Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cj Jul 2017
Natandaan ko yung sinabi ng kaibigan ko
Noong nalaman niya yung isa kong kaibigan wala pang assignment
Sabi niya, “May umaga pa.”

Oo, tama siya.
Kasi kalagitnaan pa lamang daw iyon ng linggo
Dahil alas-nuebe pa lamang ng gabi
At halos 8 kilometro ang layo namin sa mga bahay namin
At kaya pa naming magising ng alas-siyete ng umaga

Tama nga siya
Kasi iikot pa daw ang mundo at tayo’y makakakita pa ng pagsikat ng araw
At maliliwanagan sa realidad ng buhay
Buhay na hindi naman natin ninais ngunit inaayos

Tama nga rin siya
Dahil wala naman sinabing makulimlim nung mga araw na iyon
O Ni-isang patak ng ulan ang bababa sa aspalto ng mga sirang kalsada
At buong araw natin masisilayan ang sinag ni haring araw

Tama nga siya
Dahil may 3 pang araw pa bago matapos ang isang linggo
Dahil nakikita na sa kalendaryo niya

Oo, nakita niya lahat.
Alam niya ang nangyayari sa paligid
Bawat numero
Bawat halaga
Bawat detalye ng tinitirhan naming planeta

Ngunit, magkaiba kami ng mundo

Oo, Sabi nga niya
May oras pa
May bukas pa
May umaga pa

Pero paano na ako?

Paano na ako?
Ang aking orasan ay tila hindi na gumagalaw
At ang mga numero nito’y kupas na?
Paano na ang kalendaryo ko
Na ang taon ay nasa taon pa rin ng aking kamatayan?
Paano na ang pag-dating ng umagang inaasahan ko
Kung ang ulan ay halos araw-araw na lamang
At ang langit ay puno ng alapaap?

Paano na ako?
Isang taong pinili na lamang mabulag ng pessimismo
At tuluyan nang hindi masilawan ng optimismo?

Kaya ito ako ngayon
Bumili ako ng bagong mga salamin
Binilhan ko ng baterya ang aking orasan
Bumili ako ng bagong kalendaryo
Binuksan ko din ang aking bintana

Nasilayan ko ang sinasabi niyang umaga

Naramdaman ko ang init ang araw
Gumagalaw na ang aking relo
Nasa tamang taon na ang aking kalendaryo

Oo, tama nga siya
May umaga pa nga
Pero paano mo makikita ang umaga
Kung sa pagsikat ng araw ay ang mga mata mo’y nakapikit pa?

Bumangon ka
Maganda ang araw ngayon
Huwag **** sasayangin
Hanggang hapon lang iyon.
Morrey Feb 2014
Nasaan ka? nasaan ka aking kabataan?
tila hangin na naglalaho
sa bilis ng ikot ng panahon
at paglipas ng bawat minuto
masasabi ko bang ako ay natuto?

Nasaan ka, aking kabataan?
lumulubog at lumilitaw
malimit ako ay nalilito, malimit ako ay naliligaw
habang ako ay unti unting nilalamon
ng mga pahina ng kalendaryo

Nabuhay sa panahon ng mga kritiko at relihiyoso
naglalakad sa gitna ng manipis na espasyo ng kamalayan
nagmamasid at nanahimik
nagbibilang ng mga sandaling malabong maulit
huwag masyadong matulin at baka matinik ng malalim

Nasaan ka aking kabataan?
mga kinagisnan ay iyo nang iniwan
niyapos ng modernong mundo
binuksan ang pinto sa pagbabago
sa huli, kilala mo pa ba ako?

Nasaan ka aking kabataan?
ang iyong katahimikan ay nakakabingi
sabi nila ang pagsisisi ay laging nasa huli
Nasaan na, nasaan na?
kabataan ko, gising ka pa ba?
Morrey02.06.14
Filipino/Tagalog
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
Nexus Aug 2019
Kung isa-isahin ang nakaraan
simula no'ng ika'y aking niligawan
hanggang sa dumating ang kasalan,
maikukwento ko ng walang alinlangan
kung paano tayo nagsimula at nag ibigan.

hindi sa lahat ng panahon
ang mga bagay ay naaayon
sa kung paano natin gusto
at 'di lahat ay agad na natatamo.

Unang kita palang, napaibig na ako
Lalo na sa mga sumunod na pagtatagpo
walang duda pana ni kupido ’y tinamaan ako

sa isang tulad mo
puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
sa pakiwari ko’y  pakana nga ito ni kupido.

sa isang tulad mo puso ko'y
nahulog ng di napagtanto,
sa pakiwari ko’y  pakana nga ito ni kupido.

Sa iyong mga mata
Nasisilip ko ang langit pagkat ikaw ang anghel na
sa aki’y pinakamalapit

Palapit ng palapit,
ang titig,  
Sa mapulang labi mo’y
nakakatuksong humalik
at ayaw ng mapapikit,

Akoy nag aasam at humihiling
sa panginoon
at biglang kanyang  dininig

Hindi inaasahan ang iyong pagdating.
Pagod kong puso’y iyong ginising.
Buhay ko'y binigyan ng ningning,
Ikaw lang ang gustong makapiling

Sa iyong mga mata
Nasisilip ko ang langit
pagkat ikaw ang anghel na
sa aki’y pinakamalapit

Palapit ng palapit,
ang titig,  
Sa mapulang labi mo’y
nakakatuksong humalik at ayaw ng mapapikit,

Akoy nag aasam at humihiling sa panginoon
at biglang kanyang  dininig

Hindi inaasahan ang iyong pagdating.
Pagod kong puso’y iyong ginising.
Buhay ko'y binigyan ng ningning,
Ikaw lang ang gustong makapiling.

dumating ka sa mundo
ko’t iyong niyanig
pinukaw ng iyong tinig

“Happiness Happiness Happiness”

Ang tinig na aking narinig
at napatulala at napatitig

Biglang nag usisa sa sarili nagtanong,
Paano ko ba mapapaliwanag
ang  hiwaga nitong pagmamahal na
kung bakit sa puso ko’y kumapit ng kusa

Minsay ako’y nagtataka’t di maka paniwala
linalaro sa panaginip

ang dakilang pagsuyong inayunan ng tadhana’y nag ka sundo

tuluyang hinamon ang matapang na puso
Hindi ka na malulumbay,

kapag nasisilayan ko ang iyong labi,
may taglay na ngiti
Pagod koy napawi,

limot ko na ang ligalig na iyong pinag iigi
kaya wag mag madali
pagkat atin ang sandali

At ng sayo’y napalapit ayaw ng lumayo

andito na ang iyong
Sandalang Balikat
Na hindi madadaan sa gulat

Hawak hawak ang maliliit at malambot **** mga kamay

Habang may ibinubulong
ang boses ****  malumanay

Umalis ng walang plano,
walang dala kundi ang puso.
pero saan nga ba patungo?

Bawat hakbang ng paa,
bawat hininga,
ninanamnam para sa ikasisiya
pero saan nga ba patungo?

Ramdam ang pagod
kinailangan ng tumukod
ngunit hindi susuko.
pero saan ba talaga patungo?

Marami ng nadaanan at natambayan
Pero di naman kaianaman

Hangang sa dumating na sa dulo na
ang puso’t pag ibig ko’y nasa iyo

Dahil di ako sanay na ikaw ay mawalay

Andito na ako

Sa unang pag kakataon
Sa araw ng mga puso  
Sa Ika labing apat na araw ng pebrero sa kalendaryo

Bungkos ng  rosas ay para sa iyo
Sa masayang araw at hanging maaya,

ang sinugong puso’y sumasaiyo
at ito’y magsasabing

Sa tuwa at dusa,
Hirap at ginhawa
Sarap at ligaya

Ang
“Balentayns”
Ko’y ikaw

Walang iba! ! ! ! !
Subukan naman
Estranghero ang bawat numero
Arok kong ikaw iyon
Ang boses **** tila nasobrahan sa kape
Parang may giyera lang sa himpapawid.

"Yung katext mo kanina," yan ang sagot mo
Akala mo siguro wala akong ideya
Sa pagkatao mo.

Naisip ko rin yun
Na tawagan ka mula sa hiram na numero
Nang masanay ang pandinig
Sa boses **** walang kalambing-lambing.

Wala naman tayong listahan
"Long time, no communication," pa ang sambit mo
Bakit ba at tila ako'y miss mo na?
Wala naman akong masasabi sa kabilang linya.

Nagsinungaling ako
Nang sabihin ko ang porsyento ng baterya
Hindi sa ayaw kitang kausapin
Bagkus, wala akong maisip na tamang salita
Hindi ako makapag-isip ng tama
Sana ang diwa ko'y kasama mo na lang.

Yung pangako mo'y biglang napako
Akala ko nga malapit na
At tila binibilang ko ang nasa kalendaryo
Ako'y bigong muli.

Tatlong taong lumipas
Pero walang kupas ang kahapon
Sigurado akong tanda mo pa ang lahat
Na ang kahapon nati'y
Kailanma'y hindi pa tinutuldukan.

Kung ang pahinang ito'y mali sa katotohanan
Isa lang ang panalangin ko sa kanya
Na itong damdaming mahimlay na lamang
Pagkat ang lugar nito ngayo'y
Nasa tamang kondisyon pa naman.

Ramdam ko ang paghanga mo
Hindi ako manhid na minsang inisip mo
Hindi mo naman sinubukan noon,
Ba't ba pilit **** nililimot na mayroon pang ngayon?

At kung ang bukas ay wala nang araw
Sana'y ang pag-ibig ay sinimulan na noon pa man
Hindi pa man ramdam ang tunay
Bagkus sana ngayo'y kontinwasyon na lamang.

Wag nating takbuhin ang lakbaying ito
Hayaang ang layag ay dalhin ng hangin
Nang hindi makontra ang tamang ihip nito
At sa bagyong paparating
Ay maging handa na tayo.

Kung papalarin na tayo'y maparoon
Sa dakong Norte kung saan ang tama'y nakatrono
Hayaan nating ang oras ang maging saksi
Hindi ang magka-ibayong lupa ang tumuon.

(6/3/2014 @xirlleelang)
KRRW Aug 2017
Putik
na nabuo
mula sa luha
at alikabok.



Bulaklak
ng damo
na tumubo
sa puntod.



Isang  munting
uod.



Isang butil
ng
pulang buhangin.



Bato
sa kabundukan
na tinutunaw
ng hangin.



Pulubi
sa daan
na namamalimos
sa mga
matang piniringan.




Asin
sa basong
walang takip.



Panyo
sa upuan
na pinakupas
ng tubig-ulan.




Munting ilaw
na sumisilip
sa silid-piitan.




Isang sulat
ng pamamaalam
na nakaipit
sa pintuan.



Pahina
ng kalendaryo
na nakaligtaang
pihitin.



Kandila
sa dilim
na nakikipaglaro
sa mga
anino.


Kabibe
sa tabing-dagat
na walang
laman.




Mga tunog
na walang
huni
at nagsisilbing
musika
para sa
mga bingi.



Hibla
ng buhok
sa ibabaw
ng gitara.



Antipara
na nakapatong
sa lamesa.




Pakpak
ng tutubi
na tinupok
ng gasera.



Isang tuyong
dahon
na sumabit
sa bintana.


Langaw
na nabitag
sa sapot
ng gagamba.



Kutsara
sa tabi
ng basag
na pinggan.



Mga basang
uling
sa hulmahan.



Katahimikan.



Usok
na humahalik
sa kalawakan.
Written
27 December 2014


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Jose Remillan Dec 2015
Kahapon, hinintay kong
Lumatag ang liwanag sa
Parang. Parang kahapon
Lang, ganitong oras din

Hinintay natin ang huling
Patak ng hamog ng Disyembre.
Habang ang marami ay abala
Sa kusina ng Pasko, tayo ay

Nasa Pebrero kasama si
Balintino. Tunay ngang iba ang
Kalendaryo ng ating mundo.
Ngunit ang himbing ay hikbi,

Kagaya

Kahapon, hinintay ko ang
Paglatag ng dilim sa parang.
Parang antok na hindi dumating
Dahil walang dahilan ang bukas

Na darating.
December 13, 2015
Pasacao, CamSur, Philippines
kingjay Jan 2019
Ilang paglalarawan pa sa takipsilim para ikintal na nakayuko nang namimighati
Bigyan sana nang malawak na karunungan
para makapagpasya sa huling hapon at hapunan

Paano isalaysay ang naganap
kung ang sinta ay laging hanap
Bihira kumain-nangangayayat
Nauutal sa una at panapos na  pantig ng pangalan ng liyag

Sa hindi inaasahan ang kamay niya'y hiningi
ng binata na kakilala't nanligaw
Ipinangalandakan ang kasikatan
Lahat ng kayamanan ng Antigo ay kuyom ng kamay

Hindi tubo sa lugar-isang dayo
Magaling sa panunuyo, sanay makipagsalamuha sa kapwa-tao
Batbat ng salapi ang anino
Mabulaklak ang dila at minsan ay palabiro

Ilang buwan pa ang inalis sa kalendaryo
at nangyari nang biglaan
Unang pagkakataon na nasilayan na nakabelo
Saan ba tutungo?
082021

Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.

Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.

Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.

Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.

At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.

Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
elea Nov 2015
Imposible, malabo, walang tiyansa, ano pa? Anong salita pa ang mag lalarawan ng "tayong dalawa".

Parang pag kidlat at pag kulog habang tirik na tirik ang araw,
Parang pag kakaroon ng trentay dos na bilang sa kalendaryo,
Ang pag tubo ng rosas sa malamig na semento
At pag kakaron ng dagat sa isang malawak na disyerto.

Alam kong wala, walang pag asa.
Hindi maari.

Pero tulad ng pag tatagpo ng araw at buwan isang beses sa mahabang panahon.
May pinanghahawakan ako,
Isang araw, Balang araw
Pag tatagpuin tayo ng tadhana
Sa di inaasahang lugar at panahon.
Tibok nalang ng ating mga puso
ang mag didikta na tayo talaga,
ang naka laan para sa isat isa.
#wagAgadbumitaw
Poembornwithfeet-
081721

Pikit-mata kong inaaninag ang liwanag
Na dumarampi sa aking mga pilik-mata
Habang bahagyang nagbabadya ang pagsirit
At pag-agos nang marahan
Ng pawis na pilit kong ikinukubli
Sa bawat pagtiklop ng hapon.

Walang oras o segundong hayag
Sa kung papaanong paraan ba aahon ang Araw
Na tila ba kaytagal kong hinintay na bumangong muli.
Ni hindi ko magawang lumapit
Sa mga sinag nitong hayagang yumayakap sa akin
Na para bang nais Nitong hingahang muli
Ang buo kong pagkatao.
Hinahagkan ang bawat pagbugso ng aking pulso
Buhat sa kawalang ulirat sa katotohanang
Minsang kumatok at pinagbuksan.

Nagbigkis ang lahat ng mga mandirigmang
Walang ibang hiling
Kundi sumapit ang takdang araw
Na ilang beses binuhol-buhol sa kalendaryo
Gaya ng pag-aabang sa muling pagsindi’t pag-ulan
Ng mga bulalakaw sa langit
At may iba’t ibang kapaliwanagan.

Nagliwanag naman ang kurtinang nagbibigkis
Sa hagdanang patungo sa kaluwalhatian
At sa pastulang aking minsang sinuklian
Ng Kanyang mga balak
At pinagtaniman ng mga binhing nagbunga na ngayon
At akin nang inaani nang may galak.

Dumudungaw sa lente ng aking mga mata
Ang aking pagkataong binihasan ng liwanag.
At tunay ngang ang mga luha'y papawiin
At wala nang ibang maibibigkas pa kundi
Papuri't pagsamba sa tunay na nagmamay-ari
Ng kaluwalhatiang habambuhay na aakap
Sa panibagong mundong nagtapos na ang kadiliman.

"Bubuksan Ko ang kalangitan,
Maging ang buong kalawakan,
Masilayan mo lamang ang laan Ko para sa'yo.
Tamasahin mo ang kabuuan ng Aking presensya
At ang pag-ibig Kong alay na inihanda ko para sa'yo.
Ang piging sa Aking pagsasalo'y hayag sa buong sansinukob
At ang lahat ay nais Kong makapiling sa Aking pagbabalik.
Ang hamon ng buhay ay siya ring susubok sa'yong katapatan
Kaya't wag kang matakot na waksian ang mga kamaliang
Iyong kinasanayan at ika'y magpasakop sa Aking kaluwalhatin.
Ang lahat ng Iyong mga narinig at nakita'y magliliwanag
Sa pagsapit ng itinakdang oras..
At sa iyong paghihintay ay patuloy kang lumakad
Sa landas kong laan para sa'yo.
Patuloy **** ipalaganap na ang Aking kaharian
Ay bukas para sa lahat,
At ang dugong dumanak
Buhat sa Aking bukod-tanging Anak na si Hesus
Ay siyang nakasuklob sa'yo sa iyong laban.
Tanggapin mo ang regalo Kong Banal na Ispiritong
Syang gagabay sa'yong mga pasya't
Magbibigay kaliwanagan sa mga bagay
Na tanging pang-langit lamang.
Ikaw, kayong mga tinawag Ko'y sama-samang humayo,
Ipalaganap n'yo ang liwanag sa madilim na sansinukob..
At sa Aking paghuhusga'y gagawaran Ko
Ang lahat ng aking mga anak
Na hanggang sa huli'y nanatili, nagpasakop
At kumilos ayon sa Aking mga Salita't mga utos.
Ang pag-ibig Ko'y sa iyo.."
JT Dayt Apr 2016
Magkaibigan
Naglolokohan
Nag-aasaran
Nagngingitian

Isang araw nag-yaya ng hindi inaasahan
Hindi tumigil sa text at tawagan

Kumain ng sabay
Nag-usap ng matagal

Bumiyahe ng magkahawak-kamay
Umakyat ng bundok at nakaalalay

Spoiled sa paghatid at pagsundo
Tambayan ang mcdo

Gusto laging magkasama
Ayaw humiwalay sa isa’t-isa

Ang oras ay kay bilis pag magkapiling
Ang araw ay kay tagal pag malayo ang isa sa atin  

Isang araw nagtanong at nagtaka
Ano bang meron sa ating dalawa?
Higit pa ito sa magkaibigan
Mukhang nahulog na ng tuluyan

Pebrero 28 itinakda natin ang “tayo”
Minarkahan na ang ating kalendaryo

Hindi inaasahan.
Ni hindi pumasok kailanman sa isipan,
Na ang dating magkaibigan at magkaasaran
Sa huli ay magkakatuluyan

Salamat sa mga hindi inaasahan.
Hindi kita inaasahan,
Pero higit ka pa sa inasahan ko.
Jor Jun 2015
I.
Bakit ganun ang tadhana?
Lahat na ata aking ginawa.
Pero sakanya'y ito'y isang bula,
Naglalaho na lamang bigla.

II.
Bawat araw sa kalendaryo ko
Madiin kong iniekisan ang mga ito.
Para bilangin ang mga araw
Noong sa akin ikaw ay bumitaw.

III.
Bawat gabi humihikbi ako
Pagkawala mo'y di ko matanggap ng buo.
Ang amoy ng iyong damit,
Sa puso ko'y patuloy na kumakapit.

IV.
Dumating ang araw na, pag-gising ko
Nagpasya na ang puso’t isip ko,
Na kalimutan ang isang tulad mo.
Para makalaya na'ko sa pang-gagago mo.

V.
Sa wakas! Sa loob ng ‘sandaang araw
Amoy mo'y sa puso ko'y bumitaw.
Sinunog ko na rin ang kalendaryong
Nagsilbing ala-alang saking pagiging tanga!
070616 #ElNido #BHouse #JGH

May gusot sa kalendaryo ng puso,
Kaya't muli kong binalikan ang eksaktong petsa.
May punit ang pahina,
Kaya't kumuha ako ng pandikit
Para sa may lamat na larawan.

Taong dalawang libo't labing-apat,
Nalalabi ang oras sa libingan.
Hinukay ko sa'king memorya,
Baka sakaling ang ugat ay may nutrisyon na.

Dinampian ko ang sarili ng panyong maputi,
Sigurado akong hindi na mamantsyahan pa.
Pero pagsilip ko'y may misteryong bumalandra,
Ngalan mo'y nakaukit pa rin pala sa tadhana.
"Kailanma'y hindi ako sumuko sayo, bagkus ako'y sumukob sa mistulang hindi payak na istilo ng pag-ibig --- ang paghihintay."
gagawin kong orasan ang bawat tibok ng puso ko
habang nag aabang sa pagbalik mo
sa bawat araw, minuto, segundo
pikit puso sa pag-ikot ng mundo

gagawin kong kalendaryo ang aking bawat hininga
habang umaasang sasaya pa
sa bawat buwan, taon, dekada
pikit utak akong iibigin ka

asan ka nga ba? aasa pa nga ba?
kung bawat luha'y sa hangin nilista
nakikita pero walang halaga

asan ka nga ba aasa pa nga ba?
kung bawat sigaw ay buntong hininga
narinig pero lumipas na

wag mo na intidihin, wala kang dapat gawin
nasisiraan lang ng bait, di na dapat pansinin
malalaman ko din kung ano ang gagawin
sa kanluran ang araw ay sisikat din
Mauubos na naman ang mga pahina ng kalendaryo,
Sabay-sabay nating pupunitin
Kalakip ang bawat pangakong
Akala nating matutupad sa kasalukuyan.


Gayunpaman, ang lahat ng ating tinatamasa’y
Tunay ngang may iisang Tagapagbigay ng Biyaya..
Mag-iba man ang anyo ng Kanyang pag-ibig,
Mag-iba man ang ihip ng hangin,
Maging mitsa man ang mga delubyo
Ng saklolo sa pawang dalampasigan at kabundukan,
Ay Hindi pa rin titigil ang ating pagsamba.

Naubos na ang mga taong nagsasabit ng parol
Sa kani-kanilang tahana’y
Patuloy pa rin ang ating pananampalatayang
Matatamasa natin ang mga pangako Niyang
Gaya ng mga bituing
Pahiwatig Nya Kay Abraham.

Ang bahaghari na naging simbolo ng iba’y
May iisa pa ring pangakong ibinabandera
Sa mga totoong may pananampalataya.
Tayo'y nagpapalit-anyo
Sa bawat pagsipat ng mga pagsubok,
Sa bawat pagsirit ng mga tanikalang
Akala ng dilim ay tutupok sa ating mga lampara
Habang tayo’y naghihintay —
Naghihintay sa pagbabalik ng ating Hari
Na Siya ring kabiyak ng ating kabuuan.

Sa bawat araw na lumipas at lilipas pa’y
Wag nating kalimutang
Ito ang taong tayo’y nagpatuloy
Sa ating pakikibaka sa kadiliman.
At tayo’y patuloy na bumangon
Sa kabila ng mga nakatatalisod
Na paghuhukom ng mundo.
kingjay Feb 2019
Itinadhanang magkasintahan
sa bituin walang puwang
Ang kapasyahan ng isa't isa ang
tanging magdudugtong upang
mabuo ang konstelasyon

Kasabay ng pagdiriwang ng
Bagong Taon ng dayuhan
Di magkatulad na kalendaryo
Pebrero ba ang unang buwan?

Unang pagtingin
Pangako na ginagatungan ng tiwala
Panghahawakan kung ano ang pinaniniwalaan
maging ito'y kapalaluan man

Ang simula ng panunuyo,
paghintay ng kasagutan
ay kapara ng bulaklak
na sa unang tubo mahalimuyak

Kung madaliin
dahil sa nagaganyakan
mabilis maupos
ang umaalab na kapusukan

Sapagkat iba ang nabigyan
pagkatapos hiningi
sa mga tinanggap na
pawang biyaya

Ganun din sa mga matiyaga
gaya ng mga langgam
Nagpapakahirap sa init ng araw
at nagdanas ng kabagutan ng panahon
bago nakamit ang kaginhawaan
Lilisanin ko ang sarili
Madatnan lamang ang espasyo
Kung saan tayo’y magtatagpo’t magtatapat —
Magtatapat ng ating mga pangakong
Kailanma’y hindi nanaising mapako.

Ang bawat hakbang
Ay magsisilbing aking pagpupunla
Hindi lamang ng aking wagas na pag-ibig
At dalisay na pananampalatang
Kakayanin natin ang mga susunod pang dekada,
Mga dekadang sabay na mamumuti
Ang ating mga buhok
At sabay na malalagas
Patungo kung saan man tayo nagmula.

Wala akong ibang nais na masilayan
Kundi ang mga mata **** sining sa aking paningin.
Ang ngiti **** sana’y manatiling
Matatamis na alaalang
Ikaw at ikaw pa rin ang aking pipiliin.

At sa mga oras na ang mga pahina na ng kalendaryo
Ang kusang magpatangay sa hangi’y
Nanaisin ko pa ring manatili
Sa mga akap **** pinili kong maging kanlungan
At ang magiging sigaw ng aking puso’t damdami’y
Papuri sa Unang Umibig sa atin
Bago pa man mag-krus ang ating mga landas.
kyleRemosil Jan 2019
Hating Gabi
Panibagong araw na nmn
Petsa sa kalendaryo ay nag iba na
Ngunit nananatiling madilim pa
Ganito talaga pag hindi ka kasama

Ang ganda pagmasdan
Ng mga bituin at ng buwan
Pero di parin sapat para pantayan
Ang liwanag na ibinibigay ng babaeng itinuturing kong araw at mamahalin ko magpakailan man

Pa usbong na ang umaga
Lumalalim na ang gabi
Ikaw lang gustong makasama
Ikaw lang ang nais makatabi
Ngunit parang di pa ipapatupad ng tadhana
At hindi pa yata pwede
Hindi pa natin pwedeng pagsaluhan Ang oras
Parang pinaghatian lang natin ang isang araw sayo ang umaga akin ang gabi

Ang makasama ka ay para bang bukang liwayway
Na ninanais ko ng matanaw at maabot
Ngunit ito’y matagal pa kaya nakakayamot
Ako ay nasa alas dose pa at hindi naman sa nag iinarte
Nakakalungkot lang na matatagalan pa ang bukang liwayway kasi nandito pa ako sa hating gabi
06302021

Saan nga ba tutungo ang mga salita?
Mga salitang mitsa ng mga ngiting abot-langit.
Mga salitang noon pa sana'y nabitawan
Mga salitang matagal na hinintay at ipinagdasal.

May mga alaalang akala ko'y nanatiling abo na.
At sa aking pagbabakasali noo'y
Baka nga kaya pang mag-krus ang mga landas
Sa daang ilang mga ekstranghero na ang nagdaan.

Sa bawat sandalyas na hindi tiyak ang pinagmulan,
Nangusap ang pusong wag muna't maghintay.
At habang nagbibilang ng mga rosas na pula'y
Mayroong nag-iisang puting isinaboy buhat sa kalangitan.

Sambit ko nga'y sana'y sapat na ang mga panahong binilang
Ngunit ang mga pahina sa kalendaryo'y tila ba naglagasan --
Naglagasan nang walang pasabi't
Nag-iwan ng mga luhang nag-uumapaw.

Natuklasan kong sa buhay na minsang ma'y lumilisan,
Minsan di'y may ilang babalik nang kusa.
Gaya ng tagsibol, ay magsisimulang mamulaklak muli
Ang mga rosas na akala kong nahimlay na sa libingan.
060821

Namuo ang mga luhang walang awat na nagpararamdam,
At sa kabila ng paghilot sa katauha'y
Daragsa ang hindi maintindihang elementong bumabalot sa liwanag.

Una,
Nasilayan ko ang larawan ng mag-inang minsang naging kabahgi ng akingnakaraan,
Kung saan naging bukas ang kanilang pintuan
Para sa mga kung anu-anong okasyon,
Mga pagpupulong na wala sa usapan,
Mga tawanang walang kabuluhan.

Ipinagkait ng pagkakataon ang paalam
Na sana man lamang ay naging harap-harapan.
At ang paalam na ito'y hindi malaman
Kung kailan ang simula at katapusan.

Pangalawa,
Sa pagitan ng pag-aaral at paghahanapbuhay
Ay namuti ang pangarap na lisanin ang kinasanayan.
Ngunit sa mismong araw ng kanyang paglilitis
Ay iba na pala ang nasa linya't nagbitaw ng mga salitang,
"Wala na sya."

Kinitil ang pangarap ng tadhana
At tuluyang naglaho ang alaala ng kanyang katauhan.

Pangatlo,
Sa apat na sulok ng pag-uusig
Ay naging bukas ang pagsalasat ng katotohanan buhat sa magkabilang panig.
Ang kanilang mga hain ay higit pa sa poot
Na may panghuhusgang bitbit at sigaw sa pula at sa puti.

Naubusan sila ng mga salita at nagtapos sa paghihiwalay
Ang kanilang mga ngitian at halakhakan,
At ang minsang pagbubunyi ay naging palitan
Ng liham ng paalam at katapusan.

Pang-apat,
Sa pagpunit ng bawat pahina ng kalendaryo
Ay nagwakas na rin ang kanilang pagkikita
Ang lihim ay idineklara't nagpaubaya na lamang sa Langit
Ang dalamhating tugon sa pag-ibig
Na sana'y may bukas at makalawa pa.

— The End —