Ang nakaupong tiwali—
siya ang binoto ng masa.
Sa manggas ng kanyang barong,
panganib ng maralita
May kinang ang kan’yang ngiti
mapungay ang mga mata
Sa bawat pangakong lahad
ay pagsibol ng pag-asa.
Pag-asa na tayo'y ligtas
ay naging katakot-takot.
Para raw sa Inang Bayan,
peligro na nakabalot.
Ang salitang bulaklakin
ay daglian ding nalanta
kapalit ang pagtungayaw,
at banta ng direktiba.
Hindi natin inasahan—
bahid ng dugo sa daan.
Mga kamay, nahugasan
ngunit hindi ang lansangan.
Sa lapida nakaukit
ngalan ng mga biktima.
Sunod kayang tatahimik
ang silang may pinupuna?
Hapis ng inang nawalan,
“Crispin, Basilio, anak ko,”
oyayi ng Inang Bayan.
“Pasismo! Peligro rito!”