Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
082021

Naranasan mo na bang sumigaw
Nang walang nakaririnig?
O kaya lumuha nang walang sumasalo?
Sa bawat patak ng bumubugso **** damdamin.

Naranasan mo na bang kumatok
Nang walang nagbubukas?
O kaya tumawag nang walang sumasagot?

Ang tempo **** sinusumpong ng tampo’y
Umaanod sayo papalayo
Sa nararapat mo sanang hantungan.
Nakalimutan mo na rin atang
Hindi sarili mo ang iyong kalaban
Kaya’t hindi ka na rin mapigilang
Manlumo sa karagatan ng iyong mga pasanin.

Patuloy ang iyong pagsisi sa sarili
Bunsod sa mga responsibilidad
Na sana’y napanagutan mo
Ngunit iyong iniwanan
At pilit na tinakasan.

Ngunit sa paulit-ulit mo ring
Pagsagwan palayo’y
Patuloy ka ring hinihila pabalik
Kung saan ka nararapat
Para magsimula kang muli.

Ang iyong walang pagpapaalam
Sa plinano **** paalam
Ay naging hayag na paglisan
Sa nakaraan ****
Walang ibang mas mahalaga pa
Kundi ang pagtuntong mo
Sa ngayong noo’y ayaw **** pagtayuan.

Ang bawat gumuhong gusali ng iyong nakaraa’y
Kusang mag-aalis ok sayong
Pagtagpi-tagpiin mo sila nang nakapikit.
At kahit pa —
Kahit pa sinasabi **** nalimot mo na
Kung saan mo hindi sinasadya
O kusang naiwan
Ang mga piyesa ng iyong sarili ng tula
Ay kusa mo rin itong maaalala
Na para bang ang lahat ay bago’t
Hindi ka na mahihiya pang
Bumalik at magsimulang muli.

Lulan ng mga lumang pahina
Ang pag-asang may tiyak na kahulugan.
Tiyak ang iyong hahantungan
At walang katotohanan
Ang sinasabing “paano?”
Kung hindi mo naman nanaising
Tumapak sa hagdan
At kusang umakyat
Gamit ang sarili **** mga paa.
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
082021

Mas malalim pa ang gabi
Kaysa sa aking mga matang alikabok ang tinta.
Ang mga kulisap at kuliglig
Ay nagtatagisan ng mga boses
At sabay-sabay na nakikipagtalastasan
Kung kanino ba papanig
Ang buwang hugis pamato sa larong kalye.

Sinasabi nilang ang aming lugar ay dating liblib
Noong panahon pa ng mga Hapones.
Kaya’t nagbakasali akong
Kaya ko silang paniwalaan
Pagkat ni minsa’y hindi naman ako
Nakapagpantig ng mga salitang
Nakakahon sa iisang pangungusap.

Natatandaan ko pa ngang
Sa tuwing tumatanghod ako
Sa aming bintana sa umaga’y
Sabay ding magsisiingay ang nagtitinda ng taho
At nambabato ng dyaryo
Patungo sa aming pintuan.

Si Inay ay gagayak para sa bagong balita,
Habang ako’y gagayahin ang sigaw ni Manong
At titikim ng paborito kong agahan at panghimagas.

Habang sya’y papalapit
Ay kusang malalagas
Ang mga pakpak ng kanyang tsinelas
At kanyang ilalapag ang papel na inilimbag daw
Sa pabrika ng kanyang kaklase noon
Na anak-mayaman.

Sa isip ko’y nais ko sanang masiyasat rin
Ang mga letrang nakatambad sa aking harapan
At bigyang buhay ang mga papel
At baka sakaling,
Maging bihasa rin ako gaya ng iba.

Kung sabagay, ang lahat naman ng aking mithiin
Ay kusang maglalaho
Kasabay ng aking mga panagip.
Ang lahat naman ng nasisinagan ng apoy
Ay maya-maya ring magpapalamon
At magpapaubaya
Sa kadilimang bunsod ng panahong
May paulit-ulit na panimula’t katapusan.

Sabagay, ang lahat nama’y
Magmimistulang pandagdag lasa na lamang
Sa nanlilomos na alab at nagmimitsang pagpapaalam.

Naubos na ang bawat pahina
Ngunit di ko man lamang nagawang simulan
Ang pangangalap kung nasaan na ba si Itay.
Saan nga ba ang aming magiging tagpuan?
Saan at kailan nga ba ang hangin
Ang mismong sasabay sa aking paghikbi nang walang katapusan?
Amo
082021

Nabibilang lamang sa aking mga daliri
Ang mga buwan na tiniklupan ng mga ulap
Nang sa’king mga bisig,
Ang yakap mo’y nagmistulang kumot
Sa balat kong sumisigaw sa alat
At anghang ng aking pakiramdam.

Sa titig mo’y ako’y nakalilimot
Na ang pangalan ko’y nagbagong bihis na rin.
At kasabay ng paglilipat silid at bubongan,
Ay ang paglisan ko sa unang tahanang
Humagkan sa aking pagkakakilanlan
At bumuhos sa akin nang di masukat na pagmamahal.

Ang mga ngiti **** pumapawi sa’king paghihintay
Sa maghapong masuklian naman
Ang pansamantala kong pangungulila’y
Nagsisilbing matatamis na tsokolateng
Hindi naman pala nakamamatay.

At sa ganitong pagpatak ng mga segundo
Na parang mga barya sa alkansya mo,
Ang tanging hangad ko na tunay na pag-aaruga’y
Iyong pabaon na araw-araw kong sasalubungin at pagbubuksan.

Nakalimutan ko na rin atang humanap pa ng iba
Di gaya ng panata ko noon sa mga rehas
Kung saan gusto kong kumawala.
Pagkat sa’yo pa lamang ay abot-langit na
Ang aking mga ngiti’t pagsintang
Lulan ng iyong mga hagkan
At walang pag-imbot na pag-aalaga’t pagkukusa.

Kung kaya ko lamang pigilan ang sarili
Buhat sa pagtikom ng aking bibig
Ay nais ko sanang ipagsigawan
Sa apat na sulok ng ating tahanan
Ang pangalan **** ni minsa’y hindi ko naintindahan.

Bagamat sa bawat pagkilos mo’y
Hindi ko maipagkakailang
Ako’y tunay mo ngang mahal at pinakaiingatan.

Hindi na ako manlilimos pa,
Ng pagmamahal o atensyon sa mga tauhang
Lilisan sa kani-kanilang panahon at kagustuhan.
At pipiliin kong masanay na makipagsayawan
Sa mga mata **** tanging lilim ang laan sa akin.

At kung ito man ang una’t huling sulat
Na ikaw mismo ang pumataw ng mga kahulugan
Ay hayaan mo ring masambit kong
Sa araw-araw, ikaw ang nanaisin ko pang makapiling.
Para sa aking amo..

Nagmamahal,
Luna the Frenchie
081721

Bagamat dumadaplis lamang sa atin
Ang mga palaso ng kalaba’y
Hindi moog ang ating mga damdamin
At hindi rin bulag ang ating mga pananaw
Sa hayag na pagsasalitan ng mga balang ligaw.

Gaya ng durungawang nakasilip
Ay bukas na rin ang ating mga isipan
Sa mga di kanais-nais na mga patibong
Na ilang ulit inilagan sa katahimikan.
Bagkus, ang mga ito’y nagmistulang mga laruang papel
Na madaling napunit at bumigay
Buhat sa walang awang pamimihasa
Ng mga ahas at linta sa lipunan.

Tila sila’y nakasilid na lamang
Sa kahong hindi de-baterya
Habang tayo’y nagsisilipat
Sa tuwing nagsusulputan ang sari’t saring palatastas.

At habang tayo’y nananatiling panatag
Buhat sa ating mga kinatitirika’t kinalalagyan,
Kasabay naman nito ang pagyurak sa mga dangal
Buhat sa mga ideolohiyang kumikitil sa mga pangarap
At nagsisilbing diktador sa kani-kaniyang mga tahanang
Wala nang makita pang ibang dahilan upang tumahan pa.

Ang mga luhang hindi natin makayang punasa’y
Nagmimistulang mga tinik na lamang sa’ting mga pagkatao.
Syang susulpot at tutusok sa pakiramdam nating
Minsan nga’y malapit lamang tayo sa isa’t isa
At sana’y kaya nga nating patahimikin
Ang walang himpil na pag-usok sa kanilang ipinagbabaka.

At sa ating paghimlay sa ating mga kumot
Ay sabay din silang mangungulila
Sa mga akap at lambing ng kanilang mga mahal sa buhay
At hihilinging huminto na lamang ang mga sandali’t
Makatakbo sila’t makalisan nang walang nakakapansin.
081721

Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.

Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.

Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.

Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.

Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.

"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
Next page