Naalala mo pa ba, noong magbukas ang Nagi?
Pagkahaba pa ng pila, umabot ng Yabu dati.
Kahit pa nga yata Yabu, ay kayhaba din ng pila
Araw-araw laging ganyan, kaya dapat maaga ka.
Sa katagalan pagdaka ay nagkaupuan na nga
Ang babae ay sisigaw, at susundan ng iba pa
Bigay todo ang pagbigkas, tila baga walang bukas
Rinig mo ang tinig nila kung ikaw ay nasa labas.
Sunud-sunod na araw pa, na kami ay nasa Nagi
Itanong mo pa kay amo, siya po ang aming saksi.
Kung paanong alas-onse'y, naghihintay na ng taxi
para sa pila'y mauna, at nang makakain kami.
Ilang buwan din siguro ang sa mundo ay dumaan
na ang pagdalaw sa Nagi ay biglang naging madalang
Na mula sa bawat araw, ito'y naging linggo-linggo
Kalaunan pa ay naging Enero, Pebrero, Marso.
Lumipas ang mga taon, at ngayo ay Pebrero na.
Ngayon na lang uli kami doon sa Nagi nagpunta.
Ang dating mahabang pila, ngayon ay tila wala na
Alas-dose na noon, tanghali na po partida.
Noong pumasok na kami'y sumisigaw pa rin sila
ngunit dinig mo sa boses na ang sigla ay wala na.
Kahit yung pitsel ng house tea na laging inihahanda
Ngayon baso-baso na lang, tapos manghihingi ka pa.
"Nakakain na po kami, puwede bang bukas na lang?"
"Mayroon na n'yan sa Mega, pati na sa Katipunan"
"Huwag ka nang magmadali, hindi na dapat agahan"
"Kahit anong araw pwede, kasi nandyan lang naman 'yan".
Tayo'y magaling lamang ba, kapag bago at simula
kapag bago sa paningin, kapag bago sa panlasa?
Na 'pag nilamon ng oras o kinasanayan mo na
ay tila pinagsawaan at pinagwalang bahala.
Kailan kaya darating, ang sa aki'y tinadhana
na sa aking pagtangkilik, hindi ako magsasawa?
Na kapag nakita ako'y ramdam ko ang galak niya
at ang puso ko'y lulukso marinig lang ang ngalan n'ya.
Malamang ay naglalaro ngayon sa iyong isipan
"Tungkol pa rin ba sa Nagi, ating pinag-uusapan?"
Huwag mo na itong isipin, sagutin mo na lang ako
may pila pa kaya ngayon, sa bagong tayong Ippudo?
It's been a while since I wrote a metered poem. This one has 16 syllables per line. Not really a big deal, but I hope you enjoy.
UPDATE:
When Ramen Nagi first opened in SM Aura (a mall in Manila), it was really popular. Imagine long lines of people waiting to get a seat and try their ramen (especially during lunch). I think they were really popular somewhere, that people were really that excited that a store opened up in Manila. We usually went earlier than your usual lunch time just so the line won’t be that long. We loved their ramen so much that we ate there as often as we could.
It’s been a while since we last ate there. I tried to contemplate in this poem how much has changed since it opened, how the long lines of people are no longer present, how the enthusiasm of its staff was not as great as when they first started serving ramen. Then I realised how similar the situation was with relationships — feels like sometimes we only show our “maximum effort” at first, which diminishes over time. I sure hope that at some point in my life I would find the one that I won’t get tired of loving.