo
Ay nagwakas na rin ang kanilang pagkikita
Ang lihim ay idineklara't nagpaubaya na lamang sa Langit
Ang dalamhating tugon sa pag-ibig
Na sana'y may bukas at makalawa pa.
Faye Feb 2020
Nagsimula sa isang hapunan
Hanggang umabot sa masarap na kwentuhan
Hindi namalayan ang oras
Hatinggabi na't tuloy parin ang tawanan.

Pagkikita ay nadugtungan
Muli ay nagkayayaan
Kain dito, gala doon
Ikaw at ako magkasamang nagbibiruan.

Kasama ka sa pag-uwi
Kasabay ng musika paulit ulit naririnig
Hindi namalayan ang oras
Makasama ka lg walang lungkot sa labi.

Labis ang lungkot sa iyong pag-alis
Mga boses at ngiti **** nakakasabik
Mga matang mapungay at labing mapula
Sa isip ko ay laging nakapinta.

Pero mahal, ako'y nasasaktan
Nasasaktan sa maling pagmamahalan
Pagmamahalan sa maling panahon
Panahon na sinusubok ng pagkakataon.

Sa iyong pag-alis ika'y may hiling
Ika'y huwag kalimutan at ang mga alaala natin
Natulala at hindi na alam ang ibibigkas
Pero pangako mahal, ako'y andito lang hanggang wakas.
Zen billena Aug 2020
Napaupo sa dalampasigan.
Ang mga alon ay pinagmamasdan.
Buti pa ang alon kahit umalis man.
Kusa kang binabalikan..
Oh kay sarap **** pagmasdan
sa dapit hapon.
Hanggang sa muling pagkikita
kaibigang alon.

— The End —