Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
unknown Aug 2017
nais kong simulan ang aking tula sa isang katanungan,
"bakit mo ako iniwan?"
dahil ba sa ugali kong hindi maintindihan?
dahil ba sa itsura kong hindi kagandahan?

bakit mo ako binitiwan?
bakit mas pinili mo ang lumisan?
bakit mga pangako mo'y iyong kinalimutan?
bakit ka lumihis ng daan?

mahal, sana'y sagutin mo't huwag kang magalit,
kung marami akong tanong sayo na bakit,
hindi ko parin kasi talaga matanggap yung sakit,
sagutin mo naman, baka sakaling tumamis ang mapait.

hindi kita matanggal sa puso't isip ko,
at dahil sa takot ko na baka maulit ang pag-alis mo,
ipinagkatiwala ko ang puso ko sa ibang tao,
kaysa ang maniwala muli sa mga salita mo.

sa bawat paggalaw ng kamay ng orasan,
sa bawat pag-ihip ng hanging amihan,
sa bawat pagsilip ni haring araw,
tila puso ko'y nanatiling naliligaw.

paulit-ulit sa aking isipan,
tama ba ang aking napagdesisyunan?
kasiyahan sa iba ay dapat bang subukan?
nagbakasali na hindi ko ito pagsisihan.

sumubok ako, nagtiwala sa mga salitang naghatid ng panandalian ligaya,
nagpadala ako sa mga pangakong "ikaw lang at wala ng iba",
pero nagkamali ako, pare-pareho lang pala kayo,
sa una lang kayo pursigido.

mahal, nais kong alalahanin mo,
lingid sa kaalaman mo na makakalimutin ako,
pero inaamin ko, ni minsan hindi ka nawala sa isip ko,
oo mali 'to, pero masisisi mo ba ako?

bakit ramdam ko parin ang sakit ng iyong paglisan?
bakit hindi kita kayang bitiwan?
bakit sa bawat oras ng aking kalungkutan,
ikaw, ikaw ang nagsisilbing dahilan ng aking kasiyahan?

ang unan ko'y basang basa na ng luha,
mata ko'y tuluyan ng namaga,
alam ko na wala na akong dapat kapitan,
kung kaya't sanay matutunan ko ng ika'y bitiwan.

mahal, wala akong karapatan para sabihin na ako'y iyong balikan,
dahil minsan na kitang pinagtabuyan,
kaya hinihiling ko na sana sa iyong muling paglisan,
kasabay nun ay ang unti unti kong pagtahan.

patawad sapagkat hindi na tama ang aking nadarama,
patawad sapagkat alam kong tayo'y tapos na,
patawad sa mga salitang hindi na maibabalik pa,
patawad, patawad sa pagpili ko noon na lisanin ka at wag ng lumingon pa.

labis ang naramdaman kong lungkot,
labis din ang poot dahil hindi kita malimot-limot,
subalit sa mga panahong naghihilom na ang kirot,
saka ka naman muling susulpot.

lubos akong nagalak,
puso ko'y nabusog sa iyong salitang mabubulaklak,
nawala ang patalim sa puso ko na nakasaksak,
nang ikaw sakin ay kumambak.

subalit hanggang kailan kaya mayroong "tayo"?
hindi ko maalis ang takot sa puso at isip ko,
hindi ko maalis ang nadarama kong silakbo,
na ang dapat na "tayo" ay mapalitan muli ng isang "kayo"

hanggang kailan mo ako muling mamahalin?
hanggang kailan mo ako muling yayakapin?
hanggang kailan mo muling ipaparamdam ang apoy ng pag-ibig?
o papatayin na lamang ito muli ng malamig na tubig?

natatakot ako sa mga bagay na hindi inaasahan,
na baka magbago ang iyong isipan,
natatakot ako sa mga pwedeng maging dahilan,
dahilan ng iyong posibleng paglisan.

kasi minsan mo na akong isinantabi,
minsan mo na kong trinato na parang walang silbi,
minsan mo ng binasa ng luha ang aking pisngi,
at minsan mo na rin pinunit ang puso ko sa iyong mga sinabi.

natatakot ako mahal ko,
nais kong magtiwala muli sa mga salita mo,
paumanhin, subalit natatakot ako,
natatakot akong iwan mo ulit ako.

sana'y sa ating karanasan sa nakaraan,
manatili ka sa aking tabi at huwag lumisan,
sapagkat ikaw ang aking kalakasan,
subalit ikaw rin ang aking kahinaan.

ikaw, ang pumapawi sa aking uhaw,
ikaw, ang nagbigay direksyon sa puso kong ligaw,
ikaw, ang dahilan kung bakit ang puso mula sa bintana ng kaluluwa'y dumungaw,
ikaw, ang nagbibigay sigla sa akin araw-araw.

hinihiling ko na sana sa oras na magbago ang ihip ng panahon,
magbago ang direksyon ng mga alon,
tumaliwas ang lahat ng bagay sa dapat nilang posisyon at direksyon,
mag-iba man ang huni ng mga ibon,

sa oras na ikaw ay aking muling tanungin,
isa laman ang isasagot mo sa akin,
"huwag kang matakot at mangamba,
mahal na mahal kita"
ig: seluriing
twt: seluring
fb: seluring
follow meeeeee!
astrid Jun 2018
salamat,
sa pagpiling laruin ang aking mga daliri
na tila hindi alintana ang pasmang taglay
na kung lumuwag man ang kapit ko,
ay mas hihigpit ang hawak mo
kung dumulas man ang palad ko,
ay hahatakin mo ako pabalik
patungo sa piling mo
upang hindi tayo maligaw
sa ating mga sariling halik.

salamat,
dahil ilang beses kong pinasalamatan ang kalahatan
pati ang tila pagyakap ng mga unan
sa iyong bawat pagtahan
ang mga salitang kaakibat ng kalungkutan at kasiyahan
at pagmamahalan,
na kung susuriin ay pilit na lumalaban
kahit paulit-ulit kitang pinapahirapan.

salamat,
sa araw-araw **** pagbati ng "magandang umaga"
kahit ikaw ang sanhi ng pag-aalinlangan
kung tama bang magpahatak sa iyong kanlungan.
ilang beses ko bang pagdududahan
ang boses **** tila kandungan
hindi ko man hiningi
ay hinandog ng kalangitan
sa likod ng mga telepono'y nagngingitian
ngunit pipiliin kong ang akin ay hindi mo masilayan
dahil puno ito ng kalungkutan.

salamat,
sa mga pangakong matulin ang pagkakasabi
na bago pa man bigkasin
ay batid ang mariing katotohanan
na paulit-ulit lang itong maglalaro sa isipan.
kahit ilang beses kong pagbawalan ang mundo
na bitiwan mo ang kamay ko
ay nasasakal na ang mga daliri
at humihina ang aking pulso.

salamat,
dahil ang relasyong ito ay tila hindi matatakasan
ang pangungusap na nabubuo'y nagtatapos sa kuwit
at ang mga katanungan ay sinagot ng pilit.
ang bawat "mahal kita" ay naging nakaririndi
nagbabalitaktakan kung kanino ang mas dinig
pilit man lakasan ang aking tinig
ang panawagan kong umalis ay hindi mababatid.

salamat,
kahit paulit-ulit kitang pakawalan sa aking puso
ay mahigpit ang iyong kapit
na sa sobrang higpit ay tila paulit-ulit ding nagdurugo
pati ang isip kong tila gumuguho
dahil hindi ka lumalayo.
patuloy man ang aking pag-ayos
at nagtamo pa ng maraming galos;
ay patuloy din ang iyong pagsira
dahil pareho tayong lumuluha.
j.s.
092516

Sumasabay saking pag-ibig ang pagluha ng langit
Sumasabay sa ihip ang bulong ng damdaming
"Tama na, bitiwan mo na sya."
"Tama na't bumangon ka na."

Parang tubig na maingay sa bubungan
Ang tinig **** minsang
Himig na pinakaiingatan
Parang butil na hindi mahawakan
Ang pagtibok ng puso kong iyong sinusugatan.

Ilang beses man akong umasa
Mga salita mo ma'y tila kilig lamang sa umpisa
Naglaho na lang ang lahat,
Pano na ang tayong sabi mo ay alamat?

Tama na ang paasang mga salita
Tama na ang pagbihag sa mga pusong pariwara
Tama na ang mistulang sabi **** "mahal kita"
Pagkat alam kong ikaw yung tipong
Palaruan lamang ang tingin sa Tadhana.

Bibitawan ka na, pagkat tapos na
Parang lirikong nalaos nang bigla
Parang boses na napaos na parang bula
Nagbago, naglaho, oo, *
mistulang alaala
Paagkat sabi ng kaibigan ko'y gawan namin ng kanta
Ang liham nang nagdurugong puso
Na paulit-ulit **** pinaasa.

Sabi ko, di na ko magsusulat eh. Tara, hindi naman tayo mauubusan ng salita eh.
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
joycewrites Aug 2016
Kaibigan,
Hindi ka ba nagsasawa?
Sa pagkapit sa isang relasyong
ikaw nalang ang may sandata?
At ang tanging kalaban
ay ang taong ipinaglalaban;
Ipinipilit manalo sa digmaan
na kung saan lahat ay talunan—
At ang pagkapanalo ay makakamit
sa pamamagitan lamang ng pagsuko.
Kaibigan,
Itigil mo na ang iyong kalbaryo.
Itaas mo na ang puting bandila,
Bitiwan mo na ang iyong sandata,
Dahil ang rason ng iyong paglaban
ay sinukuan ka na.
Collab by Mary Joyce Tibajia and Ramram Rarama
Crissel Famorcan Dec 2017
Tagu - taguan, maliwanag ang buwan
Pagbilang Kong Tatlo, wala na akong nararamdaman!
Isa—
ito na Ang huling patak ng aking mga luha
At pangako di na ako muli pang magpapakita
Pagkat mahal, ika'y akin nang pinapalaya
Alam ko naman kasing napaglaruan lang tayo ng tadhana,
Minsan kasi, naglaro si kupido ng kanyang pana
At sumakto Ang araw na yun sa una nating pagkikita
Tinamaan ako,tinamaan ka rin yata?—
Mahal Ang alam ko lang kasi noon, mahal natin Ang isa't isa
At makulay Ang mundo!
Mundong binuo nating dalawa.
Bihira man Ang relasyong katulad ng sa atin,
Pero gagawin ko ang lahat wag ka lang mawala sa akin
Marami mang problema Ang ating pinagdaanan,
At sa kuwento natin marami man tayong nakalaban—
Parang senaryo sa pelikula,
maraming naki-eksena
Pero love story natin 'to at tayo Ang mga bida
Kaya't sa bandang huli,kamay mo pa rin Ang aking hawak
Masaya pa tayo't sabay na humahalakhak
Hanggang sa...
Dalawa—
Dumating siya sa buhay mo
At sa isang iglap,naitsapuwera ako!
Nalunod man ang puso sa selos
Ngunit pilit ko iyong iginapos
Pagkat relasyon nati'y gusto Ko pang maayos
At wag 'tong maputol, wag 'tong matapos.
Pero nakakapagod maghabol sa taong mabilis tumakbo,
Nagmimistula lang akong isang mumunting aso
Naghihintay kung kailan mapapansin
Naghihitay kung Kailan mamahalin
Kaya napilitan akong isuko ka,
Napilitan akong bitiwan ka
Kase una sa lahat—alam Kong sa kanya ka sasaya
Siya na Ang makakapagbigay sa iyo ng ligaya
Ng kilig,Ng mga ngiti at tawa—
Mga Bagay na bihira ko nang mamasdan
At Alam Kong sa kanya mo nalang mararamdaman
Kaya Tatlo—
Paalam.
Salitang di ko sana gustong bitiwan
Pero sadyang kinakailangan
Hindi ko man gusto na ika'y iwanan
Ngunit marahil,ito na Ang ating hangganan.
Pagod na ako mahal sana'y maintindihan
Dahil kung ipipilit ko pa'y pareho lang tayong masasaktan
Mahal kita tandaan mo yan.
Kaya Dito ko na tatapusin Ang ating kuwento,aking sinta
Ang libro ng pag-ibig nati'y akin nang isasara
Masakit man Ang ating naging pagtatapos
Siguradong sa puso ng magbabasa,ito ay tatagos
Tapos na akong magbilang ng numero
At gaya ng ipinangako ko—
Pagsapit ko ng Tatlo,
Ibibigay na kita sa kanya ng buo
Paalam.
020917

Heto, magsisimula na naman ako sa dulo
Sa dulo kung saan ako mismo ang nagbigay katapusan
Nagbigay katapusan sa sanang "tayo."

Ako naman yung bumitaw
Sa akin naman nanggaling yung mga katagang
"Wag muna, huminto muna tayo."

Pero gaya ng ulan, di ko kayang pahintuin ang lahat
Gaya ng buhangin sa tabing-dagat,
Di ko kayang buohing muli ang sanang "tayo"
Kung ito'y gumuho na sa mismong mga kamay ko.

Parang mas di ko ata kaya --
Di ko kayang wala ka
Di ko kayang mag-isa
Na alam ko namang isa ka sa kalakasan ko.

Gusto kong ibaon ang sarili ko sa buhanginan
Sa buhanginan at magpatangay sa tubig ng dagat
At baka sakaling makabuo tayo ng "tayo"
Baka sakaling maging matatag ang "tayo"
Baka sakaling hindi na tayo sumuko sa isa't isa.

Paulit-ulit kong iniisip kung ba't ko nasambit ang lahat
Akala ko, namanhid ako sayo
Pero yung totoo, di ko man lang masabi sayo
Di ko masabi sayong ayokong bitiwan ka
Na ayokong pakawalan ka.

Gusto kong ihagis ang sarili ko sa dagat
At magpalunod hanggang sa sagipin mo ako
At buhatin mo ako sa pampang
At saka mo muling sabihing di mo ko iiwan
At saka mo sabihing mahal mo pa rin ako.

Gusto kong maggising sa mga bisig mo
Masilayan ka, makita ka, mayakap ka
Kasi di ko alam kung kaya ko pa
Kung kaya ko pang mawala ka ulit.

Pasensya kung nasasaktan kita
Kung nanghihina ako kapag wala ka
Na lagi ko sayong ibinubuhos ang bawat daing ko
Na halos manghina ka na rin dahil sakin.

Pasensya kasi sobrang mahal kita
Na sa halos tatlong taon,
Hindi kita binitawan
Pero ngayon, nagtataka ako
Nagtataka ako sa sarili ko
Ba't ba kita pinakawalan?
Ba't ba hinayaan kong maglaho na lang ang lahat?
Ba't ba pinahihirapan ko pa ang sarili ko?
Ba't ba di ko masabi sayong kailangan kita?

Oo, kailangan kita at oo, mahal kita
Hindi naman ako nagbibiro
At wala sa bukabularyo kong iwan ka at paasahin ka lang.

Di ko mabilang kung ilang beses kong hindi nasalo ang bawat luha
Ang bawat luha sa mga mata kong parang pawis
Parang pawis na dumidilig sa tigang na lupa
Hanggang sa masaksihan kong iba na ang ruta ko --
Na tila ba ang layo mo na
Na tila ba ang layo ko na sayo.

Siguro nga, natuto ka kaagad
Natuto ka kaagad na bitiwan ako
At sobrang sakit
Eh akala ko namanhid na talaga ako sayo
Pero alam mo, ngayong wala ka na
Ngayong wala ka na sa mga kamay ko
Parang mas di ko na kaya.

Ewan ko, basta
Basta lang --
Sana bumalik ka na
Balikan mo naman ako.
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
AnxiousOcean Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
ZT Mar 2016
Kahit minsan man lang
subukan mo sana akong lokohin
at sana ako rin ay iyong paasahin

Alam ko kung ano ang sabi ng iba
Na ayaw nila sa mga paasa
Pero wala akong **** sa opinyon nila
Kasi mas pipiliin ko ang umasa
Kesa sa bitiwan at kalimutan ka

Kaya kahit minsan, subukan mo man lang sana akong lokohin
Sabihin mo Na ikaw ay pwede ring maging sakin
Paglaroan mo ako at paasahin
Wala akong ****, ano man ang kanilang sabihin
meron akong aaminin
sa totoo lang, umaasa kasi ako
na baka ang lokohan di kalaunan ay totohanin.

Kaya kahit minsan man lang
subukan mo man lang sana akong lokohin at paasahin
Pag-ibig ko sayo mag mo naman sa laging barahin
pag-asang maipakita ang pagmamahal ko sayo
sana, wag mo namang ipagkait sa akin.
Ang iba galit sa mga paasa, pero minsan din ay naaiingit ako sa kanila, kasi masasabi ko meron din namang panahon na naging masaya sila sa pag-asa na pwede pa, kesa sa nagsisimula palang pero ayun, binara na.
Robert Biene Mar 2018
Sinulat ko ito para sa babaeng inspirasyon ko
Sinulat ko to para sa babaeng gusto ko
Sinulat ko to kahit di mo gusto
Sinulat ko to sa damdaming nanawagan para sayo
Sinulat ko to kahit kupas na ang gamit na mga litanya
Sinulat ko ito sana'y dinggin at pakinggan
Sinulat ko to para sa babaeng mahal at mamahalin ko
Sinulat ko to para sayo, aking sinta.

Babaeng sinta nakita ko sa'yong matang nakasandal sa pighati hatid ay lumbay at kalungkutan
Damdamin mo'y gusot nilukot pinaikot-ikot, kirot ang naidulot
Di ka ba napapagod
Sa iyong matang luhang di mapigilan pumatak ,umaagos hanggang sa mapagod at makatulog ngunit minsan nauudlot dahil sa sakit na naidulot
Bibig at boses na ginapos ng nakaraan sa matatamis mabobolang salita lumipad sa kawalan humantong na bitiwan ka nya
Ngayon ay hikbing paudlot udlot, pwede mo na ba ihinto?
Para sa taong handa kang hintayin at mahalin ng walang halong kasinungalin at tunay.

Handa ang panyo para punasahan ang iyong luha
Handa ang tenga para dinggin ang iyong walang katapusan na drama
Handa ang mga kamay ipagluto ka punan ang iyong katakawan
Handa ang boses para ikaw kantahan kahit sa lumang paraan na tawag ay harana
Handang handa kang paglingkuran kahit labhan ang damit ng iyong mga kuya
Handa kang samahan sa iyong kasiyahan lalo na sa panahon ng iyong kalungkutan
Handang gawin ang lahat ng makakaya para ikaw mapasaya lamang
Handa iaalay ang sarili sa Diyos at hubugin ang sarili para maging karapat dapat sayo at sa pag ibig **** alay

Handa ako ipakilala ka sa aking pamilya
Handa kang hintayin kahit gano man katagal
Handa ako na patunayan ang bawat pangako na nakasulat dahil dapat ang isang lalaki ay may isang salita
Handang handa ako mahalin at ipaglaban ka sinta.

Kapal man ng mukha ang sayo'y iharap
Wag mo sana tingan sa itsura sana makita mo ang puso kong malinis ang intensyon totoong tunay
Pakiusap muling buksan ang iyong sugatan hilom na puso;
Para sa lalake di uso ang laro

Sa bawat bigkas na taludtod
Pangako sayo di mapupudpod
Puso **** naupod napagod
Di na mauulit ang pagkakataon na iyon
Sayo'y di kahit kelan mapapagod
Intidihin ka sa bawat pagkakataon
Respeto at pangunawa ang aahon
Para sa panahon sa muling pagkakataon
Andito lang ako andito ako naghihintay at maghihintay sayo
Crissel Famorcan Oct 2017
Lumaki ako sa paniniwalang ang buhay ay isang kompetisyon,
Na dapat angat ka sa lahat sa anumang sitwasyon  
At sa anumang pagkakataon
Pagkat yun ang sukatan ng tinatawag na tagumpay
Isang bagay na hindi naman sa iyo habangbuhay
Pinalaki ako sa paniniwalang masama ang magkamali
Sa paniniwalang Hindi lahat ng  bagay dapat minamadali
Kaya magpahanggang ngayon ang mundong ginagalawan ko
Malaki ang pagkakaiba sa mundong mayroon kayo
Pagkat nabubuhay ako sa takot
Takot sa pagkakamaling maari Kong magawa
Takot na baka isang araw, mahila ako pababa
Takot na isang araw,  lahat ng meron ako,  Bigla na lang mawala
Na baka isang araw, magising na lang akong nakatulala
Hindi ko na alam ang gagawin  
Lakbayin ko ba'y makakaya ko pang tapusin?
Sa labing anim na taon ng aking  pamumuhay
Ang pinakamahirap kong ginawa: sa mundo'y makibagay
Pagkat sa bawat pagbabagong aking  nasasaksihan  
Kaakibat ang panibagong bigat sa kalooban  
Dahil takot akong bitiwan ang nakasanayang paniniwala
At ang takot na'to ang nagsisilbi kong tanikala
Tanikalang pumipigil sa aking paglago
At sa pag-angat ko'y pilit na nagpapahinto.
Alam kong balang araw,darating ang oras Mahahanap ko ang natatanging lunas
Para sa nagtatagong takot sa loob ko
At darating ang araw na makakalag ko rin ang tanikalang 'to!
Honyjoy Apr 2018
SALAMAT SA SANDALING NAGING AKIN KA.
Even seen i really knew it sinabi ko na to sa mga salita ko at itoy totoo
Totoong kaya **** magsinungaling at d sabihin ang totoo ngunit ayus lang oo ayus lang na dna marahil wala ng tau na akala ko ay totoo ngunit isa palang guhit, iginuhit sa hangin at unti unting nag laho hindi na kita masisisi mag ka iba ang mundo na ginagalawan!! Mundo?? Oh pag iisip ayus lang ayus lang talaga salamat sa saglit sa kunting pag paramdam na kahit ako lang ang nag gagawa ng paraan ngunit kailangan na ata kitang kalimutan at tapusin ang tadhana na matagal kunang d pinapakawalan upang ma isip at makausap kapa siguro nga d tayu ang totoo siguro kailangan ko ng bitiwan ang lahat upang makalaya na ako sa pag iisip sa mga bagay na walang humpay na sumusulyap salamat sa saglit na taon sa buhay nating dalawa salamatSa mga nakasanayan dapat ko na atang kalimutan upang d tayo mag kasakitan dahil humihirap lang ang pusong nasasaktan siguro nga hanggang d2 nlangAkala ko habangbuhay ang awit sa ating dalawa ngunit biglang lumihis ang nota na dapat ay nasa tuno pa wala ng kasguraduhan na maibabalik pa ang nakaraan kaya sigurong tapusin na dahil na hihirapan lang salamat sa saglit na pag paparamdam na akoy mahalaga kahit itoy hindi na totoo pa salamat sa mga salita na ngaun ay nag lalayag na sakabilang dako ng mundo na dooy mag papahinga siguro ngay hanggang d2 nlang ang ating storya hanggang d2 nalng at itoy mag tatapos na salamat sa mga sandaling kaligayan salamat sa saglit ng pag paparamdam salamat sa taong nag paramdam ng katotohanan ang masasabi ko lang salamat sa sandaling naging akin ka
My first try...
Marinela Abarca Mar 2015
Akala ko tapos na ang mga umaga ko na naiisip kita.

Sa unang sulyap sa realidad mula sa mga panaginip na dagliang nawawala, ikaw ang una kong nakikita.
Kahit na wala naman talaga ang iyong presensya.

Nararamdaman kita.

Sa bawat pag pigil ko ng hininga.
Sa mga alaala ko ng iyong ngiti na aking isinasatinta.
Sa kadena ng pag asa sa posibilidad na mahagkan ka at hindi ako makawala.

Sabi nila, ako daw ay tanga.
Dahil minahal kita nang sobra.
Pero hayaan na.
Siguro nga tama sila.

Sana sa susunod hindi na kita maisip pa.
Sa totoo lang, ang sakit sakit na. Parang hindi ko na kaya.
Gusto ko nang bitiwan ang pangalan mo na nakakabit sa salitang, "Sana".
Marinela Abarca Jun 2015
Nagdasal at humingi ng isang tao
Na magtutulak sa akin para bitiwan na ang panulat na ito
Isang tonelada at mahigit na ang mga salitang pasan ngunit hindi pa rin ako nabibigatan.

Mali ang akala.
Hindi pa pala.
Lalo lang umitim ang tinta.
Dumiin sa papel ang pluma.

Nanatili pa ding naka-dantay
ang mga salita sa namimitig kong kamay.
Hinihintay nalang mamanhid
para hindi manatiling nakasilid
ang mga naipon na tula't sanaysay na wala nang saysay.

Hindi na ko humihiling
ng isang dahilan na dadating
na aalayan nitong mga salitang
naririnig at binabasa lamang.

Mga letra na binibigyang kulay,
nagkakaiba lamang sa kung sino ang bumubuhay.
Nakakapagod mag pinta
kung ang bawat makakakita ng obra,
babaguhin ang imahe sa kung ano ang nasa harapan nila hindi man lang isipin na magkakaiba tayo ng mata.
Inilarawan **** berde, gagawin nilang kahel.
Tinta mo na asul, hahawakan at magiging pula.

Siguro nga itong mga kamay na biyaya,
hindi na para sa papel at tinta.
Kasabay ng maraming paalam
ang huling isinulat na liham.
011816

Kinausap ko ang Langit
Na buksan ang malaking pintuan
Nang pumagitna Siya sa'ting dal'wa.
Sinalo Niya ang bawat butil ng luha
At ako'y nagkusang mamahinga sa Kanyang piling.

Hinarap ko ang pagkakamali noon,
Nang minsang sadyain kong bitiwan ka rin
Pagkat biglaan din ang pagbitaw mo.
Inanod ako sa Kanyang bisig,
Doon nahilom ang puso't
Ngayong may panibagong katha.

Hindi ko inasahang
Iihipan ito ng Hangin at mapapadpad sayo.
Pero hindi ko magawang magwelga't magrebelde pa,
Pagkat hindi naman ako ganoon.

Siya na rin ang nagkusang tulakin ako
Pagkat kaya Niya sa buhay ko --
Nang tunay ngang lumaya ako.

Sa amin na lamang ng Langit
Ang huling pag-uusap;
Maging ang panggagamay ko
Sa karayom na sobrang sakit.

Panalangin ko pa ri'y ikaw,
Ikaw at ikaw, siyang anurin din ng Langit
Nang bulong Niya'y mapagnilay-nilayan mo.

Ganoon ang pag-ibig Niya..
May mga pagkakataon sa buhay na di mo inaasahang kailangan **** lunukin ang pride mo. Bilang babae o lalakie, mas bata man o mas nakatatanda; pagkat ang pride, balakid yan para sa pag-ayos ni Lord sa relasyon.

Minsan, masasaktan ka pero hindi iyon parusa. Minsan, manghihina ka pero para pala sa kalakasan mo.

Lagi ko ngang sinasabi sa sarili ko na, "Through confession, there comes healing. But not all who are healed comes to reconciliation." Pagkat kailangan ding alisin ang pride at minsan, pag sinabi ni Lord na gawin mo at kahit ayaw mo pa, gawin mo talaga. Naroon ang peace of mind na hinahanap mo.

Mahal ka ni Lord at mahal Niya rin ang nakasakit sayo o nasaktan mo. Basta. Alam mo yan sa sarili mo, hugutin mo ang tinik ng pride at hayaan si Lord na magpalakas at tunay na magpagaan ng pakiramdam mo.
Taltoy Feb 2018
Gago, di ko na alam,
Ako'y sadyang nawindang,
Di ko kayang bitiwan,
Ako'y nalulungkot ng tuluyan.

Di ko talaga alam bakit?
Bakit? Bakit? Bakit nga ba?
Bakit nga ba di ako maalis sa aking isipan aking sinta?
Bakit nga ba tila luluha ako nung nakita kita.

Alam kong utak ko'y kumitid,
Iniwan ang katalinuhan pati prinsipyo,
Alam ko sa sarili kong ito'y aking mali,
Subalit di ko kayang bitiwan, sadyang mahapdi.

Sa kauna-unahang pagkakataon,
Ako'y parang di maka-ahon,
Sa lalim ng kalungkutan,
Sa lalim ng aking isipan.

Di ko na alam anong susunod,
Ano pa nga ba ang susunod na kaganapan,
Ng kwentong malato pa sa katapusan,
Ano ba ang susunod na tunggalian?
Ang kitid na ng utak ko. Diyos ko, saklolo. Ano na bang nangyayari sa aking mundo?
Mister J Sep 2017
‘Heto na naman tayo’t nagbabangayan
Parating nagtatapat na magkabilang panig
Sinusubukang amuhin ang galit na nadarama
Pinipilit ayusin ang matagal nang nasira
Nandiyan ka na naman sa iyong sulok
Hindi mapigilang umiyak at magmukmok
Ako nama’y nandito sa kabilang dako
Pinupulot ang mga bubog na iyong binato

Ang mga sugat na matagal nang naghilom
Muli na namang binuksan ng mga sakit ng kahapon
Bakit pa ba natin binabalikan ang nakaraan?
Ang gusto ko lang naman ay ang ‘tayo’ ng kasalukuyan
Ngunit sa bawat titig na iyong binibitawan
Para bang ramdam mo pa rin ang sakit na ako ang pinagmulan?
Ano pa ba ang dapat kong gawin?
Para tuluyan mo na akong patawarin?

Isang patawad na paulit-ulit na lang sinasambit
Isang patawad na matagal na dapat pumawi ng galit
Ngunit sadyang ganon yata talaga ang tindi ng sakit
Kung kaya’t ang pagsusumamo ay dadahan-dahanin at ‘di na ipipilit
Mula sa nakalalasong relasyon ika’y aking pinalalaya
Sige na’t humayo ka, bumangon at humanap ng ikasasaya
Mahirap para sa akin na ika’y bitiwan na parang wala
Ngunit ito’y ginawa dahil kahit ganon ay mahal pa rin kita

Isang rason lang ang aking sasabihin
Isang rason na sana’y di mo limutin
Sa pagdating ng tamang oras sana ako’y maalala mo rin
At ang pag-ibig na pinanghahawakan ang maging tulay para ika’y bumalik sa akin
First ever Tagalog poem. First time writing in my native language. I'm pretty much nervous but I hope it's well-received. :)

— The End —