Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
John AD Aug 2018
Kailan kaya mamumulat ang mga pilipino at iwasan ang pag ka ganid sa salapi
Kailan kaya matutupad ang pangarap kong mahirap mangyari
Sa sarili , bayan , at sa aking mga kababayan na masarap ang tulog sa gabi
Nasan na kaya ang mga kaibigan ko dati na nagbibigay saya palagi?

Puno parin ba nang hinagpis at sakit ang mga puno na puno ng kalungkutan?
Kamusta na kaya ang mga taong hindi na nakaalis sa kalungkutan at patuloy na nahihirapan?
Ang konsensya kong patuloy na gumagambala sa akin tuwing ako'y nagiisa
Hindi ko naman gusto ang mga nangyari , tuloy parin ang paggalaw at hindi paralisa

Bigo man ako sa mga bagay , patuloy parin at sinubukan gumawa ng paraan para makatulong sa bayan
Wala man dumating at magpasaya sa akin , patuloy parin sa pagrespeto sa kapaligiran
Malabo nga bang imulat ang isipan ng aking mga kababayan o nasisilaw lang sila sa kayamanan
Na nanggaling sa kasakiman ng iilang gahaman sa ating bayan

Ang sarap sa pakiramdam mamuhay ng simple at walang ipinaglalaban kundi ang pamilya at minamahal
Mga simoy ng hangin na sariwa at walang teknolohiya na gumugulo sa ating mga isipan kailanman.
Huni ng ibon , magagandang tanawin sa bakuran at paggalang sa nakakatanda na bihira nang mangyari sa kasalukuyan
Ang daming pangarap na mahirap matupad , kapag hindi natupad ang aking mga pangarap hanapin ninyo ako sa lupang aking tinamnan ng puno na aking  inukitan,habang lumulutang ang aking katawan na nakatali ang abaka sa aking leeg dala ng kabiguan.
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
103115

Heto, bibilangin ko na naman ang araw,
Uno, dos, tres, at mapapahintong bigla sa ikaapat.
Hindi batid ang tamang oras
O hatian ng minuto't pag-istambay sa segundo,
Bagkus, iyon ang eksaktong araw.

Panahon na siguro para maisalta ang salita
Sa puso **** tila nakakahon pa't hindi pa malaya,
Sa pagbubukambibig ng itinabing damdamin,
Sa paglisan sa ipinaubaya **** pangakong
Minsang pinanghawakan ng pusong hindi pinagdamutan.

Kung pipili ako ng salita, baka maubos ito sa kawalan;
Gaya ng pagtampisaw ng bituin sa kalangitan.
Baka malusaw ito gaya ng yelong nakatiwangwang,
At masayang ang tubig na sana'y sagot sa uhaw.
O baka mapudpod gaya ng posporo,
Paulit-ulit na sinubok ng pagkakataon,
Bagkus hindi maisindi ang pag-ibig,
Kaya nanatiling walang pahiwatig.
At biglang itatapon, ikakahon ang natitirang damdamin,
Itatago, hanggang sa magkataong kailangan na talaga.

Panalangin ko'y magpalakas ka sa pananampalataya,
Wag **** lingunin ang nakaraan, at taglayin mo ang Liwanag.
Kung napapagal na'y, wag kang hihinto,
Bagkus, mas kumapit ka pa sa may mas mataas na pangako.

Narito ako't hindi tatalikod sayo,
Susuportahan ka kahit hindi mo makita ang pag-alalay.
Panalangin ko'y tapusin mo ang laban,
At mas masilayan ang kagintuan ng Haring Araw,
Wag kang mabubulag sa mukhang may ilaw.
Tingnan mo ang pawang mga kamay,
At wag matakot sa pagsuntok sa hangin,
Pagkat iilag ang sitwasyon,
Bagkus binibilang Niya ang lakas at determinasyon.
Mas ialay ang puso sa Kanya,
Higit pa para sa pag-ibig na inantala.

Hayaan **** makinig ang puso mo,
Pagkat nanalangin ang puso ko.
Kahit minsa'y kaylayo, kahit hindi ko madipa-dipa.
At sa paghihintay natin sa tamang panahon,
Kaya ko nang sambitin ang estado ng puso.
Hindi sa paghain ng mga letra sa pawang mga mata,
Na tila mananatili na lang sa papel na hindi nababasa.

Pag muling nagtagpo,
Ako mismo ang haharap sayo,
Pero tandaan **** baka wala akong masambit.
Hindi dahil mahina't naubos na ang lakas ng loob,
Bagkus, hindi ako makapapaniwala
Na ang oras ay tunay at eksakto para sa pagkikita.

Hindi ko mapipigil ang pagluha buhat sa saya,
Pagkat ang kabiyak ng pusong minsang nasugatan at hinulma'y
Kaya nang matitigan kahit hindi na magbilangan ng oras.
Mayayakap na hindi lang dahil sa pagmamahal,
Bagkus, pahiwatig sa pasasalamat na tunay ngang ikaw.

Pag-ibig Niya ang dahilan
Kung bakit patuloy na naghihintay,
At kung bakit patuloy kang ipinaglalaban,
Patuloy na ibinabatak sa Maykapal.

Sa Kanya ang papuri sa umusbong na damdamin,
Ang pag-ibig ko sayong patuloy na nananatili.
Oo, isinapuso ko ang pag-ibig ko sayo't
Pinili kong pillin ka, sa kabila nang tila magulong anggulo.

Ganoon ang pag-ibig ko,
Hindi mo masusukat, bagkus kaya Niyang higitan pa.
Kaya't hindi ako lumaban, pagka't mas iniibig ko rin Siya.
Hindi mo mababasa, pagkat Siya ang may katha.
At kung anuman ang nilalaman ng pusong may sagot,
Sana'y katimbang nito ang damdaming ipinaglalaban.

At kung kinaya nating magkanya-kanyang kasama Siya,
Mas kakayanin na nating magkaisa para rin sa Kanya.
At saka na natin sabay na ibabandera Kanyang Ngalan.
At pawang magiging patunay sa pag-ibig na nakapaghihintay.

Tila kayhirap bigkasin, kahit apat lamang ang kataga.
Mahal kita, sana makarating sayo,
Sa tamang panaho'y magpalitan nga ng kataga.
Sana ikaw ang unang magpatimbang sa Kanya,
Maniniwala akong makararating sa patutunguhan
Ang liham ng pusong may totoong damdamin.
Para sa taong pinagdarasal ko, maghihintay ako.
joycewrites Aug 2016
Kaibigan,
Hindi ka ba nagsasawa?
Sa pagkapit sa isang relasyong
ikaw nalang ang may sandata?
At ang tanging kalaban
ay ang taong ipinaglalaban;
Ipinipilit manalo sa digmaan
na kung saan lahat ay talunan—
At ang pagkapanalo ay makakamit
sa pamamagitan lamang ng pagsuko.
Kaibigan,
Itigil mo na ang iyong kalbaryo.
Itaas mo na ang puting bandila,
Bitiwan mo na ang iyong sandata,
Dahil ang rason ng iyong paglaban
ay sinukuan ka na.
Collab by Mary Joyce Tibajia and Ramram Rarama
Minsan gagamit ng payak na salita
Ngunit ito'y uusigin ng iilan;
Minsa'y sisisid at muling hihinga
Ngunit tatadtarin ng masasakit na salita.

Kung ang pagsusulat ay pagmulat
Ba't hindi na lang maging simple sa pagpili ng bawat salita't parirala?
Ba't hindi diretsahin nang ang punto'y maging kalma?
Kung saan walang tensyon, ayos pa't plantsado.

Minsa'y wala namang nais ipahiwatig
Tanging ang letra'y nilalaro't nagiging bukambibig
Wala nga bang dahilan?
O ayaw mo na lamang lumaban?

Sa mundong ginagalawan
Hindi lahat makaiintindi
Hindi lahat makikiayon
Pagkat hindi iisa ang bida
May iilang ekstra sa eksena
Kaya marapat na handa ka.

Ang pagsulat ay malaya
Kaya naman hindi tugma ang bawat kataga
Ganyan ang nadudulot ng demokrasya
Malaya ka nga, pero hindi na maganda 'pag sobra.

Kung babasahin, minsa'y nakapapanting ng tainga
Ano ba ang ipinaglalaban sa pagtaas ng tono niya?
Ang pagsulat nga'y musika rin
Kung mali ang basa sa tono'y hindi maganda ang himig
Parang kapeng depende sayo ang magiging timpla't panlasa.

Isang simpleng mamamayan sa magulong pamamalakad
Dagdagan pa nang nagsisipagsalipadpad na dungis ng bayan
Hindi ka nag-iisa, ganun din ang pakiramdam ko.

Ngunit ang bawat Pilipino sumasabay sa himig ng Lupang Hinirang
Nasaan nga ba ang sinasabing "alab ng puso?"
Tila ang bahaging ito ng liriko'y walang saysay sa iba
Ang pluma ng ila'y wala palang tinta
Ngunit patuloy pa rin, walang nagagawa
Walang ginagagawa, walang nais na pagbabago.

Ganoon kahalaga ang pagbitaw ng bawat salita
Sa bawat punto, bawat espasyo, tuldok at kama
Mayroong layong nakapag-iisa
Mayroong sentimyentong ipinangangalandakan
Mayroong uusbong na himagsikan --
Mabuti man o masama.

Abstract/ abstrak
Mabuti pang ganyan ang pagsulat
Nang hiwatig ay pansarili lamang
Ngunit ang leksyo'y hindi manganganak
Hindi aabot sa mga apo ng bagong henerasyon.

Bale wala ang salita
Kung ang mga ito'y walang aksyon;
Bale wala ang salita..
Kung ang puso'y wala namang direksyon.

(6/28/14 @xirlleelang)
Eugene Aug 2016
Halina at pakinggan,
Ang kanilang ipinaglalaban,
Lalo na sa usaping kapayapaan.
Adhikaing kailangang panindigan,
Lahat ay dapat solusyonan,
Asikasuhin ang kahirapan,
Nang mamamayan ay matulungan.
011521

Iaalay ko ang aking katha
Sa mga sumusubok sa landas na kayhirap pasukin
At ang sigaw nila'y kalayaan sa pagpili
Kung saan ba ang kani-kanilang tatahakin.

Malayang pagpili --
Pagpili sa hindi lamang gusto,
Ngunit pagpili sa kung ano nga ba
Ang tunay na nararapat.

Kaakibat ng pagpili,
Ay ang pagtimbang sa kung ano bang
Makabuluhan sa panglahat na kapakanan.
Hindi tayo pipili dahil tayo'y makasarili,
Bagkus tayo'y pipili dahil ito'y ating pinag-isipan.

Bakit ba gusto nating tahakin kung nasaan
Naroon na ang lahat?
At ang lipon ng bawat kulay ng bahaghari
Ay sama-samang pumoprotesta
Sa kani-kanilang adhikain.

Minsan, gusto nating matahimik..
Tahimik na lumalaban
Hindi gaya ng mga nasa lansangan
At itinatali ang sarili
Sa kanilang nasanayang batas.

Tayo'y hahalili sa kahapong nagtapos na henerasyon,
O baka nalimot mo na ring
tayo'y demokrasya na ngayon
Ngunit mga alipin ng baluktot na administrasyon noon..

Ano nga ba ang malinis na konsensya
Sa bayan kong dinungisan na ng pawis
Ng iba'ibang ganid na mga bansa?
O minsan nga'y masakit pa pala ang malaman
Na tayo rin mismo ang sumira
At lumaspangan sa bandila nating
Noo'y dugo ang nasa itaas.

Sakim ang ating mga sarili
Pagkat tayo'y nauuhaw pa
Sa pansarili nating kalayaan.
Tayo'y walang ipinag-iba
Sa mga pailalim na bigayan
At pagsalo sa kaso ng iba,
Pagtalikod sa karapatang ipinaglalaban
Ng mga naging bihag sa selda.

Habang ang iba'y naghahalakhakan
At pawang mga hangal
Sa kanilang pagbalot sa sarili
Patungo sa bukas
Na hihimlay sa kani-kanilang mga hukay.

Susuong ka pa ba?
Kaya mo pa bang magbulag-bulagan?
Pero sa buhay na iyong pipiliin,
Piliin mo sana ang daang matuwid.
At paano mo nga malalaman
Ang mas higit sa timbangan
Kung ang iyong pamantayan
Ay sirang orasan at papel na ginintuan..

Nasayo ang hatol
Ang hatol kung saan ka lulusong
Kung saan ka makikiuso..
Li Nov 2016
Diba nandoon ka
noong sila'y humingi ng tulong
noong sila'y hinuli at sinaktan
ng walang kalaban-laban
noon sila'y tinrato na hayop
ng sarili nilang kababayan.

Diba narinig mo
ang iyak ng mga batang
dinuyan sa tunog ng bala
noong ang mga nanay nila
na dapat kakanta
ay hindi na makita.

Diba nakita ****
nanaig ang kapangyarihan
kaysa sa kanilang karapatan?

Nandoon ka
sa bawat iyak
sa bawat sigaw
pero hindi mo sila sinagip
mula sa kapangyarihang
puno ng galit.

Ngayon nama'y
kami ang naririto
mga bagong saksi
ng pagkatalo
mga sundalong
walang armas pero
pilit ipinaglalaban
ang katotohanan.

Kailanma'y hindi
magiging sapat
ang mga libro
para ikwento ang pait
para aming maramdaman
ang sakit.

Pero ngayong araw
mga mata'y luluha muli
ang mga sugat ay muling hahapdi.

Ngayong araw
kinalimutan ang kasaysayan
kaya't pasensya na mga anak
kung aming napabayaan
kung ibang pananaw na
ang inyong daratnan

O Pilipinas,
ikaw pa ba ang Perlas ng Silangan?
November 8, 2026.
To all victims of Martial Law, I am eternally sorry.
Itinatangi Mo ako't
Hindi kayang pakawalan,
Dadalhin pa sang lupalop
Ng bawat malaparaiso **** pangarap.

Sambit nga nila'y
Kung nasaan ka'y ako'y paroroon;
Kahit na ni minsa'y hindi ko nagawang harapin ka
Paumanhin, Irog
Pagkat damdami'y wari bang ginigisa.

O kaytagal **** inilihim ang pag-irog
Nais kong ipagsigawan ito
Pero pipi pala ang pusong totoo.
Tila nakakahon, pero may kalayaan
Tila makasarili, pero may ipinaglalaban
At naisin ma'y hindi kita maiwa't iwan.

Batid ko'y lahat pala'y yamang kasinungalingan
Heto ka't kakatok sa ibang pintuan,
Ba't pag nagkakulanga'y ako'y kayang bitawan/bitiwan?
Oo, hantungan nati'y mala-pelikulang hiwalayan.

Ni minsa'y hindi ako naging singkong duling
Na dadaplis si Kupido sa moog **** damdamin
Ni minsa'y hindi ako nagpaubaya sa palad ng iba,
O bakit nga ba? Para saan pa't umibig?
Luha'y higit pa kaysa para sa demokrasya.

Bago Mo iwa'y tayo'y magmata-mata,
Pagkat Ikaw ang minsang kumumpleto
Ng kulang-kulang na katauhan
Ng tunog-latang pag-aalimpuyo
Ng mapanghimagsik na damdamin.

Ako'y magbabalik, pangako ko, Sinta
Tingnan mo ang palad Mo,
Oo, babalik nang higit pa
Marahil doon Mo lang mapagtatantong
Hindi mabibilang aking halaga.
Naaalala ko pa yung araw na maging tayo
Pakiramdam ko noon tumama ako sa lotto,
Yung tipong tila ba’y ayaw kong tayo’y magkalayo
Tapos malingat lang hanap na nang hanap sayo…

Lumipas yung mga araw naguumpisa na ang ating istorya
Istorya na hinubog ng pagsubok at pagtitiwala
Mga tao sa paligid ambag sa kwento natin ay iba-iba
Yung iba nakakatulong, yung iba naman nakakasira…

Umabot sa buwan tayo’y patuloy na tumatatag
Sa kabila ng kaliwa’t kanang problemang sa ati’y hinahapag,
Walang sukuan, alitan natin naaayos natin sa loob ng magdamag
Para sa pangakong relasyon natin na sinuma’y di kayang matibag…

Taon na ang binibilang panibagong kabatana nanaman,
Kahit mas tumindi ang bagyo, kaya natin lagpasan…
Kahit minsan, mabigat na, patuloy parin lumalaban
Mga binuo nating pangarap di natin binitawan…

Tumagal pa at tumatagal mas minamahal pa kita
Mas may ngiti at tawanan mapapansin sa ating pagsasama
Ang alitan at problema parang sa ati’y wala na,
Dahil mas malaki na ang tiwala natin sa isa’t-isa…

Patuloy na binibilang at pinagtitibay ng panahon
Pagmamahalan nating di kayang sirain ng bagyo o alon,
Ang pangakong pag-ibig na walang kondisyon,
Ating ipinaglalaban at ipaglalaban KAHAPON, BUKAS, NGAYON!

©2017 John Vincent Obiena. All rights reserved.
Isang tula patungkol sa pagsasama at relasyon namin ng aking kasintahan, mulas sa aming pinagdaanan at sa tibay ng aming pakikipaglaban...
051022

At sumapit na nga araw ng paghuhusga
Kung saan hindi na pulso ng taumbayan
Ang ating sisiyasatin
Kundi ang puso ng bawat Pilipinong
Sumasambit ng “Mahal ko ang Pilipinas.”

Sabi ng iilan,
“Mahirap raw mahalin ang Pilipinas”
Iniisip ko nga paminsan,
Sapat na nga ba ang pagiging makabayan?

Sapat ba?
Ang panunumpa ng bawat Juan sa watawat
Na ayaw sana nating dungisan
Ngunit tayu-tayo rin ang nagwawasto
Sa paningin nating madayang pagpili
Ng lipunang ating ilang beses nang sinumpaan.

Kung hindi ako naniniwala sa Poong Maykapal,
Ay baka hindi ko rin maititikom ang talas ng aking dila
At walang himpil ding tatalak na walang pinipiling katauhan
Buhat sa makamandag na bugso ng aking damdamin.
At marahil ay sasabihin ko na lamang
Na ito ay isang paraan ng pagtindig para sa saking Bansa
Na may demokratikong pamamalakad.

Ngunit sa kabilang banda’y
Binabaling ko na lamang ang paghuhusga
Sa tunay ngang nasa tronong
Hindi na kailangang luklukin pa.

At naniniwala pa rin akong
Ang pag-asa ay hindi natin maaaring itaya
Sa sarili nating mga palad
Na kalauna’y mapupuno rin ng mga kalyo’t
Babalik din lamang sa alikabok.

Ano pa nga ba ang ating ipinaglalaban?
Sino nga ba ang tunay nating kalaban?
At para kanino nga ba tayo naninindigan?

Baka sa kasisigaw nati’y
Hindi lamang boses ang mawala sa atin,
Maaring nakawin din ang ating mga lakas at oras
Na sana’y ibinabaling natin
Sa pagpapalaganap ng natatanging katotohanang
Buhay ang ating Panginoong Hesus
At ang magandang balita’y
Nakadikit sa kanyang Ngalan.

Sinasabi kasi nating naghihinagpis ang ating mga kababayan
Kaya tayo na lamang ang magsisilbing mga boses para sa kanila.
Minsan nga'y nananatili na tayong hangal
Pagkat sa sariling dunong, doon lamang tayo nakaangkla.
Ngunit hanggang kailan ba matatapos
Ang sinasabi nating pakikibaka para sa mga nasa laylayan?
At ano nga ba ang dulo ng bawat hiningang napapagal na?

Sana hindi tayo tumigil sa paraang alam lamang natin,
Sana mahanap natin ang ating mga sariling
Nananatiling may pananampalataya
Sa Diyos na Syang may lalang sa sanlibutan.

Sana wag na tayong mag-alinlangan pang lumukso
Sa kung saan nga ba tayo pinasusuong ng Maykapal
At sana mahanap natin ang halaga natin
Sa presensya Nyang kayang pumuno ng bawat kakulangan.

At dito na rin ako pansamantalang magtatapos —
Pilipinas, gumising nang may pag-asa
Pagkat hindi natutulog ang ating Diyos!
Pilipinas, mahal kita at mas mamahalin pa
At patuloy kitang ipaglalaban
Hindi gamit ang mga armas
Na syang panukso't patibong ng mundo,
Titindig ako sa kadahilanang hindi lamang ako isang Pilipino —
Titindig ako para kay Hesus na aking pinaniniwalaan!
Salamat Ama, Sa'yo pa rin ang aming Bayan.
Bibigyan kita ng tula.
Hindi panghuhula...
kundi tula.
Hindi magiging napakahaba.
Hindi ka naman palabasa
para iyong mabasa
ang mga bagay-bagay
na sumasangay
kung ano ba talaga
ang tunay na halaga
ng tulang isusulat ko
para sa utak mo
na tuliro.
Sa mga nabasa kong libro
wala na sigurong mas magulo
kaysa sa iyo na kapag hindi mo
na nakuha ang iyong gusto
ay bigla-bigla ka nalang babato
ng mga salitang magpapaginhawa
sa iyo.
Pero tandaan mo
bago ka pa magbigay ng mga salita mo
ay marami na akong alam na salita
sa diksyonaryo na
sadyang binabasa
ko kasi umay ako sa mga salita
ng mga tao na paulit-ulit
at sadyang parikit nang parikit.
Hindi mo narin na
kailangang pagsabihang kumain na
sapagkat ako ay may isip
at hindi nagpapaihip
sa mga bagay na
dapat na ginagawa
ng taong may tamang isip.
Nako. Sentido kumon mo ay naihip.
Wala akong inaasahan na
pag-uusap na magaganap
dahil matagal ko nang tanggap
na tinuring na akong mapagpanggap
dahil lang sa desisyon
na ninanais ko lamang ng aksyon
dahil ayun ang magiging paraan
kung paano gagaan
ang mga bagay na
ninanais **** balikan.
Hindi na ako makapagbigay ng ****
na lubos na kasing laki ng dati
sapagkat hindi mo naman talaga
kayang isantabi ang iyong mga saya.
Tila nakakahiya naman
sa mga salita **** dapat na malaman
ko ba talaga kasi
mga payo ko ay dumaan lang sa labi.
Payo ko ay narinig at dumaan
pero lumabas lang sa isang lagusan.
Ako ay iyong narinig
gamit ang tainga **** mahilig
sa mga tunog na panbasag-pinggan
kaya ako ay hindi napakinggan.
Hindi rin naintindihan.
Naging gusto kita kahit
hindi naman kinakailangan.
Para sa utak **** tuliro.
Uulitin ko ulit para sa iyo.
Hindi na kita gusto
ayan ang kailangan na malaman mo.
Ibaon mo sa isip mo
katulad ng pagbaon mo
sa galit at sakit na ipinaglalaban mo
na nakakatulong sa iyo
na mapaginhawa ang pakiramdam mo
na sinasabi mo ngang hindi ko
man naisaalang-alang kasi
hinahakot ko lang ang mga kati
ng mga nakalipas na hapdi at kirot.
Ang pwede ko lang pala maramdaman
ay ang sarili kong kurot.
Pinapaligaya mo ako
pero hindi kita kailangan.
Hindi kita kailangan para
ibahagi sa mundo
kung gaano ako katalino.
Hindi kita kailangan para
ipakita ang mga halakhalak ko
sa maraming tao.
Hindi kita kailangan para
malaman ko na may
nakakaintindi sa akin.
Pasensya na
pero hindi kita kailangan.
Kung nirespeto mo lang ang naging desisyon ko na makakabuti naman din sa iyo, hindi parin magbabago ang pagtingin ko sa iyo.
Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas
Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig
Ang mga balitang may madalamhating panimula.
At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma
Sa kahon at sa lilim ng Malacanang,
Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.

Ginuguhit ko sa aking isipan
Ang paulit-ulit na malalaking tuldok
At ang kani-kanilang dugtugngan
Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan
Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi
Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.

Natatandaan ko pa noong elementarya,
At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan
Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito
At sabay-sabay na susugod at lulusob
Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.

At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili
Ang mga imahe sa realidad
Ay wala naman akong kakayahan
Para pigilan ang tadhana sa pagkitil
Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.

Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon
Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal
At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto
Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan
Ay magsisilbi namang pamana
Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.

Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan
Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala
Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat.
At marahil bukas o sa makalawa'y
Sabay-sabay din tayong magbunyi
Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.
yndnmncnll Sep 2020
Hindi ko mahagilap/ ang tamang mga salita/ upang masabi sa iyo ang gusto kong sabihin,/ ngunit oras na pala/ para isumbat ko na/ ang mga paghihirap/ na dinaranas ko/ sa piling mo/ noong mga sandaling pag-aari pa kita,/ noong mga araw na ako pa ang kasama mo/ at noong mga panahong may tayo pa./ Hindi ko inaasahan na magbabago ka,/ na magsasawa ka,/ na mang-iiwan ka at ipagpapalit mo ako sa kanya.// Pero ang hindi ko nauunawaan ay/ bakit mo nasabing ayaw mo na/ at pagod ka/ na noong araw na tayo ay unti-unti nang nagkakalabuan.//
Bakit mo nasabing pagod ka na?/ Pagod ka lang ba talaga?/  O Napagod ka na sa sitwasyon/ nating dalawa?/ O sa mga pagtatagu-taguan natin?/ O sa mga araw na muntikan na tayong mabuking?/ o sa mga araw na may nakakita sa atin?/ O napagod ka na sa atin?/ Sino nga ba ang nagbago?/ ikaw ba o ako?/ O baka/ tayo?/ Pero bakit ang tipid mo nang magsalita?/ At parang  wala ka ng gana/ na kausapin ako?/ Na mahalin ako?/ Na bigyan ako ng halaga?/ O na unawain ako?/ Bakit bigla ka na lang sumuko/ sa mga oras na ipinaglalaban ko ang ating pagmamahalan?/ Hindi ko napansin na ako na lang pala/ ang lumalaban ng mag-isa/ habang ikaw ay binitiwan na ako.//
Bakit mo nagawang balewalain/ ang relasyong binuo natin/ ng magkasama?/ Bakit mo nagawang tapusin/ ang ugnayan natin?/ Ngunit ngayon naiintindihan ko na/ kung bakit ka nakipaghiwalay sa akin:/ dahil nakuha mo na pala ang matagal mo nang hinihingi sa akin, dahil nakuha mo na pala ang gusto mo:/ ang sirain  at iwan ako/ pagkatapos **** pakinabangan at gamitin.// Noong araw na hinatid mo ako hanggang sa dulo ng kalsada,/ lumingon ako sa direksyon mo/ at nagbabakasakali/ na baka,/ sakali lang naman/ lilingon ka pa/lilingunin mo pa ako/ at tatakbo ka papunta sa akin at yayakapin ako,/ susuyuin ako na huwag kang iwan pero hindi na pala dahil mas pinili mo na lamang na maglakad palayo sa akin/ ngunit hindi na pala./ Kahit gulong-gulo ang isip,/ napag-desisyunan kong/ huwag nang bumalik pa/ sa piling mo.//
Pero nararamdaman ko na lang/ ang mga hawak mo/ na para bang namamaalam ka na,/ ang mga yakap **** dahan-dahan nang nanlalamig,/ ang mga titig **** unti-unti/ nang umiiwaas/ at lumalayo/ hanggang sa nawawalan na ng liwanag ang dati **** kumikislap na mga mata/ at para bang ito na ang huling araw nating pagkikita,/ ang mga ngiti ****/ pilit mo na lang/ na nginingiti,/ ang mga salita **** ang tipid at ang ikli na,/ sa daan na aking nilalakaran palayo sa iyo ay kumipot at biglang umikli,/ ang mga paghawak mo sa mga kamay ko/ na para bang gusto mo nang bumitaw/ sa aking mahigpit na pagkakakapit sa iyo/ at sa mga daan/ na aking nilalakaran papunta at pabalik sa iyo/ ay biglang humahaba at nililigaw ako.//
Bakit ko pa ba pinaniwalaan/ ang mga matatamis na salitang nanggaling sa iyong sinungaling/ at hindi mapagkatiwalaang bibig/ gaya ng “mahal kita”,/ “ikaw lang”/ at “hindi kita iiwan”./ Ganun ba?/ Alam ko naman na parte lamang iyan ng mga gasgas na linyang iyong binitawan/ at aking pinanghawakan noong mga sandaling ikaw ay akin pa,/ noong mayroong ikaw at ako pa,/ at noong mga araw na mahal pa natin ang isa’t isa./ Pero ngayon ang salitang ikaw at ako ay marahil naging bulong na lamang pala sa hangin/ at pati ikaw ay tinangay na rin sa akin./ Kaso Tanong ko lang,/ kung iisa tayo,/ bakit mo nagawang pagkaisahan ang damdamin ko?/ Saan nga ba ako nagkulang?/ Saan nga ba ako nagkamali?/ At bakit mo ako iniwan ng ganito?/
Oo nga pala, bigla kang Nawala nang parang bula at nagmumukha na akong tanga kakahanap sa iyo kahit saan,/ at ayun! Nahanap nga kita/ kaso nasa piling ka na pala ng ibang babae./ Sobrang saya mo nga noong kasama mo siya,/ tila ang iyong pagngiti at pagtawa ay nag-iba,/ iba noong ako pa ang kasama mo at noong mga araw/ na nakikita ko pa/ ang mga ngiti’t galak sa iyong mga mata./ Ngunit pinilit kong lumayo/ kahit na alam kong mahirap,/ sinubukan kong palayain ka/ kahit na alam kong hindi ko kaya/ pero ginawa ko para sa ikakatahimik nating dalawa./
Hindi na kita hahabulin pa/ dahil alam kong matagal na tayong wala,/ dahil matagal ko nang kinalimutan ang dating ikaw at ako/ at ang dating tayo./ Ngunit, mahal batid kong hanggang dito na lamang tayo/ dahil susubukan ko nang ililibing sa limot/ ang lahat ng mga nangyari/ at mga pangyayari sa Buhay natin./ Paalam,/ Nagmamahal,/ Mahal.//
051922

Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y
Nagsilbi pala itong aking pahingahan.
At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala
Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel
Ay unti-unti rin palang gumuho
Ang mga pader na naging proteksyon ko
Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.

Sabi ng iilan,
Gusto nila ng kalayaan —
Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan.
Pagkat mas ninanais ko pang
Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.

Siguro nga, tama sila
Na takot akong buksan ang aking pintuan.
Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang
Ang daraan sa aking paningin.
At baka sila mismo ang magtirik ng kandila
Para sa paghimlay ng aking mga pangarap
Na nais ko pang makamit at maibahagi.

Naisip ko biglang —
Wala naman palang masama
Sa pagtakip natin sa ating mga sarili.
Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago
Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y
Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang
Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay
Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.

Ang bawat nilalang
Ay may sari-sariling paraan
Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap.
At ang bawat katauhan di’y
May iba’t ibang paksang ipinaglalaban
At patuloy na pinaninindigan.

Kung ang mga pader nati’y
Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y
Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili.
Pagkat ito’y hayagang kataksilan
Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang
Na pangarap na mga bituin.

At kung minsang mapadpad na tayo
Sa pampang ng ating paglisan,
Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya
At patuloy na lumaban at manindigan.
Para rin ito sa atin,
Para sa sariling kaligtasan
Laban sa walang pasintabing pagkukutya
Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.

Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan
Kung saan natin naiwan at naisantabi
Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain.
At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas
Para sa muli nating pagkabuhay,
Ay patuloy rin tayong makikiindak
Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang
Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.

At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo
Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais
Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t
Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay
Upang hindi na muling  makapagpahinga
Sa piling ng ating mga pluma’t papel.
Isang shot para sa puso ko na dinurog mo

Isang hithit para sa mga pangako **** napako

Isang pitsel para sa mga salitang di mo napanindigan

Isang kaha para sa mga alaala na bumabalik galing sa nakaraan

Isang case para sa halik at yakap **** di ko malimutan

Isang rim para sa taong ako'y iniwan


Nakakamatay na alak ang turing ko sayo

Nakakasama ngunit tuloy paring tinutungga ko

Para kang yosi na kailanma'y di nauubos

Unti-unting sumusunog sa pagkatao ko na tila ba'y nauupos

Lason ka man sa akin katawan

Pero putangina bakit di kita mabitawan

Kumakapit parin ako sa natitirang sana

Kahit magmukha akong dakilang martir sa iba

Mananatiling tanga na walang namang karapatan

Bayani na wala naman talagang konkretong ipinaglalaban

Alam ko na kung bakit ka nagkaganyan

Kasi pumakla na ang dating matamis na pagmamahalan

Kailan kaya ako magigising sa katotohanan

Sampalin na lang sana ako ng mundo nang ako ay matauhan

Sabi nga nila pag mahal mo ang isang tao dapat handa kang masaktan

Pero ayoko na, tama na, wala na kong gana makipaglokohan


//iana
Yhinyhin Tan Apr 2023
“Sige may mumu dyan!”
Noong bata ako mandalas itong sabihin sa akin ni mama para iwasan ko ang mga delikadong lugar na magpapahamak sa akin.

At habang nagkakaedad ako
Napagtanto ko na may mas nakakatakot pa pala kaysa sa mga multo
Na mas dapat kong pagtuunan ng pansin.

Ito ang mga mapanghusgang  lipunan
Mga mata nilang sumsukat sa iyong pagkatao
At mga opinyon nilang sisira sa iyong sariling kumpiyansa

Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ko pa rin
Na sinunod ko noon si Mama
At isinapuso ang mga payo niya.

Dahil kahit napapalibutan pa ako ng mapanghusgang lipunan
Mga matang sumusukat sa aking kakayahan,
At mga salita nilang pilit sumisira sa kumpiyansa ko

Heto ako, nananatiling matatag
At ipinaglalaban ang prinsipiyong pinaniniwalaan ko.
Nasulat ko ito while wandering inside the CASA SAN PABLO. Nakita ko kasi 'yong babysitter ng isa bata, papunta sa sa hagdan kasi ang bata at para hindi ito mamali ng lakad ang sabi ng nagbabantay sa kaniya "Sige, may mumu dyan."
Tapos ang dami ko na naisip haha

— The End —