Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Gustuhin ko mang makipagsapalaran
Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid
Ay binabalot ako ng pagtatantya
Kung ito na ba ang tamang oras
Para kunin ang aking panulat
At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.

Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig
At tinitimbang ko pa rin
Ang mga barkong pumapagitna sa akin.
Nais kong kumawala at lumisan na lamang
Ngunit ang aking pagpapaalam
Ay mas magdudulot lamang ng dilim.

Gusto kong maniwala na ang solusyon
Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya
Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy
Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.

Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban
At ang boses na mas lalo pang lumalakas
Kasabay ng pagtambol ng aking hininga.
Gusto Nitong tupukin ang lahat
At sakupin ang bawat naglalayag
Sa kani-kanilang mga direksyon.

Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon –
Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro.
Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso
Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y
Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya
Na mas sumisid pa sa mas malalim.

Napahinto ako sa aking pagpupumiglas
Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing,
"Manatili ka lamang,"
At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon
At unti-unti kong nasilayan na naglaho na
Ang mga agiw sa aking mga mata
At kusa ko nang nararamdamang
Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.

Ito ang aking hantungan,
Ito ang sinasabi kong liwanag.
Ito ang aking kapanatagan,
At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.
Nangungusap ang mga mata
Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita
Walang kuwit, walang tuldok
Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo,
Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.

Nababalot tayo ng hiwaga
At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong
Sinulsi ng kirot ng kahapon.
Lumipas na --
Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga
Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.

Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba
Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon.
Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit?
Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure.
Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam
Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?

Umiiwas tayo sa hanging mapanakit
Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na.
Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula
Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.

Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y
Pipiliin nating tumayo pa rin
Bitbit ang ating mga bandila
At kahit pa sa ating pananahimik
Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin
At mas magliliwanag pa ang mga ito.

Ang mga makakapal na ulap
Ay makakaya na nating hawiin
At magsisilbi itong palatandaan
Na tayo'y  hindi magpapalupig
Sa dikta ng tadhana at panahon.
Pipiliin pa rin nating maging tama
At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan
Ay magsisilbing pabaon natin
Sa kinabukasang henerasyon.

Kaya ko, kaya mo --
Kakayanin natin,
Kaya natin, kasama ang Panginoon!
072921

Nag-uumapaw –
Nag-uumapaw ang Iyong pag-ibig at pagkalinga
Sa pagsilang ng araw.

Ang Iyong mga yakap na hinahagis ng hangin
At dumadampi sa aking balat,
Ay maigting na pagtapik sa aking kaluluwa.

Di ko masukat kung gaano kalawak ang karagatan
At ako'y nabihag; ako'y nabighani Sa'yong kagandahan –
Kagandahang mismong ang Iyong mga nilikha
Sa kanila ko nasisilayan
Sa kanila ko nararamdaman
Ang pag-ibig na sinasabi **** walang katulad,
Walang pamagat, walang sukat.
At walang kung anumang lalim.

Sa'yong pag-ibig, hayaan **** matuklasan ko
Hayaan **** masilayan ko
Ang nais sambitin
Sa mga pahina na nakasulat –
Iyong Isinulat noong nakalipas pa.

Sa bawat paglagas ng mga dahon
Para itong bumubuhos sa'king mga paa
At sa tuwing ako'y titingala'y
Gusto kong saluhin ang lahat nang paisa-isa
Saluhin lahat ng mga biyaya
Ng bawat pag-ibig
Ang bawat pagkalinga Mo
Na hindi ko malaman kung saan nanggagaling.

At hindi ko matansya
Kung bakit hindi nauubos ang Iyong pag-ibig.
Pero salamat, salamat Panginoon
Salamat sa walang hanggan –
Sa walang hanggan dahil sa pag-ibig Mo,
Inialay Mo ang Iyong anak na si Hesus.

Hesus na syang lunas ng anuman –
Anumang sakit, anumang delubyo,
Anumang pagkukunwari, anumang pag-aalala
Anumang walang pagtitiwala..
Anumang poot at sakit na nararamdaman,
Nananatili man yan sa puso o sa isipan
O yung mga taong nakasakit sa'yo
Mga taong nasaktan mo.

Dahil sa nag-iisang Pangalan,
Kaya nitong tupukin ang lahat
Kaya nitong bawiin ang lahat ng nawala sayo.
At dahan-dahan,
Dahan-dahan kang ngingiti
Hindi lamang ang Iyong mga labi
Kundi ang puso mo
Na ang hantungan ay doon sa kalangitan –
Sa kalingatan kung saan sa trono
Ang trono ng Liwanag ay patuloy na kikinang
Patuloy na mamumutawi ang kagandahan
At sabay-sabay nating masisilayan
Ang pagbabalik ng hinihintay ng lahat.

Salamat at patuloy tayong maghihintay
Patuloy na iibig
Patuloy na mananampalataya..
Patuloy lang, patuloy lang..
072821

Hayaan **** magsimula ako
Kung saan ang mga salita'y wala pang ugat
Kung ang lahat ng salitang ibinibigkas,
Ipinipintig ng puso't damdamin
Ay nagmumula Sa'yo.

Gusto kong sabihin Sa'yo nang harapan
Lahat ng nararamdaman
Gusto kong sambitin
Yung bawat tugma ng salita
Na pilit na kumakapit, kumakalas, gustong kumawala
Sa katauhan kong hindi alam
Kung saan nga ba papunta.

Hindi ko masilayan kung saan nga ba ang mga bituin
Ngunit siguro ako na ang Norte'y mararating din.

Sa paglalakad ko,
Patuloy na nangungusap ang Iyong mga matang
Hindi ko pa nasisilayan.
Ang mga mata **** luha'y ibinubuhos ng kalangitan
At sa bawat pagpatak nito'y
Pilit kong iniaabot ang bawat butil
At sinasabi ko sa sariling,
"Balang araw, wala ng luhang matitira pa."

Maging sa pagkilos ng mga bituin
At pag-ihip ng hangin,
Ay masasabi kong panandalian lamang ang mga ito.

Wala Akong gusto at iba pang hangarin
Kundi paliwanagin ang mga nakikita ng iyong mga mata.
Gusto Kong patuloy kang tuamakbo,
Patuloy kang mangarap
Kahit na pakirtamdam mo'y ikay nag-iisa.

Ngunit sa paniniwala **** iyon
Ay dahan-dahan Kitang aakayin at tutulungan --
Tutulangan papunta.. Patungo tayo
Sa pangarap Kong laan sa'yo.

At kung Ako..
Kung Ako man ang pinipili mo,
Hayaan **** ika'y bihisan ko --
Bihisan nang walang pag-aalinlangan.
Yung pag-aalinlangan mo sa sarili **** hindi mo kaya,
Yung pag-aalinlangan **** wala nang pag-asa,
Na 'yung sinimulan mo noo'y tapos na.

Pagkat sa bawat pahina,
sa bawat letrang inihahagis sa Akin patungo sa'yo
Na para bang ito'y pulang laso
Na patuloy Kong ikinakabit sa puso mo --
Sa puso **** patuloy na lumalayo..
Patuloy na nanganagmba
Sa kinabukasang hindi mo naman makita.

At sa kurtina ng Liwanag
Kung saan masisilayan ang tronong kumikintab
Ginto at pilak at kung anu-ano pang makikinang ay balewala
Pagkat sa presensya Mo'y tanging lahat
Ay masasabi kong may lunas na.
Ang liwanag ng Iyong pagtitiwala sa akin
Ay nasilayan ko na.

Salamat, salamat Ama.
Salamat Panginoong Hesus
Dahil sa krus tayo'y nagtagpo.
Patungo ako, tumatakbo sa kung saan man --
Sa kung saan mang lupalop na hindi ko maintindihan
Na lahat ng bagay sa mundo'y patuloy na dumadampi sa akin
Patuloy na pinipilit na sila yung makita 'ko.
Na sila 'yung magliwanag sa mga paningin ko.
Ngunit sa pagku-krus ng ating landas,
Ay masasabi kong,
"Masaya ako, guminhawa ang buhay ko,"
Yung pangarap Mo, sana ay pangarap ko na rin..
Yung kagustuhan Mo, sana magustuhan ko rin..
Sa na'y maisunod ko ang mga yapak ko..
Patungo Sa'yo.
Nagsimula akong mag-record ng spoken word poetry after devotion.
Lahat impromptu; lahat random at kung ano lang ang masambit ko. Yun na yun. Salamat, Panginoon!
Ang lalim ng 'Yong pag-unawa'y
Higit pa sa mga nakapilang karagatang
Nagsasapawan patungong Silangan at Kanluran.
Umaapaw ang 'Yong pagkalingang walang ibang nais
Kundi ibuhos ang 'Yong katapatan sa aking kakulangan.

At gaya nga ng mga ibong walang sawang sumisipol,
Ay gayundin naman ang 'Yong pag-ibig
Na hindi ko mabigyang pamagat
Gaya ng mga tulang kinakatha ng puso't pag-iisip.

Sa bawat bigkas ng bibig,
Sa bawat tuldok na simula ng pagguhit,
Sa bawat pintig ng pusong tanging Sayo ang papuri..
Ikaw at ikaw pa rin ang hihintayin,
At malaya kong ihahagis ang mga kamay sa ere --
Kung saan ang langit ay panandaliang masisilayan.

Maghihintay sa araw ng paghayag ng liwanag,
Ang boses **** sa mga letra lamang nabibigyang-buhay
Ay balang araw ding hehele't magpapatikom
Sa mga armas ng kadiliman.
At balang araw, masasabi ko ring,
"Nagbunga ang paghihintay."
062721

Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.

Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.

Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.

T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.

Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.

Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.

Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.

Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.

Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.

At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
06302021

Saan nga ba tutungo ang mga salita?
Mga salitang mitsa ng mga ngiting abot-langit.
Mga salitang noon pa sana'y nabitawan
Mga salitang matagal na hinintay at ipinagdasal.

May mga alaalang akala ko'y nanatiling abo na.
At sa aking pagbabakasali noo'y
Baka nga kaya pang mag-krus ang mga landas
Sa daang ilang mga ekstranghero na ang nagdaan.

Sa bawat sandalyas na hindi tiyak ang pinagmulan,
Nangusap ang pusong wag muna't maghintay.
At habang nagbibilang ng mga rosas na pula'y
Mayroong nag-iisang puting isinaboy buhat sa kalangitan.

Sambit ko nga'y sana'y sapat na ang mga panahong binilang
Ngunit ang mga pahina sa kalendaryo'y tila ba naglagasan --
Naglagasan nang walang pasabi't
Nag-iwan ng mga luhang nag-uumapaw.

Natuklasan kong sa buhay na minsang ma'y lumilisan,
Minsan di'y may ilang babalik nang kusa.
Gaya ng tagsibol, ay magsisimulang mamulaklak muli
Ang mga rosas na akala kong nahimlay na sa libingan.
Next page