Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
Eugene Aug 2017
ni Reagan A. Latumbo

Hindi man ako biniyayaan ng karangyaan,
O nakakain ng masasarap na pagkain sa hapag-kainan,
O nakabili at nakasuot ng magagarang kasuotan,
Kuntento naman ako sa lahat noong panahon ng aking kabataan.

Mahirap man ang buhay na aking pinagdaanan,
Milya man ang nilalakad ko noon marating lang ang paaralan,
Ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-abot ng aking pangarap kahit na nasaktan,
Tiniis ko ang lahat dahil Siya ay nariyan.

Kahit na pandinig ko ay unti-unti na ngayong nawawala sa akin,
Nariyan pa rin si Ama at ako ay hindi Niya pinababayaan.
Kaya kahit ako man ay may kapansanan,
Naibabahagi ko pa rin ang aking talento at kaalaman.

Sa mundong aking pinapasukan,
Sa trabahong aking iniingatan,
Kahit bingi man ay marami pa rin akong natutulungan.
Mga baguhang empleyado ay aking tinuturuan.

May kapansanan ka man o wala,
Ang pagtulong ay hindi dinadaan sa usap-usapan.
Ito ay kusang ginagawa at pinaninindigan,
Maraming tao ang lubos na masisiyahan kung tulong mo ay hindi ipinagkakait sa kanilang harapan.

Bingi ka man o bulag o kulang ka man ng kamay o paa,
May sakit ka man sa puso o namanang karamdaman o wala,
Kapag tulong ang hinihingi, 'wag kang mag-aatubiling ipagkait ito sa iba,
Dahil sa bandang huli, ang iyong kabutihan ay masusuklian Niya.
Eugene Mar 2018
Gabi-gabing nagsusunog ng kilay.
Araw-araw na tinatahak ang lubak-lubak na daan.
Minu-minutong nagtitiis ang balat sa tirik na araw.
Iniinda ang mga kagat ng lamok sa gabi.
Pinagtitiyagaan ang kapirasong lamparang liwanag sa dilim.
Maibahagi lamang ang kapiranggot na kakayahan.

Inakala **** madali.
Hindi pala.
Kailangan **** suungin ang init.
Kinailangan **** tawirin ang mga ilog marating lamang ang iyong patutunguhan.
Inakala mng magaan.
Hindi pala.
Kinailangan **** maglakad ng walang sapin sa paa.
Kinailangan **** iwasan ang mga putik sa kalsada upang marating ang lugar na akala mo ay langit na.

Nagawa mo pa ring makaalpas.
Ilang beses ka na ba dapat na sumuko?
Nakailang iyak ka na ba gabi-gabi dahil hindi mo kaya ang nakikita mo?
Ilang damit lang ba ang dala-dala mo upang maitawid ang mga kaalaman para sa iba na nagmula sa iyo?
Kaya mo pa ba?

Ikaw ang liwanag sa kanilang madilim na daan.
Ikaw ang gabay sa kanilang pagpupursige.
Ikaw ang magiging pag-asa sa mga pangarap nilang hinahabi.
Huwag **** ipakitang marupok ka dahil lamang sa delubyong likha ng kalikasang nasa iyong harapan.
Isipin mo sila!
Isipin **** may naghihintay na bukas para sa kanila.

Ikaw ang kanilang tinitingala.
Magpatuloy ka sa pagngiti.
Isapuso mo ang kanilang masasayang pagbati sa tuwing ikaw ay makakarating.
Damhin mo ang kanilang pananabik na makita kang masayang nagtuturo sa kanila.
Iwaksi mo ang negatibong bagay sa iyong isipan.
Yakapin mo ang iyong natutunan --ang iyong misyon at rason kung bakit ka inilagay sa posisyong iyong kinatatayuan.

Balang araw ay magtatagumpay ka!
Balang araw ay masisilayan mo ang katas ng iyong pagpapakumbaba.
Pagsisikap.
Pagtitiis.
Malayo ka man sa mga mahal mo sa buhay, naiintindihan nila.
Ang propesyon mo ang magbibigay ng pag-asa.
Magtiwala ka!

Kaagapay mo ang Diyos sa bawat **** pagsisikap.
Huwag kang panghinaan ng loob sa bawat problemang iyong kinakaharap.
Alam naming kaya mo!
Sa iyo uusbong ang mga batikan.
Sa iyo magmumula ang mga pinakasikat.
Sa iyo manggaling ang magagaling at matatalino.
Alam naming kaya mo!
Magtiwala ka sa kakayahan mo.
Ikaw at ikaw lamang ang maglililok nito.
Ikaw at ikaw ang huhubog sa kani-kanilang mga talento.
Nasa iyo ang aming papuri.
Nasa iyo ang aming taos-pusong dasal.
Ang laban mo ay laban naming lahat.
Kayanin mo.
Kakayanin mo!
Ikaw ang aming liwanag sa gabi at pag-sa sa umaga.

#IkawNaNagmamahalMagmamahalPa
Ri Jul 2019
kapag ganitong oras talaga na wala nang magawa kung hindi tumingala sa kisame ay mapapaisip ka nalang ng mga bagay na nais **** marating sa buhay at mga pangakong binitawan sa nakaraan. hindi rin maiiwasan na mapapikit na lamang sa panghihinayang kapag naalala ang mga panahong sana'y maayos pa. sisingit na rin ang mga pangarap na tila'y imposibleng matupad hanggang sa pinanghihinaan na ng loob na magpatuloy pa.

sa lahat ng isinisigaw ng damdamin at pagod na sarili, sumabay sa alon. magpalunod at lumangoy.

darating ka rin sa dalampasigan.
jacky Jan 2015
Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
may pangangailangang kinukuha sa hamog ng umaga,
sa lupang kakarampot, at sa katas ng ibang ugat ng ibang halaman.
Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
nananahimik na namumuhay sa anino ng tunay na sibol
ng kalikasan. Ano ang aking silbi kung ang langit na nais kong marating ay hanggang talampakan lamang ng tao?
Ano ang aking silbi?

Ito pala ang pakiramdam ng ligaw na damo,
mabubuhay ng walang halaga,
mawawala ng walang sinasambit.
Trying my best to write in my native language // I'll post a translation
Pusang Tahimik Mar 2019
Pagpanaw ng dilim ako'y namimintana
Pinapatay ang panaginip ng hindi alintana
Mula sa silangan ng iyong bintana
Ang yungib at sulok ay aking pinapana

Pagmasdan ako'y walang nakagagawa
Payak na mata'y sa sinag ko'y luluwa
Huwag nang subukan pakiusap ko nawa
Sa payo ko ay makinig at matuwa

Ako'y nakamasid sa lahat ng mga gawa
Sa paghihirap mo ako ang nananawa
Sanggol na nagugutom na nagngangawa
Hala gawa, nasa Diyos ang awa!

Pakanluran ang aking binabagtas
Ang lahat ay umaalma sa pinsala kong lakas
Paumanhin sa kapangyarihan kong batas
Ito ang iniatang sa akin ng pinakamataas

Lulubog kung marating ang hangganan
Magbabadya na ang kadiliman
Nang pagdating ko kayo ay nag-alisan
Sa pag-alis ko'y diyan kayo magdadatingan
by: JGA
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa salamin may pinapahid sa pisngi si Maya
Mga palamuting umaaliw sa paningin ng iba
Paglipas ng sandali'y anyo nga ay nag-iba
Ngunit katotohanan ay di maitatago sa likod ng maskara

May isang taong buong buhay ay naghukay
Inapakan ang lahat upang marating ang tagumpay
Ngunit hininga niya'y napagod na sa kahihintay
Sa huli, siya itong naghukay para sa sariling bangkay

Ngayong araw ay kaawaran ko na
May mga pagkatok, heto't bubuksan ko na
Pagbukas ko'y mga pagbati't regalo ang dala-dala
Sa pag talikod ko'y itak na ang naka-amba

Sino nga ba itong nagkukubli sa pangalan ng iba
At tila ba nagtatago sa mundong alam niya
May nais nga ba siyang ilihim sa paningin ng iba
At patakas na nagtatago sa larawan ng iba?

Ito'y ilang halimbawa na aking nabanggit
Tila nakamamatay na sakit, tulad ng inggit
Na anyo ng bawat isa na kanya-kanyang bit-bit
Na mga Pagkatao'ng tiyak na walang nagpapahigit.
JGA
Andrianne Oct 2017
Magandang gabi kamahalan
Dito sa aking kinatatayuan
sa baba ng labindalawang palapag ng hagdanan,
Ikaw ang pinaka paborito kong pagmasdan,
Saan man ang iyong pinagmulan,
ikaw man ay lulan ng barkong hindi pangkaraniwan,
hindi ko ikakaila na ikaw ang pinakamakinang sa lahat ng bituin sa kalangitan.

Ikaw ang eba at ako ang adan ng makabagong kapaligiran
Hayaan **** tuksuhin tayo ng berdeng kalikasan,
Akitin ng mga huni ng ibon tungo sa sarili nating kaharian.
Handa akong panagutan ang ating pag iibigan,
hahamakin ang lahat maibigay lang ang iyong inaasam
gagawin kong mundo ang dapat tao lang,
baliin natin ang daan
lumiko man tayo pakanan
marating lang ang kabundukan
patungo sa ating tutuluyan,
Ikaw ang magsisilbing kanlungan,
sa nakaraang minsang pinagdalamhatian.
Ikaw ang magsisilbing lagusan,
sa mga pintuang tinalikuran at pinaglaruan.
Ikaw ang magsisilbing unan sa gabi ng kabilugan ng buwan.
gagawin kong bintana ang iyong mga mata,
tatahakin ang dilim, hinagpis, pagkapiit,
itatakas kita..
itatakas kita sa mundong hindi lang ikaw ang bida,
sasagipin kita sa paglubog ng barkong papaalis na,
hahanapin kita,
sisirin ko man ang kumunoy,
languyin man ang lalim ng panaghoy..
hahanapin kita,...
hanggang sa tayong dalawa nalang ang matira,
sa mundong hindi ako mabubuhay kasama ka.
Collaboration with Mr. Kienno Rulloda
jerely Sep 2015
Gumawa ka ng makasaysayan sa iyong buhay
na ito'y hinding hindi mo makakalimutan
Sa tuwing babalikan mo ito ay maging
parte ng iyong buhay.
Mga ala-alang dinggin, hiling na
sa tuwing maririnig mo ang mga salita at emosyong nakabalot sa iba't ibang
panig ng daigdig.
Maglakad ka, maglagkbay hanggang sa dalhin ka ng iyong mga paa
Sa bawat litrato o lugar na iyong mapupuntahan.
Maglista ka! Ipunin ang lahat ng masasayang bagay, tao, lugar, pagkain at kung anu-ano
Mga karanasang nais **** gawin
habang bata pa!
gawin mo ang nais ipahiwatig ng damdamin, puso at buong pagkatao
Hanggang sa ito'y masaktan, masugatan, malunod sa nag-uumapaw na kasayahan.
Walang humpay na inaasam,
kamitin ang nais marating.
Hanggang nasa iyong mga palad na ito.
At habang nariyan pa, huwag na huwag **** kalimutang ipalaganap ang mga mensaheng dapat pakawalan.
Huwag igapos dahil ito'y
wawasak din sa iyong
panahon.
Got inspired to write this one tonight.
But I'll try to translate this in English
on my free time & I haven't decided yet for the title of this poem.

P.S.
just a draft. I'm gonna add some more
of this since it was a quick poem that I've done.

Jerelii
Sept 26, 2015
Copyright
Atheidon Jul 2019
unang sampung buwan,
na siyang puno ng kahirapan,
pagkakaibigang hindi inaasahan,
na siyang bumuo sa aking karanasan.

mga pangambang hindi maibsan
ng pusong kinakabahan.
sa takot na siya’y pumalpak
sa kanyang mga pinangarap.

Nangarap ka ng buo,
ngayon mo pa ba isusuko?

sinubok man ang tatag ng loob,
nayanig man ang paninindigan,
pumalpak man at nasubsob,
patuloy paring nanaig ang katatagan.

Muntikan mang bumitaw,
Patuloy lang sa paninindigan,
Ilaban hanggang sa tuktok,
upang marating ang iyong rurok.

Higit na pakatatandaan na mananaig
ang pusong puno ng pananalig,
higit sa talinong maaaring madaig
ng pangarap na nagmumula sa dibdib.

Maligaw man ng paulit-ulit,
HIndi man nauubos ang sakit,
ngunit ang tagumpay ay iyo ring makakamit,
at paniguradong ito’y napakarikit.
sarrahvxlxr Oct 2017
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Sa mga araw na itinigil natin 'yung oras para ipaalala sa isa't isa
Na dito—sa sandaling 'to tayo masaya
Dito nagmistulang alapaap 'yung mga nararamdaman natin
Sobrang taas nating lumipad
Hindi natin napaghandaan 'yung ating paglagapak
Sa mga araw na malulugmok tayo
Sa sakit
Sa poot
At ako
Sa pag-asang maibabalik pa 'yung mga araw na lilipad tayong muli
Ngunit
Hindi
Tandang-tanda ko 'yung araw na ipinilit kong pabilisin 'yung oras
Hanggang sa marating ko 'yung araw na matatanggap kong hindi ka na babalik
Ngunit
Hindi
Hindi ko pa ata kaya
Hindi ko pa ata kayang dumilat isang araw nang hindi ka kasama
Kaya kahit 'yung sakit papatulan ko na
Naririnig ko pa rin naman 'yung pagtibok ng puso mo
Ngunit papahina na nang papahina
Dahil palayo ka na nang palayo
Gusto ko naman marinig ngayon 'yung tunog ng pagbabalik mo
Para lang maipaliwanag mo sa 'kin kung kailan unang nalagas 'yung mga pakpak natin
O kung aling hangin 'yung nagtulak sa'yo pababa
Dahil hindi ko maintindihan
Hindi ko maintindihan na kahit ilang beses ko nang itiniwarik 'yung mundo nating dalawa
Hindi ko pa rin mahanap 'yung dahilan kung bakit tayo biglang kumawala sa isa't isa
Hindi ko rin naman masabing iniwan mo ako sa ere
Dahil wala na naman ako sa itaas
Na'ndito na ako sa ilalim ng mga alaala nating hinayaan na lang natin sa isang tabi
Nang hindi sinusubukan na dagdagang muli
Na'ndito ako nagpapadagan sa mundo
Habang patuloy lang nang patuloy sa pag-ikot 'to
Na'ndito ako sumasabay sa agos ng sarili kong luha
Na'ndito ako hinihila 'yung sarili ko pababa
Pahingi naman ako ng isa pang pakiramdam
Hindi 'yung puro na lang lungkot
Puro na lang pait
Pahingi ako ng galit
Sige, kahit inis o kahit yamot
Na kung bakit ako lang 'yung naiwang nagmumukmok
Higit sa lahat
Pahingi pa rin ako ng pag-asa
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Sa mga nakaraan akoy madalas nasasaktan at madalas maiwan.
Pilit hinahanap kung ang Mali ko ay nasaan!
Kasi sa aking Pag kakaalam ginawa ko naman ang lahat para sila sa ako ay wag ng iwan.
Ngunit Tadhana ay mapag-linlang,sa una ka lang Pasisiyahin at sa dulo ikaw naman ay sasaktan.
Ngunit Pananaw ko'y nagbago ng makilala ko ang isang Tulad mo,na sa simula palang bumihag na sa Puso ko.
Ang saya lang ng minsang mapansin Mo,
Hangang sa hindi nakatiis nagparamdam na ang Torpeng Tulad ko.
Anong Tuwa at tawa nating Dalawa na sa pag amin ko Sayo,Tinawanan mo lang ako,
Na sa pag aakalang Pinag titripan lang Kita.
Sino ba naman kasi ang maniniwala kung sa paraan ng Panliligaw ko gamitin ko pa ang Paperang Camera para mapansin mo.
Napa OO kita kinilig na sana ako, kaso laro lang Pala.sayang talaga!
Tumagal pa ang usapan hangang sa tayo'y nagkakapalagayan na.
Naku kunting Bola na lang mapapa OO na talaga kita,Seryoso na.
Sobrang sana'y ko na ata sa presensya mo na di mabubuo ang araw ko kung wala ang mensahe mo sa Inbox ko.
Kulitan,tawanan at sabay magpapalitan ng kalokohan.
Nasa Punto na rin ako,na hinihintay ang pag dating mo.
Para tuparin yung mga plinanong bagay na tayo lang ang may alam.
Puntahan ang simbahan na kung saan pinangarap kong marating muli kasama ang isang Ikaw.
Akyatin ang mga bundok na ang kasabay sa paglalakbay ay Ikaw.
Pagmasdan ang papalubog na araw ,sa gilid ng karagatan na ang katabi sa buhanginan ay Ikaw.
O kaya mahiga sa buhanginan at sabay pagmasdan ang bilog at liwanag ng buwan.
Lahat na yata ng Pinaplano ko ay Ikaw ang kasama ko pati sa pagtahak sa kinabukasan Ikaw ang nakikitang kasabay ko.
Siguro hindi pa man sa ngayon pero darating din tayo sa Dulo na merong Ikaw at Ako.
"
solEmn oaSis Dec 2015
gaano man daw ang tatag
at tibay ng isang bagay,,
wag na wag **** hihingiin,
kasi tiyak bibigay !**
Sa aking paggising,
tangi ko lang hiling
di ko man marating
hiwaga ng singsing
maarok ko na rin sana
ang mensahe mo at tanikala
pagkat puso't diwa ko'y pinupukaw
makulay **** imahe--napakalinaw




[9 of 12 marked voices of a dozen clusters of letters
© copyright 2015 - All Rights Reserved
4 DAYS until Christmas
kaba ~~~ beat
4-letter word
" Light of a thousand stars
     do not make bright Night "
" Nothing beats natural high "
get high with Jesus,He is
the Light, the Life
and the Way!
He who ever follows Him
will have the light of life!
060624

Hindi ako nangangambang
Tabunan ng dilim ang liwanag ng araw
Na sa kanyang pagsilang ay manlalabo rin
Ang aking pananaw.

Pagkat mananatili ang Langit
Hanggang sa aking huling Lupang Hinirang.
At wala akong ibang nais na gawin
Kundi pagmasdan ito
At tingalain ang yaman nitong kagandahan.

Sa aking paggayak sa tabing dagat
Ay tatawagin din ako ng Kanyang mga alon.
At ang tanong ko’y Kanyang aakuin.

“Gaano nga ba kalawak ang Iyong pag-ibig?”
Wari ko’y ilang dipa pa ba
Hanggang sa marating ko Siya.
Ngunit ako’y aakapin ng sumisipol na hangin.
At ‘yan na marahil ang tugon Niya.

Sa aking pagsuyod
Maabot lamang ang Kalangitan,
At sa aking pagsisid
Matiyak lamang ang lalim ng Karagatan —
Walang ibang kasagutan
Kundi ang natatangi **** Ngalan.
I was driving when God whispered to write about this poem. I said, “Lord, wait lang, isusulat ko. Uuwi lang ako.” And here I am writing what God wants me to write about. Thank You, Jesus Christ. Please overflow in my life.
Glen Castillo May 2020
Hindi kalayuan ang mga bituin
Kung ito’y sagad na susumahin
Di hamak na mas mahirap marating
Ang pusong hinding hindi mo ma-angkin

Hindi kalayuan ang pangarap
Kung ito’y sakdal nasang makaharap
Di hamak na mas malayo ang agwat
Ng dalawang pusong di magka sabwat

Pangarap kong maisulat kita sa aking mga tula
Pangarap ko ring maisulat mo ako sa iyong mga akda
Sana’y sing dali tayong maglapit at maglapat
Na tulad ng mga papel at kanyang panulat.


© 2020 Glen Castillo
All Rights Reserved
Sa kabilang dako ng mundo ay nakaharap ko ang manunulat na katulad ko.
renzo Jul 2020
Gumuhit ng tula at sa bote'y inilagay,
Inilapit sa dagat at sa alon ay isinibay.
Sa langit umasa na iyong matangay,
Itong apat na taludtod na sa'yo ay inalay.

Ako ay humihiling, na sana'y 'yong malaman,
At kahit na bitin, aking panghahawakan,
At aking dadamdamin ka at ipaglalaban,
Alon man ay dumating, ako ang makakapitan.

Bundok ay tatawirin, kahit na masugatan,
Dagat ay lalanguyin, pipilitin kong lumutang
Ikaw lamang ay marating, at aking masilayan
Sa mukha mo'y may ngiting, abot sa kalawakan.

Ikaw ay sasagipin, hindi ka pababayaan.
At kahit na palihim, ako'y maaasahan.
Sa'kin ay tumingin, ikaw ay maniwalang,
Na tuwing dumidilim ang karagatan, ikaw ang s'yang liwanag.
isabay mo ang buhay mo sa agos, kumalma't sakyan ang alon.
Eugene Aug 2017
Bakit mo pipigilan ang oportunidad sa iyong harapan?
Bakit mo hahayang mawala ang pagkakataong para sa iyo ay nakalaan?
Ito na ba ang sandaling iyong pinakaasam-asam?
Ito na ba ang hudyat ng hinihintay **** kapalaran?

Iiwanan mo na ba ang dati **** nakasanayan?
Lilingunin mo pa ba ang mga kahapong nagdaan?
Babalikan mo pa ba ang mga bagay na iyong nakagisnan?
O haharapin ang hamon ng bawat bukas sa iyong kasalukuyan?


May pumipigil pa ba sa iyong dapat marating?
May hahadlang pa ba sa iyong nais na abutin?
May pag-asa bang magtagumpay ka sa iyong mithiin?
May suliranin bang dapat mo pang susuungin?

Kailan mo dapat gawing handa ang iyong sarili?
Kailan mo dapat ibigay ang sagot **** oo o hindi?
Kailan mo dapat sabihing handa ka ng pumili?
Kailan mo dapat simulang talento mo ay maibahagi?
121622

Mga pangarap ay nasa alapaap pa,
Susungkitin gamit ang pagsisikap
Pag-asa at pananampalataya.

Minsan, hinahanap ko pa rin ang sarili —
Habang sa mga mata ng iba'y
Doon pa rin pala ako nananalamin.
At baka sa paligid ay naroon ang ligaya
Kahit alam ko namang
Isa lamang itong patibong.

May mga katauhang nagpapaalala saking
Gusto ko ring marating kung nasaan man sila.
O makihati man lang sa mga bituing
Nasa kamay na nila ngayon
Habang ako’y naghihintay pa rin
Sa sarili kong panahon.

Binabalot ng dilim ang aking puso
Bagamat ako’y lumalantad sa liwanag.
Naghihikahos at nangugusap
Ang damdaming namahay na sa parang.

Nakakapagod palang mangarap
Na tila ba ako’y pinaglipasan na ng panahon.
Tila ba wala nang tala para sa’kin.
Akala mo ‘yun na,
Kaya ibibigay mo ang lahat
Ngunit uuwi ka pa ring luhaan
Pagkat paulit-ulit ka na ring nasaktan.

Saan na nga ba ibabaling ang tingin?
Kung ang lahat ng pinto ay kusang sumasara…
Kung ang lahat ng balik ay pait at hagupit…
Kanino na nga ba magtitiwala pa?
Sa sarili ba o sa kanila?

Sa kabila ng bigat ng aking mundo'y
Nariyan pa rin ang Liwanag
Ni hindi Sya natitinag
Kahit ako mismo ang mang-iwan…

At kung ang Liwanay ay walang kapaguran,
Ay baka 'yun na rin ang dahilan
Kung bakit mas nararapat ko pa ring piliin
Ang pag-usad kahit pa nasasaktan.

At baka sa dulo ng Liwanag,
Ay naroon ang gantimpala
Na kahit ang mundong ito'y
Hindi makapagbibigay.
aL Jan 2019
Hanggang saan pangaabutan?
Ang mga salitang inilaan
Mga titik na pilit pinagtagpi-tagpi
Na tanging ako lang ang nakaiintindi

Sa kasing layo ng pinaglulubugan ng buwan
Aking aking hangad na marating ng aking kasulatan
Para sa aking nagiisang sinisinta
Na sa akin ay wala na atang paggunita
sa malayong kalawakan
'di mo matatanaw ang dulo
ngunit tayo'y umaasa pa rin
makita kung ano ang nag-aantay

tayo'y umaasa
kahit ito'y walang kasiguraduhan
patuloy tayong naglalakbay
hanggang sa marating natin ang dulo

at kapag narating natin ang dulo
hindi natin alam kung ito'y maganda o hindi
pero sa huli'y tatanggapin
tatanggapin lang nang tatanggapin
Kurtlopez Mar 2021
Daan, libo, sobra o higit Pa
Bilang ng mga unat na nilalapatan ng Pwersa
Init man o lamig ay titiisin'g Mag-isa
Marating lang ang destinasyon'g di pa nakikita ng Mata
⛰️Mt.Ngusong Kabayo
⛰️Unang Akyat Sa 2021

— The End —