Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
Eugene Jan 2016
Alam mo ba ang salitang pag-ibig?
Natagpuan mo na ang iyong mangingibig?
Handa ka na bang maging kaibig-ibig,
Sa isang taong tinatangi mo't iniibig?


Nang tamaan ako ng pana ni Kupido,
Nabighani ako sa isang katulad mo.
Bumilis ang tibok nitong abang puso ko,
Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito.


Sa tuwing ika'y pinagmamasdan,
Lagi akong tulala at hindi maintindihan.
Natataranta sa tuwing ika'y mapapadaan,
Sa aking harapan at ako'y iyong ngingitian.


Pag-ibig na nga itong aking nararamdaman.
Naging magulo ang sistema sa aking katawan.
Parang piyesta sa bayan kung ika'y pagkaguluhan,
At nag-uumapaw na kaligayan kapag ako'y iyong kinindatan.


Ang iyong mga mata'y ay parang bituin sa kalangitan.
Na nagniningning at punong-puno ng kaligayahan.
Ang hugis ng iyong mukha ay parang engkantada sa kagubatan.
Napakaamo at mala-anghel kung ika'y aking tititigan.


Nang ako'y magtapat ng aking tunay na hangarin,
Naisiwalat ko ang sinisigaw nitong aking damdamin,
Hindi ka nagdalawang-isip na ako'y agad na sagutin,
At pinanindigan **** ako ay mahal mo rin.


Mahigit dalawampu't limang taon na ang ating pagsasama.
Biniyayaan tayo ng anim na anak at masusunuring mga bata.
Inaruga at minamahal natin bilang mapagmahal na ama at ina,
Na siyang dahilan na matagal nating buhay mag-asawa.
s u l l y Mar 2017
Sawakas! Nahanap na kita.
Ikaw na kaya akong pasayahin sa tuwing ako'y nalulungkot,
Ikaw na kayang tiisin ako,
Ikaw na dahilan ng pag ngiti ko araw-araw,
Ikaw na hindi ko kayang mawala,
Ikaw na minahal ko ng sobra,
Ikaw na mahal ko,

Kumulubot man ang aking mga balat, kamay mo pa rin ang kahawak kamay hanggang sa huli,
Pumuti man ang aking mga buhok, ikaw pa rin ang kasama sa pag tanda,
Manghina man ang aking tenga, papakinggan ko pa rin ang boses **** tila himig ng isang alpa na kay sarap pakinggan,

Sabi nila kung nahanap mo na raw ang taong para sayo, babaliktad ang sikmura mo at bumilis ang pag tibok ng puso mo nanghina ang tuhod mo, mukhang mali ata sila. Dahil hindi mo nabaliktad ang sikmura ko dahil inayos mo lahat ng mga mali saakin, at lalong lalo na hindi mo napa bilis ang tibok ng puso ko kundi napabagal mo at na palakas mo ang mga tuhod ko na pagod na sa kakahintay sa wala. Pero eto na, dumating ka na. Wala na akong hihintatin pa dahil, andito ka na.

Andito na yung taong makakasama ko habang buhay,
Andito na yung taong papakasalan ko balang araw,
Andito na yung taong kasama ko bumuo ng isang pamilya,
Andito na yung taong tumupad na mayroong "Forever"
Andito na yung taong kaya akong tiisin kahit nasasaktan na siya ay patuloy pa rin akong minamahal,
Andito na yung taong tinupad ang "Tayo lang hanggang sa huli",
Andito na yung taong mahal ko,
Andito ka na.

Mahal patawad sa mga hindi ko pag alala,
Patawad sa hindi ko pag lapit,
Patawad sa hindi ko pag tiis,
Patawad sa hindi ko pag paramdam sayo na mahal kita,
Patawad sa mga katangahan ko,
Patawad sa lahat,
Hindi ko tatapusin ang tulang ito sa patawad kaya sige..

Mahal salamat dahil isa ka sa mga patuloy na sumusuporta saakin,
Salamat dahil kinaya mo akong tiisin,
Salamat dahil minahal mo ako noong mga panahon na hindi ko kayang mahalin sarili ko,
Salamat dahil lagi kang andiyan para sakin,
Salamat dahil kahit hindi tayo nag uusap ako pa rin ang mahal mo,
Salamat dahil ipinaramdam mo sakin na mahal mo ako,
Salamat dahil pinapasaya mo ako araw araw,
Salamat dahil may "TAYO".
Ken Alorro Sep 2015
Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Puso'y napahinto, natulala
Dahan-dahang bumilis ang bawat pintig
At sa bawat pintig na ginagawa nito
Dala'y dugo na umaasang sana mahalin ako

Namumulang pisngi
Namumulang labi
At kagaya ng dugo sa katawan
Akoy pinaikot-ikot, ikot, ikot...
Hanggang sa maubos ang enerhiya
Na baon-baon mula ulo hanggang paa

At sa dahon ng saging ako ay ibinalot
Na parang betamax
Iniluwa ng hindi nasarapan
Ikinamuhi dahil sa lasa
'Di ko alam kung ako'y tanga o nagmamahal lamang
At kung alin man ako sa dalawa
Hindi na mahalaga dahil alam kong mahal kita

Sa labing-apat na araw na nakilala kita,
Pinaglaruan mo ako
At kagaya ng mga bata sa lansangan
Ako ay naging kalsada
At ikaw, ikaw ang trak
Na piniling di pansinin ang mga butas sa ibabaw ng dibdib
Dinaanan lang
Hinayaang bukas
Nakabilad sa araw
At sa pagbuhos ng ulan
Tinulungang lunurin ng tubig na may dalang putik

Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Nang walang halong pag-aalinlangan
Na di inisip kung mahal din ba ako o hindi
Pero sa ating munting panahon
Nalaman ko na ikaw ay isang relihiyon
Na piniling isantabi ang agham
At ako, kagaya ng lahat ng bagay sa mundo mo
Ay isang bersikulo lamang ng iyong bibliya
Na kung hindi maintindihan
Gagabayan ang sariling kamay
At ibubuklat ang mga kasunod na pahina

Mahal, sa labing-apat na araw na nakilala kita
Pagod na akong maging kalsada
Ayaw ko nang maging parte ng iyong bibliya
At higit sa lahat
Hindi ako ang iyong dugo
Na gagawing betamax at ibebenta
Kapalit sa kapirasong salapi
Mahal, hindi ako iyon

At ngayong tapos na ang labing apat na araw
Magiging mahalaga ako para sa akin
Nasaktan, nadurog
Pero noon 'yon!

Mula ngayon tatanggi na ako
Tatanggi akong masaktan
Tatanggi akong paglaruan
Tatanggi akong gamitin
At higit sa lahat tatanggihan na kita
Lilimutin ko ang iyong pagkatao gaya ng paglimot mo sa akin.


Masakit, pero kaya.
Matagal, pero kailangan.
Hi
Hi!
Tuwang tuwa ako sa salitang ito.
Lalo na't mula sa'yo.
Bakit gano'n?
Isang Hi mo lang di mapigilang bumilis ang tibok nito.
Isang Hi mo lang nabubuhay ang dugo kong ito.
Hayyysssss…

Hello!

Di'ba sinaktan at iniwan mo ako?
Di'ba sabi mo ayaw mo na? Di'ba?

Niloko
Pinaiyak
Dinurog.
Niloko
Pinaiyak
Dinurog.

Ang puso kong ito, noong masayang magkapiling pa tayo.
Tama bang bumilis ang tibok nito kapag ikaw ang kaharap ko?
Tama bang tumibok ulit ito para sa'yo?
Tama nang sinaktan mo ako ng isang beses.
Ayaw ko nang dumalawa pa.
Ayaw ko nang saktan mo pa.
Ayaw ko nang ganito'ng nadarama.
Ayaw ko na.
Sa'yo.
Oo, tama ang narinig mo na
Ayaw ko na sa'yo.
Kaya kung maaari lang layuan mo na ako.
Oo, gusto pa kita at alam ko rin na gusto mo pa ako.
Oo gustong gusto mo pa ako.
Oo gusto mo pa ako.
Oo gusto mo ako. Ano?
Gustong gustong saktan, paluhain, durugin.
Ano pa ba?
Ano pa ba ang gusto **** gawin sakin?
Pero hindi mo na muling magagawa pa dahil ayaw ko na.
Tama na, sobra ka na, itigil mo na.

Mauubus din ang nararamdaman kong ito para sa'yo.
Mister J Jan 2019
Umpisa pa lamang
Alam ko nang gusto kita
Nakita ka pa lamang
Atensyon ko'y nadukot mo na

(From the beginning
I knew I like you
The moment I saw you
You already captured my attention)

Paghawak ng iyong kamay
Pintig ng damdamin ay bumilis
Mga emosyong itinago nuon
Pilit nagpaparamdam muli ngayon

(When I held your hands
Heartbeats in overdrive
Buried emotions in the past
Making themselves felt in the present)

Sa pagpungay ng mga mata
Ako unti-unting nabibighani
At nung akapin sa'yong mga bisig
Tuluyan na kong nahulog

(The way your eyes look at me
Makes me intrigued by the second
And when you wrapped me in your arms
I completely fell, then and there)

Ngunit pag-sinta'y parang walang halaga
Sigla ng unang pagkikita'y unti-unting nawala
Di malaman at mawari ang mga dahilan
Na nang dahil sa nadarama ay pinipilit maintindihan

(But it seemed these feelings hold no value
The passion from our first meeting dwindling
I can't comprehend and identify the reasons why
But because of this love I feel, I still try)

Pilit tinitiis ang mga pighati
Kahit unti-unting nadudurog ang puso
Aanhin ang dignidad na patapon
Kung puso'y hindi marunong umibig

(Enduring the searing pain
Even if my heart is crushed
Setting aside my meaningless pride
If I don't know how to love right)

Siguro'y nagiging makasarili
Ngunit lahat ay binago at binigay
Lahat ay tinitiis damhin
Kahit na lungkot ay di mapawi

(Maybe I'm being selfish
But I changed and gave my everything
I endured all the ill feelings
Even if the loneliness doesn't go away)

Bakit hindi pa yun sapat?
Para ika'y sumugal sa akin?
Nangako ng pag-ibig na di magbabago
Kahit ang mundo natin ay tuluyang maglaho

(Why is it not enough?
For you to take a chance with me?
I promised you a constant, stable love
Even if our world crumbles to dust)

Naghihintay sa iyong pagbalik
Mula sa malayong dako kung san naroon
Ang puso **** labis nang nasasaktan
At takot nang umibig muli

(Waiting for your fateful return
From that far, hidden place where
Your broken and beaten heart is
That lost all hope in love)

Ialay ang pusong nagdurugo
Kapalit ng puso kong gusto kang mahalin
At nang lahat ng sakit ay aking akuin
At nang maibalik natin ang ngiting mailap

(Exchange with me your bleeding heart
With mine that anticipates to love yours
To share with me the burden of your pain
And bring back the elusive smile on your face)

Mahal kita umpisa pa lamang
Mamahalin kita kahit masakit
Lulunukin ang dangal at dignidad
Sa pagsusumamong ikaw ay maging akin

(I loved you from the very beginning
And I will love you still amidst the pain
I will swallow my pride and dignity
In this arduous quest to make you mine)

Sana matapos na ang ating paglalaro
Ang tagu-taguang walang patutunguhan
Panalangin kay Bathala sana'y marinig
Ang pusong nagsusumamo'y sana yakapin muli

(I pray for the little games to end soon
This hide-and-seek that seems meaningless
Dear God, hear my prayers and pleas
Of the heart that yearns be embraced again)
Originally a Tagalog poem
But I made an English translation for the foreigners

I hope everybody likes it!
Happy Reading! Thanks!

-J
solEmn oaSis Dec 2015
mula sa bintana ng mga katotong tahanan
may pinaghuhugutan balitang pinagkainan
merong budbod di-umano ang bibingka sa bilao
madalas di-ginugusto,,minsan nama'y napapa-tipo.

bihira man ang daloy sa hiwa ng pagkakataon
nariyan pa rin ang kuro at haka sa loob ng kahon
sa tulong ng walang patumanggang bulong na hindi naririnig ang tunog
sa likod ng pulang bilang matatanaw may abiso sa kidlat na walang kulog.

ilako ang lakbay ng himay sa mga nagdidilang anghel
para mahumpay ang tamlay mula sa pader na papel
ibahagi ang natatanging kuwento sa oras ng hanay ng kasarinlan
mag-manman sa likuran bago dumating at gumawa sa tambayan

matabunan man sa araw-araw ang pag-apaw ng dalaw sa estado
wag mag atubili,hataw lang sa paggalaw muling ibangis ang talento
bagamat ano mang bulwak meron ang katha sa salamin,matapos na
maisulat
sa ere man hanggang sa paglapag ng tuyong dahon,may mangha na ipamu-mulagat

sapagkat hinde mababanaag sa mga nilakaran
ang iniwang bakas sa pinanggalingang upuan
dahil ang dati nang puting kulay sa loob na 'ala pang bahid
magkukulay dilaw sa pagkakaroon ng matimtimang masid

at kung ang inaasahan ay taliwas sa nakatakda,,alin lang yan sa dalawa :
bumilis ang pagbagal ng patak kaya manunumbalik ang dati nang sigla
o malamang na mangamba sa pakiwaring hindi daratnan dahil sa
pagkaantala?
kung magkagayo'y ituloy lang ang pagkasabik sa pagtatapos pagkat
*magkakabunga!
Ang bawat simbolo ay sagisag....
palatandaan ng makabuluhang kahulugan!
At ano mang uri ng bantas ay marka,,,
na tatak sa ating utak patungo sa isang palaisipan.
Angel Tomas Sep 2015
Naaalala ko pa ang araw na una kong masilayan ang ngiti sa iyong mukha.
Para bang biglang nagliwanag lahat ng tala sa langit.
Para bang isang eksena sa isang pelikulang patok sa takilya.
Para bang kaya ko atang sumulat ng ilang pahina ng paglalarawan at paghahalintulad nito sa mga bagay na aking hinahangaan.
Para bang bumilis ang pintig ng puso kong matagal nang nakaupo’t nananahimik.
Para bang maraming sumasabog na magagarang kulay sa paligid, sa aking katawan.
Para bang kilala ko ata ‘yung ganitong tagpong naglalaro sa aking isipan.
Para bang alam ko rin ata ang kahihinatnan ng lahat.
Para bang hindi ata sa akin ang matamis na pag kurba ng iyong labi.
Para bang lahat ng ito ay isang pagnanais sa isang pangarap na lipas na.
“Para saan?” Tanong ko. Hindi mawala-wala ang ngiti sa iyong labi.
Para bang nakita kong sinindihan ang aking mundo at panuorin ‘tong gumuho sa harapan ko.

“Para sakanya.” Hindi sa’yo, sa kanya.
Para sa'yo.
CulinViesca May 2017
Hindi ko inasahan
Na ako'y mahuhulog sayo,
Na dati wala akong pake sayo
Na dati hindi kita gusto.

Kumbaga ako ang umaga at ikaw ang gabi
Na kahit kailan hindi pwedeng mapag isa,
pero nagkamali ako.

Pinilit kong hindi mahulog sayo
sa takot na hindi mo pagsalo,
Pinigilan ko ang nararmadaman ko
na akala ko'y may ibang nagmamahal sayo,
Na akala ko'y may iba kang gusto.

Pero ikaw na mismo nagbigay ng motibo
nung araw na inamin mo ang nararamdaman mo.

Nung inamin mo na ako'y mahal mo
bumilis tibok ng puso ko
nung sinabi mo,
ang salitang iyon.

Tumahimik ang paligid
na tanging tibok
ng puso ang aking naririnig.

Ang paglapat ng iyong labi
tila ba'y ang mundo
ay sanadaling tumigil.

Hindi ako makahinga na
para bang nawalan
ng hangin ang paligid.

Ang aking bibig parang napipi
dahil niisang salita hindi masabi,
Ang aking mata sayo'y nakatitig
Ramdam ko ang pamumula ng
aking pisngi na dahilan ng iyong pagngiti.

Na ngayon ikaw ang alon na
sumasalubong saaking mga paa,
ikaw ang araw sa aking umaga
ikaw ang buwan sa aking gabi,
ikaw dahilan ng pagngiti.

Ang takot napalitan ng pagasa
ang lungkot napalitan ng saya,
hindi inaasahan na ako'y mas mahulog na pala,
at sinabi din ang salitang MAHAL DIN KITA.
#CLN#DyLein
M e l l o Jul 2019
Sa totoo lang
ako'y nabigla
hindi ko inaasahan
ang biglaang
pag galaw mo
na halos
pakiramdam ko
sasabog ang puso
sa sobrang bilis
ng pag pintig nito
na tila ba'y para akong
mawawalan ng malay
sapagkat hindi ko alam
kung ano ang gagawin
sa biglaang pagyakap
para akong idinuduyan
at pinapanalangin na
sana'y tumagal at
wala nang katapusan
ang pagkakataong ito'y
kay tagal kong inaasam
pero bakit kahit anong
hiling ko na tumigil
ang mundo pansamantala'y
tila ba mas bumilis pa
ang bawat patak
ng segundo sa relo
nababaliw na ata ako
sana naman naramdaman mo
ang nanginginig kong mga
kamay habang dahan dahan
kang kumakalas ang
puso ko'y unti unti
din napipigtas
at sa iyong paghakbang
paalis at pagtalikod mo
na sadyang ka'y bilis
wala din akong nagawa
kundi ang hayaan kang
umalis at sa aking paghakbang
paalis sa lugar na kung saan
naging saksi ng iyong pagyakap
at nakarinig ng mumunting
dalangin ko sa maikling oras
inaasahan ko na ako'y
iyong tatawagin uli
hanggang sa pagtulog
mamayang gabi
sana ay kahit sa panaginip
pinapanalangin ko
na mayakap kang
muli
Poem of the day.
w Nov 2020
101
Noon, ang tanging kinakatakutan ko lang ay ang hindi makatulog sa hapon
Ang mahuli ng magulang na tumatakas para makalabas at makipaglaro
Ang matakot sa mga kwentong multo na gumagala tuwing alas tres ng madaling araw
Ang manuod ng horror na pelikula at matulog na bukas ang bombilya pagkatapos
Ang dumilat at sumilip sa ilalim nang kama

Noon, natatakot lang akong makakita ng pulang marka sa aking papel
Ang hindi makasagot sa pagbigkas sa nakabusangot at nakakatakot kong titser
Ang mahuling nakikipag daldalan sa katabi kong kaklase
Ang hindi makauwi sa tamang oras na binigay ng magulang

Natatakot ako sa mga maraming bagay
Ngunit nagiba narin ang mga bagay na kinakatakutan ko sa mga taong lumipas
Mas lumaki na sila at mas naging matapang
Mas naging matulis ang mga pangil at humaba ang mga binyas, ang buhok, ang kuko
Mas bumilis, mas lumiksi
Mas mahirap nang labanan

Hindi na pwedeng basta idaan sa pagtulog at pagtakas
Hindi na basta basta napapatay ng liwanag na nanggagaling sa bukas na ilaw ang takot
Hindi na rin nawawala ang takot sa pag balot sa buong katawan ang malambot na kumot
Hindi na madadaan sa pagsiksik sa pader upang hindi mahila ang mga malamig na paa sa nagtatagong takot sa ilalim ng kama
Marg Balvaloza May 2018
Nang makita ka
Lukso ng aking puso’y
Lalong bumilis
Kislap ng mata
Ngiti sa aking labi
Pilit tinago
Ako’y nautal
Di nagkanda-ugaga
Dahil nagalak
Sapagkat tayo’y
Bubuo ng memorya
Nang magkasama

© LMLB
For someone who made my heart skip a beat from the moment I lay my eyes on him, not for the first time, not for the second time, neither the third time; perhaps—– every time. // 03.29.18
Lucy Rodeo Mar 2021
Minsa'y gumawa ng himig ang langit,
Mga notang hinabi ng pulang sinulid,
Sa kumpas ng hangin at sayaw ng tubig,
Lumipad, lumaya ang awit ng pag-ibig.

Ngunit may sariling ritmo ang tadhana,
Banayad na himig sandaling nag-iba,
Umakyat, bumaba, bumilis at humina,
Makulay, mabigat ang awit ay kumawala
At unti-unting narinig mga lirikong nakatakda.
gian Mar 2020
Heto na naman ang madaling araw
Walang kausap, walang natatanaw Paulit-ulit na ang aking mga sigaw,
At ang luhang galing sa aking mata'y umaapaw

Hindi ko alam ang aking gagawin
Para sabihin ang aking mga damdamin
Aking puso't isipan ba'y susundin?
Kahit masalimuot pa ang nakikitang pangitain

Pilit na pinapalakas ang angking kalooban
Para tuparin ang maaring nakalaan
Sa pag-iirog kong tagal ko nang inaasahan
Na ngayo'y pilit kong gustong maintindihan

Pero biglang nawasak ang puso
Biglang bumilis ang tibok ng aking pulso
Nang sinabi mo ang mga katagang mapanukso
Ang mga salitang sinabi mo nang walang tuso

"Lumayo ka" at lumayo nga akong nagdadalamhati
Ngayo'y hinahatid ka sa kanyang may ngiti
Kahit sobrang sakit na ang aking pighati
Magpapakalayo na lamang saiyong ikabubuti
Jasmin Jun 2020
Lahat naman tayo may kinakatakutan,
mula sa mga simpleng bagay
hanggang sa malalaki.
Anong gagawin mo?
Iiyakan mo na lang?
Puwede naman.
Pero sana kahit gapang lang,
naisin mo pa ring umusad.
Isang hinga, isang abante.
Dahan-dahan
hanggang matuto at bumilis ka.
Wag kang tumakbo,
lakad lang at baka may makaligtaan.
Ang hangin na
tumatama sa mukha mo
ang tutuyo sa mga luhang bumaybay
sa pisngi mo.
Kapag narating mo ang umpisa
ng panibagong kabanata,
subukan **** lumingon sa nauna,
palagay ko nama'y
may matututunan ka.
Tingin mo ba sa sunod na pahina,
mag-sisimula ka ulit sa mahina?
Hindi na,
'wag na,
hindi ka naman siguro tanga.
Kalma lang,
narating mo 'yan
dahil naging malakas ka;
bakit iisipin **** ika'y mahina?
Payong may marahas na salita ngunit naglalaman ng katotohanan.
Yhinyhin Tan Sep 2022
Paano mo nga ba masasabing siya na nga?

May paghinto ba talaga ng oras?
May pagbagal sa mga kilos?
May paglabo sa inyong paligid?

Ngunit bakit sa akin baligtad?

Bumilis ang oras at ikaw ang nakita sa hinaharap,
Bawat kilos nagkaroon ng sigla, at
Naging malinaw ang lahat na balang araw, ikaw pala 'yong gusto kong makasama.

Salita | Yhin
Kalawakan Sep 2020
Pumikit at humingang malalim,
Hindi alam kung ano ang iisipin.
Bigla tumulo ang mga luha,
Na hindi ko inakala.
Ang puso ko'y bumilis sa pagtibok,
Parang nakaramdam ng paglugmok.
Nagdarasal habang dahan-dahan sa pagpasok,
Sa isang madilim at may apat na sulok.
Ako'y napatigil ng ilang minuto,
At marahan na sinara ang pinto.
Ang mabilis na tibok ng puso parang ngayo'y hihinto,
Nadaramang sakit 'di maikubli sa loob nitong kuwarto.

— The End —